72 Bible Verses About Seeking God

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Bible Verses About Seeking God
  1. 4 Isang bagay ang aking hiniling kay Yahweh, at iyon ay aking hahanapin: na ako ay mananahan sa tahanan ni Yahweh sa lahat ng mga araw ng aking buhay, para makita ang kagandahan ni Yahweh at para magnilay-nilay sa kanyang templo. 5 Dahil sa araw ng kaguluhan ay ikukubli niya ako sa kanyang kubol; sa loob ng kanyang tolda ay itatago niya ako. Itataas niya ako sa ibabaw ng isang malaking bato! 6 Pagkatapos ay itataas ang aking ulo nang mas angat kaysa aking mga kaaway na nasa paligid ko, at ako ay maghahain ng mga handog ng kagalakan sa kanyang tolda! Aawit ako at gagawa ng mga awitin kay Yahweh! 7 Pakinggan mo, Yahweh, ang aking tinig kapag ako ay umiiyak! Maawa ka sa akin, at sagutin mo ako! 8 Sinasabi ng aking puso tungkol sa iyo, “Hanapin ang kaniyang mukha!” Hahanapin ko ang iyong mukha, Yahweh!

  2. 11 Sapagkat ako mismo ang nakakaalam ng mga plano na mayroon ako para sa inyo, mga plano para sa kapayapaan at hindi para sa sakuna, upang bigyan kayo ng isang kinabukasan at pag-asa. Ito ang pahayag ni Yahweh. 12 At tatawag kayo sa akin, pupunta kayo at mananalangin sa akin, at pakikinggan ko kayo. 13 Sapagkat hahanapin ninyo ako at masusumpungan, sapagkat hahanapin ninyo ako nang buong puso. 14 At matatagpuan ninyo ako at ibabalik ko ang inyong mga kayamanan. Ito ang pahayag ni Yahweh. Titipunin ko kayo mula sa lahat ng mga bansa at mga lugar kung saan ko kayo ikinalat, sapagkat ibabalik ko kayo mula sa lugar kung saan ko kayo ipinadala nang sapilitan.' Ito ang pahayag ni Yahweh.

  3. 31 Kaya huwag kayong mabalisa at sabihin, 'Ano ang aming kakainin?' o 'Ano ang aming iinumin?' o di kaya, 'Ano ang isusuot naming mga damit?' 32 Sapagkat hinahanap ng mga Gentil ang mga bagay na ito, at alam ng iyong makalangit na Ama na kailangan ninyo ang lahat ng mga ito. 33 Sapagkat hanapin muna ninyo ang kaniyang kaharian at ang kaniyang katuwiran at ang lahat na ito ay maibibigay sa inyo.

    34 Kaya huwag kayong mabahala sa kinabukasan, sapagkat ang bukas ang mababahala sa kaniyang sarili. Ang bawat araw ay may sapat na sariliing kaguluhan.

  4. 1 Pakinggan ninyo ang mga salitang ito na itinataghoy ko sa inyo, o sambahayan ng Israel. 2 Bumagsak na ang birheng Israel; hindi na siya muling makatatayo; pinabayaan siya sa kaniyang bayan; at wala ni isang tutulong upang itayo siya.

    3 Sapagkat ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh: “Ang lungsod na isang libo ang lalabas ay isang daan ang matitira, at ang isa na lalabas na may isang daan ay sampu ang matitira na pagmamay-ari ng sambayanan ng Israel.”

    4 Sapagkat ito ang sinasabi ni Yahweh sa sambahayan ng Israel: “Hanapin ako at mabuhay! 5 Huwag hanapin ang Bethel; ni pumasok sa Gilgal, at huwag dumaan sa Beer-seba. Dahil tiyak na bibihagin ang Gilgal, at magdadalamhati ang Bethel. 6 Hanapin si Yahweh at mabuhay, kung hindi, magliliyab siya na parang apoy sa tahanan ni Jose. Ito ay tutupok, at wala kahit isa na makapapatay nito sa Bethel.

  5. 3 Magmalaki sa kaniyang banal na pangalan; hayaang magalak ang puso nilang naghahanap kay Yahweh. 4 Hanapin si Yahweh at ang kaniyang kalakasan; patuloy na hanapin ang kaniyang presensya.

  6. 6 Hanapin si Yahweh habang siya ay maaari pang matagpuan; tumawag sa kaniya habang siya ay nasa malapit. 7 Hayaaan ang masasama na umalis sa kaniyang landas, at ang mga kaisipan ng taong nasa kasalanan. Hayaan siyang manumbalik kay Yahweh, at maaawa siya sa kaniya, at sa ating Diyos, na siyang lubusang magpapatawad sa kaniya. 8 Dahil ang aking mga kaisipan ay hindi ninyo mga kaisipan, ni ang inyong mga kaparaanan ay aking kaparaanan—ito ay pahayag ni Yahweh tungkol sa kanyang sarili— 9 dahil gaya ng mga langit na mas mataas kaysa sa lupa, kaya ang aking mga pamamaraan ay mas mataas kaysa sa inyong mga pamamaraan, at ang aking mga kaisipan kaysa sa inyong mga kaisipan.

  7. 10 Magmayabang kayo sa kaniyang banal na pangalan, magalak ang puso ng mga naghahanap kay Yahweh. 11 Hanapin si Yahweh at ang kaniyang kalakasan; patuloy na hanapin ang kaniyang presensiya.

  8. 1 Ngayon ang pananampalataya ay ang katiyakan ng sino man kung siya ay nagtitiwalang naghihintay sa isang bagay. Ito ang katiyakan tungkol sa hindi pa nakita. 2 Sapagkat sa pamamagitan nito pinagtibay ang ating mga ninuno dahil sa kanilang pananampalataya.

    3 Sa pamamagitan ng pananampalataya, nauunawaan natin na nilikha ang buong sanlibutan sa pamamagitan ng utos ng Diyos, upang kung ano man ang nakikita ay hindi nilikha mula sa mga bagay na nakikita.

    4 Sa pamamagitan ito ng pananampalataya na si Abel ay nag-alay ng mas higit na kalugod-lugod na handog sa Diyos kaysa sa ginawa ni Cain. At dahil dito pinuri siya sa pagiging matuwid. Pinuri siya ng Diyos dahil sa mga handog na kaniyang inialay. Dahil diyan, si Abel ay nagsasalita pa rin kahit na siya ay patay na.

    5 Sa pamamagitan ito ng pananampalataya na si Enoc ay kinuha pataas at hindi nakita ang kamatayan. “Hindi siya nahanap, dahil siya ay kinuha ng Diyos.” Sapagkat ito ay sinabi sa kaniya na ang Diyos ay nalugod sa kaniya bago siya kunin.

    6 Kung walang pananampalataya hindi maaaring bigyan ng kaluguran ang Diyos, at ang sino man na lalapit sa Diyos ay kinakailangang manalig na siya ay umiiral at gagantimpalan niya ang sino man na humahanap sa kaniya.

    7 Sa pamamagitan ito ng pananampalataya na si Noe, ay binalaan ng Diyos ukol sa mga bagay na hindi pa nakita, nang may maka-diyos na paggalang ay gumawa ng isang daong upang mailigtas ang kaniyang pamilya. Sa paggawa nito, hinatulan niya ang mundo at naging tagapagmana ng katuwiran na nanggagaling sa pananampalataya.

    8 Sa pamamagitan ito ng pananampalataya na si Abraham nang siya ay tinawag, Siya ay sumunod at nagtungo sa lugar na kaniyang tatanggapin bilang isang tagapagmana. Pumunta siya na hindi niya nalalaman kung saan siya tutungo. 9 Sa pamamagitan ng pananampalataya siya ay nanirahan sa lupang ipinangako bilang isang dayuhan. Siya ay namuhay sa tolda na kasama sina Isaac at Jacob na parehong tagapagmana ng pangako. 10 Ito ay dahil sa tumingin siya sa hinaharap sa pagtatayo ng isang lungsod na ang arketekto at tagapagpatayo ay ang Diyos.

    11 Sa pamamagitan ito ng pananampalataya na si Abraham, at kahit na si Sarah mismo ay tumanggap ng kakayahang magbuntis kahit sila ay matanda na, sapagkat itinuring nila ang Dios na tapat, ang nangako sa kanila ng isang anak. 12 Samakatuwid galing din sa lalaking ito na malapit ng mamatay ay maipapanganak ang hindi mabilang na salinlahi. Sila ay naging kasing dami ng mga bituin sa langit at nang hindi mabilang na mga butil ng buhangin sa tabing dagat.

    13 Ang lahat ng ito ay namatay sa pananampalataya na hindi tinanggap ang mga pangako, sa halip kahit malayo pa nakita at tinanggap na nila, na sila ay mga dayuhan at banyaga dito sa lupa.

    14 Kaya sa mga nagsasabi ng ganoong mga bagay ay nagbibigay linaw na sila ay naghahanap ng kanilang sariling bayan. 15 Sa katunanayan, kung ang iniwan nilang lupain ang kanilang iniisip, sila ay may pagkakataon pang bumalik, 16 Subalit naghahangad sila ng mas mabuting bayan, na isang makalangit. Kaya naman hindi nahihiya ang Diyos na tawaging kanilang Diyos sapagkat naghanda siya ng isang lungsod para sa kanila.

  9. 27 Ikakalat kayo ni Yahweh sa mga tao, at magiging kunti na lamang ang matitira sainyo sa mga bansa, kung saan si Yahweh ay pangungunahan kayo papalayo. 28 Doon kayo ay maglilingkod sa ibang mga diyos, ang gawa ng mga kamay ng tao, kahoy at bato, kung saan alinma'y hindi nakakakita, nakakarinig, nakakakain, ni nakakaamoy.

    29 Pero mula doon hahanapin ninyo si Yahweh na inyong Diyos, at matatagpuan ninyo siya, kapag hinanap ninyo siya ng inyong buong puso at ng inyong buong kaluluwa. 30 Kapag kayo ay nababalisa, at kapag ang lahat ng mga bagay na ito ay dumating sa inyo, sa mga darating na araw na iyon kayo ay babalik kay Yahweh na inyong Diyos at makinig sa kaniyang boses. 31 Dahil si Yahweh na inyong Diyos ay isang maawaing Diyos; hindi niya kayo bibiguin ni wawasakin, ni hindi kakalimutan ang tipan ng inyong mga ama na ipinangako niya sa kanila.

  10. 7 Humingi kayo, at ito ay ibibigay sa inyo. Humanap kayo, at kayo ay makakatagpo. Kumatok kayo, at bubuksan ito para sa inyo. 8 Sapagkat ang lahat na humihingi, ay makatatanggap. At ang lahat na maghahanap, ay makakatagpo. At sa kanila na kumakatok, ito ay mabubuksan.

    9 O anong tao sa inyo na kapag humingi ng tinapay ang kaniyang anak ay bibigyan niya ng bato? 10 O kapag humihingi siya ng isda, ay bibigyan niya ng ahas? 11 Kaya kung kayong mga masasama ay marunong magbigay ng mga mabubuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Amang nasa langit na nagbibigay ng mga mabubuting bagay sa mga humihingi sa kaniya?

    12 Kaya kung anuman ang gusto inyong gawin ng mga tao sa inyo, ganoon din ang gawin ninyo sa kanila, sapagkat ito ang sa kautusan at ng mga propeta.

    13 Pumasok kayo sa makipot na tarangkahan. Sapagkat malawak ang tarangkahan at malapad ang daan patungo sa kapahamakan, at maraming tao ang dumaraan doon. 14 Subalit makitid ang tarangkahan at makitid ang daan na patungo sa buhay, at kakaunti ang nakakahanap nito.

  11. 12 Magtanim ng katuwiran para sa inyong sarili, at anihin ang bunga ng matapat na kasunduan. Bungkalin ninyo ang hindi pa naaararong lupa, sapagkat panahon na upang hanapin si Yahweh, hanggang sa siya ay dumating at magpa-ulan ng katuwiran sa inyo.

  12. 17 Ipinag-utos rin ni David sa lahat ng mga pinuno ng Israel na tulungan ang kaniyang anak na si Solomon, sinasabi, 18 “Si Yahweh na inyong Diyos ay kasama ninyo at binigyan kayo ng kapayapaan sa bawat panig. Ibinigay niya sa akin ang lahat ng mga nakatira sa rehiyon. Nasakop ni Yahweh ang rehiyon at ang mga tao nito. 19 Ngayon hanapin ninyo si Yahweh na inyong Diyos nang buong puso at kaluluwa. Tumayo kayo at itayo ang banal na lugar ng Diyos na si Yahweh. At maaari na ninyong dalhin ang kaban ng tipan ni Yahweh at ang mga bagay na pag-aari ng Diyos sa tahanan na itinayo para sa pangalan ni Yahweh.”

  13. 2 Si Yahweh ay tumingin sa baba mula sa langit sa mga anak ng sangkatauhan para makita kung mayroong sinuman ang nakauunawa, kung sino ang naghahanap sa kaniya. 3 Ang lahat ay tumalikod; ang lahat ay naging marumi; walang sinuman ang gumagawa ng mabuti, wala, kahit isa.

  14. 1 Si Dario ay ang anak ni Assuero, isang kaapu-apuhan ng Medo. Ito ay si Dario na ginawang hari sa buong kaharian ng mga taga-Babilonia. 2 Ngayon sa unang taon ng paghahari ni Dario, ako si Daniel, ay pinag-aaralan ko ang mga aklat na naglalaman ng salita ni Yahweh, ang salitang dumating kay Jeremias na propeta. Napag-aralan kong may pitumpung taon hanggang sa matapos ang pagpapabaya sa Jerusalem. 3 Iniharap ko ang aking mukha sa Panginoong Diyos, upang hanapin siya sa pamamagitan ng panalangin at mga kahilingan, ng pag-aayuno, at pagsuot ng magaspang na tela at pag-upo sa mga abo.

    4 Nanalangin ako kay Yahweh na aking Diyos, at ipinahayag ko ang aming mga kasalanan. Sinabi ko, “Nagsusumamo ako sa iyo, Panginoon, ikaw ay dakila at kahanga-hangang Diyos na siyang tumutupad ng kasunduan at tapat sa mga umiibig sa iyo at sumusunod sa iyong mga kautusan.

  15. 8 Tikman at masdan na si Yahweh ay mabuti; mapalad ang taong kumukubli sa kaniya. 9 Katakutan ninyo si Yahweh, kayo na kaniyang banal na bayan; hindi nagkukulang ang mga may takot sa kaniya. 10 Ang batang leon minsan ay nagkukulang sa pagkain at nagugutom; pero ang mga humahanap kay Yahweh ay hindi magkukukulang ng anumang bagay na mabuti.

  16. 22 Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad, “Kaya sinasabi ko sa inyo, huwag kayong mabahala tungkol sa inyong buhay—kung ano ang inyong kakainin, o tungkol sa inyong katawan—kung ano ang inyong susuotin. 23 Sapagkat ang buhay ay mas higit kaysa sa pagkain at ang katawan ay mas higit kaysa sa mga damit. 24 Isipin ninyo ang mga uwak, hindi sila naghahasik o umaani. Wala silang bodega o kamalig, ngunit sila ay pinapakain ng Diyos. Gaano na lamang kayo kahalaga kaysa sa mga ibon!

    25 At sino sa inyo ang sa pag-aalala ay makapagdaragdag ng kahit isang kubit sa haba ng kaniyang buhay? 26 Kung gayon na hindi ninyo magawa ang kahit pinakamaliit na bagay, bakit kayo nababahala sa ibang mga bagay?

    27 Isipin ninyo ang mga liryo—kung paano sila lumalaki. Sila ay hindi nagtatrabaho o ni nagsusulid man lang. Gayon pa man, sinasabi ko sa inyo, kahit si Solomon sa lahat ng kaniyang kaluwalhatian ay hindi nakapagdamit na tulad ng isa sa mga ito. 28 Kung dinamitan nga ng Diyos ang damo sa bukid, na nananatili ngayon, at bukas ay itatapon sa pugon, gaano pa kayo na kaniyang dadamitan, O kayong mga maliit ang pananampalataya!

    29 Huwag hanapin kung ano ang inyong kakainin, at kung ano ang inyong iinumin, at huwag kayong mabahala. 30 Dahil ang mga bagay na ito ang hinahanap ng lahat ng mga bansa sa mundo, at alam ng inyong Ama na kailangan ninyo ang mga bagay na ito. 31 Ngunit hanapin ang kaniyang kaharian, at ang lahat ng bagay na ito ay maidadagdag sa inyo.

    32 Huwag matakot, maliit na kawan, dahil ang inyong Ama ay lubos na nalulugod na ibigay sa inyo ang kaharian. 33 Ipagbili ang inyong mga ari-arian at ibigay ito sa mahihirap. Gumawa kayo ng inyong mga sariling mga pitaka na hindi nasisira—mga kayamanan sa kalangitan na hindi nawawala, na hindi nilalapitan ng magnanakaw, at hindi sinisira ng tanga. 34 Sapagkat kung nasaan ang inyong kayamanan ay naroon din ang inyong puso.

  17. 24 Ang Diyos na lumikha ng mundo at ng lahat ng naroon, dahil siya ang Panginoon ng langit at lupa, ay hindi nananahan sa mga templo na itinayo ng mga kamay. 25 Hindi rin siya pinagsilbihan ng mga kamay ng tao, na para bang kailangan niya ang anuman, dahil siya mismo ang nagbigay ng buhay sa tao at hininga at lahat ng iba pang mga bagay. 26 At mula sa isang tao ay nilikha niya ang bawat lahi ng mga taong nabubuhay sa ibabaw ng mundo, itinakda niya ang kanilang mga kapanahunan at ang hangganan ng kanilang tinitirahan.

    27 Kaya nga dapat nilang hanapin ang Diyos at baka sakaling maabot siya at matagpuan at sa katunayan, hindi siya malayo sa bawat isa sa atin.

  18. 4 Hinanap ko si Yahweh, at tumugon siya, at sa lahat ng mga takot ko tagumpay ang ibinigay niya. 5 Nagniningning ang mga tumitingin sa kaniya, at ang kanilang mga mukha ay hindi nahihiya.

  19. 2 Mapalad silang pinapanatili ang kaniyang banal na mga kautusan, silang buong pusong naghahanap sa kaniya. 3 Wala silang ginagawang kamalian; lumalakad sila sa kaniyang mga kaparaanan.

  20. 9 At ikaw naman Solomon na aking anak, sundin mo ang Diyos ng iyong ama, at paglingkuran mo siya ng buong puso at may isang espiritu na may pagkukusa. Gawin ito sapagkat sinisiyasat ni Yahweh ang lahat ng puso at nauunawaan ang bawat pag-uudyok ng kaisipan ng bawat isa. Kung hahanapin mo siya, matatagpuan mo siya, ngunit kung iiwan mo siya, itatakwil ka niya magpakilanman.

  21. 10 Ito ay gaya ng nasusulat: “Walang matuwid, wala ni isa. 11 Walang nakauunawa. Walang humahanap sa Diyos. 12 Silang lahat ay nagsilihis. Silang lahat ay naging walang silbi. Walang gumagawa ng mabuti, wala, wala kahit isa.

  22. 21 Pagkatapos nagdeklara ako ng pag-aayuno sa Lagusan ng mga Ahava upang magpakumbaba kami sa harap ng Diyos, upang humingi ng tuwid na landas mula sa kaniya para sa amin, sa aming mga anak, at sa lahat ng aming mga ari-arian. 22 Nahiya akong humingi sa hari ng hukbo o mga mangangabayo para ipagtanggol kami laban sa mga kaaway sa aming daraanan, yamang sinabi namin sa hari, 'Ang kamay ng aming Diyos ay nasa lahat ng humahanap sa kaniya para sa kabutihan, ngunit ang kaniyang kapangyarihan at poot ay nasa lahat ng sinumang nakakalimot sa kaniya.'

    23 Kaya nag-ayuno kami at humingi sa Diyos tungkol dito, at nagmakaawa kami sa kaniya.

  23. 1 Bansang walang kahihiyan, magtulungan kayo at magtipun-tipon, 2 bago isagawa ng kautusan ang kahihinantan, bago lumipas ang araw na gaya ng ipa, bago dumating ang matinding galit ni Yahweh sa inyo! Bago dumating ang araw ng matinding poot ni Yahweh sa inyo! 3 Hanapin ninyo si Yahweh, kayong mga mapagpakumbabang tao sa lupa na sumusunod sa kaniyang mga kautusan! Hanapin ninyo ang katuwiran! Hanapin ninyo ang kababaang-loob at marahil na iingatan kayo sa araw ng matinding poot ni Yahweh!

  24. 5 Sabihin nating masigasig mong hinanap ang Diyos at iyong inilahad ang iyong mga kahilingan sa Makapangyarihan. 6 Sabihin nating ikaw ay dalisay at matuwid; pagkatapos siguradong gagawa siya para sa iyo at gagantipalaan ka ng tahanan na tunay mong pag-aari.

  25. 17 Mahal ko silang mga nagmamahal sa akin, at silang mga masisipag na humahanap sa akin ay matatagpuan ako.

  26. 21 Ngunit ito ang aking inaalala, at ito ang dahilang ako ay may pag-asa: 22 Ito ay sa pamamagitan ng katapatan sa kasunduan ni Yahweh kaya hindi tayo nalipol, sapagkat ang kaniyang mga kilos ng kahabagan ay hindi nagwakas. 23 Ang mga kilos ng kahabagan niya ay muling nagaganap sa bawat umaga, katapatan mo ay dakila! 24 “Si Yahweh ay aking mana,” sinabi ko sa aking sarili, kaya aasa ako sa kaniya. 25 Si Yahweh ay mabuti sa sinumang naghihintay sa kaniya, sa buhay na naghahanap sa kaniya. 26 Mabuti ang maghintay sa pagliligtas ni Yahweh nang tahimik.

  27. 4 Ang masasamang tao ay nakataas-noo; hindi niya hinahanap ang Diyos. Hindi niya kailanman iniisip ang tungkol sa Diyos dahil siya ay wala talagang pakialam sa kaniya.

  28. 1 Ang buong lupain ay kay Yahweh, ang daigdig at ang lahat ng naninirahan dito. 2 Dahil itinatag niya ito sa mga karagatan at itinaguyod sa mga ilog. 3 Sino ang aakyat sa bundok ni Yahweh? Sino ang tatayo sa kaniyang banal na lugar? 4 Siya na may malinis na mga kamay at dalisay na puso; siyang hindi nagtatanghal ng mga kasinungalingan, at hindi nanunumpa para lang manlinlang. 5 Makatatanggap siya ng pagpapala mula kay Yahweh at katuwiran mula sa Diyos ng kaniyang kaligtasan. 6 Iyan ang salinlahi ng mga naghahanap sa kaniya, sila na humahanap sa mukha ng Diyos ni Jacob. Selah

  29. 32 Nakita ito ng mga mapagpakumbaba at natuwa; kayo na mga naghahanap sa Diyos, hayaan niyong mabuhay ang inyong mga puso.

  30. 1 Bumaba ang Espiritu ng Diyos kay Azarias na anak na lalaki ni Oded. 2 Umalis siya upang makipagkita kay Asa at sinabi sa kaniya, “Makinig ka sa akin Asa at ang lahat ng mga tao sa tribu nina Juda at Benjamin. Kasama ninyo si Yahweh habang kayo ay nasa kaniya. Kung siya ay inyong hahanapin, matatagpuan ninyo siya. Ngunit kung itatakwil ninyo siya, itatakwil rin niya kayo. 3 Ngayon, sa napakahabang panahon, hindi kasama ng Israel ang tunay na Diyos, walang nagtuturong pari at wala ang kautusan ng Diyos. 4 Ngunit sa kanilang kagipitan, nagbalik-loob sila kay Yahweh, ang Diyos ng Israel, hinanap nila si Yahweh at siya ay natagpuan nila.

  31. 12 Gumawa sila ng kasunduan na hahanapin nila nang buong puso at kaluluwa si Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno. 13 Nagkasundo sila na dapat ipapatay ang sinumang tumangging hanapin si Yahweh, ang Diyos ng Israel. Hamak man o dakila ang taong ito, lalaki man o babae. 14 Nangako sila kay Yahweh nang may malakas na tinig, may sigawan, may mga trumpeta at may mga tambuli. 15 Nagalak ang buong Juda sa pangako, sapagkat buong puso silang nangako kay Yahweh at hinanap nila ang Diyos nang may buong pagnanais at siya ay natagpuan nila. Binigyan sila ni Yahweh ng kapayapaan sa buong lupain.

  32. 14 Sa panahong iyon kung ang aking mga tao na tinawag sa pamamagitan ng aking pangalan ay magpapakumbaba, mananalangin, hahanapin ako, at tatalikod sa kanilang masasamang gawain, makikikiibig ako mula sa langit, patatawarin ko ang kanilang kasalanan, at pagagalingin ko ang kanilang lupain.

  33. 18 Sapagkat marami sa mga tao, ang karamihan sa kanila ay mula sa Efraim, Manases, Isacar at Zebulun, ang hindi nakapaglinis ng kanilang sarili, gayon pa man kumain sila ng pagkaing pampaskwa, labag sa nakasulat na tagubilin. Ipinanalangin sila ni Ezequias, na nagsasabing, “Patawarin nawa ng mabuting Yahweh ang bawa't isa 19 na nagtakda ng kanilang mga puso na hanapin ang Diyos, na si Yahweh, ang Diyos ng kaniyang mga ninuno, kahit na hindi siya malinis ayon sa pamantayan ng paglilinis ng banal na lugar.”

    20 Kaya pinakinggan ni Yahweh si Ezequias at pinagaling niya ang mga tao.

  34. 2 Ginawa ni Asa ang mabuti at matuwid sa paningin ni Yahweh na kaniyang Diyos, 3 sapagkat tinanggal niya ang mga altar ng mga diyus-diyosan at mga dambana. Giniba niya ang mga sagradong batong poste at binuwal ang mga imahe ni Ashera. 4 Inutusan niya ang mga taga-Juda na hanapin si Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno at tuparin ang kaniyang batas at mga kautusan. 5 Tinanggal din niya sa lahat ng lungsod ng Juda ang mga dambana at ang mga altar na sunugan ng insenso. Naging mapayapa ang kaharian sa kaniyang pamamahala.

    6 Nagpatayo siya ng matitibay na pader sa lungsod ng Juda, sapagkat mapayapa ang lupain at walang digmaan sa mga panahong iyon dahil binigyan siya ni Yahweh ng kapayapaan. 7 Sapagkat sinabi ni Asa sa Juda, “Itayo natin ang mga lungsod na ito at gumawa tayo ng mga pader sa paligid nito, mga tore, tarangkahan at rehas. Sa atin pa rin ang lupain dahil hinanap natin si Yahweh na ating Diyos. Hinanap natin siya at binigyan niya tayo ng kapayapaan sa bawat dako.” Kaya nagtayo sila at nagtagumpay.

  35. 10 Nagtitiwala ang nakakakilala ng pangalan mo, dahil ikaw, Yahweh, ay hindi nang-iiwan ng mga lumalalapit sa iyo.

  36. 5 Ang mga masasamang tao ay hindi naiintindihan ang katarungan, ngunit sila na naghahanap kay Yahweh ay naiintindihan ang lahat ng bagay.

  37. 9 Sinasabi ko rin sa inyo, humingi kayo at ito ay maibibigay sa inyo, maghanap at inyong matatagpuan. Kumatok, at ito ay mabubuksan para sa inyo. 10 Sapagkat ang bawat tao na humihingi ay makatatanggap at ang tao na naghahanap ay makatatagpo at sa tao na kumakatok, ito ay mabubuksan.

    11 Aling ama sa inyo, kung ang iyong anak na lalaki ay humingi ng isda ay bibigyan mo ng ahas sa halip na isda? 12 O kung siya ay humingi ng itlog, bibigyan mo ba siya ng alakdan? 13 Kaya, kung kayong masasama ay marunong magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama mula sa langit na ibibigay ang Banal na Espiritu sa mga humihingi sa kaniya?”

  38. 16 Sumunod sa kanila ang mga tao mula sa lahat ng mga tribu ng Israel na itinuon ang kanilang puso na hanapin si Yahweh, ang Diyos ng Israel. Pumunta sila sa Jerusalem upang maghandog kay Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno.

  39. 3 Kasama ni Jehoshafat si Yahweh dahil lumakad siya sa unang kaparaanan ng kaniyang ama na si David at hindi siya bumaling sa mga Baal. 4 Sa halip, nagtiwala siya sa Diyos ng kaniyang ama, at lumakad siya ayon sa kaniyang mga kautusan, hindi ayon sa gawain ng Israel. 5 Kaya itinatag ni Yahweh ang pamamahala sa kaniyang kamay, nagbigay ng parangal kay Jehoshafat ang lahat ng Juda. Nagkaroon siya ng napakaraming yaman at karangalan. 6 Ang kaniyang puso ay nakatuon sa kaparaanan ni Yahweh. Inalis din niya ang mga altar at imahen ni Ashera sa Juda.

  40. 44 Ang kaharian ng langit ay tulad sa isang kayamanang nakatago sa bukid. Natagpuan ito ng isang tao at itinago. Sa kaniyang kagalakan ay umalis siya at ibinenta niya lahat ng mayroon siya at binili ang bukid na iyon.

    45 Gayun din naman, ang kaharian ng langit ay tulad ng isang mangangalakal na naghahanap ng mga mahahalagang perlas. 46 Nang mahanap niya ang isang perlas na may malaking halaga, umalis siya at ibinenta niya lahat ng mayroon siya at binili ito.

  41. 10 Busong puso kitang hahanapin; huwag mo akong hayaang malihis mula sa iyong mga kautusan.

  42. 18 Sapagkat naihayag ang poot ng Diyos mula sa langit laban sa lahat ng kasamaan at kawalan ng katuwiran ng mga tao na sa pamamagitan ng kawalan ng katuwiran ay hinahadlangan ang katotohanan. 19 Ito ay dahil ang maaaring malaman tungkol sa Diyos ay nakikita nila. Sapagkat niliwanagan sila ng Diyos. 20 Sapagkat ang kaniyang likas na hindi nakikita ay malinaw na nakikita simula pa noong likhain ang mundo. Nauunawaan ang mga ito sa pamamagitan ng mga nilikhang bagay. Ang mga likas na ito ay ang kaniyang walang hanggang kapangyarihan at ang kaniyang pagka-Diyos. Kung kaya, ang mga taong ito ay walang maidadahilan.

    21 Sapagkat kahit kilala nila ang Diyos, siya ay hindi nila niluwalhati bilang Diyos, ni hindi nila siya pinasalamatan. Sa halip, naging hangal sila sa kanilang pag-iisip at nagdilim ang manhid nilang mga puso. 22 Sila ay nagmamarunong ngunit sila ay naging mga hangal. 23 Ipinagpalit nila ang kaluwalhatian ng Diyos na walang kamatayan para sa katulad ng imahe ng taong namamatay, ng mga ibon, ng mga hayop na may apat na paa, at ng mga nagsisigapang.

    24 Kaya ibinigay sila ng Diyos sa pagnanasa ng kanilang puso sa karumihan, upang malapastangan ang kanilang mga katawan sa kani-kanilang sarili. 25 Sila iyong mga ipinagpalit ang katotohanan ng Diyos sa kasinungalingan, at mga sumamba at naglingkod sa nilikha sa halip na ang Lumikha, na pinupuri magpakailanman. Amen.

    26 Dahil dito, ibinigay sila ng Diyos sa mga mahahalay na pagnanasa, sapagkat ipinagpalit ng kanilang mga kababaihan ang kanilang likas na kaugnayan sa kung ano ang laban sa likas, 27 Gayon din, iniwan ng mga kalalakihan ang kanilang likas na kaugnayan sa mga babae at nag-aalab sila sa kanilang pagnanasa sa kapwa lalaki. Sila ang mga lalaking gumawa ng kahalayan sa mga kapwa lalaki, at tumanggap sa kanilang sarili ng parusa na nararapat sa kanilang kabuktutan.

    28 Dahil ayaw nilang magkaroon ng Diyos sa kanilang kamalayan, hinayaan niya sila sa mahahalay na pag-iisip, upang gawin nila ang mga bagay na hindi nararapat. 29 Napuno sila ng pawang kawalan ng katuwiran, kasamaan, kasakiman at kahalayan. Puno sila ng inggit, pagpatay, pag-aawayan, pandaraya at mga masasamang hangarin. 30 Sila ay mga tsismoso, mga mapanirang puri at nasusuklam sa Diyos. Sila ay mararahas, mayayabang, at mapagmataas. Mga manlilikha sila ng kasamaan at suwail sa mga magulang. 31 Wala silang pang-unawa, hindi mapagkakatiwalaan, walang pagmamahal at walang awa.

    32 Nauunawaan nila ang mga tuntunin ng Diyos, na ang mga gumagawa ng ganoong mga bagay ay karapat-dapat sa kamatayan. Ngunit hindi lamang nila ginagawa ang mga ganitong bagay, sumasang-ayon din sila sa iba na gumagawa nito.

  43. 4 Hayaan mong ang mga iyon na naghahanap sa inyo ay matuwa at magalak sa inyo; hayaan mong ang mga umiibig sa iyong kaligtasan na sabihin lagi, “Purihin nawa ang Diyos.” 5 Pero ako ay mahirap at nangangailangan; magmadali ka sa akin, O Diyos; ikaw ang tutulong at sasagip sa akin. Yahweh, huwag kang maantala.

  44. 16 Pero magalak nawa silang mga naghahanap sa iyo at sa iyo ay maging masaya; hayaan mong ang lahat ng nagmamahal sa iyong pagliligtas ang patuloy na magsabi, “Nawa si Yahweh ay mapapurihan.”

  45. 5 Inilaan niya ang kaniyang sarili upang hanapin ang Diyos sa mga araw ni Zacarias, na siyang nagbigay sa kaniya ng mga tagubilin para sa pagsunod sa Diyos. Habang hinahanap niya si Yahweh, pinagpala siya ng Diyos.

  46. 8 Pero ako, sa Diyos ako lalapit, ipagkakatiwala ko sa Diyos ang aking kalagayan — 9 siya na gumagawa ng mga dakila at makabuluhang mga bagay, mga kamangha-manghang bagay na hindi na mabilang.

  47. 1 Nakaaawa ang mga bumababa sa Ehipto para humingi ng tulong at umaasa sa mga kabayo, at magtitiwala sa mga karwahe (dahil sila ay marami) at sa mangangabayo (dahil sila ay hindi mabilang). Pero hindi nila isinasaalang-alang ang Banal ng Israel, ni hinahanap nila si Yahweh!

  48. 1 Kung itinaas kayo ng Diyos na kasama ni Cristo, hanapin ninyo ang mga bagay na nasa itaas, kung saan nakaupo si Cristo sa kanang kamay ng Diyos. 2 Isipin ninyo ang tungkol sa mga bagay na nasa itaas, at hindi tungkol sa mga bagay sa lupa.

  49. 26 Ang mga naaapi ay makakakain at mabubusog; sila na naghahanap kay Yahweh ay magpupuri sa kaniya. Nawa ang inyong mga puso ay mabuhay magpakailanman.

  50. 4 “Iuunat ko ang aking kamay sa buong Juda at sa lahat ng naninirahan sa Jerusalem. Papatayin ko ang bawat nalalabi ni Baal sa lugar na ito at ang mga pangalan ng mga taong sumasamba sa diyus-diyosan na kabilang sa mga pari, 5 ang mga taong nasa mga bubungan ng bahay na sumasamba sa mga natatanaw sa kalawakan at ang mga taong sumasamba at nangangako kay Yahweh ngunit nangangako rin kay Milcom. 6 Gayundin ang gagawin ko sa mga tumalikod sa pagsunod kay Yahweh, maging ang mga hindi naghahanap kay Yahweh, ni humihingi ng kaniyang patnubay.”

  51. 7 Kaya, magpasakop kayo sa Diyos. Labanan ninyo ang diyablo at lalayo siya sa inyo. 8 Lumapit kayo sa Diyos, at siya ay lalapit sa inyo. Linisin ang inyong mga kamay, kayong mga makasalanan, at gawing dalisay ang inyong mga puso, kayong mga nagdadalawang-isip.

  52. 45 Maglalakad ako nang ligtas, dahil hinahanap ko ang iyong mga tagubilin.

  53. 30 Kahit ang mga kabataan ay napapagod at nanghihina, at ang kabataang lalaki ay nadadapa at nahuhulog: 31 pero silang naghihintay kay Yahweh ay panunumbalikin ang kanilang kalakasan; pumailanglang sila ng may pakpak tulad ng mga agila; sila ay tatakbo at hindi manghihina; sila ay maglalakad at hindi mahihimatay.

  54. 4 Sapagkat mamumuhay sa mahabang panahon ang mga tao ng Israel nang walang hari, prinsipe, alay, haliging bato, efod o mga diyus-diyosan sa sambahayan. 5 Pagkatapos, manunumbalik at hahanapin ng mga tao ng Israel si Yahweh na kanilang Diyos at si David na kanilang hari. At sa huling mga araw, lalapit silang nanginginig sa harapan ni Yahweh at sa kaniyang kabutihan.

  55. 1 “Tingnan ninyo, malapit ko ng isugo ang aking mensahero at ihahanda niya ang daan sa harapan ko. At ang Panginoon na inyong hinahanap, ay biglang darating sa kaniyang templo; at ang mensahero ng tipan na iyong kinaluluguran, tingnan ninyo, dumarating siya,” sabi ni Yahweh ng mga hukbo.

  56. 1 Kaya wala kang maidadahilan, ikaw tao, ikaw na humahatol, sapagkat kung ano ang hatol mo sa iba, iyon ang hatol mo sa iyong sarili. Sapagkat ikaw na humahatol ay gumagawa din ng ganoong mga bagay. 2 Ngunit alam natin na ang hatol ng Diyos ay ayon sa katotohanan kapag ito ay bumaba sa mga gumagawa ng ganoong mga bagay. 3 Ngunit isipin mo ito, ikaw tao, ikaw na humahatol sa mga gumagawa ng mga bagay na ganoon, kahit na ginagawa mo rin ang ganoong mga bagay. Makatatakas ka ba sa hatol ng Diyos? 4 O hinahamak mo ang yaman ng kaniyang kabutihan, ang mga naantala niyang parusa, at ang kaniyang pagtitiyaga? Hindi mo ba alam na ang kaniyang kabutihan ay siyang aakay sa iyo sa pagsisisi?

    5 Ngunit ayon sa lawak ng iyong katigasan at iyong pusong walang pagsisisi ay nag-iimbak ka para sa iyong sarili ng poot sa araw ng poot, iyon ay, ang araw ng paghahayag ng matuwid na paghatol ng Diyos. 6 Magbibigay siya sa bawat tao ayon sa kaniyang ginawa: 7 sa mga patuloy na gumagawa ng mga mabubuting bagay na naghangad ng papuri, karangalan at ng hindi pagkasira, bibigyan niya ng buhay na walang hanggan. 8 Ngunit para sa mga makasarili, mga taong hindi sumusunod sa katotohanan ngunit sumusunod sa kalikuan, darating ang matinding galit at poot.

    9 Magdadala ang Diyos ng pagdurusa at paghihirap sa bawat kaluluwa ng taong gumagawa ng masama, una sa mga Judio at gayon din sa mga Griyego. 10 Subalit kapurihan, karangalan at kapayapaan ang darating sa mga taong gumagawa ng mabuti, una sa mga Judio at gayon din sa mga Griyego. 11 Sapagkat walang pinapanigan ang Diyos.

  57. 1 At kaya, sa sama-samang paggawa, nakikiusap kami sa inyo na huwag tanggapin ang biyaya ng Diyos ng walang katuturan. 2 Sapagkat sinabi niya, “Sa tamang panahon, ikaw ay aking pinansin, at sa araw ng pagliligtas, ikaw ay aking tinulungan.” Tingnan ninyo, ngayon ang tamang panahon. Ngayon ang araw ng kaligtasan.

  58. 21 Sa bawat proyekto na kaniyang sinimulan sa paglilingkod sa tahanan ng Diyos, sa batas, at sa mga kautusan, upang hanapin ang kaniyang Diyos, ginawa niya ito nang buong puso, at nagtagumpay siya.

  59. 8 Oo, sa paraan ng iyong paghuhukom, Yahweh, kami ay maghihintay para sa iyo; ang iyong pangalan at iyong reputasyon ay aming ninanais. 9 Nananabik ako sa iyo sa gabi; oo, ang espiritu sa aking kalooban ay masigasig kang hinahanap. Dahil kapag dumating ang iyong paghuhukom, ang mga naninirahan sa mundo ay malalaman ang tungkol sa katuwiran.

  60. 7 Ngayon, hindi ba ibibigay din ng Diyos ang katarungan sa kaniyang mga hinirang na dumaraing sa kaniya araw at gabi? Hindi ba siya magiging matiyaga sa kanila? 8 Sinasabi ko sa inyo na agad niyang dadalhin ang katarungan sa kanila. Ngunit kapag dumating ang Anak ng Tao, may matatagpuan ba siyang pananampalataya sa lupa?”

    9 At sinabi din niya ang talinghagang ito sa mga taong nagsasabi sa kanilang mga sarili na sila ay matuwid at humahamak sa ibang tao, 10 “Dalawang lalaki ang pumunta sa templo upang manalangin—ang isa ay Pariseo at ang isa naman ay maniningil ng buwis. 11 Tumayo ang Pariseo at ipinanalangin ang mga bagay na ito tungkol sa kaniyang sarili, 'Diyos, nagpapasalamat ako sa iyo dahil hindi ako katulad ng ibang taong magnanakaw, mga hindi matuwid, mga mangangalunya, o tulad ng maniningil ng buwis na ito. 12 Nag-aayuno ako ng dalawang beses bawat linggo. Ibinibigay ko ang ikapu ng lahat ng aking nakukuha.'

    13 Ngunit ang maniningil ng buwis, na nakatayo sa di-kalayuan, ayaw man lang tumingin sa langit, ngunit dinadagukan niya ang kaniyang dibdib, sinasabi, 'Diyos, kaawaan mo ako, na isang makasalanan.' 14 Sinasabi ko sa inyo, umuwi ang taong ito sa kaniyang bahay na napawalang-sala kaysa sa isa, dahil maibababa ang bawat taong nagmamataas ng kaniyang sarili at maitataas ang bawat taong nagpapakababa ng kaniyang sarili.”

  61. 6 Ipagpalagay na ang inyong kapatid na lalaki, na anak na lalaki ng inyong ina, o ang inyong anak na lalaki o inyong anak na babae, o ang asawa ng inyong sinapupunan, o ang inyong kaibigan na sa inyo ay parang sarili ninyong kaluluwa, na palihim na umaakit sa inyo at sinasabing, 'Tayo'y pumunta at sumamba sa ibang mga diyus-diyosan na hindi ninyo kilala, maging kayo o ng inyong mga ninuno— 7 alinman sa mga diyus-diyosan ng mga tao na nakapalibot sa inyo, malapit sa inyo, o malayo mula sa inyo, mula sa isang dulo ng mundo hanggang sa ibang dulo ng mundo.' 8 Huwag sumang-ayon o makinig sa kaniya. Ni dapat siyang kaawaan ng inyong mata, ni papatawarin o itago siya.

    9 Sa halip, siguraduhin ninyong papatayin siya; ang inyong kamay ang mauun para patayin siya, at pagkatapos ang kamay na ng lahat ng mga tao. 10 Babatuhin ninyo siya hanggang sa kamatayan sa pamamagitan ng mga bato, dahil sinubukan niyang hilain kayo palayo mula kay Yahweh na inyong Diyos, na nagdala sa inyo palabas sa lupain ng Ehipto, palabas sa bahay ng pagkaalipin.

  62. 5 Sinabi ni Jehoshafat sa hari ng Israel, “Pakiusap humingi ka ng gabay mula sa salita ni Yahweh kung ano ang dapat mong unang gawin.”

  63. 1 At nangyari pagkatapos nito, ang mga tao sa Moab at Ammon, kasama ang ilang mga Meunita ay dumating upang makipagdigma laban kay Jehoshafat. 2 At may ilang dumating na nagsabi kay Jehoshafat, “May isang malaking grupo ng mga tao ang paparating laban sa iyo mula sa ibayo ng Dagat na Patay, sa Aram. Tingnan mo, sila ay nasa Hazazon-tamar” (ito ay ang En-gedi).

    3 Natakot si Jehoshafat at itinalaga niya ang kaniyang sarili upang hanapin si Yahweh. Nagpahayag siya ng pag-aayuno sa buong Juda. 4 Nagtipun-tipon ang Juda upang hanapin si Yahweh; dumating sila upang hanapin si Yahweh mula sa lahat ng lungsod ng Juda.

  64. 1 Walong taong gulang si Josias nang magsimula siyang maghari. Tatlumpu't isang taon siyang naghari sa Jerusalem. 2 Ginawa niya kung ano ang tama sa mga mata ni Yahweh at sumunod sa mga yapak ni David na kaniyang ninuno, at hindi lumingon sa kanan man o sa kaliwa.

    3 Dahil sa ikawalong taon ng kaniyang paghahari, habang siya ay bata pa, sinimulan niyang hanapin ang Diyos ni David na kaniyang ninuno. Sa ikalabing dalawang taon, sinimulan niyang linisin ang Juda at Jerusalem mula sa mga dambana, mga imahen ni Ashera, at mga inukit na mga imahe, at ang mga molde ng imahe na gawa sa metal. 4 Giniba ng mga tao ang mga altar ng mga Baal sa kaniyang harapan. Binasag niya ang mga altar ng insenso na nasa ibabaw nila. Giniba niya ang mga imahen ni Ashera at ang mga inukit naimahe sa pira-piraso hanggang sa maging abo ang mga ito. Ikinalat niya ang abo sa mga libingan ng mga taong nag-alay sa mga ito. 5 Sinunog niya ang mga buto ng kanilang mga pari sa kanilang mga altar. Sa ganitong paraan, nilinis niya ang Juda at ang Jerusalem.

    6 Ginawa rin niya ito sa mga lungsod ng Manases, Efraim, at Simeon, hanggang sa Neftali, at sa mga nawasak na lugar na nakapalibot sa kanila. 7 Giniba niya ang mga altar, dinurog ang mga imahen ni Ashera at ang mga inukit na imahe hanggang sa naging pulbos ang mga ito, at hinati-hati ang lahat ng altar ng insenso sa lahat ng dako ng lupain ng Israel. Pagkatapos ay bumalik siya sa Jerusalem.

  65. 19 Sasabihan ka nila, “Kumunsulta ka sa mga manghuhula at mga salamangkero,” silang mga nagsasambit at bumubulong ng mga dasal. Pero hindi ba dapat sa Diyos kumukunsulta ang mga tao? Mas nararapat bang konsultahin nila ang patay para sa mga nabubuhay?

  66. 8 Kaya ngayon, sa harap ng buong Israel, at ng kapulungang ito para kay Yahweh at sa harapan ng ating Diyos, kailangan na ingatan at sikapin ninyong isagawa ang lahat ng kautusan ni Yahweh na inyong Diyos. Gawin ninyo ito upang makamtan ninyo ang mabuting lupaing ito at maipamana magpakailanman sa inyong mga anak na susunod sa inyo.

  67. 94 Ako ay sa iyo; iligtas mo ako, dahil hinahanap ko ang mga tagubilin mo.

  68. 15 Alam ko kung ano ang inyong ginawa, at kayo na sinumang malamig o mainit. Nais ko na kayo ay maging malamig ni mainit! 16 Kaya, dahil kayo ay maligamgam — ni mainit o malamig — malapit ko na kayong isuka buhat sa aking bibig.

    17 Dahil sinabi mo, “Mayaman ako, marami akong materyal na pag-aari, at wala akong pangangailangan.” Pero hindi mo alam na ikaw ang pinakamalungkot, kaawa-awa, dukha, bulag at hubad. 18 Pakinggan ang aking payo: Bumili ka mula sa akin ng gintong pinino sa pamamagitan ng apoy kaya maaari kang maging mayaman, at makinang na mga puting damit kaya maaari mong damitan ang iyong sarili at hindi makikita ang kahihiyan ng iyong kahubaran, at papanatag para pahiran ang iyong mga mata kaya maaari kang makakita. 19 Bawat isa na mahal ko ay sinasanay ko at tinuturuan sila paano dapat mamuhay. Kaya, maging masigasig at magsisi.

    20 Tingnan ninyo, ako ay nakatayo sa may pinto at kumakatok. Kung sinuman ang nakaririnig sa aking tinig at nagbubukas ng pinto, papasok ako sa kaniyang tahanan at kakain kasama niya, at siya sa akin.

  69. 13 Namatay si Saul dahil hindi siya naging tapat kay Yahweh. Hindi siya sumunod sa mga tagubilin ni Yahweh, sa halip, humingi siya ng payo sa taong nakikipag-usap sa patay. 14 Hindi siya humingi ng patnubay mula kay Yahweh, kaya pinatay siya ni Yahweh at ibinigay ang kaniyang kaharian kay David na anak na lalaki ni Jesse.

  70. 155 Malayo ang kaligtasan mula sa masasama, dahil hindi nila minamahal ang iyong alituntunin.

  71. 22 Ang mata ay ang ilaw ng katawan. Kaya kung mabuti ang inyong mata, mapupuno ng liwanag ang buong katawan. 23 Ngunit kung masama ang inyong mata, ang inyong buong katawan ay puno ng kadiliman. Kaya kung ang liwanag na nasa inyo ay pawang kadiliman, napakatindi ng kadilimang iyon!

    24 Walang sinuman ang maaaring maglingkod sa dalawang amo, sapagkat kakamuhian niya ang isa at mamahalin ang isa, o di kaya tapat siya sa isa at hahamakin ang isa. Hindi ninyo maaaring paglingkuran ang Diyos at ang kayamanan.

  72. 44 Walang taong maaaring makalapit sa akin maliban na lamang kung ilapit siya ng Ama na siyang nagsugo sa akin, at ibabangon ko siya sa huling araw.