90 Bible Verses About Wisdom
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
-
18 Sapagkat ang mensahe tungkol sa krus ay kamangmangan sa mga mamamatay. Ngunit para sa mga inililigtas ng Diyos, ito ay ang kapangyarihan ng Diyos. 19 Sapagkat nasusulat, “Sisirain ko ang karunungan ng marurunong. Bibiguin ko ang pang-unawa ng mga matatalino.”
20 Nasaan ang taong marunong? Nasaan ang dalubhasa? Nasaan ang debatista ng mundong ito? Hindi ba't pinalitan ng Diyos ang karunungan ng mundong ito ng kamangmangan? 21 Dahil ang mundo sa sarili nitong karunungan ay hindi kinilala ang Diyos, nalugod ang Diyos sa pamamagitan ng kamangmangan ng pangangaral na iligtas ang sinumang sumasampalataya.
22 Sapagkat humihiling ang mga Judio ng mga tanda ng himala at naghahangad ng karunungan ang mga Griyego. 23 Ngunit ipinapangaral namin si Cristo na napako, isang ikinatitisod ng mga Judio at kamangmangan sa mga Griyego. 24 Ngunit sa lahat ng mga tinawag ng Diyos, maging Judio at Griyego, ipinapangaral namin na si Cristo ang kapangyarihan at ang karunungan ng Diyos.
25 Sapagkat ang kamangmangan ng Diyos ay mas higit sa karunungan ng tao, at ang kahinaan ng Diyos ay higit sa kalakasan ng tao.
26 Tumingin kayo sa pagkatawag ng Diyos sa inyo, mga kapatid. Iilan lamang ang marurunong sa inyo sa pamamagitan ng pamantayan ng tao. Iilan lamang ang makapangyarihan sa inyo. Iilan lamang ang may maharlikang kapanganakan sa inyo. 27 Ngunit pinili ng Diyos ang mga bagay na mangmang sa mundo upang hiyain ang mga marurunong. Pinili ng Diyos kung anong mahihina sa mundo upang hiyain ang malakas.
-
2 Ituring ninyong kagalakan ito mga kapatid, kung nakakaranas kayo ng ibat-ibang kaguluhan, 3 dahil nalalaman ninyo na ang pagsubok sa inyong pananampalataya ay nagdudulot ng pagtitiis. 4 Hayaan ang pagtitiis na tapusin ang kaniyang gawa, upang kayo ay ganap na lumago, na walang kakulangan.
5 Ngunit kung sinuman sa inyo ay nangangailangan ng karunungan, hingin ninyo ito sa Diyos, ang mapagbigay at walang panunumbat sa lahat ng humihingi, at tutugunin niya ito. 6 Ngunit humingi nang may pananampalataya, nang walang pag-aalinlangan, sapagkat ang nagdadalawang isip ay katulad ng alon sa dagat, na tinatangay ng hangin, kung saan. 7 Sapagkat ang taong iyon ay hindi dapat mag-isip na matatanggap niya ang kaniyang kahilingan sa Panginoon, 8 ang ganitong tao ay dalawa ang pag-iisip at pabagu-bago sa lahat ng kaniyang ginagawa.
-
13 Sino sa inyo ang marunong at nakakaunawa? Hayaan ang taong iyan na ipakita ang kaniyang magandang buhay sa pamamagitan ng kaniyang mga gawa sa kapakumbabaan na nagmumula sa karunungan. 14 Ngunit kung mayroon kayong mapait na paninibugho at makasariling hangarin sa inyong puso, huwag kayong magmayabang at magsinungaling laban sa katotohanan. 15 Hindi ito ang karunungang nagmumula sa itaas, sa halip ay makamundo, hindi espiritwal, mula sa diyablo. 16 Sapagkat kung saan may paninibugho at makasariling hangaring umiiral, may pagkalito at masasamang pag-uugali.
17 Ngunit ang karunungang mula sa itaas unang-una ay dalisay, at maibigin sa kapayapaan, mahinahon, may nag-aalab na puso, puno ng awa at mabuting bunga, walang inaayunang ibang tao, at tapat. 18 At ang bunga ng katuwiran ay naitanim sa kapayapaan alang-alang sa mga gumagawa ng kapayapaan.
-
1 Anak, kung tatanggapin mo ang aking mga salita at paka-ingatan ang aking mga kautusan, 2 makinig sa karunungan at itutuon mo ang iyong puso sa pang-unawa. 3 Kung ikaw ay magmakaawa para sa kaunawaan at sumigaw para dito, 4 kung hahanapin mo ito kagaya ng paghahanap ng pilak at hahanapin mo ang pang-unawa kagaya ng paghahanap mo ng mga nakatagong kayamanan, 5 saka mo mauunawaan ang pagkatakot kay Yahweh at matatagpuan mo ang kaalaman ng Diyos. 6 Sapagkat si Yahweh ang nagbibigay ng karunungan, mula sa kanyang bibig nanggagaling ang kaalaman at kaunawaan. 7 Nag-iimbak siya ng tamang karunungan para sa mga taong nagbibigay kaluguran sa kanya, siya ay kalasag para sa mga lumalakad na may katapatan 8 binabantayan niya ang mga daan ng katarungan at pananatilihin niya ang landas ng mga tapat sa kanya. 9 Pagkatapos ay mauuunawaan mo ang katuwiran, katarungan, pagkamakatao at bawat mabuting landas. 10 Sapagkat ang karunungan ay darating sa iyong puso, at ang kaalaman ay magiging kalugod-lugod sa iyong kaluluwa.
-
7 At ngayon, Yahweh na aking Diyos, ginawa mong hari ang iyong lingkod kapalit ni David na aking ama, kahit na isa lamang akong bata. Hindi ko alam kung paano lumabas o pumasok. 8 Ang iyong lingkod ay nasa kalagitnaan ng mga taong pinili mo, dakilang bayan, masyadong marami para itala o bilangin.
9 Kaya bigyan mo ang iyong lingkod ng maunawaing puso para hatulan ang iyong bayan, para malaman ko ang mabuti at masama. Dahil sino ang may kakayahang hatulan ang dakilang bansa mo na ito?”
10 Ang kahilingan na ito ni Solomon ay ikinalugod ng Panginoon. 11 Kaya sinabi sa kaniya ng Diyos, “Dahil hiniling mo ang bagay na ito at hindi ka humiling para sa sarili mo ng mahabang buhay o kayamanan o ang buhay ng iyong mga kalaban, pero humiling ka para sa sarili mo ng kaunawaan para malaman ang katarungan. 12 Tingnan mo, ngayon gagawin ko ang lahat ng hiniling mo sa akin. Bibigyan kita ng may karunungan at maunawaing puso, sa gayon wala ng katulad mo na nauna sa iyo, at walang katulad mo ang mas hihigit na susunod sa iyo.
13 Binigay ko rin sa iyo ang hindi mo hiniling, ang parehong kayamanan at karangalan, para walang magiging katulad mo sa mga hari sa lahat ng iyong mga araw. 14 Kung lalakad ka sa aking mga paraan para sundin ang aking mga alituntunin at utos, tulad ng paglakad ng iyong ama na si David, pahahabain ko ang iyong mga araw.”
-
2 Ang mga kawikaan na ito ay para magturo ng karunungan at tagubilin, para magturo ng mga salita ng kaalaman, 3 upang kayo ay makatanggap nang pagtutuwid para mamuhay kayo sa paggawa ng kung ano ang tama, makatarungan at patas. 4 Ang mga kawikaan ay para din magbigay ng karunungan sa mga hindi pa naituro at para magbigay kaalaman at mabuting pagpapasya sa mga kabataan. 5 Hayaan ang mga matatalinong tao na makinig at dagdagan ang kanilang nalalaman, at hayaan ang mga nakakaintinding tao na makakuha ng patnubay, 6 para maunawaan ang mga kawikaan, mga kasabihan, at mga salita ng matatalinong tao at kanilang mga palaisipan. 7 Ang pagkatakot kay Yahweh ay ang simula ng kaalaman - ang mga hangal ay kinamumuhian ang karunungan at disiplina.
-
1 Nang pumunta ako sa inyo, mga kapatid, hindi ako pumariyan na may kahusayan ng pananalita o karunungan nang aking ipinahayag ang mga lihim na katotohanan tungkol sa Diyos. 2 Sapagkat nagpasya akong walang kilalanin nang ako ay nasa inyo maliban kay Jesu-Cristo na siyang ipinako sa krus. 3 At nakasama ninyo ako sa kahinaan, at pagkatakot, at sa matinding panginginig. 4 At ang aking mensahe at pagpapahayag ay hindi sa mapang-akit na pananalita ng karunungan. Sa halip, kasama ng mga ito ang pagpapakita ng Espiritu at ng kapangyarihan, 5 upang ang inyong pananampalataya ay hindi sa karunungan ng mga tao, kundi sa kapangyarihan ng Diyos.
6 Ngayon nagsasalita kami ng karunungan sa mga ganap, ngunit hindi ang karunungan ng mundong ito, o ng mga namumuno sa kapanahunang ito, na lumilipas. 7 Sa halip nagsasalita kami ng karunungan ng Diyos sa lihim na katotohanan, ang lihim na karunungang itinalaga ng Diyos bago pa ang mga panahon para sa ating kaluwalhatian. 8 Wala sa mga namumuno sa panahong ito ang nakakaalam ng ganitong karunungan, sapagkat kung naunawaan lang sana nila ito sa panahong iyon, hindi na sana nila ipinako sa krus ang Panginoon ng kaluwalhatian. 9 Ngunit gaya ng nasusulat, “Mga bagay na hindi nakita ng mata, na hindi narinig ng tainga, na hindi sumagi sa isipan, ang mga bagay na inihanda ng Diyos para sa mga umiibig sa kaniya.”
10 Ito ang mga bagay na inihayag ng Diyos sa atin sa pamamagitan ng Espiritu. Sapagkat sinasaliksik ng Espiritu ang lahat, kahit ang mga lihim ng Diyos. 11 Sapagkat sino ang nakakaalam sa iniisip ng tao, maliban ang espiritung nasa kaniya? Ganoon din, walang nakakaalam sa mga lihim ng Diyos maliban ang Espiritu ng Diyos. 12 Ngunit hindi natin tinanggap ang espiritu ng mundo, kundi ang Espiritu na siyang nagmula sa Diyos, upang maaari nating malaman ang mga bagay na kusang ibinigay sa atin ng Diyos. 13 Sinasabi namin ang tungkol sa mga bagay na ito sa pamamagitan ng salita na hindi kayang ituro sa pamamagitan ng karunungan ng tao, ngunit itinuro ng Espiritu sa amin. Ipinapaliwanag ng Espiritu ang mga espiritwal na mga salita sa espiritwal na karunungan.
14 Hindi makakatanggap ng mga bagay na nabibilang sa Espiritu ng Diyos ang hindi espiritwal na tao, sapagkat kahangalan ang mga ito sa kaniya. Hindi niya nakikilala ang mga ito dahil ang mga ito ay nakikilala sa pamamagitan ng espiritu. 15 Hahatulan ng isang espiritwal ang lahat ng bagay, ngunit hindi siya sakop sa paghahatol ng iba.
-
10 Piliin ninyo ang aking katuruan kaysa sa pilak at kaalaman kaysa purong ginto. 11 Dahil ako, ang Karunungan, ay mas mabuti kaysa sa mga hiyas; wala sa inyong ninanais ang maaaring maihalintulad sa akin. 12 Ako, ang Karunungan, ay namumuhay nang may Kabaitan, at aking taglay ang kaalaman at kahinahunan. 13 Ang pagkatakot kay Yahweh ay para kapootan ang kasamaan — kinapopootan ko ang pagmamataas at kayabangan, ang masamang paraan, at malaswang pananalita — kinapopootan ko sila. 14 Mayroon akong mabuting payo at maayos na karunungan; mayroon akong mahusay na pananaw, at taglay ko ang kalakasan. 15 Sa pamamagitan ko, ang mga hari ay naghahari—pati na taong mararangal, at lahat ng mga namumuno ng makatarungan. 16 Sa pamamagitan ko, ang mga prinsipe ay naghahari at ang mga mararangal at lahat ng namamahala nang may katarungan. 17 Mahal ko silang mga nagmamahal sa akin, at silang mga masisipag na humahanap sa akin ay matatagpuan ako. 18 Nasa akin ang mga kasaganaan at karangalan, walang maliw na kayamanan at katuwiran. 19 Ang aking bunga ay mas mabuti pa kaysa ginto, mas mabuti pa kahit sa pinong ginto; ang aking ibinibigay ay mas mabuti pa sa purong pilak. 20 Lumalakad ako sa daan na matuwid, sa mga landas na patungo sa katarungan, 21 para makapagbigay ako ng pamana sa mga nagmamahal sa akin at punuin ang kanilang mga imbakan ng yaman. 22 Nilikha ako ni Yahweh mula pa noong pasimula — ang una sa kaniyang mga ginawa noong unang panahon. 23 Mula pa noong unang panahon, inilagay na ako sa pagkalalagyan—mula ng una, mula pa sa pasimula ng mundo.
-
8 Huwag sawayin ang mangungutya, o kamumuhian ka niya; magtuwid ng matalinong tao, at mamahalin ka niya. 9 Magbigay ng gabay sa matalinong tao, at siya ay magiging mas matalino; turuan ang matuwid na tao, at dadagdag ang kaniyang pagkatuto. 10 Ang takot kay Yahweh ang simula ng karunungan, at ang kaalaman sa Isang Banal ay kaunawaan. 11 Dahil sa pamamagitan ko ang mga araw mo ay dadami, at dadagdag ang taon ng buhay mo. 12 Kung matalino ka, matalino ka para sa sarili mo, pero kung mangungutya ka, dadalhin mo ito nang mag-isa.”
-
13 Siya na nakasusumpong ng karunungan ay masaya, siya din ay nakakuha ng kaunawaan. 14 Ang matatamo ninyo sa karunungan ay mas mabuti kaysa sa maibibigay ng pilak at ang pakinabang ay mas mabuti kaysa sa ginto. 15 Ang karunungan ay mas mahalaga kaysa sa mga hiyas at wala sa mga ninanais mo ang maikukumpara sa kaniya. 16 Mayroon siyang haba ng mga araw sa kaniyang kanang kamay; sa kaniyang kaliwang kamay ay mga kayamanan at karangalan. 17 Ang kaniyang mga daan ay mga daan ng kabaitan at lahat ng kaniyang mga landas ay kapayapaan. 18 Siya ay isang puno ng buhay sa mga humahawak dito, ang mga kumakapit dito ay masasaya. 19 Sa pamamagitan ng karunungan itinatag ni Yahweh ang mundo, sa pamamagitan ng pang-unawa itinayo niya ang kalangitan. 20 Sa pamamagitan ng kaniyang kaalaman, ang mga kailaliman ay bumukas at ibinagsak ng mga ulap ang kanilang hamog. 21 Aking anak, panatilihin ang mahusay na pagpapasya at talas ng pag-iisip, at huwag mawala ang paningin sa mga ito. 22 Ang mga ito ay buhay sa iyong kaluluwa at isang palamuti ng pabor para isuot sa iyong leeg. 23 Pagkatapos ikaw ay lalakad sa iyong daan sa kaligtasan at ang iyong paa ay hindi madarapa;
-
29 Binigyan ng Diyos si Solomon ng kahanga-hangang karunungan at pag-unawa, at malawak na pag-unawa gaya ng mga buhangin sa dalampasigan. 30 Ang karunungan ni Solomon ay higit pa sa karunungan ng lahat ng bayan ng silangan at sa lahat ng karunungan ng Ehipto. 31 Mas matalino pa siya kaysa sinumang tao-kaysa kay Etan na Ezrahita, Heman, Calcol, at Darda, mga anak na lalaki ni Machol-at ang kaniyang katanyagan ay umabot sa lahat ng nakapaligid na mga bansa.
32 Siya ay nagsasalita ng tatlong libong kawikaan, at ang kaniyang mga awit ay isang libo't lima ang bilang. 33 Isinalarawan niya ang mga halaman, mula sa sedar na nasa Lebanon hanggang sa hisopong tumutubo sa pader. Pinaliwanag niya rin ang tungkol sa mga hayop, mga ibon, mga bagay na gumagapang, at isda.
34 Dumating ang mga taong galing sa lahat ng mga bansa para pakinggan ang karunungan ni Solomon, pinadala mula sa mga hari ng daigdig na nakarinig ng kaniyang karunungan.
-
9 Dahil sa pag-ibig na ito, mula sa araw na narinig namin ito, hindi kami tumigil na manalangin para sa inyo. Hinihiling namin na kayo ay mapuspos ng kaalaman ng kaniyang kalooban sa lahat ng karunungan at pang-unawang espirituwal. 10 Ipinapanalangin namin na lumakad kayo na karapat- dapat sa Panginoon sa mga kalugod-lugod na paraan. Ipinapanalangin namin na mamunga kayo sa bawat mabubuting gawa at ng lumago kayo sa inyong kaalaman sa Diyos.
-
20 Umiiyak ng malakas sa lansangan ang karunungan, kaniyang nilalakasan ang kaniyang boses sa isang liwasang-bayan, 21 sa gitna ng maingay na lansangan siya ay umiyak, sa pasukan ng lungsod ng tarangkahan siya ay nagsalita. 22 “Kayong mga walang karunungan, Gaano katagal ninyo mamahalin ang inyong hindi naiintindihan? Kayong mga nangungutya, gaano kayo katagal magalak sa pangungutya at kayong mga hangal, gaano kayo katagal mamumuhi sa kaalaman? 23 Bigyang pansin ang aking paninita; ibubuhos ko ang aking saloobin sa inyo, ipapaalam ko ang salita ko sa inyo. 24 Ako ay tumawag, at kayo ay tumangging makinig; inaabot ko sila ng aking kamay, ngunit walang nagbigay pansin. 25 Ngunit isinawalang bahala ninyo ang aking mga bilin at hindi ninyo binigyan ng pansin ang aking pagsasaway. 26 Tatawanan ko kayo sa inyong kapamahakan, kukutyain ko kayo kapag dumating ang malaking takot —
-
5 Magtiwala kay Yahweh ng buong puso at huwag umasa sa sarili mong pang-unawa; 6 sa lahat ng iyong ginagawa ay kilalanin siya at gagawin niyang matuwid ang iyong mga landas. 7 Huwag maging marunong sa iyong sariling mga mata; matakot kay Yahweh at talikuran ang kasamaan. 8 Ito ay kagalingan sa iyong laman at inuming makapagpanibagong sigla para sa iyong katawan.
-
19 Nang gabing iyon, naihayag ang lihim kay Daniel sa isang pangitain. At pinuri ni Daniel ang Diyos ng kalangitan 20 at sinabi, “Purihin ang pangalan ng Diyos ng walang hanggan at magpakailanman; sapagkat ang karunungan at kapangyarihan ay sa kaniya. 21 Binabago niya ang mga panahon at mga kapanahunan; tinatanggal niya ang mga hari at inilalagay ang mga hari sa kanilang mga trono. Nagbibigay siya ng karunungan sa matalino at kaalaman sa mga mayroong pag-unawa. 22 Inihahayag niya ang malalim at nakatagong mga bagay dahil alam niya ang mga nasa kadiliman at ang liwanag ay nananahan sa kaniya. 23 Diyos ng aking mga ninuno, pinasasalamatan at pinupuri ko kayo para sa karunungan at kapangyarihan na ibinigay ninyo sa akin. Ngayon, ipinaalam mo sa akin kung ano ang aming ipinapanalangin sa iyo; ipinaalam mo sa amin ang bagay na nagpapaalala sa hari.”
-
30 Dahil sa ginawa ng Diyos, kayo ngayon ay na kay Cristo Jesus na naging karunungan natin na mula sa Diyos. Siya ang ating naging katuwiran, kabanalan, at katubusan. 31 Kaya nga, gaya ng sinabi ng kasulatan, “Kung ang isa man ay magmamalaki, ipagmalaki niya ang Panginoon,”
-
16 Hindi ako tumigil sa pagpapasalamat sa Diyos tungkol sa inyo at pagbanggit sa inyo sa aking mga panalangin. 17 Ipinapanalangin ko na ang Diyos ng ating Panginoong Jesu-Cristo, ang Ama ng kaluwalhatian, ay magbigay sa inyo ng espiritu ng karunungan at kapahayagan ng kaniyang kaalaman.
18 Ipinapanalangin ko na ang mga mata ng inyong puso ay maliwanagan upang malaman ninyo kung ano ang inaasahan ng ating pagkakatawag. Ipinapanalangin ko na malaman ninyo ang yaman ng kaluwalhatian ng kaniyang pamana sa kanila na binukod para sa kaniya. 19 Ipinapanalangin ko na malaman ninyo ang hindi masukat na kadakilaan ng kaniyang kapangyarihan sa atin na mga nanampalataya. Ang kadakilaang ito ay ayon sa pagkilos sa kalakasan ng kaniyang kapangyarihan.
-
1 Nagsalita si Yahweh kay Moises, 2 “Tingnan mo, tinawag ko sa pangalan si Bezalel anak na lalaki ni Uri na anak na lalaki ni Hur, mula sa lipi ni Juda. 3 Pinuno ko si Bezalel ng aking Espiritu, para bigyan siya ng karunungan, pang-unawa, at kaalaman, para sa lahat ng uri ng gawain, 4 para gumawa ng pang-sining na mga disenyo at para sa paggawa sa ginto, pilak, at tanso; 5 para rin sa pagputol at paglagay ng mga bato at para sa pang-ukit ng kahoy-para gawin ang lahat ng uri ng gawain.
-
1 Isang sibol ang magmumula sa ugat ni Jesse, at ang isang sanga mula sa kaniyang ugat ang magbubunga. 2 Mapapasakanya ang espiritu ni Yahweh, espiritu ng karunungan at pang-unawa, espiritu ng paggabay at kapangyarihan, ang espiritu ng kaalaman at takot kay Yahweh. 3 Ang pagkatakot kay Yahweh ang magiging kagalakan niya; hindi siya manghahatol ayon sa nakikita ng kaniyang mga mata, ni magpapasya ayon sa naririnig ng kaniyang tainga.
-
10 Ang parangalan si Yahweh ay simula ng karunungan; ang mga gumagawa ng kaniyang mga tagubilin ay mayroong mabuting pang-unawa. Ang kaniyang kapurihan ay mananatili magpakailanman.
-
28 Sa mga tao sinabi niya, 'Tingnan ninyo, ang takot sa Panginoon — iyan ang karunungan; ang lumayo sa kasamaan ay pang-unawa.”
-
1 Ang karunungan ay nagtayo ng kaniyang tahanan; nag-ukit siya ng pitong mga poste mula sa bato. 2 Hinanda niya ang mga karne niya para ihain sa hapunan; hinalo niya ang kaniyang alak; at inihanda niya ang kaniyang hapag-kainan. 3 Nagpadala siya ng mga paanyaya kasama ang mga lingkod niyang babae at tumatawag siya mula sa pinakamataas na dako ng lungsod: 4 “Hayaan ang mga hindi naturuan na lumapit dito!” sinasabi niya roon sa mga walang alam. 5 “Lumapit kayo, kainin ninyo ang aking pagkain, at inumin ang alak na aking hinalo. 6 Iwanan na ninyo ang mga kaparaanan ng kamangmangan upang kayo ay mabuhay; lumakad sa daan ng pang-unawa.
-
6 Ang nangungutya ay naghahanap ng karunungan at walang makita, ngunit ang kaalaman ay madaling dumating sa taong may pang-unawa. 7 Umiwas mula sa isang taong hangal, dahil ikaw ay hindi makakakita ng kaalaman sa kaniyang mga labi. 8 Ang karunungan ng taong maingat ay para maunawaan ang kaniyang sariling paraan, ngunit ang kamangmangan ng mga hangal ay panlilinlang.
-
18 Huwag ninyong dayain ang inyong mga sarili. Kung ang sinuman sa inyo ay nag-iisip na siya ay marunong sa panahong ito, hayaan siyang maging “mangmang” upang magtamo siya ng karunungan. 19 Sapagkat ang karunungan sa mundong ito ay kamangmangan sa Diyos. Sapagkat nasusulat, “Hinuhuli niya ang marunong sa kaniyang katusuhan”. 20 At gayun din, “Alam ng Panginoon na ang mga pangangatuwiran ng marunong ay walang saysay.”
-
12 Kaya turuan mo kaming isaalang-alang ang aming buhay para mamuhay kami ng may karunungan.
-
97 O iniibig ko ang iyong batas! Ito ang pinagninilayan ko buong araw. 98 Higit akong pinatatalino ng mga kautusan mo kaysa sa mga kaaway ko, dahil lagi kong kasama ang mga kautusan mo. 99 Mayroon akong higit na pang-unawa kaysa sa lahat ng aking mga guro, dahil pinagninilayan ko ang mga utos mo sa tipan. 100 Higit akong nakauunawa kaysa sa mga nakatatanda sa akin; dahil ito sa pagsunod ko sa iyong mga tagubilin.
-
5 Pagsumikapan na magkaroon ng karunungan at kaunawaan; huwag kalilimutan at huwag tatanggihan ang mga salita sa aking bibig; 6 huwag iiwanan ang karunungan at ikaw ay kaniyang babantayan; mahalin mo ito at pananatilihin kang ligtas. 7 Ang karunungan ay ang pinakamahalagang bagay, kaya pagsumikapan ang karunungan at gamitin lahat ng mayroon ka para ikaw ay maaaring makakuha nang pang-unawa.
-
33 O, napakayaman ng Diyos sa karunungan at kaalaman! Hindi masuri ang kaniyang mga hatol, at ang kaniyang mga kaparaanan ay hindi kayang matuklasan! 34 “Sapagkat sino ang nakakaalam ng isipan ng Panginoon? O sino ang naging tagapayo niya? 35 O sino ang nagbigay ng una sa Diyos, upang ito ay bayaran sa kaniya?” 36 Sapagkat mula sa kaniya, at sa pamamagitan niya, at sa kaniya, ang lahat ng mga bagay. Sa kaniya ang kaluwalhatian magpakailanman. Amen.
-
12 Sa mga taong may edad ay karunungan; sa kahabaan ng mga araw ay pang-unawa. 13 Sa Diyos ay may karunungan at kalakasan; mayroon siyang mabuting kaisipan at pang-unawa.
-
16 Higit na mainam ang pagtamo ng karunungan kaysa ginto. Ang pagtamo ng kaunawaan ay dapat higit na piliin kaysa pilak.
-
16 Hayaang mamuhay ang salita ni Cristo ng masagana sa inyo. Buong karunungang turuan at pagsabihan ninyo ang isa't isa sa pamamagitan ng salmo at himno, at mga awiting espiritwal. Umawit kayo ng may pasasalamat sa inyong mga puso para sa Diyos.
-
1 Hindi ba nananawagan ang Karunungan? Hindi ba itinataas ng Pang-unawa ang kaniyang tinig? 2 Sa mga taluktok ng bundok sa tabi ng daan, sa mga daang nagsasalubong, ang Karunungan ay naninindigan. 3 Sa tabi ng mga pasukan sa lungsod, malapit sa tarangkahan ng mga lungsod, siya ay nananawagan. 4 Mga mamamayan, tinatawag ko kayo at itinataas ko ang aking tinig sa mga anak ng sangkatauhan. 5 Kayong mga hindi naturuan, dapat ninyong maintindihan ang katalinuhan at kayong kinasusuklaman ang kaalaman, kayo ay dapat magkaroon ng isang maunawaing puso. 6 Makinig kayo at magsasalita ako ng mga mararangal na bagay at kapag bumuka ang aking mga bibig ay sasabihin ko kung ano ang tama—
-
1 Huwag kang mainggit sa mga masasama, ni hangarin na makisama sa kanila, 2 dahil ang kanilang mga puso ay nagbabalak ng karahasan, at ang kanilang mga labi ay nag-uusap tungkol sa kaguluhan. 3 Sa pamamagitan ng karunungan ang isang bahay ay naitatayo at sa kaunawaan ito ay naitatatag. 4 Sa kaalaman ang mga silid ay puno ng lahat ng mga mamahalin at kaaya-ayang kayamanan. 5 Ang isang matalinong tao ay nagpapatunay na malakas, at ang isang taong mayroong kaalaman ay mas maigi kaysa sa isang malakas, 6 sapagkat sa matalinong mga utos kaya mong itaguyod ang iyong digmaan, at kasama ang maraming mga tagapangaral mayroong tagumpay. 7 Ang karunungan ay masyadong mataas para sa isang mangmang; sa tarangkahan hindi niya binubuksan ang kaniyang bibig.
-
12 Saan kaya matatagpuan ang karunungan? Saan kaya ang lugar ng pang-unawa? 13 Hindi alam ng tao ang halaga nito; ni hindi ito natatagpuan sa lupain ng mga buhay. 14 Sinasabi ng malalim na mga tubig sa ilalim ng lupa, “Wala ito sa akin'; Sinasabi ng karagatan, “Wala ito sa akin.' 15 Hindi ito matatamo kapalit ng ginto; ni hindi matitimbang ang pilak bilang presyo nito. 16 Hindi ito matutumbasan ng ginto ng Ofir, ng mahalagang oniks o safiro. 17 Ang halaga nito ay hindi matutumbasan ng ginto at kristal; ni hindi ito maipagpapalit sa mga alahas ng mainam na ginto.
-
2 Kapag dumating ang pagmamataas, saka dumarating ang kahihiyan, pero sa kapakumbabaan dumarating ang karunungan.
-
24 Kaya ang lahat ng nakikinig sa aking mga salita at sumusunod sa kanila ay maihahalintulad sa isang matalinong tao na nagtayo ng kaniyang bahay sa isang bato. 25 Bumuhos ang ulan at bumaha, umihip ang hangin at hinagupit ang bahay ngunit hindi ito bumagsak, sapagkat ito ay natatayo sa bato.
26 Subalit lahat ng nakarinig sa aking mga salita at hindi sinusunod ang mga ito ay mahahalintulad sa isang taong mangmang na nagtayo ng kaniyang bahay sa buhanginan. 27 Bumuhos ang ulan, bumaha, umihip ang hangin at hinagupit ang bahay. At ito ay bumagsak at nawasak nang tuluyan.”
-
30 Ang bibig ng matuwid ay nagsasalita ng karunungan at nagdaragdag ng katarungan.
-
24 Yahweh, kayrami at iba't iba ang iyong mga gawa! Ginawa mo ang lahat ng mga iyon nang may karunungan; umaapaw ang daigdig sa mga gawa mo.
-
20 Sinumang pinagninilay-nilayan ang itinuturo sa kanila ay makakasumpong nang mabuti at iyong mga nagtitiwala kay Yahweh ay masisiyahan. 21 Ang isang marunong sa kanyang puso ay tatawaging marunong makita ang kaibhan, at pinahuhusay ng matamis na pananalita ang kakayahang magturo. 22 Ang kaunawaan ay isang bukal ng buhay sa isang mayroon nito, pero ang kaparusahan ng mga hangal ay ang kanilang kahangalan. 23 Ang puso ng isang marunong na tao ay nagbibigay ng mahusay na panananaw sa kaniyang bibig at nagdadagdag ng panghihikayat sa kaniyang mga labi. 24 Ang kaaya-ayang mga salita ay isang pulot-pukyutan - matamis sa kaluluwa at kagalingan sa mga buto.
-
12 Pagkatapos bumaling ako para pagtuunan ang karunungan, gayundin ang kabaliwan at kahangalan. Para ano ang maaaring gawin ng susunod na hari, na hindi pa rin nagagawa? 13 Pagkatapos nagsimula kong maunawaan na ang karunungan ay mayroong kalamangan sa kamangmangan, gaya ng liwanag na mas mabuti kaysa kadiliman. 14 Ang matalinong tao ay ginagamit ang kaniyang mga mata sa kaniyang ulo para makita ang kaniyang patutunguhan, pero ang mangmang ay naglalakad sa kadiliman, kahit na alam kong iisang kapalaran ang nakalaan sa lahat. 15 Pagkatapos sinabi ko sa aking puso, “Kung ano ang mangyayari sa mangmang ay mangyayari rin sa akin. Kaya anong mayroong pagkakaiba kung ako ay napakatalino?” Napagpasyahan ko na sa aking puso, “Ito man ay parang singaw lamang.”
16 Para sa matalinong tao, tulad ng mangmang, ay hindi na maaalala sa mahabang panahon. Sa mga darating na mga panahon ang lahat ay matagal na kalilimutan. Ang taong matatalino ay mamamatay katulad lang ng mangmang.
-
26 Kaya sa isang taong nagbibigay lugod sa kaniya, ibinibigay ng Diyos ang karunungan, kaalaman at kagalakan. Gayun man, sa makasalanan ibinibigay niya ang gawain ng pag-iipon at pagtatabi para maaari niyang ibigay ito sa isang taong nagbibigay kaluguran sa Diyos. Ito rin ay katumbas ng singaw at isang pagtangkang habulin ang hangin.
-
1 Ano ang isang taong matalino? Ito ay isang taong nakakaalam ng kahulugan ng mga kaganapan sa buhay. Ang karunungan sa isang tao ay nagpapaningning ng kaniyang mukha, at ang katigasan sa kaniyang mukha ay nagbabago.
-
13 Nakita ko rin ang karunungan sa ilalim ng araw sa paraan na kahanga-hanga para sa akin. 14 Mayroong isang maliit na lungsod na may kaunting mamamayan, at may isang malakas na haring dumating laban dito, sinalakay ito at nagtayo ng mga malalaking rampang pangsalakay dito.
15 Ngayon sa lungsod na iyon, mayroong isang mahirap na matalinong lalaki, na sa pamamagitan ng kaniyang karunungan ay nailigtas niya ang lungsod. Ngunit kinalaunan, walang nakaalala sa mahirap na taong iyon. 16 Kaya pinagpalagay ko, “Ang karunungan ay mas mainam kaysa sa kalakasan, ngunit ang karunungan ng mahirap na tao ay hinamak at ang kaniyang mga salita ay hindi pinakinggan.” 17 Ang mga salita ng matatalino na sinabi nang pabulong ay mas naririnig kaysa sa mga sigaw ng sinumang pinuno sa mga mangmang. 18 Ang karunungan ay mas mabuti kaysa sa mga sandata sa digmaan, ngunit kayang sirain ng isang makasalanan ang maraming kabutihan.
-
18 Sapagkat naihayag ang poot ng Diyos mula sa langit laban sa lahat ng kasamaan at kawalan ng katuwiran ng mga tao na sa pamamagitan ng kawalan ng katuwiran ay hinahadlangan ang katotohanan. 19 Ito ay dahil ang maaaring malaman tungkol sa Diyos ay nakikita nila. Sapagkat niliwanagan sila ng Diyos. 20 Sapagkat ang kaniyang likas na hindi nakikita ay malinaw na nakikita simula pa noong likhain ang mundo. Nauunawaan ang mga ito sa pamamagitan ng mga nilikhang bagay. Ang mga likas na ito ay ang kaniyang walang hanggang kapangyarihan at ang kaniyang pagka-Diyos. Kung kaya, ang mga taong ito ay walang maidadahilan.
21 Sapagkat kahit kilala nila ang Diyos, siya ay hindi nila niluwalhati bilang Diyos, ni hindi nila siya pinasalamatan. Sa halip, naging hangal sila sa kanilang pag-iisip at nagdilim ang manhid nilang mga puso. 22 Sila ay nagmamarunong ngunit sila ay naging mga hangal. 23 Ipinagpalit nila ang kaluwalhatian ng Diyos na walang kamatayan para sa katulad ng imahe ng taong namamatay, ng mga ibon, ng mga hayop na may apat na paa, at ng mga nagsisigapang.
-
15 Kaya mag-ingat kayo kung paano kayo lumakad, hindi tulad ng mangmang na mga tao kundi katulad ng matalino. 16 Samantalahin ninyo ang panahon sapagkat ang mga araw ay masama. 17 Huwag kayong maging hangal. Sa halip, unawain kung ano ang kalooban ng Panginoon.
-
33 Ang takot kay Yahweh ay nagtuturo ng karunungan, at ang pagpapakumbaba ay nauuna bago ang karangalan.
-
8 Ang nagsisikap na magkaroon ng karunungan ay nagmamahal sa kaniyang sariling buhay; ang nagpapanatili sa pang-unawa ay makatatagpo ng kabutihan.
-
26 Ang isa na nagtitiwala sa kaniyang sariling puso ay isang hangal, pero ang isang lumalakad sa karunungan ay lalayo mula sa kapahamakan.
-
16 Nang ginamit ko ang aking puso upang malaman ang karunungan at maunawaan ang gawaing naganap sa ibabaw ng mundo, ang gawaing madalas nagaganap nang walang tulog para sa mga mata sa gabi o sa araw, 17 at namasdan ko lahat ng gawain ng Diyos at hindi maunawaan ng tao ang gawaing ginawa sa ilalim ng araw. Gaano man ang pagsisikap ng tao para hanapin ang mga kasagutan, hindi niya ito mahahanap. Kahit na sa paniwala ng isang matalino ay alam na niya ang lahat, sa totoo lang hindi niya alam.
-
4 Ngayon ay may iba't ibang mga kaloob, ngunit iisang Espiritu. 5 At may iba't ibang mga ministeryo ngunit parehong Panginoon. 6 At may iba't ibang uri ng mga gawain ngunit iisa ang Diyos na gumagawa upang mangyari ito sa bawat isa.
7 Ngayon naibigay sa bawat isa ang panlabas na paghahayag ng Espiritu na kapaki-pakinabang sa lahat. 8 Sapagkat nabigyan ang iba ng Espiritu na makapagsalita ng karunungan, at sa iba ay makapagsalita ng may kaalaman sa pamamagitan ng iisang Espiritu. 9 Sa iba naman ay binibigay niya ang pananampalataya sa pamamagitan ng iisang Espiritu at sa iba naman ay kaloob na magpagaling sa pamamagitan ng iisang Espiritu. 10 Binibigay niya sa iba ang paggawa ng may kapangyarihan, at propesiya sa iba. Binibigay niya sa iba ang kakayahang masuri ang mga espiritu, sa iba ay iba't ibang uri ng mga wika at sa iba ay pagbibigay-kahulugan ng mga wika. 11 Ngunit iisang Espiritu ang gumagawa sa lahat ng mga ito, binibigay ang mga kaloob sa bawat isa, ayon sa pinili niya.
-
12 Binibigo niya ang mga balak ng mga tuso, para hindi makamit ang mga binalak nila. 13 Binibitag niya ang mga matatalino sa kanilang katusuhan; ang mga plano ng matatalino ay matatapos din.
-
8 Silang mga maunawain ay tumatanggap ng mga utos, ngunit ang isang madaldal na hangal ay mapapahamak. 9 Ang siyang lumalakad sa katapatan ay lumalakad sa kaligtasan, subalit ang isa na gumagawa ng kabuktutan, siya ay malalantad.
-
13 Aking anak, kumain ng pulot dahil ito ay mabuti, dahil ang mga katas ng pulut-pukyutan ay matamis sa iyong panlasa. 14 Katulad nito ang karunungan para sa iyong kaluluwa— kung nahanap mo ito, magkakaroon ng kinabukasan at ang iyong pag-asa ay hindi mapuputol.
-
10 Huwag sabihin, “Bakit ang mga nakaraang mga araw ay mas mabuti kaysa sa mga ito? Ngunit ito ay hindi dahil sa karunungan kaya tinanong n'yo ito. 11 Ang karunungan ay kasing-inam ng mahahalagang mga bagay na ating minana mula sa ating mga ninuno. Nagdudulot ito ng mga pakinabang sa mga nakakakita sa araw. 12 Sapagkat ang karunungan ay nagdudulot ng pangangalaga gaya ng pagdudulot ng salapi nang pangangalaga, ngunit ang kalamangan ng kaalaman ay nagbibigay ng buhay ang karunungan sa sinumang mayroon nito. 13 Pag-isipan ang mga ginawa ng Diyos: Sino ang maaaring magtuwid ng anumang bagay na ginawa niyang baluktot? 14 Kapag mabuti ang mga panahon, masayang mamuhay sa kabutihang iyon, ngunit kapag masama ang mga panahon, pag-isipan ito: ipinahintulot ng Diyos na magkatabing mamalagi ang dalawang ito. Sa kadahilanang ito, walang isa man ang makakaalam ng anumang bagay na darating sa kaniya.
-
21 Kaawa-awa silang matalino sa sarili nilang mga mata, at marunong sa sarili nilang pang-unawa!
-
13 Sinabi ng Panginoon, “Ang bayang ito ay lumalapit sa akin gamit ang kanilang bibig at pinararangalan ako gamit ang kanilang mga labi, pero malayo ang kanilang puso sa akin. Ang pagpaparangal nila sa akin ay isang kautusan na itinuro ng mga tao. 14 Kaya nga, tingnan ninyo, magpapatuloy akong gumawa ng kamangha-manghang bagay sa mga taong ito, kababalaghan kasunod ng isa pang kababalaghan. Ang karunungan ng kanilang matatalinong tao ay mawawala, at ang pang-unawa ng kanilang mga nakakaunawang mga tao ay maglalaho.”
-
23 Ito ang sinasabi ni Yahweh, “Huwag ninyong hayaang magyabang ang mga matatalino sa kanilang karunungan o ang mandirigma sa kaniyang kalakasan. Huwag ninyong hayaang magyabang ang mayamang tao sa kaniyang kayamanan. 24 Sapagkat kung magyayabang ang isang tao sa anumang bagay, ito dapat ang mayroon sa kaniya, na mayroon siyang pang-unawa at pagkilala sa akin. Sapagkat ako si Yahweh, na gumagawa ng matapat na kasunduan, katarungan at katuwiran sa sanlibutan. Sapagkat ito ang mga bagay na aking kinagagalak. Ito ang pahayag ni Yahweh.”
-
9 Sino ang matalino upang maunawaan niya ang mga bagay na ito? Sino ang nakakaunawa sa mga bagay na ito upang kaniyang makilala ang mga ito? Sapagkat ang mga daan ni Yahweh ay matuwid, at ang matuwid ay lalakad sa mga ito, ngunit ang mga sumusuway ay madadapa sa mga ito.
-
54 Pagkatapos ay pumasok si Jesus sa kaniyang sariling rehiyon at nagturo sa mga tao sa kanilang mga sinagoga. Ang kinalabasan nito ay namangha sila at sinabi, “Saan kinuha ng taong ito ang kaniyang karunungan at saan nagmula ang mga himalang ito?
-
14 Kaya pagtibayin ninyo sa inyong puso na huwag ihanda ang inyong isasagot nang maagang panahon, 15 sapagkat ibibigay ko sa inyo ang mga salita at karunungan, na hindi malalabanan at matutulan ng lahat ng iyong kaaway.
-
4 Nang makita ng reyna ng Seba ang lahat ng karunungan ni Solomon, ang palasyo na kaniyang itinayo, 5 ang pagkain sa kaniyang hapag-kainan at mga tirahan ng kaniyang mga lingkod at kanilang mga gawain at kanilang mga kasuotan, at saka mga taga-silbi niya ng inumin at ang paraan kung paano siya nag-alay ng mga handog na susunugin sa templo ni Yahweh, wala ng espiritu sa kaniya.
6 Sinabi niya sa hari, “Totoo nga, ang balita na aking narinig sa sarili kong lupain tungkol sa iyong mga salita at iyong karunungan. 7 Hindi ko mapaniwalaan ang aking narinig hanggang sa dumating ako rito, at ngayon ay nakita ito ng aking mga mata. Wala pa pala sa kalahati ang nasabi sa akin tungkol sa iyong karunungan at kayamanan! Nahigitan mo ang katanyagan na aking nabalitaan. 8 Pinagpala ang iyong bayan, at pinagpala ang iyong mga lingkod na palaging nasa iyong harapan, dahil naririnig nila ang iyong karunungan.
-
36 Sino ang naglagay ng karunungan sa mga ulap o nagbigay ng pang-unawa sa mga ambon? 37 Sino ang makabibilang ng mga ulap sa pamamagitan ng kaniyang kahusayan? Sino ang kayang magbuhos ng tubig sa himpapawid
-
33 Ituro mo, Yahweh, ang pamamaraan ng iyong mga alituntunin, at iingatan ko ang mga ito hanggang sa katapusan. 34 Bigyan mo ako ng pang-unawa at iingatan ko ang iyong utos; buong puso ko itong susundin. 35 Gabayan mo ako sa landas ng mga kautusan mo dahil nasisiyahan akong lumakad dito.
-
1 Aking anak na lalaki, bigyang pansin ang aking karunungan; makinig mabuti sa aking kaunawaan, 2 upang ikaw ay matuto tungkol sa mabuting pagpapasya, at ang iyong mga labi ay maaaring pangalagaan ang kaalaman.
-
10 Ang pagmamataas ay nagbubunga lamang ng pag-aaway-away, pero mayroong karunungan para sa mga nakikinig ng mabuting payo.
-
20 Ang pinakamahal na yaman at langis ay nasa tahanan ng matalino, ngunit inaaksaya ito ng mangmang na lalaki. 21 Ang gumagawa ng tama at mabait—ang taong ito ay makasusumpong ng buhay, katuwiran at karangalan.
-
30 Walang karunungan, pag-unawa o payo na kayang makatalo kay Yahweh.
-
16 Sinabi ko sa aking puso, “Masdan, ang nakamit kong karunungan ay higit kaysa mga nauna sa akin sa Jerusalem. Nakita ng aking isip ang malawak na karunungan at kaalaman.
17 Kaya inilagay ko sa aking puso na matutunan ang karunungan at maging kabaliwan at kahangalan din. Naintindihan ko rin na ito ay isang pagtangkang habulin ang hangin. 18 Dahil sa kasaganaan ng karunungan ay maraming kabiguan, at siya na nagdaragdag nang kaalaman ay nagdaragdag nang kalungkutan.
-
5 Sinumang sumusunod sa mga utos ng hari ay lumalayo sa kapahamakan. Ang isang matalinong puso ng tao ay nakikilala ang nararapat na landas at oras ng pagkilos.
-
52 At si Jesus ay patuloy na lumaki sa karunungan at pangangatawan at lalong kinalugdan ng Diyos at ng mga tao.
-
2 Taimtim na magpatuloy sa panalangin. Manatiling handa sa pasasalamat. 3 Manalangin kayo ng sama-sama para sa amin, na magbukas ang Diyos ng pagkakataon para sa kaniyang salita upang sabihin ang lihim na katotohanan ni Cristo. Dahil dito, iginapos ako. 4 At manalangin na magawa ko ito ng malinaw gaya ng nararapat kong sabihin.
5 Lumakad sa karunungan para sa mga hindi mananampalataya at pahalagahan ang pagkakataon. 6 Ang inyong pananalita nawa ay laging may biyaya, na magkalasang asin, upang malaman ninyo kung paano dapat sumagot sa bawat tao.
-
6 Masdan mo, sa aking puso ang ninanais mo ay ang pagiging-mapagkakatiwalaan; sa aking puso ipaaalam mo ang karunungan.
-
43 Dapat tandaan ng sinuman ang mga bagay na ito at magnilay-nilay sa tipan na pagkilos ni Yahweh.
-
32 At ngayon, aking mga anak na lalaki, makinig kayo sa akin, dahil silang mga nananatili sa aking mga pamamaraan ay magiging masaya. 33 Makinig kayo sa aking katuruan at maging marunong; huwag kaligtaan ito. 34 Ang siyang nakikinig sa akin ay magiging masaya — nagmamasid bawat araw sa aking mga tarangkahan, naghihintay sa akin sa tabi ng mga pintuan ng aking tahanan. 35 Dahil ang sinumang nakakatagpo sa akin ay nakakatagpo ng buhay, at matatagpuan niya ang kagandahang loob ni Yahweh. 36 Pero siya na nabibigong matagpuan ako ay pinapahamak ang kaniyang sarili; ang lahat ng namumuhi sa akin ay umiibig sa kamatayan.”
-
30 Sila na gumagawa ng tama ay tulad ng isang puno ng buhay, pero ang karahasan ay bumabawi ng mga buhay.
-
33 Ang karunungan ay nasa puso ng nakakakilala ng mabuti, ngunit sa kasamahan ng mga hangal ay ibinunyag niya ng kaniyang sarili.
-
3 Sinuman ang nagmamamahal sa karunungan ay nagagawa ang kaniyang ama na magdiwang, ngunit ang isang nananatiling kasama ang mga masasamang tao ay sinisira ang kaniyang kayamanan.
-
15 Ang pamalo at pagsaway ay nagbibigay ng karunungan, pero ang isang batang malaya mula sa pagdidisiplina ay inilalagay ang kaniyang ina sa kahihiyan.
-
11 Ang mga salita ng mga matatalinong tao ay parang mga panusok. Gaya ng mga pako na ibinaon nang malalim ang mga salita ng mga dalubhasa sa maraming mga kawikaan na itinuro ng isang pastol.
-
8 Dahil ang aking mga kaisipan ay hindi ninyo mga kaisipan, ni ang inyong mga kaparaanan ay aking kaparaanan—ito ay pahayag ni Yahweh tungkol sa kanyang sarili— 9 dahil gaya ng mga langit na mas mataas kaysa sa lupa, kaya ang aking mga pamamaraan ay mas mataas kaysa sa inyong mga pamamaraan, at ang aking mga kaisipan kaysa sa inyong mga kaisipan.
-
7 Kahit ang ibon sa langit, mga kalapati, mga layang-layang at ang mga tagak ay nalalaman ang mga tamang panahon. Pumupunta ang mga ito sa kanilang mga paglilipatan sa tamang panahon ngunit hindi alam ng aking mga tao ang mga atas ni Yahweh. 8 Bakit sinasabi ninyo, “Marurunong kami! At nasa amin ang kautusan ni Yahweh?” Sa katunayan tingnan ninyo! Lumikha ng panlilinlang ang mapanlinlang na panulat ng mga eskriba. 9 Mapapahiya ang mga marurunong na tao. Nabigo sila at nabitag. Tingnan ninyo! Itinakwil nila ang salita ni Yahweh, kaya anong silbi ng kanilang karunungan?
-
20 At sa bawat katanungan ng karunungan at pang-unawa na itinanong sa kanila ng hari, nasumpungan niya na sila ay sampung beses na mas mainam kaysa sa lahat ng salamangkero at ang mga umaangking nakakausap ang mga patay na nasa kaniyang buong kaharian.
-
11 May isang lalaki sa iyong kaharian na nagtataglay ng espiritu ng mga banal na diyos. Sa mga panahon ng iyong ama, nakikita sa kaniya ang ilaw, pang-unawa at karunungan gaya ng karunungan ng mga diyos. Si haring Nebucadnezar, na iyong amang hari, ang nagtalaga sa kaniya na maging pinuno ng mga salamangkero at siya rin ang pinuno ng mga nakikipag usap sa patay, ng matatalinong kalalakihan at ng mga astrologo. 12 Ang lahat ng mga katangian na ito, natatanging espiritu, karunungan, pang-unawa, pagbibigay kahulugan sa mga panaginip, nagpapaliwanag sa mga matalinhagang salita, paglulutas ng mga suliranin ay matatagpuan sa mismong Daniel na pinangalanan ng hari na Beltesazar. Ipatawag mo si Daniel ngayon at sasabihin niya sa iyo ang kahulugan ng nakasulat.”
-
3 Ang mga marurunong ay magliliwanag tulad ng liwanag ng kalangitan sa kaitaasan at ang mga nakapagpanumbalik ng marami sa katuwiran ay tulad ng mga bituin magpakailanman.
4 Ngunit ikaw Daniel, isara mo ang mga salitang ito; panatilihin mong selyado ang aklat hanggang sa panahon ng pagwawakas. Marami ang magsisitakbuhan paroo't parito at madaragdagan ang kaalaman.”
-
25 Nang mga oras na iyon sinabi ni Jesus, “Pinupuri kita, Ama, Panginoon ng langit at lupa, dahil ikinubli mo ang mga bagay na ito sa mga marurunong at nakauunawa at iyong inihayag ang mga ito sa mga hindi nakapag-aral, tulad ng mga maliliit na bata. 26 Oo, Ama, sapagkat ito ang labis na nakalulugod sa iyong paningin.
27 Lahat ng mga bagay ay ipinagkatiwala sa akin ng aking ama. At walang nakakikilala sa Anak maliban sa Ama at walang nakakikilala sa Ama maliban sa Anak, at sa kahit sinuman na naisin ng Anak na ihayag ang Ama.
-
21 Sa parehong oras na iyon, siya ay nagalak nang lubusan sa Banal na Espiritu, at sinabi, “Pinupuri kita, O Ama, Panginoon ng langit at lupa, dahil itinago mo ang mga bagay na ito mula sa matatalino at nakakaunawa, at ipinahayag ang mga ito sa mga walang muwang, tulad ng mga maliliit na bata. Oo, Ama, sapagkat ito ay nakalulugod sa inyong paningin.”
-
23 Kaya nahigitan ni Haring Solomon ang lahat ng hari sa mundo sa kayamanan at karunungan. 24 Sinadya ng buong mundo ang presensiya ni Solomon para mapakinggan ang kaniyang karunungan, na inilagay ng Diyos sa kaniyang puso.
-
13 Ang karunungan ay matatagpuan sa labi ng isang taong marunong umunawa, ngunit ang isang pamalo ay para sa likod ng isang walang pang-unawa. 14 Ang mga taong marunong ay nag-iipon ng kaalaman, ngunit ang bibig ng isang hangal ay nagpapalapit ng kapahamakan.
-
17 Magbigay pansin at pakinggan ang mga salita ng mga matalino at idulog ang iyong puso sa aking kaalaman, 18 dahil magiging kaaya-aya ito para sa iyo kung panatilihin mo ang mga ito sa iyo, kung lahat ng ito ay handa sa iyong mga labi. 19 Sa gayon, mailagak kay Yahweh ang iyong tiwala, ituturo ko ang mga ito sa inyo ngayon— maging sa iyo. 20 Hindi ko ba naisulat sa iyo ang tatlumpung kasabihan ng tagubilin at kaalaman, 21 para ituro sa iyo ang katotohanan sa mga mapagkakatiwalaang mga salitang ito, sa gayon maaaring kang makapagbigay ng mapagkakatiwalaang mga sagot sa mga nagpadala sa iyo?
-
12 Ang lumikha ng daigdig sa kaniyang kapangyarihan ang nagtatag ng kalupaan sa pamamagitan ng kaniyang karunungan at nagpalaganap ng kalangitan sa pamamagitan ng kaniyang pang-unawa.
Shows Read in context, Share and Copy.