66 Bible Verses About Women

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Bible Verses About Women
  1. 10 Sino ang makatatagpo ng may kakayahang asawang babae? Ang halaga niya ay higit sa mamahaling hiyas. 11 Ang puso ng kaniyang asawang lalaki ay nagtitiwala sa kaniya, at kailanman hindi siya maghihirap. 12 Mga mabubuting bagay ang ginagawa niya para sa kaniya at hindi masama sa lahat ng mga araw ng kaniyang buhay. 13 Pumipili siya ng balahibo at lana at gumagawa ng may kasiyahan ang kaniyang mga kamay. 14 Katulad siya ng mga barko ng mangangalakal; nagdadala siya ng pagkain mula sa malayo. 15 Bumabangon siya habang gabi pa at nagbibigay ng pagkain sa kaniyang sambahayan, at ipinamamahagi niya ang mga gawain sa kaniyang mga aliping babae. 16 Isinasaalang-alang niya ang bukirin at ito ay binibili, sa pamamagitan ng bunga ng kaniyang mga kamay, nakapagtanim siya ng ubasan. 17 Dinadamitan niya ang kaniyang sarili ng lakas at pinalalakas niya ang kaniyang mga braso. 18 Nauunawaan niya kung ano ang magbibigay ng malaking kita para sa kaniya; buong gabi ay hindi namatay ang kaniyang lampara. 19 Inilalagay niya ang kaniyang mga kamay sa ikiran, at buhol na sinulid ay kaniyang hinahawakan. 20 Ang mga taong mahihirap ay inaabot niya ng kaniyang kamay; ang mga taong nangangailangan ay inaabot niya ng kaniyang mga kamay. 21 Hindi siya natatakot sa lamig ng niyebe para sa kaniyang sambahayan, dahil ang kaniyang buong sambahayan ay nababalot ng pulang makapal na kasuotan. 22 Gumagawa siya ng mga sapin para sa higaan niya at mga lilang damit na pinong lino ang sinusuot niya. 23 Ang kaniyang asawa ay kilala sa mga tarangkahan, kapag umuupo siya kasama ng mga nakatatanda sa bayan. 24 Gumagawa at nagbebenta siya ng linong kasuotan, at nagmumula sa kaniya ang mga sintas ng mga mangangalakal. 25 Ang kalakasan at karangalan ay suot niya, at sa oras na darating, siya ay tumatawa. 26 Binubuksan niya ang kaniyang bibig ng may karunungan, at nasa kaniyang dila ang batas ng kabaitan. 27 Binabantayan niya ang pamamaraan ng kaniyang sambahayan at hindi kumakain ng tinapay ng pagkabatugan. 28 Ang kaniyang mga anak ay babangon at tinatawag siyang pinagpala; ang kaniyang asawang lalaki ay pupurihin na nagsasabing, 29 “Maraming mga babae ang gumawa ng mabuti, ngunit hinihigitan mo silang lahat.” 30 Ang pagiging elegante ay mapanlinlang, ang kagandahan ay walang kabuluhan, pero ang babaeng may takot kay Yahweh ay mapapapurihan. 31 Ibigay mo sa kaniya ang bunga ng mga kaniyang kamay, at hayaan mong ang kaniyang mga gawa, sa mga tarangkahan, siya ay papurihan.

  2. 8 Kaya, nais ko na ang lahat ng kalalakihan sa bawat lugar na manalangin at itaas ang kanilang mga banal na kamay ng walang galit at mga pag-aalinlangan.

    9 Gayundin, nais ko ang mga kababaihan na magsuot ng nararapat na kasuotan ng may kahinhinan at pagpipigil sa sarili. Hindi sila dapat magtirintas ng buhok, o maglagay ng ginto, o perlas, o magsuot ng mamahaling damit. 10 Nais ko silang magsuot ng kung ano ang angkop sa mga kababaihan na nagpapahayag ng pagiging maka-diyos sa pamamagitan ng mga mabubuting gawa.

    11 Dapat matuto ang babae ng may pananahimik at nang buong pagpapasakop. 12 Hindi ko pinahihintulutan ang isang babae na magturo o pamahalaan ang isang lalaki ngunit mamuhay sa katahimikan. 13 Sapagkat unang nilikha si Adan bago si Eba. 14 At si Adan ay hindi nalinlang, ngunit lubos na nadaya ang babae sa pagsuway. 15 Gayunman, maliligtas siya sa pamamagitan ng panganganak, kung sila ay magpapatuloy sa pananampalataya, sa pag-ibig at kabanalan na may mahinahon na kaisipan.

  3. 1 Sa ganitong paraan, kayong mga asawang babae ay dapat magpasakop sa inyong mga asawa, sa gayon, kahit may ilang hindi sumusunod sa salita, sa pamamagitan ng pag-uugali ng kanilang asawang babae, mahikayat sila nang walang salita, 2 dahil makikita nila ang inyong dalisay na pag-uugali na may karangalan sa kanilang sarili.

    3 Huwag ninyo itong gawin sa pamamagitan ng panlabas na paggayak—pagtitirintas ng buhok, pagsusuot ng alahas, o magagarang damit. 4 Sa halip, gawin niyo ito sa pamamagitan ng panloob na pagkatao na nasa puso, at nang walang kupas na kagandahan ng isang mahinahon at mapayapang espiritu na natatangi sa paningin ng Diyos. 5 Sapagkat ang banal na mga kababaihan noon ay minsang naggayak ng kanilang mga sarili sa ganitong paraan. Nagtiwala sila sa Diyos at nagpasakop sila sa kanilang mga asawa. 6 Sa ganitong paraan sumunod si Sara kay Abraham at tinawag siyang kaniyang “panginoon.” Kayo ngayon ay kaniyang mga anak kung ginagawa ninyo ang mabuti at kung hindi kayo natatakot sa kaguluhan.

    7 Gayun din, kayong mga asawang lalaki ay dapat mamuhay kasama ang inyong asawa nang nalalaman na sila ay mas mahinang kabiyak, kinikilala sila na kapwa ninyong tatanggap ng kaloob ng buhay. Gawin ninyo ito upang ang inyong mga panalangin ay hindi mahadlangan.

  4. 21 Magpasakop kayo sa isa't isa tanda ng paggalang kay Cristo.

    22 Mga asawang babae, magpasakop kayo sa inyong mga asawa, gaya sa Panginoon. 23 Sapagkat ang asawang lalaki ang ulo ng babae, tulad ni Cristo na siyang ulo ng Iglesia. Siya ang tagapagligtas ng katawan. 24 Ngunit kung papaanong ang Iglesia ay nagpapasakop kay Cristo, gayon din naman ang mga asawang babae sa kanilang mga asawa sa lahat ng bagay.

    25 Mga asawang lalaki ibigin ninyo ang inyong mga asawa katulad din ng pagmamahal ni Cristo sa Iglesia at ibinigay ang kaniyang sarili sa kanya.

  5. 3 Ngayon, gusto kong maintindihan ninyo na si Cristo ang ulo ng bawat lalaki, at ang lalaki ang ulo ng babae, at ang Diyos ang ulo ni Cristo.

    4 Sinumang lalaki ang mananalangin at magpapahayag ng propesiya na may takip ang kaniyang ulo ay hindi niya ginagalang ang kaniyang ulo. 5 Ngunit hindi ginagalang ng sinumang babae ang kaniyang ulo kapag nananalangin at nagpapahayag ng propesiya nang walang takip ang kaniyang ulo. Sapagkat iisa at parehong bagay na parang ang kaniyang ulo ay inahitan. 6 Sapagkat kung hindi magtatakip ng kaniyang ulo ang babae, dapat niyang gupitan ang kaniyang buhok ng maiksi. Kung kahihiyan ito sa isang babae na magpagupit ng maiksi o magpaahit ng kaniyang ulo, takpan niya ang kaniyang ulo.

    7 Sapagkat hindi dapat magtakip ng kaniyang ulo ang lalaki, dahil siya ang larawan at kaluwalhatian ng Diyos. Ngunit ang babae ang kaluwalhatian ng lalaki. 8 Sapagkat hindi ginawa ang lalaki mula sa babae. Sa halip, ang babae ang ginawa mula sa lalaki. 9 Sapagkat, hindi rin nilikha ang lalaki para sa babae, kundi nilikha ang babae para sa lalaki. 10 Ito ang dahilan kung bakit ang babae ay dapat magkaroon ng tanda ng kapamahalaan sa kaniyang ulo, dahil sa mga anghel.

    11 Gayon pa man, sa Panginoon, hindi malaya ang babae sa lalaki, ni hindi rin malaya ang lalaki sa babae. 12 Sapagkat nagmula sa lalaki ang babae, gayon din ang lalaki ay nagmula sa babae. At nagmula sa Diyos ang lahat ng bagay.

  6. 1 Ngunit ikaw, sabihin ang tama kasama ng tapat na pagtuturo.

    2 Ang mga nakatatandang lalake ay dapat maging mahinahon, marangal, matino, nasa tamang pananampalataya, sa pag-ibig, at sa katiyagaan.

    3 Ang mga nakatatandang babae gayon din dapat laging ipakilalang sila rin ay kagalang-galang at hindi mga tsismosa. Sila ay hindi dapat inalipin ng sobrang alak. Sila ay dapat nagtuturo ng kung ano ang mabuti 4 upang masanay ang mga nakababatang babae sa matinong pagmamahal sa kanilang sariling mga asawa at mga anak. 5 Sila ang dapat magsanay sa kanila na maging matino, dalisay, mga mabuting tagapangalaga ng tahanan at masunurin sa kanilang sariling mga asawa. Dapat nilang gawin ang mga bagay na ito upang ang Salita ng Diyos ay hindi maalipusta.

  7. 18 Pagkatapos sinabi ni Yahweh na Diyos, “Hindi mabuti na ang lalaki ay nag-iisa. Gagawa ako ng katuwang na babagay para sa kanya.”

    19 Mula sa lupa ginawa ni Yahweh na Diyos ang bawat hayop sa bukid at bawat ibon sa langit. Pagkatapos dinala niya sila sa lalaki upang makita kung ano ang itatawag niya sa kanila. Anuman ang itinawag ng lalaki sa bawat buhay na nilikha, iyon ang kanyang pangalan. 20 Ang lalaki ay nagbigay ng mga pangalan para sa lahat ng mga hayop, sa lahat ng mga ibon sa langit, at sa bawat mabangis na hayop sa bukid. Pero para sa lalaki mismo ay walang nahanap na katuwang na babagay para sa kanya.

    21 Dinulot ni Yahweh na Diyos na makatulog nang mahimbing ang lalaki, kaya nakatulog ang lalaki. Kumuha si Yahweh na Diyos ng isa sa kanyang mga tadyang at isinara ang laman kung saan niya kinuha ang tadyang. 22 Sa pamamagitan ng tadyang na kinuha ni Yahweh na Diyos mula sa lalaki, ginawa niya ang babae at dinala siya sa lalaki. 23 Sinabi ng lalaki, “Sa oras na ito, ito ang buto ng aking mga buto, at laman ng aking laman. Tatawagin siyang 'babae', dahil kinuha siya sa lalaki.”

    24 Kaya iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ang kanyang ina, makikipag-isa siya sa kanyang asawa, at sila ay magiging isang laman.

    25 Kapwa sila hubad, ang lalaki at ang kanyang asawa, pero hindi sila nahihiya.

  8. 36 Naroon din ang isang babaeng propeta na ang pangalan ay Ana. Siya ay anak ni Fanuel na nagmula sa tribo ni Aser. Napakatanda na niya. Siya ay namuhay kasama ng kaniyang asawa sa loob ng pitong taon pagkatapos ng kaniyang pag-aasawa, 37 at pagkatapos ay balo ng walumpu't apat na taon. Hindi siya kailanman umalis sa templo at patuloy siyang sumasamba sa Diyos sa pamamagitan ng pag-aayuno at pananalangin, gabi at araw.

    38 Sa oras ding iyon, lumapit siya sa kanila at nagsimulang magpasalamat sa Diyos. Siya ay nagsalita tungkol sa bata sa lahat ng naghihintay para sa katubusan ng Jerusalem.

  9. 34 dapat manahimik ang mga kababaihan sa mga iglesya. Sapagkat hindi sila pinahihintulutang magsalita. Sa halip, dapat silang magpasakop tulad ng sinasabi sa kautusan. 35 Kung mayroon man silang nais matutuhan, hayaan silang magtanong sa kanilang mga asawa sa tahanan. Sapagkat nakakahiya para sa isang babae ang magsalita sa iglesya.

  10. 13 Nang Araw ng Pamamahinga lumabas kami sa tarangkahan sa may tabi ng ilog, na kung saan naisip namin na may lugar doon upang manalangin. Naupo kami at nakipag usap sa mga nagtipon-tipon na mga babae.

    14 May isang babae na nagngangalang Lidia ang nagbebenta ng mga tela na kulay lila na nanggaling sa lungsod ng Tiatira na sumasamba sa Diyos, nakinig siya sa amin. Binuksan ng Panginoon ang kaniyang puso upang bigyangpansin ang mga bagay na sinabi ni Pablo. 15 Nang mabautismuhan siya at ang kaniyang sambahayan, hinikayat niya kami, at nagsasabing, “Kung itinuturing ninyo na ako ay matapat sa Panginoon, pumunta kayo sa aking bahay, at manatili roon.” At nahikayat niya kami.

  11. 1 Inihahabilin ko sa inyo si Febe na ating kapatid na babae, na isang lingkod ng iglesiya na nasa Cencrea, 2 upang siya ay tanggapin ninyo sa Panginoon. Gawin ninyo ito sa paraan na karapat-dapat sa mga mananampalataya, at tulungan ninyo siya sa anumang mga pangangailangan niya. Sapagkat siya mismo ay tumulong din sa marami, at ganun din sa akin.

    3 Batiin ninyo sina Prisca at Aquila, na mga kapwa ko manggagawa kay Cristo Jesus, 4 na inilagay sa panganib ang kanilang mga buhay para sa aking buhay. Nagpapasalamat ako sa kanila, at hindi lamang ako, kundi pati na rin ang lahat ng mga iglesiya ng mga Gentil.

  12. 23 Subalit bago ang dumating ang pananampalataya kay Cristo, ibinilanggo tayo at ikinulong ng kautusan hanggang sa kapahayagan ng pananampalataya. 24 Kaya ang kautusan ay naging taga-gabay natin hanggang si Cristo ay dumating, upang tayo ay mapawalang-sala sa pamamagitan ng pananampalataya. 25 Ngayon na dumating na ang pananampalataya, wala na tayo sa ilalim ng taga-gabay.

    26 Sapagkat kayong lahat ay mga anak ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus. 27 Lahat kayo na nabautismuhan kay Cristo, isinuot ninyo ang buhay ni Cristo na parang damit. 28 Walang Judio o Griego, alipin o malaya, lalaki o babae, sapagkat kayong lahat ay iisa kay Cristo Jesus. 29 Kung kayo ay kay Cristo, kayo rin ay mga kaapu-apuhan ni Abraham, tagapagmana ayon sa pangako.

  13. 2 Nagsusumamo ako kay Euodia, at kay Sintique na magkaroon ng parehong pag-iisip sa Panginoon. 3 Katunayan, hinihiling ko rin sa iyo, tunay kong kamanggagawa, tulungan mo ang mga babaeng ito. Sapagkat sila ang kasama kong nagsikap sa pagpapalaganap ng ebanghelyo kasama si Clemente at iba pang mga kapwa ko manggagawa, kung saan ang mga pangalan ay nasa aklat ng buhay.

  14. 20 Si Miriam, ang babaeng propeta, na kapatid na babae ni Aaron, ay dumampot ng tamburin, at lumabas ang lahat ng mga kababaihan na may mga tamburin, sabay na sumasayaw kasama niya. 21 Inawit ni Miriam sa kanila: “Umawit kay Yahweh, dahil siya ay maluwalhating nagtagumpay. Itinapon niya sa dagat ang kabayo at ang kaniyang mangangabayo.”

  15. 55 At maraming mga kababaihan na sumunod kay Jesus mula sa Galilea upang mag-aruga sa kaniya ay naroon at nakatinggin sa di kalayuan. 56 Kabilang sa kanila ay si Maria Magdalena, si Maria na ina ni Santiago at Jose, at ang ina ng mga anak na lalaki ni Zebedeo.

  16. 9 Itala bilang isang balo ang babaeng hindi bababa sa animnapu ang edad, asawa ng isang lalaki. 10 Dapat siyang makilala sa kaniyang mabubuting gawa, maging sa pag-aalaga ng mga bata, o sa pagpapatuloy ng mga taga-ibang bayan, o sa paghuhugas ng paa ng mga mananampalataya, o sa pagtulong sa mga nagdurusa, o sa pagiging tapat sa bawat mabubuting gawain.

    11 Ngunit sa mga mas batang balo, tanggihan mo silang itala sa listahan. Dahil kapag sila ay bumigay sa pagnanasa ng laman laban kay Cristo ay nais nilang mag-asawa. 12 Sa pamamagitan nito, pinahihintulutan nila ang kasalanan dahil tinalikuran nila ang una nilang pangako. 13 Nasanay din silang maging tamad. Pumupunta din sila sa mga bahay-bahay. Hindi lang sila naging tamad, ngunit sila din ay naging mga mapanirang-puri at naging mapanghimasok. Sinasabi nila ang mga bagay na hindi nila dapat sabihin.

    14 Kaya naman gusto ko ang mga mas batang babae na mag-asawa, manganak, upang mamahala sa tahanan, upang hindi mabigyan ng pagkakataon ang kaaway na tayo ay paratangan sa paggawa ng masama. 15 Dahil may mga ilan na tuluyan nang tumalikod at napunta na kay Satanas.

    16 Kung ang mananampalatayang babae ay may kamag-anak na mga balo, tulungan niya sila upang ang iglesiya ay hindi mabigatan at matulungan nito ang tunay na mga balo.

  17. 38 Ngayon sa pagpapatuloy ng kanilang paglalakbay, siya ay pumunta sa isang nayon, at isang babaeng nagngangalang Marta ang tumanggap sa kaniya sa loob ng kaniyang bahay. 39 Mayroon siyang isang kapatid na nagngangalang Maria, na nakaupo sa paanan ng Panginoon at nakinig sa kaniyang salita. 40 Ngunit si Marta ay sobrang abala sa paghahanda ng pagkain. Lumapit siya kay Jesus, at sinabi, “Panginoon, pababayaan mo ba na iniwan ako ng aking kapatid na mag-isang maglingkod? Kaya sabihin mo sa kaniya na tulungan ako.”

    41 Ngunit sumagot ang Panginoon at sinabi sa kaniya, “Marta, Marta, masyado kang abala tungkol sa maraming bagay, 42 ngunit iisang bagay lamang ang kinakailangan. Pinili ni Maria kung ano ang pinakamabuti, na hindi makukuha mula sa kaniya.”

  18. 3 Nang si Jesus ay nasa Bethania sa bahay ni Simon na ketongin, habang nakasandal siya sa mesa, isang babae ang pumunta sa kaniya na mayroong dalang alabastrong sisidlan na may lamang napakamahal na likido na purong nardo. Binasag niya ito at ibinuhos ang laman sa kaniyang ulo.

    4 Ngunit may ilang nagalit. Nag-usap-usap ang bawat isa at sinabi, “Ano ang dahilan sa pag-aaksayang ito? 5 Ang pabangong ito ay maaaring ipagbili ng higit pa sa tatlong daang denario at maibigay sa mga mahihirap.” At sinasaway nila siya.

    6 Ngunit sinabi ni Jesus, “Pabayaan ninyo siya. Bakit ninyo siya ginugulo? Ginawa niya ang isang magandang bagay para sa akin. 7 Nasa inyo lagi ang mga mahihirap, at kung gugustuhin ninyo, matutulungan ninyo sila, ngunit hindi ninyo ako laging kasama. 8 Ginawa niya ang kaniyang makakaya, pinahiran niya ang aking katawan para sa paglilibing sa akin. 9 Totoo ang sinasabi ko sa inyo, saanman maihayag ang mabuting balita sa buong mundo, ang ginawa ng babaeng ito ay pag-uusapan bilang alaala sa kaniya.”

  19. 36 Ngayon mayroon alagad sa Joppa na ang pangalan ay Tabitha, na kung isasalin ay “Dorcas.” Ang babaeng ito ay puno ng mga mabubuti at maawaing gawa, na ginagawa niya para sa mahihirap. 37 At nangyari nga sa mga araw na iyon na siya ay nagkasakit at namatay; nang siya ay kanilang hugasan, pinahiga siya sa kuwarto sa itaas. 38 Dahil malapit ang Lida sa Joppa, at narinig ng mga alagad na naroon si Pedro, nagsugo sila ng dalawang lalaki at pumunta sa kaniya, nagmamakaawa na sinabi sa kaniyang, “Sumama ka sa amin agad”.

    39 Tumayo si Pedro at sumama sa kanila. Nang dumating siya, dinala nila siya sa kuwarto sa itaas, at ang lahat ng mga balo ay nakatayo sa paligid niya na nananangis, ipinapakita sa kaniya ang mga balabal at mga damit na ginawa ni Dorcas habang kasama pa nila siya.

    40 Pinalabas silang lahat ni Pedro sa silid, lumuhod siya at nanalangin; at humarap siya sa katawan at sinabi niya. “Tabitha, bumangon ka.” Minulat niya ang kaniyang mga mata, at nang makita niya si Pedro siya ay umupo. 41 Pagkatapos iniabot ni Pedro ang kaniyang kamay at ibinangon siya; at nang tawagin niya ang mga mananampalataya at mga balo ay iniharap niya siya sa kanila na buhay.

    42 Nalaman ang pangyayaring ito sa buong Joppa, at maraming mga tao ang nanampalataya sa Panginoon.

  20. 16 Sinabi niya sa babae, “Higit kong patitindihin ang sakit mo sa panganganak; sa sakit ka magsisilang ng mga anak. Ang iyong pagnanais ay para sa iyong asawa, subalit pamumunuan ka niya.”

  21. 4 Ang isang karapat-dapat na asawang babae ay korona ng kaniyang asawang lalaki, ngunit ang babaeng nagdadala nang kahihiyan ay tulad ng isang sakit na sumisira ng kaniyang mga buto.

  22. 21 Pagkatapos, umalis si Jesus mula roon at pumunta patungo sa mga rehiyon sa lungsod ng Tiro at Sidon. 22 Masdan ito, may isang Cananeang babae ang lumabas galing sa rehiyon na iyon. Sumigaw siya at sinabing, “Kahabangan mo ako, Panginoon, anak ni David; ang aking anak na babae ay lubhang pinapahirapan ng isang demonyo.

    23 Ngunit hindi siya sinagot ni Jesus kahit isang salita. Lumapit ang kaniyang mga alagad at nagmakaawa sa kaniya, sinabi, “Paalisin ninyo siya sapagkat sumisigaw siyang sumusunod sa atin.”

    24 Subalit sumagot si Jesus at sinabi, “Hindi ako sinugo sa kaninuman maliban sa mga tupang naliligaw sa tahanan ng Israel.”

    25 Ngunit lumapit at lumuhod ang babae sa kaniyang harapan, na nagsasabi, “Panginoon, tulungan mo ako.”

    26 Sumagot siya at sinabi, “Hindi tama na kunin ang tinapay ng mga anak at ihagis sa mga tuta.”

    27 Sinabi niya, “Oo nga, Panginoon, ngunit kahit ang mga tuta ay kinakain ang mga katiting na tinapay na nahulog mula sa kainan ng kanilang mga amo.

    28 Pagkatapos, sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya, “Babae, napakalaki ng iyong pananampalataya. Mangyari sa iyo ayon sa iyong hinihiling.” At gumaling ang kaniyang anak na babae sa oras na iyon.

  23. 37 Masdan ito, may isang babae sa lungsod na makasalan. Nalaman niya na si Jesus ay nakasandal sa hapagkainan sa bahay ng Pariseo, at nagdala siya ng isang alabastro ng pabango. 38 Tumayo siya sa likuran ni Jesus malapit sa kaniyang mga paa at umiyak. At sinimulan niyang basain ng kaniyang mga luha ang kaniyang mga paa, at pinunasan ang mga ito ng kaniyang buhok, hinalikan ang kaniyang mga paa, at binuhusan ang mga ito ng pabango.

  24. 18 Mga asawang babae, magpasakop kayo sa inyong mga asawa, dahil ito ang nararapat sa Panginoon.

  25. 8 Gayon din, dapat marangal ang mga diakono, hindi dalawa ang salita. Dapat hindi sila umiinom ng sobrang alak o maging sakim. 9 Dapat nilang ingatan ang naipahayag na katotohanan ng pananampalataya na may malinis na budhi. 10 Dapat mapatunayan muna silang karapat-dapat, pagkatapos dapat silang maglingkod dahil sila ay walang sala.

    11 Gayun din ang mga babae, dapat maging marangal. Dapat hindi sila mapanirang-puri. Dapat mahinahon at tapat sila sa lahat ng bagay.

    12 Ang mga diakono ay dapat maging mga asawa ng isang babae. Dapat mahusay nilang pinamamahalaan ang kanilang mga anak at sambahayan. 13 Para sa mga naglingkod ng mahusay ay nakamit na nila para sa kanilang sarili ang mabuting katayuan at malaking tiwala sa pananampalataya na nakay Cristo Jesus.

  26. 18 Ngunit naglingkod si Samuel kay Yahweh bilang isang batang dinamitan ng isang linong epod. 19 Ginagawan siya ng kanyang ina ng isang maliit na balabal at dinadala ito sa kanya taon-taon, kapag umaakyat siya kasama ang kanyang asawa upang maghandog ng taunang alay. 20 Pinagpapala ni Eli si Elkana at kanyang asawa at sinasabing, “Bigyan nawa ka ni Yahweh ng maraming anak sa pamamagitan ng babaeng ito dahil sa kahilingan na kanyang ginawa kay Yahweh.” Pagkatapos babalik sila sa kanilang sariling tahanan.

    21 Tinulungan muli ni Yahweh si Ana, at nabuntis siya ulit. Nagsilang siya ng tatlong anak na lalaki at dalawang anak na babae. Samantala, lumaki ang batang si Samuel sa harapan ni Yahweh.

  27. 1 Anim na araw bago ang Paskwa, nagpunta si Jesus sa Bethania, kung saan naroon si Lazaro na siyang binuhay niya mula sa mga patay. 2 Kaya hinandaan nila siya ng hapunan doon, at si Marta ang nagsisilbi, habang si Lazaro ay isa sa mga naupo sa mesa kasama ni Jesus. 3 Pagkatapos kumuha si Maria ng isang litra ng pabango mula sa purong nardo na napakamahal, at pinahiran nito ang mga paa ni Jesus at pinunasan ng kaniyang buhok ang kaniyang mga paa, at napuno ang buong bahay ng halimuyak ng pabango.

    4 Si Judas Iscariote, isa sa mga alagad na magkakanulo sa kaniya, ay nagsabi, 5 “Bakit hindi ipinagbili ang pabango na ito ng tatloong daang dinario at ibigay sa mahihirap. 6 Ngayon, sinabi niya ito, hindi dahil sa may malasakit siya sa mga mahihirap, kundi dahil siya ay isang magnanakaw: siya ang may hawak ng sisidlan ng pera, at kumukuha dito ng ilang pera para sa kaniyang sarili.

    7 Sinabi ni Jesus, “ Hayaan ninyong ilaan niya ang mayroon siya para sa araw ng aking libing. 8 Palagi ninyong kapiling ang mga mahihirap, ngunit hindi ninyo ako laging makakasama.”

  28. 1 Ngayon madaling araw ng unang araw ng linggo habang madilim pa, nagpunta si Maria Magdalena sa libingan; nakita niya na naigulong ang bato malayo sa libingan. 2 Kaya siya ay tumakbo at nagpunta kay Simon Pedro at sa isa pang alagad na minamahal ni Jesus, at sinabi niya sa kanila, “Kinuha nila ang katawan ng Panginoon mula sa libingan at hindi namin alam kung saan nila siya dinala.”

  29. 17 'Mangyayari ito sa mga huling araw,' sinabi ng Diyos, 'Ibubuhos ko ang aking Espiritu sa lahat ng tao. Magpapahayag ang inyong mga anak na lalaki at mga babae, makakakita ng mga pangitain ang inyong mga kabataang lalaki, at magkakaroon ng mga panaginip ang inyong mga matatandang lalaki. 18 Gayundin sa aking mga lingkod at sa aking mga lingkod na babae ibubuhos ko ang aking Espiritu sa araw na iyon, at sila ay magpapahayag. 19 Magpapakita ako ng mga kamangha-manghang bagay mula sa langit at mga tanda dito sa lupa, dugo, apoy, at singaw ng usok. 20 Magiging madilim ang araw at magiging dugo ang buwan, bago dumating ang dakila at hindi pangkaraniwang araw ng Panginoon. 21 Iyon ay ang pagkakaligtas ng bawat isa na tatawag sa pangalan ng Panginoon.'

  30. 15 Nangyari na bago paman siya natapos sa pagsasalita, masdan, lumabas si Rebeca na may dalang pitsel ng tubig sa kanyang balikat. Ipinanganak si Rebeca kay Bethuel na lalaking anak ni Milca, na asawa ni Nahor, na lalaking kapatid ni Abraham. 16 Ang dalaga ay napakaganda at isang birhen. Wala pang lalaki ang sumiping sa kanya. Pumunta ang babae sa bukal at pinuno ang kanyang pitsel, at umahon.

    17 Tumakbo ang lingkod upang salubungin siya at sinabing, “Pakiusap bigyan mo ako ng kaunting inuming tubig mula sa iyong pitsel.

    18 Sinabi niya, “Uminon ka, aking amo,” at agad niyang ibinaba ang pitsel na nasa kanyang kamay, at pinainom siya.

    19 Nang natapos niya siyang painumin, sinabi niya, sasalok din ako ng tubig para sa iyong mga kamelyo, hanggang sa makainom na ang lahat. 20 Kaya nagmadali siya at ibinuhos ang laman ng kanyang pitsel papunta sa inuman ng mga hayop, at tumakbong muli patungo sa balon upang sumalok ng tubig, at sumalok ng tubig para sa lahat ng kanyang mga kamelyo.

  31. 5 Ang isang babae ay hindi dapat magsuot ng kung anong may kinalaman sa isang lalaki, at ni ang isang lalaki ay magsuot ng pambabaeng kasuotan; dahil kung sinuman ang gagawa ng mga bagay na ito ay isang bagay na kasuklam-suklam para kay Yahweh na inyong Diyos.

  32. 8 Isang araw, naglakad si Eliseo sa Sunem kung saan nakatira ang isang mahalagang babae; pinilit niyang kumain sila ng magkasama. Kaya sa madalas na pagdaan ni Eliseo, siya ay humihinto para kumain doon.

    9 Sinabi ng babae sa kaniyang asawa, “Tingnan mo, nalaman ko na ang lalaking ito na laging dumadaan dito ay lingkod ng Diyos. 10 Gumawa tayo ng maliit na silid sa bubungan para kay Eliseo, at maglagay tayo ng higaan, upuan, at lampara. Pagkatapos, kapag pumunta siya sa atin, mananatili na siya roon.”

  33. 20 Masdan ito, may isang babae na dinudugo ng malala sa loob ng labindalawang taon ang lumapit sa likuran ni Jesus at hinawakan ang laylayan ng kaniyang damit. 21 Sapagkat sinabi niya sa kanyang sarili, “Kung mahawakan ko lamang ang kaniyang damit, ay gagaling na ako.”

    22 Ngunit lumingon si Jesus at nakita siya at sinabi, “Anak, magpakatatag ka. Pinagaling ka ng iyong pananampalataya.” At agad na gumaling ang babae.

  34. 47 Nakita nila Maria Magdalena at ni Maria na ina ni Jose ang lugar kung saan inilibing si Jesus.

  35. 15 Sinabi ni Naomi, “Makinig ka, ang hipag mo ay bumalik na sa kaniyang bayan at sa kaniyang mga diyos! Bumalik ka kasama ang iyong hipag.”

    16 Pero sinabi ni Ruth, “Huwag mo akong palayuin mula sa iyo, sapagkat kung saan ka pupunta, doon ako pupunta; kung saan ka titira, doon ako titira; ang iyong bayan ay magiging aking bayan, at ang iyong Diyos ay magiging aking Diyos. 17 Kung saan ka mamamatay, doon ako mamamatay at doon din ako ililibing. Nawa parusahan ako ni Yahweh, at kahit higit pa, kung anuman pero kamatayan kailanman ang magpahiwalay sa atin.

    18 Nang makita ni Naomi na nagpasya nang sumama si Ruth sa kanya, tumigil na siyang makipagtalo sa kaniya.

  36. 1 Aking anak na lalaki, bigyang pansin ang aking karunungan; makinig mabuti sa aking kaunawaan, 2 upang ikaw ay matuto tungkol sa mabuting pagpapasya, at ang iyong mga labi ay maaaring pangalagaan ang kaalaman. 3 Sapagkat ang labi ng isang nangangalunyang babae ay dinadaluyan ng pulot, at ang kaniyang bibig ay mas madulas kaysa sa langis, 4 pero sa huli siya ay katulad ng halamang mapait, humihiwa tulad ng isang matalim na espada. 5 Ang kaniyang mga paa ay humahakbang papunta sa kamatayan; at tumutungo papunta sa sheol. 6 Hindi niya binibigyang pansin ang landas ng buhay. Ang kaniyang mga yapak ay gumagala; hindi niya alam kung saan siya patungo.

  37. 1 Ang marunong na babae ay nagtatayo ng kaniyang bahay, ngunit ang hangal na babae ay sinisira ito ng kaniyang sariling mga kamay.

  38. 22 Ang sinumang nakatatagpo ng asawang babae ay nakahahanap ng mabuting bagay at tatanggap ng pagpapala mula kay Yahweh.

  39. 27 Narinig ninyo na sinabi, 'Huwag kang mangangalunya.' 28 Ngunit sinasabi ko sa inyo, sinumang tumingin sa isang babae upang siya ay pagnasaan ay nangalunya sa babaing iyon sa kaniyang puso. 29 At kung ang iyong kanang mata ang nagiging sanhi ng iyong pagkatisod, dukutin mo ito at itapon sa malayo sapagkat mas mabuti para sa iyo na mapahamak ang isa sa mga bahagi ng iyong katawan kaysa maitapon ang buo mong katawan sa impiyerno. 30 At kung ang iyong kanang kamay ang sanhi ng iyong pagkadapa, putulin mo ito at itapon sa malayo. Sapagkat mas mabuti na mapahamak ang isa sa mga bahagi ng iyong katawan kaysa ang buo mong katawan ay mapunta sa impiyerno.

    31 At sinabi din, 'Kung sinuman ang magpalayas sa kaniyang asawang babae, dapat niya itong bigyan ng kasulatan ng paghihiwalay.' 32 Ngunit sinasabi ko sa inyo, sinumang makipaghiwalay sa kaniyang asawang babae maliban lamang kung sa sekswal na imoralidad ang dahilan nito ay nagiging sanhi ng pangangalunya ng kaniyang asawa. At kung sinumang magpakasal sa kaniya pagkatapos siyang hiwalayan ay nangangalunya rin.

  40. 41 Pagkatapos umupo si Jesus sa tapat ng lalagyan ng kaloob sa templo; pinagmamasdan niya ang mga tao habang inihuhulog nila ang kanilang pera sa kahon. Maraming mayayamang tao ang naglalagay ng malalaking halagang pera. 42 At dumating ang isang mahirap na balo at naglagay ng dalawang kusing na nagkakahalaga ng isang pera.

    43 At tinawag niya ang kaniyang mga alagad at sinabi sa kanila, “Mahalaga itong sinasabi ko sa inyo, ang mahirap na balong ito ay nakapaglagay ng higit kaysa lahat ng nagbigay sa lalagyan ng kaloob 44 Sapagkat nagbigay ang lahat sa kanila mula sa kanilang kasaganahan. Ngunit ang balong ito, sa kaniyang kahirapan, inilagay ang lahat ng perang mayroon siya na kaniyang ikabubuhay.”

  41. 41 At nangyari nga nang marinig ni Elisabet ang pagbati ni Maria, lumukso ang bata sa kaniyang sinapupunan at si Elisabet ay napuspos ng Banal na Espiritu. 42 Ang kaniyang tinig ay tumaas at nagsabi nang malakas, “Pinagpala ka sa lahat ng mga babae at Pinagpala din ang bunga ng iyong sinapupunan. 43 At bakit ito nangyari sa akin na ang ina ng aking Panginoon ay kailangan pang pumunta sa akin? 44 Sapagkat tingnan mo, nang marinig ko ang iyong pagbati ay tumalon sa galak ang bata sa aking sinapupunan. 45 At pinagpala ang siyang nanampalataya na mayroong katuparan ang mga bagay na ipinahayag sa kaniya mula sa Panginoon.”

  42. 25 Ginawa ng mga sundalo ang mga bagay na ito. Ang ina ni Jesus, ang kapatid ng ina ni Jesus, si Maria na asawa ni Cleopas, at Maria Magdalena— ang mga babaeng ito ay nakatayo malapit sa krus ni Jesus. 26 Nang makita ni Jesus ang kaniyang ina at ang alagad na kaniyang minamahal na nakatayo sa malapit, sinabi ni Jesus sa kaniyang ina, “Babae, tingnan mo, narito ang iyong anak.” 27 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa alagad, “Tingnan mo, narito ang iyong ina!” Mula sa mga oras na iyon tinanggap na siya ng alagad na kabahagi ng sariling niyang tahanan.

  43. 12 Igalang ninyo ang inyong ama at inyong ina, para maaari kang manirahanng mahabang panahon sa lupain na ibibigay ko sa inyo Ako, si Yahweh, ang inyong Diyos.

  44. 18 Nang lumaki na ang bata, pumunta siya sa kaniyang ama, na kasama ng mga taga-ani.

    19 Sinabi niya sa kaniyang ama, “Ang ulo ko, ang ulo ko.” Sabi ng kaniyang ama sa kaniyang alipin, “Buhatin mo siya sa kaniyang ina.”

    20 Nang binuhat siya at dinala ang bata sa kaniyang ina, umupo ang bata sa tuhod ng kaniyang ina hanggang tanghali at pagkatapos ay namatay. 21 Kaya tumayo ang babae at hiniga ang bata sa higaan ng lingkod ng Diyos, sinara ang pinto, at umalis.

    22 Tinawag niya ang kaniyang asawa, at sinabi, “Pakiusap magpadala ka sa akin ng isa sa mga alipin at isa sa mga asno para ako ay makapagmadali sa lingkod ng Diyos at makabalik agad.”

  45. 15 Pagkatapos pinadala ni Esther ang mensaheng ito kay Mordecai, 16 “Pumunta ka, tipunin mo ang lahat ng mga Judio na naninirahan sa Susa, at mag-ayuno kayo para sa akin. Huwag kayong kumain o uminom ng tatlong araw, gabi o araw. Ako at ang aking mga kabataang babae ay mag-aayuno sa parehong paraan. Pagkatapos pupunta ako sa hari, kahit na labag ito sa batas. At kung ako ay mamatay, ako ay mamamatay.”

  46. 16 Makakamit ng isang mahabaging babae ang karangalan ngunit ang mga taong walang habag ay mahigpit na kakapit para sa kayamanan.

  47. 18 Sa araw na iyon, aalisin ng Panginoon ang magaganda nilang mga alahas sa paa, mga panali nila ng buhok, mga agimat, 19 mga hikaw, mga pulseras at mga belo, 20 mga panakip ng ulo, mga kadena sa paa, ang mga laso, at kahong-kahong pabango at mga pampaswerteng palamuti. 21 Aalisin niya ang mga singsing nila at mga alahas sa ilong; 22 ang mga pangpistang balabal, ang mantel, ang belo, at ang mga sisidlan, 23 ang salamin, ang magandang lino, ang mga palamuti sa ulo at mga pambalot. 24 Sa halip na matamis na pabango, magkakaroon ng masangsang na amoy, at sa halip na laso ay lubid, sa halip na buhok na maganda ang gupit ay pagkakalbo, at sa halip na balabal ay panakip sa sako, at kahihiyan sa halip na kagandahan.

  48. 28 At bakit kayo nababalisa tungkol sa inyong kasuotan? Isipin ninyo ang mga liryo sa mga bukirin kung papaano sila tumubo. Hindi sila nagtatrabaho, at hindi sila gumagawa ng damit. 29 Gayon pa man, sinasabi ko sa inyo, kahit na si Solomon sa lahat ng kaniyang kaluwalhatian ay hindi nakapagsuot ng tulad sa isa sa mga ito.

  49. 12 Nang palapit na siya sa tarangkahan papasok ng lungsod, masdan ito, isang taong patay ang dinadala palabas, ang kaisa-isang anak ng kaniyang ina. Siya ay isang balo, at kasama niya ang isang malaking grupo ng mga tao na galing sa lungsod.

    13 Pagkakita sa kaniya, ang Panginoon ay labis na nahabag sa kaniya at sinabi sa kaniya, “Huwag kang umiyak.” 14 Pagkatapos lumapit siya at hinipo ang kinalalagyan ng bangkay, at ang mga nagdadala ay napatigil. Sinabi niya, “Binata, sinasabi ko sa iyo, bumangon ka.” 15 Ang taong patay ay bumangon at nagsimulang magsalita. At ibinigay siya ni Jesus sa kaniyang ina.

  50. 10 Ngayon, nagtuturo si Jesus sa isa sa mga sinagoga sa Araw ng Pamamahinga. 11 Masdan, may isang babaeng naroon na labing-walong taon nang may masamang espiritu ng panghihina, at siya ay baluktot at hindi siya lubusang makatayo. 12 Nang makita siya ni Jesus, tinawag niya ito at sinabi, “Babae, napalaya ka na mula sa iyong panghihina.” 13 Ipinatong niya ang kaniyang mga kamay sa babae, at kaagad siyang naunat at niluwalhati niya ang Diyos.

    14 Ngunit nagalit ang pinuno ng sinagoga dahil nagpagaling si Jesus sa Araw ng Pamamahinga. Kaya sumagot ang pinuno at sinabi sa maraming mga tao, “May anim na araw kung saan kinakailangang magtrabaho. Pumarito kayo at mapagaling sa mga araw na iyon, huwag sa Araw ng Pamamahinga.”

    15 Sinagot siya ng Panginoon at sinabi, “Mga mapagkunwari! Hindi ba kinakalag ng bawat isa sa inyo ang tali ng kaniyang asno o baka mula sa sabsaban nito upang painumin sa Araw ng Pamamahinga? 16 Kaya ito ring babaeng anak ni Abraham, na labing-walong taon nang iginapos ni Satanas, hindi ba nararapat kalagan ang kaniyang gapos sa Araw ng Pamamahinga?”

    17 Nang sinabi niya ang mga bagay na ito, lahat ng sumalungat sa kaniya ay napahiya, ngunit nagagalak ang maraming tao sa mga maluwalhating bagay na kaniyang ginawa.

  51. 1 Ngayon sa mga araw na ito, nang ang bilang ng mga alagad ay dumarami, nagsimula ang reklamo mula sa mga Helenista laban sa mga Hebreo, sa dahilan na ang kanilang mga babaing balo ay napapabayaan sa araw-araw na pamamahagi ng pagkain.

  52. 2 Sapagkat itinatali ng kautusan ang asawang babae sa kaniyang asawa habang siya ay nabubuhay, ngunit kung mamatay ang asawang lalaki, malaya na siya sa kautusan ng pag-aasawa. 3 Kung gayon, habang nabubuhay pa ang kaniyang asawang lalaki, kapag nakipamuhay siya sa ibang lalaki, tatawagin siyang mangangalunya. Ngunit kung namatay ang asawang lalaki, malaya na siya sa kautusan, kaya hindi na siya isang mangangalunya kung namumuhay siya kasama ang ibang lalaki.

  53. 10 Ngayon sa mga may asawa ibinibigay ko ang utos na ito—hindi ako, kundi ang Panginoon: “Ang babae ay hindi dapat humiwalay sa kaniyang asawa”. 11 Ngunit kung siya ay hihiwalay sa kaniyang asawa, dapat na manatili siyang walang asawa o kaya ay makipagkasundo sa kaniya. At “ang lalaki ay hindi dapat hiwalayan ang kaniyang asawa.”

    12 Ngunit sa iba ay sinasabi ko—ako, at hindi ang Panginoon—na kung may kapatid na lalaki na may asawang hindi mananampalataya, at kung ang babae ay kuntento naman sa pakikisama sa kaniya, huwag niya itong hihiwalayan. 13 Kung ang babae ay may asawang hindi mananampalataya at kung ang lalake ay kuntento naman sa pakikisama sa kaniya, huwag niya itong hihiwalayan. 14 Sapagkat ang asawang lalaki na hindi mananampalataya ay naibukod na dahil sa kaniyang mananampalatayang asawa, at ang babae na hindi mananampalataya ay naibukod na rin dahil sa kaniyang asawang mananampalataya. Kung hindi, ang inyong mga anak ay hindi malilinis, ngunit sa katotohanan sila ay naibukod na.

    15 Ngunit kung ang hindi Kristiyanong asawa ay humiwalay, hayaan siyang umalis. Sa ganyang mga kalagayan, ang mga kapatid na lalaki at babae ay hindi nakatali sa kanilang mga sumpaan. Tinawag tayo ng Diyos na mamuhay na mapayapa. 16 Sapagkat babae, paano mo nalalaman kung maililigtas mo ang iyong asawa? O lalaki, paano mo nalalaman kung maliligtas mo ang iyong asawa?

  54. 36 Ngunit kung sinuman ay nag-iisip na dahil sa labis na simbuyo ng damdamin hindi na niya napakikitunguhan na may paggalang ang kaniyang magiging asawa, ay pakasalan na niya ang babae dahil iyan ang nais niya. Ito ay hindi kasalanan. 37 Ngunit kung ang lalaki ay gumawa ng isang pagpapasya na hindi muna mag-asawa, at walang diwa ng pagmamadali, at kung napipigilan pa niya ang kaniyang nararamdaman, mabuti ang naisin niya kung hindi muna siya mag- asawa.

    38 Kaya sinuman ang magnanais na magpakasal sa kaniyang magiging asawa ay mabuti naman, at sa isa na pumili na hindi na siya mag-asawa ay mas lalong mainam.

    39 Ang isang babae ay natatalian sa kaniyang asawa habang siya ay nabubuhay. Ngunit kung ang asawang lalaki ay mamatay, siya ay malayang mag- asawa sa sinuman naisin niya, ngunit sa Panginoon lamang. 40 Ngunit sa aking paghatol siya ay mas magiging masaya kung mananatili siya sa kaniyang kalagayan. At iniisip ko na ako rin ay may Espiritu ng Diyos.

  55. 3 Ngunit ako ay natatakot na baka katulad ni Eba, kayo ay malinlang ng ahas sa kaniyang pagiging tuso, at ang inyong kaisipan ay maaring mailayo sa tapat at dalisay na pananalig kay Cristo.

  56. 1 Huwag mong pagsalitaan nang masama ang lalaking nakakatanda sa iyo. Sa halip, pangaralan mo siya na tulad sa ama. Pangaralan mo ang mga nakakabatang lalaki na parang mga kapatid. 2 Pangaralan mo ang mga nakatatandang babae na parang ina at mga nakakabatang babae na parang mga kapatid nang buong kalinisan.

  57. 1 Ngayon ang ahas ay higit na tuso kaysa sa anumang ibang mabangis na hayop sa bukid na ginawa ni Yahweh na Diyos. Sinabi niya sa babae, “Talaga bang sinabi ng Diyos, “Hindi kayo dapat kumain mula sa anumang puno ng hardin?”

    2 Sinabi ng babae sa ahas, “Maaari naming kainin ang bunga mula sa mga puno ng hardin, 3 pero tungkol sa bunga ng puno na nasa gitna ng hardin, sinabi ng Diyos, “Hindi ninyo maaaring kainin ito, ni hindi ninyo ito maaaring hawakan, o mamamatay kayo.'”

    4 Sinabi ng ahas sa babae, “Tiyak na hindi kayo mamamatay. 5 Dahil alam ng Diyos na sa araw na kainin ninyo ito mabubuksan ang inyong mga mata, at kayo ay magiging tulad ng Diyos, na nakaaalam ng mabuti at masama.”

    6 At nang nakita ng babae na ang puno ay mabuti para sa pagkain at kaaya-aya sa paningin, at ang puno ay kanais-nais para gawing matalino ang isang tao, kumuha siya ng bunga nito at kinain ito. At binigyan niya ang kanyang asawa na kasama niya, at kinain niya ito.

  58. 13 Sinabi ni Yahweh na Diyos sa babae, “Ano ba itong ginawa mo?” Sinabi ng babae, “Nilinlang ako ng ahas, at kumain ako.”

  59. 17 Si Lea ay may mapupungay na mga mata, pero si Raquel ay maganda sa anyo at itsura.

  60. 1 Ngayon nagmahal si Solomon ng maraming dayuhang babae: ang anak na babae ng Paraon, mga babaeng Moabita, Ammonita, Edomita, Sidomita at mga babaeng Heteo— 2 mga bansang nauukol kung saan sinabi ni Yahweh sa bansang Israel, “Huwag kayong pupunta sa kanila para mag-asawa o ni isa sa kanila ay pupunta sa inyo, dahil tiyak na ibabaling nila ang inyong puso sa kanilang mga diyos.” Pero minahal ni Solomon ang mga babaeng ito. 3 Nagkaroon si Solomon ng pitong-daang maharlikang asawa at tatlong-daang iba pang kinakasama. Inilayo ng kaniyang mga asawa ang kaniyang puso.

    4 Dahil noong tumanda si Solomon, iniligaw ng kaniyang mga asawa ang kaniyang puso sa ibang diyos; ang kaniyang puso ay hindi niya lubos na isinuko kay Yahweh na kaniyang Diyos, gaya ng kaniyang amang si David. 5 Sinunod ni Solomon si Astarte, ang diyosa ng mga Sidonio, at sumunod siya kay Milcom, ang kasuklam-suklam na diyus-diyosan ng mga Amonita. 6 Gumawa si Solomon ng kasamaan sa paningin ni Yahweh; hindi siya lubusang sumunod kay Yahweh, tulad nang nagawa ng kaniyang amang si David.

    7 Pagkatapos nagpatayo si Solomon ng isang dambana para kay Cemos, ang kasuklam-suklam na diyus-diyosan ng Moab, sa burol na nasa silangan ng Jerusalem, at para din kay Molec, ang kasuklam-suklam na diyus-diyosan ng mga Ammonita. 8 Nagtayo rin siya ng mga dambana para sa lahat ng kaniyang mga dayuhang asawa, na nagsunog ng mga insenso at nag-alay para sa kanilang mga diyos..

  61. 13 Kasiraan sa kaniyang ama ang isang mangmang na anak at ang mapang-away na asawang babae ay tulo ng tubig na walang tigil.

  62. 14 Ang bahay at kayamanan ay namamana mula sa mga magulang, ngunit mula kay Yahweh ang masinop na asawang babae.

  63. 9 Mas mabuti pang mamuhay sa sulok ng bubungan kaysa sa bahay na kahati ang palaaway na asawang babae.

  64. 16 Sinasabi ni Yahweh na hambog ang mga anak ng babae ni Sion at lumalakad sila nang nakatingala, nang-aakit gamit ang mga mata nila, kunwari'y mahinhing naglalakad, at pinatutunog ang mga palawit sa mga paa nila. 17 Kaya bibigyan ng Diyos ng galis ang mga anak na babae ni Sion, at kakalbuhin sila ni Yahweh.

  65. 1 Ngayon tungkol sa mga bagay na isinulat ninyo sa akin: May mga panahon na nakakabuti sa isang lalaki na huwag sumiping sa babae. 2 Ngunit dahil sa mga tukso ng mga mahalay na gawain, bawat lalaki ay dapat magkaroon ng sariling asawang babae at ang bawat babae ay dapat magkaroon din ng sariling asawang lalaki.

    3 Dapat ibigay ng asawang lalaki sa kaniyang asawa ang pang mag-asawang karapatan at ganoon din ang asawang babae sa kaniyang asawang lalaki. 4 Hindi ang babae ang may kapamahalaan sa kaniyang sariling katawan, kundi ang kaniyang asawang lalaki. At ganoon din, ang lalake hindi siya ang may kapamahalaan sa kaniyang sariling katawan, kundi ang kaniyang asawang babae.

    5 Huwag ninyong ipagkait sa isa't- isa ang pagsisiping, maliban sa napagkasunduan at sa isang takdang panahon. Gawin ninyo ito upang maitatalaga ang inyong mga sarili sa pananalangin. Pagkatapos magsama kayong muli upang hindi kayo matukso ni Satanas dahil sa kawalang pagtitimpi.

  66. 18 Sa anghel ng iglesia ng Tiatira isulat: 'Ito ang mga salita ng Anak ng Diyos, na may mga mata na katulad ng ningas ng apoy at mga paa na gaya ng pinakintab na tanso:'

    19 “Alam ko ang inyong mga ginawa — ang inyong pag-ibig, at panananampalataya, at paglilingkod, at ang inyong matiyagang pagtitiis at ang inyong mga ginawa kamakailan ay higit pa kaysa mga ginawa ninyo sa una.

    20 Pero mayroon akong laban sa inyo: pinahihintulutan ninyo ang babaeng si Jezebel, na tinatawag ang sarili niyang isang propeta. Sa pamamagitan ng kaniyang katuruan ay nililinlang niya ang aking mga lingkod na gumawa ng mga sekswal na imoralidad at kumain ng mga pagkaing inialay sa mga diyus-diyosan. 21 Binigyan ko siya ng oras para magsisi pero hindi maluwag sa kaniyang kalooban na magsisi sa kaniyang imoralidad.

    22 Bantayan ninyo! Ihahagis ko siya sa isang banig ng karamdaman, at ang mga gumawa ng pangangalunya kasama niya sa matinding pagdurusa, malibang sila ay magsisi sa anumang ginawa niya. 23 Hahampasin ko ang kaniyang mga anak hanggang mamatay, at ang lahat ng mga iglesia ay malalaman na ako ang siyang sumisiyasat sa mga kaisipan at mga nasain. Ibibigay ko sa bawat isa sa inyo ayon sa inyong ginawa.