104 Bible Verses About Fear of the Lord

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Bible Verses About Fear of the Lord
  1. 4 Hinanap ko si Yahweh, at tumugon siya, at sa lahat ng mga takot ko tagumpay ang ibinigay niya. 5 Nagniningning ang mga tumitingin sa kaniya, at ang kanilang mga mukha ay hindi nahihiya. 6 Ang inapi ay umiyak, at narinig siya ni Yahweh at niligtas mula sa lahat ng kaniyang mga kaguluhan. 7 Ang anghel ni Yahweh ay nagkakampo sa paligid ng may mga takot sa kaniya, at sila ay nililigtas niya. 8 Tikman at masdan na si Yahweh ay mabuti; mapalad ang taong kumukubli sa kaniya. 9 Katakutan ninyo si Yahweh, kayo na kaniyang banal na bayan; hindi nagkukulang ang mga may takot sa kaniya. 10 Ang batang leon minsan ay nagkukulang sa pagkain at nagugutom; pero ang mga humahanap kay Yahweh ay hindi magkukukulang ng anumang bagay na mabuti. 11 Halikayo, mga bata, makinig kayo sa akin; ituturo ko sa inyo ang takot kay Yahweh. 12 Sinong naghahangad ng buhay at naghahangad ng mahabang panahon na mabuhay at magkaroon ng magandang buhay? 13 Kung ganoon, lumayo kayo sa pagsasabi ng masama, at ilayo ang inyong mga labi sa pagsasabi ng mga kasinungalingan. 14 Tumalikod kayo sa kasamaan at gumawa ng mabuti; hangarin ninyo ang kapayapaan at ito ay palaganapin. 15 Ang mga mata ni Yahweh ay nasa mga matutuwid, at sa kanilang mga iyak nakatuon ang kaniyang pandinig.

  2. 7 Ang pagkatakot kay Yahweh ay ang simula ng kaalaman - ang mga hangal ay kinamumuhian ang karunungan at disiplina.

  3. 26 Kapag ang isang tao ay takot kay Yahweh, siya rin ay may higit na tiwala sa kaniya; ang mga bagay na ito ay magiging katulad ng isang matatag na lugar na proteksyon para sa mga anak ng taong ito. 27 Ang pagkatakot kay Yahweh ay isang bukal ng buhay, para ang tao ay makalayo mula sa patibong ng kamatayan.

  4. 26 Samakatwid huwag ninyo silang katakutan, sapagkat walang lihim ang hindi nabubunyag, at walang natatago na hindi malalaman. 27 Ang sinabi ko sa inyo sa kadiliman ay sabihin sa liwanag, at kung anong narinig ninyo ng mahina sa inyong tainga, ipahayag sa ibabaw ng mga bubungan.

    28 Huwag kayong matakot sa mga pumapatay ng katawan ngunit walang kakayahang pumatay ng kaluluwa. Sa halip, matakot kayo sa kaniya na kayang makapupuksa ng kaluluwa at katawan sa impyerno.

    29 Hindi ba ang dalawang maya ay ibinenta sa isang baryang maliit ang halaga? Ngunit wala ni isa sa kanila ang nalaglag sa lupa na hindi nalalaman ng Ama. 30 At kahit na ang mga buhok ng inyong ulo ay bilang lahat. 31 Huwag kayong matakot. Mas mahalaga kayo kaysa sa maraming maya.

  5. 9 Magbigay ng gabay sa matalinong tao, at siya ay magiging mas matalino; turuan ang matuwid na tao, at dadagdag ang kaniyang pagkatuto. 10 Ang takot kay Yahweh ang simula ng karunungan, at ang kaalaman sa Isang Banal ay kaunawaan. 11 Dahil sa pamamagitan ko ang mga araw mo ay dadami, at dadagdag ang taon ng buhay mo.

  6. 12 Sino ang taong may takot kay Yahweh? Tuturuan siya ng Panginoon sa daan na dapat niyang piliin. 13 Ang kanyang buhay ay magpapatuloy sa kabutihan; at ang kanyang mga kaapu-apuhan ay magmamana ng lupain. 14 Ang pakikipagkaibigan ni Yahweh ay para sa mga nagbibigay karangalan sa kanya, at pinapahayag ang kanyang tipan sa kanila. 15 Ang aking mga mata ay laging nakatuon kay Yahweh, dahil pakakawalan niya ang aking mga paa mula sa lambat.

  7. 10 Ang parangalan si Yahweh ay simula ng karunungan; ang mga gumagawa ng kaniyang mga tagubilin ay mayroong mabuting pang-unawa. Ang kaniyang kapurihan ay mananatili magpakailanman.

  8. 12 Ako, ang Karunungan, ay namumuhay nang may Kabaitan, at aking taglay ang kaalaman at kahinahunan. 13 Ang pagkatakot kay Yahweh ay para kapootan ang kasamaan — kinapopootan ko ang pagmamataas at kayabangan, ang masamang paraan, at malaswang pananalita — kinapopootan ko sila. 14 Mayroon akong mabuting payo at maayos na karunungan; mayroon akong mahusay na pananaw, at taglay ko ang kalakasan. 15 Sa pamamagitan ko, ang mga hari ay naghahari—pati na taong mararangal, at lahat ng mga namumuno ng makatarungan. 16 Sa pamamagitan ko, ang mga prinsipe ay naghahari at ang mga mararangal at lahat ng namamahala nang may katarungan. 17 Mahal ko silang mga nagmamahal sa akin, at silang mga masisipag na humahanap sa akin ay matatagpuan ako. 18 Nasa akin ang mga kasaganaan at karangalan, walang maliw na kayamanan at katuwiran.

  9. 16 At alam natin at pinaniwalaan ang pag-ibig na mayroon ang Diyos na nasa sa atin. Ang Diyos ay pag-ibig, at siyang nananatili sa pag-ibig ay nananatili sa Diyos, at ang Diyos ay nananatili sa kanya. 17 Sa ganito ang pagmamahal ay ginawang lubos sa atin, nang sa gayon tayo ay maaring magkaroon ng kasiguraduhan sa araw ng paghuhukom, dahil gaya niya, gayon din tayo sa mundong ito.

    18 Walang anumang takot sa pag-ibig. Pero ang pag-ibig na lubos ay inaalis ang takot, dahil ang takot ay may kinalaman sa kaparusahan. Pero kung sinuman ang siyang natatakot ay hindi nagawang lubos sa pag-ibig. 19 Nagmamahal tayo dahil minahal muna tayo ng Diyos.

  10. 7 Ang batas ni Yahweh ay perpekto, pinasisigla ang kaluluwa; ang patotoo ni Yahweh ay maaasahan, ginagawang marunong ang payak ang kaisipan. 8 Ang mga tagubilin ni Yahweh ay matuwid, pinasasaya ang puso; ang kautusan ni Yahweh ay dalisay, nagdadala ng liwanag sa mga mata. 9 Ang takot kay Yahweh ay dalisay, nananatili magpakailanman; ang makatuwirang mga kautusan ni Yahweh ay totoo at matuwid sa kabuuan! 10 Ang mga ito ay mas mahalaga kaysa ginto, mas higit pa kaysa pinong ginto; mas matamis kaysa pulot na tumutulo mula sa pulot-pukyutan. 11 Oo, sa pamamagitan ng mga ito ang iyong lingkod ay binalaan; sa pagsunod dito ay may malaking gantimpala.

  11. 13 Sa huli, pagkatapos marinig ang lahat ng bagay, ay dapat kang matakot sa Diyos at ingatan ang kaniyang mga utos, dahil ito ang buong tungkulin ng sangkatauhan. 14 Dahil hahatulan ng Diyos ang bawat gawain, kasama ang bawat nakatagong bagay, mabuti man ito o masama.

  12. 23 Ang paggalang at pagsunod kay Yahweh ay nagbibigay ng buhay; ang gumagawa nito ay masisiyahan at ligtas sa kapahamakan.

  13. 28 Sa mga tao sinabi niya, 'Tingnan ninyo, ang takot sa Panginoon — iyan ang karunungan; ang lumayo sa kasamaan ay pang-unawa.”

  14. 11 Sambahin si Yahweh nang may takot at magdiwang nang may panginginig.

  15. 31 Kaya ang iglesia sa buong Judea, Galilea, at Samaria ay nagkaroon ng kapayapaan at ito ay lumago at lumalakad ng may takot sa Panginoon sa tulong ng Banal na Espiritu, ang iglesia ay lumago sa bilang.

  16. 18 Nakita ng mga tao ang pagkulog at ang pagkidlat at narinig ang tunog ng trumpeta at nakitang umuusok ang bundok. Nang makita ito ng mga tao, nanginig sila at tumayo sa malayo. 19 Sinabi nila kay Moises, “Makipag-usap ka sa amin at kami'y makikinig; pero huwag mong payagan makipag- usap sa amin ang Diyos, o lahat kami ay mamamatay.”

    20 Sinabi ni Moises sa mga tao, “Huwag kayong matakot, dahil bumaba ang Diyos para kayo ay subukin para ang karangalan na nasa kaniya ay mapasainyo at para hindi kayo magkasala.” 21 Kaya ang mga tao ay tumayo sa malayo at lumapit si Moises tungo sa makapal na kadiliman kung saan naroon ang Diyos.

  17. 8 Si Yahweh ay maawain at mapagbigay-loob; siya ay mapagpaumanhin; mayroon siyang labis na katapatan sa tipan. 9 Hindi siya laging magdidisiplina; hindi siya laging nagagalit. 10 Hindi niya tayo tinatrato ayon sa nararapat sa ating mga kasalanan o ginagantihan ayon sa kung ano ang hinihingi ng ating mga kasalanan. 11 Dahil kung gaano kataas ang kalangitan sa ibabaw ng daigdig, ganoon kadakila ang kanyang katapatan sa tipan sa mga nagbibigay ng parangal sa kanya. 12 Kung gaano kalayo ang silangan mula sa kanluran, ganoon kalayo niya inalis mula sa atin ang ating mga kasalanan. 13 Kung paanong may pagkahabag ang isang ama sa kanyang mga anak, gayundin pagkahabag ni Yahweh sa mga nagbibigay ng parangal sa kanya.

  18. 16 Mas mabuti ang kaunti na may takot kay Yahweh kaysa sa labis na kayamanan na may kaguluhan.

  19. 6 Sa pamamagitan ng katapatan sa kasunduan at pagtitiwala ang pagkakasala ay nabayaran at sa pamamagitan ng takot kay Yahweh, tinatalikuran ng mga tao ang kasamaan.

  20. 28 Samakatuwid, magpapasalamat tayo sa pagtanggap ng isang kahariang hindi nayayanig, at sa ganitong pagpupuri sa Diyos sa paraang katanggaptanggap na may paggalang at paghanga 29 sapagkat ang ating Diyos ay parang apoy na nakakatupok

  21. 12 Kaya, mga minamahal ko, tulad ng inyong palaging pagsunod, hindi lamang sa panahong kasama ninyo ako, ngunit mas higit pa ngayong hindi ninyo ako kasama, pagsikapan ninyo ang inyong kaligtasan nang may takot at panginginig. 13 Sapagkat ang Diyos na parehong kumikilos sa inyo upang naisin at gawin ninyo ang ipinagagawa niya alang-alang sa kaniyang ikasisiya.

  22. 27 Ang takot kay Yahweh nagpapahaba ng buhay, ngunit ang mga taon ng masama ay mapapaiksi. 28 Ang pag-asa ng mga gumagawa ng tama ay kanilang kagalakan, ngunit ang mga taon ng mga masama ay mapapaiksi. 29 Ang paraan ni Yahweh ay nag-iingat sa kanila na may katapatan, ngunit ito ay pagkawasak para sa masama.

  23. 13 Sumunod kayo sa bawat pamahalaan, alang-alang sa Panginoon, maging ang hari bilang kataas-taasan, 14 maging ang gobernador na isinugo upang parusahan ang mga mapaggawa ng masama at puruhin silang mapaggawa ng mabuti. 15 Sapagkat ito ang kalooban ng Diyos, na sa pamamagitan ng paggawa ng mabuti mapatahimik ninyo ang walang kabuluhang salita ng mga hangal.

    16 Bilang mga taong malaya, huwag ninyong angkinin ang inyong kalayaan bilang panakip ng kasamaan, sa halip, maging tulad kayo ng mga lingkod ng Diyos. 17 Igalang ninyo ang lahat ng tao. Mahalin ninyo ang kapatiran. Magkaroon kayo ng takot sa Diyos. Igalang ninyo ang hari.

  24. 12 Ngayon, Israel, ano ang kailangan ni Yahweh na inyong Diyos, maliban sa matakot kay Yahweh na inyong Diyos, para lumakad sa lahat ng kaniyang kaparaanan, para ibigin siya, at para sambahin si Yahweh na inyong Diyos ng buong puso at buong kaluluwa, 13 para sundin ang mga utos ni Yahweh, at ang kaniyang mga batas, na inuutos ko sa inyo ngayon para sa inyong kabutihan?

    14 Tingnan ninyo, pag-aari ni Yahweh na inyong Diyos ang langit ng kalangitan, ang sanlibutan, kasama ang lahat na nasa kanila.

  25. 1 Purihin si Yahweh. Mapalad ang tao na sumusunod kay Yahweh, na siyang labis na nagagalak sa kaniyang mga kautusan. 2 Ang kaniyang mga kaapu-apuhan ay magiging makapangyarihan sa mundo; ang salinlahi ng maka-diyos ay pagpapalain. 3 Kasaganaan at kayamanan ay nasa kaniyang tahanan; ang kaniyang katuwiran ay mananatili magpakailanman.

  26. 11 Kayong gumagalang kay Yahweh, magtiwala sa kaniya; siya ang iyong saklolo at kalasag. 12 Pinapansin at pagpapalain tayo ni Yahweh; kaniyang pagpapalain ang sambahayan ng Israel; kaniyang pagpapalain ang sambahayan ni Aaron. 13 Kaniyang pagpapalain ang nagpaparangal sa kaniya, kapwa bata at matanda. 14 Nawa palalaguin ni Yahweh ang inyong bilang ng higit pa, kayo at ang inyong mga kaapu-apuhan. 15 Pagpalain kayo ni Yahweh, na siyang gumawa ng langit at lupa.

  27. 1 Mga minamahal, dahil mayroon tayo ng mga pangakong ito, linisin natin ang ating mga sarili mula sa lahat ng bagay na nagpaparumi sa ating katawan at espiritu. Sikapin nating maging banal sa pagkatakot sa Diyos.

  28. 6 Sa pamamagitan ng salita ni Yahweh ang mga langit ay nalikha, at ang lahat ng mga bituin ay nagawa sa pamamagitan ng hininga ng kaniyang bibig. 7 Tinitipon niya ang tubig ng dagat na parang isang tumpok; nilalagay niya ang mga karagatan sa mga imbakan. 8 Hayaan ang buong mundo na matakot kay Yahweh; hayaan ang lahat ng nananahan sa mundo ay mamangha sa kanya. 9 Dahil siya ay nagsalita, at nangyari ito; siya ay nag-utos, at tumayo ng matayog.

  29. 1 Mapalad ang lahat ng nagpaparangal kay Yahweh, siyang lumalakad sa kaniyang kaparaanan. 2 Kung ano ang ibinigay ng iyong mga kamay, ikaw ay masisiyahan; ikaw ay pagpapalain at mananagana. 3 Ang iyong asawang babae ay tulad ng mabungang ubasan sa iyong tahanan; at ang iyong mga anak ay magiging tulad ng tanim ng olibo habang sila ay nakaupo sa palibot sa iyong lamesa. 4 Oo, tunay nga, ang tao ay pagpapalain, siyang nagpaparangal kay Yahweh.

  30. 4 Sinasabi ko sa inyo aking mga kaibigan, huwag kayong matakot sa mga pumapatay ng katawan, at pagkatapos iyon, ay wala na silang magagawa. 5 Ngunit babalaan ko kayo tungkol sa dapat ninyong katakutan. Katakutan ang taong pagkatapos pumatay ay may kapangyarihang itapon kayo sa impiyerno. Oo, sinasabi ko sa inyo, katakutan siya.

  31. 5 Naglagay siya ng mga hukom sa lupain, sa bawat pinatibay na lungsod ng Juda. 6 Sinabi niya sa mga hukom, “Pag-aralan ninyo ang dapat ninyong gawin, dahil hindi kayo humahatol para sa mga tao, ngunit para kay Yahweh, siya ay nasa inyo sa paghahatol. 7 At ngayon, hayaan ninyong ang takot kay Yahweh ang sumainyo. Maging maingat kapag kayo ay hahatol, sapagkat walang kawalan ng katarungan kay Yahweh na ating Diyos, ni walang pinapanigan o pagtanggap ng suhol.”

  32. 11 Turuan mo ako ng iyong mga pamamaraan, Yahweh. At ako ay lalakad sa iyong katotohanan. Pag-isahin mo ang aking puso sa pagsamba sa iyo. 12 Panginoon aking Diyos, pupurihin kita ng buong puso, luluwalhatiin ko ang iyong pangalan magpakailanman.

  33. 12 Huwag ninyong tawaging pagsasabwatan ang alinmang tinuturing na pagsasabwatan ng mga taong ito; huwag kang matakot sa kinakatakutan nila, at huwag kang magpasindak. 13 Si Yahweh ng mga hukbo, pararangalan ninyo siya bilang banal, katatakutan ninyo siya, at siya ang dapat ninyong pangambahan. 14 Siya ay magiging santuaryo; pero siya ay tulad ng isang bato na tatama sa kanila, at isang malaking bato na makakapagpatumba sa dalawang bahay ng Israel. At siya ay magiging patibong at silo sa mamamayan ng Jersusalem.

  34. 14 Sinabi ninyo, ''Walang kabuluhan ang maglingkod sa Diyos. Ano ang napapala natin dito sa pag-ingat ng kaniyang mga tagubilin at lumakad tayo nang may pagdadalamhati sa harapan ni Yahweh ng mga hukbo? 15 At ngayon, tinatawag nating mapalad ang palalo na tao. Hindi lamang pinagpapala ang mga masasama ngunit sinusubukan nila ang Diyos at tumatakas.”

    16 At ang mga may takot kay Yahweh ay nagsabi sa isa't isa; nagbigay pansin si Yahweh at nakinig, at isang aklat ng alaala ang nasulat sa kaniyang harapan para sa mga may takot kay Yahweh at iginagalang ang kaniyang pangalan.

    17 “Sila ay magiging akin,” sabi ni Yahweh ng mga hukbo, “ang tangi kong kayamanan, sa araw na aking gawin; ililigtas ko sila gaya ng pagligtas ng isang tao sa kaniyang anak na naglilingkod sa kaniya. 18 At minsan pa, muli ninyong makikita ang pagkakaiba sa pagitan ng matuwid at masama, sa pagitan ng sumasamba sa Diyos at sa hindi sumasamba sa kaniya.

  35. 26 Sapagkat kung ating sasadyain ang paggawa ng kasalanan pagkatapos nating malaman ang kaalaman sa katotohanan, ang handog para sa kasalanan ay hindi na umiiral. 27 Sa halip, mayroon lamang tiyak na inaasahang nakakatakot na hatol at nagngangalit na apoy na tutupok sa mga kaaway ng Diyos. 28 Sinuman na lumabag sa kautusan ni Moises ay mamamatay ng walang awa sa patunay ng dalawa o tatlong saksi. 29 Gaano pa kaya kabigat na parusa sa akala ninyo ang nararapat sa taong yumurak sa Anak ng Diyos, sinumang magturing sa dugo ng tipan na hindi banal, ang dugo na kaniyang inihandog sa Diyos—sinuman na humamak sa Biyaya ng Espiritu 30 Sapagkat kilala natin ang nagsabi nito, “Akin ang paghihiganti at ako ang maniningil.” At muli, “Hahatulan ng Panginoon ang kaniyang mga tao.” 31 Nakakatakot nga ang mahulog sa mga kamay ng buhay na Diyos!

  36. 6 Nakita ko ang isa pang anghel na lumilipad sa alapaap, na may walang hanggang mensahe ng magandang balita para ipahayag sa mga naninirahan sa mundo — sa bawat bansa, tribo, wika, at mga tao. 7 Tumawag siya nang may malakas na tinig, “Matakot sa Diyos at bigyan siya ng kaluwalhatian. Dahil sa oras ng kaniyang paghuhukom ay dumating na. Sambahin siya, siya na lumikha ng langit, ng lupa, ng dagat, at ng mga bukal ng mga tubig.

  37. 17 Huwag mong hayaang mainggit ang iyong puso sa mga makasalanan, pero magpatuloy sa takot kay Yahweh sa buong araw. 18 Siguradong may kinabukasan at ang iyong pag-asa ay hindi mapuputol.

  38. 3 Yahweh, kung tatandaan mo ang mga kasamaan, Panginoon, sino ang makatatagal? 4 Pero mayroong kapatawaran sa iyo, para ikaw ay sambahin.

  39. 1 Anak, kung tatanggapin mo ang aking mga salita at paka-ingatan ang aking mga kautusan, 2 makinig sa karunungan at itutuon mo ang iyong puso sa pang-unawa. 3 Kung ikaw ay magmakaawa para sa kaunawaan at sumigaw para dito, 4 kung hahanapin mo ito kagaya ng paghahanap ng pilak at hahanapin mo ang pang-unawa kagaya ng paghahanap mo ng mga nakatagong kayamanan, 5 saka mo mauunawaan ang pagkatakot kay Yahweh at matatagpuan mo ang kaalaman ng Diyos. 6 Sapagkat si Yahweh ang nagbibigay ng karunungan, mula sa kanyang bibig nanggagaling ang kaalaman at kaunawaan.

  40. 18 Si Yahweh ay malapit sa lahat ng mga tumatawag sa kaniya, ang lahat ng tumatawag sa kaniya ng may pagtitiwala. 19 Tinutupad niya ang nais na mga nagpaparangal sa kaniya; dinidinig niya ang kanilang iyak at inililigtas sila.

  41. 38 At sila ay magiging aking mga tao, at ako ay magiging Diyos nila. 39 Bibigyan ko sila ng isang puso at isang paraan upang parangalan ako sa bawat araw kaya magiging mabuti ito para sa kanila at sa magiging mga kaapu-apuhan nila.

    40 At magtatatag ako ng isang panghabang panahon na kasunduan sa kanila kaya hindi ko na sila tatalikuran. Gagawin ko ito upang magdala ng kabutihan sa kanila at maglagay sa kanilang mga puso ng parangal para sa akin. Kaya hindi na sila tatalikod sa pagsunod sa akin.

  42. 9 Kaya gawin natin itong layunin, kung tayo man ay nasa ating katawang lupa dito sa mundo o sa langit man, upang malugod siya. 10 Sapagkat tayo ay haharap sa hukuman ni Cristo, upang ang bawat isa ay makatanggap ng nararapat sa lahat ng bagay na kaniyang ginawa sa katawan, maging sa mabuti man o masama.

    11 Samakatuwid, sa pagkaalam ng takot sa Panginoon, hinihikayat namin ang mga tao. Malinaw na nakikita ng Diyos kung sino tayo. Sana ay malinaw din ito sa inyong budhi. 12 Hindi namin kayo hinihikayat muli upang ipakita na kami ay tapat. Sa halip, ay binibigyan namin kayo ng dahilan upang maipagmalaki ninyo kami, upang may maisasagot kayo sa mga taong nagmamalaki sa mga panlabas na anyo ngunit hindi sa mga nilalaman ng puso.

    13 Dahil kung kami ay parang wala sa sarili naming kaisipan, para ito sa Diyos. At kung kami ay nasa tamang kaisipan, ito ay para sa inyong kapakanan. 14 Dahil ang pagmamahal ni Cristo ang nag-uudyok sa amin, sapagkat kami ay sigurado dito: na mayroong isang tao na namatay para sa lahat, kaya ang lahat ay namatay. 15 At namatay si Cristo para sa lahat, upang ang mga nabubuhay ay hindi na mamuhay para sa kanilang mga sarili. Sa halip dapat silang mamuhay para sa kaniya na namatay at muling nabuhay.

  43. 10 Hindi siya humahanga sa bilis ng kabayo o nasisiyahan sa lakas ng binti ng isang tao. 11 Nasisiyahan si Yahweh sa mga nagpaparangal sa kaniya, sa mga umaasa sa katapatan niya sa tipan.

  44. 20 Umiiyak ng malakas sa lansangan ang karunungan, kaniyang nilalakasan ang kaniyang boses sa isang liwasang-bayan, 21 sa gitna ng maingay na lansangan siya ay umiyak, sa pasukan ng lungsod ng tarangkahan siya ay nagsalita. 22 “Kayong mga walang karunungan, Gaano katagal ninyo mamahalin ang inyong hindi naiintindihan? Kayong mga nangungutya, gaano kayo katagal magalak sa pangungutya at kayong mga hangal, gaano kayo katagal mamumuhi sa kaalaman? 23 Bigyang pansin ang aking paninita; ibubuhos ko ang aking saloobin sa inyo, ipapaalam ko ang salita ko sa inyo. 24 Ako ay tumawag, at kayo ay tumangging makinig; inaabot ko sila ng aking kamay, ngunit walang nagbigay pansin. 25 Ngunit isinawalang bahala ninyo ang aking mga bilin at hindi ninyo binigyan ng pansin ang aking pagsasaway. 26 Tatawanan ko kayo sa inyong kapamahakan, kukutyain ko kayo kapag dumating ang malaking takot — 27 kapag dumating ang inyong kinakatakutang pangamba tulad ng bagyo at tinangay kayo ng sakuna na parang buhawi, kapag ang kabalisahan at dalamhati ay dumating sa inyo. 28 Pagkatapos sila ay tatawag sa akin at hindi ako sasagot; desperado silang tatawag sa akin, ngunit hindi nila ako mahahanap. 29 Dahil kanilang kinapopootan ang karunungan at hindi pinili ang pagkatakot kay Yahweh, 30 hindi nila susundin ang aking tagubilin, at kanilang kinamuhian ang aking mga pagtatama. 31 Kakainin nila ang bunga sa kanilang pamamaraan, at sa bunga ng kanilang mga balak sila ay maaaring mabusog.

  45. 50 Ang kaniyang habag ay walang katapusan mula sa lahat ng salinlahi para sa mga nagpaparangal sa kaniya.

  46. 9 Ano ngayon? Sasabihin ba nating mas mabuti tayo? Hindi sa anumang paraan. Sapagkat pinaratangan na natin ang mga Judio at Griyego, silang lahat, sa pagiging nasa ilalim ng kasalanan. 10 Ito ay gaya ng nasusulat: “Walang matuwid, wala ni isa. 11 Walang nakauunawa. Walang humahanap sa Diyos. 12 Silang lahat ay nagsilihis. Silang lahat ay naging walang silbi. Walang gumagawa ng mabuti, wala, wala kahit isa. 13 Ang kanilang lalamunan ay tulad ng isang bukas na libingan. Ang kanilang mga dila ay mayroong panlilinlang. Ang kamandag ng ahas ay nasa kanilang mga labi. 14 Ang kanilang mga bibig ay puno ng pagmumura at kapaitan. 15 Ang mga paa nila ay matutulin upang magdanak ng dugo. 16 Pagkawasak at pagdurusa ang nasa kanilang mga landas. 17 Ang mga taong ito ay walang alam sa daan ng kapayapaan. 18 Walang pagkatakot sa Diyos sa kanilang mga mata.”

  47. 23 Pinatuyo ni Yahweh na inyong Diyos ang tubig sa Jordan para sa inyo, hanggang sa makatawid kayo, gaya ng ginawa ni Yahweh inyong Diyos sa Dagat ng mga Tambo, na kaniyang tinuyo para sa atin hanggang tayo ay makatawid, 24 para malaman ng lahat ng mga tao sa mundo na ang kamay ni Yahweh ay makapangyarihan, at paparangalan ninyo si Yahweh ang inyong Diyos magpakailanman.”

  48. 5 Magtiwala kay Yahweh ng buong puso at huwag umasa sa sarili mong pang-unawa; 6 sa lahat ng iyong ginagawa ay kilalanin siya at gagawin niyang matuwid ang iyong mga landas. 7 Huwag maging marunong sa iyong sariling mga mata; matakot kay Yahweh at talikuran ang kasamaan.

  49. 33 Ang takot kay Yahweh ay nagtuturo ng karunungan, at ang pagpapakumbaba ay nauuna bago ang karangalan.

  50. 4 Ang gantimpala sa pagpapakumbaba at takot kay Yahweh ay kayamanan, karangalan at buhay.

  51. 5 Si Yahweh ay itinaas. Siya ay naninirahan sa isang mataas na lugar. Pupunuin niya ang Sion ng katarungan at katuwiran. 6 Siya ay magiging katatagan sa mga panahon ninyo, kasaganaan ng kaligtasan, karunungan, at kaalaman; ang pagkatakot kay Yahweh ay ang kaniyang kayamanan.

  52. 6 At dumating naman ang isang araw para humarap ang mga anak ng Diyos kay Yahweh, at si Satanas ay dumalo kasama nila.

    7 Ang tanong ni Yahweh kay Satanas, “Saan ka naman nanggaling?” Sumagot si Satanas kay Yahweh, “Galing ako sa isang paglalakad-lakad sa mundo, nagpabalik-balik ako rito.”

    8 Nagtanong muli si Yahweh, “Ano naman ang masasabi mo sa lingkod kong si Job? Dahil wala siyang katulad sa mundong ito, walang maipipintas at tapat na tao, may takot sa Diyos at tumatalikod sa lahat ng kasamaan.”

    9 Saka sumagot si Satanas kay Yahweh, “Basta na lang ba magkakaroon ng takot sa iyo si Job nang walang kadahilanan?” 10 Hindi ka ba gumawa ng bakod sa kaniyang paligid, sa paligid ng kaniyang bahay, at sa lahat ng kaniyang mga pag-aari? Pinagpala mo ang kaniyang hanap-buhay at pinarami mo ang kaniyang kayamanan.

  53. 23 Kayo na may takot kay Yahweh, purihin siya! Kayong lahat na mga kaapu-apuhan ni Jacob, parangalan siya! Ipakita niyo ang inyong pagkamangha sa kaniya, kayong lahat na mga kaapu-apuhan ng Israel!

  54. 18 Tingnan ninyo, ang mata ni Yahweh ay nasa kanila na may takot sa kaniya, sa mga taong umaasa sa kaniyang katapatan sa tipan 19 para mailigtas ang kanilang mga buhay mula sa kamatayan at panatilihin silang buhay sa mga panahon ng taggutom.

  55. 10 Kaya nakita kong lantarang inilibing ang masama. Sila ay dinala mula sa lugar at inilibing saka pinuri ng mga tao sa lungsod kung saan nila ginagawa ang masasamang mga gawain. Ito rin ay walang pakinabang. 11 Kapag ang isang hatol sa isang masamang krimen ay hindi agad ipinatupad, hinihikayat nito ang puso ng taong gumawa ng masama.

    12 Kahit isang daang ulit gumagawa ng masama ang isang makasalanan at nabubuhay pa rin sa mahabang panahon, gayon man alam ko na magiging mabuti sa mga gumagalang sa Diyos, siyang pinararangalan ang kaniyang presensiya sa kanila. 13 Ngunit hindi magiging mabuti sa isang taong masama; ang kaniyang buhay ay hindi pahahabain. Ang kaniyang mga araw ay katulad ng isang naglalahong anino dahil hindi niya pinararangalan ang Diyos.

  56. 1 Isang sibol ang magmumula sa ugat ni Jesse, at ang isang sanga mula sa kaniyang ugat ang magbubunga. 2 Mapapasakanya ang espiritu ni Yahweh, espiritu ng karunungan at pang-unawa, espiritu ng paggabay at kapangyarihan, ang espiritu ng kaalaman at takot kay Yahweh. 3 Ang pagkatakot kay Yahweh ang magiging kagalakan niya; hindi siya manghahatol ayon sa nakikita ng kaniyang mga mata, ni magpapasya ayon sa naririnig ng kaniyang tainga. 4 Sa halip, hahatulan niya ang mahihirap nang makatwiran at magpapasya ng patas sa mga mapagkumbaba sa mundo. Hahampasin niya ang mundo ng pamalo ng kaniyang bibig, at sa pamamagitan ng kaniyang mga labi, papatayin niya ang masasama. 5 Ang katuwiran ang magiging sinturon niya sa kaniyang baywang, at katapatan ang sinturon na nakasuot sa kaniyang balakang.

  57. 7 Sinabi nilang lahat sa bawat isa, “Halikayo, magpalabunutan tayo, para malaman natin kung sino ang dahilan ng kasamaang ito na nangyayari sa atin.” Kaya nagpalabunutan sila at ang bunot ay napunta kay Jonas.

    8 Pagkatapos sinabi nila kay Jonas, “Pakiusap sabihin sa amin kung sino ang dahilan nitong kasamaang nangyayari sa atin. Ano ang iyong hanap-buhay, at saan ka nanggaling? Ano ang iyong bansa at mula sa aling lahi ka?”

    9 Sinabi ni Jonas sa kanila, “Ako ay isang Hebreo; at kinatatakutan ko si Yahweh, ang Diyos ng langit, na siyang gumawa ng dagat at ng tuyong lupa.”

    10 Pagkatapos lalong natakot ang mga tao at sinabi kay Jonas, “Ano itong ginawa mo?” Dahil nalaman ng mga tao na siya ay tumatakbo palayo mula sa presensya ni Yahweh, dahil sinabi niya sa kanila.

    11 Pagkatapos sinabi nila kay Jonas, “Ano ang dapat naming gawin sa iyo upang humupa ang dagat para sa atin?” Sapagkat ang dagat ay lalong naging marahas.

    12 Sinabi ni Jonas sa kanila, “Buhatin ninyo ako at itapon ninyo ako sa dagat. Pagkatapos huhupa ang dagat para sa inyo, sapagkat alam kong dahil sa akin kaya nangyayari sa inyo ang malakas na bagyong ito.”

    13 Gayunpaman, ang mga lalaki ay nagsumikap sumagwan ng matindi upang makabalik sila sa lupa, ngunit hindi nila ito magawa dahil ang dagat ay lalong nagiging marahas laban sa kanila.

    14 Kaya tumawag sila kay Yahweh at sinabing, “Nagmamakaawa kami sa iyo, Yahweh, nagmakaawa kami, huwag mo kaming hayaang mamatay dahil sa buhay ng taong ito, at huwag mong ipataw sa amin ang pagkakasala sa kanyang kamatayan, dahil ikaw, Yahweh ang gumawa kung ano ang makalulugod sa iyo.”

    15 Kaya binuhat nila si Jonas at itinapon siya sa dagat, at tumigil ang matinding galit ng dagat.

    16 Pagkatapos lalong natakot ang mga tao kay Yahweh. Naghandog sila ng mga alay kay Yahweh at gumawa ng mga panata.

  58. 13 Pararangalan ninyo si Yahweh na inyong Diyos; sasambahin ninyo siya, at mangangako kayo ayon sa kaniyang pangalan. 14 Hindi kayo susunod sa ibang mga diyos, ang mga diyos ng mga taong nakapaligid sa inyo— 15 dahil si Yahweh na nasa kalagitnaan ninyo ay isang mapanibughuing Diyos —baka ang galit ni Yahweh na inyong Diyos ay magpaningas laban sa inyo at wasakin kayo mula sa ibabaw ng mundo.

  59. 24 Katakutan lamang si Yahweh at paglingkuran siya sa katotohanan ng inyong buong puso. Isaalang-alang ang mga dakilang bagay na nagawa niya para sa inyo. 25 Subalit kung magpumilit kayo sa paggawa ng masama, kapwa kayo at inyong hari ay mamamatay.”

  60. 3 Sinabi ng Diyos ng Israel, sinabi ng Bato ng Israel sa akin, 'Ang isang namumuno nang makatarungan sa mga tao, namumuno ng may takot sa Diyos. 4 Siya ay magiging tulad ng liwanag sa umaga sa pagsikat ng araw, isang umaga na walang mga ulap, sa pag-usbong ng malambot na mga damo mula sa lupa sa pamamagitan nang maliwanag na sinag ng araw pagkatapos ng ulan.

  61. 14 Masaya ang isa na laging namumuhay na may paggalang, ngunit ang sinumang nagmamatigas ng kaniyang puso ay babagsak sa kaguluhan.

  62. 14 Sapagkat marami ang pinapangunahan ng Espiritu ng Diyos, sila ay mga anak ng Diyos.

    15 Sapagkat hindi ninyo muling tinanggap ang espiritu ng pagkabihag upang matakot. Sa halip, natanggap natin ang espiritu ng pagkupkop, na kung saan sumisigaw tayo ng, “Abba, Ama!”

  63. 6 Ito ang dahilan na pinapaalalahanan kita na pagningasin muli ang kaloob ng Diyos sa iyo sa pamamagitan ng pagpatong ko ng aking mga kamay. 7 Sapagkat hindi tayo binigyan ng Diyos ng espiritu ng pagkatakot, kundi ng kapangyarihan, pag-ibig at disiplina.

  64. 8 Narinig nila ang tunog ni Yahweh na Diyos na naglalakad sa hardin sa kalamigan ng araw, kaya ang lalaki at ang kanyang asawa ay nagtago mula sa presensya ni Yahweh na Diyos sa mga punong-kahoy ng hardin.

    9 Tinawag ni Yahweh na Diyos ang lalaki at sinabi sa kanya, “Nasaan ka?”

    10 Sinabi ng lalaki, “Narinig kita sa hardin, at natakot ako, dahil ako ay hubad. Kaya itinago ko ang aking sarili.”

    11 Sinabi ng Diyos, “Sinong nagsabi sa iyo na ikaw ay hubad? Kumain ka ba mula sa punong iniutos kong huwag mong kakainan?”

    12 Sinabi ng lalaki, “Ang babae na ibinigay mo sa akin, binigyan niya ako ng bunga mula sa puno at kinain ko ito.”

    13 Sinabi ni Yahweh na Diyos sa babae, “Ano ba itong ginawa mo?” Sinabi ng babae, “Nilinlang ako ng ahas, at kumain ako.”

  65. 9 Nang dumating sila sa lugar na sinabi ng Diyos sa kanya, gumawa si Abraham ng isang altar at inilatag niya ang kahoy dito. Pagkatapos tinalian ni Abraham si Isaac na kanyang anak, at inilagay niya ito sa altar, sa ibabaw ng kahoy. 10 Iniunat ni Abraham ang kanyang kamay na hawak ang kutsilyo para patayin ang kanyang anak.

    11 Pero tinawag siya ng anghel ni Yahweh mula sa langit at sinabing, “Abraham, Abraham!” at sinabi niya, “Narito ako.”

    12 Sinabi niya, “Huwag mong pagbuhatan ng kamay, ni gumawa ng anuman para saktan siya, sapagkat ngayon alam kong may takot ka sa Diyos, nakikita kong hindi mo ipinagkait ang iyong anak, ang iyong kaisa-isang anak na si Isaac sa akin.

    13 Tumingala si Abraham nang biglang, may isang tupa sa likuran niya ang sumabit ang sungay sa mga halaman. Pinuntahan at kinuha ni Abraham ang tupa at inalay ito bilang handog na susunugin sa Diyos sa halip na ang kanyang anak. 14 Kaya tinawag ni Abraham ang lugar na iyon na, “Si Yahweh ang magbibigay,” at tinatwag din hanggang sa araw na ito, “Sa bundok ni Yaweh, ito ay ibibigay.”

  66. 17 Pero ang katapatan sa tipan ni Yahweh ay magpasawalang-hanggan sa mga nagbibigay parangal sa kanya. Ang kanyang katuwiran ay umaabot sa kanilang mga kaapu-apuhan. 18 Iniingatan nila ang kanyang tipan at tinatandaang sumunod sa kanyang mga tagubilin.

  67. 15 Kaya mag-ingat kayo kung paano kayo lumakad, hindi tulad ng mangmang na mga tao kundi katulad ng matalino. 16 Samantalahin ninyo ang panahon sapagkat ang mga araw ay masama. 17 Huwag kayong maging hangal. Sa halip, unawain kung ano ang kalooban ng Panginoon. 18 At huwag magpakalasing sa alak, sapagkat hahantong ito sa pagkasira. Sa halip, mapuspos kayo ng Banal na Espiritu.

    19 Mangusap kayo sa isat-isa sa mga salmo at mga himno at mga espiritwal na mga awitin. Umawit at magpuri sa inyong mga puso sa Panginoon. 20 Magpasalamat lagi sa Diyos Ama sa lahat ng bagay sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo.

    21 Magpasakop kayo sa isa't isa tanda ng paggalang kay Cristo.

  68. 7 Sa pamamagitan ito ng pananampalataya na si Noe, ay binalaan ng Diyos ukol sa mga bagay na hindi pa nakita, nang may maka-diyos na paggalang ay gumawa ng isang daong upang mailigtas ang kaniyang pamilya. Sa paggawa nito, hinatulan niya ang mundo at naging tagapagmana ng katuwiran na nanggagaling sa pananampalataya.

  69. 3 Inaawit nila ang awit ni Moises, ang lingkod ng Diyos, at ang awit ng Kordero: “Dakila at kamangha-mangha ang iyong mga gawa, Panginoong Diyos, siya na naghahari sa lahat. Matuwid at tunay ang iyong mga gawa, Hari ng mga bansa. 4 Sino ang hindi matatakot sa iyo, Panginoon, at luluwalhatiin ang iyong pangalan? Dahil ikaw lamang ang banal. Lahat ng mga bansa ay pupunta at sasamba sa iyong harapan dahil ang iyong mga gawang matuwid ay naihayag.

  70. 21 At saka, dapat pumili ka ng mga lalaking bihasa mula sa lahat ng mga tao, mga lalaking may takot sa Diyos, mga lalaking mapagpatotoo na napopoot sa hindi makatarungan. Dapat ilagay mo sila sa mga tao para maging mga pinuno na nangangasiwa sa libu-libo, daan-daan, lima-limampu at sampu-sampo.

  71. 5 Pinupuri ng kalangitan ang iyong kamanghaan, Yahweh; ang iyong pagiging totoo ay pinupuri sa pagtitipon ng mga banal. 6 Dahil sino sa kalangitan ang maihahambing kay Yahweh? Sino sa mga anak ng mga diyos ang katulad ni Yahweh? 7 Siya ay Diyos na lubos na pinararangalan sa konseho ng mga banal at ang kamangha-mangha sa gitna ng lahat ng nakapalibot sa kaniya. 8 Yahweh, Diyos ng mga hukbo, sino ang kasing lakas mo, Yahweh? Pinapaligiran ka ng iyong katapatan.

  72. 1 Ngayon may isang tao sa lungsod ng Cesarea, na nagngangalang Cornelio, isang senturiong tinawag na hukbong Italyano. 2 Siya ay isang maka-diyos, na sumasamba sa Diyos kasama ang lahat ng kaniyang sambahayan; siya ay nagbigay ng malaking halaga ng salapi sa mga Judio at palaging nananalangin sa Diyos. 3 Bandang alas tres ng hapon, malinaw niyang nakita sa pangitain ang isang anghel ng Diyos na papalapit sa kaniya. Ang sabi ng anghel sa kaniya, “Cornelio!”

    4 Tumitig si Cornelio sa anghel at takot na takot na sinabi, “Ano po iyon, ginoo?” Sinabi ng anghel sa kaniya, “Ang iyong mga panalangin at mga kaloob sa mga mahihirap ay pumaitaas bilang alaala na alay sa harapan ng Diyos. 5 Ngayon magpadala ka ng mga lalaki sa lungsod ng Joppa upang sunduin ang lalaking nagngangalang Simon, na pinangalanan ding Pedro. 6 Siya ay naninirahan sa bahay ng mambibilad ng balat ng hayop na si Simon, na ang bahay ay nasa tabing dagat.”

    7 Nang makaalis ang anghel na kumausap sa kaniya, tinawag ni Cornelio ang dalawa sa kaniyang mga tagapaglingkod sa bahay, at isang sundalo na sumasamba sa Diyos na kabilang sa mga sundalong naglilingkod rin sa kaniya. 8 Sinabi ni Cornelio sa kanila ang lahat nang nangyari at sila ay pinapunta sa Joppa.

  73. 34 At binuksan ni Pedro ang kaniyang bibig at sinabi, “Sa katotohanan, naunawaan ko ng lubusan na walang tinatangi ang Diyos. 35 Sa halip, sa bawat bansa ang sinumang sumasamba at gumagawa ng mga matuwid na gawain ay katanggap-tanggap sa kaniya.

  74. 5 At nakalimutan na ninyo ang ibinigay na lakas at pag-asa na itinuro sa inyo bilang mga anak:” Aking anak, huwag mong babaliwalain ang pagdidisiplina ng Panginoon, ni ilayo ang iyong puso kung ikaw ay kanyang tinutuwid” 6 Sapagkat ang Panginoon ay nagdidisiplina sa sinumang minamahal niya, at pinarurusahan niya ang bawat anak na kanyang tinatanggap.

    7 Tiisin ang pagsubok bilang pagdisiplina. Nakikitungo ang Diyos sa inyo bilang mga anak, sapagkat sino bang anak ang hindi dinidisiplina ng kaniyang ama? 8 Ngunit kung kayo ay walang disiplina, kung saan lahat tayo ay dapat kabahagi, kung gayon hindi kayo mga tunay na anak at mga anak sa labas. 9 Bukod dito, mayroon tayong mga makamundong amang nagdidisiplina sa atin, at iginagalang natin sila. Hindi ba dapat nararapat na mas higit tayong sumunod sa Ama ng mga espiritu at mabuhay?

    10 Sapagkat ang ating mga ama nga ay nagdidisplina sa atin ng ilang mga taon sa alam nilang tama para sa kanila, subalit tayo ay dinidisiplina ng Diyos upang tayo ay makibahagi sa kaniyang kabanalan. 11 Walang disiplina sa kasalukuyan na masaya kundi masakit. Gayunpaman, sa ibang pagkakataon ito ay magbibigay ng mapayapang bunga ng katuwiran para sa sinumang nagsanay sa pamamagitan nito.

  75. 17 At kung tinatawag ninyong “Ama” ang tagahatol na walang pagtatangi ayon sa ginagawa ng bawat tao, bigyang panahon ng inyong paglalakbay nang may mataas na pagtingin sa kaniya. 18 Alam ninyo na hindi sa mga pilak o ginto— mga bagay na naglalaho— na kayo ay tinubos mula sa hangal na pamumuhay na inyong natutunan sa inyong mga ninuno. 19 Pero kayo ay tinubos sa marangal na dugo ni Cristo, tulad ng isang tupa na walang kapintasan at walang karumihan. 20 Pinili si Cristo bago pa ang pagkalikha ng mundo, pero ngayon, sa mga huling panahon, naihayag siya sa inyo.

    21 Naniniwala kayo sa Diyos sa pamamagitan niya, na binuhay ng Diyos mula sa mga patay at sa kaniya na binigyan ng kaluwalhatian upang ang inyong pananampalataya at pagtitiwala ay mailaan sa Diyos.

  76. 1 Ngayon ito ang mga utos, mga batas, at mga panuntunan na iniutos sa akin ni Yahweh na inyong Diyos para ituro sa inyo, para sundin ninyo ang mga ito sa lupain na inyong pupuntahan sa Jordan para angkinin; 2 para maparangalan ninyo si Yahweh na inyong Diyos, para sundin ang lahat ng kaniyang mga batas at mga utos na ipinapagawa ko sa inyo—kayo, inyong mga anak na lalaki, at anak na lalaki ng inyong mga anak, sa lahat ng mga araw ng inyong mga buhay, para ang inyong mga araw ay humaba.

  77. 1 Ito ang sinabi ni Yahweh, “Ang langit ay aking trono, at ang daigdig ay aking tuntungan. Nasaan na ang bahay na itatayo ninyo para sa akin? Nasaan ang lugar na maari kong pagpahingahan? 2 Ang kamay ko ang gumawa ng lahat ng mga bagay na ito; ganoon nilikha ang lahat ng mga ito — ito ang pahayag ni Yahweh. Ang taong sinasang-ayunan ko ay ang mga nagpapakumbaba at nagsisipagsisi, at nanginginig sa aking salita.

  78. 18 Sinabi sa kanila ni Jose sa ikatlong araw. “Gawin ninyo ito at mabuhay, dahil takot ako sa Diyos.

  79. 4 Maglalakad kayo kasunod ni Yahweh na inyong Diyos, parangalan siya, susundin ang kaniyang mga kautusan, at sumunod sa kaniyang boses, at sambahin ninyo siya at kumapit sa kaniya.

  80. 1 May isang lalaki sa lupain ng Uz na ang pangalan ay Job; walang maipipintas kay Job at siya ay matuwid, may takot siya sa Diyos at tumatalikod sa anumang kasamaan.

  81. 19 Napakadakila ng iyong kabutihang hinanda mo para sa mga sumasamba sa iyo, na tinupad mo para sa mga nagkukubli sa iyo sa harap ng buong sangkatauhan! 20 Sa kanlungan ng iyong presensya, ikinukubli mo sila mula sa mga balakin ng mga tao. Ikinukubli mo sila sa isang kanlungan mula sa marahas na mga dila.

  82. 25 Ang takot ng tao ay gumagawa ng isang bitag, ngunit ang taong nagtitiwala kay Yahweh ay mapapangalagaan.

  83. 19 Pupunta ang mga tao sa mga kweba ng mga bato at mga butas ng lupa mula sa pagkatakot kay Yahweh, at mula sa kaluwalhatian ng kaniyang karangyaan kapag tumayo siya para sindakin ang mundo. 20 Sa araw na iyon, itatapon ng mga tao ang mga diyus-diyosan nila na yari sa pilak at ginto na ginawa nila para sambahin nila —itatapon nila ito sa mga mowl at paniki. 21 Pupunta ang mga tao sa mga kweba ng mga bato tungo sa siwang ng mga sira-sirang bato, mula sa pagkatakot kay Yahweh at sa kaluwalhatian ng karangyaan niya, kapag tumayo siya para sindakin ang mundo.

  84. 17 Ngunit kung ang ilan sa mga sanga ay binali, kung ikaw, na isang ligaw na sanga ng olibo, ay naidugtung sa kanila, at kung nakibahagi ka sa kanila sa kasaganaan ng ugat ng puno ng olibo, 18 huwag kang magmayabang sa mga sanga. Ngunit kung ikaw ay nagmamayabang, hindi ikaw ang bumubuhay sa ugat, ngunit ang ugat ang bumubuhay sa iyo.

    19 Kung gayon, sasabihin mo, “Pinutol ang mga sanga upang maidugtong ako.” 20 Totoo iyan. Dahil sa kanilang hindi pagsampalataya, pinutol sila, ngunit ikaw ay naging matatag dahil sa iyong pananampalataya. Huwag kang magmalaki, ngunit matakot ka. 21 Sapagkat kung hindi pinatawad ng Diyos ang likas na mga sanga, hindi ka rin niya patatawarin.

    22 Tingnan ninyo kung gayon, ang mga mabubuting gawa at ang kabagsikan ng Diyos. Sa isang dako, ang kalupitan ay dumating sa mga Judio na bumagsak. Ngunit sa kabilang dako, ang kabutihan ng Diyos ay dumarating sa inyo, kung magpapatuloy kayo sa kaniyang kabutihan. Kung hindi, mapuputol din kayo. 23 At isa pa, kung hindi sila magpatuloy sa kanilang kawalan ng pananampalataya, sila ay maidudugtong muli. Sapagkat maaari silang idugtong ulit ng Diyos. 24 Sapagkat kung kayo ay pinutol sa likas na ligaw na puno ng olibo, at salungat sa kalikasan ay idinugtong kayo sa mabuting puno ng olibo, gaano pa kaya ang mga Judiong ito, na likas na mga sanga, na maidudugtong pabalik sa kanilang sariling punong olibo?

  85. 22 Mga alipin, sundin ninyo ang inyong mga amo ayon sa laman sa lahat ng mga bagay, hindi lamang kapag may nakakakita upang magbigay lugod sa mga tao, ngunit nang may tapat na puso. Matakot kayo sa Panginoon.

  86. 19 Naniniwala ka na ang Diyos ay iisa; tama ka. Ngunit ang mga demonyo ay naniniwala rin at nanginginig.

  87. 13 Sino ang mananakit sa inyo kung hinahangad ninyo ang mabuti?

    14 Pero kung naghihirap kayo dahil sa katuwiran, kayo ay pinagpala. Huwag niyong katakutan ang kanilang kinatatakutan. Huwag kayong mabahala. 15 Sa halip, ibukod-tangi niyo ang Panginoong Cristo sa inyong mga puso bilang banal. Lagi kayong maging handa na sagutin ang bawat nagtatanong sa inyo kung bakit mayroon kayong pagtitiwala sa Diyos. Gawin ninyo ito nang may kahinahunan at paggalang. 16 Magkaroon kayo ng malinis na budhi upang ang mga taong umaalipusta sa inyong magandang buhay kay Cristo ay mapahiya dahil nagsasalita sila laban sa inyo na tila kayo ay masasamang tao. 17 Mas mainam, kung nais ng Diyos, na kayo ay maghirap sa paggawa ng kabutihan kaysa sa paggawa ng kasamaan.

  88. 14 Huwag isumpa ang bingi o lagyan ng isang harang sa harapan ng bulag. Sa halip, dapat ninyong katakutan ang inyong Diyos. Ako si Yahweh.

  89. 29 O, na ipagpatuloy nawa nila ang ganitong puso na nasa kanila, na parangalan nila ako at patuloy na sundin ang aking mga utos, nawa ay makabuti ito para sa kanila at sa kanilang mga anak magpakailanman!

  90. 20 Katatakutan ninyo si Yahweh na inyong Diyos; siya ang inyong sasambahin. Kailangan ninyong kumapit sa kaniya, at mangangako kayo sa pamamagitan ng kaniyang pangalan. 21 Siya ang inyong papuri, at siya ay inyong Diyos, na siyang gumawa para sa inyo ng makapangyarihan at nakakatakot na mga bagay na ito, na nakita ng inyong mga mata.

  91. 1 Nagsasalita ang kasalanan gaya ng mensahe sa puso ng taong masama; walang pagkatakot sa Diyos sa kaniyang mga mata. 2 Dahil pinagiginhawa niya ang kaniyang sarili, iniisip na ang kaniyang kasalanan ay hindi matutuklasan at kasusuklaman. 3 Ang kaniyang mga salita ay makasalanan at mapanlinlang; ayaw niyang maging matalino at gumawa ng mabuti. 4 Habang siya ay nakahiga sa kaniyang kama, nagbabalak siya ng mga paraan para magkasala; siya ay nagtatakda ng masamang paraan; hindi niya iniiwasan ang kasalanan.

  92. 30 Ang pagiging elegante ay mapanlinlang, ang kagandahan ay walang kabuluhan, pero ang babaeng may takot kay Yahweh ay mapapapurihan.

  93. 14 Alam ko na anuman ang ginawa ng Diyos ay magtatagal magpakailanman. Walang maaaring maidagdag pa o maalis, dahil ang Diyos ang siyang gumawa dito upang lumapit ang mga tao sa kaniya nang may karangalan.

  94. 10 Pumunta kayo sa mababatong lugar at magtago kayo sa ilalim ng lupa dahil sa pagkatakot kay Yahweh at dahil sa kaluwalhatian at karangyaan niya.

  95. 1 Sa taon ng kamatayan ni Haring Uzias, nakita ko ang Panginoon na nakaupo sa isang trono; siya ay mataas at nakaangat; at ang laylayan ng kaniyang kasuotan ay bumalot sa templo. 2 Nasa taas niya ang mga serapin, bawat isa ay mayroong anim na pakpak, dalawa ang nakatakip sa kaniyang mukha, at dalawa ang nakatakip sa kaniyang mga paa, at ang dalawa ay ginagamit niya sa paglipad. 3 Bawat isa ay nagsasabi sa isa't isa, “Banal, banal, banal si Yahweh na pinuno ng mga hukbo! Puno ng kaniyang kaluwalhatian ang buong mundo.”

    4 Nayanig ang mga pinto at mga pundasyon sa mga tinig ng mga nananawagan, at napuno ng usok ang bahay.

    5 Pagkatapos sinabi ko, “Kaawa-awa ako! Mapapahamak ako dahil ako ay isang taong marumi ang labi, at namumuhay kasama ng mga taong marurumi ang mga labi, dahil nakita ng aking mga mata ang Hari, si Yahweh, si Yahweh na pinuno ng mga hukbo!”

  96. 40 Ngunit sumagot ang isa, sinaway siya at sinabi, “Hindi ka ba natatakot sa Diyos, sapagkat ikaw ay nasa ilalim ng parehong parusa?

  97. 5 Pagkatapos lumabas ang isang tinig mula sa trono, na sinasabing, “Purihin ang ating Diyos, kayong lahat na kaniyang mga lingkod, kayo na may takot sa kaniya, kapwa hindi mahahalaga at ang malalakas.”

    6 Pagkatapos narinig ko ang tunog na tulad ng tinig ng isang malaking bilang ng mga tao, tulad ng dagundong ng maraming tubig, katulad ng malakas na salpukan ng kulog, sinasabing, “Aleluya! Dahil ang Panginoon, ang ating Diyos, ang namumuno ng lahat, siya ay maghahari. 7 Magalak tayo at maging napakasaya at bigyan siya ng kaluwalhatian dahil ang pagdiriwang ng kasalan ng Kordero ay darating, at ang babaing kaniyang papakasalan ay inihanda ang kaniyang sarili. 8 Siya ay pinahintulutang magsuot ng maliwanag at malinis na pinong lino (dahil ang pinong lino ay mga gawaing matutuwid ng mga mananampalataya).

    9 Sinabi sa akin ng anghel, “Isulat mo ito: Pinagpala ang mga inanyayahan sa pagdiriwang ng kasalan sa Kordero.” Sinabi rin niya sa akin, “Ito ang tunay na mga salita ng Diyos.

  98. 17 Pero ang mga hilot ay natakot sa Diyos at hindi nila ginawa ang iniutos ng hari ng Ehipto; sa halip, pinabayaan nilang mabuhay ang mga lalaking sanggol.

  99. 18 Kapag siya ay nakaupo sa trono ng kaniyang kaharian, dapat siyang sumulat para sa kaniyang sarili sa isang balumbon ng isang kopya ng batas na ito, mula sa batas na mula sa mga pari, na mga Levita. 19 Ang balumbon ay dapat nasa kaniya at dapat niyang basahin ang laman nito sa lahat ng araw ng kaniyang buhay, para matutunan niyang parangalan si Yahweh na kaniyang Diyos, nang sa gayon mapanatili ang lahat ng mga salita ng kautusan at mga batas, para isagawa ang mga ito. 20 Dapat niyang gawin ito para hindi magmataas ang kaniyang puso sa kaniyang mga kapatid at para hindi siya lilihis mula sa mga kautusan, sa kanan man o sa kaliwa, para sa layunin na humaba ang kaniyang mga araw sa kaniyang kaharian, siya at kaniyang mga anak, sa Israel.

  100. 14 Ngayon ang pagkatakot kay Yahweh at sambahin siya ng boung karangalan at katapatan; alisin ang mga diyos na sinamba ng inyong mga ninuno sa dako ng Eufrates at sa Ehipto, at sambahin si Yahweh. 15 Kung tila mali ito sa inyong mga paningin para sambahin ninyo si Yahweh, kayo na mismo ang pumili ngayong araw na ito kung sino ang inyong paglilingkuran, kung ang mga diyos na sinamba ng inyong mga ninuno sa ibayo ng Eufrates o ang mga diyos ng mga Amoreo, kung saang lupain kayo naninirahan. Pero para sa akin at sa aking sambahayan, sasambahin namin si Yahweh.”

  101. 14 Kung takot kayo kay Yahweh, paglingkuran siya, sundin ang kanyang boses, at huwag maghimagsik laban sa mga utos ni Yahweh, pagkatapos kapwa kayo at ang haring namamahala sa inyo ay magiging tagasunod ni Yahweh na inyong Diyos. 15 Kapag hindi ninyo sinunod ang boses ni Yahweh, subalit maghimagsik laban sa mga utos ni Yahweh, kung gayon ang kamay ni Yahweh ay magiging laban sa inyo, tulad ng ito ay laban sa inyong mga ninuno.

  102. 9 Tiyak na ang kaniyang kaligtasan ay malapit sa mga may takot sa kaniya, kaya ang kaluwalhatian ay mananatili sa ating lupain.

  103. 19 Sinasaway ka ng iyong kasamaan at pinarurusahan ka ng iyong kataksilan. Kaya pag-isipan mo ito, unawain mo na masama at mapait para sa iyo na talikuran ako at hindi na ako katakutan, akong si Yahweh na iyong Diyos. Ito ang pahayag ni Yahweh, ang Panginoon ng mga hukbo.

  104. 22 Hindi ba ninyo ako kinatatakutan o manginig sa aking harapan? Naglagay ako ng mga buhangin na hangganan sa dagat, isang patuloy na atas na hindi nito nilalabag, kahit na tumataas at bumababa ang dagat, hindi pa rin nito nilalabag. Kahit pa dumagundong ang mga alon nito, hindi nito nilalagpasan. Ito ang pahayag ni Yahweh. 23 Ngunit matitigas ang puso ng mga taong ito. Naghimagsik sila at lumayo. 24 Sapagkat hindi nila sinabi sa kanilang mga puso, “Matakot tayo kay Yahweh na ating Diyos, ang siyang nagdadala ng ulan, ang maaga at huling ulan sa kanilang takdang panahon at naglalaan ng mga takdang linggo ng pag-aani para sa atin.”