69 Bible Verses About Hope
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
-
1 Yamang napawalang-sala tayo sa pamamagitan ng pananampalataya, mayroon tayong kapayapaan sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 2 Sa pamamagitan niya nagkaroon din tayo ng daan sa pamamagitan ng pananampalataya sa biyayang ito na kung saan tayo ay tumatayo. Nagagalak tayo sa pananalig na ibinibigay sa atin ng Diyos para sa hinaharap, ang pananalig na makikibahagi tayo sa kaluwalhatian ng Diyos.
3 Hindi lamang ito, ngunit nagagalak din tayo sa ating mga pagdurusa. Alam natin na ang pagdurusa ay nagbubunga ng pagtitiis. 4 Ang pagtitiis ay nagbubunga ng pagsang-ayon, at ang pagsang-ayon ay nagbubunga ng katiyakan para sa hinaharap. 5 Hindi mangbibigo ang pananalig na ito, dahil ang pag-ibig ng Diyos ay ibinuhos sa ating mga puso sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, na siyang ibinigay sa atin.
-
18 Sapagkat itinuturing ko na ang mga pagdurusa sa panahong ito ay hindi karapat-dapat na ihalintulad sa kaluwalhatian na maihahayag sa atin. 19 Sapagkat ang nananabik na pag-asa ng mga nilikha ay naghihintay para sa paghahayag sa mga anak ng Diyos. 20 Sapagkat napasailalim sa pagkawalang-saysay ang mga nilikha, hindi sa sarili nitong kalooban, kundi sa kaniya na siyang nagpasailalim nito. Ito ay dahil sa tiyak na kasiguraduhan 21 na ang nilikha mismo ay maililigtas mula sa pagkaalipin hanggang sa pagkabulok at madadala ito sa kalayaan ng kaluwalhatian ng mga anak ng Diyos.
22 Sapagkat alam natin na magkasamang dumadaing at naghihirap sa sakit ang buong nilikha hanggang ngayon. 23 Hindi lamang iyan, ngunit maging tayo mismo, na nagtataglay ng mga unang bunga ng Espiritu—kahit tayo mismo ay dumadaing sa ating mga sarili, naghihintay para sa ating pagkakakupkop, ang pagkatubos ng ating katawan. 24 Sapagkat nailigtas tayo sa pamamagitan ng katiyakang ito. Ngunit hindi pa nakikita ang kinatitiyakan nating mangyayari, sapagkat sino ang may katiyakan na maghihintay sa nakita na niya? 25 Ngunit kung nakatitiyak tayo tungkol sa hindi pa natin nakikita, naghihintay tayo ng may pagtitiyaga para dito.
-
12 Sinasabi rin ni Isaias, “Magkakaroon ng ugat mula kay Jesse, at siya ang lilitaw upang mamuno sa mga Gentil. Magtitiwala ang mga Gentil sa kaniya.”
13 Ngayon nawa ang Diyos ng pagtitiwala ay punuin kayo ng buong kagalakan at kapayapaan sa inyong paniniwala, upang kayo ay managana sa pagtitiwala sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu.
-
5 Sinasabi ni Yahweh, “Sumpain ang mga tao na nagtitiwala sa kapwa tao; ang kaniyang kalakasan ay sa laman ngunit itinalikod niya ang kaniyang puso palayo kay Yahweh. 6 Sapagkat siya ay tulad ng maliit na halaman sa Araba at hindi makikita ang anumang kabutihang darating. Siya ay nananatili sa mabatong lugar sa ilang, tigang na lupain na walang nananahan. 7 Ngunit mapalad ang tao na nagtitiwala kay Yahweh, sapagkat si Yahweh ang kaniyang pag-asa. 8 Sapagkat magiging katulad siya ng halaman na itinanim sa tabi ng tubig-batis; ang kaniyang mga ugat ay kakalat. Hindi niya makikita ang init na parating, sapagkat ang kaniyang mga dahon ay malalapad at maganda. At sa panahon ng tag-tuyot hindi siya mangangamba, ni titigil ang kaniyang pamumunga.
-
18 Sa kabila ng lahat ng mga pangyayari, nagtiwala ng lubusan si Abraham sa Diyos para sa hinaharap. Kaya naging ama siya ng maraming bansa, tulad ng sinabi, “... Magiging ganoon ang iyong mga kaapu-apuhan.” 19 Hindi siya mahina sa pananampalataya. Kinilala ni Abraham na patay na ang kaniyang katawan sapagkat mag-iisandaang taon na siya. Kinilala rin niya ang pagiging patay ng bahay-bata ni Sara. 20 Ngunit dahil sa pangako ng Diyos, hindi nag-alinlangan si Abraham sa pananampalataya. Sa halip, napalakas siya sa pananampalataya at nagbigay papuri sa Diyos. 21 Lubos siyang naniwala na kung ano ang ipinangako ng Diyos, kaya din niyang tuparin. 22 Kung kaya ito ay itinuring sa kaniya bilang katuwiran.
-
3 Papurihan ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu Cristo. Sa kaniyang dakilang kahabagan, nagbigay siya sa atin ng bagong kapanganakan para sa katiyakan ng pamana sa pamamagitan ng pagkabuhay muli ni Jesu Cristo mula sa kamatayan— 4 para sa pamanang hindi maglalaho, hindi madudungisan, at hindi kukupas. Nakalaan ito sa langit para sa inyo. 5 Sa kapangyarihan ng Diyos kayo ay iniingatan sa pamamagitan ng pananampalataya para sa kaligtasan na nakahandang maihayag sa huling panahon.
-
18 Tingnan ninyo, ang mata ni Yahweh ay nasa kanila na may takot sa kaniya, sa mga taong umaasa sa kaniyang katapatan sa tipan 19 para mailigtas ang kanilang mga buhay mula sa kamatayan at panatilihin silang buhay sa mga panahon ng taggutom. 20 Kami ay naghihintay kay Yahweh; siya ang aming saklolo at aming kalasag. 21 Ang aming mga puso ay nagagalak sa kaniya, dahil kami ay nagtitiwala sa kaniyang banal na pangalan. 22 Hayaan mo ang iyong katapatan sa tipan, Yahweh, ay mapasaamin habang nilalagay namin ang aming pag-asa sa iyo.
-
11 Pagkat ang biyaya ng Diyos ay nahayag sa lahat ng tao. 12 Ito ay nagsasanay sa atin na tumanggi sa walang kabanalan at makamundong pagkahumaling. Ito ang nagsanay sa ating mamuhay ng matino, makatarungan at sa makadiyos na paraan sa kapanahunan ngayon 13 habang tayo ay nag-aabang sa pagtanggap ng ating pinagpalang pag-asa, ang kahayagan ng kaluwalhatian ng ating dakilang Diyos at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo. 14 Ibinigay ni Jesus ang kanyang sarili para sa atin upang tubusin tayo sa lahat ng kawalan ng batas at gawing dalisay, para sa kanyang sarili, isang natatanging mga tao na sabik sa paggawa ng mabubuti.
-
15 Sa halip, ibukod-tangi niyo ang Panginoong Cristo sa inyong mga puso bilang banal. Lagi kayong maging handa na sagutin ang bawat nagtatanong sa inyo kung bakit mayroon kayong pagtitiwala sa Diyos. Gawin ninyo ito nang may kahinahunan at paggalang.
-
2 Mga minamahal, ngayon tayo ay mga anak ng Diyos, at hindi pa naipahayag kung magiging ano tayo. Alam natin na kapag magpakita si Cristo, tayo ay magiging katulad niya, dahil makikita natin siya bilang siya. 3 At bawat isa na may ganitong pagtitiwala tungkol sa hinaharap na nakatuon sa kanya ay dinadalisay ang kanyang sarili tulad ng siya ay dalisay.
-
17 Nang nagpasya ang Diyos na ipakita ng mas malinaw sa mga tagapagmana ng pangako ang hindi nagbabagong katangian ng kaniyang layunin, tiniyak niya ito ng may panunumpa. 18 Ginawa niya ito upang sa pamamagitan ng dalawang bagay na hindi nababago, na kung saan hindi maaaring magsinungaling ang Diyos, tayo na nagsitakas para magpakupkop ay magkaroon ng matatag na lakas ng loob upang matibay na panghawakan ang pagtitiwala na inilagay sa ating harapan.
19 Mayroon tayo nitong pagtitiwala bilang matatag at maaasahan na angkla ng ating mga kaluluwa, ang pagtitiwala na pumapasok sa dakong loob sa likod ng tabing. 20 Pumasok si Jesus sa dakong iyon bilang tagapanguna para sa atin, at naging pinaka-punongpari magpakailanman ayon sa pagkapari ni Melquisedec.
-
16 Hindi ako tumigil sa pagpapasalamat sa Diyos tungkol sa inyo at pagbanggit sa inyo sa aking mga panalangin. 17 Ipinapanalangin ko na ang Diyos ng ating Panginoong Jesu-Cristo, ang Ama ng kaluwalhatian, ay magbigay sa inyo ng espiritu ng karunungan at kapahayagan ng kaniyang kaalaman.
18 Ipinapanalangin ko na ang mga mata ng inyong puso ay maliwanagan upang malaman ninyo kung ano ang inaasahan ng ating pagkakatawag. Ipinapanalangin ko na malaman ninyo ang yaman ng kaluwalhatian ng kaniyang pamana sa kanila na binukod para sa kaniya. 19 Ipinapanalangin ko na malaman ninyo ang hindi masukat na kadakilaan ng kaniyang kapangyarihan sa atin na mga nanampalataya. Ang kadakilaang ito ay ayon sa pagkilos sa kalakasan ng kaniyang kapangyarihan. 20 Ito ang kapangyarihan na kumilos kay Cristo noong siya ay binuhay ng Diyos mula sa mga patay at pinaupo siya sa kaniyang kanang kamay sa kalangitan. 21 Pinaupo niya si Cristo na pinakamataas sa lahat ng kapamahalaan, kapangyarihan, pamunuan, at bawat pangalan na pinangalanan. Pinaupo niya si Cristo hindi lamang sa panahong ito, kundi maging sa panahong darating.
-
8 Ngunit dahil tayo ay mga anak ng umaga, manatili tayong malinaw ang pag-iisip. Isuot natin ang baluti ng pananampalataya at pag-ibig, at ang helmet, na siyang katiyakan sa hinaharap na kaligtasan.
-
13 Nais naming maintindihan ninyo, mga kapatid, ang tungkol sa mga natutulog, upang hindi kayo magdalamhati gaya ng marami na hindi nakakatiyak tungkol sa kinabukasan. 14 Dahil kung tayo ay naniniwala na si Jesus ay namatay at nabuhay na muli, ganoon din dadalhin ng Diyos kasama ni Jesus ang mga natutulog sa kaniya.
-
23 Panghawakan ding mabuti ang paghahayag ng ating pananalig ng walang pag-aalinlangan, sapagkat ang Diyos na siyang nangako ay tapat.
-
5 Sapagkat sa pamamagitan ng Espiritu, sa pananampalataya, naghihintay tayo sa pag-asang tayo ay magiging matuwid. 6 Hindi mahalaga kay Cristo ang pagtutuli. Ang pananampalataya lamang na gumagawa sa pamamagitan pag-ibig ang may halaga.
-
13 Ngunit ngayon ang tatlong ito ay mananatili, ang pananampalataya, pag-asa sa hinaharap, at pag-ibig. Ngunit ang higit sa lahat ng mga ito ay ang pag-ibig.
-
4 Dahil anuman ang isinulat noong una ay para sa ating ikatututo, upang sa pamamagitan ng pagtitiis at sa pamamangitan ng pagpapalakas ng loob ng mga kasulatan ay magkakaroon tayo ng pag-asa.
-
28 Ang pag-asa ng mga gumagawa ng tama ay kanilang kagalakan, ngunit ang mga taon ng mga masama ay mapapaiksi.
-
11 Sapagkat ako mismo ang nakakaalam ng mga plano na mayroon ako para sa inyo, mga plano para sa kapayapaan at hindi para sa sakuna, upang bigyan kayo ng isang kinabukasan at pag-asa. Ito ang pahayag ni Yahweh. 12 At tatawag kayo sa akin, pupunta kayo at mananalangin sa akin, at pakikinggan ko kayo.
-
10 Dahil sa katunayan, ang minsang naging maluwalhati ay hindi na naging maluwalhati sa paraang ito, dahil sa kaluwalhatian na humigit dito. 11 Dahil kung ang lumilipas ay may kaluwalhatian, gaano pa ang nananatili sa kaluwalhatian!
12 Dahil mayroon tayong pag-asa, napakatapang natin. 13 Hindi tayo tulad ni Moises, na naglagay ng takip sa kaniyang mukha, upang ang mga tao sa Israel ay hindi makatingin ng tuwid sa katapusan ng isang kaluwalhatian na naglalaho.
14 Ngunit ang kanilang mga isipan ay sarado. Kahit hanggang ngayon sa araw na ito, ang parehong takip sa mukha ay nanatili parin sa pagbasa ng lumang tipan. Hindi ito nabuksan, dahil tanging si Cristo lamang ang nakagawa nito.
-
4 May iisang katawan at iisang Espiritu, katulad din nang pagtawag sa inyo sa iisang pananalig na inaasahan ng iyong pagkatawag.
-
1 Ngayon ang pananampalataya ay ang katiyakan ng sino man kung siya ay nagtitiwalang naghihintay sa isang bagay. Ito ang katiyakan tungkol sa hindi pa nakita. 2 Sapagkat sa pamamagitan nito pinagtibay ang ating mga ninuno dahil sa kanilang pananampalataya.
-
11 Kaya tandaan ninyo na minsan kayo ay naging mga Gentil sa laman. Tinawag kayong “di tuli” sa tinatawag na pagtutuli sa laman na ginawa sa pamamagitan ng kamay ng mga tao. 12 Sapagkat hiwalay kayo kay Cristo sa panahong iyon. Kayo ay mga dayuhan sa mga taga-Israel. Hindi kayo kilala sa tipan ng pangako. Wala kayong katiyakan tungkol sa hinaharap. Wala kayong Diyos sa mundo. 13 Ngunit ngayon kay Cristo Jesus, kayong minsan na napalayo mula sa Diyos ay nailapit sa Diyos sa pamamagitan ng dugo ni Cristo.
14 Sapagkat siya ang ating kapayapaan. Ginawa niyang isa ang dalawa. Sa pamamagitan ng kaniyang laman sinira niya ang pader ng pagkakabaha-bahagi na humati sa atin, ang poot. 15 Binuwag niya ang mga batas ng kautusan at mga alituntunin upang maaari siyang makalikha sa kaniyang sarili ng isang bagong tao. Gumawa siya ng kapayapaan. 16 Ginawa niya ito upang ipagkasundo ang dalawa sa iisang katawan sa Diyos sa pamamagitan ng krus. Sa krus inilagay niya sa kamatayan ang poot.
-
9 Kahit na kami ay nagsasalita na gaya nito, minamahal kong mga kaibigan, kami ay naniniwala sa mas mabuting mga bagay ukol sa inyo at sa mga bagay na tungkol sa kaligtasan. 10 Sapagkat ang Diyos ay hindi liko upang limutin ang inyong gawa at ang pag-ibig na inyong ipinakita para sa kaniyang pangalan, sa ganoon naglingkod kayo sa mga mananampalataya at patuloy na naglingkod sa kanila.
11 At labis naming ninanais na ang bawat isa sa inyo ay magpakita ng parehong kasipagan hanggang sa wakas na may buong katiyakan ng pagtitiwala. 12 Ayaw namin na maging mabigat ang inyong katawan, sa halip maging katulad kayo ng mga magmamana ng mga pangako dahil sa pananampalataya at pagtitiis.
-
7 O Israel, umasa ka kay Yahweh. Si Yahweh ay maawain, at siya ay labis na nagnanais magpatawad. 8 Siya ang tutubos sa Israel mula sa lahat ng kanilang mga kasalanan.
-
24 Maging matatag at panatag, lahat kayo na nagtitiwala kay Yahweh para sa tulong.
-
3 Huwag mong ilagay ang iyong pagtitiwala sa mga prinsipe o sa sangkatauhan, kung saan walang kaligtasan. 4 Kapag ang hininga ng isang tao ay huminto, siya ay bumabalik sa lupa; sa araw na iyon matatapos ang kaniyang mga plano.
-
6 Nang makita ni Pablo na ang isang bahagi ng konseho ay mga Saduceo at ang iba ay Pariseo, nagsalita siya ng malakas sa konseho, “Mga kapatid, isa akong Pariseo, anak ng mga Parise. Ito ay dahil sa lubos akong nagtitiwala sa muling pagkabuhay ng mga patay kaya ako hintulan.”
-
19 Kung sa buhay lang na ito tayo umaasa para sa pang-hinaharap kay Cristo, sa lahat ng mga tao, tayo na ang pinakakawawa.
-
11 Maaari bang tumubo ang papirus na walang lati? Maaari bang tumubo ang tambo na walang tubig? 12 Habang sila ay mga sariwa pa at hindi pinuputol, sila ay natutuyo bago ang anumang halaman. 13 Kaya gayon din ang mga landas ng lahat nang nakakalimot sa Diyos, ang pag-asa ng mga walang diyos ay maglalaho — na ang may pagtitiwala ay nagkakahiwa-hiwalay, 14 na ang may tiwala ay marupok tulad ng isang sapot ng gagamba. 15 Ang ganoong tao ay sasandig sa kaniyang bahay, pero hindi ito magtatagal. Hahawak siya dito, pero hindi ito mananatili.
-
10 Sapagkat dahil dito tayo ay nagsusumikap at gumagawang mainam. Sapagkat may pagtitiwala tayo sa buhay na Diyos, na siyang Tagapagligtas ng lahat ng tao, lalo na sa mga mananampalataya.
-
18 Sapagkat pinawalang saysay ang dating kautusan dahil sa ito ay mahina at walang pakinabang. 19 Sapagkat ang kautusan ay walang ginawang ganap. Gayunpaman, mayroong mas mabuting pag-asa para sa hinaharap kung saan lumalapit tayo sa Diyos.
20 At itong mas mabuting katiyakan ay hindi nangyari kung walang panunumpa, sapagkat ang mga ibang pari ay hindi gumawa ng anumang panunumpa. 21 Ngunit ang Diyos ay gumawa ng isang panunumpa nang sinabi niya ang tungkol kay Jesus, ''Ang Panginoon ay nangako at hindi na magbabago ang kaniyang isip: ''Ikaw ay isang pari magpakailanman.'''
22 Sa pamamagitan din nito si Jesus ay naging kayiyakan ng isang mas mabuting kasunduan.
-
13 Kaya't bigkisan ninyo ang baywang ng inyong kaisipan. Maging mahinahon kayo sa inyong pag-iisip. Magkaroon kayo ng buong kapanatagan sa biyaya na dadalhin sa inyo sa kapahayagan ni Jesu Cristo. 14 Tulad ng masunuring mga anak, huwag ninyong i-ayon ang inyong mga sarili sa mga pagnanasa na inyong sinunod noong wala pa kayong kaalaman.
-
7 Ngayon, Panginoon, para saan ang aking paghihintay? Ikaw lamang ang aking pag-asa.
-
14 Pero lagi akong aasa sa iyo at pupurihin kita nang higit pa.
-
17 Sabihin mo sa mayayaman sa mundong ito na huwag magmataas, at huwag umasa sa kayamanan, na walang katiyakan. Sa halip, dapat silang umasa sa Diyos. Na nagkakaloob sa atin ng tunay na kayamanan upang ikagalak. 18 Sabihin mo sa kanila na gumawa ng mabuti, at magpakayaman sa mabubuting mga gawa, maging mapagbigay, at handang mamahagi. 19 Sa paraang iyan, sila ay mag-iipon para sa kanilang sarili ng mabuting pundasyon sa kung anong darating, upang makamit nila ang tunay na buhay.
-
11 Nasisiyahan si Yahweh sa mga nagpaparangal sa kaniya, sa mga umaasa sa katapatan niya sa tipan.
-
12 Kapag ang pag-asa ay ipinagpaliban, dinudurog nito ang puso, pero ang isang natupad na pananabik ay isang puno ng buhay.
-
5 Dahil ikaw ang aking pag-asa, Panginoong Yahweh. Nagtiwala ako sa iyo mula noong ako ay bata pa.
-
17 Huwag mong hayaang mainggit ang iyong puso sa mga makasalanan, pero magpatuloy sa takot kay Yahweh sa buong araw. 18 Siguradong may kinabukasan at ang iyong pag-asa ay hindi mapuputol.
-
20 Pinili si Cristo bago pa ang pagkalikha ng mundo, pero ngayon, sa mga huling panahon, naihayag siya sa inyo.
21 Naniniwala kayo sa Diyos sa pamamagitan niya, na binuhay ng Diyos mula sa mga patay at sa kaniya na binigyan ng kaluwalhatian upang ang inyong pananampalataya at pagtitiwala ay mailaan sa Diyos.
-
18 Dahil ang mga nangangailangan ay hindi kailanman makalilimutan, o itataboy ang mga pag-asa ng mga inaapi.
-
9 Kaya nga ang puso ko ay magagalak, ang nagpaparangal kong puso ay magpupuri sa kaniya; tiyak na mabubuhay ako nang panatag. 10 Dahil hindi mo iiwan ang aking kaluluwa sa Sheol. Hindi mo pababayaan ang tapat sa iyo na masilayan ang hukay.
-
2 Aking Diyos, ako ay nagtitiwala sa iyo. Huwag mo akong hayaang mapahiya; huwag mong hayaan na magalak ng may katagumpayan sa akin ang aking mga kaaway. 3 Nawa walang sinumang umaasa sa iyo ang maalipusta; nawa ang mga nagsisigawa ng kataksilan na walang dahilan ay mapahiya!
-
11 Bakit ka yumuyukod, aking kaluluwa? Bakit ka nababalisa sa aking kalooban? Umasa ka sa Diyos, dahil magpupuri pa ako sa kaniya, na saklolo ng aking mukha at aking Diyos.
-
5 Naghihintay ako nang tahimik para lamang sa Diyos; dahil nakatuon ang aking pag-asa sa kaniya.
-
5 Naghihintay ako para kay Yahweh, naghihintay ang aking kaluluwa, at sa kaniyang salita ako ay umaasa.
-
4 Dahil mayroon pang pag-asa para sa nabubuhay, katulad ng buhay na aso na mas maigi pa kaysa sa patay na leon. 5 Dahil alam ng mga nabubuhay na tao na mamamatay sila, ngunit walang alam ang mga patay. Wala na silang gantimpala dahil ang kanilang alaala ay nakalimutan na. 6 Ang kanilang pag-ibig, pagkamuhi, at inggit ay matagal nang naglaho. Hindi na sila magkakaroon ng lugar sa anumang bagay na ginawa sa ilalim ng araw.
-
16 Sisigaw si Yahweh mula sa Zion, at lalakas ang kaniyang tinig mula sa Jerusalem. Mayayanig ang kalangitan at lupa, ngunit si Yahweh ang magiging kanlungan ng kaniyang mga tao at sandigan para sa mga tao ng Israel.
-
26 Samakatuwid, natuwa ang aking puso at nagalak ang aking dila. Maging ang aking laman ay mamumuhay nang may pananalig. 27 Sapagkat hindi mo pababayaan ang aking kaluluwa na mapunta sa hades, o papayagan ang iyong Nag-iisang Banal na makitang mabulok.
-
13 Dahil kay Cristo kaya napakinggan din ninyo ang salita ng katotohanan, ang ebanghelyo ng inyong kaligtasan sa pamamagitan ni Cristo. Dahil sa kaniya kayo rin ay nanampalataya at tinatakan sa pinangakong Banal na Espiritu. 14 Ang Espiritu ang katibayan ng ating pamana hanggang sa makamtan ang pangako. Para ito sa ikapupuri ng kaniyang kaluwalhatian.
-
18 Magiging ligtas ka dahil may pag-asa; sa katunayan, matatagpuan mo ang iyong kaligtasan at ikaw ay makapagpapahinga nang ligtas. 19 At walang pwedeng tumakot sa iyo; tunay, marami ang lalapit sa iyo para humingi ng pabor.
-
8 Para saan ang pag-asa ng isang taong walang diyos kapag kinitil siya ng Diyos, kapag kinuha ng Diyos ang kaniyang buhay?
-
24 Kung ginawa kong aking pag-asa ang ginto, at kung sinabi ko sa mainam na ginto, 'Sa iyo ako may tiwala;' 25 Kung ako ay nagalak dahil labis ang aking kayamanan, dahil kinuha ng aking kamay ang maraming pag-aari; 26 kung nakita ko ang araw nang ito ay lumiwanag, o ang buwan na naglalakad sa kaniyang kaliwanagan, 27 at kung lihim na naakit ang aking puso, kaya hinalikan ng aking bibig ang aking kamay sa pagsamba sa kanila - 28 ito rin ay magiging isang krimen na paparusahan ng mga hukom, sapagkat ikakaila ko sana ang Diyos na nasa itaas.
-
19 Masdan mo ang aking mga kaaway, dahil sila ay marami; kinamumuhian nila ako nang may malupit na pagkagalit. 20 Pangalagaan mo ang aking buhay at sagipin mo ako; hindi ako mapapahiya, dahil nagkukubli ako sa iyo! 21 Nawa ingatan ako ng dangal at pagkamakatwiran, dahil umaasa ako sa iyo.
-
16 Kaya hindi kami nasiraan ng loob. Kahit na pinanghihinaan kami sa aming panlabas na katawan, patuloy na pinalalakas ang amig kalooban sa araw-araw. 17 Sapagkat, ang panandalian at bahagyang pagdadalamhati na ito ay naghanda sa amin para sa walang hanggang bigat ng kaluwalhatian na hindi masukat. 18 Sapagkat hindi kami tumitingin sa mga bagay na nakikita, kundi sa mga bagay na hindi nakikita. Ang mga bagay na nakikita ay panandalian, ngunit ang mga bagay na hindi nakikita ay walang hanggan.
-
18 Ano naman? Sa alinmang paraan maging sa pagkukunwari o sa katotohanan, naihahayag si Cristo, at dahil dito nagagalak ako! Oo, ako ay magagalak. 19 Sapagkat alam kong magdudulot ito sa akin ng paglaya. Mangyayari ito dahil sa inyong mga panalangin at sa tulong ng Espiritu ni Jesu-Cristo. 20 Naaayon ito sa aking matibay na inaasahan at kasiguraduhan na hindi ako mapapahiya. Sa halip, inaasahan kong maitataas si Cristo sa aking katawan, sa buhay man o sa kamatayan nang may buong tapang, na lagi naman at maging sa ngayon.
-
15 Pero inililigtas niya ang mga mahihirap mula sa mga espada na nasa kanilang mga bibig, at ang mga nangangailangan mula sa mga mayayaman. 16 Kaya may pag-asa ang mahihirap, at ang kawalan ng katarungan ay itinitikom ang kaniyang sariling bibig.
-
13 Nang tumingin ako sa sheol bilang aking tahanan; mula nang lumaganap ang aking higaan sa kadiliman; 14 mula nang sinabi ko sa hukay, 'ikaw ang aking ama,' at sa uod, 'ikaw ang aking ina o aking kapatid na babae,' 15 nasaan na ngayon ang aking pag-asa?, dahil sa aking pag-asa, sinong makakakita ng anuman?
-
5 Bakit ka yumuyukod, aking kaluluwa, at bakit ka nababalisa sa aking kalooban? Umasa ka sa Diyos, dahil pupurihin ko siya sa tulong ng kaniyang presensiya.
-
11 Dahil si Yahweh na Diyos ay ang ating araw at kalasag; si Yahweh ay magbibigay ng biyaya at kaluwalhatian; hindi niya pinagkakait ang anumang mabuting bagay mula sa lumalakad na may dangal.
-
4 Siya ay hindi manglulupaypay o mapanghihinaan ng loob hanggang matatag niya ang katarungan sa mundo; at ang mga nakatira sa babayin ay maghihintay sa kaniyang batas.
-
13 Si Yahweh ang pag-asa ng Israel. Lahat ng mang-iwan sa iyo ay mapapahiya. Ang mga tumalikod sa iyo na nasa lupain ay puputulin. Sapagkat iniiwan nila si Yahweh, ang bukal ng tubig ng buhay.
-
18 Kaya sinabi ko, “Ang aking tatag ay nawala na at ang aking pag-asa kay Yahweh ay naubos na.”
-
21 Ngunit ito ang aking inaalala, at ito ang dahilang ako ay may pag-asa: 22 Ito ay sa pamamagitan ng katapatan sa kasunduan ni Yahweh kaya hindi tayo nalipol, sapagkat ang kaniyang mga kilos ng kahabagan ay hindi nagwakas. 23 Ang mga kilos ng kahabagan niya ay muling nagaganap sa bawat umaga, katapatan mo ay dakila!
-
7 Ngunit para sa akin, ako ay titingin kay Yahweh. Maghihintay ako sa aking Diyos ng aking kaligtasan, pakikinggan ako ng aking Diyos.
-
21 At ang mga Gentil ay magkakaroon ng pananalig sa kaniyang pangalan.”
-
1 Pagkatapos nakita ko ang isang bagong langit at isang bagong mundo, dahil ang unang langit at unang mundo ay lumipas na, at ang dagat ay wala na. 2 Nakita ko ang banal na lungsod, ang bagong Jerusalem, na bumamababa mula sa langit mula sa Diyos, inihanda tulad ng isang babaeng ikakasal na pinaganda para sa kaniyang asawa.
3 Narinig ko ang isang malakas na tinig mula sa trono sinasabing: “Tingnan mo! Ang tirahan ng Diyos ay kasama ng mga tao, at siya ay naninirahan kasama nila. Sila ay magiging kaniyang bayan, at ang Diyos mismo ay makakasama nila at siya ay magiging kanilang Diyos. 4 Papahirin niya ang bawat luha mula sa kanilang mga mata, wala nang kamatayan, o pagdadalamhati, o pag-iyak, o sakit. Ang naunang mga bagay ay lumipas na.
5 Siya na nakaupo sa trono ay sinabing, “Tingnan mo! Ginawa kong bago ang lahat ng mga bagay.” Sinabi niya, “Isulat mo ito dahil ang mga salitang ito ay mapagkakatiwalaan at totoo.
Shows Read in context, Share and Copy.