39 Bible Verses About Obedience

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Bible Verses About Obedience
  1. 19 Alam ninyo ito, mga minamahal kong kapatid. Bawat tao ay dapat mabilis sa pakikinig, dahan-dahan sa pananalita, at hindi agad nagagalit, 20 sapagkat ang galit ng tao ay hindi gumagawa ng katuwiran ng Diyos. 21 Kaya alisin ninyo ang lahat ng gawaing makasalanan at ang kasamaan na nasa lahat ng dako, at sa kababaang-loob tanggapin ang itinanim na salita, na makakapagligtas sa inyong kaluluwa.

    22 Sundin ninyo ang salita, huwag lamang itong pakinggan, kung saan dinadaya ninyo lang ang inyong mga sarili. 23 Sapagkat kung sinuman ang nakarinig ng salita at hindi ito ginagawa, para siyang isang taong humarap sa salamin at tiningnan ang kaniyang likas na mukha sa salamin. 24 Tinignan ang kaniyang mukha, at umalis, at hindi nagtagal nakalimutan niya kung ano ang kaniyang itsura. 25 Ngunit ang taong tumitingin ng maingat sa ganap na batas, ang batas na nagbibigay ng kalayaan, at patuloy na sinusunod ito, hindi lamang siya naging tagapakinig na nakakalimot, ang taong ito ay pagpapalain habang ginagawa niya ito.

  2. 15 Kung mahal ninyo ako, susundin ninyo ang aking mga kautusan.

  3. 17 Sapagkat kung sa pamamagitan ng pagkakasala ng isa, ang kamatayan ay naghari sa pamamagitan ng isa, mas lalo nang maghahari ang mga tatanggap ng kasaganahan ng biyaya at ng kaloob ng katuwiran sa pamamagitan ng buhay ng isa na si Jesu-Cristo.

    18 Kung gayon, dahil sa pagkakasala ng isa, ang lahat ng tao ay dumating sa kaparusahan, gayon din sa pamamagitan ng isang gawa ng katuwiran ay dumating ang pagpapawalang-sala ng buhay para sa lahat ng tao. 19 Dahil sa pamamagitan ng pagsuway ng isang tao, ang lahat ay naging makasalanan, gayon din naman sa pamamagitan ng pagsunod ng isa, marami ang naging matuwid.

  4. 16 Hindi ba ninyo alam na ang pinaghandugan ninyo ng inyong mga sarili bilang mga alipin ay siyang inyong pinaglilingkuran, ang siyang dapat ninyong sundin? Totoo ito, mga alipin man kayo sa kasalanan na patungo sa kamatayan, o mga alipin sa pagsunod na patungo sa katuwiran. 17 Ngunit salamat sa Diyos! Sapagkat kayo ay dating mga alipin ng kasalanan, ngunit sinunod ninyo mula sa puso ang uri ng katuruang ibinigay sa inyo. 18 Pinalaya kayo sa kasalanan, at ginawa kayong mga alipin kayo ng katuwiran.

  5. 22 Sinabi ni Judas (hindi si Iscariote) kay Jesus, “Panginoon, ano ang nangyayari na inyong ipakikita ang iyong sarili sa amin at hindi sa mundo?”

    23 Sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya: “Kung sinuman ang magmamahal sa akin, isasagawa niya ang aking salita. Mamahalin siya ng aking Ama, at kami ay paparoon sa kaniya at gagawa kami ng aming tirahan kasama niya. 24 Ang sinumang hindi nagmamahal sa akin ay hindi isinasagawa ang aking mga salita. Ang salitang inyong naririnig ay hindi sa akin, ngunit sa Ama na nagsugo sa akin.

  6. 18 “Halika at pag-usapan natin ito,” sabi ni Yahweh; “bagaman ang mga kasalanan ninyo ay tulad ng iskarlata, magiging kasing-puti ng bulak ang mga ito; bagaman pula sila tulad ng krimson, magiging tulad sila ng lana. 19 Kung handa kayo at susunod, kakainin ninyo ang maiinam na bunga ng lupain. 20 Pero kung magmamatigas kayo at magrerebelde, lalamunin kayo ng espada dahil ang bibig ni Yahweh ay nagsalita.”

  7. 21 Hindi lahat ng nagsasabi sa akin, 'Panginoon, Panginoon,' ay makakapasok sa kaharian ng langit, kundi ang gumagawa lamang sa kagustuhan ng aking Amang nasa langit. 22 Maraming tao ang magsasabi sa akin sa araw na iyon, 'Panginoon, Panginoon, hindi ba kami nagsabi ng propesiya sa iyong pangalan, sa iyong pangalan ay nagpalayas ng mga demonyo, at sa iyong pangalan ay gumawa ng maraming makapangyarihang gawain?'

    23 At hayagan kong sasabihin sa kanila, 'Hindi ko kayo nakikilala! Lumayo kayo sa akin, kayong gumagawa ng masama!'

    24 Kaya ang lahat ng nakikinig sa aking mga salita at sumusunod sa kanila ay maihahalintulad sa isang matalinong tao na nagtayo ng kaniyang bahay sa isang bato. 25 Bumuhos ang ulan at bumaha, umihip ang hangin at hinagupit ang bahay ngunit hindi ito bumagsak, sapagkat ito ay natatayo sa bato.

    26 Subalit lahat ng nakarinig sa aking mga salita at hindi sinusunod ang mga ito ay mahahalintulad sa isang taong mangmang na nagtayo ng kaniyang bahay sa buhanginan. 27 Bumuhos ang ulan, bumaha, umihip ang hangin at hinagupit ang bahay. At ito ay bumagsak at nawasak nang tuluyan.”

  8. 22 Sumagot si Samuel, “Mas nagagalak ba si Yahweh sa mga handog na susunugin at mga alay, kaysa sa pagsunod sa boses ni Yahweh? Ang pagsunod ay maigi kaysa sa alay, at ang pakikinig ay maigi kaysa sa taba ng mga lalaking tupa. 23 Sapagkat ang paghihimagsik ay tulad ng kasalanan ng panghuhula, at pagkasutil at tulad ng kasamaan at katampalasan. Dahil tinanggihan mo ang salita ni Yahweh, tinanggihan ka rin niya mula sa pagiging hari.”

  9. 21 Ang sinuman na mayroon ng aking mga kautusan at isinasagawa ang mga ito; siya ang nagmamahal sa akin; at siya na nagmamahal sa akin ay mamahalin ng aking Ama, at mamahalin ko rin siya, at ipakikita ko sa kaniya ang aking sarili.”

  10. 10 Kung tutuparin ninyo ang aking mga kautusan, mananatili kayo sa aking pagmamahal katulad ng pagtutupad ko sa mga kautusan ng Ama at nanatili sa kaniyang pagmamahal. 11 Sinasabi ko ang mga bagay na ito sa inyo upang ang aking kagalakan ay sumainyo at upang ang inyong kagalakan ay maging lubos.

    12 Ito ang akin kautusan, na dapat ninyong mahalin ang isa't isa katulad ng pagmamahal ko sa inyo. 13 Walang sinuman ang nagmahal na hihigit pa rito, na kaniyang inaalay ang kaniyang buhay para sa kaniyang mga kaibigan.

    14 Kayo ay mga kaibigan ko kung ginagawa ninyo ang mga bagay na iniuutos ko sa inyo.

  11. 5 Mag-isip kayo tulad ng kay Cristo Jesus. 6 Nabuhay siya sa anyo ng Diyos, ngunit hindi niya itinuring ang kaniyang pagkakapantay sa Diyos bilang isang bagay na dapat niyang panghawakan. 7 Sa halip, tinanggalan niya ng kapakanan ang kaniyang sarili. Nag-anyo siya bilang isang tagapaglingkod. Nagpakita siyang kawangis ng mga tao. Nakita siya bilang anyong tao. 8 Ibinaba niya ang kaniyang sarili at naging masunurin hanggang sa kamatayan, ang kamatayan sa krus.

  12. 13 Kaya't bigkisan ninyo ang baywang ng inyong kaisipan. Maging mahinahon kayo sa inyong pag-iisip. Magkaroon kayo ng buong kapanatagan sa biyaya na dadalhin sa inyo sa kapahayagan ni Jesu Cristo. 14 Tulad ng masunuring mga anak, huwag ninyong i-ayon ang inyong mga sarili sa mga pagnanasa na inyong sinunod noong wala pa kayong kaalaman. 15 Dahil gaya ng ang tumawag sa inyo ay banal, kayo rin, at magpakabanal sa lahat ng inyong ginagawa sa buhay. 16 Sapagkat nasusulat, “Magpakabanal kayo, sapagkat ako ay banal.”

    17 At kung tinatawag ninyong “Ama” ang tagahatol na walang pagtatangi ayon sa ginagawa ng bawat tao, bigyang panahon ng inyong paglalakbay nang may mataas na pagtingin sa kaniya.

  13. 2 Sa pamamagitan nito malalaman natin na mahal natin ang mga anak ng Diyos-kung mahal natin ang Diyos at ginagawa ang kanyang mga kautusan. 3 Sapagkat ito ang pagmamahal para sa Diyos-nananatili tayo sa kanyang mga kautusan. At ang kanyang mga kautusan ay hindi pasanin.

  14. 27 Nangyari na, habang sinasabi niya ang mga bagay na ito, may isang babae na sumigaw sa gitna ng napakaraming tao at nagsabi sa kaniya, “Pinagpala ang sinapupunan na nagsilang sa iyo at ang nagpasuso sa iyo.”

    28 Ngunit sinabi niya, “Higit pa na pinagpala ang mga nakarinig ng salita ng Diyos at iningatan ito.”

  15. 14 Ano ang kabutihan nito, mga kapatid, kung may magsasabi na mayroon siyang pananampalataya, ngunit wala siyang mga gawa? Kaya ba ng pananampalatayang iyon na iligtas siya? 15 Kung ang kapatid na lalaki o kapatid na babae ang nangangailangan ng kasuotan at pagkain araw-araw, 16 at ang isa sa inyo ay magsasabi sa kanila, “Humayo kayong mapayapa, mangagpainit kayo at magpakabusog kayo,”' subalit hindi ninyo sila binigyan ng mga kinakailangan para sa katawan, anong kabutihan iyon? 17 Sa ganuon ding pamamaraan ang pananampalataya lang, kung hindi ito nagtataglay ng mga gawa, ay patay.

    18 Ngunit may isang magsasabing, “Mayroon kang pananampalataya, at mayroon akong gawa.” Ipakita mo sa akin ang iyong pananampalataya na walang gawa, at ipapakita ko sa iyo ang aking pananampalataya sa pamamagitan ng aking mga gawa. 19 Naniniwala ka na ang Diyos ay iisa; tama ka. Ngunit ang mga demonyo ay naniniwala rin at nanginginig.

    20 Gusto mo bang malaman, taong mangmang, kung paano na ang pananampalataya na walang gawa ay walang kabuluhan? 21 Hindi ba si Abraham na ating patriyarka ay pinawalang-sala ng Diyos sa pamamagitan ng mga gawa nang ihain niya sa altar ang anak niyang si Isaac? 22 Nakita ninyo na ang pananampalataya ay kumilos kasama ang kaniyang gawa, at sa pamamagitan ng paggawa nakamit ng kaniyang pananampalataya ang layunin nito. 23 Natupad ang kasulatan na nagsasabing, “Naniwala si Abraham sa Diyos, at ibinilang ito sa kaniya na katuwiran.” Kaya't si Abraham ay tinawag na kaibigan ng Diyos. 24 Nakita ninyo na sa pamamagitan ng mga gawa ang tao ay mapapa-walang sala, at hindi sa pananampalataya lamang.

    25 Sa parehong paraan din hindi ba't si Rahab na nagbebenta ng aliw ay napawalang sala sa pamamagitan ng gawa, nang tinanggap niya ang mga mensahero at pinaalis sila sa pamamagitan ng ibang daan? 26 Kung paanong ang katawan na hiwalay sa espiritu ay patay, gayon din ang pananampalataya na hiwalay sa mga gawa ay patay.

  16. 15 Tinawag ng anghel ni Yahweh si Abraham sa ikalawang pagkakataon mula sa langit 16 at sinabing—ito ay isang kapahayagan mula kay Yahweh, “Nangangako ako sa aking sarili na dahil ginawa mo ang bagay na ito, at dahil hindi mo ipinagkait ang iyong anak, ang iyong kaisa-isang anak, 17 tiyak na pagpapalain kita at labis kong pararamihin ang iyong mga kaapu-apuhan gaya ng bituin sa kalangitan, at gaya ng buhangin sa dalampasigan; at aangkinin ng iyong mga kaapu-apuhan ang tarangkahan ng kanilang mga kaaway. 18 Sa pamamagitan ng iyong anak, ang lahat ng mga bansa sa mundo ay pagpapalain, dahil sinunod mo ang aking tinig.

  17. 7 Maging malakas at napakatapang. Maging maingat na sundin ang lahat ng batas na iniutos sa inyo ng aking lingkod na si Moises. Huwag kayong lilihis mula rito sa kanan o sa kaliwa, para maging matagumpay kayo saan man kayo pupunta. 8 Palagi kang magsasalita tungkol sa aklat ng batas na ito. Pagbubulay-bulayan mo ito sa araw at gabi para masunod mo ang lahat na nakasulat dito. Sa gayon magiging maunlad ka at matagumpay.

  18. 1 Mga minamahal kong anak, isinusulat ko ang mga bagay na ito sa inyo upang hindi kayo magkasala. Pero kung sino man ang magkasala, mayroon tayong tagapagtanggol sa Ama, Si Jesu-Cristo ang nag-iisang makatuwiran. 2 Siya ang taga-pamayapa para sa ating mga kasalanan, at hindi lang para sa atin, kundi para din sa buong mundo.

    3 Sa pamamagitan nito alam nating kilala natin siya, kung iniingatan natin ang kanyang mga kautusan. 4 Siya na nagsasabing, “Kilala ko ang Diyos,” pero hindi pinapanatili ang kanyang mga kautusan, ay isang sinungaling, at ang katotohanan ay wala sa kanya. 5 Pero ang sinumang pinapanatili ang kaniyang salita, tunay na sa taong ito ang pag-ibig ng Diyos ay naging lubos. Sa pamamagitan nito alam nating tayo ay nasa kaniya. 6 Siya na nagsasabing siya ay nananatili sa Diyos ay nararapat ding lumakad nang katulad ng paglakad ni Jesu-Cristo.

  19. 21 Mga minamahal, kapag hindi tayo isinisumpa ng mga puso natin, may kapanatagan tayo sa Diyos. 22 At anuman ang hihilingin natin, matatanggap natin mula sa kanya, dahil pinanatili natin ang kanyang mga kautusan at ginagawa ang mga bagay na kalugud-lugod sa kanyang paningin. 23 At ito ang kanyang kautusan - na tayo ay dapat maniwala sa pangalan ng kanyang Anak na si Jesu-Cristo at mahalin ang bawat isa - gaya ng ibinigay niyang kautusan sa atin. 24 Siya na pinapanatili ang kautusan ng Diyos ay nananatili sa kanya, at ang Diyos ay nananatili sa kanya. At sa pamamagitan nito alam natin na siya ay nananatili sa atin, sa pamamagitan ng Espiritu na ibinigay niya sa atin.

  20. 1 Ang bawat kaluluwa ay maging masunurin sa mga matataas na kapangyarihan, dahil walang kapangyarihan na hindi nanggagaling sa Diyos. At ang mga may kapangyarihang umiiral ay itinalaga ng Diyos. 2 Samakatuwid ang lumalaban sa kapangyarihang iyon ay sumasalungat sa mga utos ng Diyos, at ang mga sumasalungat dito ay makakatanggap ng kahatulan sa kanilang mga sarili.

  21. 46 Bakit mo ako tinatatawag na, 'Panginoon, Panginoon,' ngunit hindi mo sinusunod ang mga bagay na sinasabi ko? 47 Ang bawat tao na lumalapit sa akin at nakikinig ng aking mga salita at sinusunod ang mga ito, sasabihin ko sa inyo kung ano ang kaniyang katulad. 48 Siya ay tulad ng isang tao na nagtatayo ng bahay, na humukay nang malalim sa lupa at itinayo ang pundasyon ng bahay sa matatag na bato. Nang dumating ang baha, umagos ang malakas na tubig sa bahay ngunit hindi nito kayang yanigin dahil ito ay itinayo nang mahusay.

  22. 1 Mga anak, sundin ninyo ang inyong mga magulang sa Panginoon, sapagkat ito ang tama. 2 “Igalang mo ang inyong ama at ina” (na siyang unang kautusan na may pangako), 3 “upang maaari itong maging mabuti sa inyo at maaaring mabuhay kayo ng mahaba dito sa mundo.”

  23. 1 Mapalad silang malinis ang mga kaparaanan, silang lumalakad ayon sa batas ni Yahweh. 2 Mapalad silang pinapanatili ang kaniyang banal na mga kautusan, silang buong pusong naghahanap sa kaniya. 3 Wala silang ginagawang kamalian; lumalakad sila sa kaniyang mga kaparaanan. 4 Inutusan mo kaming ingatan ang iyong mga tagubilin para masunod namin ito nang mabuti. 5 O, tatatag ako sa pagsunod sa iyong mga alituntunin! 6 Pagkatapos, hindi ako malalagay sa kahihiyan kapag iniisip ko ang lahat ng iyong mga kautusan. 7 Taos-puso akong magpapasalamat sa iyo kapag ang matuwid mong mga utos ay natutunan ko. 8 Susundin ko ang iyong mga alituntunin; huwag mo akong iwanang nag-iisa. BETH 9 Paano pananatilihing dalisay ng isang kabataan ang kaniyang landas? Sa pamamagitan ng pagsunod sa iyong salita. 10 Busong puso kitang hahanapin; huwag mo akong hayaang malihis mula sa iyong mga kautusan. 11 Iningatan ko ang iyong salita sa aking puso para hindi ako magkasala laban sa iyo.

  24. 12 Kaya, mga minamahal ko, tulad ng inyong palaging pagsunod, hindi lamang sa panahong kasama ninyo ako, ngunit mas higit pa ngayong hindi ninyo ako kasama, pagsikapan ninyo ang inyong kaligtasan nang may takot at panginginig. 13 Sapagkat ang Diyos na parehong kumikilos sa inyo upang naisin at gawin ninyo ang ipinagagawa niya alang-alang sa kaniyang ikasisiya.

  25. 18 Mga asawang babae, magpasakop kayo sa inyong mga asawa, dahil ito ang nararapat sa Panginoon.

    19 Mga asawang lalaki, mahalin ninyo ang inyong mga asawa at huwag maging malupit laban sa kanila.

    20 Mga anak, sundin ninyo ang inyong mga magulang sa lahat ng mga bagay, sapagkat nakalulugod ito sa Panginoon.

    21 Mga ama, huwag ninyong labis na pagalitan ang inyong mga anak, upang hindi sila panghinaan ng loob.

    22 Mga alipin, sundin ninyo ang inyong mga amo ayon sa laman sa lahat ng mga bagay, hindi lamang kapag may nakakakita upang magbigay lugod sa mga tao, ngunit nang may tapat na puso. Matakot kayo sa Panginoon.

    23 Anuman ang inyong ginagawa, gumawa kayo mula sa kaluluwa na para sa Panginoon at hindi para sa mga tao. 24 Nalalaman ninyong tatangap kayo mula sa Panginoon ng gantimpala ng pagkamit nito. Ito ay ang Cristong Panginoon na inyong pinaglilingkuran. 25 Sapagkat sinumang gumawa ng hindi matuwid ay tatanggap ng kabayaran para sa hindi matuwid na kaniyang ginawa at wala ditong pinapanigan.

  26. 4 Makinig kayo, Israel: Si Yahweh na ating Diyos ay iisa. 5 Mahalin ninyo si Yahweh na inyong Diyos ng inyong buong puso, ng inyong buong kaluluwa, at sa buo ninyong kalakasan.

    6 Ang mga salita na aking iniutos sa inyo ngayon ay nasa inyong puso; 7 at matiyaga ninyong ituturo ang mga ito sa inyong mga anak; pag-uusapan ninyo ang mga ito kung kayo ay nakaupo sa inyong bahay, kapag naglalakad kayo sa daan, kapag kayo ay nakahiga, at kapag kayo ay babangon. 8 Itali ninyo ang mga ito bilang isang palatandaan sa inyong kamay, at magsisilbi ang mga ito bilang gasa sa pagitan ng inyong mga mata. 9 Isusulat ninyo ang mga ito sa mga haligi ng pintuan ng inyong bahay at sa inyong mga tarangkahan.

  27. 59 Siniyasat ko ang aking mga pamumuhay at binaling ko ang aking mga paa sa iyong mga utos. 60 Nagmamamadali ako at hindi ipinagpaliban ang pagsunod sa iyong mga kautusan. 61 Nabitag ako ng lubid ng masasama; hindi ko kinalimutan ang iyong batas. 62 Bumabangon ako nang hatinggabi para magpasalamat sa iyo dahil sa matuwid mong mga utos.

  28. 13 Sa huli, pagkatapos marinig ang lahat ng bagay, ay dapat kang matakot sa Diyos at ingatan ang kaniyang mga utos, dahil ito ang buong tungkulin ng sangkatauhan. 14 Dahil hahatulan ng Diyos ang bawat gawain, kasama ang bawat nakatagong bagay, mabuti man ito o masama.

  29. 1 Ipaalala sa kanila na magpasakop sa mga namumuno at may kapangyarihan, upang sundin sila, para maging handa sa lahat ng mabuting gawa.

  30. 16 Sa araw na ito si Yahweh na inyong Diyos ay inuutusan kayong sundin ang mga batas at panuntunang ito; sa gayon panatilihin ninyo ang mga ito at gawin ng inyong buong puso at inyong buong kaluluwa.

    17 Kinilala ninyo ngayon na si Yahweh ay inyong Diyos, at lalakad kayo sa kaniyang mga kaparaanan at susundin ang kaniyang mga batas, kaniyang mga utos, at kaniyang mga panuntunan, at makikinig kayo sa kaniyang boses.

    18 At sa araw na ito kayo ay kinilala ni Yahweh na mga taong kaniyang pag-aari, tulad ng pinangako niyang gawin sa inyo, at ndapat ninyong sundin ang lahat ng kaniyang mga utos.

  31. 50 Sapagkat ang sinumang gumagawa sa kagustuhan ng aking Amang nasa langit, ang taong iyon ay aking kapatid at ina.”

  32. 3 Sumakay si Jesus sa isa sa mga bangka, na pagmamay-ari ni Simon at hiniling niya sa kaniya na dalhin niya ito sa tubig na hindi kalayuan sa dalampasigan. Pagkatapos ay umupo siya at nagturo sa mga tao habang nasa bangka.

    4 Nang matapos na siyang magsalita, sinabi niya kay Simon, “Dalhin mo ang bangka sa mas malalim na tubig at ibaba ang inyong mga lambat para manghuli”.

    5 Sumagot si Simon at sinabi, “Panginoon, magdamag kaming nangisda ngunit wala kaming nahuli, ngunit sa iyong salita, ibababa ko ang mga lambat.”

  33. 6 Magbibigay siya sa bawat tao ayon sa kaniyang ginawa: 7 sa mga patuloy na gumagawa ng mga mabubuting bagay na naghangad ng papuri, karangalan at ng hindi pagkasira, bibigyan niya ng buhay na walang hanggan. 8 Ngunit para sa mga makasarili, mga taong hindi sumusunod sa katotohanan ngunit sumusunod sa kalikuan, darating ang matinding galit at poot.

    9 Magdadala ang Diyos ng pagdurusa at paghihirap sa bawat kaluluwa ng taong gumagawa ng masama, una sa mga Judio at gayon din sa mga Griyego. 10 Subalit kapurihan, karangalan at kapayapaan ang darating sa mga taong gumagawa ng mabuti, una sa mga Judio at gayon din sa mga Griyego. 11 Sapagkat walang pinapanigan ang Diyos.

  34. 22 Makinig sa iyong ama na nag-alaga sa iyo at huwag hamakin ang iyong ina kung matanda na siya.

  35. 16 Masdan ito, isang lalaki ang lumapit kay Jesus at sinabi, “Guro, ano ang mabuting bagay na kinakailangan kong gawin upang ako ay magkaroon ng buhay na walang hanggan?”

    17 Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Bakit mo ako tinatanong tungkol sa kung ano ang mabuti? Isa lang ang mabuti, ngunit kung nais mong pumasok sa buhay, tuparin mo ang mga kautusan.”

  36. 2 Buhatin ninyo ang pasanin ng bawat isa, at nang sa gayon ay matupad ninyo ang kautusan ni Cristo.

  37. 13 Ako ang Alpa at ang Omega, ang Una at ang Huli, ang Simula at ang Katapusan.

    14 Pinagpala ang mga naglilinis ng kanilang mga balabal kaya magkakaroon sila ng karapatan para makakain nang mula sa puno ng buhay at para makapasok sa lungsod sa pamamagitan ng mga tarangkahan.

  38. 29 O, na ipagpatuloy nawa nila ang ganitong puso na nasa kanila, na parangalan nila ako at patuloy na sundin ang aking mga utos, nawa ay makabuti ito para sa kanila at sa kanilang mga anak magpakailanman!

  39. 18 Pumunta si Jesus sa kanila at nagsalita sa kanila at sinabi, “Ibinigay sa akin ang lahat ng kapangyarihan sa langit at sa lupa. 19 Humayo kayo at gawing mga alagad ang lahat ng mga bansa. Bautismuhan sila sa ngalan ng Ama, ng Anak, at ng Banal na Espiritu. 20 Turuan sila na sumunod sa lahat ng mga iniutos ko sa inyo. At pakinggan ninyo, Ako ay laging nasa inyo, maging sa katapusan ng mundo.”