42 Bible Verses About Learning

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Bible Verses About Learning
  1. 14 Ngunit para sa iyo, manatili ka sa mga bagay na iyong natutunan at matibay mong pinaniniwalaan. Alam mo kung kanino ka natuto. 15 Alam mo na mula sa iyong kabataan nalaman mo na ang sagradong kasulatan. Ang mga ito ang nagbibigay karunungan sa iyo para sa kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus. 16 Lahat ng kasulatan ay kinasihan ng Diyos. Ito ay mapapakinabangan sa pangangaral, sa pagsaway, pagtatama sa mali, at pagsasanay sa katuwiran. 17 Ito ay upang ang lingkod ng Diyos ay magkaroon ng kakayahan, at mabigyan ng kasangkapan sa lahat ng mabuting gawa.

  2. 1 Makinig, mga anak na lalaki, sa tagubilin ng ama, at bigyang pansin para malaman ninyo kung ano ang pang-unawa. 2 Ibinibigay ko sa inyo ang mga mabuting tagubilin; huwag ninyong pabayaan ang aking katuruan. 3 Nung ako ay anak na lalaki ng aking ama at tanging anak ng aking ina, 4 tinuruan niya ako at sinabi sa akin, “Panghawakan mong mabuti sa iyong puso ang aking mga salita; panatilihin ang aking mga utos at ipamuhay. 5 Pagsumikapan na magkaroon ng karunungan at kaunawaan; huwag kalilimutan at huwag tatanggihan ang mga salita sa aking bibig; 6 huwag iiwanan ang karunungan at ikaw ay kaniyang babantayan; mahalin mo ito at pananatilihin kang ligtas. 7 Ang karunungan ay ang pinakamahalagang bagay, kaya pagsumikapan ang karunungan at gamitin lahat ng mayroon ka para ikaw ay maaaring makakuha nang pang-unawa.

  3. 25 Nang mga oras na iyon sinabi ni Jesus, “Pinupuri kita, Ama, Panginoon ng langit at lupa, dahil ikinubli mo ang mga bagay na ito sa mga marurunong at nakauunawa at iyong inihayag ang mga ito sa mga hindi nakapag-aral, tulad ng mga maliliit na bata. 26 Oo, Ama, sapagkat ito ang labis na nakalulugod sa iyong paningin.

    27 Lahat ng mga bagay ay ipinagkatiwala sa akin ng aking ama. At walang nakakikilala sa Anak maliban sa Ama at walang nakakikilala sa Ama maliban sa Anak, at sa kahit sinuman na naisin ng Anak na ihayag ang Ama.

    28 Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nahihirapan at lubhang nabibigatan at bibigyan ko kayo ng kapahingahan. 29 Dalhin ninyo ang aking pamatok at matuto kayo sa akin sapagkat ako ay mahinahon at may mapagpakumbabang puso at makakamit ninyo ang kapahingahan para sa inyong mga kaluluwa. 30 Sapagkat madali ang aking pamatok at ang aking pasanin ay magaan.”

  4. 22 Sundin ninyo ang salita, huwag lamang itong pakinggan, kung saan dinadaya ninyo lang ang inyong mga sarili. 23 Sapagkat kung sinuman ang nakarinig ng salita at hindi ito ginagawa, para siyang isang taong humarap sa salamin at tiningnan ang kaniyang likas na mukha sa salamin. 24 Tinignan ang kaniyang mukha, at umalis, at hindi nagtagal nakalimutan niya kung ano ang kaniyang itsura. 25 Ngunit ang taong tumitingin ng maingat sa ganap na batas, ang batas na nagbibigay ng kalayaan, at patuloy na sinusunod ito, hindi lamang siya naging tagapakinig na nakakalimot, ang taong ito ay pagpapalain habang ginagawa niya ito.

    26 Kung sinuman ang nag-iisip sa kaniyang sarili na siya ay relihiyoso, ngunit hindi mapigilan ang kaniyang dila, niloloko niya ang kaniyang sarili at ang kaniyang relihiyon ay walang kabuluhan. 27 Ito ay dalisay at walang karumihang relihiyon sa harap ng ating Diyos at Ama: para tulungan ang mga walang ama at balo sa kanilang kapighatian, at para pangalagaan ang sarili mula sa katiwaliaan ng mundo.

  5. 4 Makinig kayo, Israel: Si Yahweh na ating Diyos ay iisa. 5 Mahalin ninyo si Yahweh na inyong Diyos ng inyong buong puso, ng inyong buong kaluluwa, at sa buo ninyong kalakasan.

    6 Ang mga salita na aking iniutos sa inyo ngayon ay nasa inyong puso; 7 at matiyaga ninyong ituturo ang mga ito sa inyong mga anak; pag-uusapan ninyo ang mga ito kung kayo ay nakaupo sa inyong bahay, kapag naglalakad kayo sa daan, kapag kayo ay nakahiga, at kapag kayo ay babangon. 8 Itali ninyo ang mga ito bilang isang palatandaan sa inyong kamay, at magsisilbi ang mga ito bilang gasa sa pagitan ng inyong mga mata. 9 Isusulat ninyo ang mga ito sa mga haligi ng pintuan ng inyong bahay at sa inyong mga tarangkahan.

  6. 1 Ang kawikaan ni Solomon na anak na lalaki ni David, ang hari ng Israel. 2 Ang mga kawikaan na ito ay para magturo ng karunungan at tagubilin, para magturo ng mga salita ng kaalaman, 3 upang kayo ay makatanggap nang pagtutuwid para mamuhay kayo sa paggawa ng kung ano ang tama, makatarungan at patas. 4 Ang mga kawikaan ay para din magbigay ng karunungan sa mga hindi pa naituro at para magbigay kaalaman at mabuting pagpapasya sa mga kabataan. 5 Hayaan ang mga matatalinong tao na makinig at dagdagan ang kanilang nalalaman, at hayaan ang mga nakakaintinding tao na makakuha ng patnubay, 6 para maunawaan ang mga kawikaan, mga kasabihan, at mga salita ng matatalinong tao at kanilang mga palaisipan.

  7. 9 Ang mga bagay na natutunan at natanggap ninyo, narinig at nakita ninyo sa akin, gawin ang mga bagay na ito. Gawin ninyo ang mga bagay na inyong natutunan, natanggap, narinig at nakita sa akin. At sasainyo ang Diyos ng kapayapaan.

  8. 7 Ang pagkatakot kay Yahweh ay ang simula ng kaalaman - ang mga hangal ay kinamumuhian ang karunungan at disiplina.

  9. 1 Anak, kung tatanggapin mo ang aking mga salita at paka-ingatan ang aking mga kautusan, 2 makinig sa karunungan at itutuon mo ang iyong puso sa pang-unawa. 3 Kung ikaw ay magmakaawa para sa kaunawaan at sumigaw para dito, 4 kung hahanapin mo ito kagaya ng paghahanap ng pilak at hahanapin mo ang pang-unawa kagaya ng paghahanap mo ng mga nakatagong kayamanan, 5 saka mo mauunawaan ang pagkatakot kay Yahweh at matatagpuan mo ang kaalaman ng Diyos. 6 Sapagkat si Yahweh ang nagbibigay ng karunungan, mula sa kanyang bibig nanggagaling ang kaalaman at kaunawaan. 7 Nag-iimbak siya ng tamang karunungan para sa mga taong nagbibigay kaluguran sa kanya, siya ay kalasag para sa mga lumalakad na may katapatan 8 binabantayan niya ang mga daan ng katarungan at pananatilihin niya ang landas ng mga tapat sa kanya.

  10. 6 Turuan ang isang bata sa daan kung saan siya nararapat pumunta, at kapag siya ay matanda na hindi siya tatalikod mula sa bilin na iyon.

  11. 19 Humayo kayo at gawing mga alagad ang lahat ng mga bansa. Bautismuhan sila sa ngalan ng Ama, ng Anak, at ng Banal na Espiritu. 20 Turuan sila na sumunod sa lahat ng mga iniutos ko sa inyo. At pakinggan ninyo, Ako ay laging nasa inyo, maging sa katapusan ng mundo.”

  12. 10 Lubos akong nagagalak sa Panginoon dahil sa wakas ay binago ninyo ang inyong pagpapahalaga para sa akin. Bagama't pinahalagahan ninyo ako noon ngunit wala kayong pagkakataon para tumulong. 11 Hindi ko sinasabi ang mga ito para sa aking mga pangangailangan. Sapagkat natutunan ko ang masiyahan sa lahat ng pangyayari. 12 Alam ko kung paano mangailangan at alam ko rin kung paano magkaroon ng kasaganaan. Sa lahat ng paraan at sa lahat ng bagay, natutunan ko ang lihim kung paano parehong kumain ng marami at magutom, paano parehong managana at mangailangan. 13 Magagawa ko ang lahat ng mga bagay sa pamamagitan niya na nagpapalakas sa akin.

  13. 9 Isinulat ni Moises ang kautusang ito at ibinigay ito sa mga pari, sa mga anak na lalaki ni Levi, na nagdala sa kaban ng tipan ni Yahweh; binigay din niya ang mga kopya nito sa lahat ng mga nakatatanda ng Israel.

    10 Inutusan sila ni Moises at sinabi, “Sa katapusan ng bawat pitong taon, sa panahon na ipapawalang-bisa ang mga utang, sa oras ng Pagdiriwang ng mga Kanlungan, 11 kapag ang buong Israelita ay dumating para magpakita sa harapan ni Yahweh na inyong Diyos sa lugar na kaniyang pipiliin para sa kaniyang santuwaryo, babasahin mo itong batas sa harapan ng buong Israel kanilang pandinig.

    12 Tipunin ang mga tao, ang mga kalalakihan, ang mga kababaihan, ang mga kabataan, at inyong dayuhan na nasa loob ng tarangkahan ng inyong lungsod, para makarinig sila at matuto, at para maaari nilang parangalan si Yahweh na inyong Diyos at sundin ang lahat ng mga salita nitong kautusan. 13 Gawin ito para sa kanilang mga anak, na walang alam, maaaring makarinig at matuto para parangalan si Yahweh na inyong Diyos, habang nabubuhay kayo sa lupain na inyong pupuntahan ang Jordan para angkinin.”

  14. 4 Ipaalam mo sa akin ang iyong mga kaparaanan, Yahweh, ituro mo sa akin ang iyong mga landas. 5 Patnubayan mo ako sa iyong katotohanan at turuan mo ako, dahil ikaw ang Diyos ng aking kaligtasan; Ako ay umaasa sa iyo buong araw.

  15. 71 Nakabubuti para sa akin na naghirap ako para matutunan ko ang mga alituntunin mo. 72 Mas mahalaga ang mga tagubilin mula sa iyong bibig kaysa sa libo-libong piraso ng ginto at pilak. YOD 73 Ang mga kamay mo ang gumawa at humubog sa akin; bigyan mo ako ng pang-unawa para matutunan ko ang mga kautusan mo.

  16. 15 Gawin mo ang lahat mong makakaya upang iharap ang iyong sarili na karapat-dapat sa Diyos bilang isang manggagawang walang dapat ikahiya. Panghawakan mo ng tama ang salita ng katotohanan.

  17. 19 Dahil pinili ko siya para maturuan ang kanyang mga anak pati na ang sambahayan na susunod sa kanya na mapanatili ang kaparaanan ni Yahweh, na gumawa ng matuwid at makatarungan, nang sa gayon maibibigay ni Yahweh kay Abraham ang sinabi niya sa kanya.”

  18. 9 Magbigay ng gabay sa matalinong tao, at siya ay magiging mas matalino; turuan ang matuwid na tao, at dadagdag ang kaniyang pagkatuto.

  19. 27 Ang isang may kaalaman ay gumagamit ng kaunting mga salita at ang mahinahon ay may pang-unawa. 28 Kahit ang isang mangmang ay iisiping marunong kapag siya ay nananahimik; kung pinapanatili niyang tikom ang kaniyang bibig, siya ay itinuturing na matalino.

  20. 15 Ang puso ng matalino ay nagkakamit ng kaalaman at ang pandinig ng marunong ay naghahangad nito.

  21. 16 Hayaang mamuhay ang salita ni Cristo ng masagana sa inyo. Buong karunungang turuan at pagsabihan ninyo ang isa't isa sa pamamagitan ng salmo at himno, at mga awiting espiritwal. Umawit kayo ng may pasasalamat sa inyong mga puso para sa Diyos.

  22. 42 Nagpatuloy sila sa mga katuruan ng mga apostol at pagsasama-sama, sa pagpipira-piraso ng tinapay at sa pananalangin. 43 Dumating ang takot sa bawat kaluluwa, at maraming mga kamangha- manghang bagay at mga tanda ang nagawa ng mga apostol.

    44 Ang lahat ng nanampalataya ay nagsama-sama at ibinahagi ang kanilang mga ari-arian, 45 at ipinagbili nila ang kanilang mga pag-aari at mga ari-arian at ipinamahagi sa lahat, ayon sa pangangailangan ng bawat-isa.

    46 Nagpatuloy sila sa bawat araw na may iisang layunin sa templo, at nagpira-piraso sila ng tinapay sa kanilang mga tahanan, at namamahagi ng pagkain na may kagalakan at kapakumbabaan ng puso. 47 Nagpupuri sila sa Diyos at kinalugdan sila ng lahat ng mga tao. Dinagdag sa kanila ng Panginoon araw-araw ang mga naliligtas.

  23. 1 Ibinibigay ko ang taimtim na kautusang ito sa harap ng Diyos at ni Cristo Jesus, na siyang hahatol sa mga buhay at sa mga patay, at dahil sa kaniyang pagpapakita at sa kaniyang kaharian. 2 Ipangaral mo ang Salita. Maging handa kung ito ay napapanahon at kung hindi napapanahon. Pagwikaan, pagsalitaan, at pangaralan mo sila ng may buong pagtitiyaga at pagtuturo.

    3 Sapagkat darating ang panahon kung saan hindi na matitiis ng mga tao ang mga totoong aral. Sa halip, tatambakan nila ang kanilang mga sarili ng mga guro na naayon sa kanilang mga nais. Makikiliti sila sa kanilang pakikinig.

  24. 18 Kaya nga ilagay ang mga salita kong ito sa inyong puso at kaluluwa; itali ang mga ito bilang isang tanda sa inyong kamay, at hayaan ang mga ito na maging gasa sa pagitan ng inyong mga mata. 19 Ituturo ninyo ang mga ito sa inyong mga anak at pag-usapan ang tungkol sa mga ito kapag nakaupo kayo sa bahay ninyo, kapag naglalakad kayo sa daan, kapag humihiga at bumabangon kayo. 20 Isusulat ninyo ang mga ito sa mga haligi ng pinto ng inyong bahay at sa mga tarangkahan ng inyong lungsod, 21 para dumami ang inyong mga araw, at ang mga araw ng inyong mga anak, sa lupaing ipinangako ni Yahweh sa inyong mga ama na ibibigay niya sa kanila, na maging tulad ang dami ng araw na gaya ng kalangitan ay mataas sa ibabaw ng mundo.

  25. 8 Aking anak, pakinggan ang tagubilin ng iyong ama at huwag isang tabi ang mga utos ng iyong ina; 9 ito ay magiging kaaya-ayang korona sa iyong ulo at mga palawit sa iyong leeg.

  26. 42 Pagkatapos noon araw-araw sa templo at sa bawat bahay, sila ay patuloy na nagtuturo at ipinapangaral si Jesus bilang Cristo.

  27. 11 Nagbigay si Cristo ng mga kaloob katulad ng mga ito: pagka- apostol, pagka-propeta, pagka-ebanghelista, pagka-pastor at pagka-guro. 12 Ginawa niya ito upang ihanda ang mga mananampalataya sa paglilingkod at sa ikatitibay ng katawan ni Cristo.   Ginagawa niya ito hanggang sa maabot natin ang pagkakaisa sa pananampalataya at kaalaman sa Anak ng Diyos. 13 Ginagawa niya ito hanggang sa maging ganap tayo na katulad ni Cristo.

    14 Upang hindi na tayo maging tulad ng mga bata. Upang hindi na tayo maligaw. Upang hindi na tayo madala palayo sa bawat hangin ng katuruan, sa pandaraya ng mga tao sa pamamagitan ng matalas na pag-iisip ng kamalian at panlilinlang. 15 Sa halip, sabihin natin ang katotohanan na may pag-ibig at lumago sa lahat ng paraan sa kaniya na ulo, si Cristo.

  28. 1 Hayaan ang lahat ng nasa ilalim ng pamatok ng pagiging mga alipin na kilalanin nila ang kanilang mga amo ng karapat-dapat sa buong paggalang. Dapat nilang gawin ito upang ang pangalan ng Diyos at ang katuruan ay hindi malapastangan.

    2 Ang mga alipin na may among mananampalataya ay huwag silang lapastanganin dahil sila ay magkapatid. Sa halip, sila ay dapat paglingkurang mabuti. Sapagkat ang mga amo na natutulungan nila sa kanilang gawain ay mga mananampalataya at minamahal. Ituro mo at ipahayag ang mga bagay na ito.

    3 Kung mayroong magtuturo ng kakaiba at hindi tinanggap ang ating tapat na tagubilin, na ang mga Salita ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Kung hindi nila tanggapin ang katuruan na nagdadala sa pagiging maka-diyos. 4 Ang taong ito ay mapagmataas at walang nalalaman. Sa halip, sakit na niya ang manuligsa at makipagtalo tungkol sa mga salita. Ang mga salitang ito ay humahantong sa pagkainggit, pagtatalo, mga insulto, mga masamang akala, at 5 patuloy na pag-aawayan sa pagitan ng mga taong baluktot ang mga pag-iisip. Tumalikod sila sa katotohanan. Iniisip nila na ang pagiging maka-diyos ay isang paraan upang yumaman.”

  29. 14 Ang ating mga tao dapat matutunan ang makisali sa paggawa ng mabuti na tumutugon sa mga agarang pangangailangan upang sila ay maging mabunga.

  30. 5 Ngunit kung sinuman sa inyo ay nangangailangan ng karunungan, hingin ninyo ito sa Diyos, ang mapagbigay at walang panunumbat sa lahat ng humihingi, at tutugunin niya ito. 6 Ngunit humingi nang may pananampalataya, nang walang pag-aalinlangan, sapagkat ang nagdadalawang isip ay katulad ng alon sa dagat, na tinatangay ng hangin, kung saan. 7 Sapagkat ang taong iyon ay hindi dapat mag-isip na matatanggap niya ang kaniyang kahilingan sa Panginoon,

  31. 24 Dapat ninyong ipagdiwang ang pangyayaring ito. Ito ay mananatiling isang batas para sa inyo at sa inyong mga kaapu-apuhan. 25 Kung kayo ay papasok sa lupain na ibibigay ni Yahweh sa inyo, tulad ng ipinangako niyang gagawin, dapat ninyong sundin ang pagsambang gawain na ito.

    26 Kapag nagtanong ang inyong mga anak, 'Ano ang ibig sabihin ng kilos na pag-sambang ito?' 27 At dapat ninyong sabihin, 'Ito ay sakripisyo sa Paskua ni Yahweh, dahil nilagpasan lang ni Yahweh ang mga tahanan ng mga Israelita sa Ehipto nang sinalakay niya ang mga taga-Ehipto. Pinalaya niya ang aming sambahayan.”' Pagkatapos ang bayan ay yumuko at sumamba kay Yahweh.

  32. 9 Bigyang pansin lamang at bantayang maigi ang inyong sarili, nang sa gayon ay hindi ninyo malimutan ang mga bagay na nakita ng inyong mga mata, nang sa gayon hindi mawala sa inyong puso ang mga ito sa bawat araw ng inyong buhay. Sa halip, ipaalam ang mga ito sa inyong mga anak at sa kanilang magiging mga anak— 10 sa araw na kayo ay tumayo sa harapan ni Yahweh na inyong Diyos sa Horeb, nang sinabi sa akin ni Yahweh, 'Tipunin mo ang mamamayan, at ipaparinig ko sa kanila ang aking mga salita, na maaaring nilang matutunang matakot sa akin sa lahat ng mga araw na sila ay nabubuhay sa mundo, at nang ito ay maaari nilang ituro sa kanilang mga anak.'

  33. 1 Tinawag ni Moises ang lahat ng Israelita at sinabihan sila, “Makinig sa akin, Israel, sa mga batas at mga kautusan na aking sasabihin sa inyong mga tainga ngayon, para pag-aralan at panatilihin ito.

  34. 6 Maging malakas at matapang. Idudulot mong manahin ng mga taong ito ang lupaing ipinangako ko sa kanilang mga ninunong ibibigay ko sa kanila.

    7 Maging malakas at napakatapang. Maging maingat na sundin ang lahat ng batas na iniutos sa inyo ng aking lingkod na si Moises. Huwag kayong lilihis mula rito sa kanan o sa kaliwa, para maging matagumpay kayo saan man kayo pupunta. 8 Palagi kang magsasalita tungkol sa aklat ng batas na ito. Pagbubulay-bulayan mo ito sa araw at gabi para masunod mo ang lahat na nakasulat dito. Sa gayon magiging maunlad ka at matagumpay.

  35. 4 Hindi natin ito itatago sa kanilang mga kaapu-apuhan. Sasabihin natin sa susunod na salinlahi ang tungkol sa kapuri-puring mga bagay na ginawa ni Yahweh, ang kaniyang kalakasan, at ang mga kababalaghan na kaniyang ginawa. 5 Dahil tinatag niya ang mga utos sa tipan kay Jacob at nagtalaga ng batas sa Israel. Inutusan niya ang ating mga ninuno na ituro ito sa kanilang mga anak. 6 Inutos niya ito para malaman ng darating na salinlahi ang kaniyang mga tuntunin, ang mga bata na hindi pa ipinapanganak ay dapat din nilang sabihin ito sa kanilang mga magiging anak. 7 Pagkatapos, ilalagak nila ang kanilang pag-asa sa Diyos at hindi kalilimutan ang mga ginawa niya pero susundin ang kaniyang mga kautusan. 8 Pagkatapos, hindi sila magiging katulad ng kanilang mga ninuno, na matigas ang ulo at rebeldeng salinlahi, salinlahi na hindi tama ang mga puso, at hindi mapagkakatiwalaan at hindi tapat sa Diyos.

  36. 11 Aking anak, huwag hamakin ang disiplina ni Yahweh at huwag mapoot sa kaniyang pagsaway, 12 dahil dinidisiplina ni Yahweh ang kaniyang mga minamahal, katulad ng pakikitungo ng ama sa kaniyang anak na nakalulugod sa kaniya.

  37. 20 Aking anak na lalaki, sundin mo ang utos ng iyong ama, at huwag mong talikdan ang katuruan ng iyong ina. 21 Palagi mong igapos ang mga ito sa iyong puso; itali mo ang mga ito sa iyong leeg. 22 Kapag ikaw ay lumakad, papatnubayin ka ng mga ito; kapag ikaw ay natulog, pagmamasdan ka nila; at kapag ikaw ay nagising, tuturuan ka nila. 23 Sapagkat ang mga utos ay isang ilawan, at ang katuruan ay isang liwanag; ang mga pagsaway ng disiplina ay ang mga daan ng buhay.

  38. 10 Ang takot kay Yahweh ang simula ng karunungan, at ang kaalaman sa Isang Banal ay kaunawaan.

  39. 11 Ang mga salita ng mga matatalinong tao ay parang mga panusok. Gaya ng mga pako na ibinaon nang malalim ang mga salita ng mga dalubhasa sa maraming mga kawikaan na itinuro ng isang pastol. 12 Aking anak, maging maingat ka sa mas higit na mga bagay: ang paggawa ng maraming libro, na walang katapusan. Ang matinding pag-aaral ay nagbibigay pagod sa katawan.

    13 Sa huli, pagkatapos marinig ang lahat ng bagay, ay dapat kang matakot sa Diyos at ingatan ang kaniyang mga utos, dahil ito ang buong tungkulin ng sangkatauhan. 14 Dahil hahatulan ng Diyos ang bawat gawain, kasama ang bawat nakatagong bagay, mabuti man ito o masama.

  40. 15 Namanghang ang mga Judio at sinasabi, “Paano nagkaroon ng maraming karunungan ang taong ito? Hindi naman siya nakapag-aral.”

  41. 1 Ngayon tayong mga malalakas ang nararapat na pumasan sa mga kahinaan ng mga mahihina, at hindi natin dapat bigyang-lugod ang ating mga sarili. 2 Bigyang-lugod ng bawat isa sa atin ang kaniyang kapwa dahil mabuti iyon, upang pagtibayin siya. 3 Sapagkat kahit si Cristo ay hindi nagbigay-lugod sa kaniyang sarili. Sa halip, gaya ng nasusulat, “Ang mga panlalait ng mga nanlait sa iyo ay sa akin bumabagsak”. 4 Dahil anuman ang isinulat noong una ay para sa ating ikatututo, upang sa pamamagitan ng pagtitiis at sa pamamangitan ng pagpapalakas ng loob ng mga kasulatan ay magkakaroon tayo ng pag-asa.

    5 Ngayon, nawa ang Diyos ng pagtitiis at ng lakas ng loob ay pagkalooban kayo ng iisang pag-iisip ayon kay Cristo Jesus.

  42. 16 At hindi maikakaila na ang katotohanang inihayag ng pagkamaka-diyos ay dakila: “Nagpakita siya sa laman, pinatunayang matuwid ng Espiritu, nakita ng mga anghel, ipinahayag sa mga bansa, pinaniwalaan sa mundo, at itinaas sa kaluwalhatian.”