84 Bible Verses About Morning

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Bible Verses About Morning
  1. 2 Makinig ka sa tunog ng aking panawagan, aking Hari at aking Diyos, dahil sa iyo ako nananalangin. 3 Yahweh, sa umaga naririnig mo ang aking iyak; sa umaga dadalhin ko ang aking kahilingan sa iyo at maghihintay nang may pananabik. 4 Tiyak ngang hindi ka ang Diyos na pinahihintulutan ang kasamaan; ang mga masasamang tao ay hindi mo magiging mga panauhin. 5 Ang mayabang ay hindi tatayo sa harapan mo; kinamumuhian mo ang lahat nang kumikilos nang masama. 6 Wawasakin mo ang mga sinungaling; hinahamak ni Yahweh ang mga mararahas at mandarayang mga tao. 7 Pero para sa akin, dahil sa iyong dakilang katapatan sa tipan, papasok ako sa iyong tahanan; sa paggalang, ako ay yuyuko sa dako ng iyong banal na templo. 8 O Panginoon, akayin mo ako sa iyong katuwiran dahil sa aking mga kaaway; gawin mong tuwid ang iyong landas sa harap ko.

  2. 21 Ngunit ito ang aking inaalala, at ito ang dahilang ako ay may pag-asa: 22 Ito ay sa pamamagitan ng katapatan sa kasunduan ni Yahweh kaya hindi tayo nalipol, sapagkat ang kaniyang mga kilos ng kahabagan ay hindi nagwakas. 23 Ang mga kilos ng kahabagan niya ay muling nagaganap sa bawat umaga, katapatan mo ay dakila! 24 “Si Yahweh ay aking mana,” sinabi ko sa aking sarili, kaya aasa ako sa kaniya.

  3. 1 Itinataas kita, Yahweh, dahil ibinangon mo ako at hindi pinahintulutan ang aking mga kalaban na magalak dahil sa akin. 2 Yahweh aking Diyos, humingi ako sa iyo ng tulong, at pinagaling mo ako. 3 Yahweh, hinango mo ang aking kaluluwa mula sa Sheol; pinanatili mo akong buhay mula sa pagbaba sa libingan. 4 Umawit ng mga papuri kay Yahweh, kayong bayan niyang matapat! Magbigay ng pasasalamat kapag naalaala ninyo ang kaniyang kabanalan. 5 Dahil ang kaniyang galit ay isang saglit lamang; pero ang kaniyang pabor ay panghabangbuhay. Ang pag-iyak ay dumarating sa gabi, pero ang kagalakan ay dumarating sa umaga.

  4. 8 Hayaan mong marinig ko ang iyong katapatan sa tipan sa umaga, dahil nagtitiwala ako sa iyo. Ipakita mo sa akin ang daan kung saan ako dapat lumakad, dahil itinataas ko ang aking kaluluwa sa iyo. 9 Sagipin mo ako mula sa aking mga kaaway, Yahweh; ako ay tumakas sa iyo para magtago. 10 Turuan mo ako na gawin ang iyong kalooban dahil ikaw ang aking Diyos. Nawa ang iyong mabuting Espiritu ay pangunahan ako sa lupain ng katuwiran.

  5. 16 Ako, si Jesus, ipinadala ko ang aking anghel para magpatotoo sa inyo tungkol sa mga bagay para sa mga iglesiya. Ako ang ugat at ang kaapu-apuhan ni David, ang maningning na Bituin sa Umaga.

  6. 35 Bumangon siya ng napaka-aga, habang madilim pa; umalis siya at pumunta sa isang lugar kung saan siya maaaring mapag-isa at nanalangin siya doon. 36 Hinanap siya ni Simon at ng mga kasama niyang naroon. 37 Natagpuan nila siya at sinabi sa kaniya, “Naghahanap ang lahat sa iyo.”

    38 Sinabi niya, “Pumunta tayo sa ibang lugar, sa mga nakapaligid na mga bayan upang makapangaral din ako doon. Iyon ang dahilan kaya ako naparito.” 39 Pumunta siya sa lahat ng dako ng Galilea, nangangaral sa mga sinagoga at nagpapalayas ng mga demonyo.

  7. 16 Pero aawit ako tungkol sa iyong kalakasan; dahil ikaw ang naging matayog kong tore at isang kublihan sa araw ng aking kapighatian. 17 Sa iyo, aking kalakasan, aawit ako ng mga papuri; dahil ang aking Diyos ang aking matayog na tore, ang Diyos ng katapatan sa tipan.

  8. 12 Kaya turuan mo kaming isaalang-alang ang aming buhay para mamuhay kami ng may karunungan. 13 Bumalik ka, Yahweh! Gaano pa ba katagal? Maawa ka sa iyong mga lingkod. 14 Bigyan mo kami sa umaga ng kasiyahan sa iyong katapatan sa tipan para magsaya kami at magalak sa lahat ng mga araw namin. 15 Hayaan mo kaming magalak katumbas ng mga araw nang sinaktan mo kami at sa mga taon na nakaranas kami ng suliranin. 16 Hayaan mong makita ng iyong mga lingkod ang iyong mga gawa, at hayaang makita ng aming mga anak ang iyong kaluwalhatian. 17 Nawa ang pabor ng Panginoon ay mapasaamin; pasaganahin ang gawa ng aming mga kamay; tunay nga, pasaganahin mo ang gawa ng aming mga kamay.

  9. 76 Oo, at ikaw, anak, ay tatawaging propeta ng Kataas-taasan, sapagkat ikaw ay mauuna sa Panginoon upang ihanda ang kaniyang mga daraanan, upang ihanda ang mga tao sa kaniyang pagdating, 77 upang magbigay kaalaman ng kaligtasan sa kaniyang mga tao sa pamamagitan ng kapatawaran ng kanilang mga kasalanan. 78 Mangyayari ito dahil sa dakilang habag ng ating Diyos, dahil dito ay dumarating sa atin ang pagsikat ng araw mula sa itaas, 79 upang magliwanag sa kanila na nakaupo sa kadiliman at sa anino ng kamatayan. Gagawin niya ito upang gabayan ang ating mga paa sa daan ng kapayapaan.”

    80 Ngayon ang bata ay lumaki at naging malakas sa espiritu, at siya ay nasa ilang hanggang sa kaniyang pagharap sa Israel.

  10. 12 Binuksan mo na ba, buhat noong nagsimula ang iyong mga araw, na magbigay ng utos na magsimula ang umaga, at idulot ang bukang-liwayway na malaman ang lugar nito sa takbo ng mundo, 13 para mahawakan nito ang mga dako ng mundo para yanigin ang mga masasamang tao?

  11. 26 Ang isa na siyang nakalupig at siyang gumagawa ng mga ginawa ko hanggang sa huli, sa kaniya ko ibibigay ang kapangyarihan sa ibabaw ng mga bansa. 27 Siya ay mamumuno sa kanila gamit ang tungkod na bakal, sila ay dudurugin niya gaya ng mga palayok.' 28 Gaya ng aking tinanggap mula sa aking Ama, ibibigay ko rin sa kaniya ang bituin sa umaga.

  12. 1 Noong simula nilikha ng Diyos ang langit at ang lupa.

    2 Ang lupa ay walang anyo at walang laman. Ang kadiliman ay nasa ibabaw ng kalaliman. Ang Espiritu ng Diyos ay kumikilos sa ibabaw ng katubigan.

    3 Sinabi ng Diyos, ''Magkaroon ng liwanag” at nagkaroon ng liwanag. 4 Nakita ng Diyos na ang liwanag ay kaaya-aya. Hiniwalay niya ang liwanag mula sa kadiliman. 5 Tinawag ng Diyos ang liwanag na “araw,” at ang kadiliman ay tinawag niyang “gabi”. Naggabi at nag-umaga, ito ang unang araw.

  13. 19 Nasa amin ang mga salitang ipinahayag ng mga propeta at ito ay lalong tiyak, ito ay mabuting pag-ukulan ninyo ng pansin. Ito ay tulad ng isang lampara na nagliliwanag sa madilim na lugar hanggang dumating ang umaga at ang mga bituin sa umaga ay sisikat sa inyong mga puso. 20 Una ninyong alamin ito, na ang nasusulat na propesiya ay hindi nagmula sa mismong pangangatwiran ng propeta.

  14. 13 Pero dumadaing ako sa iyo, Yahweh; sa umaga ay idinudulog ko sa iyong harapan ang aking mga panalangin.

  15. 4 Nasaan ka nang inilatag ko ang pundasyon ng mundo? Sabihin mo sa akin, kung mayroon kang labis na kaunawaan. 5 Sino ang nakaaalam ng lawak nito? Sabihin mo sa akin, kung alam mo. Sino ang nag-unat ng panukat dito? 6 Saan nakalatag ang mga pundasyon nito? Sino ang naglatag ng mga panulukang-bato nito 7 nang magkakasamang kumanta ang mga bituin sa umaga at sumigaw sa galak ang lahat ng mga anak ng Diyos?

  16. 24 Ito ang araw na kumilos si Yahweh; tayo ay magalak at magsaya.

  17. 4 Binigyan ako ng Panginoong si Yahweh ng dila na katulad ng mga marunong, kaya nagsasabi ako ng nakakatulong na salita sa napapagod; ginigising niya ako bawat umaga; ginigising niya ang tainga ko para makarinig tulad ng mga marunong. 5 Binuksan ng Panginoong si Yahweh ang aking tainga, at hindi ako mapaghimagsik, maging ang tumalikod.

  18. 3 Kaya maagang bumangon kinaumagahan si Abraham, inihanda ang kanyang asno, at isinama ang dalawa sa kanyang mga kabataang lalaki, kasama si Isaac na kanyang anak. Nagsibak siya ng kahoy para sa handog na susunugin, at naglakbay patungo sa lugar na sinabi ng Diyos sa kanya.

  19. 16 Si Jacob ay nagising mula sa kanyang pagtulog at sinabi nya, “Tunay nga na si Yahweh ay nasa lugar na ito, at hindi ko iyon alam.” 17 Natakot siya at nagsabi, “Nakakikilabot naman ang lugar na ito! Ito ay walang iba kundi ang tahanan ng Diyos. Ito ang tarangkahan ng langit.”

    18 Bumangon si Jacob kinaumagahan at kinuha ang batong inilagay niya sa ilalim ng kaniyang ulo. Itinayo niya ito bilang isang haligi at nagbuhos ng langis sa ibabaw nito. 19 Tinawag niya ang pangalan ng lugar na iyon na Bethel, pero ang dating pangalan ng lungsod na iyon ay Luz.

  20. 8 Sila na nabubuhay sa dulong bahagi ng mundo ay matatakot sa katibayan ng iyong mga gawa; pinapasaya mo ang silangan at kanluran.

  21. 147 Bumabangon ako bago sumikat ang araw at humihingi ng tulong. Umaasa ako sa mga salita mo.

  22. 5 Naghihintay ako para kay Yahweh, naghihintay ang aking kaluluwa, at sa kaniyang salita ako ay umaasa. 6 Naghihintay ang aking kaluluwa para sa Panginoon ng higit kaysa sa tagabantay na naghihintay na mag-umaga. 7 O Israel, umasa ka kay Yahweh. Si Yahweh ay maawain, at siya ay labis na nagnanais magpatawad. 8 Siya ang tutubos sa Israel mula sa lahat ng kanilang mga kasalanan.

  23. 38 Dapat kang maghandog palagi ng dalawang tupa na isang taon ang gulang doon sa altar araw-araw. 39 Dapat kang maghandog ng isang tupa sa umaga, at ang isang tupa ay ihandog mo sa paglubog ng araw. 40 Kasama ang unang tupa, maghandog ng ikasampu ng epa ng pinong harina na hinaluan ng ikaapat na bahagi ng hin ng langis galing sa pinigang olibo, at ang ikaapat na bahagi ng hin ng alak bilang inuming handog.

  24. 6 Sa umaga, itanim mo ang binhi; hanggang sa gabi, magtrabaho ka gamit ang iyong mga kamay ayon sa pangangailangan, dahil hindi mo alam kung alin ang sasagana, umaga man o gabi, o ito o iyan, o pareho man silang magiging mabuti.

  25. 28 Nalalaman natin na sa mga nagmamahal sa Diyos, sa lahat ng bagay gumagawa siya para sa ikabubuti, ng mga tinawag ayon sa kaniyang layunin. 29 Dahil ang mga kilala na niya noong una pa man, ay itinalaga din niya na matulad sa imahe ng kaniyang Anak, upang siya ang maging panganay sa maraming magkakapatid. 30 Ang kaniyang mga itinalaga, sila rin ang kaniyang mga tinawag. Ang kaniyang mga tinawag, sila rin ang kaniyang mga pinawalang-sala. Ang kaniyang mga pinawalang-sala, kaniya ring niluwalhati.

    31 Ano ngayon ang sasabihin natin sa mga bagay na ito? Kung ang Diyos ay para sa atin, sino ang laban sa atin? 32 Siya na hindi ipinagkait ang kaniyang sariling Anak ngunit ibinigay niya para sa ating lahat, paanong hindi niya rin ibibigay sa atin ng libre ang lahat ng bagay?

  26. 8 Tinawag ng Diyos ang puwang na “langit.” Naggabi at nag-umaga, ito ang ikalawang araw.

  27. 27 Bumangon si Abraham nang maaga at nagpunta sa lugar kung saan siya tumayo sa harapan ni Yahweh. 28 Tumingin siya sa baba sa Sodoma at Gomora at sa lahat ng lupain ng kapatagan. Nakita niya at namasdan ang usok na umaakyat mula sa lupa na katulad ng usok sa isang pugon.

  28. 13 Kinabukasan umupo si Moises para hatulan ang mga tao. Tumayo ang mga tao sa palibot ni Moises, mula umaga hanggang gabi. 14 Nang nakita ni Jetro ang lahat ng ginawa ni Moises para sa bayan, sinabi niya, “Ano ba itong ginawa mo sa bayan? Bakit nauupo kang mag-isa at ang lahat ng tao ay nakatayo na nakapalibot sa iyo mula umaga hanggang gabi?”

  29. 4 Ano ang gagawin ko sa inyo, Efraim? Ano ang gagawin ko sa inyo, Juda. Ang inyong katapatan ay tulad ng ulap sa umaga, tulad ng hamog na mabilis na nawawala.

  30. 1 Lumapit ang mga Pariseo at Saduseo at sinubok si Jesus sa pamamagitan ng paghingi sa kaniya na ipakita sa kanila ang isang palatandaan mula sa langit.

    2 Ngunit sumagot siya at sinabi sa kanila, “Pagsapit ng gabi, sasabihin ninyo. 'Magiging maganda ang panahon, sapagkat pula ang kalangitan.' 3 At sasabihin ninyo sa umaga, 'Hindi magiging maganda ang panahon ngayon, sapagkat ang langit ay pula at maulap.' Alam ninyo kung paano bigyan ng kahulugan ang anyo ng langit, ngunit hindi ninyo kayang bigyang kahulugan ang mga palatandaan ng mga panahon. 4 Maghahanap ng palatandaan ang mga masama at mapang-apid na salinlahi, ngunit walang maibibigay na palatandaan sa kanila maliban sa palatandaan ni Jonas.” Pagkatapos ay iniwan sila ni Jesus at umalis.

  31. 2 Maghanda ka sa umaga at umakyat ka sa Bundok ng Sinai, at ipakita mo roon ang iyong sarili sa akin sa tuktok ng bundok. 3 Walang sinumang aakyat kasama mo. Huwag mong hayaang kahit sino na makita kahit saan sa bundok. Walang mga kawan o pangkat ng mga hayop ang dapat manginain sa harap ng bundok”.

    4 Kaya pumutol si Moises ng dalawang tipak ng bato katulad sa mga nauna, at maaga siyang bumangon sa umaga at umakyat sa Bundok Sinai, ayon sa tagubilin ni Yahweh sa kaniya. Kinarga ni Moises ang mga tipak ng bato na nasa kaniyang kamay.

  32. 1 Ngayon, ito ang mga huling sinabi ni David—David na lalaking anak ni Jesse, ang taong mataas na kinikilala, ang siyang pinahiran ng langis ng Diyos ni Jacob, ang matamis na manunulat ng awit ng Israel. 2 “Nangusap sa pamamagitan ko ang Espiritu ni Yahweh at nasa aking dila ang kaniyang salita. 3 Sinabi ng Diyos ng Israel, sinabi ng Bato ng Israel sa akin, 'Ang isang namumuno nang makatarungan sa mga tao, namumuno ng may takot sa Diyos. 4 Siya ay magiging tulad ng liwanag sa umaga sa pagsikat ng araw, isang umaga na walang mga ulap, sa pag-usbong ng malambot na mga damo mula sa lupa sa pamamagitan nang maliwanag na sinag ng araw pagkatapos ng ulan. 5 Tunay nga, hindi ba gaya nito ang aking sambahayan sa harapan ng Diyos? Hindi ba gumawa siya ng tipan sa akin na walang hanggan, maayos at tiyak sa kahit na anong paraan? Hindi ba pinalago niya ang aking kaligtasan at tinupad ang aking bawat naisin? 6 Pero ang lahat ng mga walang kabuluhan, magiging katulad ng mga tinik na itatapon, dahil walang mga kamay ang makakapagtipon sa kanila. 7 Ang taong gagalaw sa kanila, kailangang gumamit ng kasangkapang bakal o tungkod ng sibat. Kailangan silang tupukin kung saan sila nakakalat.'”

  33. 12 Paano ka nahulog mula sa kalangitan, ikaw na bituin sa araw, anak ng umaga! Paano ka naputol sa lupa, ikaw na sumakop sa mga bansa!

  34. 12 Sa sambahayan ni David, sinasabi ni Yahweh, 'Magdala ka ng katarungan sa umaga. Iligtas ang isang ninakawan sa kamay ng mapang-api, kung hindi lalabas ang aking matinding galit na kagaya ng apoy at magliliyab. Dahil walang makakaapula nito dahil sa masama ninyong mga gawain.

  35. 1 Sapagkat ang kaharian ng langit ay tulad sa isang nagmamay-ari ng lupain, na lumabas ng maagang-maaga upang umupa ng mga manggagawa para sa kaniyang ubasan.

  36. 1 Nang matapos ang Araw ng Pamamahinga, si Maria Magdalena, si Mariang ina ni Santiago, at si Salome ay bumili ng pabango upang makapunta sila at mapahiran ang katawan ni Jesus para sa paglilibing. 2 Maagang-maaga sa unang araw ng linggo, nang sumikat ang araw pumunta sila sa libingan. 3 Sinabi nila sa isa't isa, “Sino ang magpapagulong ng bato ng pasukan ng libingan para sa atin?” 4 Nang tumingin sila sa itaas, nakita nila na mayroon ng nagpagulong ng bato na napakalaki.

    5 Pumasok sila sa libingan at nakita nila ang isang binatang nakasuot ng puting balabal, nakaupo sa gawing kanan at namangha sila. 6 Sinabi niya sa kanila, “Huwag kayong matakot. Hinahanap ninyo si Jesus, ang taga-Nazaret na ipinako sa krus. Bumangon na siya! Wala siya rito. Tingnan ninyo kung saan siya inilagay. 7 Ngunit humayo kayo, sabihin ninyo sa kaniyang mga alagad at kay Pedro na mauuna siyang pupunta sa inyo sa Galilea. Doon makikita ninyo siya, gaya ng sinabi niya sa inyo.”

    8 Lumabas sila at tumakbo mula sa libingan; natakot sila at namangha. Wala silang sinabi sa sinuman dahil matindi ang kanilang takot.

  37. 26 At kanilang kinuha ang toro na nakalaan sa kanila at inihanda ito, at tinawag ang pangalan ni Baal mula umaga hanggang sa katanghaliang tapat, sinasabi, “Baal, pakinggan mo kami. “Pero walang tinig, o sinumang sumagot. Sila ay nagsayaw sa paligid ng altar na kanilang ginawa.

  38. 1 Ito ay isang mabuting bagay para magbigay ng pasasalamat kay Yahweh at para umawit ng papuri sa iyong ngalan, Kataas-taasan, 2 para ipahayag ang iyong katapatan sa tipan sa umaga at ang iyong katotohanan tuwing gabi, 3 na may alpa na may sampung kuwerdas at may himig ng lira.

  39. 2 Yahweh, maging maawain ka sa amin; maghihintay kami para sa iyo; maging aming bisig tuwing umaga, aming kaligtasan sa panahon ng kaguluhan.

  40. 1 Maagang bumangon si Josue, at umalis sila mula sa Sittim. Dumating sila sa Jordan, siya at ang lahat ng bayan ng Israel, at nagkampo sila roon bago sila tumawid.

  41. 4 Ngunit nang nagising sila nang maaga ng sumunod na umaga, tingnan ninyo, natumba paharap sa lupa ang Dagon sa harapan ng kaban ni Yahweh. Ang ulo ng Dagon at kanyang dalawang kamay ay putol na naroon sa pintuan. Katawan lamang ng Dagon ang naiwan.

  42. 4 Ipaalam mo sa akin ang iyong mga kaparaanan, Yahweh, ituro mo sa akin ang iyong mga landas. 5 Patnubayan mo ako sa iyong katotohanan at turuan mo ako, dahil ikaw ang Diyos ng aking kaligtasan; Ako ay umaasa sa iyo buong araw.

  43. 7 Ang aking puso ay naninindigan, O Diyos, ang aking puso ay naninindigan; aawit ako, oo, aawit ako ng mga papuri. 8 Gumising ka, marangal kong puso; gumising kayo, plauta at alpa; gigisingin ko ang bukang-liwayway. 9 Magpapasalamat ako sa iyo, Panginoon, sa gitna ng mga tao; aawit ako sa iyo ng mga papuri sa gitna ng mga bansa. 10 Dahil ang iyong katapatan sa tipan ay dakila sa kalangitan at ang iyong pagiging mapagkakatiwalaan ay umaabot sa himpapawid.

  44. 2 Kinaumagahan, pumunta siyang muli sa templo, at lahat ng mga tao ay pumunta sa kaniya; umupo siya at tinuruan sila.

  45. 8 Bumangon si Abimelech nang maaga at pinapunta ang lahat ng kanyang lingkod sa kanya. Sinabi niya ang lahat ng mga bagay na ito sa kanila, at matinding takot ang naramdaman ng kanyang mga lingkod.

  46. 25 Kinaumagahan, nagulat siya, dahil si Lea ang kasama niya! Sinabi ni Jacob kay Laban, “Ano ba itong ginawa mo sa akin?” Hindi ba nanilbihan ako sa iyo para kay Raquel? Bakit dinaya mo ako?”

  47. 55 Madaling araw pa bumangon si Laban, hinalikan ang kanyang mga apong lalaki at mga anak na babae at pinagpala sila. Pagkatapos umalis si Laban at bumalik sa kanyang tahanan.

  48. 20 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Gumising ka ng maaga at tumayo sa harapan ni Paraon habang siya ay papunta ng ilog. Sabihin mo sa kaniya, 'Ito ang sinabi ni Yahweh: “Hayaan mong umalis ang aking bayan para sila ay sumamba sa akin.

  49. 13 Pagkatapos sinabi ni Yahweh kay Moises, “Gumising ka ng maaga, tumayo ka sa harapan ni Paraon, at sabihin sa kaniya, 'si Yahweh, ang Diyos ng mga Hebreo, sinasabi ito: “Hayaan mong umalis ang aking bayan para maari silang sumamba sa akin.

  50. 13 Magbibigay rin kayo araw-araw ng isang walang kapintasang kordero na isang taong gulang bilang handog na susunugin para kay Yahweh. Gagawin ninyo ito tuwing umaga. 14 At magbibigay kayo ng isang handog na butil kasama nito tuwing umaga, ikaanim na bahagi ng isang efa at ikatlong hin ng langis upang basain ang harina ng handog na butil para kay Yahweh, ayon sa panuntunang hindi maaaring baguhin. 15 Ihahanda nila ang kordero, ang handog na butil at ang langis tuwing umaga bilang isang permanenteng handog na susunugin.

  51. 34 Kaya huwag kayong mabahala sa kinabukasan, sapagkat ang bukas ang mababahala sa kaniyang sarili. Ang bawat araw ay may sapat na sariliing kaguluhan.

  52. 1 Ngayon, nang dumating na ang umaga, ang lahat ng mga punong pari, at mga nakatatanda ng mga tao ay nagsabwatan laban kay Jesus upang siya ay patayin.

  53. 23 Nang sila ay nagtakda ng araw para sa kaniya, maraming tao ang lumapit sa kaniya sa lugar na kaniyang tinitirhan. Iniharap niya ang mga bagay sa kanila, at nagpatotoo tungkol sa kaharian ng Dios. Sinubukan niyang himukin sila patungkol kay Jesus, ayon sa batas ni Moises at sa mga propetanasabi, niya, mula umaga hanggang gabi.

    24 Ang ilan ay nahikayat patungkol sa mga bagay na habang ang iba ay hindi naniwala. 25 Nang sila ay hindi sumang-ayon sa isa't isa, umalis sila pagkatapos magsabi ni Pablo ng isang salita. “Ang Banal na Espiritu ay nangusap ng maayos sa pamamagitan ni Isaias ang propeta ng ating mga ninuno. 26 Sinabi niya, 'Pumunta ka sa mga taong ito at sabihin, “Sa pamamagitan ng pakikinig kayo ay makakarinig, ngunit hindi ninyo maintindihan; At sa paningin kayo ay makakakita, ngunit hindi mamamalas. 27 Sapagka’t ang puso ng mga taong ito ay naging mahina ang kanilang tainga ay nahihirapang makarinig, ipinikit nila ang kanilang mga mata; ni ayaw makita ng kanilang mga mata, at marinig ng kanilang mga tainga, at maintindihan ng kanilang mga puso, At tumalikod muli at sila'y aking pagagalingin.””

  54. 13 Naggabi at nag-umaga, ito ang ikatlong araw.

  55. 19 Naggabi at nag-umaga, ito ang ikaapat na araw.

  56. 8 Kinaumagahan ay nabagabag ang kaniyang espiritu. Pinapunta niya at pinatawag ang lahat ng mga salamangkero at mga pantas ng Ehipto. Sinabi sa kanila ni Paraon ng kaniyang mga panaginip, pero walang ni isa ang makapagpaliwanag ng mga iyon kay Paraon.

  57. 15 Pumunta ka kay Paraon sa umaga kapag lumabas siya papunta sa tubig. Tumayo ka sa pampang ng ilog para salabungin siya, at hawakan ang tungkod na naging ahas sa iyong kamay.

  58. 7 Sa umaga ay makikita ninyo ang kaluwalhatian ni Yahweh, dahil naririnig niya ang inyong pagrereklamo laban sa kaniya. Sino ba kami para kayo ay magreklamo laban sa amin?”

    8 Sinabi rin ni Moises, “Malalaman ninyo ito kapag binigyan kayo ni Yahweh ng karne sa gabi at tinapay sa umaga na sagana—dahil narinig niya ang mga reklamo na sinabi ninyo laban sa kanya. Sino ba si Aaron at ako? Ang inyong mga reklamo ay hindi laban sa amin; ang mga iyon ay laban kay Yahweh.”

  59. 21 Sa tolda ng pagpupulong, sa labas ng kurtina na nasa harapan ng tipan ng kautusan, si Aaron at kaniyang mga anak na lalaki ay dapat panatilihin ang mga ilawan mula sa gabi hanggang sa umaga sa harapan ni Yahweh. Ang utos na ito ay magiging isang walang hanggang kautusan magpakailanman sa buong mga salinlahi sa bansa ng Israel.

  60. 21 Minsan naroroon ang ulap sa kampo mula gabi hanggang sa umaga. Kapag tumataas ang ulap sa umaga, maglalakbay sila. Kung magpapatuloy ito ng isang araw at isang gabi, kapag tumaas lamang ang ulap na sila ay magpapatuloy sa paglalakbay.

  61. 10 Bumangon ng madaling araw si Josue at inihanda ang kaniyang mga sundalo, si Josue at ang mga nakatatanda ng Israel, at sinalakay nila ang bayan ng Ai. 11 Lahat ng lumalaban na kalalakihan ay umakyat at nilapitan ang lungsod. Lumapit sila sa lungsod at nagkampo sa hilagang dako ng Ai. Ngayon mayroong isang lambak sa pagitan nila at Ai.

    12 Kinuha niya ang humigit-kumulang ng limang libong kalalakihan at itinakda sila sa pananambang sa kanlurang dako ng lungsod sa pagitan ng Bethel at Ai. 13 Ipinuwesto nila ang lahat ng sundalo, ang mga pangunahing hukbo sa hilagang dako ng lungsod, at ang likurang bantay sa kanlurang dako ng lungsod. Nagpalipas ng gabing si Josue sa lambak.

    14 Nangyari ito nang nakita ng hari ng Ai, siya at kaniyang hukbo ay bumangon ng maaga at nagmadaling lumabas para salakayin ang Israel sa lugar na nakaharap patungo sa lambak ng Ilog Jordan. Hindi niya alam na naghihintay ang isang pananambang para sumalakay mula sa likuran ng lungsod.

  62. 5 Pagkatapos ng mga araw ng pista, sila ay ipinapatawag at muli silang itatalaga ni Job sa Diyos. Babangon siya nang maagang-maaga at mag-aalay ng sinunog na handog para sa bawat kaniyang mga anak, dahil iniisip niya na, “Marahil nagkasala ang aking mga anak at isinumpa ang Diyos sa kanilang mga puso.” Ito ay laging ginagawa ni Job.

  63. 9 Hayaan na ang mga bituin sa hating-gabi ay magdilim. Hayaan na maghanap ng liwanag ang araw na iyon pero walang matagpuan, o kaya ang mga talukap ng mga mata ay huwag nang makakita ng bukang liwayway,

  64. 17 Magsusumbong ako at dadaing sa gabi, sa umaga at sa tanghaling tapat; maririnig niya ang aking tinig. 18 Ligtas niyang sasagipin ang aking buhay mula sa digmaang laban sa akin, dahil marami silang mga lumaban sa akin.

  65. 8 Pagkatapos ang inyong liwanag ay magbubukas tulad ng pagsikat ng araw, at mabilis na manunumbalik ang inyong kagalingan; pangungunahan kayo ng inyong katuwiran, at ang kaluwalhatian ni Yahweh ay maaari ninyong maging bantay sa inyong likuran.

  66. 16 Magalak kayo lagi. 17 Manalangin ng walang patid. 18 Magpasalamat kayo sa lahat ng bagay. Sapagkat ito ang kalooban ng Diyos para sa inyo kay Cristo Jesus.

  67. 15 Nang mag-uumaga na, inudyakan ng mga anghel si Lot at sinabi, “Umalis ka na, kunin mo ang iyong asawa at dalawang anak na babae na narito, para hindi kayo maisama sa kaparusahan ng lungsod.”

  68. 31 Bumangon sila ng maaga kinabukasan at sila ay nagsumpaan sa bawat isa. Pagkatapos pinaalis sila ni Isaac, at siya ay iniwan nila ng mapayapa.

  69. 21 Sila ay nagtipon niyon kada umaga. Bawat tao ay nagtipon ng tama lang kainin para sa araw na iyon. Nang uminit ang araw, ito ay natunaw.

  70. 3 Tinanggap nila mula kay Moises ang lahat ng handog na dinala ng mga Israelita sa paggawa ng banal na lugar. Patuloy ang mga tao sa pagdadala ng mga handog na kusang-loob sa bawat umaga.

  71. 12 Pananatilihing umaapoy ang apoy sa ibabaw ng altar. Hindi ito dapat mamatay, at ang pari ay magsusunog ng kahoy sa ibabaw nito tuwing umaga. Aayusin niya ang handog na pambayad para sa kasalanan ayon sa pangangailangan nito, at kaniyang susunugin dito ang taba ng mga handog pangkapayapaan.

  72. 5 Nagsalita siya kay Korah at sa lahat ng kaniyang pangkat; sinabi niya, “Sa kinaumagahan, ipapakita ni Yahweh kung sino ang kaniya, at kung sino ang inilaan kay Yahweh. Dadalhin niya sa kaniya ang taong pipiliin niya. Dadalhin siya ni Yahweh sa kaniyang sarili.

  73. 21 Kinaumagahan tumayo si Balaam, nilagyan niya ng upuan ang kaniyang asno at sumama sa mga pinuno ng Moab.

  74. 15 Maaga silang gumising nang magbubukang liwayway nang ikapitong araw at nagmartsa sila palibot ng lungsod ayon sa nakasanayan nila, sa pagkakataong ito pitong ulit. Sa araw na ito sila nagmartsa palibot ng slungsod nang pitong ulit.

  75. 14 Sa umaga, dapat ninyong ipakita ang inyong sarili sa pamamagitan ng inyong mga lipi. Ang lipi na pinili ni Yahweh ay manggagaling malapit sa kanilang mga angkan. Dapat lumapit ang angkan na pinili ni Yahweh sa bawat sambahayan. Dapat lumapit ang sambahayan na pinili ni Yahweh.

  76. 28 Kinabukasan nang bumangon ang kalalakihan ng bayan, ang altar ni Baal ay nawasak, at ang Asera na nasa tabi nito ay nabuwal, at ang pangalawang toro na inalay sa altar na naisagawa.

  77. 20 Bumangon si David ng maaga kinaumagahan at iniwan ang kawan ng tupa sa pangangalaga ng isang pastol. Kinuha niya ang mga gamit at umalis, gaya ng iniutos ni Jesse sa kanya. Pumunta siya sa kampo habang lumalabas ang hukbo sa larangan ng digmaan na isinisigaw ang sigaw pandigma.

  78. 18 Kumikislap ang liwanag mula sa kaniyang pagsinghal; ang kaniyang mga mata ay tulad ng talukap ng bukang-liwayway.

  79. 10 Dahil ang isang araw sa iyong patyo ay mas mabuti kaysa isang libo sa ibang dako. Mas nanaisin kong maging bantay sa pinto ng tahanan ng aking Diyos, kaysa mabuhay sa tolda ng mga masasama. 11 Dahil si Yahweh na Diyos ay ang ating araw at kalasag; si Yahweh ay magbibigay ng biyaya at kaluwalhatian; hindi niya pinagkakait ang anumang mabuting bagay mula sa lumalakad na may dangal.

  80. 11 Turuan mo ako ng iyong mga pamamaraan, Yahweh. At ako ay lalakad sa iyong katotohanan. Pag-isahin mo ang aking puso sa pagsamba sa iyo. 12 Panginoon aking Diyos, pupurihin kita ng buong puso, luluwalhatiin ko ang iyong pangalan magpakailanman. 13 Dahil dakila ang iyong katapatan sa tipan para sa akin, iniligtas mo ang aking buhay mula sa kailaliman ng sheol.

  81. 5 Matuwid si Yahweh sa kaniyang kalagitnaan! Wala siyang ginagawang mali! Araw-araw niyang ibinibigay ang kaniyang katarungan! Hindi ito maitatago sa liwanag ngunit hindi nahihiya ang mga makasalanan!

  82. 18 Nang sumapit na ang araw, gulong-gulo ang mga kawal tungkol sa nangyari kay Pedro.

  83. 12 Palipas na ang gabi at malapit ng mag-umaga. Kaya iisantabi natin ang mga gawa ng kadiliman, at ating isuot ang baluti ng liwanag.

  84. 13 Ngayon nawa ang Diyos ng pagtitiwala ay punuin kayo ng buong kagalakan at kapayapaan sa inyong paniniwala, upang kayo ay managana sa pagtitiwala sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu.