58 Bible Verses About Power

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Bible Verses About Power
  1. 11 Pagkatapos nakita ko ang langit na bumukas, at nakita ko roon ang isang puting kabayo. Ang nakasakay dito ay tinatawag na Tapat at Totoo. Humahatol siya ng may katuwiran at nakikipagdigma siya. 12 Ang kaniyang mga mata ay parang nagniningas na apoy, at sa kaniyang ulo ay maraming mga korona. Mayroon siyang pangalan na nakasulat sa kaniya na walang ibang nakakaalam kundi ang kaniyang sarili. 13 Nakasuot siya ng balabal na nilublob sa dugo at ang kaniyang pangalan ay Ang Salita ng Diyos.

    14 Ang hukbo ng kalangitan ay sumusunod sa nakasakay sa puting kabayo, na nakadamit ng pinong lino, maputi at malinis. 15 Mula sa kaniyang bibig lumabas ang isang matalim na espada na ipinanghahampas niya sa mga bansa, at pamumunuan niya sila ng pamalong bakal. Pag-aapakan niya ang tindi ng galit sa poot ng Diyos, na namumuno sa lahat. 16 Sinulatan niya ang kaniyang balabal at sa kaniyang hita ng pangalang: HARI NG MGA HARI AT PANGINOON NG MGA PANGINOON.

  2. 17 Sapagkat hindi ako isinugo ni Cristo upang magbautismo kundi mangaral ng ebanghelyo. Hindi niya ako isinugo upang mangaral sa salita na may karunungan ng tao, upang ang krus ni Cristo ay hindi mawawalan ng kapangyarihan.

    18 Sapagkat ang mensahe tungkol sa krus ay kamangmangan sa mga mamamatay. Ngunit para sa mga inililigtas ng Diyos, ito ay ang kapangyarihan ng Diyos. 19 Sapagkat nasusulat, “Sisirain ko ang karunungan ng marurunong. Bibiguin ko ang pang-unawa ng mga matatalino.”

    20 Nasaan ang taong marunong? Nasaan ang dalubhasa? Nasaan ang debatista ng mundong ito? Hindi ba't pinalitan ng Diyos ang karunungan ng mundong ito ng kamangmangan? 21 Dahil ang mundo sa sarili nitong karunungan ay hindi kinilala ang Diyos, nalugod ang Diyos sa pamamagitan ng kamangmangan ng pangangaral na iligtas ang sinumang sumasampalataya.

    22 Sapagkat humihiling ang mga Judio ng mga tanda ng himala at naghahangad ng karunungan ang mga Griyego. 23 Ngunit ipinapangaral namin si Cristo na napako, isang ikinatitisod ng mga Judio at kamangmangan sa mga Griyego. 24 Ngunit sa lahat ng mga tinawag ng Diyos, maging Judio at Griyego, ipinapangaral namin na si Cristo ang kapangyarihan at ang karunungan ng Diyos.

    25 Sapagkat ang kamangmangan ng Diyos ay mas higit sa karunungan ng tao, at ang kahinaan ng Diyos ay higit sa kalakasan ng tao.

    26 Tumingin kayo sa pagkatawag ng Diyos sa inyo, mga kapatid. Iilan lamang ang marurunong sa inyo sa pamamagitan ng pamantayan ng tao. Iilan lamang ang makapangyarihan sa inyo. Iilan lamang ang may maharlikang kapanganakan sa inyo. 27 Ngunit pinili ng Diyos ang mga bagay na mangmang sa mundo upang hiyain ang mga marurunong. Pinili ng Diyos kung anong mahihina sa mundo upang hiyain ang malakas. 28 Pinili ng Diyos kung ano ang mabababa at hinamak sa mundo. Pinili nga niya ang mga bagay na itinuring na walang kabuluhan, upang mawalang kabuluhan ang mga bagay na pinanghahawakang mahalaga. 29 Ginawa niya ito upang walang sinuman ang may dahilan upang magyabang sa harapan niya.

  3. 28 Hindi mo ba alam? Hindi mo ba narinig? Ang walang hanggang Diyos, si Yahweh, ang Manlilikha ng mga dulo ng mundo, ay hindi napapagod o nanghihina; walang hangganan ang kaniyang kaunawaan. 29 Nagbibigay siya ng kalakasan sa mga pagod; sa mga mahihina nagbibigay siya ng bagong lakas. 30 Kahit ang mga kabataan ay napapagod at nanghihina, at ang kabataang lalaki ay nadadapa at nahuhulog: 31 pero silang naghihintay kay Yahweh ay panunumbalikin ang kanilang kalakasan; pumailanglang sila ng may pakpak tulad ng mga agila; sila ay tatakbo at hindi manghihina; sila ay maglalakad at hindi mahihimatay.

  4. 16 Hindi ako tumigil sa pagpapasalamat sa Diyos tungkol sa inyo at pagbanggit sa inyo sa aking mga panalangin. 17 Ipinapanalangin ko na ang Diyos ng ating Panginoong Jesu-Cristo, ang Ama ng kaluwalhatian, ay magbigay sa inyo ng espiritu ng karunungan at kapahayagan ng kaniyang kaalaman.

    18 Ipinapanalangin ko na ang mga mata ng inyong puso ay maliwanagan upang malaman ninyo kung ano ang inaasahan ng ating pagkakatawag. Ipinapanalangin ko na malaman ninyo ang yaman ng kaluwalhatian ng kaniyang pamana sa kanila na binukod para sa kaniya. 19 Ipinapanalangin ko na malaman ninyo ang hindi masukat na kadakilaan ng kaniyang kapangyarihan sa atin na mga nanampalataya. Ang kadakilaang ito ay ayon sa pagkilos sa kalakasan ng kaniyang kapangyarihan. 20 Ito ang kapangyarihan na kumilos kay Cristo noong siya ay binuhay ng Diyos mula sa mga patay at pinaupo siya sa kaniyang kanang kamay sa kalangitan. 21 Pinaupo niya si Cristo na pinakamataas sa lahat ng kapamahalaan, kapangyarihan, pamunuan, at bawat pangalan na pinangalanan. Pinaupo niya si Cristo hindi lamang sa panahong ito, kundi maging sa panahong darating.

    22 Pinailalim ng Dios ang lahat sa paanan ni Cristo. Ginawa niya siyang ulo sa lahat ng nasa iglesia. 23 Ang iglesiya ay ang kaniyang katawan, ang kapuspusan niya na pumupuno sa lahat ng mga bagay sa lahat ng mga kaparaanan.

  5. 5 Kahanga-hangang kumukulog ang tinig ng Diyos; gumagawa siya ng mga kadakilaan na hindi natin maunawaan. 6 Sabi niya sa niyebe, “Mahulog ka sa lupa'; gaya sa ambon, 'Maging isang malakas na pagbuhos ng ulan.'

  6. 15 Ang anak ay ang larawan ng hindi nakikitang Diyos. Siya ang unang anak sa lahat ng mga nilikha. 16 Sapagkat sa pamamagitan niya nilikha ang lahat ng bagay, ang mga nasa langit at ang mga nasa lupa, ang mga nakikita at ang mga hindi nakikita. Maging mga trono o pamahalaan o pamunuan o kapangyarihan, ang lahat ng bagay ay nilikha sa pamamagitan niya at para sa kaniya.

    17 Siya ang una sa lahat ng mga bagay, at sa kaniya ang lahat ng bagay ay nagkakaugnay. 18 At siya ang ulo ng katawan, ang iglesiya. Siya ang simula at ang unang anak mula sa mga patay, kaya siya ang pangunahin sa lahat ng mga bagay. 19 Sapagkat ang Diyos ay nalugod na ang kaniyang kaganapan ay nararapat na mamuhay sa kaniya,

  7. 7 Sapagkat hindi tayo binigyan ng Diyos ng espiritu ng pagkatakot, kundi ng kapangyarihan, pag-ibig at disiplina.

    8 Kaya huwag mong ikakahiya ang magpatotoo tungkol sa ating Panginoon, maging ako, si Pablo, na kaniyang bilanggo. Sa halip, makibahagi sa pagdurusa para sa ebanghelyo ayon sa kapangyarihan ng Diyos.

  8. 37 Pakinggan mo ako, O Yahweh, pakinggan mo ako, para malaman ng mga tao na ikaw, Yahweh, ay Diyos, at iyong ibabalik muli ang kanilang puso sa iyong sarili.”

    38 Pagkatapos kaagad ang apoy ni Yahweh ay bumaba, at tinupok ang handog na susunugin, maging ang kahoy, ang mga bato, at ang lupa, at tinuyo ang tubig na nasa kanal.

    39 Nang makita ng buong bayan ito, sila ay nagpatirapa sa lupa at sinabi, “Si Yahweh, siya ay Diyos! Si Yahweh, siya Diyos!”

    40 Kaya sinabi ni Elias sa kanila, “Dalhin ninyo ang mga propeta ni Baal. Huwag hayaang makatakas ni isa sa kanila”’ Kaya kinuha sila, at dinala ni Elias ang mga propeta ni Baal sa ibaba ng batis ng Cison at pinatay sila roon.

  9. 6 Nang sama-sama silang nagkatipon tinanong nila siya, ''Panginoon, ito na ba ang oras na ibabalik mo ang kaharian sa Israel?''

    7 Sinabi niya sa kanila, ''Hindi na para malaman ninyo ang mga oras o ang mga panahon na itinakda ng Ama sa kaniyang sariling kapamahalaan. 8 Ngunit makakatanggap kayo ng kapangyarihan, kapag sumainyo ang Banal na Espiritu at kayo ay magiging saksi ko sa Jerusalem at sa buong Judea at Samaria, at hanggang sa mga dulo ng mundo.''

    9 Nang sabihin ng Panginoong Jesus ang mga bagay na ito, habang nakatingala sila, siya ay itinaas, at itinago siya ng ulap mula sa kanilang mga mata.

  10. 16 Sapagkat hindi ko ikinahihiya ang ebanghelyo, sapagkat ito ang kapangyarihan ng Diyos upang iligtas ang sinumang sumasampalataya, una ay sa Judio at gayon din sa Griyego. 17 Sapagkat dito ang katuwiran ng Diyos ay naihahayag mula sa pananampalataya hanggang sa pananampalataya, gaya ng nasusulat, “Ang matuwid ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya.”

  11. 14 Dahil dito lumuluhod ako sa Ama, 15 kung saan nagmula ang bawat pamilya sa langit at sa lupa. 16 Ipinapanalangin ko na pagkalooban kayo ayon sa kayamanan ng kaniyang kaluwalhatian, na mapalakas kayo ng kapangyarihan sa pamamagitan ng kaniyang Espiritu na nasa inyo. 17 Ipinapanalangin ko na manahan si Cristo sa mga puso ninyo sa pamamagitan ng pananampalataya. Ipinapanalangin ko na mag-ugat at maging matatag kayo sa kaniyang pag-ibig. 18 Nawa nasa pag-ibig niya kayo upang maunawaan ninyo, kasama ng lahat ng nananampalataya, kung gaano kalawak, kahaba, kataas at kalalim ang pag-ibig ni Cristo. 19 Ipinapanalangin ko na malaman niyo kung gaano kalaki ang pag-ibig ni Cristo na higit sa kaalaman. Nawa gawin ninyo ito upang mapuno kayo ng kapuspusan ng Diyos.

  12. 7 Pipigilan ko rin na magmayabang dahil sa hindi pangkaraniwang uri na mga pahayag na iyon. Kung kaya, upang ako ay hindi mapuno ng pagmamalaki, isang tinik sa laman ang ibinigay sa akin, isang mensahero mula kay Satanas upang ako ay guluhin at ng ako ay hindi labis na maging mapagmataas. 8 Tatlong beses akong nagmakaawa sa Panginoon tungkol dito, para tanggalin ito sa akin. 9 At sinabi niya sa akin, “Ang aking biyaya ay sapat sa iyo, sapagkat ang kapangyarihan ay nagiging ganap sa kahinaan.” Kung kaya mas mabuti pang ipagmayabang ko ang tungkol sa aking kahinaan, upang ang kapangyarihan ni Cristo ay manahan sa akin. 10 Kung kaya ako ay nasisiyahan alang-alang kay Cristo, sa kahinaan man, sa panglalait man, sa kaguluhan man, sa pagmamalupit man, sa mga pangyayari man na nakapagbibigay ng kapighatian. Sa tuwing ako ay mahina, saka ako malakas.

  13. 2 Sapagkat nagpasya akong walang kilalanin nang ako ay nasa inyo maliban kay Jesu-Cristo na siyang ipinako sa krus. 3 At nakasama ninyo ako sa kahinaan, at pagkatakot, at sa matinding panginginig. 4 At ang aking mensahe at pagpapahayag ay hindi sa mapang-akit na pananalita ng karunungan. Sa halip, kasama ng mga ito ang pagpapakita ng Espiritu at ng kapangyarihan, 5 upang ang inyong pananampalataya ay hindi sa karunungan ng mga tao, kundi sa kapangyarihan ng Diyos.

  14. 10 Sa wakas, magpakatatag kayo sa Panginoon at sa kalakasan ng kaniyang kapangyarihan. 11 Isuot ninyo ang buong baluti ng Diyos, upang sa ganoon maaari ninyong malabanan ang mga mapanlinlang na mga balak ng diablo.

  15. 6 Wala kang katulad, Yahweh. Dakila ka at dakila ang kapangyarihan ng iyong pangalan. 7 Sino ang hindi matatakot sa iyo, hari ng mga bansa? Sapagkat ito ang karapat-dapat sa iyo, sapagkat wala kang katulad sa lahat ng matatalinong tao sa mga bansa o sa lahat ng kanilang mga maharlikang kaharian. 8 Pare-pareho silang lahat, malulupit sila at hangal, mga alagad ng diyus-diyosan na mga kahoy lamang. 9 Nagdadala sila ng pilak na pinanday mula sa Tarsis at ginto mula sa Upaz na gawa ng mga manggagawa at ng kamay ng mga panday. Asul at lila ang kanilang mga damit. Ang kanilang mga dalubhasang tauhan ang gumawa ng lahat ng bagay na ito. 10 Ngunit si Yahweh ang tunay na Diyos. Siya ang buhay na Diyos at hari magpakailanman. Nayayanig ang mundo at hindi kayang tiisin ng mga bansa ang kaniyang galit.

    11 Ganito ang sasabihin mo sa kanila, “Malilipol sa lupa at sa ilalim ng kalangitan ang mga diyos na hindi lumikha ng kalangitan at ng lupa. 12 Ang lumikha ng daigdig sa kaniyang kapangyarihan ang nagtatag ng kalupaan sa pamamagitan ng kaniyang karunungan at nagpalaganap ng kalangitan sa pamamagitan ng kaniyang pang-unawa. 13 Ang kaniyang tinig ang lumilikha ng dagundong ng katubigan sa kalangitan at siya ang nagpapaangat ng hamog mula sa bawat sulok ng daigdig. Lumilikha siya ng kidlat para sa ulan at nagpapalabas ng hangin mula sa kaniyang kamalig.

  16. 34 Sinabi ni Maria sa anghel, “Paano mangyayari ito, yamang hindi pa naman ako nakitabi kasama ang sinumang lalaki?”

    35 Sumagot ang anghel at sinabi sa kaniya, “Ang Banal na Espirito ay darating sa iyo, at ang kapangyarihan ng Kataas-taasan ay mapapasaiyo. Kaya ang banal na isisilang, ay tatawaging Anak ng Diyos. 36 At tingnan mo, ang iyong kamag-anak na si Elisabet ay nagbuntis din ng isang anak na lalaki sa kaniyang katandaan. Ito na ang kaniyang ikaanim na buwan, siya na tinawag na baog. 37 Sapagkat walang hindi kayang gawin ang Diyos.”

  17. 4 Sapagkat siya ay naipako sa kahinaan ngunit siya ay buhay sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos. Sapagka't kami rin ay mahina ngunit kami ay mabubuhay kasama niya sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos na nasa inyo.

  18. 10 Huwag kang matakot, sapagkat ako ay kasama mo. Huwag kang mabalisa, sapagkat ako ang iyong Diyos. Pagtitibayin kita, at tutulungan kita, at aalalayan kita sa pamamagitan ng aking kanang kamay ng aking marapat na tagumpay. 11 Tingnan mo, sila ay mahihiya at manliliit, lahat nang nagagalit sa iyo; sila ay papanaw at maglalaho, silang kumakalaban sa iyo.

  19. 11 Minsang nagsalita ang Diyos, dalawang beses kong narinig ang mga ito: sa Diyos nauukol ang kapangyarihan.

  20. 19 Ngunit malapit na akong pumunta sa inyo, kung kalooban ng Panginoon. At hindi ko lamang malalaman ang salita ng mga mayayabang na ito, ngunit makikita ko ang kanilang kapangyarihan. 20 Sapagkat ang kaharian ng Diyos ay hindi naglalaman ng usapin kundi ng kapangyarihan.

  21. 11 Sa iyo, Yahweh, ang kadakilaan, ang kapangyarihan, ang kaluwalhatian, ang katagumpayan, at ang karangalan. Sapagkat sa iyo ang lahat ng nasa langit at nasa lupa. Sa iyo ang kaharian, Yahweh, at ikaw ang itinataas bilang tagapamuno ng lahat.

  22. 31 At siya ay bumaba patungong Capernaum, isang lungsod ng Galilea. Sa isang Araw ng Pamamahinga siya ay nagturo sa mga tao sa sinagoga. 32 Sila ay namangha sa kaniyang itinuturo, dahil nagsalita siya nang may kapangyarihan.

    33 Ngayon, sa sinagoga sa araw na iyon may isang tao na may espiritu ng maruming demonyo, at siya ay sumigaw nang may malakas na tinig, 34 “Ano ang nais mong gawin sa amin, Jesus na taga-Nazaret? Ikaw ba ay pumarito para kami ay puksain? Alam ko kung sino ka! Ikaw ang Banal ng Diyos!”

    35 Sinaway ni Jesus ang demonyo, na nagsasabi, “Manahimik ka at lumabas ka sa kaniya!” Nang naihagis ng demonyo ang lalaki sa kalagitnaan nila, siya ay lumabas mula sa kaniya na walang nangyaring masama sa lalaki.

    36 Lahat ng tao ay lubhang namangha, at sila ay patuloy na nag-uusap sa isa't isa sa nangyari. Sinabi nila, “Anong uri ang mga salitang ito? Inutusan niya ang mga maruruming espiritu na may kakayahan at kapangyarihan at sila ay lumabas.”

  23. 13 noong kayo ay patay sa inyong mga pagkakasala at sa hindi pagkakatuli ng inyong laman, binuhay niya kayong kasama niya at pinatawad tayong lahat sa ating mga paglabag. 14 Binura niya ang nakasulat na tala ng mga pagkaka-utang at ang mga tuntunin na laban sa atin. Tinanggal niya ang lahat ng mga ito at ipinako ito sa krus. 15 Tinanggal niya ang mga kapangyarihan at mga kapamahalaan. Lantaran niya silang ibinunyag at dinala sila sa matagumpay na pagdiriwang sa pamamagitan ng kaniyang krus.

  24. 14 Tingnan mo, ang mga ito ay mga palawit lamang ng kaniyang mga pamamaraan; kay hinang bulong ang naririing natin mula sa kaniya! Sino ang makakaunawa sa kulog ng kaniyang kapangyarihan?

  25. 1 Nang sumapit ang araw ng Pentecostes, lahat sila ay sama-sama sa iisang lugar. 2 Bigla na lamang may tunog mula sa langit na tila humahagibis na hangin, at napuno nito ang buong bahay kung saan sila nakaupo. 3 Doon ay nagpakita sa kanila ang tulad ng dilang apoy na napamahagi at dumapo sa bawat isa sa kanila. 4 Napuspos silang lahat ng Banal na Espiritu at nagsimula silang magsalita sa iba't ibang wika ayon sa ipinagkaloob ng Espiritu sa kanila na sabihin.

  26. 24 Muling sinasabi ko sa inyo, madali pa sa isang kamelyo ang pumasok sa butas ng karayom kaysa sa isang mayaman na makapasok sa kaharian ng Diyos.”

    25 Nang mapakinggan ito ng mga alagad, sila ay namangha at sinabi, “Sino kung gayon ang maaaring maligtas?”

    26 Tumingin sa kanila si Jesus at sinabi, “Sa mga tao ito ay imposible ngunit sa Diyos, lahat ay posible.”

  27. 17 Bumalik ang pitumpu na may kagalakan, nagsasabing, “Panginoon, kahit ang mga demonyo ay nagpasakop sa amin sa iyong pangalan.”

    18 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Pinanood ko si Satanas na nahulog mula sa langit gaya ng kidlat. 19 Tingnan, binigyan ko kayo ng kapangyarihan na tapakan ang mga ahas, at ang mga alakdan, at sa lahat ng kapangyarihan ng kaaway, at walang makapananakit sa inyo sa anumang paraan. 20 Gayon pa man huwag kayong magalak lamang sa mga ito, na ang mga espiritu ay sumusunod sa inyo, ngunit higit na magalak na ang inyong mga pangalan ay nakasulat sa langit.”

  28. 18 Sa kabila ng lahat ng mga pangyayari, nagtiwala ng lubusan si Abraham sa Diyos para sa hinaharap. Kaya naging ama siya ng maraming bansa, tulad ng sinabi, “... Magiging ganoon ang iyong mga kaapu-apuhan.” 19 Hindi siya mahina sa pananampalataya. Kinilala ni Abraham na patay na ang kaniyang katawan sapagkat mag-iisandaang taon na siya. Kinilala rin niya ang pagiging patay ng bahay-bata ni Sara. 20 Ngunit dahil sa pangako ng Diyos, hindi nag-alinlangan si Abraham sa pananampalataya. Sa halip, napalakas siya sa pananampalataya at nagbigay papuri sa Diyos. 21 Lubos siyang naniwala na kung ano ang ipinangako ng Diyos, kaya din niyang tuparin.

  29. 13 Pagkatapos sinabi ni Yahweh kay Moises, “Gumising ka ng maaga, tumayo ka sa harapan ni Paraon, at sabihin sa kaniya, 'si Yahweh, ang Diyos ng mga Hebreo, sinasabi ito: “Hayaan mong umalis ang aking bayan para maari silang sumamba sa akin. 14 Sa oras na ito ipapadala ko ang lahat ng mga salot sa iyo mismo, sa iyong mga lingkod at sa iyong bayan. Gagawin ko ito para malaman mo na walang sinuman ang katulad ko dito sa buong mundo.

    15 Sa ngayon maaari kung iunat ang aking kamay at lusubin ka at ang iyong bayan ng sakit, at kayo ay lipulin mula sa lupain. 16 Pero sa ganitong kadahilanan hinayaan ko kayong makaligtas: para maipakita ang aking kapangyarihan, nang sa ganoon maipahayag ko sa lahat ng panig ng mundo ang aking pangalan. 17 Patuloy mong itinataas ang iyong sarili laban sa aking bayan sa pamamagitan ng hindi mo pagpayag na paalisin sila.

    18 Makinig! Bukas sa ganito ring oras magdadala ako ng isang napakalakas na ulang may yelo, pangyayari na hindi pa nakikita sa Ehipto mula sa unang araw nito hanggang ngayon.

  30. 35 O Diyos, ikaw ay kinatatakutan sa iyong banal na lugar; ang Diyos ng Israel—nagbibigay siya ng kalakasan at kapangyarihan sa kaniyang bayan. Purihin ang Diyos.

  31. 26 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Bakit kayo natatakot, kayong maliit ang pananampalataya?” At bumangon si Jesus at sinaway ang mga hangin at ang dagat. At nagkaroon ng labis na katahimikan.

    27 Namangha ang mga lalaki at sinabi nila, “Anong uring tao ito, maging ang dagat at hangin ay sumusunod sa kaniya?”

  32. 13 Magagawa ko ang lahat ng mga bagay sa pamamagitan niya na nagpapalakas sa akin.

  33. 12 Dahil ang salita ng Diyos ay buhay, mabisa at mas matalim pa kaysa sa espada na may dalawang talim. Tumatagos ito kahit na sa paghahati ng kaluluwa mula sa espiritu, at sa kasu-kasuan mula sa utak ng buto. May kakayahan itong makunawa sa mga isip at mga layunin ng puso.

  34. 4 Magtiwala kay Yahweh magpakailanman; dahil kay Yah, Yahweh, ay ang walang hanggang tanggulan.

  35. 17 'Oh, Panginoong Yahweh! Tingnan mo! Ikaw lamang ang lumikha sa kalangitan at sa lupa sa pamamagitan ng iyong dakilang lakas at sa pamamagitan ng iyong nakataas na braso. Wala kang sinabi na napakahirap para sa iyo na gawin.

    18 Nagpakita ka ng tipan ng katapatan sa libu-libo at ibinuhos mo ang kasamaan ng mga tao sa mga kandungan ng kanilang magiging mga anak. Ikaw ang dakila at makapangyarihang Diyos, Yahweh ng mga hukbo ang iyong pangalan.

  36. 1 Ang bawat kaluluwa ay maging masunurin sa mga matataas na kapangyarihan, dahil walang kapangyarihan na hindi nanggagaling sa Diyos. At ang mga may kapangyarihang umiiral ay itinalaga ng Diyos. 2 Samakatuwid ang lumalaban sa kapangyarihang iyon ay sumasalungat sa mga utos ng Diyos, at ang mga sumasalungat dito ay makakatanggap ng kahatulan sa kanilang mga sarili.

  37. 7 Ngunit mayroon kaming kayamanan sa loob ng isang sisidlang gawa sa putik, upang maging malinaw na ang lubhang dakilang kapangyarihan ay nararapat para sa Diyos at hindi sa amin.

  38. 12 Nagmula sa iyo ang kayamanan at karangalan, at namumuno ka sa lahat ng mga tao. Nasa iyong kamay ang kapangyarihan at kalakasan. Taglay mo ang lakas at kalakasan na gawing dakila ang mga tao at magbigay ng lakas sa sinuman.

  39. 3 Sabihin mo sa Diyos, “Nakakikilabot ang iyong mga gawa! Sa pamamagitan ng kadakilaan ng iyong kapangyarihan, magpapasakop sa iyo ang iyong mga kaaway. 4 Sasamba at aawit sa iyo ang lahat ng nasa lupa; aawit sila sa iyong pangalan.” Selah 5 Halika at tingnan ang mga gawa ng Diyos; kinatatakutan siya sa kaniyang mga ginagawa sa mga anak ng mga tao. 6 Ginawa niyang tuyong lupa ang dagat; tumawid sila sa ilog nang naglalakad; nagalak kami sa kaniya roon. 7 Namumuno siya magpakailanman sa pamamagitan ng kaniyang kapangyarihan; pinagmamasdan ng kaniyang mga mata ang mga bansa; huwag hayaang itaas ng mga suwail ang kanilang mga sarili. Selah

  40. 14 Sinabi ni Nebuchadnezar sa kanila, nakapagpasya na ba kayo, Shadrac, Meshac at Abednego upang hindi sambahin ang aking mga diyos o magpatirapa sa harapan ng gintong imahen na aking ipinatayo? 15 Ngayon, kung handa na kayo—kapag maririnig ninyo ang mga tunog ng mga tambuli, mga plauta, mga sitar, mga lira, mga alpa at mga saltero at lahat ng uri ng tugtugin—magpatirapa at dumapa sa imahen na aking ginawa at magiging maayos ang lahat. Ngunit kapag hindi kayo sasamba, kaagad kayong itatapon sa naglalagablab na pugon. Sinong diyos ang maaaring magligtas sa inyo mula sa aking mga kamay?”

    16 Sumagot sa hari sina Shadrac, Meshac at Abednego, “Nebucadnezar, hindi namin kailangang sumagot sa usaping ito. 17 Kung mayroon mang sagot, ito ay ang aming Diyos na aming pinaglilingkuran ang may kakayahan na magligtas sa amin mula sa naglalagablab na pugon at ililigtas niya kami mula sa inyong mga kamay, o hari. 18 Ngunit kung hindi man, nais naming malaman mo ito, o hari, na hindi kami sasamba sa iyong mga diyos at hindi kami magpatirapa sa gintong imahen na iyong ipinatayo.”

  41. 37 Sa lahat ng bagay na ito, higit pa tayo sa mga manlulupig sa pamamagitan ng nagmamahal sa atin. 38 Sapagkat naniniwala ako na kahit ang kamatayan, ni ang buhay, ni mga anghel, ni mga pamahalaan, ni ang mga bagay sa kasalukuyan, ni ang mga bagay na darating, ni ang mga kapangyarihan, 39 ni ang kataasan, ni ang kailaliman, ni anumang bagay na nilikha, ang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos, na na kay Cristo Jesus na ating Panginoon.

  42. 54 Ngunit kung itong nasisira ay nailagay sa hindi nasisira at ang namamatay na ito ay mailalagay sa hindi namamatay, mangyayari ang tungkol sa kasabihang naisulat, “Nilamon ang kamatayan ng pagtatagumpay.” 55 “Kamatayan, nasaan ang iyong tagumpay? Kamatayan, nasaan ang iyong kamandag?”

    56 Ang kamandag ng kamatayan ay kasalanan at ang kapangyarihan ng kasalanan ay ang kautusan. 57 Ngunit salamat sa Diyos, na siyang nagbibigay sa atin ng tagumpay sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo!

  43. 5 Pagkatapos bumaba si Samson sa Timna kasama ang kaniyang ama at ina, at dumating sila sa ubasan malapit sa Timna. At mayroong isa sa mga batang leon ang dumating at umatungal sa kaniya. 6 Biglang pumaloob sa kaniya ang Espiritu ni Yahweh, at doon dinurog niya ang leon ng pira-piraso na kasing dali ng pagdurog sa isang maliit na kambing, at walang anumang bagay sa kaniyang kamay. Pero hindi niya sinabi sa kaniyang ama o sa kaniyang ina kung ano ang kanyang ginawa.

  44. 2 Masdan ito, dinala nila sa kaniya ang isang lalaking paralisado na nakaratay sa isang higaan. Nang nakita niya ang kanilang pananampalataya, sinabi ni Jesus sa paralisado, “Anak, magalak ka. Ang iyong mga kasalanan ay napatawad na.”

    3 Masdan ito, may ilan sa mga eskriba ang nagsabi sa kanilang mga sarili, “Ang taong ito ay lumalapastangan sa Diyos,” 4 Batid ni Jesus ang mga nasa isip nila at sinabi, “Bakit kayo nag-iisip ng masama sa inyong mga puso? 5 Sapagkat alin ba ang mas madaling sabihin, 'Napatawad na ang iyong mga kasalanan' o ang sabihin, 'Tumayo ka at lumakad'? 6 Ngunit para malaman ninyo na ang Anak ng Tao ay may kapangyarihan na magpatawad ng kasalanan dito sa lupa,...” sinabi niya sa paralisado, “Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan, at umuwi ka sa iyong bahay.” 7 Pagkatapos ay tumayo ang lalaki at umuwi sa kaniyang bahay.

    8 Nang makita ito ng napakaraming tao, namangha sila at nagpuri sa Diyos, na siyang nagbigay ng ganoong kapangyarihan sa mga tao.

  45. 14 Ako ang mabuting pastol, at kilala ko ang sa akin, at ang sa akin ay nakikilala ako. 15 Kilala ako ng Ama, at kilala ko ang Ama, at ibinigay ko ang aking buhay para sa mga tupa. 16 Mayroon akong iba pang mga tupa na wala sa tupahang ito. Sila din, kailangan kong dalhin, at makikinig sila sa aking boses upang magkaroon lamang ng isang kawan at isang pastol.

    17 Ito ang dahilan kung bakit ako iniibig ng Ama: Ibibigay ko ang aking buhay upang muli kong kunin. 18 Walang sinumang kukuha nito sa akin, kundi kusa ko itong ibibigay. Ako'y mayroong kapangyarihang ibigay ito, at mayroon din akong kapangyarihan na ito ay kunin muli. Natanggap ko ang utos na ito mula sa Ama.”

  46. 19 Sasabihin mo sa akin, “Bakit pa siya humahanap ng kamalian? Sapagkat sino ang nakapigil sa kaniyang kalooban ni minsan?” 20 Sa kabilang banda, tao, sino kang sumasagot laban sa Diyos? Sasabihin ba ng hinulma sa humulma nito, “Bakit mo ako ginawang ganito?” 21 Wala bang karapatan sa putik ang magpapalayok, upang gawin sa iisang tumpok ng putik ang isang sisidlan para sa natatanging paggagamitan, at ang isa pang sisidlan para sa pangaraw-araw na paggagamitan?

    22 Paano kung ang Diyos, na nagnanais ipakita ang kaniyang galit at ipahayag ang kaniyang kapangyarihan, ay nagtiyaga ng may labis na pagtitiis sa mga sisidlan ng galit na naihanda para sa pagkawasak? 23 Paano kung ginawa niya ito upang mahayag ang kayamanan ng kaniyang kaluwalhatian sa mga sisidlan ng awa, na noon pa ay inihanda na niya para sa kaluwalhatian? 24 Paano kung ginawa niya rin ito para sa atin, na tinawag din niya, hindi lamang mula sa mga Judio, ngunit mula rin sa mga Gentil?

  47. 9 Sapagkat sa kaniyang katawan nabubuhay ang lahat ng kaganapan ng Diyos. 10 At napuno kayo sa kaniya. Siya ang ulo ng bawat kapangyarihan at kapamahalaan.

  48. 6 Dahil ikaw ang siyang nagpatatag ng mga kabundukan, ikaw na binabalot ng kalakasan.

  49. 4 Siya ang lumikha ng mga bituin. 5 Dakila at makapangyarihan si Yahweh, at walang kapantay ang kaniyang karunungan.

  50. 19 Ibibigay ko sa iyo ang mga susi sa kaharian ng langit. Anumang gapusin mo sa lupa ay gagapusin din sa langit, at anumang kalagan ninyo sa lupa ay kakalagan din sa langit.”

  51. 10 Pagkatapos, sinabi ni Pilato sa kaniya, “Hindi ka ba magsasalita sa akin? Hindi mo ba alam na may kapangyarihan ako na palayain ka at kapangyarihan na ipapako ka?”

    11 Sumagot si Jesus sa kaniya, “Wala kang kapangyarihan laban sa akin maliban kung ito ay ibinigay sa iyo mula sa itaas. Kaya ang taong nagdala sa akin sa iyo ay may mas malaking kasalanan.”

  52. 1 Samakatuwid, dahil kami ay mayroong ganitong ministeryo, at dahil nakatanggap kami ng awa, hindi kami pinanghinaan ng loob. 2 Sa halip, itinakwil pa namin ang mga kaparaanan na kahiya-hiya at nakatago. Hindi kami namumuhay sa pandaraya, at hindi namin ginagamit sa maling paraan ang salita ng Diyos. Sa pamamagitan ng paghahayag ng katotohanan, iminumungkahi namin ang aming sarili para sa budhi ng lahat sa paningin ng Diyos. 3 Ngunit kung ang ating ebanghelyo ay nakatalukbong, nakatalukbong lamang ito sa mga nawawala.

    4 Sa kanilang kalagayan, ang kanilang mga isip na walang pananampalataya ay binulag ng diyos ng mundong ito. Bilang resulta nito, wala silang kakayanang makita ang liwanag ng kaluwalhatian ni Cristo, na kalarawan ng Diyos. 5 Sapagkat hindi namin ipinapangaral ang aming mga sarili, kundi si Cristo Jesus bilang Panginoon, at kami bilang inyong mga lingkod alang-alang kay Jesus. 6 Sapagkat ang Diyos ang siyang nagsabi, “Ang liwanag ay magniningning mula sa kadiliman.” Siya ay nagliwanag sa aming mga puso, upang ibigay ang liwanag ng kaalaman sa kaluwalhatian ng Diyos sa presensiya ni Jesu-Cristo.

  53. 3 Bagaman kami ay namumuhay sa laman, hindi kami nakikipaglaban ayon sa laman. 4 Dahil ang aming sandata sa aming pakikipaglaban ay hindi makalaman. Sa halip, mayroon silang dakilang kapangyarihan para wasakin ang mga kuta. Dinadala nila sa wala ang mga maling pangangatuwiran. 5 Winawasak din namin ang bawat pagmamataas laban sa kaalaman tungkol sa Diyos. Binibihag namin ang lahat ng kaisipan para sa pagsunod kay Cristo.

  54. 32 At ano pa ba ang aking sasabihin? Hindi na sapat ang aking oras kung isasalaysay ko pa ang tungkol kina Gideon, Barak, Samson, Jepta, David, Samuel, at ng mga propeta, 33 na sa pamamagitan ng pananampalataya ay sumakop ng mga kaharian, gumawa ng may katarungan, at tumanggap ng mga pangako. Sila ay nagpatikom ng bibig ng mga lion, 34 pinawi ang kapangyarihan ng apoy, tumakas sa talim ng espada, kung saan gumaling mula sa mga karamdaman, naging tanyag sa pakikipaglaban, at naging dahilan ng pagtakas ng mga sundalong dayuhan.

  55. 3 Ang aming Diyos ay nasa langit; ginagawa niya ang kaniyang maibigan.

  56. 26 Ipinag-uutos ko na sa lahat ng nasasakupan ng aking kaharian, ang manginig at matakot ang mga tao sa harap ng Diyos ni Daniel, sapagkat siya ay buhay na Diyos at nabubuhay magpakailanman at hindi nawawasak ang kaniyang kaharian; ang kaniyang kapangyarihan ay maging hanggang sa wakas. 27 Iniingatan niya tayo at inililigtas at gumagawa siya ng mga tanda at kababalaghan sa langit at sa lupa; iningatan niyang ligtas si Daniel mula sa kapangyarihan ng mga leon.”

  57. 30 At agad napansin ni Jesus na may lumabas na kapangyarihan mula sa kaniya. At lumingon siya sa mga tao at nagtanong, “Sino ang humawak sa aking damit?”

  58. 25 Sapagkat dapat na Siya ay maghari hanggang maipasakop ang lahat ng mga kaaway sa ilalim ng kaniyang mga paa. 26 Ang huling kaaway na sisirain ay ang kamatayan. 27 Sapagkat “inilagay niya ang lahat sa ilalim ng kaniyang mga paa.” Ngunit kapag sinasabi, “inilagay niya ang lahat,” ito ay maliwanag na hindi kasama ang naglagay ng lahat na ipinasakop sa kaniya. 28 Kapag ang lahat ay naipasakop na sa kaniya, ang Anak mismo ay magpapasakop doon sa nagpailalim ng lahat sa kaniya. Ito ay mangyayari upang ang Diyos Ama ay maging lahat sa lahat.