77 Bible Verses About Business

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Bible Verses About Business
  1. 11 Maging maingat na hindi ninyo makalimutan si Yahweh na inyong Diyos, at para hindi ninyo ipagwalang bahala ang kaniyang mga utos, at kaniyang mga alituntunin, at kanyang mga batas na aking iniutos sa inyo ngayon. 12 Para hindi ito mangyari na, kapag kumain kayo at mabusog, at kapag magtatayo kayo ng maayos na mga bahay at manirahan dito, 13 at kapag dumami ang inyong mga alagang hayop at mga kawan, at kapag dumami na ang inyong pilak at ginto, at kapag ang lahat ng nasa inyo ay dumami— 14 na pagkatapos ang inyong puso ay maaaring magmataas, at maaari ninyong makalimutan si Yahweh na inyong Diyos, na nagpalabas sa inyo mula sa lupain ng Ehipto, mula sa tahanan ng pagkakaalipin.

    15 Maaaring makalimutan ninyo siya na pumatnubay sa inyo sa malaki at kakila-kilabot na ilang, kung saan may nag-aapoy na mga ahas at mga alakdan, at sa uhaw na lupa na walang tubig; si Yahweh, na nagpalabas ng tubig sa batong pingkian para sa inyo; 16 si Yahweh, na nagpakain sa inyo ng manna sa ilang na hindi nakilala ng inyong mga ninuno, para kayo ay ibaba niya, at para kayo ay subukin niya, para gawan kayo ng kabutihan hanggang katapusan;

    17 kung hindi, maaari ninyong sabihin sa inyong puso, 'Sa aking kapangyarihan at sa lakas ng aking kamay natamo ko ang lahat ng kayamanang ito.' 18 Pero isa-isip ninyo si Yahweh na inyong Diyos, dahil siya ang nagbibigay sa inyo ng kapangyarihan para makakuha ng kayamanan; para maitatag ang kaniyang tipan na kaniyang pinangako sa inyong mga ama, gaya sa araw na ito.

  2. 9 Tungkol sa pag-iibigang magkakapatid, hindi kailangan may sumulat pa sa inyo, sapagkat kayo sa inyong sarili ay naturuan na ng Diyos na umibig sa isat-isa. 10 Sa katunayan, ginagawa ninyo ito sa lahat ng mga kapatid na nasa Macedonia. Ngunit hinihikayat namin kayo, mga kapatid, na gawin ninyo ito ng higit pa. 11 Hinihikayat rin namin kayo na pagsumikapan ninyong mamuhay ng tahimik, gawin ninyo ang inyong sariling gawain, at magtrabaho kayo sa inyong sariling mga kamay, gaya ng inutos namin sa inyo. 12 Gawin ninyo ito upang makalakad kayo ng maayos na may paggalang sa mga taong nasa labas ng pananampalataya, at upang hindi na kayo mangailangan ng anuman.

  3. 29 Nakikita mo ba ang isang bihasang lalaki sa kaniyang gawain? Siya ay tatayo sa harapan ng mga hari; hindi siya tatayo sa harapan ng pangkaraniwang mga tao.

  4. 10 Patungkol sa pag-ibig ng mga kapatid, maging magiliw kayo sa isa't isa. Patungkol sa kapurihan, igalang ninyo ang isa't isa.

    11 Patungkol sa pagsisikap, huwag mag-atubili. Patungkol sa espiritu, maging masigasig. Patungkol sa Panginoon, maglingkod sa kaniya.

    12 Magalak sa pag-asang mayroon kayo tungkol sa hinaharap. Maging matiisin sa inyong mga kabalisahan. Magpatuloy sa pananalangin.

    13 Tumulong sa pangangailangan ng mga mananampalataya. Humanap ng maraming paraan upang ipakita ang magiliw na pagtanggap sa iba.

  5. 23 Anuman ang inyong ginagawa, gumawa kayo mula sa kaluluwa na para sa Panginoon at hindi para sa mga tao. 24 Nalalaman ninyong tatangap kayo mula sa Panginoon ng gantimpala ng pagkamit nito. Ito ay ang Cristong Panginoon na inyong pinaglilingkuran.

  6. 13 Huwag ninyong apihin ang inyong kapit-bahay o pagnakawan sila. Ang bayad ng isang inupahang tagapaglingkod ay hindi dapat manatili sa inyo ng buong gabi hanggang umaga.

  7. 4 Ang kamay na tamad ay nagdudulot sa isang tao para maging mahirap, ngunit ang kamay ng masipag na tao ay magtatamo ng kayamanan.

  8. 3 Ipagkatiwala mo ang iyong mga gawain kay Yahweh at magtatagumpay ang mga balak mo. 4 Ginawa ni Yahweh ang lahat ng bagay ukol sa kaniyang layunin, maging ang mga masama para sa araw ng kaguluhan.

  9. 11 Habang pinakikinggan nila ang mga bagay na ito, nagpatuloy siyang magsalita at nagsabi ng isang talinghaga, dahil malapit siya sa Jerusalem, at inakala nila na ang kaharian ng Diyos ay magsisimula na kaagad. 12 Kaya sinabi niya, “May isang maharlikang pumunta sa malayong bansa upang tanggapin ang isang kaharian para sa kaniya at pagkatapos ay babalik. 13 Tinawag niya ang sampu sa kaniyang mga lingkod, at binigyan sila ng sampung mina, at sinabi sa kanila, 'Mag-negosyo kayo hanggang ako ay bumalik.'

    14 Ngunit kinamuhian siya ng kaniyang mga mamamayan at pinasunod sa kaniya ang isang lupon ng kinatawan, sinasabi, 'Ayaw namin na ang taong ito ang mamuno sa amin.'

    15 Nangyari nang siya ay bumalik, natanggap na niya ang kaharian, pinatawag niya ang mga lingkod na binigyan niya ng pera, upang malaman niya kung magkano ang kanilang tinubo sa pagnenegosyo.

    16 Ang una ay lumapit sa kaniyang harapan, sinasabi, 'Panginoon, ang iyong mina ay nadagdagan pa ng sampung mina.'

    17 Sinabi ng maharlika sa kaniya, 'Magaling, mabuting lingkod. Dahil ikaw ay naging tapat sa kakaunti, ikaw ay magkakaroon ng kapangyarihan sa sampung lungsod.'

    18 Ang pangalawa dumating, sinasabi, 'Ang iyong mina, panginoon, ay nadagdagan pa ng limang mina.'

    19 Sinabi sa kaniya ng maharlika, 'Mamamahala ka sa limang lungsod.'

    20 At dumating ang isa pa, sinasabi, 'Panginoon, narito ang iyong mina, na maingat kong itinago sa isang tela, 21 sapagkat natatakot ako sa iyo, dahil ikaw ay mabagsik na tao. Kinukuha mo ang hindi mo iniipon, at inaani ang hindi mo inihasik.'

    22 Sinabi sa kaniya ng maharlika, 'Huhusgahan kita ayon sa iyong mga salita, ikaw na masamang lingkod. Alam mo na ako ay mabagsik na tao, kinukuha ang hindi ko inilagay, at inaani ang hindi ko inihasik. 23 Kung gayon bakit hindi mo inilagay ang aking pera sa bangko, upang sa pagbalik ko, makuha ko ito nang may kasamang tubo?'

    24 Sinabi ng maharlika sa mga nakatayo doon, 'Kunin ninyo ang mina sa kaniya, at ibigay ninyo sa may sampung mina.'

    25 Sinabi nila sa kaniya, 'Panginoon, mayroon siyang sampung mina.'

    26 'Sinasabi ko sa inyo, na ang lahat ng mayroon ay mabibigyan pa ng mas marami, ngunit sa kaniya na wala, kahit ang mayroon siya ay kukunin sa kaniya. 27 Ngunit ang aking mga kaaway, ang mga may ayaw na maghari ako sa kanila, dalhin ninyo sila rito at patayin sila sa harapan ko.'”

  10. 33 Kung naninirahan ang isang dayuhan sa inyong lupain, huwag dapat kayong gumawa ng anumang mali sa kanya. 34 Ang naninirahang dayuhan sa inyo ay dapat maging tulad ninyong katutubong Israelita na kasama ninyong naninirahan, at dapat ninyo siyang mahalin tulad ng inyong sarili, sapagkat naging mga dayuhan kayo sa lupain ng Ehipto. Ako si Yahweh na inyong Diyos.

    35 Huwag gumamit ng mga maling sukatan kapag nagsusukat ng haba, bigat, o dami. 36 Dapat gumamit lamang kayo ng mga tamang timbangan, mga tamang pabigat, isang tamang epa, at isang tamang hin. Ako si Yahweh na inyong Diyos, na siyang nagdala sa inyo palabas sa lupain ng Ehipto.

  11. 11 Sapagkat ako mismo ang nakakaalam ng mga plano na mayroon ako para sa inyo, mga plano para sa kapayapaan at hindi para sa sakuna, upang bigyan kayo ng isang kinabukasan at pag-asa. Ito ang pahayag ni Yahweh.

  12. 1 Kaya hinihikayat ko kayo, mga kapatid, alang-alang sa habag ng Diyos, na ialay ninyo ang inyong mga katawan na isang buhay na alay, banal, katanggap-tanggap sa Diyos. Ito ang inyong nararapat na paglilingkod. 2 Huwag kayong umayon sa mundong ito, ngunit mag-iba kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip. Gawin ninyo ito upang malaman ninyo kung ano ang mabuti, katanggap-tanggap, at ganap na kalooban ng Diyos.

  13. 5 Ang mga plano ng masipag ang tanging daan sa kasaganahan, ngunit ang lahat ng kumikilos ng masyadong mabilis ay sasapit lamang sa kahirapan.

  14. 11 Ang kayamanan ay nauubos kapag mayroong labis na kalayawan, pero ang siyang kumikita ng salapi sa pamamagitan ng pagtatrabaho gamit ang kaniyang kamay ay mapapalago ang kaniyang salapi.

  15. 1 Kapag ikaw ay umupo para kumain kasama ang isang pinuno, magmasid ng mabuti kung ano ang nasa harap mo, 2 at maglagay ng isang kutsilyo sa iyong lalamunan kung ikaw ay isang tao na gustong kumain ng maraming mga pagkain. 3 Huwag naisin ang kaniyang napakasarap na pagkain, dahil ito ay pagkain nang kasinungalingan. 4 Huwag magtrabaho ng sobrang hirap para lang ikaw ay maging mayaman; maging marunong para malaman kung kailan titigil. 5 Kapag ang iyong mga mata ay nagliliwanag sa pera, nawala na ito, at bigla itong nagkakaroon ng mga pakpak at lumilipad sa himpapawid tulad ng isang agila. 6 Huwag kakainin ang pagkain ng isang masamang tao- isang tao na nakatingin nang napakatagal sa iyong pagkain- at huwag naisin ang kaniyang masarap na mga pagkain, 7 sapagkat siya ang uri ng tao na inaalam ang halaga ng pagkain. “Kumain at uminom!” sabi niya sa iyo, pero ang kaniyang puso ay wala sa iyo. 8 Iyong isusuka ang kakaunting kinain mo, at sasayangin mo ang iyong mga mabubuting sasabihin.

  16. 30 Sinabi ni Moises sa mga Israelita, “Tingnan ninyo, tinawag ni Yahweh sa pangalan si Bezalel na anak ni Uri, anak na lalaki ni Hur, mula sa lipi ni Juda. 31 Pinuspos niya si Bezalel ng kaniyang Espiritu, para bigyan siya ng karunungan, pang-unawa at kaalaman sa lahat ng gawaing pansining, 32 para gumawa ng masining na disenyo na gawa sa ginto, pilak at tanso; 33 gayundin ang pagputol at paglagay ng mga bato at pag-ukit sa kahoy—sa paggawa ng lahat ng uri ng disenyo at gawaing pansining.

    34 Inilagay niya sa kaniyang puso para magturo, siya at si Oholiab na anak ni Ahisamac, mula sa lipi ni Dan. 35 Sila ay pinuspos niya ng kakayahan para gumawa ng lahat ng uri ng gawain, para maging taga-gawa ng sining, mga mag-uukit, tagaburda ng asul, lila at pinong lino, at bilang manghahabi. Sila ay manggagawa ng sining sa lahat ng uri ng gawain at sila ay masining na mga taga-disenyo.

  17. 1 Kinapopootan ni Yahweh ang timbangang hindi tama, ngunit siya ay nagagalak sa wastong timbang. 2 Kapag dumating ang pagmamataas, saka dumarating ang kahihiyan, pero sa kapakumbabaan dumarating ang karunungan. 3 Ang katapatan ng matuwid ay gumagabay sa kanila, pero ang mga baluktot na pamamaraan ng mga taksil ay sumisira sa kanila.

  18. 4 Ang gana ng taong tamad ay nananabik nang labis pero walang makukuha, pero ang gana ng mga taong masisipag ay masisiyahan nang masagana.

  19. 1 Ngayon sa mga araw na ito, nang ang bilang ng mga alagad ay dumarami, nagsimula ang reklamo mula sa mga Helenista laban sa mga Hebreo, sa dahilan na ang kanilang mga babaing balo ay napapabayaan sa araw-araw na pamamahagi ng pagkain.

    2 Tinawag ng labing dalawang apostol ang marami sa kanilang mga alagad at sinabi, ''Hindi nararapat para sa amin na pabayaan ang salita ng Diyos upang maglingkod sa mga hapag. 3 Mga kapatid, nararapat na pumili kayo ng pitong mga lalaki na mula sa inyo, mga lalaking may mabubuting pagkatao, puspos ng Espiritu at karunungan, na maaari naming ilagay sa trabahong ito. 4 Ngunit kami ay palaging magpapatuloy sa pananalangin at sa ministeryo ng salita.”

    5 Nalugod ang lahat ng maraming tao sa kanilang pananalita, kaya pinili nila si Esteban ang lalaking puno ng pananampalataya at ng banal na Espiritu, at si Felipe, si Procorus, si Nicanor, si Timon, si Parmenas, at Nicolas, ang nahikayat na magbago ng paniniwala mula sa Antioquia. 6 Dinala ng mga mananampalataya ang mga kalalakihang ito sa harap ng mga apostol, ang mga nanalangin at nagpatong ng kamay sa kanila.

    7 Kaya't lumaganap ang salita ng Diyos, at lubhang dumami ang bilang ng mga alagad sa Jerusalem; at naging masunurin sa pananampalataya ang malaking bilang ng mga pari.

  20. 23 At nagkaroon ng malaking kaguluhan sa panahong iyon Efeso patungkol sa Daan. 24 May isang magpapanday ng pilak na nagngangalang Demetrio, na gumagawa ng imahe ni Diana na pilak, na nagbibigay ng malaking negosyo sa mga nagpapanday.

    25 Kaya tinipon niya ang mga manggagawa sa trabahong iyon, at sinabi, “Mga Ginoo, alam ninyo na sa negosyong ito tayo kumikita ng malaking halaga. 26 Nakikita at naririnig ninyo iyon, hindi lang sa Efeso, ngunit halos sa buong Asia. Ang Pablong ito ay nanghikayat at nagpalayo ng maraming tao. Sinasabi niya na walang mga diyos-diyosan na gawa sa mga kamay. 27 At hindi lamang iyon ang panganib na ang mga kalakal natin ay hindi na kakailanganin, subalit pati narin ang templo ng dakilang diyosang si Diana ay maaring mawalan ng halaga. At mawawalan din siya ng kadakilaan, na siyang sinasamba ng buong Asia at ng buong mundo.”

    28 Nang marinig nila ito, napuno sila ng galit at sumigaw na nagsasabi, “Dakila si Diana ng mga taga- Efeso.” 29 Napuno ng kaguluhan ang buong lungsod, at ang mga tao ay sama-samang nagmadali papunta sa tanghalan. At dinampot nila ang mga kasamahan ni Pablo sa paglalakbay na sina Gaius at Aristarco, na taga-Macedonia.

  21. 1 Anak ko, kapag ikaw ay nagtabi ng pera bilang isang pag-aako ng pagkakautang ng iyong kapit-bahay, kapag nagbigay ka ng pangako sa pagkakautang ng isang tao na hindi mo kilala, 2 kung gayon naglatag ka ng isang patibong para sa iyong sarili sa pamamagitan ng iyong pangako, at ikaw ay nahuli ng mga salita ng iyong bibig. 3 Kung gayon, anak kong lalaki, gawin mo ito at iligtas mo ang iyong sarili, dahil sa ikaw ay nasa habag ng iyong kapitbahay. Pumunta ka at magpakumbaba ka ng iyong sarili at magsumamo sa iyong kapitbahay na pakawalan ka. 4 Bigyan mo ang iyong mga mata ng walang tulog at ang iyong talukap ng walang pagkakaidlip. 5 Iligtas mo ang iyong sarili gaya ng isang usa mula sa kamay ng mangangaso, katulad ng isang ibon mula sa kamay ng tagahuli ng hayop. 6 Tingnan mo ang langgam, ikaw na tamad na tao, pagmasdan mo ang kaniyang mga pamamaraan, at maging matalino. 7 Wala siyang tagapag-utos, opisyal, o tagapamahala, 8 gayon pa man ay naghahanda siya ng pagkain sa tag-init, at habang sa pag-aani ay nagtatabi ito ng kung ano ang kakainin. 9 Gaano katagal ka matutulog, ikaw na tamad na tao? Kailan ka babangon mula sa iyong pagkatulog? 10 “Isa pang kaunting pagtulog, isa pang kaunting pagkaidlip, isa pang kaunting pagtiklop ng mga kamay upang magpahinga”— 11 at ang iyong kahirapan ay darating sa iyo gayang isang magnanakaw at ang iyong pangangailangan gaya ng isang armadong sundalo.

  22. 10 Anuman ang gawin ng mga kamay mo, gawin mo ito gamit ang iyong lakas, dahil walang gawain o paliwanag o kaalaman o karunungan sa libingan, ang lugar kung saan ka pupunta.

  23. 13 Aba sa sinuman na magpapatayo ng kaniyang tahanan sa paraan na hindi makatuwiran at ang kaniyang mga silid sa itaas na hindi makatarungan; sapagkat pinagawa niya sa ibang manggagawa, ngunit hindi niya sila binayaran. 14 Aba sa sinuman na magsasabi, 'Magpapatayo ako ng sarili kong tahanan na napakataas at maluluwang na mga silid sa itaas, at malalaki ang pinagawang mga bintana para sa kaniyang sarili at mga dingding na may sedar, at pininturahan lahat ito ng pula.' 15 Ito ba ang magpapakita na ikaw ay mabuting hari, kaya gusto mong magkaroon ng sedar na mga dingding? Hindi ba kumain at uminom din ang iyong ama, ngunit gumawa siya ng makatarungan at makatuwiran? Kaya mabuti ang mga bagay na nangyari sa kaniya. 16 Ang paghuhukom niya ay panig sa mga mahihirap at mga nangangailangan. At maayos ang lahat noon. Hindi ba ito ang kahulugan ng pagkilala sa akin? —Ito ang pinahayag ni Yahweh. 17 Ngunit walang laman ang inyong mga mata at puso maliban ang pag-aalala sa hindi makatarungan na kikitain ninyo at pagbuhos sa mga dugo ng walang kasalanan, at sa paggawa ng pagpapahirap at pagmamalupit sa mga iba.

  24. 34 Pagkatapos tinawag niya ang maraming tao, kasama ng kaniyang mga alagad, at sinabi niya sa kanila, “Kung sinuman ang nagnanais sumunod sa akin, kailangan niyang ikaila ang kaniyang sarili, pasanin ang kaniyang krus at sumunod sa akin. 35 Sapagkat ang sinumang nais magligtas ng kaniyang buhay ay mawawalan nito at sinumang mawawalan ng kaniyang buhay alang-alang sa akin at para sa ebanghelyo ay makapagliligtas nito.

    36 Ano ang mapapala ng isang tao, na makuha ang buong mundo at pagkatapos ay mawala ang kaniyang sariling buhay? 37 Ano ang maibibigay ng isang tao kapalit ng kaniyang buhay? 38 Kapag ikinahiya ako at ang aking salita ng sinuman sa mapangalunya at makasalanang salinlahing ito, ikakahiya rin siya ng Anak ng Tao kapag dumating na siya sa kaluwalhatian ng kaniyang Ama kasama ang mga banal na anghel.”

  25. 10 Ang tapat sa kakaunti ay tapat din sa marami, at ang hindi makatarungan sa kakaunti ay hindi rin makatarungan sa marami.

  26. 5 Mga alipin, maging masunurin kayo sa inyong mga panginoon sa lupa na may kasamang malalim na paggalang at pagkatakot, sa katapatan ng inyong mga puso. Maging masunurin sa kanila katulad ng pagsunod ninyo kay Cristo. 6 Maging masunurin hindi lamang tuwing nakatingin ang inyong mga panginoon para lang malugod sila. Sa halip, maging masunurin kayo gaya ng alipin ni Cristo. Gawin ninyo ang kalooban ng Diyos mula sa inyong puso. 7 Maglingkod kayo ng buong puso, na parang sa Panginoon kayo naglilingkod at hindi sa mga tao. 8 Dapat ninyong malaman na anumang mabuting gawa ang ginagawa ng bawat tao, makakatanggap siya ng gantimpala mula sa Panginoon, alipin man siya o malaya.

    9 At kayo mga amo, gawin ninyo rin ang ganoong bagay sa inyong mga alipin. Huwag ninyo silang pagbantaan. Alam ninyo na ang Amo nila at ninyo ay parehong nasa langit. Alam ninyo na wala siyang tinatangi.

  27. 17 At anuman ang inyong ginagawa sa salita man o sa gawa, gawin ninyo ang lahat sa pangalan ng Panginoong Jesus. Magpasalamat sa Diyos Ama sa pamamagitan niya.

  28. 6 Ngayon inuutusan namin kayo, mga kapatid, sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na lumayo kayo sa mga taong tamad sa pamumuhay at hindi ayon sa mga kaugalian na inyong tinanggap mula sa amin. 7 Sapagkat inyong nalalaman sa inyong mga sarili na nararapat ninyo kaming gayahin. Hindi kami namuhay na nakasama ninyo na katulad ng mga taong ito na walang disiplina. 8 At hindi kami kumakain ng pagkain ng iba nang hindi nagbayad para dito. Sa halip, gumagawa kami sa gabi at araw ng mabibigat na gawain at paghihirap, dahil ayaw namin na maging pabigat sa inyo. 9 Ginagawa namin ito hindi dahil sa wala kaming kapangyarihan. Sa halip, ginagawa namin ito ng maayos upang maging halimbawa sa inyo, upang kami ay inyong tularan. 10 Nang kami ay kasama ninyo, iniutos namin sa inyo na, “Kung may isang ayaw magtrabaho, huwag siyang pakainin.”

    11 Sapagkat naririnig namin na ang ilan sa inyo ay tamad. Hindi sila gumagawa sa halip sila ay nakikialam sa buhay ng iba. 12 Ngayon inutusan namin sila at hinikayat sa Panginoong Jesu-Cristo, na sila nga ay gumawa ng may katahimikan at kainin nila ang kanilang sariling pagkain. 13 Ngunit kayo, mga kapatid, huwag kayong mapanghinaan ng loob na gawin kung ano ang tama.

  29. 4 Tingnan ninyo, ang bayad ng mga manggagawa—silang mga hindi ninyo binayaran para sa pag-aani ng inyong mga bukid—sumigaw sila ng malakas! At ang mga sigaw ng mga taong nag-aani ng inyong mga pananim ay nakaabot sa tainga ng Panginoon ng mga Hukbo.

  30. 9 Kapag inani ninyo ang mga pananim sa inyong lupain, hindi ninyo dapat anihin ang lahat ng sulok ng inyong bukirin, ni ipunin ang lahat ng bunga ng inyong ani. 10 Hindi ninyo dapat ipunin ang bawat ubas mula sa inyong ubasan, ni ipunin ang mga ubas na nahulog sa lupa sa inyong ubasan. Dapat ninyong iwan ang mga ito para sa mahihirap at para sa dayuhan. Ako si Yahweh na inyong Diyos.

  31. 13 Hindi dapat kayo magkaroon sa inyong lalagyan ng magkakaibang timbangan, isang malaki at isang maliit. 14 Hindi dapat kayo magkaroon sa inyong bahay ng magkakaibang sukatan, isang malaki at isang maliit.

    15 Isang ganap at tapat na timbangan ang dapat mayroon kayo; isang ganap at tapat na sukatan ang dapat mayroon kayo, para humaba ang inyong mga araw sa lupaing ibinibigay sa inyo ni Yahweh. 16 Dahil ang lahat ng gumagawa ng mga bagay na iyon, lahat ng kumikilos nang hindi matuwid, ay isang kasuklam-suklam kay Yahweh na inyong Diyos.

  32. 5 Umaayos ang buhay ng taong nakikitungo nang may kahabagan at nagpapahiram ng salapi, ng nagsasagawa ng kaniyang mga gawain nang may katapatan.

  33. 5 Magtiwala kay Yahweh ng buong puso at huwag umasa sa sarili mong pang-unawa; 6 sa lahat ng iyong ginagawa ay kilalanin siya at gagawin niyang matuwid ang iyong mga landas.

  34. 1 Ang isang magandang pangalan ay dapat piliin higit pa sa labis na kayamanan, at mas mainam ang kagandahan ng loob kaysa sa pilak at ginto.

  35. 16 Ang isa na siyang nagpapahirap sa mahihirap na tao para lumago ang kaniyang karangyaan, o nagbibigay para sa mayayamang tao, ay magiging isang mahirap.

  36. 20 Sinabi niya, “Ang lumalabas sa tao ang siyang nakapagpapadungis sa kaniya. 21 Dahil kung ano ang sinasaloob ng tao, na nanggaling sa kaniyang puso, lalabas ang masasamang pag-iisip, sekswal na imoralidad, pagnanakaw, pagpatay, 22 pangangalunya, pag-iimbot, kasamaan, pandaraya, kahalayan, inggit, paninira, kayabangan, kahangalan. 23 Ang lahat ng mga ito na masasama ay nanggagaling sa loob, at ito ang mga nakakapagpapadungis sa isang tao.”

  37. 23 Sa lahat ng mahirap na gawain ay may darating na kapakinabangan, ngunit kung puro salita lamang, ito ay hahantong sa kahirapan.

  38. 7 Bawat isa ay magbigay ayon sa pasiya ng kaniyang puso. Huwag siyang hayaang magbigay na may kalungkutan o napilitan. Sapagkat minamahal ng Diyos ang masayang nagbibigay. 8 At may kakayahan ang Diyos na paramihin ang bawat pagpapala para sa inyo, upang, palagi, sa lahat ng bagay, magkakaroon kayo ng lahat ng kailangan ninyo. Nang sa gayon maaari kayong gumawa ng mas maraming mabubuting bagay.

  39. 15 Kinuha ni Yahweh na Diyos ang lalaki at inilagay siya sa hardin ng Eden upang trabahuin at alagaan ito.

  40. 1 Dinala si Jose pababa sa Ehipto. Binili siya ni Potipar, na isang opisyal at kapitan ng mga bantay ni Paraon at isang taga-Ehipto, mula sa mga Ismaelita, na nagdala sa kanya doon. 2 Si Yahweh ay kasama ni Jose at siya'y naging mayamang tao. Nanirahan siya sa bahay ng kanyang amo na taga-Ehipto.

    3 Nakita ng kanyang amo na kasama niya si Yahweh at lahat ng ginawa niya ay pinasagana ni Yahweh. 4 Nakitaan si Jose ng pabor sa kanyang paningin. Pinaglingkuran niya si Potipar. Ginawa ni Potipar na tagapangasiwa si Jose ng kanyang bahay, at lahat ng nasa kanya, nilagay niya lahat sa ilalim ng kanyang pangangalaga. 5 Dumating ang panahon na ginawa siyang tagapangasiwa ng kanyang bahay at sa lahat ng kanyang pagmamay-ari, kaya pinagpala ni Yahweh ang buong bahay ng taga-Ehipto dahil kay Jose. Ang pagpapala ni Yahweh ay nasa lahat ng bagay na pagmamay-ari ni Potipar sa kanyang bahay at sa kanyang bukid. 6 Inilagay ni Potipar ang lahat ng nasa kanya sa ilalim ng pangangalaga ni Jose. Hindi na niya kailangan mag-isip tungkol sa anumang bagay maliban sa pagkain na kinakain niya. Ngayon si Jose ay matipuno at kaakit-akit. 7 Dumating ang panahon na pinagnanasaan si Jose ng asawa ng kanyang amo. Sinabi niya, “Sumiping ka sa akin”.

    8 Ngunit tinanggihan niya ito at sabay sabi sa asawa ng kanyang amo, “Tingnan mo, ang amo ko ay di-nagbigay pansin sa kung ano ang pinaggagawa ko dito sa bahay, at nilagay niya lahat ng kanyang pag-aari sa ilalim ng aking pangangalaga. 9 Walang mas nakakataas sa pamamahay na ito maliban sa akin. Wala siyang anumang pinagkait sa akin maliban sa iyo, dahil ikaw ang asawa niya. Paano ko kaya magagawa itong malaking kasamaan at magkakasala laban sa Diyos?”

    10 Kinausap niya si Jose sa bawat araw, ngunit tumanggi pa rin siya na sipingan siya o para makasama siya. 11 Dumating ang isang araw na pumunta siya sa bahay para gawin ang kanyang gawain. Walang sinuman sa mga lalaki sa bahay ang naroon sa bahay. 12 Siya ay hinablot niya sa pamamagitan ng kanyang damit at sinabi, “Sipingan mo ako.” Naiwanan niya ang kanyang damit sa kanyang kamay, lumayo, at nagpunta sa labas.

  41. 14 Huwag isumpa ang bingi o lagyan ng isang harang sa harapan ng bulag. Sa halip, dapat ninyong katakutan ang inyong Diyos. Ako si Yahweh.

  42. 8 Mabuti pa ang may kakaunti nang nasa tama, kaysa sa malaking kita na may kaakibat na kawalan ng katarungan.

  43. 5 “Pagkatapos lalapit ako sa inyo para sa paghahatol. Magiging isa akong mabilis na saksi laban sa mga manghuhula, sa mga mangangalunya, sa mga hindi totoong saksi, at laban sa mga nang-aapi sa mga inuupahang manggagawa sa kaniyang sahod, sila na nang-aapi sa mga balo at sa mga ulila, at naglalayo sa mga dayuhan sa kanilang mga karapatan, at laban sa mga taong hindi ako pinararangalan,” sabi ni Yahweh ng mga hukbo.

  44. 33 Sapagkat hanapin muna ninyo ang kaniyang kaharian at ang kaniyang katuwiran at ang lahat na ito ay maibibigay sa inyo.

  45. 36 Ngunit nang marinig ni Jesus ang kanilang sinabi, sinabi niya sa pinuno ng sinagoga, “Huwag kang matakot, maniwala ka lang.”

  46. 41 Ang kaniyang mga magulang ay pumupunta sa Jerusalem taon-taon para sa Pista ng Paskwa. 42 Nang siya ay labindalawang taong gulang, sila ay muling umakyat para sa nakaugaliang panahon para sa pista.

    43 Pagkatapos nilang manatili sa buong bilang ng araw para sa pista, nagsimula na silang umuwi. Ngunit ang batang Jesus ay nanatili sa Jerusalem at ito ay hindi alam ng kaniyang mga magulang. 44 Inakala nila na siya ay nasa pangkat na kasama nilang naglalakbay, kaya sila ay nagpatuloy ng isang araw sa paglalakbay. Pagkatapos ay nagsimula silang hanapin siya sa kanilang mga kamag-anak at kaibigan.

    45 Nang siya ay hindi nila matagpuan, bumalik sila sa Jerusalem at sinimulang hanapin siya roon. 46 At nangyari nga na makalipas ang tatlong araw, natagpuan nila siya sa loob ng templo na nakaupo sa gitna ng mga guro, nakikinig sa kanila at nagtatanong sa kanila ng mga katanungan. 47 Lahat ng nakarinig sa kaniya ay namangha sa kaniyang pang-unawa at sa kaniyang mga kasagutan.

    48 Nang siya ay nakita nila, nagulat sila. Sinabi sa kaniya ng kaniyang ina, “Anak, bakit mo kami pinakitunguhan ng ganito? Makinig ka, ako at ang iyong ama ay nag-aalala na naghahanap sa iyo.”

    49 Sinabi niya sa kanila, “Bakit ninyo ako hinahanap? Hindi ba ninyo alam na ako ay dapat na narito sa bahay ng aking Ama?” 50 Ngunit hindi nila naintindihan ang ibig niyang sabihin sa mga salitang iyon.

    51 Pagkatapos, siya ay sumama sa kanila pabalik sa kanilang tahanan sa Nazaret at naging masunurin sa kanila. Iningatan ng kaniyang ina ang lahat ng bagay na ito sa kaniyang puso.

  47. 10 Sapagkat tayo ay ginawa ng Diyos, nilikha kay Cristo Jesus upang gumawa ng mga mabubuting gawa. Ito ang mga gawa na matagal ng binalak ng Diyos para sa atin, upang makalakad tayo sa mga ito.

  48. 13 Magagawa ko ang lahat ng mga bagay sa pamamagitan niya na nagpapalakas sa akin.

  49. 17 Hayaan ang mga nakatatanda na namumuno ng maayos ay ituring na karapat-dapat sa mas mataas na parangal, lalo na ang mga gumagawa sa salita at sa pagtuturo. 18 Sapagkat sinasabi sa kasulatan, “Huwag mong bubusalan ang baka habang gumigiik ng butil,” at “Ang manggagawa ay karapat-dapat sa kaniyang kabayaran.”

  50. 16 Lahat ng kasulatan ay kinasihan ng Diyos. Ito ay mapapakinabangan sa pangangaral, sa pagsaway, pagtatama sa mali, at pagsasanay sa katuwiran. 17 Ito ay upang ang lingkod ng Diyos ay magkaroon ng kakayahan, at mabigyan ng kasangkapan sa lahat ng mabuting gawa.

  51. 28 Pinagpala sila ng Diyos at sinabihan silang, “Maging mabunga kayo, at magpakarami. Punuin niyo ang mundo, at supilin ito. Maging tagapamahala kayo sa isda sa dagat, sa mga ibon sa langit, at sa lahat ng buhay na bagay na kumikilos sa ibabaw ng mundo.”

    29 Sinabi ng Diyos, “Tingnan ninyo, ibinigay ko sa inyo ang bawat pananim na nagbibigay ng buto na nasa ibabaw ng buong mundo, at bawat punong-kahoy kasama ang bungang may buto sa loob nito. Sila ay magiging pagkain ninyo. 30 Sa bawa't hayop sa mundo, sa bawat ibon sa kalangitan, at sa lahat ng bagay na gumagapang sa ibabaw ng mundo, at sa bawat nilikhang may hininga ng buhay ibinigay ko ang bawat luntiang halaman para maging pagkain.” At nagkagayon nga.

    31 Nakita ng Diyos ang lahat ng bagay na kanyang ginawa. Pagmasdan, ito ay napakabuti. Naggabi at nag-umaga, ito ang ika anim araw.

  52. 5 Kapag ang lalaki ay kumuha ng bagong asawa, hindi siya sasama sa labanan kasama ang hukbo, ni utusan ng sapilitang tungkulin; siya ay malaya na nasa kaniyang bahay sa loob ng isang taon at magpapasaya sa kaniyang asawa na kaniyang kinuha.

  53. 13 Kung hindi ko pinansin ang pagsamo para sa katarungan mula sa aking lalaki o babaeng lingkod nang sila ay nakipagtalo sa akin, 14 ano kung ganoon ang gagawin ko kapag tumayo ang Diyos para akusahan ako? Kapag dumating siya para husgahan ako, paano ko siya sasagutin?

  54. 23 Naglakbay ang iba sa dagat sa barko at nagnegosyo sa ibang bansa. 24 Nakita nila ang mga gawa ni Yahweh at kaniyang kababalaghan sa mga dagat.

  55. 22 Ang mga balak ay namamali kapag walang payo, pero kapag marami ang tagapayo sila ay nagtatagumpay.

  56. 16 Nang ginamit ko ang aking puso upang malaman ang karunungan at maunawaan ang gawaing naganap sa ibabaw ng mundo, ang gawaing madalas nagaganap nang walang tulog para sa mga mata sa gabi o sa araw, 17 at namasdan ko lahat ng gawain ng Diyos at hindi maunawaan ng tao ang gawaing ginawa sa ilalim ng araw. Gaano man ang pagsisikap ng tao para hanapin ang mga kasagutan, hindi niya ito mahahanap. Kahit na sa paniwala ng isang matalino ay alam na niya ang lahat, sa totoo lang hindi niya alam.

  57. 17 alamin ninyo paano maging mabuti; isulong ninyo ang katarungan, tulungan niyo ang mga inaapi, bigyan ninyo ng katarungan ang mga walang ama, protektahan ninyo ang mga balo.” 18 “Halika at pag-usapan natin ito,” sabi ni Yahweh; “bagaman ang mga kasalanan ninyo ay tulad ng iskarlata, magiging kasing-puti ng bulak ang mga ito; bagaman pula sila tulad ng krimson, magiging tulad sila ng lana. 19 Kung handa kayo at susunod, kakainin ninyo ang maiinam na bunga ng lupain. 20 Pero kung magmamatigas kayo at magrerebelde, lalamunin kayo ng espada dahil ang bibig ni Yahweh ay nagsalita.”

  58. 24 Walang sinuman ang maaaring maglingkod sa dalawang amo, sapagkat kakamuhian niya ang isa at mamahalin ang isa, o di kaya tapat siya sa isa at hahamakin ang isa. Hindi ninyo maaaring paglingkuran ang Diyos at ang kayamanan.

  59. 7 Humingi kayo, at ito ay ibibigay sa inyo. Humanap kayo, at kayo ay makakatagpo. Kumatok kayo, at bubuksan ito para sa inyo. 8 Sapagkat ang lahat na humihingi, ay makatatanggap. At ang lahat na maghahanap, ay makakatagpo. At sa kanila na kumakatok, ito ay mabubuksan.

    9 O anong tao sa inyo na kapag humingi ng tinapay ang kaniyang anak ay bibigyan niya ng bato? 10 O kapag humihingi siya ng isda, ay bibigyan niya ng ahas? 11 Kaya kung kayong mga masasama ay marunong magbigay ng mga mabubuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Amang nasa langit na nagbibigay ng mga mabubuting bagay sa mga humihingi sa kaniya?

    12 Kaya kung anuman ang gusto inyong gawin ng mga tao sa inyo, ganoon din ang gawin ninyo sa kanila, sapagkat ito ang sa kautusan at ng mga propeta.

  60. 18 Sapagkat itinuturing ko na ang mga pagdurusa sa panahong ito ay hindi karapat-dapat na ihalintulad sa kaluwalhatian na maihahayag sa atin. 19 Sapagkat ang nananabik na pag-asa ng mga nilikha ay naghihintay para sa paghahayag sa mga anak ng Diyos. 20 Sapagkat napasailalim sa pagkawalang-saysay ang mga nilikha, hindi sa sarili nitong kalooban, kundi sa kaniya na siyang nagpasailalim nito. Ito ay dahil sa tiyak na kasiguraduhan 21 na ang nilikha mismo ay maililigtas mula sa pagkaalipin hanggang sa pagkabulok at madadala ito sa kalayaan ng kaluwalhatian ng mga anak ng Diyos.

    22 Sapagkat alam natin na magkasamang dumadaing at naghihirap sa sakit ang buong nilikha hanggang ngayon.

  61. 6 Huwag mabalisa tungkol sa anumang bagay. Sa halip, hayaan ninyong malaman ng Panginoon ang inyong mga kahilingan sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat. 7 At ang kapayapaan ng Diyos na humihigit sa lahat ng pang-unawa, ang mag-iingat sa inyong mga puso at isipan kay Cristo Jesus.

  62. 5 Ngunit kung sinuman sa inyo ay nangangailangan ng karunungan, hingin ninyo ito sa Diyos, ang mapagbigay at walang panunumbat sa lahat ng humihingi, at tutugunin niya ito. 6 Ngunit humingi nang may pananampalataya, nang walang pag-aalinlangan, sapagkat ang nagdadalawang isip ay katulad ng alon sa dagat, na tinatangay ng hangin, kung saan. 7 Sapagkat ang taong iyon ay hindi dapat mag-isip na matatanggap niya ang kaniyang kahilingan sa Panginoon, 8 ang ganitong tao ay dalawa ang pag-iisip at pabagu-bago sa lahat ng kaniyang ginagawa.

  63. 1 Saan nanggaling ang pag-aaway at alitan sa inyo? Hindi ba nagmula ito sa inyong mga masamang hangarin na lumalaban sa inyong mga miyembro? 2 Hinahangad ninyo kung anong wala kayo. Pumatay kayo at hinabol ninyo kung anong hindi mapapasainyo. Nakipag-away kayo at nakipagtalo, subalit hindi ninyo nakuha dahil hindi kayo humingi sa Diyos. 3 Humingi kayo at hindi ninyo natanggap dahil humihingi kayo ng mga masasamang bagay, upang gamitin ninyo sa inyong mga masasamang hangarin.

    4 Kayong mga mangangalunya! Hindi ba ninyo alam na ang pakikipagkaibigan sa mundo ay pakikipag-away laban sa Diyos? Kaya, sinuman ang magpasiyang maging kaibigan ng mundo ay ginawa niya mismo ang kaniyang sarili na kaaway ng Diyos. 5 O inisip ninyo ba na ang kasulatan ay walang kahulugan noong sinabi nito na ang Espiritu na ipinagkaloob niya sa atin ay labis na naninibugho para sa atin? 6 Ngunit ang Diyos ay nagbibigay ng mas higit na biyaya, kaya't sinasabi ng kasulatan na “Ang Diyos ay sumasalungat sa mapagmataas, ngunit nagbibigay ng biyaya sa mapagpakumbaba.”

    7 Kaya, magpasakop kayo sa Diyos. Labanan ninyo ang diyablo at lalayo siya sa inyo. 8 Lumapit kayo sa Diyos, at siya ay lalapit sa inyo. Linisin ang inyong mga kamay, kayong mga makasalanan, at gawing dalisay ang inyong mga puso, kayong mga nagdadalawang-isip. 9 Magdalamhati kayo, humagulgol kayo, at umiyak! Ibaling ang inyong kasiyahan sa kapighatian at ang inyong kagalakan sa kalungkutan. 10 Magpakumbaba kayo sa harap ng Panginoon, at kayo ay kaniyang itataas.

    11 Huwag kayong magsalita laban sa isa't-isa, mga kapatid. Ang taong nagsasalita laban sa kaniyang kapatid o naghahatol sa kaniyang kapatid ay nagsasalita laban sa kautusan at humahatol sa batas ng Diyos. Kapag hinatulan ninyo ang kautusan, hindi ninyo sinusunod ang batas, ngunit isang tagahatol ng mga ito. 12 Iisa lamang ang nagbigay ng batas at taga-hatol, ang Diyos, na kayang magligtas at sumira. Sino kayo upang humatol sa inyong kapwa?

    13 Makinig, kayo na mga nagsasabing, “Ngayon o bukas ay pupunta tayo sa ganitong bayan, at titigil ng isang taon doon, at mangangalakal, at kikita.” 14 Sino ang nakakaalam kung ano ang mangyayari bukas, at ano nga ba ang inyong buhay? Dahil katulad kayo ng hamog na sandaling lumilitaw at biglang nawawala.

    15 Sa halip ganito dapat ang sabihin ninyo, “Kung ito ang kalooban ng Panginoon, at nabubuhay pa kami gagawin namin ito o iyan.” 16 Ngunit ngayon, kayo ay naghahambog patungkol sa inyong mga plano. Ang lahat ng paghahambog na iyan ay masama. 17 Kaya, para sa kaniya na nakakaalam gumawa ng mabuti ngunit hindi ito ginagawa, para sa kaniya ito ay kasalanan.

  64. 6 Kaya nga maging mapagpakumbaba kayo sa ilalim ng makapangyarihang kamay ng Diyos upang kayo ay itaas niya sa tamang panahon. 7 Ibigay niyo ang lahat ng inyong pag-aalala sa kaniya, dahil pinag-iingatan niya kayo.

    8 Maging handa at mapagmatyag kayo. Ang inyong kaaway, ang diyablo, tulad ng isang umaatungal na leon, ay naglilibot at naghahanap ng kaniyang sasakmalin. 9 Tumindig kayo laban sa kaniya. Magpakatatag kayo sa inyong pananampalataya. Tandaan ninyo na ang inyong mga kapatid na nasa mundong ito ay nagtitiis ng kaparehas na pagdurusa.

    10 Pagkatapos ninyong magdusa sa sandaling panahon, ang Diyos ng lahat ng biyaya, na tumawag sa inyo sa walang hanggang kaluwalhatian kay Cristo, ang siyang magbibigay sa inyo ng kaganapan, magpapatibay at magpapalakas sa inyo. 11 Sa kaniya ang kapangyarihan magpakailanman. Amen.

  65. 11 Huwag magnakaw. Huwag magsinungaling. Huwag linlangin ang bawat isa.

  66. 39 Kung maging mahirap ang kapwa kababayan ninyo at ipagbili ang kanyang sarili sa inyo, hindi ninyo siya dapat pagtrabahuhin tulad ng isang alipin.

  67. 5 Kaya, tinipon ni David ang lahat ng mga Israelita, mula sa ilog ng Sihor sa Egipto hanggang Lebo Hamat, upang kunin ang kaban ng Diyos mula sa Kiriath Jearim.

    6 Si David at ang lahat ng Israel ay umakyat sa Baala, iyan ay ang, Kiriath Jearim, na sakop ng Juda, upang kunin doon ang kaban ng Diyos, na ang tawag ay Yahweh, na nakaupo sa trono sa ibabaw ng kerubim. 7 Kaya inilagay nila ang kaban ng Diyos sa bagong kariton. Inilabas nila ito mula sa bahay ni Abinadab. Sina Uza at Ahio ang umaalalay sa kariton.

    8 Si David at ang lahat ng Israelita ay nagdiriwang sa harapan ng Diyos ng kanilang buong lakas. Sila ay umaawit na may mga instrumentong may kuwerdas, mga tamburin, mga pompiyang at mga trumpeta.

    9 Nang makarating sila sa giikan sa Quidon, biglang hinawakan ni Uza ang kaban, dahil natisod ang baka. 10 Pagkatapos, nagalab ang galit ni Yahweh laban kay Uza at pinatay siya ni Yahweh dahil hinawakan ni Uza ang kaban. Namatay siya doon sa harap ng Diyos.

    11 Nagalit si David dahil pinarusahan ni Yahweh si Uza. Ang lugar na iyon ay tinawag na Perez Uza hanggang sa araw na ito.

    12 Natakot si David sa Diyos sa araw na iyon. Sinabi niya, “Paano ko maiuuwi ang kaban ng tipan ng Diyos?” 13 Kaya hindi inilipat ni David ang kaban ng tipan sa lungsod ni David, ngunit inilagak ito sa bahay ni Obed-edom na taga-Gat. 14 Ang kaban ng Diyos ay nanatili sa tahanan ni Obed-edom ng tatlong buwan. Kaya pinagpala ni Yahweh ang kaniyang tahanan at ang lahat ng kaniyang ari-arian.

  68. 4 Pagkatapos hanapin mo ang kaligayahan kay Yahweh, at ibibigay niya sa iyo ang mga naisin ng iyong puso.

  69. 17 Ang sinumang mabait sa mahihirap ay nagpapahiram kay Yahweh, at babayaran siya ni Yahweh dahil sa kaniyang ginawa.

  70. 27 At akong si Daniel ay napagod at nanghina sa loob ng ilang araw. Pagkatapos, bumangon ako at pumunta sa gawain ng hari. Ngunit kinilabutan ako dahil sa pangitain at walang sinumang nakaunawa nito.

  71. 8 Sinabi niya sa inyo, tao, kung ano ang mabuti at kung ano ang nais ni Yahweh mula sa iyo: Kumilos ng makatarungan, umibig na may kabaitan at lumakad na may pagpapakumbaba kasama ang inyong Diyos.

  72. 26 Sa ganoon paraan, tumutulong din ang Espiritu sa ating kahinaan. Sapagkat hindi natin alam kung paano tayo dapat manalangin, ngunit ang Espiritu mismo ang namamagitan sa atin ng mga daing na hindi maipahayag na mga daing. 27 Ang sumisiyasat ng mga puso ay alam ang kaisipan ng Espiritu, dahil namamagitan siya para sa mga mananampalataya ayon sa kalooban ng Diyos.

    28 Nalalaman natin na sa mga nagmamahal sa Diyos, sa lahat ng bagay gumagawa siya para sa ikabubuti, ng mga tinawag ayon sa kaniyang layunin. 29 Dahil ang mga kilala na niya noong una pa man, ay itinalaga din niya na matulad sa imahe ng kaniyang Anak, upang siya ang maging panganay sa maraming magkakapatid.

  73. 7 Huwag magpalinlang. Hindi madadaya ang Diyos. Anuman ang itinanim ng tao, iyon din ang kaniyang aanihin. 8 Sapagkat siya na nagtanim ng butil sa kaniyang likas na kasamaan ay aani din ng kapahamakan, ngunit siya na nagtanim ng butil ng Espiritu, ay aani ng buhay na walang hanggan na galing sa Espiritu.

    9 Hindi tayo dapat mapagod sa paggawa ng mabuti, dahil sa takdang panahon magkakaroon tayo ng ani kung hindi tayo susuko.

  74. 1 Mga panginoon, ibigay ninyo sa mga alipin kung ano ang nararapat at makatarungan. Alam ninyo na mayroon din kayong Panginoon sa langit.

  75. 9 Ang mga alipin ay dapat sumunod sa kanilang amo sa lahat ng bagay. Sila ay dapat magbigay-lugod at hindi mangatwiran sa kanila. 10 Hindi sila dapat mangupit. Sa halip, dapat silang magpakita ng lahat ng mabuting pananalig, upang sa lahat ng paraan, sila ay magpaganda sa ating katuruan tungkol sa Diyos na ating tagapagligtas.

    11 Pagkat ang biyaya ng Diyos ay nahayag sa lahat ng tao. 12 Ito ay nagsasanay sa atin na tumanggi sa walang kabanalan at makamundong pagkahumaling. Ito ang nagsanay sa ating mamuhay ng matino, makatarungan at sa makadiyos na paraan sa kapanahunan ngayon 13 habang tayo ay nag-aabang sa pagtanggap ng ating pinagpalang pag-asa, ang kahayagan ng kaluwalhatian ng ating dakilang Diyos at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo. 14 Ibinigay ni Jesus ang kanyang sarili para sa atin upang tubusin tayo sa lahat ng kawalan ng batas at gawing dalisay, para sa kanyang sarili, isang natatanging mga tao na sabik sa paggawa ng mabubuti.

    15 Ipahayag mo at ang lahat ng mga ito sa pagpalakas ng loob. Magbigay ng pag-aayos kasama lahat ng kapangyarihan. Huwag mong hayaang may isang magpasawalang bahala sa iyo.

  76. 15 Nawa walang magdusa sa inyo bilang isang mamamatay tao, magnanakaw, mapaggawa ng masama, o pakialamero. 16 Pero, sinuman sa inyo ang nagdurusa bilang isang Kristiyano, huwang siyang mahiya, sa halip luwalhatiin niya ang Diyos sa pangalan na ito.

  77. 3 Lahat ng mga bagay ng banal na kapangyarihan para sa buhay at pagiging maka-diyos ay ibinigay sa atin sa pamamagitan ng kaalaman ng Diyos na siyang tumawag sa atin sa pamamagitan ng kaniyang sariling kaluwalhatian at kabutihan. 4 Sa pamamagitan nito, binigyan niya tayo ng mahahalaga at dakilang mga pangako. Ginawa niya ito upang kayo ay makibahagi sa banal na katangian habang kayo ay tumatakas mula sa kasamaan na nasa mundo sa masamang hangarin.

    5 Sa kadahilanang ito, gawin ninyo ang inyong makakaya para dagdagan ang kabutihan sa pamamagitan ng inyong pananampalataya, at sa pamamagitan ng inyong kabutihan ay kaalaman. 6 Sa pamamagitan ng inyong kaalaman ay pagpipigil sa sarili, at sa pamamagitan ng inyong pagpipigil sa sarili ay pagtitiyaga, at sa pamamagitan ng inyong pagtitiyaga ay pagiging maka-diyos. 7 Sa pamamagitan ng inyong pagiging maka-diyos ay ang pagmamahal bilang magkakapatid, at sa pamamagitan ng inyong pagmamahal bilang magkakapatid ay ang pag-ibig. 8 Kung ang mga bagay na ito ay nasa inyo at lumalago sa inyo, kayo ay hindi magiging baog o hindi namumunga sa kaalaman ng ating Panginoon na si Jesu-Cristo. 9 Ngunit ang sinuman na nagkukulang sa mga bagay na ito ay nakikita niya lamang kung ano ang malapit; siya ay bulag. Nakalimutan niya ang paglilinis mula sa kaniyang mga lumang kasalanan.

    10 Samakatwid, mga kapatid, gawin ninyo ang inyong makakaya upang gawin ang inyong pagkatawag at pagkakapili na tiyak sa inyong mga sarili. Kung gagawin ninyo ang mga bagay na ito, hindi kayo matitisod. 11 Sa gayon, ang daan ay masaganang ipagkakaloob sa inyo sa walang hanggang kaharian ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo.