77 Bible Verses About Giving Thanks
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
-
15 Siguraduhin ninyo na walang sinuman ang gaganti ng masama para sa masama sa sino man. Sa halip, pagsikapang matamo ang makakabuti sa bawat isa at para sa lahat.
16 Magalak kayo lagi. 17 Manalangin ng walang patid. 18 Magpasalamat kayo sa lahat ng bagay. Sapagkat ito ang kalooban ng Diyos para sa inyo kay Cristo Jesus.
-
15 Hayaang maghari sa inyong mga puso ang kapayapaan ni Cristo. Para sa kapayapaang ito kaya tinawag kayo sa iisang katawan. Maging mapagpasalamat kayo.
16 Hayaang mamuhay ang salita ni Cristo ng masagana sa inyo. Buong karunungang turuan at pagsabihan ninyo ang isa't isa sa pamamagitan ng salmo at himno, at mga awiting espiritwal. Umawit kayo ng may pasasalamat sa inyong mga puso para sa Diyos. 17 At anuman ang inyong ginagawa sa salita man o sa gawa, gawin ninyo ang lahat sa pangalan ng Panginoong Jesus. Magpasalamat sa Diyos Ama sa pamamagitan niya.
-
10 Ang nagbibigay ng binhi sa nagtatanim at tinapay para sa pagkain, ay magbibigay din at pararamihin ang inyong binhi para sa pagtatanim. Pararamihin niya ang ani ng inyong katuwiran. 11 Pasasaganahin niya kayo sa lahat ng paraan upang maging mapagbigay kayo. Magdadala ito ng pasasalamat sa Diyos mula sa amin. 12 Sapagkat ang pangangasiwa sa gawaing ito ay hindi lang makakatugon sa mga pangangailangan ng mga mananampalataya. Ito rin ay nagpaparami sa maraming gawaing ng pasasalamat sa Diyos.
13 Dahil sa nasubok na kayo at napatunayan ng gawaing ito, luluwalhatiin rin ninyo ang Diyos sa pagsunod sa inyong pagpapahayag sa ebanghelyo ni Cristo. Luluwalhatiin rin ninyo ang Diyos sa kasaganaan ng inyong mayamang handog sa kanila at sa bawat isa. 14 Nananabik sila sa inyo, at ipinapanalangin nila kayo. Ginagawa nila ito dahil sa napaka dakilang biyaya ng Diyos na nasa inyo. 15 Sa Diyos nawa ang lahat ng pasasalamat sa kaniyang hindi maipaliwanag na kaloob!
-
2 Maglingkod kay Yahweh ng may kasiyahan; magsilapit sa kanyang presensiya na umaawit nang may kagalakan. 3 Kilalalanin ninyo na si Yahweh ay Diyos; siya ang gumawa sa atin, at tayo ay sa kanya. Tayo ang kanyang bayan at mga tupa sa kanyang pastulan. 4 Magsipasok kayo sa loob ng kanyang mga tarangkahan na may pagpapasalamat at sa loob ng kanyang mga silid na may pagpupuri. Pasalamatan at purihin ang kanyang pangalan. 5 Dahil si Yahweh ay mabuti; ang kanyang katapatan sa tipan ay mananatili magpakailanman at ang kanyang pagiging totoo ay magpapatuloy sa lahat ng mga salinlahi.
-
4 Magalak lagi sa Panginoon. Muli kong sasabihin, magalak. 5 Hayaan ninyong makita ng lahat ng tao ang inyong kahinahunan. Malapit lamang ang Panginoon.
6 Huwag mabalisa tungkol sa anumang bagay. Sa halip, hayaan ninyong malaman ng Panginoon ang inyong mga kahilingan sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat. 7 At ang kapayapaan ng Diyos na humihigit sa lahat ng pang-unawa, ang mag-iingat sa inyong mga puso at isipan kay Cristo Jesus.
-
15 Kaya mag-ingat kayo kung paano kayo lumakad, hindi tulad ng mangmang na mga tao kundi katulad ng matalino. 16 Samantalahin ninyo ang panahon sapagkat ang mga araw ay masama. 17 Huwag kayong maging hangal. Sa halip, unawain kung ano ang kalooban ng Panginoon. 18 At huwag magpakalasing sa alak, sapagkat hahantong ito sa pagkasira. Sa halip, mapuspos kayo ng Banal na Espiritu.
19 Mangusap kayo sa isat-isa sa mga salmo at mga himno at mga espiritwal na mga awitin. Umawit at magpuri sa inyong mga puso sa Panginoon. 20 Magpasalamat lagi sa Diyos Ama sa lahat ng bagay sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo.
21 Magpasakop kayo sa isa't isa tanda ng paggalang kay Cristo.
-
1 Ako si Pablo, isang apostol ni Cristo Jesus sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, at si Timoteo na ating kapatid, 2 sa mga mananampalataya at tapat na mga kapatid kay Cristo na nasa Colosas. Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaan mula sa ating Diyos Ama.
3 Kami ay nagpapasalamat sa Diyos, ang Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo, at kami ay laging nananalangin para sa inyo. 4 Nabalitaan namin ang inyong pananampalataya kay Cristo Jesus at ang pag-ibig na mayroon kayo para sa lahat ng mga inilaan sa Diyos. 5 Taglay ninyo ang pag-ibig na ito dahil sa tiyak na pag-asang nakalaan para sa inyo sa kalangitan. Narinig ninyo ang tiyak na pag-asang ito noon sa salita ng katotohanan, ang ebanghelyo 6 na nakarating sa inyo. Ang ebanghelyo na ito ay namumunga at lumalago sa buong mundo. Ginagawa rin ito sa inyo mula sa araw na narinig ninyo ito at natutunan ang tungkol sa biyaya ng Diyos sa katotohanan. 7 Ito ang ebanghelyo na natutunan ninyo kay Epafras, ang ating minamahal na kapwa-lingkod, na isang tapat na lingkod ni Cristo sa ngalan namin. 8 Ipinaalam sa amin ni Epafras ang inyong pag-ibig sa Espiritu.
9 Dahil sa pag-ibig na ito, mula sa araw na narinig namin ito, hindi kami tumigil na manalangin para sa inyo. Hinihiling namin na kayo ay mapuspos ng kaalaman ng kaniyang kalooban sa lahat ng karunungan at pang-unawang espirituwal. 10 Ipinapanalangin namin na lumakad kayo na karapat- dapat sa Panginoon sa mga kalugod-lugod na paraan. Ipinapanalangin namin na mamunga kayo sa bawat mabubuting gawa at ng lumago kayo sa inyong kaalaman sa Diyos. 11 Ipinapanalangin namin na mapalakas kayo sa bawat kakayahang naaayon sa kapangyarihan ng kaniyang kaluwalhatian tungo sa lahat ng pagtitiyaga at pagtitiis. 12 Ipinapanalangin namin na kayo ay magpapasalamat ng may galak sa Ama, na siyang nagkaloob sa inyo na makibahagi sa mga kayamanan ng mga mananampalataya sa liwanag.
13 Sinagip niya tayo mula sa pamamahala ng kadiliman at inilipat tayo sa kaharian ng kaniyang minamahal na Anak. 14 Sa kaniyang Anak mayroong tayong katubusan, ang kapatawaran ng mga kasalanan.
-
1 O halika, tayo ay umawit kay Yahweh; tayo ay umawit ng may kagalakan para sa bato ng ating kaligtasan. 2 Tayo ay pumasok sa kaniyang presensya ng may pasasalamat; tayo ay umawit sa kaniya ng may salmong papuri. 3 Dahil si Yahweh ay dakilang Diyos at dakilang Hari na nananaig sa lahat ng diyos. 4 Sa kaniyang kamay ay ang kalaliman ng kalupaan; ang katayugan ng bundok ay sa kaniya. 5 Ang dagat ay kaniya, dahil nilikha niya ito, at hinulma ng kaniyang mga kamay ang tuyong lupa.
-
14 Dahil wala tayong nanatiling lungsod dito, sa halip hinahanap natin ang lungsod na darating.
15 Sa pamamagitan ni Jesus dapat patuloy tayong mag-alay ng handog na papuri sa Dios, papuri na bunga ng ating mga labi na kumikilala sa kaniyang pangalan. 16 At huwag ninyong kalilimutang gumawa ng mabuti at tumulong sa bawat isa, sapagkat sa ganitong handog lubos na nalulugod ang Diyos.
-
30 Pupurihin ko ang pangalan ng Diyos ng may awit at dadakilain siya ng may pasasalamat. 31 Higit na kalulugdan ito ng Diyos kaysa sa isang baka o toro na may mga sungay at paa.
-
1 Ngayon maliwanag na sinasabi ng Espiritu na sa mga huling panahon may mga taong tatalikod sa pananampalataya at sila ay makikinig sa mga mandarayang espiritu at sa mga katuruan ng mga demonyo 2 sa kasinungalingan at pagpapaimbabaw. Ang kanilang mga budhi ay mamarkahan.
3 Ipagbabawal nila ang pag-aasawa at pagtanggap ng mga pagkaing nilikha ng Diyos upang ipamahagi ng mga mananampalataya at nakakaalam ng katotohanan. 4 Sapagkat lahat ng mga bagay na nilikha ng Diyos ay mabuti. Walang anuman na tinatanggap natin nang may pasasalamat ang dapat na tanggihan. 5 Sapagkat inihahandog ito sa pamamagitan ng salita ng Diyos at panalangin.
-
14 Maghandog kayo sa Diyos ng alay ng pasasalamat, at tuparin ninyo ang inyong mga banal na panata sa Kataas-taasan. 15 Tumawag kayo sa akin sa araw ng kaguluhan; sasagipin ko kayo, at ako ay inyong luluwalhatiin.”
-
13 Ngunit mayroon tayong parehong espiritu ng pananampalataya na ayon sa nasusulat: “Nanampalataya ako, kaya ako ay nagpahayag.” Tayo rin ay nananampalataya, kaya't tayo rin ay nagpapahayag. 14 Alam namin na ang muling bumuhay sa Panginoong Jesus ay bubuhayin din kaming muli kasama niya. Alam namin na dadalhin niya kami kasama ninyo sa kaniyang presensya. 15 Ang lahat ay para sa kapakanan ninyo nang sa gayon, habang lumalaganap ang habag sa maraming tao, ang pasasalamat ay lalong madaragdagan para sa kaluwalhatian ng Diyos.
-
2 Taimtim na magpatuloy sa panalangin. Manatiling handa sa pasasalamat.
-
4 Lagi akong nagpapasalamat sa aking Diyos sa inyo, dahil sa biyaya ng Diyos na ibinigay ng Panginoong Cristo Jesus sa inyo. 5 Ginawa niya kayong mayaman sa lahat ng paraan, sa lahat ng pananalita at sa lahat ng kaalaman. 6 Ginawa niya kayong mayaman, gaya ng patotoo tungkol kay Cristo na napatunayang totoo nga sa inyo.
7 Samakatuwid kayo nga ay hindi nagkukulang sa kaloob ng Espiritu, habang sabik kayong naghihintay sa kapahayagan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 8 Kayo din ay kaniyang palalakasin hanggang sa huli, upang kayo ay walang bahid sa araw ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 9 Tapat ang Diyos na siyang tumawag sa inyo sa pakikipagtipon sa kaniyang Anak na si Jesu-Cristo na ating Panginoon.
-
1 Kaya una sa lahat, ipinakikiusap ko na ang mga kahilingan, mga panalangin, mga panalangin para sa iba at mga pasasalamat ay maipaabot para sa lahat ng tao, 2 para sa mga hari at sa lahat ng mga nasa kapangyarihan, upang tayo ay makapamuhay ng mapayapa at tahimik na may buong kabanalan at karangalan. 3 Ito ay mabuti at katanggap-tanggap sa harap ng ating Diyos na tagapagligtas. 4 Ninanais niya na ang lahat ng tao ay maligtas at magkaroon ng kaalaman tungkol sa katotohanan.
-
6 Yamang tinanggap ninyo si Cristo ang Panginoon, lumakad kayong kasama niya. 7 Maging matatag kayong nakatanim sa kaniya, mabuo kayo sa kaniya. Magpakatibay kayo sa inyong pananampalataya tulad ng naituro sa inyo, at maging sagana kayo sa pagpapasalamat.
-
10 Pinapurihan ni David si Yahweh sa harapan ng lahat ng kapulungan. Sinabi niya, “Papurihan ka nawa, Yahweh, ang Diyos ni Israel na aming ninuno, magpakailanman.
11 Sa iyo, Yahweh, ang kadakilaan, ang kapangyarihan, ang kaluwalhatian, ang katagumpayan, at ang karangalan. Sapagkat sa iyo ang lahat ng nasa langit at nasa lupa. Sa iyo ang kaharian, Yahweh, at ikaw ang itinataas bilang tagapamuno ng lahat. 12 Nagmula sa iyo ang kayamanan at karangalan, at namumuno ka sa lahat ng mga tao. Nasa iyong kamay ang kapangyarihan at kalakasan. Taglay mo ang lakas at kalakasan na gawing dakila ang mga tao at magbigay ng lakas sa sinuman.
13 At ngayon, aming Diyos, pinasasalamatan ka namin at pinapupurihan ang iyong maluwalhating pangalan. 14 Ngunit sino ako, at sino ang aking mga tao, upang maghandog nang kusa ng mga bagay na ito? Totoong galing sa iyo ang lahat ng mga bagay at ibinabalik lamang namin sa iyo kung ano ang sa iyo.
-
15 Dahil dito, mula noong panahon na napakinggan ko ang tungkol sa inyong pananampalataya sa Panginoong Jesus at tungkol sa inyong pag-ibig sa mga binukod para sa kaniya, 16 Hindi ako tumigil sa pagpapasalamat sa Diyos tungkol sa inyo at pagbanggit sa inyo sa aking mga panalangin. 17 Ipinapanalangin ko na ang Diyos ng ating Panginoong Jesu-Cristo, ang Ama ng kaluwalhatian, ay magbigay sa inyo ng espiritu ng karunungan at kapahayagan ng kaniyang kaalaman.
18 Ipinapanalangin ko na ang mga mata ng inyong puso ay maliwanagan upang malaman ninyo kung ano ang inaasahan ng ating pagkakatawag. Ipinapanalangin ko na malaman ninyo ang yaman ng kaluwalhatian ng kaniyang pamana sa kanila na binukod para sa kaniya. 19 Ipinapanalangin ko na malaman ninyo ang hindi masukat na kadakilaan ng kaniyang kapangyarihan sa atin na mga nanampalataya. Ang kadakilaang ito ay ayon sa pagkilos sa kalakasan ng kaniyang kapangyarihan. 20 Ito ang kapangyarihan na kumilos kay Cristo noong siya ay binuhay ng Diyos mula sa mga patay at pinaupo siya sa kaniyang kanang kamay sa kalangitan. 21 Pinaupo niya si Cristo na pinakamataas sa lahat ng kapamahalaan, kapangyarihan, pamunuan, at bawat pangalan na pinangalanan. Pinaupo niya si Cristo hindi lamang sa panahong ito, kundi maging sa panahong darating.
22 Pinailalim ng Dios ang lahat sa paanan ni Cristo. Ginawa niya siyang ulo sa lahat ng nasa iglesia. 23 Ang iglesiya ay ang kaniyang katawan, ang kapuspusan niya na pumupuno sa lahat ng mga bagay sa lahat ng mga kaparaanan.
-
34 Magpasalamat kay Yahweh, sapagkat siya ay mabuti, at ang matapat niyang kasunduan ay magtatagal magpakailanman.
-
18 Sapagkat naihayag ang poot ng Diyos mula sa langit laban sa lahat ng kasamaan at kawalan ng katuwiran ng mga tao na sa pamamagitan ng kawalan ng katuwiran ay hinahadlangan ang katotohanan. 19 Ito ay dahil ang maaaring malaman tungkol sa Diyos ay nakikita nila. Sapagkat niliwanagan sila ng Diyos. 20 Sapagkat ang kaniyang likas na hindi nakikita ay malinaw na nakikita simula pa noong likhain ang mundo. Nauunawaan ang mga ito sa pamamagitan ng mga nilikhang bagay. Ang mga likas na ito ay ang kaniyang walang hanggang kapangyarihan at ang kaniyang pagka-Diyos. Kung kaya, ang mga taong ito ay walang maidadahilan.
21 Sapagkat kahit kilala nila ang Diyos, siya ay hindi nila niluwalhati bilang Diyos, ni hindi nila siya pinasalamatan. Sa halip, naging hangal sila sa kanilang pag-iisip at nagdilim ang manhid nilang mga puso.
-
14 Ngunit, salamat sa Diyos na laging nagdadala sa atin sa tagumpay kay Cristo. Sa pamamagitan natin, ipinalaganap niya ang mabangong samyo ng kaalaman sa kaniya sa lahat ng dako. 15 Dahil para sa Diyos, tayo ay mabangong samyo kay Cristo, maging sa mga nailigtas at sa mga napapahamak. 16 Sa mga taong napapahamak, ito ay isang samyo mula sa kamatayan para sa kamatayan. Sa mga nailigtas, ito ay isang samyo mula sa buhay para sa buhay. Sino ang karapat-dapat sa mga bagay na ito?
-
1 Magpasalamat kay Yahweh, dahil sa kaniyang kabutihan at ang kaniyang katapatan sa tipan ay mananatili magpakailanman. 2 Hayaang magsalita ang mga tinubos ni Yahweh, ang kaniyang mga sinagip mula sa kapangyarihan ng kaaway. 3 Tinipon niya sila mula sa ibang mga lupain ng dayuhan, mula sa silangan at kanluran, mula sa hilaga at mula sa timog.
-
1 O, magpasalamat kay Yahweh; dahil siya ay mabuti, dahil ang kaniyang katapatan sa tipan ay mananatili magpakailanman. 2 O, magpasalamat sa Diyos ng mga diyos, dahil ang kaniyang katapatan sa tipan ay mananatili magpakailanman. 3 O, magpasalamat sa Panginoon ng mga panginoon, dahil ang kaniyang katapatan sa tipan ay mananatili magpakailanman.
-
10 Nang nalaman ni Daniel na nalagdaan na ang kasulatan na isina-batas, pumunta siya sa kaniyang bahay (ngayon ang kaniyang bintana sa itaas ay nakabukas sa dakong Jerusalem) at siya ay lumuhod, gaya ng ginagawa niya ng tatlong beses sa isang araw, at nanalangin at nagpapasalamat sa harapan ng kaniyang Diyos, gaya ng kaniyang dating ginagawa.
-
8 Una sa lahat, nagpapasalamat ako sa aking Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo dahil sa inyong lahat, dahil naipahayag ang inyong pananampalataya sa buong mundo.
-
57 Ngunit salamat sa Diyos, na siyang nagbibigay sa atin ng tagumpay sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo!
-
12 Nagpapasalamat ako kay Cristo Jesus na ating Panginoon. Pinapalakas niya ako, sapagkat itinuturing niya akong tapat, at inilagay niya ako sa paglilingkod. 13 Isa akong lapastangan sa Diyos, umuusig, at marahas na tao. Ngunit tumanggap ako ng habag dahil sa hindi ko alam ang aking ginagawa sa kawalan ng pananampalataya. 14 Ngunit ang biyaya ng ating Panginoon ay nag-uumapaw sa pananampalataya at pag-ibig na nakay Cristo Jesus.
15 Ang mensaheng ito ay mapagkakatiwalaan at karapat-dapat na tanggapin ng lahat, na si Cristo Jesus ay naparito sa mundo para iligtas ang mga makasalanan. Ako ang pinakamasama sa mga ito. 16 Ngunit sa dahilang ito nabigyan ako ng habag, kaya't sa pamamagitan ko, bilang pangunahin, ay ipapakita ni Cristo Jesus ang buong pagtitiyaga. Ginawa niya ito bilang isang halimbawa sa mga magtitiwala sa kaniya para sa buhay na walang hanggan. 17 Ngayon sa hari ng walang hanggang panahon, ang walang kamatayan, hindi nakikita, at nag-iisang Diyos, sa kaniya ang karangalan at luwalhati magpakailanpaman. Amen.
-
9 Subalit para sa akin, mag-aalay ako sa iyo ng isang tinig ng pasasalamat; tutuparin ko kung alin ang aking ipinangako. Ang kaligtasan ay nagmumula kay Yahweh!”
-
16 Pagkatapos ang dalawampu't apat na nakatatanda na nakaupo sa mga trono sa presensiya ng Diyos ay ibinaba ang kanilang mga sarili sa lupa, na nakatungo at sinamba ang Diyos. 17 Sinabi nila, “Nagpapasalamat kami sa iyo, Panginoong Diyos, ang naghahari sa lahat, ang isa na at ang siyang noon, dahil nakamit mo ang iyong dakilang kapangyarihan at nagsimulang maghari.
-
7 Umawit kay Yahweh ng may pasasalamat; gamit ang alpa, umawit ng papuri para sa ating Diyos. 8 Tinatakpan niya ang kalangitan ng mga ulap at hinahanda ang ulan para sa lupa, na nagpapalago ng mga damo sa mga kabunkukan. 9 Binibigyan niya ng pagkain ang mga hayop at mga inakay na uwak kapag sila ay umiiyak.
-
23 Diyos ng aking mga ninuno, pinasasalamatan at pinupuri ko kayo para sa karunungan at kapangyarihan na ibinigay ninyo sa akin. Ngayon, ipinaalam mo sa akin kung ano ang aming ipinapanalangin sa iyo; ipinaalam mo sa amin ang bagay na nagpapaalala sa hari.”
-
3 Ang sekswal na imoralidad o ano mang karumihan o mapag-imbot na kaisipan ay hindi dapat nababanggit sa inyo, gaya ng nararapat sa mga mananampalataya. 4 Hindi rin dapat mabangit ang kalaswaan, walang kabuluhang pananalita, o mga pagbibirong nakakainsulto. Sa halip pagpapasalamat.
-
9 Pagkatapos makita ko ang mga ito, at mayroong isang malaking maraming tao na walang sinuman ang makabilang — mula sa bawat bansa, lipi, bayan, at wika — nakatayo sa harap ng trono sa harapan ng Kordero. Nakasuot sila ng puting mga balabal at hawak ang mga sanga ng palma sa kanilang mga kamay, 10 at sila ay sumisigaw ng may malakas na tinig: “Ang kaligtasan ay pagmamay-ari ng ating Diyos, siya na nakaupo sa trono, at ng Kordero!”
11 Ang lahat ng mga anghel ay nakatayo sa paligid ng trono, at sa paligid ng mga matatanda at ng apat na buhay na mga nilalang, at sila ay humiga sa lupa, at inilapat ang kanilang mga mukha sa lupa sa harap ng trono at sumamba sila sa Diyos, 12 na nagsasabing, “Amen! Papuri, kaluwalhatian, karunungan, pasasalamat, karangalan, kapangyarihan, at kalakasan ay sumaating Diyos magpakailan pa man. Amen!”
13 Pagkatapos isa sa mga matatanda ay nagtanong sa akin: “Sino ang mga ito, nadaramitan ng puting mga kasuotan, at saan sila nagmula?”
14 Sinabi ko sa kaniya, “Alam po ninyo, ginoo,” at sinabi niya sa akin, “Sila ang mga nagmula sa Dakilang Pag-durusa. Hinugasan nila ang kanilang mga kasuotan at naging maputi dahil sa dugo ng Kordero.”
-
1 Mula kina Pablo, Silas, at Timoteo para sa iglesiya ng mga taga-Tesalonica sa Diyos Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo. Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaan.
2 Lagi kaming nagpapasalamat sa Diyos para sa inyong lahat, habang binabanggit namin kayo sa aming mga panalangin. 3 Inaalala namin ng walang tigil sa harapan ng Diyos at Ama ang inyong mga gawa ng pananampalataya, pagpapagal sa pag-ibig, at pagtitiyagang may pagtitiwala para sa hinaharap sa ating Panginoong Jesu-Cristo.
4 Mga kapatid na iniibig ng Diyos, alam namin ang inyong pagkatawag, 5 kung paanong ang ating ebanghelyo ay dumating sa inyo na hindi lamang sa salita, ngunit gayon din sa kapangyarihan, sa Banal na Espiritu, at sa lubos na katiyakan. Gayon din naman, inyong nalalaman kung anong uri ng tao kami sa inyo para sa inyong kapakanan.
-
8 O papupurihan si Yahweh ng mga tao dahil sa kaniyang katapatan sa tipan at para sa mga kamangha-manghang bagay na kaniyang ginawa sa sangkatauhan! 9 Dahil panapawi niya ang pananabik nilang mga nauuhaw, at ang mga pagnanasa nilang mga gutom ay kaniyang pinupuno ng magagandang bagay.
-
17 Pasasalamatan ko si Yahweh dahil sa kaniyang katarungan; aawit ako ng papuri kay Yahweh ang Kataas-taasan.
-
1 Ito ay isang mabuting bagay para magbigay ng pasasalamat kay Yahweh at para umawit ng papuri sa iyong ngalan, Kataas-taasan, 2 para ipahayag ang iyong katapatan sa tipan sa umaga at ang iyong katotohanan tuwing gabi, 3 na may alpa na may sampung kuwerdas at may himig ng lira.
-
11 At kinuha ni Jesus ang mga tinapay at matapos makapagpasalamat ay ipinamahagi niya sa mga taong nakaupo. Sa ganoon ding paraan, ipinamahagi din niya ang mga isda, hangga't sa gusto nila.
-
3 Nagpapasalamat ako sa aking Diyos sa bawat ala-ala ninyo. 4 Sa bawat panalangin ko para sa inyong lahat, palagi akong nananalangin nang may kagalakan. 5 Nagpapasalamat ako sa inyong pakikiisa sa ebanghelyo mula sa unang araw hanggang sa ngayon. 6 Nagtitiwala ako sa bagay na ito, na ang nagsimula ng mabuting gawain sa inyo ay ipagpapatuloy na tapusin ito hanggang sa araw ni Jesu-Cristo.
7 Tama para sa akin na maramdaman ang ganito tungkol sa inyong lahat dahil kayo ay nasa puso ko. Naging kasama ko kayong lahat sa biyaya pati sa aking pagkakakulong at sa aking pagtatanggol at pagpapatunay ng ebanghelyo. 8 Sapagkat ang Diyos ang aking saksi, kung paano ko pinananabikan na makasama kayong lahat sa kalaliman ng pag-ibig ni Cristo Jesus.
9 At ipinapanalangin ko ito: na ang inyong pag-ibig ay lalo pang sumagana sa kaalaman at sa lahat ng pang-unawa. 10 Ipinapanalangin ko ito upang masubukan ninyo at mapili ang mga bagay na mahusay. Ipinapanalangin ko ito upang kayo ay maging tapat at walang sala sa araw ni Cristo. 11 Ito rin ay upang mapuno kayo ng bunga ng katuwiran na dumarating sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, sa kaluwalhatian at kapurihan ng Diyos.
-
3 Kami ay dapat magpasalamat lagi sa Diyos para sa inyo, mga kapatid. Sapagkat ito ang nararapat, dahil ang inyong pananampalataya ay lumalago, at ang pag-ibig ng bawat isa sa inyo ay nananagana sa isa't isa. 4 Kaya sa aming mga sarili ay pinagmamalaki namin kayo sa mga iglesya ng Diyos. Pinag-uusapan namin ang tungkol sa inyong pagtitiyaga at pananampalataya sa kabila ng mga pag-uusig sa inyo. Pinag-uusapan namin ang tungkol sa mga pagdadalamhiti na inyong tiniis.
-
7 Si Yahweh ang aking kalakasan at ang aking kalasag; ang puso ko ay nagtitiwala sa kaniya, at tinulungan ako. Kaya labis na nagagalak ang aking puso, at pupurihin ko siya nang may pag-awit.
-
18 Pagkatapos magpapasalamat ako sa iyo sa dakilang pagpupulong; pupurihin kita sa maraming tao.
-
1 Purihin si Yahweh. Magpasalamat kay Yahweh, dahil siya ay mabuti, dahil ang kaniyang katapatan sa tipan ay mananatili magpakailanman.
-
17 Aking iaalay sa iyo ang handog na pasasalamat at tatawag sa pangalan ni Yahweh.
-
11 Nangyari na habang sila ay nasa daan patungong Jerusalem, siya ay naglalakbay sa lupaing pagitan ng Samaria at Galilea. 12 At sa kaniyang pagpasok sa isang nayon, doon ay sinalubong siya ng sampung lalaking ketongin. Tumayo sila nang malayo sa kaniya 13 at nilakasan nila ang kanilang tinig, sinasabi, “Jesus, Amo, maawa ka sa amin.”
14 Nang makita niya sila, sinabi niya sa kanila, “Pumunta kayo at ipakita ninyo ang inyong mga sarili sa mga pari.” At nangyari nga na habang sila ay papunta, sila ay nalinisan.
15 Nang makita ng isa sa kanila na gumaling siya, bumalik siya nang may malakas na tinig na niluluwalhati ang Diyos. 16 Yumuko siya sa paanan ni Jesus, nagpapasalamat sa kaniya. Isa siyang Samaritano.
17 Sumagot si Jesus, sinabi, “Hindi ba sampu ang nilinis? 18 Nasaan ang siyam? Wala bang ibang bumalik upang luwalhatiin ang Diyos, maliban sa dayuhang ito?”
19 Sinabi niya sa kaniya, “Tumayo ka, at humayo. Pinagaling ka ng iyong pananampalataya.”
-
7 At sa araw na iyon, unang hinirang ni David si Asaf at ang kaniyang mga kapatid upang awitin ang awit na ito ng pasasalamat kay Yahweh. 8 Magpasalamat kay Yahweh, tumawag sa kaniyang pangalan at ipaalam sa lahat ng bansa ang kaniyang mga gawa. 9 Umawit sa kaniya, umawit ng mga papuri sa kaniya at ipagsabi ang lahat ng kaniyang kamangha-manghang mga gawa.
-
11 Umawit sila ng papuri at pasasalamat kay Yahweh, “Siya ay mabuti! ang kaniyang tipan ng katapatan sa Israel ay mananatili magpakailanman.” Ang lahat ng mamamayan ay humiyaw nang may kagalakan sa pagpupuri kay Yahweh dahil ang pundasyon ng templo ay nailagay na.
-
1 Magpasalamat kayo kay Yahweh, tumawag kayo sa kaniyang pangalan; ipaalam ninyo ang kaniyang mga gawa sa mga bansa. 2 Umawit sa kaniya, umawit sa kaniya ng mga papuri; Ipahayag ang lahat ng kaniyang mga kamangha-manghang gawa. 3 Magmalaki sa kaniyang banal na pangalan; hayaang magalak ang puso nilang naghahanap kay Yahweh.
-
26 Habang sila'y kumakain, kumuha si Jesus ng tinapay, ipinagpasalamat ito, at pinagputol-putol. Binigay niya ito sa kaniyang mga alagad at sinabi, “Kunin ninyo, kainin ninyo. Ito ay ang aking katawan.”
27 Kumuha siya ng kopa at nagpasalamat, at ibinigay ito sa kanila at sinabi, “Inumin ninyo ito, kayong lahat. 28 Sapagkat ito ay ang aking dugo ng kasunduan na ibinuhos para sa marami para sa ikapapatawad ng mga kasalanan.
-
1 Tanggapin ang sinumang mahina ang pananampalataya, nang hindi hinahatulan ang mga pagtatalo. 2 Sa isang dako, ang isang tao ay may paniniwalang maari niyang kainin ang kahit na ano, ngunit sa kabilang dako, ang ibang mahina ay kumakain lamang ng mga gulay. 3 Huwag sanang hamakin ng taong kumakain ng kahit na ano ang taong hindi kinakain ang lahat. At ang siyang hindi kinakain ang lahat ay huwag husgahan ang taong kumakain ng lahat. Dahil tinanggap siya ng Diyos. 4 Sino ka, ikaw na humuhusga sa isang lingkod na pagmamay-ari ng iba? Sa harapan ng kaniyang amo siya tatayo o matutumba. Ngunit siya ay patatayuin, dahil nagagawa ng Panginoon na siya ay patayuin.
5 Sa isang dako, pinahahalagahan ng isang tao ang isang araw ng higit kaysa sa iba. Sa kabilang dako, pinahahalagahan naman ng iba ang bawat araw ng pantay-pantay. Ang bawat tao ay magpasya sa kaniyang sariling isipan. 6 Ang nagpapahalaga ng araw, ay nagpapahalaga nito para sa Panginoon. At siya na kumakain, ay kumakain para sa Panginoon, sapagkat siya ay nagbibigay pasasalamat sa Diyos. Ang hindi kumakain, ay nagpipigil na kumain para sa Panginoon. Nagpapasalamat din siya sa Diyos.
7 Sapagkat wala sa atin ang nabubuhay para sa kaniyang sarili, at walang namamatay para sa kaniyang sarili.
-
17 Ang bawat mabuti at ganap na kaloob ay mula sa itaas, bumaba mula sa Ama ng mga liwanag. Hindi siya nagbabago katulad ng paglipat ng anino.
-
1 Pagkatapos makita ko ang mga bagay na ito at nakita ko na may isang pintuang bumukas sa langit. Ang unang tinig, ay nangungusap sa akin gaya ng isang trumpeta, sinabi, “Umakyat ka dito at ipapakita ko sa iyo kung anong dapat mangyari pagkatapos ng lahat ng mga bagay na ito.
2 Agad akong nasa Espiritu, at nakita ko ang isang trono na inilagay sa langit, na may isang tao na nakaupo dito. 3 Ang isa na siyang nakaupo dito ay parang batong jaspe at kornalina. May isang bahaghari sa palibot ng trono. Ang bahaghari ay katulad ng isang esmeralda. 4 Sa paligid ng trono ay may dalawampu't apat na mga trono, at nakaupo sa mga trono ay ang dalawampu't apat na mga nakatatanda, bihis ng mga puting damit, may gintong mga korona sa kanilang mga ulo.
5 Mula sa trono dumating ang bulos ng kidlat, mga dagundong at mga lagapak ng kulog. Nag aapoy ang pitong ilawan sa harapan ng trono, mga ilawan ng pitong espiritu ng Diyos. 6 Sa harapan din ng trono ay mayroon isang dagat, kasing linaw ng kristal. Lahat ng palibot ng trono ay may apat na buhay na mga nilalang, puno ng mga mata sa harapan at likod. 7 Ang unang buhay na nilalang ay katulad ng isang leon, ang ikalawang buhay na nilalang ay katulad ng isang guya, ang ikatlong buhay na nilalang ay may isang mukha ng isang tao at ang ikaapat na buhay na nilalang ay katulad ng isang lumilipad na agila. 8 Ang bawat isa sa apat na buhay na mga nilalang ay mayroong anim na mga pakpak, puno ng mga mata sa tuktok at sa ilalim. Gabi at araw hindi sila tumigil sa pagsasabing, “Banal, banal, banal, ang Panginoong Diyos, ang namumuno sa lahat, siyang noon, at siyang ngayon, at siyang darating.
9 Kapag ang buhay na mga nilalang ay nagbigay ng kaluwalhatian, karangalan at pasasalamat sa isa na siyang nakaupo sa trono, sa isa na siyang nabubuhay magpakailan pa man, 10 ang dalawampu't apat na nakatatanda ay nagpatirapa sa harap ng isang nakaupo sa trono. Yumuko sila sa isang nabubuhay ng walang hanggan at magpakailan pa man, at inihagis nila ang kanilang mga korona sa harap ng trono, sinasabing, 11 “Karapat-dapat ka, aming Panginoon at aming Diyos, na tumanggap ng kaluwalhatian at ng karangalan at ng kapangyarihan. Dahil nilikha mo ang lahat ng bagay, at sa pamamagitan ng iyong kalooban, sila ay nabuhay at nilikha.
-
Para sa punong manunugtog; nakatakda sa estilo ng Muth Laben. Isang awit ni David.
1 Buong puso akong magpapasalamat kay Yahweh; ihahayag ko ang lahat ng kamangha-mangha mong mga gawain. 2 Magagalak ako at magsasaya sa iyo; aawit ako ng papuri sa iyong pangalan, Kataas-taasan!
-
11 Pinalitan mo ang aking pagluluksa ng pagsasayaw; hinubad mo ang aking sako at dinamitan ako ng kagalakan. 12 Kaya ngayon ang naparangalan kong puso ay aawit nang papuri sa iyo at hindi mananahimik; Yahweh aking Diyos, magbibigay ako ng pasasalamat sa iyo magpakailanman!
-
17 Ngunit salamat sa Diyos! Sapagkat kayo ay dating mga alipin ng kasalanan, ngunit sinunod ninyo mula sa puso ang uri ng katuruang ibinigay sa inyo. 18 Pinalaya kayo sa kasalanan, at ginawa kayong mga alipin kayo ng katuwiran.
-
21 Kaya, natuklasan ko na ang prinsipyo na nasa akin, na nais kong gawin ang mabuti, subalit ang kasamaang iyon ay naririto sa akin. 22 Sapagkat nagagalak ako sa kautusan ng Diyos sa aking kaibuturan. 23 Ngunit may nakikita akong ibang tuntunin sa mga bahagi ng aking katawan. Nilalabanan nito ang bagong tuntunin sa aking isipan. Binibihag ako nito sa pamamagitan ng tuntunin ng kasalanan na nasa mga bahagi ng aking katawan.
24 Kaawa-awa akong tao! Sino ang magliligtas sa akin mula sa katawang ito ng kamatayan? 25 Ngunit ang pasasalamat ay sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na ating Panginoon! Kaya ako mismo ay naglilingkod sa kautusan ng Diyos sa aking isipan. Gayunman, sa laman naglilingkod ako sa tuntunin ng kasalanan.
-
13 Kaya kailangang manalangin ang sinumang nagsasalita ng ibang wika na maaari niyang ipaliwanag ito. 14 Sapagkat kung mananalangin ako sa ibang wika, nananalangin din ang aking espiritu, ngunit walang pakinabang ang aking pag-iisip.
15 Ano ang dapat kong gawin? Mananalangin ako sa pamamagitan ng aking espiritu, ngunit mananalangin din ako sa pamamagitan ng aking pag-iisip. Ako ay aawit sa pamamagitan ng aking espiritu, at aawit din ako sa pamamagitan ng aking pag-iisip. 16 O kaya'y pinupuri ninyo ang Diyos sa pamamagitan ng espiritu, paano magsasabi ng “Amen” ang tagalabas kapag kayo ay nagpapasalamat, kung hindi niya alam kung ano ang inyong sinasabi? 17 Sapagkat tiyak na kayo ay nagpasalamat ng sapat, ngunit hindi napalakas ang ibang tao.
18 Nagpapasalamat ako sa Diyos na ako ay nagsasalita ng iba't ibang wika nang higit pa sa inyong lahat. 19 Ngunit sa iglesiya mas gugustuhin kong magsalita ng limang salita sa aking pang-unawa upang turuan ko ang iba, kaysa sampung libong salita sa ibang wika.
-
1 Si Pablo, isang bilanggo kay Jesu-Cristo, at kapatid na Timoteo, kay Filemon, aming minamahal na kaibigan at kamanggagawa, 2 at kay Apia aming kapatid na babae, at kay Arquipo aming kapwa kawal, at sa mga mananampalataya na nagtitipon sa iyong tahanan:
3 Biyaya sa inyo at kapayapaan mula sa Diyos ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.
4 Lagi kong pinasasalamatan ang aking Diyos. Binabanggit kita sa aking mga panalangin. 5 Narinig ko ang pagmamahal at pananampalataya na mayroon ka sa Panginoong Jesus at sa lahat ng mananampalataya. 6 Ipinapanalangin ko na ang pakikisama ng iyong pananampalataya ay maging mabisa para sa kaalaman ng lahat ng mabuting bagay na sumasa-atin kay Cristo. 7 Sapagkat ako'y lubhang nagagalak at nagiginhawaan sa iyong pag-ibig, dahil ang mga puso ng mga mananampalataya ay pumayapa sa pamamagitan mo, kapatid.
-
4 Umawit ng mga papuri kay Yahweh, kayong bayan niyang matapat! Magbigay ng pasasalamat kapag naalaala ninyo ang kaniyang kabanalan. 5 Dahil ang kaniyang galit ay isang saglit lamang; pero ang kaniyang pabor ay panghabangbuhay. Ang pag-iyak ay dumarating sa gabi, pero ang kagalakan ay dumarating sa umaga.
-
1 O Diyos, kami ay magbibigay ng pasasalamat sa iyo; nagpapasalamat kami sa iyo dahil ipinakita mo ang iyong presensya; sinasabi ng mga tao ang iyong kahanga-hangang mga gawa.
-
1 Binibigyang papuri ko si Yahweh ng buong buhay ko, at ng lahat ng mayroon ako, binibigyang papuri ko ang kanyang banal na pangalan. 2 Binibigyang papuri ko si Yahweh ng buong buhay ko, at naaalala ko ang lahat ng kanyang mga mabubuting gawa. 3 Pinapatawad niya lahat ng inyong mga kasalanan; pinapagaling niya lahat ng inyong mga sakit. 4 Tinutubos niya ang inyong buhay mula sa pagkawasak; kinokoronahan niya kayo ng kanyang katapatan sa tipan at mga gawain ng pagkahabag. 5 Binibigyang kasiyahan niya ang inyong buhay ng mabubuting bagay para mapanumbalik ang inyong kabataan tulad ng agila.
-
3 Mapapurihan nawa ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Pinagpala niya tayo ng bawat pagpapalang espirituwal kay Cristo sa kalangitan. 4 Bago likhain ang sanlibutan, pinili na tayo ng Diyos na mga mananampalataya kay Cristo. Pinili niya tayo upang tayo ay maging banal at walang kapintasan sa kaniyang paningin. 5 Dahil sa pag-ibig itinalaga tayo ng Diyos upang ampunin bilang kaniyang sariling mga anak sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Ginawa niya ito sapagkat nasiyahan siyang gawin ang kaniyang nais. 6 Ang naging resulta ay napapurihan ang Diyos sa kaniyang kamangha-manghang biyaya. Kusang loob niya itong ibinigay sa atin sa pamamagitan ng kaniyang pinakamamahal na anak.
7 Sapagkat sa kaniyang pinakamamahal na anak, nagkaroon tayo ng katubusan sa pamamagitan ng kaniyang dugo, ang kapatawaran ng mga kasalanan. Nagkaroon tayo nito dahil sa yaman ng kaniyang biyaya. 8 Ginawa niyang masagana ang kaniyang biyaya para sa atin nang buong karunungan at kaalamann. 9 Ipinaalam sa atin ng Diyos ang hiwaga ng kaniyang kalooban, ayon sa kaniyang nais na kaniyang ipinakita kay Cristo. 10 Kapag naganap na ang panahon para sa kaniyang kalooban, sama-samang dadalhin ng Diyos ang lahat ng mga bagay sa langit at sa lupa kay Cristo.
11 Pinili tayo kay Cristo at napagpasyahan noon pa man. Ito ay ayon sa kalooban ng gumawa ng lahat ng bagay sa pamamagitan ng layunin ng kaniyang kalooban. 12 Ginawa ito ng Diyos upang tayo ay mamuhay sa pagpuri ng kaniyang kaluwalhatian. Tayo ang nauna na nagkaroon ng tiwala kay Cristo.
13 Dahil kay Cristo kaya napakinggan din ninyo ang salita ng katotohanan, ang ebanghelyo ng inyong kaligtasan sa pamamagitan ni Cristo. Dahil sa kaniya kayo rin ay nanampalataya at tinatakan sa pinangakong Banal na Espiritu. 14 Ang Espiritu ang katibayan ng ating pamana hanggang sa makamtan ang pangako. Para ito sa ikapupuri ng kaniyang kaluwalhatian.
-
3 Oo, aaliwin ni Yahweh ang Sion; aaliwin niya ang kaniyang mga napabayaang lugar; ang kaniyang ilang ay ginawa niyang parang Eden, at ang kaniyang mga disyerto sa tabi ng lambak ng Ilog Jordan na parang hardin ni Yahweh; kagalakan at kaligayahan ay matatagpuan sa kaniya, pasasalamat, at ang tunog ng pag-awit.
-
21 Ngunit ito ang aking inaalala, at ito ang dahilang ako ay may pag-asa: 22 Ito ay sa pamamagitan ng katapatan sa kasunduan ni Yahweh kaya hindi tayo nalipol, sapagkat ang kaniyang mga kilos ng kahabagan ay hindi nagwakas. 23 Ang mga kilos ng kahabagan niya ay muling nagaganap sa bawat umaga, katapatan mo ay dakila! 24 “Si Yahweh ay aking mana,” sinabi ko sa aking sarili, kaya aasa ako sa kaniya.
-
13 Sa dahilang ito kami rin ay walang tigil na nagpapasalamat sa Diyos. Sapagkat nang inyong natanggap mula sa amin ang mensahe ng Diyos na inyong napakinggan, ito ay inyong tinanggap hindi bilang salita ng tao. Sa halip, tinanggap ninyo itong totoo, ang salita ng Diyos. Ito rin ang salita na gumagawa sa inyo na sumasampalataya.
-
1 Magpapasalamat ako sa iyo ng buong puso; aawitan kita ng mga papuri sa harap ng mga diyos-diyosan. 2 Luluhod ako sa iyong banal na templo at magpapasalamat sa iyong ngalan para sa katapatan sa tipan at sa iyong pagiging mapagkakatiwalaan. Dinakila mo ang iyong salita at iyong pangalan higit sa lahat. 3 Sa araw na tumawag ako sa iyo, sinagot mo ako; pinalakas mo ang aking loob at ang aking kaluluwa. 4 Yahweh, lahat ng hari sa mundo ay magpapasalamat sa iyo dahil maririnig nila ang mga salita ng iyong bibig. 5 Tunay nga na aawitin nila ang mga ginawa ni Yahweh, dahil dakila ang kaluwalhatian ni Yahweh.
-
19 Pagkatapos ay inutusan ni Jesus ang mga maraming tao na maupo sa damuhan. Kinuha niya ang limang pirasong tinapay at dalawang isda. Habang nakatingala sa langit, binasbasan niya at pinagpira-piraso ang mga tinapay at saka ibinigay sa mga alagad. Ipinamahagi naman ito ng mga alagad sa mga tao.
-
30 Kung kakain ako ng pagkain ng may pasasalamat, bakit ako iinsultuhin sa pinagpasalamatan ko?
31 Samakatwid, kumakain o umiinom man kayo, o anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyo ito sa kaluwalhatian ng Diyos.
-
23 Sinumang naghahandog ng alay ng pasasalamat ay nagpupuri sa akin, at sa sinumang nagpaplano ng kaniyang landas sa tamang paraan, ipakikita ko sa kaniya ang pagliligtas ng Diyos.”
-
21 Papupurihan nang mga taong iyon si Yahweh dahil sa kaniyang katapatan sa tipan at dahil sa mga kamangha-manghang bagay na kaniyang ginawa para sa sangkatauhan! 22 Hayaan mo silang maghandog ng pasasalamat at magpahayag ng kaniyang mga ginawa sa pag-aawitan.
-
49 Kaya magpapasalamat ako sa iyo, O Yahweh, sa lahat ng bansa; aawit ako ng mga papuri sa iyong pangalan!
-
1 Magpasalamat kay Yahweh, dahil siya ay mabuti, ang kaniyang katapatan sa tipan ay magpakailanman.
-
28 Ikaw ang aking Diyos, at magpapasalamat ako sa iyo; ikaw ang aking Diyos, ikaw ang aking itataas. 29 O, magpasalamat kay Yahweh; dahil siya ay mabuti; ang kaniyang katapatan sa tipan ay mananatili magpakailanman.
-
4 Sa araw na iyon, inyong sasabihin, “Magbigay ng pasasalamat kay Yahweh at tumawag sa kaniyang pangalan; sabihin ang kaniyang mga ginawa sa kalagitnaan ng mga tao, ihayag ang dakila niyang pangalan. 5 Umawit kay Yahweh, dahil gumawa siya ng mga dakilang bagay; ipaalam ito sa buong mundo.
-
12 Magalak kay Yahweh, kayong matutuwid; at magbigay ng pasasalamat sa kanyang banal na pangalan.
-
9 At sinabi din niya ang talinghagang ito sa mga taong nagsasabi sa kanilang mga sarili na sila ay matuwid at humahamak sa ibang tao, 10 “Dalawang lalaki ang pumunta sa templo upang manalangin—ang isa ay Pariseo at ang isa naman ay maniningil ng buwis. 11 Tumayo ang Pariseo at ipinanalangin ang mga bagay na ito tungkol sa kaniyang sarili, 'Diyos, nagpapasalamat ako sa iyo dahil hindi ako katulad ng ibang taong magnanakaw, mga hindi matuwid, mga mangangalunya, o tulad ng maniningil ng buwis na ito. 12 Nag-aayuno ako ng dalawang beses bawat linggo. Ibinibigay ko ang ikapu ng lahat ng aking nakukuha.'
13 Ngunit ang maniningil ng buwis, na nakatayo sa di-kalayuan, ayaw man lang tumingin sa langit, ngunit dinadagukan niya ang kaniyang dibdib, sinasabi, 'Diyos, kaawaan mo ako, na isang makasalanan.' 14 Sinasabi ko sa inyo, umuwi ang taong ito sa kaniyang bahay na napawalang-sala kaysa sa isa, dahil maibababa ang bawat taong nagmamataas ng kaniyang sarili at maitataas ang bawat taong nagpapakababa ng kaniyang sarili.”
Shows Read in context, Share and Copy.