51 Bible Verses About Reading the Bible
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
-
12 Ang lahat ng gustong mamuhay ng matuwid kay Cristo Jesus ay uusigin. 13 Ang masasamang tao at ang mga mapagpanggap ay mas lalong lalala. Ililigaw nila ang iba. Sila mismo ay maililigaw.
14 Ngunit para sa iyo, manatili ka sa mga bagay na iyong natutunan at matibay mong pinaniniwalaan. Alam mo kung kanino ka natuto. 15 Alam mo na mula sa iyong kabataan nalaman mo na ang sagradong kasulatan. Ang mga ito ang nagbibigay karunungan sa iyo para sa kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus. 16 Lahat ng kasulatan ay kinasihan ng Diyos. Ito ay mapapakinabangan sa pangangaral, sa pagsaway, pagtatama sa mali, at pagsasanay sa katuwiran. 17 Ito ay upang ang lingkod ng Diyos ay magkaroon ng kakayahan, at mabigyan ng kasangkapan sa lahat ng mabuting gawa.
-
9 Paano pananatilihing dalisay ng isang kabataan ang kaniyang landas? Sa pamamagitan ng pagsunod sa iyong salita. 10 Busong puso kitang hahanapin; huwag mo akong hayaang malihis mula sa iyong mga kautusan. 11 Iningatan ko ang iyong salita sa aking puso para hindi ako magkasala laban sa iyo. 12 Purihin ka, O Yahweh; ituro mo sa akin ang iyong mga alituntunin. 13 Ipinahayag ng aking bibig ang lahat nang matuwid na utos na ipinakita mo. 14 Nagagalak ako sa paglakad sa mga utos mo sa tipan higit pa sa lahat ng kayamanan. 15 Pagninilayan ko ang iyong mga tagubilin at bibigyang-pansin ang mga kaparaanan mo. 16 Nasisiyahan ako sa iyong mga alituntunin; salita mo ay hindi ko kalilimutan. GIMEL.
-
7 Maging malakas at napakatapang. Maging maingat na sundin ang lahat ng batas na iniutos sa inyo ng aking lingkod na si Moises. Huwag kayong lilihis mula rito sa kanan o sa kaliwa, para maging matagumpay kayo saan man kayo pupunta. 8 Palagi kang magsasalita tungkol sa aklat ng batas na ito. Pagbubulay-bulayan mo ito sa araw at gabi para masunod mo ang lahat na nakasulat dito. Sa gayon magiging maunlad ka at matagumpay.
9 Hindi ba iniutos ko sa iyo? Maging malakas at matapang! Huwag matakot. Huwag matakot. Kasama mo si Yahweh na iyong Diyos saan ka man pupunta.”
-
1 Pagkatapos, pinangunahan ng Espiritu si Jesus sa ilang upang tuksuhin ng diyablo. 2 Noong nag-ayuno siya sa loob ng apatnapung araw at apatnapung gabi, siya ay nagutom.
3 Dumating ang manunukso at sinabi sa kaniya, “Kung ikaw ang Anak ng Diyos, utusan mo ang mga batong ito na maging tinapay.”
4 Ngunit sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya, “Nasusulat, 'Hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao kundi sa bawat salitang lumalabas sa bibig ng Diyos.”'
-
13 Sa dahilang ito kami rin ay walang tigil na nagpapasalamat sa Diyos. Sapagkat nang inyong natanggap mula sa amin ang mensahe ng Diyos na inyong napakinggan, ito ay inyong tinanggap hindi bilang salita ng tao. Sa halip, tinanggap ninyo itong totoo, ang salita ng Diyos. Ito rin ang salita na gumagawa sa inyo na sumasampalataya.
-
1 Ang lahat ng tao ay nagtipon-tipon para sa isang layunin sa liwasan sa harap ng Tarangkahan ng Tubig. Sinabi nila kay Ezra, ang eskriba na dalhin ang Aklat na Batas ni Moises, na iniutos ni Yahweh sa Israel.
2 Sa unang araw ng ika-pitong buwan, si Ezra, ang pari ay dinala ang batas sa harap ng pagpupulong, sa kapwa mga lalaki at babae, at sa lahat ng nakakarinig at nakakaunawa. 3 Humarap siya sa liwasan sa harap ng Tarangkahan ng Tubig, at binasa niya ito mula umaga hanggang tanghali, sa harap ng mga lalaki at babae, at sinumang nakauunawa. At ang lahat ng tao ay nakinig nang masigasig sa Aklat ng Batas.
-
10 Dahil ang ulan at niyebe na bumabagsak mula sa langit at hindi na bumabalik doon maliban kung binababaran nila ang lupa at nagpapatubo at nagpapasibol at nagbibigay binhi sa maghahasik at tinapay sa mga kumakain, 11 gaya rin ng aking salita na lumalabas sa aking bibig: hindi ito babalik sa akin nang walang kabuluhan, pero tutuparin nito ang aking nais, at magtatagumpay kung saan ko ito ipinadala.
-
4 Dahil anuman ang isinulat noong una ay para sa ating ikatututo, upang sa pamamagitan ng pagtitiis at sa pamamangitan ng pagpapalakas ng loob ng mga kasulatan ay magkakaroon tayo ng pag-asa.
-
14 Sinusulat ko ang mga bagay na ito sa iyo, at umaasa akong makapunta sa iyo sa lalong madaling panahon. 15 Ngunit kung maaantala ako, sumusulat ako upang iyong malaman kung paano kumilos ng wasto sa sambahayan ng Diyos, na siyang iglesiya ng buhay na Diyos, ang haligi at saligan ng katotohanan.
16 At hindi maikakaila na ang katotohanang inihayag ng pagkamaka-diyos ay dakila: “Nagpakita siya sa laman, pinatunayang matuwid ng Espiritu, nakita ng mga anghel, ipinahayag sa mga bansa, pinaniwalaan sa mundo, at itinaas sa kaluwalhatian.”
-
1 Mapalad ang taong hindi lumalakad sa payo ng masama, o tumatayo sa daanan kasama ang mga makasalanan, o umuupo sa kapulungan ng mga nangungutya. 2 Pero ang kaniyang kagalakan ay nasa batas ni Yahweh, at sa kaniyang batas, nagbubulay-bulay siya araw at gabi. 3 Siya ay matutulad sa isang puno na nakatanim malapit sa mga batis ng tubig na namumunga sa panahon nito, na ang mga dahon ay hindi nalalanta; anuman ang kaniyang gawin ay sasagana.
-
105 Ang salita mo ay ilawan ng aking mga paa at liwanag para sa aking landas.
-
3 Ibinaba niya kayo, at ginutom, at pinakain kayo ng manna, na hindi ninyo alam kung ano, ni ng inyong mga ninuno, ni ng inyong mga ama. Ginawa niya ang mga iyon para malaman ninyo na ang mga tao ay hindi lamang nabubuhay sa tinapay, kung hindi, ito ay sa pamamagitan ng bawat salita na nagmumula sa bibig ni Yahweh kaya nabubuhay ang mga tao.
-
1 Noon unang panahon, nakipag-usap ang Diyos sa ating mga ninuno sa pamamagitan ng mga propeta ng maraming beses at sa iba't-ibang paraan. 2 Ngunit sa mga araw na ito, nakikipag-usap ang Diyos sa atin sa pamamagitan ng Anak na siyang hinirang na tagapagmana ng lahat ng bagay, at sa pamamagitan niya ginawa ang mundo.
3 Ang kaniyang Anak ang ningning ng kaniyang kaluwalhatian, ang totoong katangian ng kaniyang diwa, at pinapanatili niya ang lahat sa pamamagitan ng salita ng kaniyang kapangyarihan. Pagkatapos niyang nakamit ang paglilinis ng mga kasalanan, umupo siya sa kanang kamay ng kataas-taasang kamahalan.
-
12 Dahil ang salita ng Diyos ay buhay, mabisa at mas matalim pa kaysa sa espada na may dalawang talim. Tumatagos ito kahit na sa paghahati ng kaluluwa mula sa espiritu, at sa kasu-kasuan mula sa utak ng buto. May kakayahan itong makunawa sa mga isip at mga layunin ng puso. 13 Walang bagay nanilikha ang makakatago sa paningin ng Diyos. Sa halip, lahat ng bagay ay lantad at hayag sa mga mata ng dapat nating panagutan.
-
1 Nang araw na iyon binasa nila ang Aklat ni Moises na naririnig ng mga tao. Natuklasan nila na nakasulat doon na walang Ammonita o Moabita ang dapat sumali sa kapulungan ng Diyos, magpakailanman. 2 Ito ay dahil hindi sila lumapit sa mga mamamayan ng Israel nang may tinapay at tubig, sa halip binayaran nila si Balaam para sumpain ang Israel. Gayumpaman, ginawa ng ating Diyos na isang pagpapala ang sumpa.
3 Nang narinig nila ang Batas, pinaalis nila mula sa Israel ang bawat dayuhan.
-
34 Pagkatapos, binasa ni Josue ang lahat ng mga salita sa batas, ang mga pagpapala at ang mga sumpa, gaya ng kanilang isinulat sa aklat ng batas. 35 Walang isang salita mula sa lahat na inutos ni Moises na hindi binasa ni Josue sa harap ng pagpupulong ng Israel, kasama ang mga kababaihan, ang maliliit na mga bata, at ang mga dayuhan na siyang nanirahan sa kanila.
-
10 Hindi ba ninyo nababasa ang kasulatang ito? 'Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo, ang naging batong-panulukan. 11 Mula ito sa Panginoon at kamangha-mangha ito sa ating mga mata.”'
-
11 Ngayon, ito ang ibig sabihin ng talinghaga. Ang butil ay ang salita ng Diyos. 12 Ang mga butil na nahulog sa tabi ng daan ay ang mga taong nakarinig ng salita ngunit ang diyablo ay dumating at kinuha ang salita mula sa kanilang puso upang sila ay hindi manampalataya at mailigtas.
13 At ang mga nahulog sa mabatong lupa ay ang mga tao na, nang marinig nila ang salita, tinanggap nila ito nang may galak, ngunit sila ay walang anumang mga ugat; sila ay maniniwala nang panandalian at pagkatapos, sa panahon ng pagsubok, sila ay tumiwalag.
14 Ang mga butil na nahulog sa mga matitinik na halaman ay ang mga taong nakarinig ng salita ngunit sa kanilang pagtahak ng daan, sila ay nasakal ng kanilang mga alalahanin at mga kayamanan at mga kaligayahan sa buhay na ito, kaya wala silang bungang madala sa paglago.
15 Ngunit ang mga butil na nahulog sa mabuting lupa, ito ay ang mga tao na may tapat at mabuting puso, pagkatapos nilang marinig ang salita, ito ay kanilang pinanghawakan nang mabuti at nagbunga nang may pagtitiyaga.
-
7 Kinuha niya Ang Aklat ng Tipan at binasa ito ng malakas sa mga tao. Sinabi nila, “Gagawin namin ang lahat ng sinabi ni Yahweh. Magiging masunurin kami.”
-
19 Kapag mapakinggan ng sinuman ang salita ng kaharian ngunit hindi ito nauunawaan, darating ang masama at nanakawin ang mga binhi na naihasik sa kaniyang puso. Ito ay ang binhi na naihasik sa tabi ng daan.
20 Siya na naihasik sa mabatong lupa ay siyang nakakarinig sa salita at agad itong tinatanggap nang may galak. 21 Gayunman wala siyang mga ugat at tumatagal lamang ng panandalian. At kung ang kapighatian at pag-uusig ay dumating dahil sa salita, siya ay agad nadadapa.
22 Siya na naihasik sa may mga matitinik na halaman ay nakaririnig ng salita, ngunit ang pagkabalisa sa mundo at ang panlilinlang ng mga yaman ang siyang sumakal sa salita, at hindi siya namunga.
23 Siya na naihasik sa mabuting lupa ay siyang nakarinig sa salita at nakaunawa dito. Siya ang tunay na namumunga at nagpapayabong nito; ang ilan ay namunga ng tig-iisandaan, ang iba ay tig-aanimnapu, at ang iba ay tig-tatatlumpu..”
-
4 Sinagot siya ni Jesus, “Nasusulat, 'Hindi lang sa tinapay nabubuhay ang tao.”'
-
26 Hindi ba kinakailangang si Cristo ay magdusa ng ganitong mga bagay, at pumasok sa kaniyang kaluwalhatian?” 27 At magmula kay Moises at sa lahat ng propeta, ipinaliwanag ni Jesus sa kanila ang mga bagay tungkol sa kaniyang sarili sa lahat ng mga kasulatan.
-
16 Hayaang mamuhay ang salita ni Cristo ng masagana sa inyo. Buong karunungang turuan at pagsabihan ninyo ang isa't isa sa pamamagitan ng salmo at himno, at mga awiting espiritwal. Umawit kayo ng may pasasalamat sa inyong mga puso para sa Diyos. 17 At anuman ang inyong ginagawa sa salita man o sa gawa, gawin ninyo ang lahat sa pangalan ng Panginoong Jesus. Magpasalamat sa Diyos Ama sa pamamagitan niya.
-
13 Hanggang sa ako ay dumating, manatili ka sa pagbabasa, sa pagpapaliwanag, at sa pagtuturo.
-
2 Ipangaral mo ang Salita. Maging handa kung ito ay napapanahon at kung hindi napapanahon. Pagwikaan, pagsalitaan, at pangaralan mo sila ng may buong pagtitiyaga at pagtuturo.
-
10 Inutusan sila ni Moises at sinabi, “Sa katapusan ng bawat pitong taon, sa panahon na ipapawalang-bisa ang mga utang, sa oras ng Pagdiriwang ng mga Kanlungan, 11 kapag ang buong Israelita ay dumating para magpakita sa harapan ni Yahweh na inyong Diyos sa lugar na kaniyang pipiliin para sa kaniyang santuwaryo, babasahin mo itong batas sa harapan ng buong Israel kanilang pandinig.
-
29 Subalit sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, “Nagkakamali kayo, sapagkat hindi ninyo alam ang mga kasulatan maging ang kapangyarihan ng Diyos.
-
11 Ngayon ang mga taong ito ay mas matalino kaysa sa mga taga Tesalonica, dahil tinanggap nila ang salita nang may kahandaan ng isip, nagsasaliksik ng mga kasulatan araw araw, upang makita kung ang mga bagay na ito ay totoo.
-
21 Kaya alisin ninyo ang lahat ng gawaing makasalanan at ang kasamaan na nasa lahat ng dako, at sa kababaang-loob tanggapin ang itinanim na salita, na makakapagligtas sa inyong kaluluwa.
-
22 Ginawa ninyong dalisay ang inyong mga kaluluwa sa pamamagitan ng pagsunod sa katotohanan para sa taos-pusong pagmamahal para sa kapatiran, kaya masugid ninyong ibigin ang isa't isa. 23 Ipinanganak kayong muli, hindi mula sa naglalahong binhi, ngunit mula sa hindi naglalahong binhi, sa pamamagitan ng buhay at nananatiling salita ng Diyos. 24 Sapagkat “Ang lahat ng laman ay tulad ng damo, at ang lahat ng kagandahan nito ay tulad ng bulakalak. Ang damo ay malalanta, at ang bulaklak ay malalaglag, 25 pero ang salita ng Panginoon ay mananatili magpakailanman.” Ito ang mensahe na ipinahayag bilang ebanghelyo sa inyo.
-
16 Sapagkat hindi namin sinundan ang mga katalinuhang lumikha ng mga kathang-isip noong sinabi namin sa inyo ang patungkol sa kapangyarihan at pagpapakita ng ating Panginoong Jesu-Cristo, ngunit kami ang mga naging saksi sa kaniyang kadakilaan. 17 Natanggap niya mula sa Diyos Ama ang karangalan at kaluwalhatian noong may isang tinig ang dumating sa kaniya mula sa Dakilang Kaluwalhatian na nagsasabing, “Ito ang aking Anak, ang Kaisa-isa kong minamahal, sa kaniya ay lubos akong nalulugod.” 18 Narinig namin itong tinig na nagmula sa langit habang kami ay kasama niya sa banal na bundok.
19 Nasa amin ang mga salitang ipinahayag ng mga propeta at ito ay lalong tiyak, ito ay mabuting pag-ukulan ninyo ng pansin. Ito ay tulad ng isang lampara na nagliliwanag sa madilim na lugar hanggang dumating ang umaga at ang mga bituin sa umaga ay sisikat sa inyong mga puso. 20 Una ninyong alamin ito, na ang nasusulat na propesiya ay hindi nagmula sa mismong pangangatwiran ng propeta. 21 Sapagkat walang anumang propesiya ang nagmula sa kalooban ng tao, kundi sa pamamagitan ng tao, sa ilalim ng Banal na Espiritu na siyang nagsalita mula sa Diyos.
-
2 Pagkatapos pumunta ang hari sa tahanan ni Yahweh, at kasama niya ang lahat ng mga lalaki ng Juda at lahat ng mga naninirahan sa Jerusalem, at ang mga pari, mga propeta, at lahat ng mga tao, mula sa hamak hanggang sa dakila. Pagkatapos binasa niya sa kanilang pandinig lahat ng mga salita ng aklat ng tipan na natagpuan sa tahanan ni Yahweh.
3 Tumayo ang hari sa tabi ng haligi at gumawa ng tipan sa harap ni Yahweh, na susunod kay Yahweh, at susundin ang kaniyang mga utos, mga batas ng tipan, at mga tuntunin, nang kaniyang buong puso at buong kaluluwa, para pagtibayin ang mga salita ng tipang ito na nakasulat sa aklat na ito. Kaya sumang-ayon ang lahat ng mga tao na panindigan ang tipan.
-
8 Ang damo ay natutuyot, ang bulaklak ay nalalanta, ngunit ang salita ng Diyos ay mananatili magpakailanman.”
-
34 Totoo itong sinasabi ko sa inyo, ang salinlahing ito ay hindi lilipas hanggang mangyari ang lahat ng ito. 35 Lilipas ang langit at ang lupa, ngunit ang mga salita ko ay hindi kailanman lilipas.
-
17 Kaya ang pananampalataya ay nanggagaling sa pakikinig, at pakikinig sa salita ni Cristo.
-
14 Ngunit ang kanilang mga isipan ay sarado. Kahit hanggang ngayon sa araw na ito, ang parehong takip sa mukha ay nanatili parin sa pagbasa ng lumang tipan. Hindi ito nabuksan, dahil tanging si Cristo lamang ang nakagawa nito. 15 Ngunit hanggang ngayon, sa tuwing si Moises ay mababasa isang takip ang tinataglay nila sa kanilang mga puso.
-
15 Gawin mo ang lahat mong makakaya upang iharap ang iyong sarili na karapat-dapat sa Diyos bilang isang manggagawang walang dapat ikahiya. Panghawakan mo ng tama ang salita ng katotohanan.
-
8 Sinabi ng punong pari na si Hilkias kay Safan, ang eskriba, “Natagpuan ko ang Aklat ng Batas sa tahanan ni Yahweh. Kaya ibinigay ni Hilkias ang aklat kay Safan, at binasa niya ito.
9 Pumunta si Safan at dinala ang aklat sa hari, at nag-ulat din sa kaniya, na nagsasabing, “Nagastos na ng inyong mga lingkod ang pera na natagpuan sa templo at ibinigay ito sa mga tagapangsiwa na nangalaga sa tahanan ni Yahweh.”
10 Pagkatapos sinabi ni Safan ang eskriba sa hari, “Binigyan ako ni Hilkias ang pari ng isang aklat.” Pagkatapos binasa ito ni Safan sa hari.
11 Noong marinig ng hari ang mga salita ng batas, pinunit niya ang kaniyang mga damit. 12 Inutusan ng hari sina Hilkias ang pari, Ahikam na anak ni Safan, Akbor na anak ni Mikaias, Safan ang eskriba, at Asaias, ang kaniyang sariling lingkod, na sinasabing, 13 “Pumunta kayo at sumangguni kay Yahweh para sa akin, at para sa bayan at para sa lahat ng Juda, dahil sa mga salita ng aklat na ito na natagpuan. Dahil labis ang galit ni Yahweh na nag-alab laban sa atin. Labis ito, dahil hindi nakinig ang ating mga ninuno sa mga salita ng aklat na ito para sundin ang lahat na isinulat tungkol sa atin.”
-
30 Pagkatapos ay umakyat ang hari sa tahanan ni Yahweh, at ang lahat ng mga tao sa Juda at ang mga naninirahan sa Jerusalem, ang mga pari, ang mga Levita, at ang lahat ng tao mula sa mga dakila hanggang sa mga hamak. Binasa niya sa kanila ang lahat ng salita ng Aklat ng Kautusan na natagpuan sa tahanan ni Yahweh.
-
8 At kanilang binasa ang aklat, ang batas ng Diyos, pinapaliwanag nang malinaw at binibigyan ng kahulugan para maintindihan nila ang binabasa.
-
7 Ang batas ni Yahweh ay perpekto, pinasisigla ang kaluluwa; ang patotoo ni Yahweh ay maaasahan, ginagawang marunong ang payak ang kaisipan. 8 Ang mga tagubilin ni Yahweh ay matuwid, pinasasaya ang puso; ang kautusan ni Yahweh ay dalisay, nagdadala ng liwanag sa mga mata. 9 Ang takot kay Yahweh ay dalisay, nananatili magpakailanman; ang makatuwirang mga kautusan ni Yahweh ay totoo at matuwid sa kabuuan! 10 Ang mga ito ay mas mahalaga kaysa ginto, mas higit pa kaysa pinong ginto; mas matamis kaysa pulot na tumutulo mula sa pulot-pukyutan. 11 Oo, sa pamamagitan ng mga ito ang iyong lingkod ay binalaan; sa pagsunod dito ay may malaking gantimpala.
-
17 Huwag ninyong isipin na pumarito ako upang sirain ang kautusan o ang mga propeta. Naparito ako hindi upang sirain ang mga ito kundi upang ito ay tuparin. 18 Sapagkat totoo itong sinasabi ko sa inyo, hanggang hindi lilipas ang langit at lupa, wala ni isang tuldok o kudlit man ang mawawala sa kautusan, hanggang sa ang lahat ng mga bagay ay maganap.
19 Kung gayon, sinuman ang lalabag ng kahit isa sa kaliit-liitan sa mga kautusang ito at nagtuturo sa iba na gawin ang paglabag nito ay tatawaging pinakahamak sa kaharian ng langit. Ngunit ang sinumang tumupad sa mga ito at itinuturo sa iba na tupariin ito ay tatawaging dakila sa kaharian ng langit.
-
42 At sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi ba ninyo nabasa sa mga kasulatan, 'Ang bato na tinanggihan ng mga tagapagtayo ng bahay ay naging batong panulukan. Ito ay galing sa Panginoon, at ito ay kamanghamangha sa ating mga mata.'
-
3 Sumagot si Jesus sa kanila na sinabi, “Hindi man lamang ba ninyo nabasa ang tungkol sa ginawa ni David nang siya ay magutom, siya at ang kaniyang mga kasamang kalalakihan? 4 Pumasok siya sa bahay ng Diyos, at kinuha ang tinapay na handog at kumain ng ilan sa mga ito, at ibinigay din ang ilan sa kaniyang mga kasamang kalalakihan para kainin, kahit na ayon sa batas mga pari lamang ang pwedeng kumain.”
-
38 Kung sino ang sumampalataya sa akin, gaya ng sinabi ng kasulatan, mula sa kaniya dadaloy ang mga ilog ng tubig na buhay.
-
31 Sinabi ni Jesus sa mga Judio na naniwala sa kaniya, “Kapag kayo ay nanatili sa aking salita, kayo nga ay tunay kong mga alagad; 32 at malalaman ninyo ang katotohan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.
-
34 Sumagot si Jesus sa kanila, “Hindi ba nasusulat sa inyong batas, 'Sinabi ko, “kayo ay mga diyos?'” 35 Kung tinatawag niyang mga diyos sila na dinatnan ng salita ng Diyos (at ang kasulatan ay hindi maaaring sirain), 36 sinasabi ba ninyo ang tungkol sa kaniya na siyang itinalaga ng Ama at isinugo sa mundo, 'Ikaw ay naglalapastangan,' dahil sinabi kong, 'Ako ang Anak ng Diyos'?
-
17 Italaga mo sila sa iyong sarili na nasa katotohanan; ang iyong salita ay katotohanan.
-
32 At ngayon ipinagkatiwala ko kayo sa Diyos, at sa salita ng kaniyang biyaya, na makapagpapatibay at magbigay sa inyo ng mana kasama sa lahat ng mga taong nakalaan sa Diyos.
-
13 Sapagkat ang lahat na tumatawag sa pangalan ng Panginoon ay maliligtas.
14 Kung gayon, paano sila tatawag sa kaniya na hindi nila sinasampalatayanan? At paano sila sasampalataya sa kaniya na hindi pa nila naririnig? At paano sila makakarinig kung walang tagapangaral? 15 At paano sila mangangaral kung hindi sila isinugo? — Gaya ng nasusulat, “Kayganda ng mga paa ng mga nagpapahayag ng mga masasayang balita ng mga mabubuting bagay!”
-
14 Kaya nga, mga minamahal, yaman din lamang na inaasahan ninyo ang mga bagay na ito, sikapin ninyong gawin ang lahat na kayo ay matagpuang walang bahid, at walang kapintasan upang makatagpo ng kapayapaan sa kaniya, 15 At isaalang-alang ninyo ang katiyagahan ng ating Panginoon na maging kaligtasan, kagaya ng ating minamahal na kapatid na si Pablo, ayon sa karunungan na ipinagkaloob sa kaniya. 16 Sinabi ni Pablo ang lahat ng mga bagay na ito sa lahat ng kaniyang mga sulat, na kung saan maraming mga bagay ang mahihirap na maintindihan. Ang mga bagay na ito ay binaluktot ng mga taong hindi naturuan at walang katiyakan, habang sila ay gumagawa ng ibang mga kasulatan para sa sarili nilang kapahamakan.
17 Kaya nga mga minamahal, yamang din lamang na alam na ninyo ang mga bagay na ito, bantayan ninyo ang inyong mga sarili, upang hindi kayo maililigaw sa panlilinlang ng mga taong walang batas na siyang magdudulot ng pagkawala ng inyong katapatan. 18 Ngunit, lumago kayo sa biyaya at kaalaman ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo. Sa kaniya ang kaluwalhatian ngayon at magpakailanman. Amen!
Shows Read in context, Share and Copy.