84 Bible Verses About Knowing God
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
-
1 Sinabi ni Jesus ang mga bagay na ito; pagkatapos, tumingala siya sa langit at sinabi, “Ama, dumating na ang oras; luwalhatiin mo ang iyong Anak upang ikaw ay luwalhatiin ng Anak— 2 tulad ng pagbigay mo sa kaniya ng kapangyarihan sa lahat ng laman upang siya ay makapagbigay ng buhay na walang hanggan sa lahat ng sinumang ibinigay mo sa kaniya. 3 Ito ang buhay na walang hanggan: na ikaw ay dapat nilang makilala, ang nag-iisang tunay na Diyos, at ang isinugo mong si Jesu-Cristo. 4 Ikaw ay niluwalhati ko sa lupa, pagkatupad ko sa mga gawain na ibinigay mo sa akin para gawin. 5 Ngayon, Ama, luwalhatiin mo ako kasama ng iyong sarili sa kaluwalhatian na mayroon ako sa iyo bago pa nalikha ang mundo.
-
7 Minamahal, mahalin natin ang isa't isa, dahil ang pag-ibig ay sa Diyos, at lahat ng nagmamahal ay pinanganak sa Diyos at kilala ang Diyos. 8 Ang taong hindi nagmamahal ay hindi kilala ang Diyos, dahil ang Diyos ay pag-ibig.
9 Sa pamamagitan nito ang pag-ibig ng Diyos ay nahayag sa atin, na pinadala ng Diyos ang kanyang bugtong na anak sa mundo upang tayo ay maaring mabuhay sa pamamagitan niya. 10 Sa ganito ang pag-ibig, hindi dahil minahal natin siya, kundi minahal niya tayo, at pinadala niya ang kanyang Anak na maging kabayaran ng ating mga kasalanan.
11 Minamahal, kung tayo'y lubos na minahal ng Diyos, nararapat din nating mahalin ang bawat isa. 12 Walang sinuman ang nakakita kailanman sa Diyos. Kung mahal natin ang isa't isa, ang Diyos ay mananatili sa atin at ang pag-ibig niya ay lubos na nasa atin.
-
1 Sa simula pa lamang ay ang Salita, at ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay Diyos.
-
18 Sapagkat naihayag ang poot ng Diyos mula sa langit laban sa lahat ng kasamaan at kawalan ng katuwiran ng mga tao na sa pamamagitan ng kawalan ng katuwiran ay hinahadlangan ang katotohanan. 19 Ito ay dahil ang maaaring malaman tungkol sa Diyos ay nakikita nila. Sapagkat niliwanagan sila ng Diyos. 20 Sapagkat ang kaniyang likas na hindi nakikita ay malinaw na nakikita simula pa noong likhain ang mundo. Nauunawaan ang mga ito sa pamamagitan ng mga nilikhang bagay. Ang mga likas na ito ay ang kaniyang walang hanggang kapangyarihan at ang kaniyang pagka-Diyos. Kung kaya, ang mga taong ito ay walang maidadahilan.
21 Sapagkat kahit kilala nila ang Diyos, siya ay hindi nila niluwalhati bilang Diyos, ni hindi nila siya pinasalamatan. Sa halip, naging hangal sila sa kanilang pag-iisip at nagdilim ang manhid nilang mga puso. 22 Sila ay nagmamarunong ngunit sila ay naging mga hangal. 23 Ipinagpalit nila ang kaluwalhatian ng Diyos na walang kamatayan para sa katulad ng imahe ng taong namamatay, ng mga ibon, ng mga hayop na may apat na paa, at ng mga nagsisigapang.
24 Kaya ibinigay sila ng Diyos sa pagnanasa ng kanilang puso sa karumihan, upang malapastangan ang kanilang mga katawan sa kani-kanilang sarili. 25 Sila iyong mga ipinagpalit ang katotohanan ng Diyos sa kasinungalingan, at mga sumamba at naglingkod sa nilikha sa halip na ang Lumikha, na pinupuri magpakailanman. Amen.
-
9 Dahil sa pag-ibig na ito, mula sa araw na narinig namin ito, hindi kami tumigil na manalangin para sa inyo. Hinihiling namin na kayo ay mapuspos ng kaalaman ng kaniyang kalooban sa lahat ng karunungan at pang-unawang espirituwal. 10 Ipinapanalangin namin na lumakad kayo na karapat- dapat sa Panginoon sa mga kalugod-lugod na paraan. Ipinapanalangin namin na mamunga kayo sa bawat mabubuting gawa at ng lumago kayo sa inyong kaalaman sa Diyos. 11 Ipinapanalangin namin na mapalakas kayo sa bawat kakayahang naaayon sa kapangyarihan ng kaniyang kaluwalhatian tungo sa lahat ng pagtitiyaga at pagtitiis. 12 Ipinapanalangin namin na kayo ay magpapasalamat ng may galak sa Ama, na siyang nagkaloob sa inyo na makibahagi sa mga kayamanan ng mga mananampalataya sa liwanag.
13 Sinagip niya tayo mula sa pamamahala ng kadiliman at inilipat tayo sa kaharian ng kaniyang minamahal na Anak. 14 Sa kaniyang Anak mayroong tayong katubusan, ang kapatawaran ng mga kasalanan.
-
33 O, napakayaman ng Diyos sa karunungan at kaalaman! Hindi masuri ang kaniyang mga hatol, at ang kaniyang mga kaparaanan ay hindi kayang matuklasan! 34 “Sapagkat sino ang nakakaalam ng isipan ng Panginoon? O sino ang naging tagapayo niya? 35 O sino ang nagbigay ng una sa Diyos, upang ito ay bayaran sa kaniya?” 36 Sapagkat mula sa kaniya, at sa pamamagitan niya, at sa kaniya, ang lahat ng mga bagay. Sa kaniya ang kaluwalhatian magpakailanman. Amen.
-
14 Dahil dito lumuluhod ako sa Ama, 15 kung saan nagmula ang bawat pamilya sa langit at sa lupa. 16 Ipinapanalangin ko na pagkalooban kayo ayon sa kayamanan ng kaniyang kaluwalhatian, na mapalakas kayo ng kapangyarihan sa pamamagitan ng kaniyang Espiritu na nasa inyo. 17 Ipinapanalangin ko na manahan si Cristo sa mga puso ninyo sa pamamagitan ng pananampalataya. Ipinapanalangin ko na mag-ugat at maging matatag kayo sa kaniyang pag-ibig. 18 Nawa nasa pag-ibig niya kayo upang maunawaan ninyo, kasama ng lahat ng nananampalataya, kung gaano kalawak, kahaba, kataas at kalalim ang pag-ibig ni Cristo. 19 Ipinapanalangin ko na malaman niyo kung gaano kalaki ang pag-ibig ni Cristo na higit sa kaalaman. Nawa gawin ninyo ito upang mapuno kayo ng kapuspusan ng Diyos.
20 Ngayon sa kaniya na kayang gumawa ng lahat, higit pa sa lahat ng ating hinihingi o iniisip, ayon sa kaniyang kapangyarihan na kumikilos sa atin, 21 sa kaniya ang kaluwalhatian sa iglesia at kay Cristo Jesus sa lahat ng mga salinlahi magpakailan man. Amen.
-
1 Anak, kung tatanggapin mo ang aking mga salita at paka-ingatan ang aking mga kautusan, 2 makinig sa karunungan at itutuon mo ang iyong puso sa pang-unawa. 3 Kung ikaw ay magmakaawa para sa kaunawaan at sumigaw para dito, 4 kung hahanapin mo ito kagaya ng paghahanap ng pilak at hahanapin mo ang pang-unawa kagaya ng paghahanap mo ng mga nakatagong kayamanan, 5 saka mo mauunawaan ang pagkatakot kay Yahweh at matatagpuan mo ang kaalaman ng Diyos. 6 Sapagkat si Yahweh ang nagbibigay ng karunungan, mula sa kanyang bibig nanggagaling ang kaalaman at kaunawaan.
-
8 Bago pa, nang hindi pa ninyo kilala ang Diyos, kayo ay mga alipin sa mga bagay na likas na hindi talaga diyos. 9 Ngunit ngayon na kilala na ninyo ang Diyos, o higit na mabuting sabihin, ngayon na kilala na kayo ng Diyos, bakit kayo muling bumabalik sa mahina at walang silbing mga pasimulang tuntunin? Gusto niyo bang maging mga alipi muli?
-
25 Nang mga oras na iyon sinabi ni Jesus, “Pinupuri kita, Ama, Panginoon ng langit at lupa, dahil ikinubli mo ang mga bagay na ito sa mga marurunong at nakauunawa at iyong inihayag ang mga ito sa mga hindi nakapag-aral, tulad ng mga maliliit na bata. 26 Oo, Ama, sapagkat ito ang labis na nakalulugod sa iyong paningin.
27 Lahat ng mga bagay ay ipinagkatiwala sa akin ng aking ama. At walang nakakikilala sa Anak maliban sa Ama at walang nakakikilala sa Ama maliban sa Anak, at sa kahit sinuman na naisin ng Anak na ihayag ang Ama.
28 Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nahihirapan at lubhang nabibigatan at bibigyan ko kayo ng kapahingahan. 29 Dalhin ninyo ang aking pamatok at matuto kayo sa akin sapagkat ako ay mahinahon at may mapagpakumbabang puso at makakamit ninyo ang kapahingahan para sa inyong mga kaluluwa. 30 Sapagkat madali ang aking pamatok at ang aking pasanin ay magaan.”
-
6 Sabi ni Jesus sa kaniya, “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay; walang sinuman ang makararating sa Ama maliban sa pamamagitan ko.
-
17 Ngayon sa hari ng walang hanggang panahon, ang walang kamatayan, hindi nakikita, at nag-iisang Diyos, sa kaniya ang karangalan at luwalhati magpakailanpaman. Amen.
-
31 Kaya huwag kayong mabalisa at sabihin, 'Ano ang aming kakainin?' o 'Ano ang aming iinumin?' o di kaya, 'Ano ang isusuot naming mga damit?' 32 Sapagkat hinahanap ng mga Gentil ang mga bagay na ito, at alam ng iyong makalangit na Ama na kailangan ninyo ang lahat ng mga ito. 33 Sapagkat hanapin muna ninyo ang kaniyang kaharian at ang kaniyang katuwiran at ang lahat na ito ay maibibigay sa inyo.
34 Kaya huwag kayong mabahala sa kinabukasan, sapagkat ang bukas ang mababahala sa kaniyang sarili. Ang bawat araw ay may sapat na sariliing kaguluhan.
-
14 Tulad ng pagtaas ni Moises ng ahas sa ilang, gayon din naman ang Anak ng Tao ay kailangang maitaas, 15 upang ang lahat ng mananampalataya sa kaniya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan.
16 Dahil labis na inibig ng Diyos ang sangkatauhan, ibinigay niya ang kaniyang natatangi at nag-iisang Anak upang ang sinumang manalig sa kaniya ay hindi mamatay ngunit magkakaroon ng buhay na walang hanggan. 17 Dahil hindi isinugo ng Diyos ang kaniyang Anak sa mundo para parusahan ang sangkatauhan, ngunit para ang mundo ay marapat na maligtas sa pamamagitan niya. 18 Ang nananampalataya sa kaniya ay hindi mahatulan. Ang hindi nananampalataya ay nahatulan na dahil hindi siya nananampalataya sa pangalan ng natatanging Anak ng Diyos.
19 Ito ang dahilan sa paghahatol, na ang ilaw ay dumating sa mundo, at minahal ng mga tao ang dilim kaysa ang liwanag dahil masama ang kanilang mga naging gawa.
-
1 Sapagkat gusto kong malaman ninyo kung gaano kalaki ang paghihirap ko para sa inyo, para sa mga nasa Laodicea, at para sa marami pang hindi pa nakikita ang aking mukha ng harapan. 2 Gumagawa ako upang mapalakas ko ang kanilang kalooban sa pamamagitan ng pagsasama-sama sa pagmamahal at sa lahat ng kayamanan ng buong katiyakan ng pang-unawa, sa kaalaman tungkol sa lihim na katotohanan ng Diyos, na si Cristo. 3 Sa kaniya ay nakatago ang lahat ng kayamanan ng karunungan at kaalaman.
4 Sinasabi ko ito nang sa gayon ay walang manloko sa inyo sa pamamagitan ng mapanghikayat na pananalita. 5 At bagaman hindi niyo ako pisikal na kasama, kasama ninyo naman ako sa espiritu. Nagagalak akong makita ang inyong mahusay na kaayusan at ang kalakasan ng inyong pananampalataya kay Cristo.
-
43 Inyong narinig na sinabing, 'Mahalin ninyo ang inyong kapwa at kamuhian ang inyong kaaway.' 44 Ngunit sinasabi ko sa inyo, mahalin ninyo ang inyong mga kaaway at ipanalangin ang mga umuusig sa inyo, 45 upang magiging mga anak kayo ng inyong Amang nasa langit, sapagkat pinasisikat niya ang kaniyang araw sa mga masama at mabuti at kaniyang ipinadadala ang ulan sa mga matutuwid at sa mga hindi matutuwid. 46 Sapagkat kung mamahalin ninyo lamang ang mga nagmamahal sa inyo, anong gantimpala ang inyong makakamit? Hindi ba't ganiyan din ang ginagawa ng mga maniningil ng buwis? 47 At kung ang mga kapatid ninyo lamang ang inyong babatiin, ano ang ginawa ninyo na higit sa iba? Hindi ba't ganiyan din ang ginagawa ng mga Gentil?
48 Kaya dapat kayong maging ganap sapagkat ang inyong Amang nasa langit ay ganap.
-
1 Sa wakas, mga kapatid, pinapalakas namin kayo at hinihikayat sa Panginoong Jesus. Gaya sa inyong pagtanggap ng mga tagubilin mula sa amin tungkol sa kung paano kayo dapat lumakad at nagbibigay lugod sa Diyos, sa ganitong paraan kayo lumakad, upang magawa ninyo ito ng higit pa. 2 Sapagkat alam ninyo kung anong mga tagubilin sa Panginoong Jesus ang aming naibigay sa inyo.
3 Sapagkat ito ang kalooban ng Diyos: ang inyong pagpapakabanal—umiwas kayo sa kahalayan, 4 na bawat isa sa inyo ay alam kung paano makitungo sa kaniyang asawa ng may kabanalan at karangalan. 5 Huwag kayong mag-asawa sa kahalayan ng laman (gaya ng mga Gentil na di nakakakilala sa Diyos). 6 Huwag hayaan ang sinuman na pagsamantalahan at dayain ang kaniyang kapatid sa bagay na ito. Sapagkat ang Panginoon ang gaganti sa lahat ng mga bagay na ito, gaya sa aming babala sa inyo at pinatotohanan. 7 Sapagkat hindi tayo tinawag ng Diyos sa karumihan, kundi sa kabanalan. 8 Kaya, ang sinumang magtanggi nito ay hindi ang tao ang tinanggi niya, kundi ang Diyos, na nagkaloob ng Banal na Espiritu sa inyo.
-
1 Yahweh, sinayasat mo ako at kilala. 2 Alam mo kung kailan ako uupo at babangon; kahit malayo ka sa akin nauunawaan mo ang aking saloobin. 3 Minamasdan mo ang aking daan at kapag ako ay nahihiga; alam mo ang lahat sa aking pamumuhay. 4 Yahweh, wala akong sinasabi na hindi mo lubos na alam. 5 Sa likuran at harapan ay nandoon ang iyong mga kamay sa akin. 6 Ang ganoong kaalaman ay labis para sa akin; ito ay labis na mataas at hindi ko ito kayang maunawaan. 7 Saan ako maaaring pumunta para makatakas mula sa iyong Espiritu? Saan ako makakalayo mula sa iyong presensiya? 8 Kung aakyat ako sa kalangitan, naroon ka; kung gagawa ako ng higaan sa sheol, makikita na naroon ka.
-
32 Lilinlangin ang mga lumabag sa tipan at aakitin sila, ngunit ang mga taong nakakakilala sa kanilang Diyos ay magiging malakas at kikilos.
-
25 Amang matuwid, hindi ka kilala ng mundo, ngunit ikaw ay kilala ko; at alam ng mga ito na isinugo mo ako. 26 Ipinahayag ko ang iyong pangalan sa kanila, at ipapahayag ko ito upang ang pagmamahal na iyong ibinigay sa akin ay mapasakanila, at ako ay mapasakanila.”
-
23 Ito ang sinasabi ni Yahweh, “Huwag ninyong hayaang magyabang ang mga matatalino sa kanilang karunungan o ang mandirigma sa kaniyang kalakasan. Huwag ninyong hayaang magyabang ang mayamang tao sa kaniyang kayamanan. 24 Sapagkat kung magyayabang ang isang tao sa anumang bagay, ito dapat ang mayroon sa kaniya, na mayroon siyang pang-unawa at pagkilala sa akin. Sapagkat ako si Yahweh, na gumagawa ng matapat na kasunduan, katarungan at katuwiran sa sanlibutan. Sapagkat ito ang mga bagay na aking kinagagalak. Ito ang pahayag ni Yahweh.”
-
6 Ngayon nagsasalita kami ng karunungan sa mga ganap, ngunit hindi ang karunungan ng mundong ito, o ng mga namumuno sa kapanahunang ito, na lumilipas. 7 Sa halip nagsasalita kami ng karunungan ng Diyos sa lihim na katotohanan, ang lihim na karunungang itinalaga ng Diyos bago pa ang mga panahon para sa ating kaluwalhatian. 8 Wala sa mga namumuno sa panahong ito ang nakakaalam ng ganitong karunungan, sapagkat kung naunawaan lang sana nila ito sa panahong iyon, hindi na sana nila ipinako sa krus ang Panginoon ng kaluwalhatian. 9 Ngunit gaya ng nasusulat, “Mga bagay na hindi nakita ng mata, na hindi narinig ng tainga, na hindi sumagi sa isipan, ang mga bagay na inihanda ng Diyos para sa mga umiibig sa kaniya.”
10 Ito ang mga bagay na inihayag ng Diyos sa atin sa pamamagitan ng Espiritu. Sapagkat sinasaliksik ng Espiritu ang lahat, kahit ang mga lihim ng Diyos. 11 Sapagkat sino ang nakakaalam sa iniisip ng tao, maliban ang espiritung nasa kaniya? Ganoon din, walang nakakaalam sa mga lihim ng Diyos maliban ang Espiritu ng Diyos. 12 Ngunit hindi natin tinanggap ang espiritu ng mundo, kundi ang Espiritu na siyang nagmula sa Diyos, upang maaari nating malaman ang mga bagay na kusang ibinigay sa atin ng Diyos. 13 Sinasabi namin ang tungkol sa mga bagay na ito sa pamamagitan ng salita na hindi kayang ituro sa pamamagitan ng karunungan ng tao, ngunit itinuro ng Espiritu sa amin. Ipinapaliwanag ng Espiritu ang mga espiritwal na mga salita sa espiritwal na karunungan.
14 Hindi makakatanggap ng mga bagay na nabibilang sa Espiritu ng Diyos ang hindi espiritwal na tao, sapagkat kahangalan ang mga ito sa kaniya. Hindi niya nakikilala ang mga ito dahil ang mga ito ay nakikilala sa pamamagitan ng espiritu. 15 Hahatulan ng isang espiritwal ang lahat ng bagay, ngunit hindi siya sakop sa paghahatol ng iba. 16 “Sapagkat sino ang nakakaalam sa isip ng Panginoon upang siya ay turuan?” Ngunit nasa atin ang pag-iisip ni Cristo.
-
15 Ang anak ay ang larawan ng hindi nakikitang Diyos. Siya ang unang anak sa lahat ng mga nilikha.
-
1 Mga minamahal kong anak, isinusulat ko ang mga bagay na ito sa inyo upang hindi kayo magkasala. Pero kung sino man ang magkasala, mayroon tayong tagapagtanggol sa Ama, Si Jesu-Cristo ang nag-iisang makatuwiran. 2 Siya ang taga-pamayapa para sa ating mga kasalanan, at hindi lang para sa atin, kundi para din sa buong mundo.
3 Sa pamamagitan nito alam nating kilala natin siya, kung iniingatan natin ang kanyang mga kautusan. 4 Siya na nagsasabing, “Kilala ko ang Diyos,” pero hindi pinapanatili ang kanyang mga kautusan, ay isang sinungaling, at ang katotohanan ay wala sa kanya. 5 Pero ang sinumang pinapanatili ang kaniyang salita, tunay na sa taong ito ang pag-ibig ng Diyos ay naging lubos. Sa pamamagitan nito alam nating tayo ay nasa kaniya. 6 Siya na nagsasabing siya ay nananatili sa Diyos ay nararapat ding lumakad nang katulad ng paglakad ni Jesu-Cristo.
-
13 Sa pamamagitan nito malalaman natin na tayo ay nananatili sa kanya at siya sa atin, dahil binigay niya sa atin ang kanyang Espiritu. 14 At nakita natin at nasaksihan na ipinadala ng Ama ang kanyang anak upang maging tagapagligtas ng mundo.
15 Sinuman ang kumikilala na si Jesu-Cristo ay ang Anak ng Diyos, ang Diyos ay nananatili sa kanya at siya sa Diyos. 16 At alam natin at pinaniwalaan ang pag-ibig na mayroon ang Diyos na nasa sa atin. Ang Diyos ay pag-ibig, at siyang nananatili sa pag-ibig ay nananatili sa Diyos, at ang Diyos ay nananatili sa kanya. 17 Sa ganito ang pagmamahal ay ginawang lubos sa atin, nang sa gayon tayo ay maaring magkaroon ng kasiguraduhan sa araw ng paghuhukom, dahil gaya niya, gayon din tayo sa mundong ito.
18 Walang anumang takot sa pag-ibig. Pero ang pag-ibig na lubos ay inaalis ang takot, dahil ang takot ay may kinalaman sa kaparusahan. Pero kung sinuman ang siyang natatakot ay hindi nagawang lubos sa pag-ibig. 19 Nagmamahal tayo dahil minahal muna tayo ng Diyos.
20 Kung sinuman ang nagsasabi, “Mahal ko ang Diyos” pero kinapopootan ang kanyang kapatid siya ay isang sinungaling. Pagkat ang sinuman na hindi umiibig sa kanyang kapatid, na kanyang nakikita, ay hindi umiibig sa Diyos, na hindi niya nakikita. 21 At ito ang kautusan na mayroon tayo mula sa kanya: Kung sinuman ang nagmamahal sa Diyos ay dapat ding mahalin ang kanyang kapatid.
-
5 Bumaba si Yahweh sa ulap at tumayo doon kasama si Moises, at binigkas niya ang pangalang “Yahweh.” 6 Dumaan si Yahweh sa kaniya at inihayag, “Yahweh, Yahweh, ang Diyos ay maawain at mapagbigay-loob, hindi madaling magalit, at nag-uumapaw sa katapatan ng tipan at mapagkakatiwalaan, 7 pinananatili ang katapatan ng tipan para sa libu-libong mga salinlahi, nagpapatawad sa mga kasamaan, mga pagsuway at mga pagkakasala. Pero gagawin niyang walang kasalanan ang nagkasala. Magdadala siya ng parusa sa kasalanan ng ama sa kanilang mga anak at anak ng kanilang mga anak, hanggang sa pangatlo at pang-apat na salinlahi.”
-
29 Ang mga bagay na lihim ay nabibilang lamang kay Yahweh na ating Diyos; pero ang mga bagay na inihayag ay nabibilang magpakailanman sa atin at sa ating mga kaapu-apuhan, para gawin natin ang lahat ng mga salita ng batas na ito.
-
1 Si Yahweh ang aking pastol; hindi ako magkukulang. 2 Pinahihiga niya ako sa luntiang mga pastulan; inaakay niya ako sa tabi ng payapang tubigan. 3 Binabalik niya ang aking buhay; ginagabayan niya ako sa tamang landas alang-alang sa kaniyang pangalan.
-
10 Ang takot kay Yahweh ang simula ng karunungan, at ang kaalaman sa Isang Banal ay kaunawaan.
-
6 Hanapin si Yahweh habang siya ay maaari pang matagpuan; tumawag sa kaniya habang siya ay nasa malapit. 7 Hayaaan ang masasama na umalis sa kaniyang landas, at ang mga kaisipan ng taong nasa kasalanan. Hayaan siyang manumbalik kay Yahweh, at maaawa siya sa kaniya, at sa ating Diyos, na siyang lubusang magpapatawad sa kaniya. 8 Dahil ang aking mga kaisipan ay hindi ninyo mga kaisipan, ni ang inyong mga kaparaanan ay aking kaparaanan—ito ay pahayag ni Yahweh tungkol sa kanyang sarili— 9 dahil gaya ng mga langit na mas mataas kaysa sa lupa, kaya ang aking mga pamamaraan ay mas mataas kaysa sa inyong mga pamamaraan, at ang aking mga kaisipan kaysa sa inyong mga kaisipan.
-
11 Sapagkat ako mismo ang nakakaalam ng mga plano na mayroon ako para sa inyo, mga plano para sa kapayapaan at hindi para sa sakuna, upang bigyan kayo ng isang kinabukasan at pag-asa. Ito ang pahayag ni Yahweh. 12 At tatawag kayo sa akin, pupunta kayo at mananalangin sa akin, at pakikinggan ko kayo. 13 Sapagkat hahanapin ninyo ako at masusumpungan, sapagkat hahanapin ninyo ako nang buong puso.
-
18 Kailanman, walang tao ang nakakita sa Diyos. Ang isa at nag-iisang katauhan, na mismo ay Diyos, na siyang nasa dibdib ng Ama, nagawa niya siyang maipakilala.
-
19 Sinabi nila sa kaniya, “Nasaan ang iyong ama?” Sumagot si Jesus, “Hindi ninyo ako kilala ni ang aking Ama; kung nakilala ninyo ako, makilala niyo na rin ang aking Ama.”
-
15 Sa yaong mga dalisay, lahat ng mga bagay ay dalisay. Ngunit sa yaong mga marumi at hindi naniniwala ay walang kadalisayan. Sapagkat ang kanilang mga pag-iisip at mga budhi ay madumi. 16 Sinasabi nila na kilala ang Diyos, ngunit kanilang itinatatwa siya sa pamamagitan ng kanilang mga gawa. Sila ay kasuklam-suklam at masuwayin. Sila ay tumututol sa anumang mabuting gawa.
-
20 Pero alam natin na ang Anak ng Diyos ay dumating at binigyan tayo ng kaunawaan, na kilala natin siya na totoo, at tayo ay nasa kanya na siyang totoo- kahit na sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo. Siya ang totoong Diyos at buhay na walang hanggan.
-
24 Ang Diyos ay isang Espiritu, at ang mga taong sasamba sa kaniya ay dapat sumamba sa espiritu at katotohanan.”
-
14 Ngunit para sa iyo, manatili ka sa mga bagay na iyong natutunan at matibay mong pinaniniwalaan. Alam mo kung kanino ka natuto. 15 Alam mo na mula sa iyong kabataan nalaman mo na ang sagradong kasulatan. Ang mga ito ang nagbibigay karunungan sa iyo para sa kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus. 16 Lahat ng kasulatan ay kinasihan ng Diyos. Ito ay mapapakinabangan sa pangangaral, sa pagsaway, pagtatama sa mali, at pagsasanay sa katuwiran. 17 Ito ay upang ang lingkod ng Diyos ay magkaroon ng kakayahan, at mabigyan ng kasangkapan sa lahat ng mabuting gawa.
-
16 Huwag kayong magpalinlang, mga minamahal kong kapatid. 17 Ang bawat mabuti at ganap na kaloob ay mula sa itaas, bumaba mula sa Ama ng mga liwanag. Hindi siya nagbabago katulad ng paglipat ng anino. 18 Pinili ng Diyos na bigyan tayo ng buhay sa pamamagitan ng salita ng katotohanan, upang maging katulad tayo ng mga unang bunga sa kaniyang mga nilikha.
-
1 Nang matapos ang mga bagay na ito, pumunta sina Moises at Aaron kay Paraon at sinabi, “Ito ang sinabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, sinabing: 'Pabayaan mong umalis ang aking bayan, para magkaroon sila ng pagdiriwang para sa akin doon sa ilang.”
2 Sinabi ni Paraon, “Sino si Yahweh? Bakit ako makikinig sa kaniyang tinig at hahayaang umalis ang Israel? Hindi ko kilala si Yahweh; bukod dito, hindi ko papayagang umalis ang Israel.”
-
8 Si Yahweh ay mabuti at matuwid; kaya itinuturo niya ang daan sa mga makasalanan.
-
33 Ngunit ito ang kasunduan na aking itatatag sa sambahayan ng Israel pagkatapos ng mga araw na ito. Ito ang pahayag ni Yahweh. Ilalagay ko ang aking kautusan sa kanilang kalooban at isusulat ito sa kanilang puso, sapagkat ako ang kanilang magiging Diyos at sila ay magiging aking mga tao. 34 At hindi na tuturuan ng bawat tao ang kaniyang kapwa o tuturuan ng isang tao ang kaniyang kapatid at sabihin, “Kilalanin si Yahweh!' Sapagkat lahat sila mula sa pinakamababa hanggang sa pinakadakila sa kanila ay makikilala ako. Ito ang pahayag ni Yahweh. Sapagkat patatawarin ko ang kanilang mga kasalanan at hindi na aalalahanin pa ang kanilang mga kasalanan.”
-
21 Hindi lahat ng nagsasabi sa akin, 'Panginoon, Panginoon,' ay makakapasok sa kaharian ng langit, kundi ang gumagawa lamang sa kagustuhan ng aking Amang nasa langit. 22 Maraming tao ang magsasabi sa akin sa araw na iyon, 'Panginoon, Panginoon, hindi ba kami nagsabi ng propesiya sa iyong pangalan, sa iyong pangalan ay nagpalayas ng mga demonyo, at sa iyong pangalan ay gumawa ng maraming makapangyarihang gawain?'
23 At hayagan kong sasabihin sa kanila, 'Hindi ko kayo nakikilala! Lumayo kayo sa akin, kayong gumagawa ng masama!'
-
21 Ang sinuman na mayroon ng aking mga kautusan at isinasagawa ang mga ito; siya ang nagmamahal sa akin; at siya na nagmamahal sa akin ay mamahalin ng aking Ama, at mamahalin ko rin siya, at ipakikita ko sa kaniya ang aking sarili.”
-
1 Masdan kung anong uri ng pag-ibig ng Ama ang ibinigay sa atin, na tayo ay nararapat tawaging mga anak ng Diyos, at ito ang kung ano tayo. Sa dahilang ito, hindi tayo kilala ng mundo dahil hindi siya kilala nito. 2 Mga minamahal, ngayon tayo ay mga anak ng Diyos, at hindi pa naipahayag kung magiging ano tayo. Alam natin na kapag magpakita si Cristo, tayo ay magiging katulad niya, dahil makikita natin siya bilang siya.
-
14 Ngayon ang Salita ay naging laman at namuhay na kasama namin. Nakita namin ang kaniyang kaluwalhatian, kaluwalhatiang katulad ng nasa nag-iisang natatanging katauhan na naparito mula sa Ama, punong-puno ng biyaya at katotohanan.
-
10 Ang magnanakaw ay hindi pumarito maliban sa pagnanakaw, pagpatay, at pagwasak. Ako ay pumarito upang sila ay magkaroon ng buhay at magkaroon ng kasaganaan nito.
-
1 Kaya hinihikayat ko kayo, mga kapatid, alang-alang sa habag ng Diyos, na ialay ninyo ang inyong mga katawan na isang buhay na alay, banal, katanggap-tanggap sa Diyos. Ito ang inyong nararapat na paglilingkod. 2 Huwag kayong umayon sa mundong ito, ngunit mag-iba kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip. Gawin ninyo ito upang malaman ninyo kung ano ang mabuti, katanggap-tanggap, at ganap na kalooban ng Diyos.
-
5 Ito ay tanda ng matuwid na paghahatol ng Diyos. Ang resulta ay ibibilang kayong karapat-dapat sa kaharian ng Diyos kung saan kayo ay nagdusa. 6 Matuwid para sa Diyos na ibalik ang pagdadalamhati sa mga nagdulot ng dalamhati sa inyo, 7 at kaginhawaan sa inyong mga nagdalamhati na kasama namin. Gagawin niya ito sa pagpapakita ng Panginoong Jesus mula sa langit kasama ng mga anghel ng kaniyang kapangyarihan. 8 Sa naglalagablab na apoy siya ay maghihiganti sa mga hindi kumikilala sa Diyos at sa mga hindi tumugon sa ebanghelyo ng ating Panginoong Jesus. 9 Sila ay daranas ng kaparusahan sa walang hanggang pagkawasak na malayo mula sa presensiya ng Panginoon at mula sa kaluwalhatian ng kaniyang kapangyarihan. 10 Gagawin niya ito sa kaniyang pagbabalik sa araw na iyon para maluwalhati sa pamamagitan ng kaniyang mga tao at para mamangha sa pamamagitan ng lahat na naniwala. Sapagkat ang aming mga patotoo sa inyo ay pinaniwalaan.
11 Dahil dito lagi namin kayong ipapanalangin. Pinapanalangin namin na ibilang kayo ng ating Diyos na karapat-dapat sa inyong pagkatawag. Pinapanalangin namin na tuparin niya ang bawat pagnanais ng kabutihan at bawat gawa ng pananampalataya na may kapangyarihan. 12 Pinapanalangin namin ang mga bagay na ito upang ang pangalan ng ating Panginoong Jesus ay maluwalhati sa pamamagitan ninyo. Pinapanalangin namin na maluwalhati kayo sa pamamagitan niya, dahil sa biyaya ng ating Diyos at ng ating Panginoong Jesu-Cristo.
-
1 Kaya una sa lahat, ipinakikiusap ko na ang mga kahilingan, mga panalangin, mga panalangin para sa iba at mga pasasalamat ay maipaabot para sa lahat ng tao, 2 para sa mga hari at sa lahat ng mga nasa kapangyarihan, upang tayo ay makapamuhay ng mapayapa at tahimik na may buong kabanalan at karangalan. 3 Ito ay mabuti at katanggap-tanggap sa harap ng ating Diyos na tagapagligtas. 4 Ninanais niya na ang lahat ng tao ay maligtas at magkaroon ng kaalaman tungkol sa katotohanan.
5 Sapagkat may iisang Diyos at iisang tagapamagitan sa Diyos at sa tao, ang taong si Cristo Jesus. 6 Ibinigay niya ang kaniyang sarili bilang katubusan sa lahat, bilang patotoo sa tamang panahon.
7 Sa kadahilanang ito, ako, si Pablo, ay naging tagapagturo at apostol. Nagsasabi ako ng katotohanan. Hindi ako nagsisinungaling. Ako ang tagapagturo ng mga Gentil sa pananampalataya at katotohanan.
-
12 Sinabi ni Moises kay Yahweh, “Tingnan mo, sinasabi mo sa akin, 'Dalhin mo ang mga taong ito sa kanilang paglalakbay,' pero hindi mo pinaalam sa akin kung sino ang ipapadala mo na kasama ko. Sinabi mo, 'Nakikilala mo ako sa pangalan, at ikaw din ang nakatagpo ng pabor sa aking paningin.' 13 Ngayon kung ako ay nakatagpo ng pabor sa iyong paningin, ipakita mo sa akin ang iyong mga paraan nang sa ganon ay makilala kita at patuloy na makatagpo ng pabor sa iyong paningin. Tandaan mo ang bayang ito ay iyong bayan.
14 Sumagot si Yahweh, “Ang sarili kong presensiya ay sasama sa iyo, at bibigyan kita ng pahinga.”
-
10 Nagtitiwala ang nakakakilala ng pangalan mo, dahil ikaw, Yahweh, ay hindi nang-iiwan ng mga lumalalapit sa iyo.
-
10 Tumahimik kayo at kilalanin ninyo na ako ay Diyos; itatanghal ako sa ginta ng mga bansa; itatanghal ako sa mundo.
-
5 Ang ama ng mga walang ama, ang hukom ng mga balo, ay Diyos sa banal na lugar kung saan siya nananahan.
-
13 Kung paanong may pagkahabag ang isang ama sa kanyang mga anak, gayundin pagkahabag ni Yahweh sa mga nagbibigay ng parangal sa kanya.
-
2 Mapapasakanya ang espiritu ni Yahweh, espiritu ng karunungan at pang-unawa, espiritu ng paggabay at kapangyarihan, ang espiritu ng kaalaman at takot kay Yahweh.
-
7 At bibigyan ko sila ng isang puso upang kilalanin ako, sapagkat ako si Yahweh. Sila ay magiging aking mga tao at ako ay magiging kanilang Diyos, kaya babalik sila sa akin nang buong puso.
-
2 “Ito ang sinasabi ni Yahweh na manlilikha, Si Yahweh na umaanyo upang magtatag, Yahweh ang kaniyang pangalan, 3 'Tumawag ka sa akin at sasagutin kita. Magpapakita ako ng dakilang mga bagay sa iyo, mga hiwaga na hindi mo nauunawaan.'
-
23 Sapagkat ipapakita ko ang aking kadakilaan at ang aking kabanalan at ipakikilala ko ang aking sarili sa mga mata ng maraming bansa, at malalaman nila na ako si Yahweh!”'
-
22 Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad, “Kaya sinasabi ko sa inyo, huwag kayong mabahala tungkol sa inyong buhay—kung ano ang inyong kakainin, o tungkol sa inyong katawan—kung ano ang inyong susuotin. 23 Sapagkat ang buhay ay mas higit kaysa sa pagkain at ang katawan ay mas higit kaysa sa mga damit. 24 Isipin ninyo ang mga uwak, hindi sila naghahasik o umaani. Wala silang bodega o kamalig, ngunit sila ay pinapakain ng Diyos. Gaano na lamang kayo kahalaga kaysa sa mga ibon!
25 At sino sa inyo ang sa pag-aalala ay makapagdaragdag ng kahit isang kubit sa haba ng kaniyang buhay? 26 Kung gayon na hindi ninyo magawa ang kahit pinakamaliit na bagay, bakit kayo nababahala sa ibang mga bagay?
27 Isipin ninyo ang mga liryo—kung paano sila lumalaki. Sila ay hindi nagtatrabaho o ni nagsusulid man lang. Gayon pa man, sinasabi ko sa inyo, kahit si Solomon sa lahat ng kaniyang kaluwalhatian ay hindi nakapagdamit na tulad ng isa sa mga ito. 28 Kung dinamitan nga ng Diyos ang damo sa bukid, na nananatili ngayon, at bukas ay itatapon sa pugon, gaano pa kayo na kaniyang dadamitan, O kayong mga maliit ang pananampalataya!
29 Huwag hanapin kung ano ang inyong kakainin, at kung ano ang inyong iinumin, at huwag kayong mabahala. 30 Dahil ang mga bagay na ito ang hinahanap ng lahat ng mga bansa sa mundo, at alam ng inyong Ama na kailangan ninyo ang mga bagay na ito. 31 Ngunit hanapin ang kaniyang kaharian, at ang lahat ng bagay na ito ay maidadagdag sa inyo.
32 Huwag matakot, maliit na kawan, dahil ang inyong Ama ay lubos na nalulugod na ibigay sa inyo ang kaharian. 33 Ipagbili ang inyong mga ari-arian at ibigay ito sa mahihirap. Gumawa kayo ng inyong mga sariling mga pitaka na hindi nasisira—mga kayamanan sa kalangitan na hindi nawawala, na hindi nilalapitan ng magnanakaw, at hindi sinisira ng tanga. 34 Sapagkat kung nasaan ang inyong kayamanan ay naroon din ang inyong puso.
-
3 Ang lahat nang mga bagay ay nalikha sa pamamagitan niya, at kung wala siya, ay wala kahit isang bagay ang nilikha na nalikha.
-
7 Kung nakilala mo na ako, dapat kilala mo na rin ang aking Ama; mula ngayon kilala mo na siya at nakita mo na siya.”
-
14 Kayo ay mga kaibigan ko kung ginagawa ninyo ang mga bagay na iniuutos ko sa inyo. 15 Hindi ko na kayo tinatawag na mga lingkod, dahil hindi nalalaman ng lingkod kung ano ang ginagawa ng kaniyang Panginoon. Tinawag ko kayong mga kaibigan dahil ipinaalam ko sa inyo ang lahat ng mga bagay na narinig ko mula sa aking Ama.
-
22 Kaya tumayo si Pablo sa kalagitnaan ng Aeropago at nagsabi, “Kayong mga taga-Atenas, nakita ko na kayo ay napakarelihiyoso sa lahat ng paraan. 23 Sapagkat sa aking pagdaraan at pagmamasid sa mga bagay na inyong sinasamba, natagpuan ko ang isang altar na may naka-ukit na ganito, “SA DIYOS NA HINDI NAKIKILALA “. Ang sinasamba ninyo na hindi nakikilala ang aking ipinapahayag sa inyo.
24 Ang Diyos na lumikha ng mundo at ng lahat ng naroon, dahil siya ang Panginoon ng langit at lupa, ay hindi nananahan sa mga templo na itinayo ng mga kamay. 25 Hindi rin siya pinagsilbihan ng mga kamay ng tao, na para bang kailangan niya ang anuman, dahil siya mismo ang nagbigay ng buhay sa tao at hininga at lahat ng iba pang mga bagay. 26 At mula sa isang tao ay nilikha niya ang bawat lahi ng mga taong nabubuhay sa ibabaw ng mundo, itinakda niya ang kanilang mga kapanahunan at ang hangganan ng kanilang tinitirahan.
27 Kaya nga dapat nilang hanapin ang Diyos at baka sakaling maabot siya at matagpuan at sa katunayan, hindi siya malayo sa bawat isa sa atin. 28 Dahil sa kaniya tayo ay nabubuhay at gumagalaw, at mayroong pagkatao, gaya nga ng sabi ng inyong mga makata, 'Dahil tayo rin ay kaniyang anak.' 29 Dahil tayo ay anak ng Diyos, hindi natin dapat isipin na ang pagkadiyos ay tulad ng ginto o pilak o mga batong nilikha ng kaisipan ng tao.
30 Kaya nga, pinalampas ng Diyos ang panahon na hindi siya kinilala, ngunit ngayon inuutusan niya ang lahat ng mga tao sa lahat ng dako na magsisi. 31 Ito ay dahil itinakda na niya ang araw kung kailan niya hahatulan ang mundo sa katuwiran sa pamamagitan ng taong kaniyang pinili. Pinatunayan ito ng Diyos sa lahat ng tao, sa pamamagitan ng pagbuhay sa kaniya sa mga patay.”
-
1 Mga kapatid, ang nais ng aking puso at ang hiling ko sa Diyos ay para sa kanila, para sa kanilang kaligtasan. 2 Sapagkat sila ay pinatotohanan ko na mayroon silang pagsisikap para sa Diyos, ngunit hindi ayon sa kaalaman. 3 Sapagkat hindi nila nalalaman ang katuwiran ng Diyos, at pinagsisikapan nilang itatag ang kanilang sariling katuwiran. Hindi sila nagpasakop sa katuwiran ng Diyos. 4 Sapagkat si Cristo ang katuparan ng kautusan para sa katuwiran ng lahat ng sumasampalataya.
-
20 Nasaan ang taong marunong? Nasaan ang dalubhasa? Nasaan ang debatista ng mundong ito? Hindi ba't pinalitan ng Diyos ang karunungan ng mundong ito ng kamangmangan? 21 Dahil ang mundo sa sarili nitong karunungan ay hindi kinilala ang Diyos, nalugod ang Diyos sa pamamagitan ng kamangmangan ng pangangaral na iligtas ang sinumang sumasampalataya.
22 Sapagkat humihiling ang mga Judio ng mga tanda ng himala at naghahangad ng karunungan ang mga Griyego. 23 Ngunit ipinapangaral namin si Cristo na napako, isang ikinatitisod ng mga Judio at kamangmangan sa mga Griyego. 24 Ngunit sa lahat ng mga tinawag ng Diyos, maging Judio at Griyego, ipinapangaral namin na si Cristo ang kapangyarihan at ang karunungan ng Diyos.
25 Sapagkat ang kamangmangan ng Diyos ay mas higit sa karunungan ng tao, at ang kahinaan ng Diyos ay higit sa kalakasan ng tao.
-
12 Dahil ang salita ng Diyos ay buhay, mabisa at mas matalim pa kaysa sa espada na may dalawang talim. Tumatagos ito kahit na sa paghahati ng kaluluwa mula sa espiritu, at sa kasu-kasuan mula sa utak ng buto. May kakayahan itong makunawa sa mga isip at mga layunin ng puso.
-
6 Kung walang pananampalataya hindi maaaring bigyan ng kaluguran ang Diyos, at ang sino man na lalapit sa Diyos ay kinakailangang manalig na siya ay umiiral at gagantimpalan niya ang sino man na humahanap sa kaniya.
-
7 Minamahal kong mga anak, huwag ninyong hayaan ang sinuman na akayin kayo sa ligaw na landas. Siya na gumagawa ng katuwiran ay matuwid, gaya ni Cristo na matuwid. 8 Siya na gumagawa nang kasalanan ay sa diablo, sapagkat ang diablo ay nagkasala na mula pa sa simula. Sa dahilang ito, ang Anak ng Diyos ay nahayag, upang kanyang mawasak ang mga gawa ng diablo.
9 Ang sinumang isinilang sa Diyos ay hindi nagkasala dahil ang binhi ng Diyos ay nananatili sa kanya. Hindi siya makapagpatuloy na magkasala dahil isinilang siya sa Diyos. 10 Dito ang mga anak ng Diyos at ang mga anak ng diablo ay nahayag. Ang sinumang hindi gumagawa kung ano ang matuwid ay hindi sa Diyos, ni ang sinumang hindi nagmamahal ng kanyang kapatid.
-
1 Noong simula nilikha ng Diyos ang langit at ang lupa.
-
5 Pag-isipan ninyo sa inyong puso, kung paano, bilang isang amang tinutuwid ang kaniyang anak, kaya tinutuwid kayo ni Yahweh na inyong Diyos.
-
7 Ihahayag ko ang kautusan ni Yahweh. Sinabi niya sa akin, “Ikaw ay aking anak! Ngayong araw, ako ay naging iyong ama.
-
1 Ang kalangitan ay nagpapahayag ng kaluwalhatian ng Diyos, at ipinapaalam ng himpapawid ang ginawa ng kaniyang kamay! 2 Bawat araw ang pananalita ay bumubuhos; bawat gabi nagpapahayag ito ng kaalaman. 3 Walang pananalita o salaysay; ni hindi naririnig ang kanilang tinig. 4 Gayumpaman ang kanilang mga salita ay umaabot sa buong mundo; at ang kanilang pananalita ay hanggang sa dulo ng mundo. Nagtayo siya ng tolda para sa araw sa kalagitnaan nila. 5 Ang araw ay parang lalaking ikakasal na lumalabas sa kaniyang silid at parang isang lalaking malakas na nagagalak kapag siya ay tumatakbo sa kaniyang karera. 6 Ang araw ay sumisikat mula sa isang dako at tumatawid sa himpapawid hanggang sa kabila; walang makatatakas sa init nito.
-
10 Kahit na pabayaan ako ng aking ama o ng aking ina, si Yahweh ang mag-aaruga sa akin.
-
26 Tatawagin niya ako, 'Ikaw ang aking Ama, aking Diyos, ang bato ng aking kaligtasan.'
-
11 Aking anak, huwag hamakin ang disiplina ni Yahweh at huwag mapoot sa kaniyang pagsaway, 12 dahil dinidisiplina ni Yahweh ang kaniyang mga minamahal, katulad ng pakikitungo ng ama sa kaniyang anak na nakalulugod sa kaniya.
-
15 “Makakalimutan ba ng isang babae ang kaniyang sanggol, na pinasususo sa kaniyang suso, kaya wala siyang habag sa kaniyang anak na ipinanganak? Oo, maaaring makalimutan nila, pero hindi kita makakalimutan.
-
5 Dahil ang inyong Manlilikha ay ang inyong asawa; Yahweh ng mga hukbo ang kanyang pangalan. At Ang Banal ng Israel ay ang inyong Manunubos; Tinatawag siyang Diyos ng buong daigdig.
-
14 Magbalik kayo mga taksil na tao! Sapagkat pinakasalan ko kayo! Kukunin ko kayo, isa sa isang lungsod, dalawa sa isang angkan at dadalhin ko kayo sa Zion! Ito ang pahayag ni Yahweh.
-
7 Humingi kayo, at ito ay ibibigay sa inyo. Humanap kayo, at kayo ay makakatagpo. Kumatok kayo, at bubuksan ito para sa inyo. 8 Sapagkat ang lahat na humihingi, ay makatatanggap. At ang lahat na maghahanap, ay makakatagpo. At sa kanila na kumakatok, ito ay mabubuksan.
9 O anong tao sa inyo na kapag humingi ng tinapay ang kaniyang anak ay bibigyan niya ng bato? 10 O kapag humihingi siya ng isda, ay bibigyan niya ng ahas? 11 Kaya kung kayong mga masasama ay marunong magbigay ng mga mabubuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Amang nasa langit na nagbibigay ng mga mabubuting bagay sa mga humihingi sa kaniya?
-
11 Ako ang mabuting pastol. Inialay ng mabuting pastol ang kaniyang buhay para sa mga tupa.
-
8 Ang sabi ni Felipe kay Jesus, “Panginoon, ipakita mo sa amin ang Ama, at iyon ay sapat na sa amin”.
9 Ang sabi ni Jesus sa kaniya, “Felipe, hindi ba matagal na akong kasama ninyo, at hindi mo pa rin ako nakikilala? Kung sinuman ang nakakita sa akin, nakakita sa Ama; paano mo nasasabi, 'Ipakita sa amin ang Ama'? 10 Hindi ka ba naniniwala na ako ay nasa Ama at ang Ama ay nasa akin? Ang mga salitang sinasabi ko sa inyo ay sinasabi ko hindi sa aking sariling kapasyahan; sa halip, ito ay ang Ama na nananahan sa akin na siyang gumagawa ng kaniyang gawain. 11 Maniwala kayo sa akin, na ako ay nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin; o kaya, maniwala kayo sa akin dahil sa mismo kong ginagawa.
-
1 Ngayon tungkol sa pagkain na inialay sa mga diyus-diyosan: Alam natin na “tayong lahat ay may kaalaman”. Ang kaalaman ay nakapagpapalalo ngunit ang pag-ibig ang nagpapatibay. 2 Kung mayroon mang nag-iisip na siya ay may nalalamang isang bagay, ang taong iyan ay wala pa talagang nalalaman gaya ng kaniyang dapat na malaman. 3 Ngunit ang sinumang umiibig sa Diyos, ang taong iyan ay nakikilala niya.
-
10 'Sapagkat ito ang tipan na aking gagawin sa sambahayan ng Israel pagkatapos ng mga araw na iyon,' sabi ng Panginoon. 'Ilalagay ko sa kanilang mga isipan ang aking mga tipan, at isusulat ko rin ang mga ito sa kanilang mga puso. Ako ang magiging Diyos nila, at sila ay aking magiging mga tao. 11 Hindi nila tuturuan ang bawat isa na kaniyang kapwa at ang bawat isa na kaniyang kapatid, na sabihing, “Kilalanin ninyo ang Diyos,” sapagkat ako ay makikilala ng lahat mula sa pinakamababa hanggang sa pinakadakila sa kanila.
-
3 Kaya isinaalang-alang niya na tiisin ang mga masasakit na salita mula sa mga makasalan laban sa kaniya upang tayo ay hindi na mapapagod at manghihina.
4 Hindi niyo pa tinanggihan o nilabanan ang kasalanan na humantong sa pagkaubos ng dugo. 5 At nakalimutan na ninyo ang ibinigay na lakas at pag-asa na itinuro sa inyo bilang mga anak:” Aking anak, huwag mong babaliwalain ang pagdidisiplina ng Panginoon, ni ilayo ang iyong puso kung ikaw ay kanyang tinutuwid” 6 Sapagkat ang Panginoon ay nagdidisiplina sa sinumang minamahal niya, at pinarurusahan niya ang bawat anak na kanyang tinatanggap.
7 Tiisin ang pagsubok bilang pagdisiplina. Nakikitungo ang Diyos sa inyo bilang mga anak, sapagkat sino bang anak ang hindi dinidisiplina ng kaniyang ama? 8 Ngunit kung kayo ay walang disiplina, kung saan lahat tayo ay dapat kabahagi, kung gayon hindi kayo mga tunay na anak at mga anak sa labas. 9 Bukod dito, mayroon tayong mga makamundong amang nagdidisiplina sa atin, at iginagalang natin sila. Hindi ba dapat nararapat na mas higit tayong sumunod sa Ama ng mga espiritu at mabuhay?
10 Sapagkat ang ating mga ama nga ay nagdidisplina sa atin ng ilang mga taon sa alam nilang tama para sa kanila, subalit tayo ay dinidisiplina ng Diyos upang tayo ay makibahagi sa kaniyang kabanalan. 11 Walang disiplina sa kasalukuyan na masaya kundi masakit. Gayunpaman, sa ibang pagkakataon ito ay magbibigay ng mapayapang bunga ng katuwiran para sa sinumang nagsanay sa pamamagitan nito.
Shows Read in context, Share and Copy.