49 Bible Verses About Trusting God

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Bible Verses About Trusting God
  1. 5 Magtiwala kay Yahweh ng buong puso at huwag umasa sa sarili mong pang-unawa; 6 sa lahat ng iyong ginagawa ay kilalanin siya at gagawin niyang matuwid ang iyong mga landas. 7 Huwag maging marunong sa iyong sariling mga mata; matakot kay Yahweh at talikuran ang kasamaan. 8 Ito ay kagalingan sa iyong laman at inuming makapagpanibagong sigla para sa iyong katawan.

  2. 1 Ngayon ang pananampalataya ay ang katiyakan ng sino man kung siya ay nagtitiwalang naghihintay sa isang bagay. Ito ang katiyakan tungkol sa hindi pa nakita. 2 Sapagkat sa pamamagitan nito pinagtibay ang ating mga ninuno dahil sa kanilang pananampalataya.

    3 Sa pamamagitan ng pananampalataya, nauunawaan natin na nilikha ang buong sanlibutan sa pamamagitan ng utos ng Diyos, upang kung ano man ang nakikita ay hindi nilikha mula sa mga bagay na nakikita.

  3. 18 Tingnan ninyo, ang mata ni Yahweh ay nasa kanila na may takot sa kaniya, sa mga taong umaasa sa kaniyang katapatan sa tipan 19 para mailigtas ang kanilang mga buhay mula sa kamatayan at panatilihin silang buhay sa mga panahon ng taggutom. 20 Kami ay naghihintay kay Yahweh; siya ang aming saklolo at aming kalasag. 21 Ang aming mga puso ay nagagalak sa kaniya, dahil kami ay nagtitiwala sa kaniyang banal na pangalan. 22 Hayaan mo ang iyong katapatan sa tipan, Yahweh, ay mapasaamin habang nilalagay namin ang aming pag-asa sa iyo.

  4. 4 Ang diyos-diyosan ng mga bansa' ay pilak at ginto, gawa sa mga kamay ng mga tao. 5 Silang mga diyos-diyosang ay may mga bibig, pero sila ay hindi nagsasalita; mayroon silang mga mata, pero hindi sila nakakakita; 6 mayroong silang mga tainga, pero hindi sila nakakarinig; mayroong silang mga ilong, pero hindi sila nakakaamoy; 7 Mayroon silang mga kamay, pero hindi sila nakakaramdam; mayroon silang mga paa, pero hindi sila nakakalakad; ni hindi nila magawang magsalita sa kanilang mga bibig. 8 Silang mga gumawa sa kanila ay tulad nila, gaya ng lahat ng nagtitiwala sa kanila. 9 O Israel, magtiwala kayo kay Yahweh; siya ang iyong saklolo at kalasag. 10 Ang tahanan ni Aaron, magtiwala kayo kay Yahweh; siya ang iyong saklolo at kalasag. 11 Kayong gumagalang kay Yahweh, magtiwala sa kaniya; siya ang iyong saklolo at kalasag. 12 Pinapansin at pagpapalain tayo ni Yahweh; kaniyang pagpapalain ang sambahayan ng Israel; kaniyang pagpapalain ang sambahayan ni Aaron. 13 Kaniyang pagpapalain ang nagpaparangal sa kaniya, kapwa bata at matanda. 14 Nawa palalaguin ni Yahweh ang inyong bilang ng higit pa, kayo at ang inyong mga kaapu-apuhan.

  5. 23 Totoo itong sinasabi ko sa inyo na kung sinuman ang magsasabi sa bundok na ito na, ''Mapataas ka at ihagais mo ang iyong sarili sa dagat,' at kung hindi siya magdududa sa kaniyang puso ngunit naniniwala siyang mangyayari ang sinabi niya, iyon ang gagawin ng Diyos. 24 Kaya sinasabi ko ito sa inyo: Ang lahat ng inyong ipapanalangin at hinihiling, maniwala kayong natanggap na ninyo, at ito ay mapapasa-inyo.

  6. 16 Hindi ako tumigil sa pagpapasalamat sa Diyos tungkol sa inyo at pagbanggit sa inyo sa aking mga panalangin. 17 Ipinapanalangin ko na ang Diyos ng ating Panginoong Jesu-Cristo, ang Ama ng kaluwalhatian, ay magbigay sa inyo ng espiritu ng karunungan at kapahayagan ng kaniyang kaalaman.

    18 Ipinapanalangin ko na ang mga mata ng inyong puso ay maliwanagan upang malaman ninyo kung ano ang inaasahan ng ating pagkakatawag. Ipinapanalangin ko na malaman ninyo ang yaman ng kaluwalhatian ng kaniyang pamana sa kanila na binukod para sa kaniya. 19 Ipinapanalangin ko na malaman ninyo ang hindi masukat na kadakilaan ng kaniyang kapangyarihan sa atin na mga nanampalataya. Ang kadakilaang ito ay ayon sa pagkilos sa kalakasan ng kaniyang kapangyarihan. 20 Ito ang kapangyarihan na kumilos kay Cristo noong siya ay binuhay ng Diyos mula sa mga patay at pinaupo siya sa kaniyang kanang kamay sa kalangitan. 21 Pinaupo niya si Cristo na pinakamataas sa lahat ng kapamahalaan, kapangyarihan, pamunuan, at bawat pangalan na pinangalanan. Pinaupo niya si Cristo hindi lamang sa panahong ito, kundi maging sa panahong darating.

  7. 5 Ihandog ang mga alay ng katuwiran at ilagay ang inyong tiwala kay Yahweh.

  8. 1 Sa iyo Yahweh, Itinataas ko ang aking buhay! 2 Aking Diyos, ako ay nagtitiwala sa iyo. Huwag mo akong hayaang mapahiya; huwag mong hayaan na magalak ng may katagumpayan sa akin ang aking mga kaaway.

  9. 6 Si Yahweh ay kasama ko; hindi ako matatakot; anong magagawa ng tao sa akin? 7 Si Yahweh ay katulong ko sa aking panig: kaya nakikita ang tagumpay ko sa kanila na napopoot sa akin. 8 Mas mabuting kumanlong kay Yahweh kaysa magtiwala sa tao. 9 Mas mabuting magkubli kay Yahweh kaysa magtiwala sa mga tao.

  10. 5 Sinasabi ni Yahweh, “Sumpain ang mga tao na nagtitiwala sa kapwa tao; ang kaniyang kalakasan ay sa laman ngunit itinalikod niya ang kaniyang puso palayo kay Yahweh. 6 Sapagkat siya ay tulad ng maliit na halaman sa Araba at hindi makikita ang anumang kabutihang darating. Siya ay nananatili sa mabatong lugar sa ilang, tigang na lupain na walang nananahan. 7 Ngunit mapalad ang tao na nagtitiwala kay Yahweh, sapagkat si Yahweh ang kaniyang pag-asa. 8 Sapagkat magiging katulad siya ng halaman na itinanim sa tabi ng tubig-batis; ang kaniyang mga ugat ay kakalat. Hindi niya makikita ang init na parating, sapagkat ang kaniyang mga dahon ay malalapad at maganda. At sa panahon ng tag-tuyot hindi siya mangangamba, ni titigil ang kaniyang pamumunga.

  11. 1 Yamang napawalang-sala tayo sa pamamagitan ng pananampalataya, mayroon tayong kapayapaan sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 2 Sa pamamagitan niya nagkaroon din tayo ng daan sa pamamagitan ng pananampalataya sa biyayang ito na kung saan tayo ay tumatayo. Nagagalak tayo sa pananalig na ibinibigay sa atin ng Diyos para sa hinaharap, ang pananalig na makikibahagi tayo sa kaluwalhatian ng Diyos.

  12. 13 Nais naming maintindihan ninyo, mga kapatid, ang tungkol sa mga natutulog, upang hindi kayo magdalamhati gaya ng marami na hindi nakakatiyak tungkol sa kinabukasan. 14 Dahil kung tayo ay naniniwala na si Jesus ay namatay at nabuhay na muli, ganoon din dadalhin ng Diyos kasama ni Jesus ang mga natutulog sa kaniya.

    15 Sinasabi namin ito sa inyo sa pamamagitan ng salita ng Panginoon, na tayong mga buhay, na naiwan sa pagparito ng Panginoon, ay tiyak na hindi mauuna sa mga natutulog. 16 Sapagkat ang Panginoon mismo ay bababa mula sa langit. Siya ay paparito na may isang sigaw, na may tinig ng arkanghel, at may trumpeta ng Diyos, at ang mga namatay kay Cristo ang unang bubuhayin. 17 At tayong mga buhay, na naiwan, ay makakasama nila sa alapaap upang salubungin ang Panginoon sa himpapawid. Sa ganitong paraan tayo ay makakapiling natin ang Panginoon.

    18 Kaya, aliwin ang bawat isa ng mga salitang ito.

  13. 17 Sabihin mo sa mayayaman sa mundong ito na huwag magmataas, at huwag umasa sa kayamanan, na walang katiyakan. Sa halip, dapat silang umasa sa Diyos. Na nagkakaloob sa atin ng tunay na kayamanan upang ikagalak.

  14. 30 Patungkol sa Diyos: ang kaniyang pamamaraan ay ganap. Ang salita ni Yahweh ay dalisay! Siya ang panangga sa sinumang kumukubli sa kaniya.

  15. 15 Ang aking mga mata ay laging nakatuon kay Yahweh, dahil pakakawalan niya ang aking mga paa mula sa lambat. 16 Bumaling ka sa akin at kaawaan mo ako; dahil ako ay nag-iisa at nahihirapan. 17 Ang mga kaguluhan ng aking puso ay lumalawak; hanguin mo ako mula sa aking pagkabalisa. 18 Masdan mo ang aking paghihirap at mga pasakit; patawarin mo lahat ng aking mga kasalanan. 19 Masdan mo ang aking mga kaaway, dahil sila ay marami; kinamumuhian nila ako nang may malupit na pagkagalit. 20 Pangalagaan mo ang aking buhay at sagipin mo ako; hindi ako mapapahiya, dahil nagkukubli ako sa iyo!

  16. 3 Siya ang naglagay sa aking mga bibig ng bagong awit, papuri sa ating Diyos. Marami ang makakaalam nito at pararangalan siya at magtitiwala kay Yahweh. 4 Mapalad ang taong ginagawa niyang sandigan si Yahweh at hindi nagpaparangal sa mayayabang o silang tumalikod mula sa kaniya tungo sa kasinungalingan.

  17. 48 Nang narinig ito ng mga Gentil, nagalak sila at pinuri ang salita ng Panginoon. Nanampalataya ang mga naitalaga sa buhay na walang hanggan.

  18. 6 Ngunit ganito ang sinasabi ng katuwiran na nanggagaling sa pananampalataya, “Huwag mong sabihin sa iyong puso, 'Sino ang aakyat sa langit?' (sa makatuwid ay upang pababain si Cristo). 7 At huwag mong sasabihing, 'Sino ang bababa sa kailaliman?'” (sa makatuwid ay upang iakyat si Cristo mula sa patay.)

    8 Ngunit ano ang sinasabi nito? “Malapit sa iyo ang salita, sa iyong bibig at sa iyong puso.” Iyan ang salita ng pananampalataya, na aming ipinapahayag. 9 Sapagkat kung sa iyong bibig, kinikilala mo si Jesus bilang Panginoon, at nananampalataya ka sa iyong puso na binuhay siya ng Diyos mula sa mga patay, maliligtas ka. 10 Sapagkat sa puso nananampalataya ang tao sa katuwiran, at sa bibig kumikilala siya para sa kaligtasan.

  19. 8 Sapagkat sa biyaya kayo ay naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya. At hindi ito nagmula sa amin, kaloob ito ng Diyos. 9 Hindi ito dahil sa mga gawa. Bilang resulta, walang sinuman ang maaaring magmalaki.

  20. 15 Kaya nga, mga kapatid, maging matatag kayo. Hawakang mahigpit ang mga tradisyon na naituro sa inyo, kahit na sa pamamagitan ng salita o ng aming sulat.

    16 Ngayon, nawa ang ating Panginoong Jesu-Cristo mismo, at ang ating Diyos Ama na nagmamahal sa atin at nagbigay sa atin ng walang hanggang kaaliwan at mabuting pag-asa sa hinaharap sa pamamagitan ng biyaya, 17 ang mag-aliw at magpatatag ng inyong mga puso para sa mabuting gawa at salita.

  21. 17 Nang nagpasya ang Diyos na ipakita ng mas malinaw sa mga tagapagmana ng pangako ang hindi nagbabagong katangian ng kaniyang layunin, tiniyak niya ito ng may panunumpa. 18 Ginawa niya ito upang sa pamamagitan ng dalawang bagay na hindi nababago, na kung saan hindi maaaring magsinungaling ang Diyos, tayo na nagsitakas para magpakupkop ay magkaroon ng matatag na lakas ng loob upang matibay na panghawakan ang pagtitiwala na inilagay sa ating harapan.

    19 Mayroon tayo nitong pagtitiwala bilang matatag at maaasahan na angkla ng ating mga kaluluwa, ang pagtitiwala na pumapasok sa dakong loob sa likod ng tabing. 20 Pumasok si Jesus sa dakong iyon bilang tagapanguna para sa atin, at naging pinaka-punongpari magpakailanman ayon sa pagkapari ni Melquisedec.

  22. 23 Panghawakan ding mabuti ang paghahayag ng ating pananalig ng walang pag-aalinlangan, sapagkat ang Diyos na siyang nangako ay tapat.

  23. 2 Nanalangin siya, “Si Yahweh ay aking bato, ang aking tanggulan, ang siyang nagliligtas sa akin. 3 Ang Diyos ang aking muog. Kumukuha ako ng kanlungan sa kaniya. Siya ang aking panangga, ang sungay ng aking kaligtasan, aking matibay na tanggulan, at aking kanlungan, ang siyang nagliligtas sa akin mula sa karahasan. 4 Tatawag ako kay Yahweh, na karapatdapat purihin, at maliligtas ako mula sa aking mga kaaway. 5 Dahil nakapalibot sa akin ang mga alon ng kamatayan. Ang walangsaysay na bugso ng mga tubig tumabon sa akin.

  24. 9 Magiging matibay na tanggulan din si Yahweh para sa mga inaapi, isang matibay na tanggulan sa panahon ng kaguluhan. 10 Nagtitiwala ang nakakakilala ng pangalan mo, dahil ikaw, Yahweh, ay hindi nang-iiwan ng mga lumalalapit sa iyo.

  25. 5 Pero nagtiwala ako sa katapatan mo sa tipan; ang aking puso ay nagagalak sa iyong kaligtasan. 6 Aawit ako kay Yahweh dahil pinakitunguhan niya ako nang mabuti.

  26. 5 Pagkatapos magagalak kami sa iyong tagumpay, at, sa pangalan ng ating Diyos, itataas namin ang mga bandila. Nawa ay ipagkaloob ni Yahweh ang lahat ng iyong kahilingan. 6 Ngayon alam ko na ililigtas ni Yahweh ang kaniyang hinirang; sasagutin siya mula sa kaniyang banal na kalangitan na may lakas ng kaniyang kanang kamay na maaari siyang sagipin. 7 Nagtitiwala ang ilan sa mga kalesang pandigma at ang iba ay sa mga kabayo, pero ang tinatawagan namin ay si Yahweh na aming Diyos.

  27. 3 Magtiwala ka kay Yahweh at gawin kung ano ang matuwid; tumira ka sa lupain at gawin mong tungkulin ang katapatan.

  28. 1 O Diyos pakinggan mo ako; pansinin mo ang aking panalangin. 2 Tumatawag ako mula sa dulo ng daigdig kapag nagapi ang aking puso; dalhin mo ako sa bato na mataas kaysa sa akin. 3 Dahil naging kanlungan ka sa akin, isang matatag na muog mula sa kaaway. 4 Magpakailanman akong mananahan sa iyong tolda; magtatago ako sa ilalim ng iyong mga pakpak. Selah

  29. 5 Naghihintay ako nang tahimik para lamang sa Diyos; dahil nakatuon ang aking pag-asa sa kaniya. 6 Siya lamang ang aking muog at kaligtasan; siya ang aking mataas na tore; ako ay hindi matitinag. 7 Sa Diyos ang aking kaligtasan at kaluwalhatian; nasa Diyos ang saligan ng aking kalakasan at kanlungan. 8 Magtiwala kayo sa kaniya sa lahat ng oras, kayong mga tao; ibuhos ninyo ang inyong puso sa kaniyang harapan; kanlungan natin ang Diyos. Selah

  30. 41 Iparanas mo sa akin, Yahweh, ang pag-ibig mong hindi nagmamaliw— ang kaligtasan mo ayon sa iyong pangako; 42 para may itutugon ako sa mga nangungutya sa akin, dahil nagtitiwala ako sa iyong salita. 43 Huwag mong alisin sa aking bibig ang salita ng katotohanan, dahil naghintay ako para sa matuwid mong mga utos. 44 Patuloy kong susundin ang iyong batas magpakailanpaman. 45 Maglalakad ako nang ligtas, dahil hinahanap ko ang iyong mga tagubilin.

  31. 3 Huwag mong ilagay ang iyong pagtitiwala sa mga prinsipe o sa sangkatauhan, kung saan walang kaligtasan. 4 Kapag ang hininga ng isang tao ay huminto, siya ay bumabalik sa lupa; sa araw na iyon matatapos ang kaniyang mga plano. 5 Mapalad siya na may Diyos ni Jacob para tulungan siya, na ang pag-asa ay na kay Yahweh na kaniyang Diyos. 6 Nilikha ni Yahweh ang langit at lupa, ang dagat, at ang lahat ng mayroon sila; kaniyang pinagmamasdan ang pagiging mapagkakatiwalaan magpakailanman. 7 Siya ang nagpapatupad ng katarungan sa mga inaapi at nagbibigay ng pagkain sa nagugutom. Pinapalaya ni Yahweh ang mga bilanggo;

  32. 22 Ang isang masayahing puso ay mainam na gamot, pero ang mabigat na kalooban ay nakakatuyo ng mga buto.

  33. 4 Magtiwala kay Yahweh magpakailanman; dahil kay Yah, Yahweh, ay ang walang hanggang tanggulan.

  34. 10 Sino sa inyo ang natatakot kay Yahweh? Sino ang sumusunod sa boses ng kaniyang lingkod? Sino ang naglalakad sa malalim na kadiliman nang walang liwanag? Dapat siyang magtiwala sa pangalan ni Yahweh at sumandal sa kaniyang Diyos.

  35. 36 Ngunit nang marinig ni Jesus ang kanilang sinabi, sinabi niya sa pinuno ng sinagoga, “Huwag kang matakot, maniwala ka lang.”

  36. 22 Sinagot sila ni Jesus, “Manampalataya kayo sa Diyos.

  37. 43 Ito ay para sa kaniya kaya nagpapatotoo ang mgapropeta, upang ang lahat ng sumasampalataya sa kaniya ay makatanggap ng kapatawaran ng mga kasalanan sa pamamagitan ng kaniyang pangalan.”

  38. 31 Sinabi nila sa kaniya, “Manampalataya ka sa Panginoong Jesus at ikaw ay maliligtas, ikaw at ang buo mong sambahayan.”

  39. 8 Si Crispo na namumuno sa sinogoga at lahat sa kaniyang sambahayan ay nanampalataya sa Panginoon. Marami sa mga taga-Corinto na nakarinig kay Pablo ay nanampalataya at nabautismuhan.

  40. 16 Sapagkat hindi ko ikinahihiya ang ebanghelyo, sapagkat ito ang kapangyarihan ng Diyos upang iligtas ang sinumang sumasampalataya, una ay sa Judio at gayon din sa Griyego. 17 Sapagkat dito ang katuwiran ng Diyos ay naihahayag mula sa pananampalataya hanggang sa pananampalataya, gaya ng nasusulat, “Ang matuwid ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya.”

  41. 20 Sapagkat napasailalim sa pagkawalang-saysay ang mga nilikha, hindi sa sarili nitong kalooban, kundi sa kaniya na siyang nagpasailalim nito. Ito ay dahil sa tiyak na kasiguraduhan 21 na ang nilikha mismo ay maililigtas mula sa pagkaalipin hanggang sa pagkabulok at madadala ito sa kalayaan ng kaluwalhatian ng mga anak ng Diyos.

    22 Sapagkat alam natin na magkasamang dumadaing at naghihirap sa sakit ang buong nilikha hanggang ngayon. 23 Hindi lamang iyan, ngunit maging tayo mismo, na nagtataglay ng mga unang bunga ng Espiritu—kahit tayo mismo ay dumadaing sa ating mga sarili, naghihintay para sa ating pagkakakupkop, ang pagkatubos ng ating katawan. 24 Sapagkat nailigtas tayo sa pamamagitan ng katiyakang ito. Ngunit hindi pa nakikita ang kinatitiyakan nating mangyayari, sapagkat sino ang may katiyakan na maghihintay sa nakita na niya?

  42. 14 Kung gayon, paano sila tatawag sa kaniya na hindi nila sinasampalatayanan? At paano sila sasampalataya sa kaniya na hindi pa nila naririnig? At paano sila makakarinig kung walang tagapangaral? 15 At paano sila mangangaral kung hindi sila isinugo? — Gaya ng nasusulat, “Kayganda ng mga paa ng mga nagpapahayag ng mga masasayang balita ng mga mabubuting bagay!”

    16 Ngunit hindi lahat sa kanila ay nakinig sa ebanghelyo. Sapagkat sinasabi ni Isaias, “Panginoon, sino ang naniwala sa aming mensahe?” 17 Kaya ang pananampalataya ay nanggagaling sa pakikinig, at pakikinig sa salita ni Cristo.

  43. 9 Sa katunayan, hinatulan na kami ng kamatayan. Ngunit iyon ay upang hindi kami magtiwala sa aming mga sarili, kundi sa Diyos na bumubuhay sa mga patay.

    10 Siya ang nagligtas sa amin sa malagim na kamatayan, at ililigtas niya kaming muli. Inilagay na namin ang aming pagtitiwala sa kaniya na ililigtas niya kaming muli.

  44. 7 Ngunit anumang mga bagay na nagbigay karangalan sa akin, itinuring kong gaya ng mga basura dahil kay Cristo. 8 Sa katunayan, ngayon ay itinuring ko ang lahat ng bagay na walang kabuluhan dahil sa kahusayan ng kaalaman ni Cristo Jesus na aking Panginoon. Binalewala ko ang lahat ng bagay para sa kaniya. Itinuring kong gaya ng mga basura ang mga ito upang makamtan ko si Cristo 9 at matagpuan ako sa kaniya. Wala akong katuwiran sa aking sarili mula sa kautusan. Sa halip, mayroon akong katuwiran sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo, ang katuwirang mula sa Diyos ayon sa pananampalataya.

    10 Kaya ngayon, nais kong makilala siya at ang kapangyarihan ng kaniyang muling pagkabuhay at maging kabahagi sa kaniyang mga pagdurusa. Nais kong mabago sa pamamagitan ni Cristo tungo sa larawan ng kaniyang kamatayan, 11 upang kahit papaano maaari kong maranasan ang muling pagkabuhay sa mga patay.

  45. 6 Kaya nga, huwag tayong matulog gaya ng ginagawa ng karamihan. Sa halip, magbantay tayo at maging malinaw ang ating pag-iisip. 7 Sapagkat ang mga natutulog, sa gabi natutulog, at ang mga naglalasing, sa gabi naglalasing. 8 Ngunit dahil tayo ay mga anak ng umaga, manatili tayong malinaw ang pag-iisip. Isuot natin ang baluti ng pananampalataya at pag-ibig, at ang helmet, na siyang katiyakan sa hinaharap na kaligtasan.

    9 Sapagkat hindi tayo itinalaga ng Diyos para sa poot, kundi upang matamo ang kaligtasan sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 10 Siya ang namatay para sa atin, nang sa gayon, gising man tayo o natutulog, mabubuhay tayong kasama niya. 11 Kaya nga aliwin ninyo ang isa't isa at magpalakasan kayo, gaya ng inyong ginagawa.

  46. 10 Sapagkat dahil dito tayo ay nagsusumikap at gumagawang mainam. Sapagkat may pagtitiwala tayo sa buhay na Diyos, na siyang Tagapagligtas ng lahat ng tao, lalo na sa mga mananampalataya.

  47. 7 Nakipaglaban ako ng mabuti sa paligsahan, natapos ko ang aking takbuhin, napanatili ko ang pananampalataya. 8 Ang korona ng katuwiran ay nakalaan na para sa akin, na ibibigay sa akin ng Panginoon, ang matuwid na hukom, sa araw na iyon. At hindi lamang sa akin ngunit sa lahat din ng umiibig sa kaniyang pagpapakita.

  48. 6 Kung walang pananampalataya hindi maaaring bigyan ng kaluguran ang Diyos, at ang sino man na lalapit sa Diyos ay kinakailangang manalig na siya ay umiiral at gagantimpalan niya ang sino man na humahanap sa kaniya.

  49. 10 Huwag katakutan ang tungkol sa pagdurusahan ninyo. Tingnan mo! Ihahagis ng diyablo ang ilan sa inyo sa kulungan para kayo ay subukin, at magdurusa kayo ng sampung araw. Maging tapat kayo hanggang kamatayan, at ibibigay ko sa inyo ang korona ng buhay.