65 Bible Verses About Serving God

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Bible Verses About Serving God
  1. 23 Anuman ang inyong ginagawa, gumawa kayo mula sa kaluluwa na para sa Panginoon at hindi para sa mga tao. 24 Nalalaman ninyong tatangap kayo mula sa Panginoon ng gantimpala ng pagkamit nito. Ito ay ang Cristong Panginoon na inyong pinaglilingkuran.

  2. 3 Sapagkat, dahil sa biyayang ibinigay sa akin, sinasabi ko na ang bawat isa sa inyo ay huwag mag-isip na mas mataas ang inyong sarili kaysa sa nararapat ninyong isipin. Sa halip, dapat kayong mag-isip ng may karunungan, ayon sa sukat ng pananampalataya na ipinagkaloob ng Diyos sa bawat isa. 4 Sapagkat marami tayong bahagi sa iisang katawan, ngunit hindi lahat ng mga bahagi ay may pare-parehong tungkulin. 5 Gayon din naman, tayo na marami ay iisang katawan kay Cristo, at ang bawat isa ay bahagi ng isa't isa.

    6 Mayroon tayong iba't ibang kaloob ayon sa biyayang ibinigay sa atin. Kung ang kaloob ng isa ay paghahayag ng propesiya, gawin niya ito ayon sa sukat ng kaniyang pananampalataya. 7 Kung ang kaloob ng isa ay paglilingkod, hayaan siyang maglingkod. Kung ang isa ay may kaloob ng pagtuturo, hayaan siyang magturo. 8 Kung ang kaloob ng isa ay pagpapalakas ng loob, hayaan siyang magpalakas ng loob. Kung ang kaloob ng isa ay pagbibigay, hayaan siyang gawin ito ng may kagandahang-loob. Kung ang kaloob ng isa ay pamumuno, gawin ito ng may pag-iingat. Kung ang kaloob ng isa ay pagpapakita ng awa, gawin ito ng may kagalakan.

    9 Ang pag-ibig ay maging walang pagkukunwari. Kasuklaman kung ano ang masama; panghawakan kung ano ang mabuti. 10 Patungkol sa pag-ibig ng mga kapatid, maging magiliw kayo sa isa't isa. Patungkol sa kapurihan, igalang ninyo ang isa't isa.

    11 Patungkol sa pagsisikap, huwag mag-atubili. Patungkol sa espiritu, maging masigasig. Patungkol sa Panginoon, maglingkod sa kaniya.

    12 Magalak sa pag-asang mayroon kayo tungkol sa hinaharap. Maging matiisin sa inyong mga kabalisahan. Magpatuloy sa pananalangin.

    13 Tumulong sa pangangailangan ng mga mananampalataya. Humanap ng maraming paraan upang ipakita ang magiliw na pagtanggap sa iba.

    14 Pagpalain ninyo ang mga umaapi sa inyo; pagpalain at huwag isumpa. 15 Makipaggalak kayo sa mga nagagalak; makipagtangis kayo sa mga tumatangis. 16 Magkaisa kayo ng pag-iisip. Huwag mag-isip sa mga paraang mapagmataas, ngunit tanggapin ang mga mabababang tao. Huwag maging marunong sa inyong mga sariling isipan.

    17 Huwag gantihan ang sinuman ng masama sa masama. Gumawa ng mga mabubuting bagay sa paningin ng lahat ng tao. 18 Kung maaari, ayon sa inyong makakaya, magkaroon kayo ng kapayapaan sa lahat ng tao.

    19 Huwag ipaghiganti ang inyong mga sarili, mga minamahal, ngunit bigyang daan ang galit ng Diyos. Sapagkat nasusulat na, “'Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti,' sinasabi ng Panginoon.”

    20 “Ngunit kung ang iyong kaaway ay nagugutom, pakainin mo siya. Kung siya ay nauuhaw, bigyan mo siya ng maiinom. Sapagkat kung gagawin mo ito, nagtatambak ka ng mga baga ng apoy sa kaniyang ulo.”

    21 Huwag kang magpadaig sa kasamaan, ngunit daigin mo ng mabuti ang kasamaan.

  3. 19 Huwag kayong mag-ipon ng mga kayamanan para sa inyong sarili dito sa lupa, kung saan sisirain ng tanga at kalawang, at kung saan papasukin at nanakawin ng mga magnanakaw. 20 Sa halip, mag-ipon para sa inyong sarili ng mga kayamanan sa langit, kung saan maging mga tanga ni kalawang ay di kayang sirain, at kung saan ang mga magnanakaw ay di kayang pasukin at nakawin. 21 Sapagkat kung saan naroon ang iyong kayamanan, naroon din ang iyong puso.

    22 Ang mata ay ang ilaw ng katawan. Kaya kung mabuti ang inyong mata, mapupuno ng liwanag ang buong katawan. 23 Ngunit kung masama ang inyong mata, ang inyong buong katawan ay puno ng kadiliman. Kaya kung ang liwanag na nasa inyo ay pawang kadiliman, napakatindi ng kadilimang iyon!

    24 Walang sinuman ang maaaring maglingkod sa dalawang amo, sapagkat kakamuhian niya ang isa at mamahalin ang isa, o di kaya tapat siya sa isa at hahamakin ang isa. Hindi ninyo maaaring paglingkuran ang Diyos at ang kayamanan.

  4. 42 Tinawag sila ni Jesus at sinabi, “Alam ninyo na ang itinuturing na mga pinuno ng mga Gentil ang nangingibabaw sa kanila, at ang kanilang mga mahahalagang tao ang nagpapatupad ng kapangyarihan sa kanila. 43 Ngunit hindi sa paraang ito ang nararapat sa inyo. Sinumang nagnanais na maging dakila sa inyo ay nararapat ninyong maging lingkod, 44 at sinumang nagnanais na manguna sa inyo ay nararapat na maging alipin ng lahat. 45 Sapagkat hindi dumating ang Anak ng Tao upang paglingkuran, ngunit upang maglingkod at upang ibigay ang kaniyang buhay bilang katubusan ng lahat.”

  5. 1 Kung gayon, kung mayroon man kasiglahan kay Cristo. Kung mayroon man kaginhawahan mula sa kaniyang pagmamahal. Kung mayroon man pakikiisa sa Espiritu. Kung mayroon man mga mahinahong awa at habag. 2 Gawing ganap ang aking kasiyahan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng iisang pag-iisip, pagkakaroon ng parehong pagmamahal, nagkaisa sa espiritu, at sa pagkakaroon ng parehong layunin.

    3 Huwag kayong gumawa ng kahit na ano dahil sa kasakiman o walang saysay na pagmamataas. Sa halip ay ituring ninyo nang may kababaang-loob ang iba na higit kaysa sa inyong sarili. 4 Huwag ninyong tingnan ang pansarili ninyong pangangailangan, ngunit pati na rin ang pangangailangan ng iba.

    5 Mag-isip kayo tulad ng kay Cristo Jesus. 6 Nabuhay siya sa anyo ng Diyos, ngunit hindi niya itinuring ang kaniyang pagkakapantay sa Diyos bilang isang bagay na dapat niyang panghawakan. 7 Sa halip, tinanggalan niya ng kapakanan ang kaniyang sarili. Nag-anyo siya bilang isang tagapaglingkod. Nagpakita siyang kawangis ng mga tao. Nakita siya bilang anyong tao. 8 Ibinaba niya ang kaniyang sarili at naging masunurin hanggang sa kamatayan, ang kamatayan sa krus. 9 Kung kaya't lubos siyang itinaas ng Diyos. Siya ay binigyan niya ng pangalan na nakahihigit sa lahat ng pangalan. 10 Ginawa niya ito upang ang lahat ay luluhod sa pangalan ni Jesus, ang mga nasa langit at sa lupa, at ang mga nasa ilalim ng lupa. 11 Ginawa niya ito upang ang lahat ng labi ay magsasabing si Jesu-Cristo ay Panginoon, sa kaluwalhatian ng Diyos Ama.

  6. 27 At ang sinumang nagnanais na maging una sa inyo ay dapat maging tagapaglingkod ninyo. 28 Katulad ng Anak ng Tao hindi siya naparito upang paglingkuran, kundi upang maglingkod, at upang ibigay ang kaniyang buhay bilang pangtubos sa marami.

  7. 10 Ang bawat isa sa inyo ay tumanggap ng kaloob, gamitin niyo ito para paglingkuran ang isa't isa, bilang mabuting mga katiwala ng maraming kaloob ng Diyos. 11 Kung mayroong nangungusap, ituring niyo ito bilang salita ng Diyos, at kung mayroong naglilingkod, magmula ito sa lakas na ibinibigay ng Diyos, upang sa lahat ng bagay, ang Diyos ay maluwalhati sa pamamagitan ni Jesu- Cristo. Kaluwalhatian at kapangyarihan ay sa kaniya magpakailanman. Amen

  8. 24 Tunay nga na sinasabi ko sa inyo, maliban na ang butil ng trigo ay mahulog sa lupa at mamatay, ito ay nanatili sa kaniyang sarili na mag-isa, ngunit kung ito ay mamatay, magbubunga ito ng napakarami. 25 Ang nagmamahal sa kaniyang buhay ay mawawalan nito, subali't ang namumuhi sa kaniyang buhay sa mundong ito ay mapapanatili ito para sa walang hanggang buhay. 26 Kung sinuman ang maglingkod sa akin, sumunod siya sa akin, at kung saan ako naroroon, ang aking lingkod ay naroon din. Kung sinuman ang maglingkod sa akin, pararangalan siya ng Ama.

  9. 14 Ngayon ang pagkatakot kay Yahweh at sambahin siya ng boung karangalan at katapatan; alisin ang mga diyos na sinamba ng inyong mga ninuno sa dako ng Eufrates at sa Ehipto, at sambahin si Yahweh. 15 Kung tila mali ito sa inyong mga paningin para sambahin ninyo si Yahweh, kayo na mismo ang pumili ngayong araw na ito kung sino ang inyong paglilingkuran, kung ang mga diyos na sinamba ng inyong mga ninuno sa ibayo ng Eufrates o ang mga diyos ng mga Amoreo, kung saang lupain kayo naninirahan. Pero para sa akin at sa aking sambahayan, sasambahin namin si Yahweh.”

  10. 5 Mga alipin, maging masunurin kayo sa inyong mga panginoon sa lupa na may kasamang malalim na paggalang at pagkatakot, sa katapatan ng inyong mga puso. Maging masunurin sa kanila katulad ng pagsunod ninyo kay Cristo. 6 Maging masunurin hindi lamang tuwing nakatingin ang inyong mga panginoon para lang malugod sila. Sa halip, maging masunurin kayo gaya ng alipin ni Cristo. Gawin ninyo ang kalooban ng Diyos mula sa inyong puso. 7 Maglingkod kayo ng buong puso, na parang sa Panginoon kayo naglilingkod at hindi sa mga tao. 8 Dapat ninyong malaman na anumang mabuting gawa ang ginagawa ng bawat tao, makakatanggap siya ng gantimpala mula sa Panginoon, alipin man siya o malaya.

    9 At kayo mga amo, gawin ninyo rin ang ganoong bagay sa inyong mga alipin. Huwag ninyo silang pagbantaan. Alam ninyo na ang Amo nila at ninyo ay parehong nasa langit. Alam ninyo na wala siyang tinatangi.

  11. 13 “Ang mga salita ninyo ay naging lapastangan laban sa akin,” sabi ni Yahweh. “Ngunit sinasabi ninyo, “Ano ang sinabi namin laban sa iyo?'

    14 Sinabi ninyo, ''Walang kabuluhan ang maglingkod sa Diyos. Ano ang napapala natin dito sa pag-ingat ng kaniyang mga tagubilin at lumakad tayo nang may pagdadalamhati sa harapan ni Yahweh ng mga hukbo? 15 At ngayon, tinatawag nating mapalad ang palalo na tao. Hindi lamang pinagpapala ang mga masasama ngunit sinusubukan nila ang Diyos at tumatakas.”

    16 At ang mga may takot kay Yahweh ay nagsabi sa isa't isa; nagbigay pansin si Yahweh at nakinig, at isang aklat ng alaala ang nasulat sa kaniyang harapan para sa mga may takot kay Yahweh at iginagalang ang kaniyang pangalan.

    17 “Sila ay magiging akin,” sabi ni Yahweh ng mga hukbo, “ang tangi kong kayamanan, sa araw na aking gawin; ililigtas ko sila gaya ng pagligtas ng isang tao sa kaniyang anak na naglilingkod sa kaniya. 18 At minsan pa, muli ninyong makikita ang pagkakaiba sa pagitan ng matuwid at masama, sa pagitan ng sumasamba sa Diyos at sa hindi sumasamba sa kaniya.

  12. 1 Kaya hinihikayat ko kayo, mga kapatid, alang-alang sa habag ng Diyos, na ialay ninyo ang inyong mga katawan na isang buhay na alay, banal, katanggap-tanggap sa Diyos. Ito ang inyong nararapat na paglilingkod. 2 Huwag kayong umayon sa mundong ito, ngunit mag-iba kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip. Gawin ninyo ito upang malaman ninyo kung ano ang mabuti, katanggap-tanggap, at ganap na kalooban ng Diyos.

  13. 58 Kaya nga, aking mga minamahal na kapatid, maging matatag kayo at huwag patitinag. Lagi kayong managana sa gawain ng Panginoon, dahil alam ninyong ang inyong gawain sa Panginoon ay hindi mawawalan ng kabuluhan.

  14. 13 Sapagkat tinawag kayo ng Diyos, mga kapatid, sa kalayaan. Lamang ay huwag ninyong gamitin ang iyong kalayaan bilang pagkakataon para sa laman. Sa halip sa pamamagitan ng pag-ibig paglingkuran ninyo ang bawat isa. 14 Sapagkat ang buong kautusan ay natupad sa isang utos; na “Dapat mong mahalin ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.”

  15. 24 Katakutan lamang si Yahweh at paglingkuran siya sa katotohanan ng inyong buong puso. Isaalang-alang ang mga dakilang bagay na nagawa niya para sa inyo.

  16. 31 Pagdating ng Anak ng Tao sa kaniyang kaluwalhatian at kasama ang lahat ng kaniyang mga anghel, uupo siya sa kaniyang marangal na trono. 32 Sa harap niya magtitipon ang lahat ng mga bansa, at pagbubukud-bukurin niya ang mga tao sa isa't isa, katulad ng pastol na hinihiwalay ang tupa at kambing. 33 Ilalagay niya ang mga tupa sa kaniyang kanan ngunit ang mga kambing ay sa kaniyang kaliwa.

    34 At sasabihin ng Hari sa mga nasa kanan niya, 'Halikayo, pinagpala kayo ng aking Ama, mamanahin ninyo ang kaharian na inihanda para sa inyo mula pa noong likhain ang mundo. 35 Sapagkat ako ay nagutom at binigyan ninyo ako ng pagkain; ako ay nauhaw at binigyan ninyo ako ng inumin; ako ay dayuhan at pinatuloy ninyo ako; 36 ako ay hubad at dinamitan ninyo ako, ako ay may sakit at inalagaan ninyo ako; ako ay nasa kulungan at pinuntahan ninyo ako.

    37 At sasagot ang mga matuwid at sasabihin, 'Panginoon, kailan ka namin nakitang nagutom at pinakain, o nauhaw at binigyan ng inumin? 38 at kailan ka namin nakitang dayuhan at pinatuloy ka? O hubad at dinamitan? 39 At kailan ka namin nakita na may sakit, o nakulong at pinuntahan ka namin?'

    40 At sasagot ang Hari at sasabihin sa kanila, totoo itong sinasabi ko sa inyo, kung ano man ang nagawa ninyo sa mga hamak kong kapatid dito, ginawa ninyo ito sa akin.'

  17. 12 Pagkatapos hugasan ni Jesus ang kanilang mga paa at kunin ang kaniyang mga damit at muling umupo, sinabi niya sa kanila, “Alam ba ninyo ang ginawa ko para sa inyo? 13 Tinatawag ninyo akong 'Guro' at 'Panginoon', at tama ang sinasabi ninyo, dahil ako nga iyon. 14 Kung ako nga na Panginoon at Guro, ay hinugasan ang iyong mga paa, dapat ninyo ring hugasan ang mga paa ng iba. 15 Dahil binigyan ko kayo ng halimbawa upang dapat gawin din ninyo tulad ng ginawa ko sa inyo. 16 Tunay nga sinasabi ko sa inyo, ang lingkod ay hindi mas matataas sa kaniyang Panginoon; ni ang isinugo ay mas mataas kaysa sa nagsugo sa kaniya. 17 Kung alam mo ang mga bagay na ito, pinagpala ka kung ginagawa mo ang mga ito.

  18. 9 Kahit na kami ay nagsasalita na gaya nito, minamahal kong mga kaibigan, kami ay naniniwala sa mas mabuting mga bagay ukol sa inyo at sa mga bagay na tungkol sa kaligtasan. 10 Sapagkat ang Diyos ay hindi liko upang limutin ang inyong gawa at ang pag-ibig na inyong ipinakita para sa kaniyang pangalan, sa ganoon naglingkod kayo sa mga mananampalataya at patuloy na naglingkod sa kanila.

    11 At labis naming ninanais na ang bawat isa sa inyo ay magpakita ng parehong kasipagan hanggang sa wakas na may buong katiyakan ng pagtitiwala. 12 Ayaw namin na maging mabigat ang inyong katawan, sa halip maging katulad kayo ng mga magmamana ng mga pangako dahil sa pananampalataya at pagtitiis.

  19. 5 Lubos na maging maingat lamang na sundin ang mga kautusan at batas na iniutos sa inyo ni Moises na lingkod ni Yahweh, na mahalin si Yahweh na inyong Diyos, na lumakad sa lahat ng kaniyang mga pamamaraan, na panatilihin ang mga kautusan, at kumapit sa kaniya at sambahin siya ng buong puso ninyo at ng buo kaluluwa ninyo.”

  20. 34 Ngunit sila ay tahimik. Sapagkat habang sila ay nasa daan nakikipagtalo sila sa isa't isa kung sino ang pinakadakila sa kanila.

    35 Umupo siya at tinawag ang Labindalawa nang magkakasama, at sinabi niya sa kanila, “Kung sino man ang nais mauna, dapat siyang maging huli sa lahat at maging tagapaglingkod ng lahat.”

  21. 33 Ipagbili ang inyong mga ari-arian at ibigay ito sa mahihirap. Gumawa kayo ng inyong mga sariling mga pitaka na hindi nasisira—mga kayamanan sa kalangitan na hindi nawawala, na hindi nilalapitan ng magnanakaw, at hindi sinisira ng tanga. 34 Sapagkat kung nasaan ang inyong kayamanan ay naroon din ang inyong puso.

    35 Isuksok ninyo ang inyong mahabang damit sa inyong sinturon, at panatilihing nag-aapoy ang inyong mga ilawan, 36 at maging katulad kayo ng mga taong naghihintay sa kanilang amo na bumalik mula sa kasalan, upang kung siya ay bumalik at kumatok, agad nilang bubuksan ang pinto para sa kaniya. 37 Pinagpala ang mga lingkod na iyon, na masusumpungan ng amo na nagbabantay sa kaniyang pagbabalik. Totoo, sinasabi ko sa inyo na isusuksok niya ang mahaba niyang damit sa kaniyang sinturon, pauupuin sila para sa pagkain, at lalapit at pagsisilbihan sila. 38 Kung ang amo ay dadating sa pangalawang pagbantay sa gabi o kahit sa pangatlong pagbantay at nakita silang handa, pinagpala ang mga lingkod na iyon.

    39 Dagdag pa nito alamin ninyo ito, na kung alam ng amo ang oras ng pagdating ng magnanakaw, hindi niya hahayaang mapasok ang kaniyang tahanan. 40 Maging handa din, dahil hindi niyo alam ang oras ng pagdating ng Anak ng Tao.”

  22. 12 Ito ang akin kautusan, na dapat ninyong mahalin ang isa't isa katulad ng pagmamahal ko sa inyo. 13 Walang sinuman ang nagmahal na hihigit pa rito, na kaniyang inaalay ang kaniyang buhay para sa kaniyang mga kaibigan.

    14 Kayo ay mga kaibigan ko kung ginagawa ninyo ang mga bagay na iniuutos ko sa inyo. 15 Hindi ko na kayo tinatawag na mga lingkod, dahil hindi nalalaman ng lingkod kung ano ang ginagawa ng kaniyang Panginoon. Tinawag ko kayong mga kaibigan dahil ipinaalam ko sa inyo ang lahat ng mga bagay na narinig ko mula sa aking Ama.

  23. 12 Nagpapasalamat ako kay Cristo Jesus na ating Panginoon. Pinapalakas niya ako, sapagkat itinuturing niya akong tapat, at inilagay niya ako sa paglilingkod. 13 Isa akong lapastangan sa Diyos, umuusig, at marahas na tao. Ngunit tumanggap ako ng habag dahil sa hindi ko alam ang aking ginagawa sa kawalan ng pananampalataya. 14 Ngunit ang biyaya ng ating Panginoon ay nag-uumapaw sa pananampalataya at pag-ibig na nakay Cristo Jesus.

  24. 11 Dumating si Cristo bilang pinaka-punong pari ng mabubuting bagay na darating, sa pamamagitan ng mas dakila at higit na ganap na sagradong tolda na hindi gawa sa mga kamay ng tao, na hindi kabilang sa mundong nilikha. 12 Hindi ito sa pamamagitan ng dugo ng mga kambing at mga guya, ngunit sa pamamagitan ng kaniyang sariling dugo kaya minsan lamang pumasok si Cristo sa kabanal-banalang lugar para sa lahat at tiyakin ang ating walang hanggang katubusan.

    13 Sapagkat kung ang dugo ng mga kambing at mga toro at ang pagwiwisik ng mga abo sa mga taong may dungis ay naghahandog sa kanila sa Diyos at ginagawang malinis ang kanilang katawan, 14 gaano pa kaya ang dugo ni Cristo, na sa pamamagitan ng walang hanggang Espiritu ay inialay ang kaniyang sarili na walang dungis sa Diyos, na luminis sa ating budhi mula sa mga gawang patay upang makapaglingkod sa Diyos na buhay?

  25. 6 Ngunit ngayon, pinakawalan na tayo mula sa kautusan. Namatay tayo sa kung ano ang dating humahawak sa atin. Ito ay upang makapaglingkod tayo sa panibagong Espiritu at hindi sa kalumaan ng sulat.

  26. 11 Nagbigay si Cristo ng mga kaloob katulad ng mga ito: pagka- apostol, pagka-propeta, pagka-ebanghelista, pagka-pastor at pagka-guro. 12 Ginawa niya ito upang ihanda ang mga mananampalataya sa paglilingkod at sa ikatitibay ng katawan ni Cristo.   Ginagawa niya ito hanggang sa maabot natin ang pagkakaisa sa pananampalataya at kaalaman sa Anak ng Diyos. 13 Ginagawa niya ito hanggang sa maging ganap tayo na katulad ni Cristo.

    14 Upang hindi na tayo maging tulad ng mga bata. Upang hindi na tayo maligaw. Upang hindi na tayo madala palayo sa bawat hangin ng katuruan, sa pandaraya ng mga tao sa pamamagitan ng matalas na pag-iisip ng kamalian at panlilinlang. 15 Sa halip, sabihin natin ang katotohanan na may pag-ibig at lumago sa lahat ng paraan sa kaniya na ulo, si Cristo. 16 Pinag-ugnay ni Cristo ang buong katawan ng mananampalataya. Hinahawakan ito sa pamamagitan ng umaalalay na litid upang ang buong katawan ay lumago at tumibay sa pag-ibig.

  27. 12 Ngayon, Israel, ano ang kailangan ni Yahweh na inyong Diyos, maliban sa matakot kay Yahweh na inyong Diyos, para lumakad sa lahat ng kaniyang kaparaanan, para ibigin siya, at para sambahin si Yahweh na inyong Diyos ng buong puso at buong kaluluwa, 13 para sundin ang mga utos ni Yahweh, at ang kaniyang mga batas, na inuutos ko sa inyo ngayon para sa inyong kabutihan?

  28. 4 Maglalakad kayo kasunod ni Yahweh na inyong Diyos, parangalan siya, susundin ang kaniyang mga kautusan, at sumunod sa kaniyang boses, at sambahin ninyo siya at kumapit sa kaniya.

  29. 13 Walang lingkod ang magkapaglilingkod sa dalawang amo, sapagkat kasusuklaman niya ang isa at mamahalin niya ang isa, o magiging tapat siya sa isa at kamumuhian niya ang isa. Hindi ninyo maaaring paglingkuran ang Diyos at ang kayamanan.”

  30. 7 Bawat isa ay magbigay ayon sa pasiya ng kaniyang puso. Huwag siyang hayaang magbigay na may kalungkutan o napilitan. Sapagkat minamahal ng Diyos ang masayang nagbibigay. 8 At may kakayahan ang Diyos na paramihin ang bawat pagpapala para sa inyo, upang, palagi, sa lahat ng bagay, magkakaroon kayo ng lahat ng kailangan ninyo. Nang sa gayon maaari kayong gumawa ng mas maraming mabubuting bagay. 9 Ito ay gaya ng nasusulat: “Ipinamahagi niya ang kaniyang kasaganaan at ibinigay sa mahihirap. Ang kaniyang katuwiran ay magpakailanman.”

  31. 10 Sapagkat tayo ay ginawa ng Diyos, nilikha kay Cristo Jesus upang gumawa ng mga mabubuting gawa. Ito ang mga gawa na matagal ng binalak ng Diyos para sa atin, upang makalakad tayo sa mga ito.

  32. 13 Sumunod kayo sa bawat pamahalaan, alang-alang sa Panginoon, maging ang hari bilang kataas-taasan, 14 maging ang gobernador na isinugo upang parusahan ang mga mapaggawa ng masama at puruhin silang mapaggawa ng mabuti. 15 Sapagkat ito ang kalooban ng Diyos, na sa pamamagitan ng paggawa ng mabuti mapatahimik ninyo ang walang kabuluhang salita ng mga hangal.

    16 Bilang mga taong malaya, huwag ninyong angkinin ang inyong kalayaan bilang panakip ng kasamaan, sa halip, maging tulad kayo ng mga lingkod ng Diyos. 17 Igalang ninyo ang lahat ng tao. Mahalin ninyo ang kapatiran. Magkaroon kayo ng takot sa Diyos. Igalang ninyo ang hari.

  33. 1 Makinig kayo sa akin, kayong mga baybayin! At magbigay kayo ng pansin, kayong mga malalayong tao. Tinawag ako ni Yahweh sa pangalan mula sa kapanganakan, nang dinala ako ng aking ina sa mundo. 2 Ginawa niyang parang matalim na espada ang aking bibig; tinago niya ako sa anino ng kaniyang kamay; ginawa niya akong pinakinis na palaso; tinago niya ako sa kaniyang lalagyan ng palaso. 3 Sinabi niya sa akin, “Ikaw ang aking lingkod, Israel, na gagamitin ko para ipakita ang aking kaluwalhatian.” 4 Kahit na inakala kong nagsikap ako para sa wala, ginamit ko ang aking lakas para sa wala, pero ang aking katarungan ay na kay Yahweh, at ang aking gantimpala ay nasa Diyos ko. 5 At ngayon ay nagsalita si Yahweh, siya na hinubog ako mula sa kapanganakan para maging lingkod niya, para ibalik si Jacob ulit sa kaniyang sarili, at tipunin ang Israel sa kaniya. Marangal ako sa mga mata ni Yahweh, at ang aking Diyos ang naging kalakasan ko. 6 Sinasabi niya, “Maliit na bagay para sa iyo na maging aking lingkod para itatag muli ang mga tribo ni Jacob, at ibalik ang mga nakaligtas sa Israel. Gagawin kitang ilaw ng mga dayuhan, na ikaw ang aking kaligtasan sa dulo ng mundo.”

  34. 38 Magbigay sa iba at ito ay maibibigay sa inyo. Labis-labis na halaga—siksik, liglig at umaapaw—ang ibubuhos sa inyong kandungan. Sapagkat kung anumang batayan ng panukat ang inyong ginamit sa pagsukat, iyon din ang gagamiting batayan ng panukat para sa iyo.”

  35. 17 At anuman ang inyong ginagawa sa salita man o sa gawa, gawin ninyo ang lahat sa pangalan ng Panginoong Jesus. Magpasalamat sa Diyos Ama sa pamamagitan niya.

  36. 12 Huwag hayaan ang sinuman na maliitin ang iyong kabataan. Sa halip, maging halimbawa ka sa mga sumasampalataya, sa pananalita, pag-uugali, pag-ibig, katapatan, at sa kalinisan.

  37. 9 At ikaw naman Solomon na aking anak, sundin mo ang Diyos ng iyong ama, at paglingkuran mo siya ng buong puso at may isang espiritu na may pagkukusa. Gawin ito sapagkat sinisiyasat ni Yahweh ang lahat ng puso at nauunawaan ang bawat pag-uudyok ng kaisipan ng bawat isa. Kung hahanapin mo siya, matatagpuan mo siya, ngunit kung iiwan mo siya, itatakwil ka niya magpakilanman.

  38. 11 Sambahin si Yahweh nang may takot at magdiwang nang may panginginig.

  39. 1 Masdan, aking lingkod, na aking itinataas; ang aking pinili, sa kaniya ako ay nagagalak. Ang aking Espiritu ay nasa kaniya; siya ang magdudulot ng katarungan sa mga bansa. 2 Hindi siya iiyak o hihiyaw o magtataas ng boses sa lansangan. 3 Ang napitpit na tambo ay hindi niya mababali, at hindi niya maaapula ang mahinang apoy ng mitsa: siya ay matapat na magsasagawa ng katarungan. 4 Siya ay hindi manglulupaypay o mapanghihinaan ng loob hanggang matatag niya ang katarungan sa mundo; at ang mga nakatira sa babayin ay maghihintay sa kaniyang batas.

  40. 33 Sapagkat hanapin muna ninyo ang kaniyang kaharian at ang kaniyang katuwiran at ang lahat na ito ay maibibigay sa inyo.

  41. 1 Pagkatapos nito, nagsalita si Jesus sa maraming tao at sa kaniyang mga alagad. 2 Sinabi niya, “Ang mga eskriba at mga Pariseo ay umuupo sa upuan ni Moises. 3 Kaya kung ano man ang iutos nila na gawin ninyo, gawin at sundin ninyo ang mga bagay na ito. Ngunit huwag ninyong tularan ang mga gawa nila, dahil nagsasabi sila ngunit hindi naman nila ginagawa. 4 Totoo nga, nagbibigkis sila ng mga mabibigat na mga pasanin na mahirap dalhin, at ipinapasan nila sa balikat ng mga tao. Ngunit sila mismo ay hindi gagalaw ng iisang daliri upang buhatin nila ang mga ito.

    5 Lahat ng mga gawa nila, ginawa nila upang makita ng mga tao. Sapagkat pinapalawak nila ang mga pilakterya nila at pinalalaki nila ang mga laylayan ng kanilang mga damit. 6 Gusto nilang umupo sa mga pangunahing lugar ng mga pista at sa mga pangunahing upuan sa sinagoga, 7 at mga natatanging pagbati sa mga pamilihan at tawagin silang, “ Rabi” ng mga tao.

    8 Ngunit hindi kayo dapat tawagin na 'Rabi', sapagkat iisa lang ang guro ninyo, at lahat kayo ay magkakapatid. 9 At huwag ninyong tawagin na ama ang kahit sinuman sa lupa dahil iisa lang ang inyong Ama at siya ay nasa langit. 10 At hindi rin dapat kayong tawagin na 'guro' dahil iisa lang ang inyong guro, ang Cristo. 11 Ngunit ang pinakadakila sa inyo ay siyang maging tagapaglingkod sa inyo. 12 Kung sinuman ang nagtataas sa kaniyang sarili ay ibababa. At kung sinumang nagpapakababa sa kaniyang sarili ay itataas.

  42. 14 Sapagkat ito ay katulad ng isang taong maglalakbay sa ibang bansa. Tinawag niya ang sarili niyang mga utusan at ipinagkatiwala sa kanila ang kaniyang kayamanan. 15 Ang isa sa kanila ay binigyan niya ng limang talento, ang isa naman ay binigyan niya ng dalawa at ang isa naman ay binigyan niya ng isang talento. Nakatanggap ang bawat isa ayon sa kaniya-kaniyang kakayahan, at ang taong iyon ay pumunta sa kaniyang paglalakbay.

    16 Agad-agad ang nakatanggap ng limang talento ay umalis at ipinuhunan niya ang mga ito at nagkaroon pa siya ng limang talento. 17 Ganoon din ang nakatanggap ng dalawang talento, nagkaroon din ng dalawa pa. 18 Ngunit ang utusan na nakatanggap ng isang talento ay umalis, naghukay sa lupa at itinago ang pera ng kaniyang amo.

    19 Pagkalipas ng matagal na panahon, bumalik ang amo ng mga utusan at nakipagsulit sa kanila. 20 Dumating ang utusan na nakatanggap ng limang talento at nagdala ng lima pang talento, at sinabi niya, “Panginoon, binigyan mo ako ng limang talento. Tingnan mo, nagkaroon ako ng lima pang talento.'

    21 Sinabi ng amo sa kaniya, 'Magaling, mabuti at matapat na utusan! Naging tapat ka sa kaunting mga bagay. Gagawin kitang tagapamahala sa maraming bagay. Makibahagi ka sa kagalakan ng iyong amo.'

    22 Dumating din ang utusan na nakatanggap ng dalawang talento, at sinabi niya, 'Panginoon, binigyan mo ako ng dalawang talento. Tingnan mo, nagkaroon ako ng dalawa pang talento.'

    23 Sinabi ng amo sa kaniya, 'Magaling, mabuti at matapat na utusan! Naging tapat ka sa kaunting bagay. Gagawin kitang tagapamahala sa maraming bagay. Makibahagi ka sa kagalakan ng iyong amo.'

    24 Pagkatapos nito, ang utusan na nakatanggap ng isang talento ay dumating at nagsabi, 'Panginoon, alam ko na mahigpit kang tao. Gumagapas ka kung saan hindi ka nagtanim, at umaani kung saan hindi ka naghasik. 25 Natakot ako, kaya ako ay umalis at itinago ko ang inyong talento sa lupa. Tingnan mo, nandito ang pagmamay-ari mo.'

    26 Ngunit sumagot ang kaniyang amo at sinabi sa kaniya, 'Ikaw na masama at tamad na utusan, alam mo naman na gumagapas ako kung saan hindi ako nagtanim at umaani kung saan hindi ako naghasik. 27 Kaya ibinigay mo sana ang pera ko sa mga tagabangko, upang sa aking pagdating natanggap ko na may tubo ang aking pera.

    28 Kaya kunin ninyo ang talento sa kaniya at ibigay ninyo doon sa mayroong sampung talento. 29 Sapagkat kung sinuman ang mayroon, mas marami pa ang ibibigay — mas masagana pa. Subalit kung sino ang walang pagmamay-ari, kahit ang nasa sa kaniya ay kukunin pa. 30 Itapon ang walang silbing utusan sa kadiliman sa labas, kung saan mayroong pagtatangis at pagngangalit ng mga ngipin.

  43. 24 At nagkaroon din ng pagtatalo sa kanila tungkol sa kung sino sa kanila ang itinuturing na pinakadakila. 25 Sinabi niya sa kanila, “Ang mga hari ng mga Gentil ay may kapangyarihang pamunuan sila, at ang mga may kapangyarihan sa kanila ay tinawag na mga pinunong kagalang-galang. 26 Ngunit sa inyo ay hindi dapat maging tulad nito. Sa halip, ang pinakadakila sa inyo ay maging katulad ng pinakabata. At ang pinakamahalaga sa inyo ay maging katulad ng isang naglilingkod. 27 Sapagkat sino ang mas dakila, ang taong nakaupo sa may hapag o ang siyang naglilingkod? Hindi ba ang taong nakaupo sa may hapag? Bagaman kasama ninyo ako bilang isang naglilingkod.

  44. 16 Sa pamamagitan nito alam natin ang pag-ibig, sapagkat inialay ni Cristo ang kanyang buhay para sa atin. Nararapat din nating ialay ang ating mga buhay para sa mga kapatid. 17 Pero ang sinumang mayroong mga mabubuting bagay sa mundo, nakitang nangangailangan ang kapatid, at isinara ang kanyang maawaing puso sa kanya, papaano mananatili sa kanya ang pag-ibig ng Diyos?

    18 Mga minamahal kong mga anak, huwag tayong magmahal sa salita o sa dila, pero sa mga gawa at katotohanan.

  45. 1 Pagkatapos ipinakita sa akin ng anghel ang ilog ng tubig ng buhay, ang tubig ay kasing linaw ng kristal. Dumadaloy ito mula sa trono ng Diyos at ng Kordero, 2 sa gitna ng lansangan ng lungsod. Sa magkabilang tabi ng ilog ay naroon ang puno ng buhay na nagbubunga ng labingdalawang uri ng prutas, at sa bawat buwan ay namumunga ito. Ang mga dahon ng puno ay para mapagaling ang bansa.

    3 Wala na kahit anumang sumpa. Ang trono ng Diyos at ng Kordero ay matatagpuan sa lungsod at paglilingkuran siya ng kaniyang mga lingkod. 4 Makikita nila ang kaniyang mukha at ang kaniyang pangalan ay malalagay sa kanilang mga noo. 5 Wala nang magiging gabi, hindi na sila mangangailangan ng liwanag ng ilawan o sikat ng araw dahil ang Panginoong Diyos ang magliliwanag sa kanila. Maghahari sila magpakailan pa man.

  46. 31 Nang makita ng Israel ang kapangyarihan ni Yahweh na ginamit laban sa mga taga-Ehipto, pinarangalan ng mga tao si Yahweh, at sila ay nagtiwala kay Yahweh at sa kaniyang lingkod na si Moises.

  47. 55 Para sa akin ang mga tao ng Israel ay mga lingkod. Mga lingkod ko sila na inilabas ko mula sa lupain ng Ehipto. Ako ay Yahweh na inyong Diyos.'”

  48. 5 Pagkatapos, bumaba si Yahweh sa isang haligi ng ulap. Tumayo siya sa pasukan ng tolda at tinawag sina Aaron at Miriam. Kapwa sila lumapit. 6 Sinabi ni Yahweh, “Ngayon makinig kayo sa aking mga salita. Kapag kasama ninyo ang aking propeta, inihahayag ko ang aking sarili sa kaniya sa mga pangitain at nagsasalita ako sa kaniya sa mga panaginip. 7 Hindi ganyan ang aking lingkod na si Moises. Matapat siya sa lahat ng aking sambahayan. 8 Tuwiran akong nagsasalita kay Moises, hindi sa pamamagitan ng mga pangitain o mga bugtong. Nakikita niya ang aking anyo. Kaya bakit hindi kayo takot na magsalita laban sa aking lingkod, laban kay Moises?” 9 Nag-alab ang galit ni Yahweh laban sa kanila at iniwan niya sila.

  49. 13 Pararangalan ninyo si Yahweh na inyong Diyos; sasambahin ninyo siya, at mangangako kayo ayon sa kaniyang pangalan.

  50. 10 Labis ang kanyang pagdadalamhati; nanalangin siya kay Yahweh at umiyak nang matindi. 11 Gumawa siya ng isang panata at sinabi niya, “Yahweh ng mga hukbo, kung titingin ka sa dalamhati ng iyong lingkod at iisipin ako, at huwag mong kalimutan ang iyong lingkod, ngunit bigyan mo ng anak na lalaki ang iyong lingkod, pagkatapos ibibigay ko ang buong buhay niya kay Yahweh, at walang labaha ang dadampi sa kanyang ulo.”

  51. 23 Sa pamamagitan ni Yahweh naitatag ang mga hakbang ng isang tao, ang tao na ang balakin ay kapuri-puri sa paningin ng Diyos. 24 Bagama't siya ay nadapa, siya ay hindi babagsak, dahil hinahawakan siya ni Yahweh sa kaniyang kamay.

  52. 11 Tunay nga, magsiyuko nawa sa harapan niya ang lahat ng mga hari; maglingkod nawa sa kaniya ang lahat ng mga bansa.

  53. 2 Maglingkod kay Yahweh ng may kasiyahan; magsilapit sa kanyang presensiya na umaawit nang may kagalakan.

  54. 18 Makinig kayo, kayong mga bingi; at tumingin, kayong bulag, para kayo ay makakita. 19 Sino ang bulag kundi ang aking lingkod? O bingi gaya ng mensaherong aking pinadala? Sino ang kasing bulag gaya ng aking tipan ng kasunduan, o bulag gaya ng lingkod ni Yahweh? 20 Maraming kang nakikitang mga bagay, pero hindi nauunawaan; ang mga tainga nila ay nakabukas, pero walang nakaririnig. 21 Nagpapalugod kay Yahweh ang mapapurihan ang kaniyang katarungan at maluwalhati ang kaniyang mga kautusan. 22 Pero ito ang mga taong nanakawan at nasamsaman; silang lahat ay nakulong sa mga hukay, nabihag sa mga bilangguan; sila ay naging isang inagaw na walang sinumang makakasagip sa kanila at walang makakapagsabi, “ibalik sila!”

  55. 4 Binigyan ako ng Panginoong si Yahweh ng dila na katulad ng mga marunong, kaya nagsasabi ako ng nakakatulong na salita sa napapagod; ginigising niya ako bawat umaga; ginigising niya ang tainga ko para makarinig tulad ng mga marunong. 5 Binuksan ng Panginoong si Yahweh ang aking tainga, at hindi ako mapaghimagsik, maging ang tumalikod. 6 Binigay ko ang aking likod sa mga bumubugbog sa akin, at ang aking mga pisngi sa mga bumunot ng aking balbas; hindi ko tinago ang aking mukha mula sa pamamahiya at panunura.

  56. 9 Sinasabi ito ng Panginoong Yahweh: Walang maaaring pumasok sa aking santuwaryo sa sinuman sa mga dayuhang iyon na nasa kalagitnaan ng mga tao ng Israel na mga hindi tuli sa puso at laman.

    10 Ngunit ang mga Levitang lumayo sa akin nang malihis ang Israel, mga taong lumihis sa akin upang sumamba sa kanilang mga diyus-diyosan— ngayon magbabayad sila sa kanilang kasalanan. 11 Mga lingkod sila sa aking santuwaryo, nagbabantay sa mga tarangkahan at naglilingkod sa tahanan. Kinakatay nila ang mga alay na susunugin at mga handog ng mga tao; tumatayo sila sa harapan nila upang paglingkuran sila.

    12 Ngunit dahil nagsagawa sila ng mga paghahandog sa harapan ng kanilang mga diyus-diyosan, naging mga katitisuran sila nang kasalanan para sa sambahayan ng Israel. Kaya itataas ko ang aking kamay upang sumumpa nang isang pangako laban sa kanila na magbabayad sila para sa kanilang kasalanan! Ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh. 13 Hindi sila makakalapit sa akin upang kumilos bilang aking mga pari o makakalapit sa anuman sa aking mga banal na bagay, sa mga kabanal-banalang mga bagay! Sa halip, dadalhin nila ang kanilang kahihiyan at ang kanilang mga pagkakasala dahil sa mga kasuklam-suklam na gawaing kanilang ginawa. 14 Ngunit itatalaga ko sila bilang tagapangasiwa ng mga gawain sa tahanan para sa lahat ng mga tungkulin at lahat ng mga ginagawa rito.

  57. 74 Siya ay nangako na kaniyang tutuparin sa atin, upang tayo, bilang mga pinalaya mula sa kamay ng lahat ng ating mga kaaway, ay makapaglingkod sa kaniya nang walang takot,

  58. 30 Kaya patakbong lumapit si Felipe, at narinig niyang binabasa ang aklat ni propeta Isaias, at sinabi, “Naiintindihan mo ba ang iyong binabasa?”

    31 Sumagot ang taga-Ethiopia, “Paano ko maiintindihan, maliban kung may magtuturo sa akin?” Nakiusap siya kay Felipe na umakyat sa karwahe at umupo sa tabi niya.

    32 Ito ang bahagi ng kasulatan na binabasa ng taga Ethopia, “Siya ay tulad ng tupa na dinala sa bahay katayan; at tulad ng isang kordero sa harap ng manggugupit na tahimik, hindi niya binubuksan ang kaniyang bibig: 33 Sa kaniyang kahihiyan kinuha sa kaniya ang katarungan: sino ang magpapahayag sa kaniyang salinlahi? sapagkat ang kaniyang buhay ay kinuha mula sa mundong ito.”

    34 Kaya nagtanongang eunoko kay Felipe, at sinabi, “Nakikiusap ako sa iyo sino ang tinutukoy ng propeta? ang kaniyang sarili ba mismo o ibang tao?”

    35 Nagsimulang magsalita si Felipe; Nagsimula siya sa kasulatan ni Isaias upang ipangaral si Jesus sa kaniya.

  59. 35 Sa lahat ng bagay nagbigay ako ng halimbawa kung paano ninyo dapat tulungan ang mga mahihina sa pamamagitan ng pagtratrabaho at kung paano ninyo dapat maalala ang salita ng Panginoong Jesus, mga salita na siya mismo ang nagsabi: “Mas mapalad ang nagbibigay kaysa sa tumatanggap.”

  60. 1 Ako si Pablo, na isang lingkod ni Jesu-Cristo, tinawag upang maging apostol, at inilaan para sa ebanghelyo ng Diyos.

  61. 1 Ngayon, ito ang paksa ng aming sinasabi, mayroon tayong isang pinaka-punong pari na nakaupo sa kanang kamay ng trono ng Kamahalan sa kalangitan. 2 Isa siyang lingkod sa lugar na banal, ang tunay na tabernakulo na itinayo ng Panginoon, hindi ng sinumang tao. 3 Sapagkat itinalaga ang bawat pinaka-punong pari upang mag-alay ng mga kaloob at mga handog, kaya kinakailangan na may isang bagay na ialay.

    4 Ngayon kung si Cristo ay nasa lupa, hindi na siya magiging pari pa, yamang mayroon nang mga nag-aalay ng mga handog ayon sa kautusan. 5 Naglilingkod sila sa isang bagay na huwaran at anino ng mga bagay na makalangit, kagaya na lamang ng babala ng Diyos kay Moises noong itatayo na niya ang tabernakulo, “Tingnan mo,” sinabi ng Diyos, na gagawin mo ang lahat ayon sa batayan na ipinakita sa iyo doon sa bundok.”

    6 Ngunit ngayon tinanggap ni Cristo ang isang mas mataaas na paglilingkod dahil siya din ang tagapamagitan ng mas mainam na tipan, na itinatag sa mas mainam na mga pangako. 7 Sapagkat kung ang unang tipan ay walang pagkakamali, kung gayon hindi na kailangan pang humanap ng pangalawang tipan.

  62. 24 Kaya isaalang-alang natin kung paano pasisiglahin ang isa't- isa sa pag-ibig at sa mga mabubuting gawa. 25 Huwag tayong tumigil sa pagtitipon-tipon ng magkakasama, katulad ng ginawa ng ilan. Sa halip, palakasin pa natin ng higit ang isa't isa, ngayong nakikita ninyo na nalalapit na ang araw.

    26 Sapagkat kung ating sasadyain ang paggawa ng kasalanan pagkatapos nating malaman ang kaalaman sa katotohanan, ang handog para sa kasalanan ay hindi na umiiral. 27 Sa halip, mayroon lamang tiyak na inaasahang nakakatakot na hatol at nagngangalit na apoy na tutupok sa mga kaaway ng Diyos. 28 Sinuman na lumabag sa kautusan ni Moises ay mamamatay ng walang awa sa patunay ng dalawa o tatlong saksi. 29 Gaano pa kaya kabigat na parusa sa akala ninyo ang nararapat sa taong yumurak sa Anak ng Diyos, sinumang magturing sa dugo ng tipan na hindi banal, ang dugo na kaniyang inihandog sa Diyos—sinuman na humamak sa Biyaya ng Espiritu 30 Sapagkat kilala natin ang nagsabi nito, “Akin ang paghihiganti at ako ang maniningil.” At muli, “Hahatulan ng Panginoon ang kaniyang mga tao.” 31 Nakakatakot nga ang mahulog sa mga kamay ng buhay na Diyos!

  63. 28 Samakatuwid, magpapasalamat tayo sa pagtanggap ng isang kahariang hindi nayayanig, at sa ganitong pagpupuri sa Diyos sa paraang katanggaptanggap na may paggalang at paghanga 29 sapagkat ang ating Diyos ay parang apoy na nakakatupok

  64. 27 Ito ay dalisay at walang karumihang relihiyon sa harap ng ating Diyos at Ama: para tulungan ang mga walang ama at balo sa kanilang kapighatian, at para pangalagaan ang sarili mula sa katiwaliaan ng mundo.

  65. 14 Ano ang kabutihan nito, mga kapatid, kung may magsasabi na mayroon siyang pananampalataya, ngunit wala siyang mga gawa? Kaya ba ng pananampalatayang iyon na iligtas siya? 15 Kung ang kapatid na lalaki o kapatid na babae ang nangangailangan ng kasuotan at pagkain araw-araw, 16 at ang isa sa inyo ay magsasabi sa kanila, “Humayo kayong mapayapa, mangagpainit kayo at magpakabusog kayo,”' subalit hindi ninyo sila binigyan ng mga kinakailangan para sa katawan, anong kabutihan iyon? 17 Sa ganuon ding pamamaraan ang pananampalataya lang, kung hindi ito nagtataglay ng mga gawa, ay patay.