46 Bible Verses About Helping Others

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Bible Verses About Helping Others
  1. 34 At sasabihin ng Hari sa mga nasa kanan niya, 'Halikayo, pinagpala kayo ng aking Ama, mamanahin ninyo ang kaharian na inihanda para sa inyo mula pa noong likhain ang mundo. 35 Sapagkat ako ay nagutom at binigyan ninyo ako ng pagkain; ako ay nauhaw at binigyan ninyo ako ng inumin; ako ay dayuhan at pinatuloy ninyo ako; 36 ako ay hubad at dinamitan ninyo ako, ako ay may sakit at inalagaan ninyo ako; ako ay nasa kulungan at pinuntahan ninyo ako.

    37 At sasagot ang mga matuwid at sasabihin, 'Panginoon, kailan ka namin nakitang nagutom at pinakain, o nauhaw at binigyan ng inumin? 38 at kailan ka namin nakitang dayuhan at pinatuloy ka? O hubad at dinamitan? 39 At kailan ka namin nakita na may sakit, o nakulong at pinuntahan ka namin?'

    40 At sasagot ang Hari at sasabihin sa kanila, totoo itong sinasabi ko sa inyo, kung ano man ang nagawa ninyo sa mga hamak kong kapatid dito, ginawa ninyo ito sa akin.'

  2. 4 Sapagkat marami tayong bahagi sa iisang katawan, ngunit hindi lahat ng mga bahagi ay may pare-parehong tungkulin. 5 Gayon din naman, tayo na marami ay iisang katawan kay Cristo, at ang bawat isa ay bahagi ng isa't isa.

    6 Mayroon tayong iba't ibang kaloob ayon sa biyayang ibinigay sa atin. Kung ang kaloob ng isa ay paghahayag ng propesiya, gawin niya ito ayon sa sukat ng kaniyang pananampalataya. 7 Kung ang kaloob ng isa ay paglilingkod, hayaan siyang maglingkod. Kung ang isa ay may kaloob ng pagtuturo, hayaan siyang magturo. 8 Kung ang kaloob ng isa ay pagpapalakas ng loob, hayaan siyang magpalakas ng loob. Kung ang kaloob ng isa ay pagbibigay, hayaan siyang gawin ito ng may kagandahang-loob. Kung ang kaloob ng isa ay pamumuno, gawin ito ng may pag-iingat. Kung ang kaloob ng isa ay pagpapakita ng awa, gawin ito ng may kagalakan.

  3. 1 Kung gayon, kung mayroon man kasiglahan kay Cristo. Kung mayroon man kaginhawahan mula sa kaniyang pagmamahal. Kung mayroon man pakikiisa sa Espiritu. Kung mayroon man mga mahinahong awa at habag. 2 Gawing ganap ang aking kasiyahan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng iisang pag-iisip, pagkakaroon ng parehong pagmamahal, nagkaisa sa espiritu, at sa pagkakaroon ng parehong layunin.

    3 Huwag kayong gumawa ng kahit na ano dahil sa kasakiman o walang saysay na pagmamataas. Sa halip ay ituring ninyo nang may kababaang-loob ang iba na higit kaysa sa inyong sarili. 4 Huwag ninyong tingnan ang pansarili ninyong pangangailangan, ngunit pati na rin ang pangangailangan ng iba.

    5 Mag-isip kayo tulad ng kay Cristo Jesus. 6 Nabuhay siya sa anyo ng Diyos, ngunit hindi niya itinuring ang kaniyang pagkakapantay sa Diyos bilang isang bagay na dapat niyang panghawakan. 7 Sa halip, tinanggalan niya ng kapakanan ang kaniyang sarili. Nag-anyo siya bilang isang tagapaglingkod. Nagpakita siyang kawangis ng mga tao. Nakita siya bilang anyong tao. 8 Ibinaba niya ang kaniyang sarili at naging masunurin hanggang sa kamatayan, ang kamatayan sa krus.

  4. 7 Kung may isang taong mahirap sa inyo, isa sa inyong mga kapatid, saanman sa loob ng inyong mga tarangkahan sa lupain na ibinibigay sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos, hindi dapat ninyo patigasin ang inyong mga puso ni isara ang inyong kamay mula sa inyong mahirap na kapatid; 8 pero dapat ninyong tiyakin na bukas ang inyong kamay sa kaniya at tiyaking pautangin siya ng sapat para sa kaniyang kailangan.

    9 Mag-ingat kayo sa pagkakaroon ng isang masamang pag-iisip sa inyong puso, sa pagsasabing, 'Ang ikapitong taon, ang taon ng pagpapalaya, ay malapit na,' para hindi kayo maging maramot patungkol sa mahirap ninyong kapatid at walang maibigay sa kaniya; baka siya ay umiyak kay Yahweh tungkol sa inyo, at maging kasalanan ito para sa inyo.

    10 Dapat ninyong tiyaking magbigay sa kaniya, at hindi dapat magdamdam ang inyong puso kapag magbibigay sa kaniya, dahil ang kapalit nito ay pagpapalain kayo ni Yahweh na inyong Diyos sa lahat ng inyong mga gawain at sa lahat ng paglalagyan ng inyong kamay. 11 Dahil hindi kailanman mawawala ang mahihirap sa lupain; kaya sinasabi ko ito sa inyo, 'Dapat ninyong tiyaking bukas ang inyong kamay sa inyong kapatid, sa mga nangangailangan sa inyo, at sa mga mahihirap sa inyong lupain.'

  5. 14 Ano ang kabutihan nito, mga kapatid, kung may magsasabi na mayroon siyang pananampalataya, ngunit wala siyang mga gawa? Kaya ba ng pananampalatayang iyon na iligtas siya? 15 Kung ang kapatid na lalaki o kapatid na babae ang nangangailangan ng kasuotan at pagkain araw-araw, 16 at ang isa sa inyo ay magsasabi sa kanila, “Humayo kayong mapayapa, mangagpainit kayo at magpakabusog kayo,”' subalit hindi ninyo sila binigyan ng mga kinakailangan para sa katawan, anong kabutihan iyon? 17 Sa ganuon ding pamamaraan ang pananampalataya lang, kung hindi ito nagtataglay ng mga gawa, ay patay.

  6. 35 Sa lahat ng bagay nagbigay ako ng halimbawa kung paano ninyo dapat tulungan ang mga mahihina sa pamamagitan ng pagtratrabaho at kung paano ninyo dapat maalala ang salita ng Panginoong Jesus, mga salita na siya mismo ang nagsabi: “Mas mapalad ang nagbibigay kaysa sa tumatanggap.”

  7. 1 Mga kapatid, kung ang isang tao ay nahuli sa ilang pagkakasala, kayo na espiritwal ang dapat magpanumbalik sa taong iyon sa espiritu ng kahinahunan. Bantayan ninyo ang inyong sarili, upang hindi kayo matukso. 2 Buhatin ninyo ang pasanin ng bawat isa, at nang sa gayon ay matupad ninyo ang kautusan ni Cristo.

  8. 17 Ang sinumang mabait sa mahihirap ay nagpapahiram kay Yahweh, at babayaran siya ni Yahweh dahil sa kaniyang ginawa.

  9. 38 Magbigay sa iba at ito ay maibibigay sa inyo. Labis-labis na halaga—siksik, liglig at umaapaw—ang ibubuhos sa inyong kandungan. Sapagkat kung anumang batayan ng panukat ang inyong ginamit sa pagsukat, iyon din ang gagamiting batayan ng panukat para sa iyo.”

  10. 27 Huwag ipagkait ang mabuti sa mga karapat-dapat dito, kapag nasa iyong kapangyarihan upang kumilos. 28 Huwag sabihin sa iyong kapwa, “pumunta ka, at bumalik muli at bukas ibibigay ko ito,” kapag ang pera ay nasa iyo.

  11. 16 At huwag ninyong kalilimutang gumawa ng mabuti at tumulong sa bawat isa, sapagkat sa ganitong handog lubos na nalulugod ang Diyos.

  12. 6 Hindi ba ito ang pag-aayuno na pinili ko: na palayain ang mga masamang pagkakagapos, na kalagin ang mga lubid ng pamatok, na palayain ang mga dinurog, at baliin ang bawat pamatok? 7 Hindi ba ito para ipamahagi ang inyong tinapay sa nagugutom at dalhin ang dukha at walang tahanan sa inyong bahay?” Kapag nakakita kayo ng isang taong nakahubad, dapat ninyo siyang bihisan; at hindi ninyo dapat itago ang inyong sarili mula sa sarili ninyong mga kamag-anak.

  13. 9 Ang isang mapagbigay na mata ay pagpapalain, sapagkat siya ay nagbabahagi ng kaniyang tinapay sa mahihirap.

  14. 10 Sapagkat ang Diyos ay hindi liko upang limutin ang inyong gawa at ang pag-ibig na inyong ipinakita para sa kaniyang pangalan, sa ganoon naglingkod kayo sa mga mananampalataya at patuloy na naglingkod sa kanila.

  15. 17 Pero ang sinumang mayroong mga mabubuting bagay sa mundo, nakitang nangangailangan ang kapatid, at isinara ang kanyang maawaing puso sa kanya, papaano mananatili sa kanya ang pag-ibig ng Diyos?

    18 Mga minamahal kong mga anak, huwag tayong magmahal sa salita o sa dila, pero sa mga gawa at katotohanan.

  16. 38 Narinig ninyo itong sinabi, 'Mata para sa mata at ngipin para sa ngipin.' 39 Ngunit sinasabi ko sa inyo, huwag ninyong labanan ang taong masama, sa halip, sinumang sumampal sa iyong kanang pisngi, iharap mo rin sa kaniya ang kabila. 40 At kung hiniling ng sinuman na magpunta sa hukuman kasama ka at kunin ang iyong tuniko, hayaan mo rin na mapasakaniya ang iyong balabal. 41 At sinumang pumilit sa iyo na maglakad ng isang milya, lumakad ka ng dalawang milya kasama niya. 42 Ibigay mo ang nanghihingi sa iyo at huwag mong talikuran ang sinumang nanghihiram sa iyo.

  17. 10 Ang bawat isa sa inyo ay tumanggap ng kaloob, gamitin niyo ito para paglingkuran ang isa't isa, bilang mabuting mga katiwala ng maraming kaloob ng Diyos. 11 Kung mayroong nangungusap, ituring niyo ito bilang salita ng Diyos, at kung mayroong naglilingkod, magmula ito sa lakas na ibinibigay ng Diyos, upang sa lahat ng bagay, ang Diyos ay maluwalhati sa pamamagitan ni Jesu- Cristo. Kaluwalhatian at kapangyarihan ay sa kaniya magpakailanman. Amen

  18. 25 Ang taong mapagbigay ay sasagana, at ang isa na siyang nagbibigay ng tubig sa iba ay magkakaroon ng tubig para sa kaniyang sarili.

  19. 31 Ang isang nagmamalupit sa mahihirap ay isinusumpa ang kaniyang Maykapal, ngunit ang isang nagpapakita ng kagandahang-loob para sa nangangailangan ay pinaparangalan siya.

  20. 25 Ngunit tinawag sila ni Jesus sa kaniya at sinabi, “Alam ninyo na ang mga namumuno sa mga Gentil ay nanglulupig sa kanila, at ang mga mahahalagang mga tao sa kanila ay gumagamit ng kapangyarihan upang sundin sila. 26 Subalit hindi dapat mangyari ito sa inyo. Sa halip, ang sinumang nagnanais na maging dakila sa inyo ay dapat maging tagapaglingkod ninyo. 27 At ang sinumang nagnanais na maging una sa inyo ay dapat maging tagapaglingkod ninyo. 28 Katulad ng Anak ng Tao hindi siya naparito upang paglingkuran, kundi upang maglingkod, at upang ibigay ang kaniyang buhay bilang pangtubos sa marami.

  21. 27 Ito ay dalisay at walang karumihang relihiyon sa harap ng ating Diyos at Ama: para tulungan ang mga walang ama at balo sa kanilang kapighatian, at para pangalagaan ang sarili mula sa katiwaliaan ng mundo.

  22. 17 alamin ninyo paano maging mabuti; isulong ninyo ang katarungan, tulungan niyo ang mga inaapi, bigyan ninyo ng katarungan ang mga walang ama, protektahan ninyo ang mga balo.”

  23. 33 Ipagbili ang inyong mga ari-arian at ibigay ito sa mahihirap. Gumawa kayo ng inyong mga sariling mga pitaka na hindi nasisira—mga kayamanan sa kalangitan na hindi nawawala, na hindi nilalapitan ng magnanakaw, at hindi sinisira ng tanga. 34 Sapagkat kung nasaan ang inyong kayamanan ay naroon din ang inyong puso.

  24. 13 Ang isa na hindi dininig ang iyak ng mga mahihirap na tao, kapag siya din ay umiyak, hindi siya maririnig.

  25. 10 At ang maraming tao ay nagtanong sa kaniya, nagsasabi “Ano ang dapat naming gawin?”

    11 Siya ay sumagot at sinabi sa kanila, “Kung ang isang tao ay may dalawang tunika, dapat niyang ibigay ang isa sa sinumang wala nito at sinuman ang may pagkain ay ganoon din ang dapat gawin.”

  26. 28 Sino man ang nagnanakaw ay hindi na dapat magnakaw. Sa halip, kailangan niyang magpagal. Kailangan niyang magtrabaho gamit ang kaniyang mga kamay, upang makatulong sa tao na nangangailangan.

  27. 8 Ngunit kung mayroong hindi nagbibigay sa kaniyang sariling kamag-anak, lalo na sa kaniyang sariling sambahayan, itinanggi niya ang pananampalataya at mas masahol pa sa hindi mananampalataya.

  28. 27 Ang nagbibigay sa mahirap ay hindi magkukulang, pero sinumang magsara ng kaniyang mga mata sa kanila ay tatanggap ng maraming mga sumpa.

  29. 7 Siyang gumagawa ng tama ay nakikiusap sa kapakanan ng mahirap; ang masamang tao ay hindi naiintindihan ang ganyang kaalaman.

  30. 13 Sapagkat tinawag kayo ng Diyos, mga kapatid, sa kalayaan. Lamang ay huwag ninyong gamitin ang iyong kalayaan bilang pagkakataon para sa laman. Sa halip sa pamamagitan ng pag-ibig paglingkuran ninyo ang bawat isa. 14 Sapagkat ang buong kautusan ay natupad sa isang utos; na “Dapat mong mahalin ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.”

  31. 32 Maging mabuti sa isa't-isa. Maging mahabagin. Patawarin ang isa't-isa, katulad ng pagpapatawad sa inyo ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo.

  32. 12 Sinabi rin ni Jesus sa taong nag-anyaya sa kaniya, “Kapag naghanda ka ng pananghalian o hapunan, huwag mong anyayahan ang iyong mga kaibigan, o ang iyong mga kapatid, o ang iyong mga kamag-anak o ang mga mayayaman mong kapit-bahay, sapagkat maaari ka din nilang anyayahan at ikaw ay mababayaran. 13 Ngunit kapag ikaw ay maghahanda ng salu-salo, anyayahan mo ang mga mahihirap, ang mga lumpo, ang mga pilay, at ang mga bulag, 14 at ikaw ay pagpapalain dahil hindi ka nila mababayaran. Sapagkat ikaw ay mababayaran sa muling pagkabuhay ng mga matuwid.”

  33. 12 Nang bumigat na ang mga kamay ni Moises, kumuha sina Aaron at Hur ng bato at inilagay ito sa ilalim niya para makaupo siya. Sa parehong pagkakataon, itinaas ni Aaron at Hur ang mga kamay ni Moises, isang tao ang nasa tabi niya at ang isa naman ay nasa kabilang banda niya. Kaya nanatiling nakataas ang mga kamay ni Moises hanggang sa palubog na ang araw.

  34. 35 Kung naging mahirap ang kapwa kababayan ninyo, kung kaya hindi na niya kayang itaguyod ang kanyang sarili, sa gayon dapat ninyo siyang tulungan tulad ng tutulungan ang isang dayuhan o sino pa mang naninirahan bilang tagalabas na kasama ninyo.

  35. 10 Sapagkat tayo ay ginawa ng Diyos, nilikha kay Cristo Jesus upang gumawa ng mga mabubuting gawa. Ito ang mga gawa na matagal ng binalak ng Diyos para sa atin, upang makalakad tayo sa mga ito.

  36. 29 Dapat walang lalabas na masamang salita sa inyong bibig. Sa halip, dapat mga salitang may pakinabang ang lalabas sa inyong bibig, upang magbigay ng pakinabang sa mga nakikinig.

  37. 5 Ngunit kung sinuman sa inyo ay nangangailangan ng karunungan, hingin ninyo ito sa Diyos, ang mapagbigay at walang panunumbat sa lahat ng humihingi, at tutugunin niya ito.

  38. 5 Ang ama ng mga walang ama, ang hukom ng mga balo, ay Diyos sa banal na lugar kung saan siya nananahan.

  39. 49 Pakinggan mo! Ito ang naging kasalanan ng Sodoma na iyong kapatid: malaya siyang nagmataas, walang malasakit at walang pakialam sa anumang bagay. Hindi niya pinalakas ang mga kamay ng mga mahihirap at mga taong nangangailangan.

  40. 12 Pagkatapos hugasan ni Jesus ang kanilang mga paa at kunin ang kaniyang mga damit at muling umupo, sinabi niya sa kanila, “Alam ba ninyo ang ginawa ko para sa inyo? 13 Tinatawag ninyo akong 'Guro' at 'Panginoon', at tama ang sinasabi ninyo, dahil ako nga iyon. 14 Kung ako nga na Panginoon at Guro, ay hinugasan ang iyong mga paa, dapat ninyo ring hugasan ang mga paa ng iba. 15 Dahil binigyan ko kayo ng halimbawa upang dapat gawin din ninyo tulad ng ginawa ko sa inyo.

  41. 44 Ang lahat ng nanampalataya ay nagsama-sama at ibinahagi ang kanilang mga ari-arian, 45 at ipinagbili nila ang kanilang mga pag-aari at mga ari-arian at ipinamahagi sa lahat, ayon sa pangangailangan ng bawat-isa.

  42. 32 May iisang puso at kaluluwa ang maraming bilang ng mga nanampalataya: at wala ni isa man sa kanila ang nagsabi na anuman ang mayroon siya ay tunay na kaniya; sa halip, para sa kanilang lahat ang lahat ng bagay. 33 Ipinapahayag ng mga apostol ang kanilang patotoo tungkol sa muling pagkabuhay ng Panginoong Jesus ng may dakilang kapangyarihan, at labis na biyaya ay napa-sa kanilang lahat.

    34 Wala ni isa man sa kanila ang kinukulang sa anumang bagay, dahil ang lahat ng mga nag mamay-ari ng titulo ng mga lupa o mga bahay ay ibinenta ang mga ito at dinala ang pera ng mga napagbentahan 35 at inilagay sa paanan ng mga apostol. At nangyari ang mga pagbaha-bahagi sa bawat mananampalataya, ayon sa kani-kanilang pangangailangan.

  43. 3 Katunayan, hinihiling ko rin sa iyo, tunay kong kamanggagawa, tulungan mo ang mga babaeng ito. Sapagkat sila ang kasama kong nagsikap sa pagpapalaganap ng ebanghelyo kasama si Clemente at iba pang mga kapwa ko manggagawa, kung saan ang mga pangalan ay nasa aklat ng buhay.

  44. 14 Hinihikayat namin kayo, mga kapatid: pagsabihan ninyo ang mga magugulo, palakasin ang mga pinanghinaan ng loob, tulungan ang mahina at maging matiyaga para sa lahat.

  45. 37 Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Kinakailangang ibigin mo ang Panginoon mong Diyos, nang buong puso mo, nang buong kaluluwa mo, at nang buong pag-iisip mo.' 38 Ito ang dakila at unang kauutusan. 39 At ang pangalawang kautusan ay katulad nito— 'Kinakailangang ibigin mo ang iyong kapwa katulad ng pagmamahal mo sa iyong sarili.'

  46. 6 Tandaan ninyo ito: kung sino man ang nagtatanim ng kaunti ay mag aani ng kaunti, at kung sino man ang nagtatanim sa layunin ng pagpapala ay aani ng pagpapala. 7 Bawat isa ay magbigay ayon sa pasiya ng kaniyang puso. Huwag siyang hayaang magbigay na may kalungkutan o napilitan. Sapagkat minamahal ng Diyos ang masayang nagbibigay.