30 Bible Verses About Success
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
-
1 Aking anak, huwag kalimutan ang aking mga utos, at isapuso ang aking mga katuruan, 2 dahil ang haba ng mga araw at mga taon ng buhay at kapayapaan ang idadagdag ng mga ito sa iyo. 3 Huwag hayaang lisanin ka ng pagiging tapat sa tipan at pagiging katiwa-tiwala, itali ito ng magkasama sa iyong leeg, isulat ito sa kaloob-looban ng iyong puso. 4 Pagkatapos ikaw ay makakahanap ng pabor at mabuting reputasyon sa paningin ng Diyos at ng tao. 5 Magtiwala kay Yahweh ng buong puso at huwag umasa sa sarili mong pang-unawa; 6 sa lahat ng iyong ginagawa ay kilalanin siya at gagawin niyang matuwid ang iyong mga landas.
-
10 Ang tapat sa kakaunti ay tapat din sa marami, at ang hindi makatarungan sa kakaunti ay hindi rin makatarungan sa marami. 11 Kung hindi ka naging tapat sa paggamit ng perang hindi makatarungan, sino ang magtitiwala sa iyo ng tunay na kayamanan?
-
14 Sa anghel ng iglesya sa Laodicea isulat: 'Ang mga salita ng Amen, ang maaasahan at totoong saksi, ang tagapamahala sa nilikha ng Diyos.
15 Alam ko kung ano ang inyong ginawa, at kayo na sinumang malamig o mainit. Nais ko na kayo ay maging malamig ni mainit! 16 Kaya, dahil kayo ay maligamgam — ni mainit o malamig — malapit ko na kayong isuka buhat sa aking bibig.
17 Dahil sinabi mo, “Mayaman ako, marami akong materyal na pag-aari, at wala akong pangangailangan.” Pero hindi mo alam na ikaw ang pinakamalungkot, kaawa-awa, dukha, bulag at hubad. 18 Pakinggan ang aking payo: Bumili ka mula sa akin ng gintong pinino sa pamamagitan ng apoy kaya maaari kang maging mayaman, at makinang na mga puting damit kaya maaari mong damitan ang iyong sarili at hindi makikita ang kahihiyan ng iyong kahubaran, at papanatag para pahiran ang iyong mga mata kaya maaari kang makakita. 19 Bawat isa na mahal ko ay sinasanay ko at tinuturuan sila paano dapat mamuhay. Kaya, maging masigasig at magsisi.
20 Tingnan ninyo, ako ay nakatayo sa may pinto at kumakatok. Kung sinuman ang nakaririnig sa aking tinig at nagbubukas ng pinto, papasok ako sa kaniyang tahanan at kakain kasama niya, at siya sa akin. 21 Ang isa na siyang nakalupig, bibigyan ko ng karapatang umupo kasama ko sa aking trono, gaya nang ako ay nakalupig at umupo kasama ng aking Ama sa kaniang trono.
22 Kung mayroon kang tainga, makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya.
-
13 Makinig, kayo na mga nagsasabing, “Ngayon o bukas ay pupunta tayo sa ganitong bayan, at titigil ng isang taon doon, at mangangalakal, at kikita.” 14 Sino ang nakakaalam kung ano ang mangyayari bukas, at ano nga ba ang inyong buhay? Dahil katulad kayo ng hamog na sandaling lumilitaw at biglang nawawala.
15 Sa halip ganito dapat ang sabihin ninyo, “Kung ito ang kalooban ng Panginoon, at nabubuhay pa kami gagawin namin ito o iyan.” 16 Ngunit ngayon, kayo ay naghahambog patungkol sa inyong mga plano. Ang lahat ng paghahambog na iyan ay masama. 17 Kaya, para sa kaniya na nakakaalam gumawa ng mabuti ngunit hindi ito ginagawa, para sa kaniya ito ay kasalanan.
-
1 Kaya hinihikayat ko kayo, mga kapatid, alang-alang sa habag ng Diyos, na ialay ninyo ang inyong mga katawan na isang buhay na alay, banal, katanggap-tanggap sa Diyos. Ito ang inyong nararapat na paglilingkod. 2 Huwag kayong umayon sa mundong ito, ngunit mag-iba kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip. Gawin ninyo ito upang malaman ninyo kung ano ang mabuti, katanggap-tanggap, at ganap na kalooban ng Diyos.
-
24 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad, “Kung sinuman ang nais sumunod sa akin, kailangan niyang ikaila ang kaniyang sarili, buhatin ang kaniyang krus, at sumunod sa akin. 25 Sapagkat sinuman ang may nais iligtas ang kaniyang buhay ay mawawalan nito, at kung sinuman ang mawala ang buhay alang-alang sa akin ay matatagpuan niya ito. 26 Ano ang mapapala ng isang tao, kung mapasakaniya man ang buong mundo ngunit ang kabayaran ay ang kaniyang buhay? Ano ang maibibigay ng tao kapalit ng kaniyang buhay? 27 Sapagkat ang Anak ng Tao ay darating sa kaluwalhatian ng kaniyang Ama kasama ang kaniyang mga anghel. Pagkatapos, bibigyan niya ang bawat tao ayon sa kaniyang mga gawa.
-
1 Ngayon ito ang nangyari pagkatapos mamatay si Moises, ang lingkod ni Yahweh, na nangusap si Yahweh kay Josue ang anak ni Nun, punong pumapangalawa kay Moises, sinasabing, 2 “Namatay na si Moises na aking lingkod. Kaya ngayon, magbangon, tawirin ang Jordang ito, ikaw at lahat ng mga bayang ito, sa lupaing ibinibigay ko sa kanila—sa mga bayan ng Israel.
3 Ibinigay ko sa inyo ang bawat lugar na lalakaran ng talampakan ng inyong paa. Ibinigay ko na ito sa inyo, gaya ng ipinangako ko kay Moises. 4 Magiging lupain ninyo, mula sa ilang at Lebanon hanggang sa malawak na ilog, ang Eufrates, lahat ng lupain ng mga Heteo, at sa Malawak na Dagat, kung saan lumulubog ang araw.
5 Walang sinumang makakatayo sa harap ninyo sa lahat ng araw ng inyong buhay. Sasamahan kita tulad ng pagsama ko kay Moises. Hindi kita pababayaan o iiwan kita.
6 Maging malakas at matapang. Idudulot mong manahin ng mga taong ito ang lupaing ipinangako ko sa kanilang mga ninunong ibibigay ko sa kanila.
7 Maging malakas at napakatapang. Maging maingat na sundin ang lahat ng batas na iniutos sa inyo ng aking lingkod na si Moises. Huwag kayong lilihis mula rito sa kanan o sa kaliwa, para maging matagumpay kayo saan man kayo pupunta. 8 Palagi kang magsasalita tungkol sa aklat ng batas na ito. Pagbubulay-bulayan mo ito sa araw at gabi para masunod mo ang lahat na nakasulat dito. Sa gayon magiging maunlad ka at matagumpay.
9 Hindi ba iniutos ko sa iyo? Maging malakas at matapang! Huwag matakot. Huwag matakot. Kasama mo si Yahweh na iyong Diyos saan ka man pupunta.”
-
2 Si Yahweh ay kasama ni Jose at siya'y naging mayamang tao. Nanirahan siya sa bahay ng kanyang amo na taga-Ehipto.
3 Nakita ng kanyang amo na kasama niya si Yahweh at lahat ng ginawa niya ay pinasagana ni Yahweh. 4 Nakitaan si Jose ng pabor sa kanyang paningin. Pinaglingkuran niya si Potipar. Ginawa ni Potipar na tagapangasiwa si Jose ng kanyang bahay, at lahat ng nasa kanya, nilagay niya lahat sa ilalim ng kanyang pangangalaga. 5 Dumating ang panahon na ginawa siyang tagapangasiwa ng kanyang bahay at sa lahat ng kanyang pagmamay-ari, kaya pinagpala ni Yahweh ang buong bahay ng taga-Ehipto dahil kay Jose. Ang pagpapala ni Yahweh ay nasa lahat ng bagay na pagmamay-ari ni Potipar sa kanyang bahay at sa kanyang bukid. 6 Inilagay ni Potipar ang lahat ng nasa kanya sa ilalim ng pangangalaga ni Jose. Hindi na niya kailangan mag-isip tungkol sa anumang bagay maliban sa pagkain na kinakain niya. Ngayon si Jose ay matipuno at kaakit-akit.
-
1 Sa pagdating ng araw ng malapit nang mamatay si David, inutusan niya si Solomon na kaniyang anak, sinabi niya, 2 “Papunta na ako sa lupa. Kaya maging malakas ka at ipakita mong lalaki ka. 3 Sundin mo ang mga utos ni Yahweh na iyong Diyos na lumakad sa kaniyang mga pamamaraan, na sumunod sa kaniyang mga alituntunin, kautusan, desisyon, at mga kautusan sa tipan, maging maingat na gawin kung ano ang nakasulat sa batas ni Moises, sa gayon magtatagumpay ka sa lahat ng gagawin mo, saan ka man pumunta, 4 upang tuparin ni Yahweh ang kaniyang salita na sinabi niya tungkol sa akin, na sinasabi niyang, 'Kung maingat na binabantayan ng mga anak mong lalaki ang kanilang pag-uugali, na lalakad nang matapat sa harapan ko nang kanilang buong puso at kaluluwa, hindi titigil kailanman na magkaroon ka ng isang lalaki sa trono ng Israel.'
-
3 Ipagkatiwala mo ang iyong mga gawain kay Yahweh at magtatagumpay ang mga balak mo.
-
11 Sapagkat ako mismo ang nakakaalam ng mga plano na mayroon ako para sa inyo, mga plano para sa kapayapaan at hindi para sa sakuna, upang bigyan kayo ng isang kinabukasan at pag-asa. Ito ang pahayag ni Yahweh.
-
11 Yahweh, ako ay nakikiusap sa iyo, pakinggan mo ngayon ang panalangin ng iyong lingkod at ang panalangin ng iyong mga lingkod na nasisiyahang parangalan ang iyong pangalan. Ngayon bigyan mo ng katagumpayan ang iyong lingkod sa araw na ito, at ipagkaloob mo sa kaniya ang habag sa paningin ng taong ito.” Ako ay naglingkod bilang tagapagdala ng kopa ng hari.
-
1 Huwag ninyong hayaan mabalisa ang inyong puso. Manampalataya kayo sa Diyos; manampalataya rin kayo sa akin. 2 Sa tahanan ng aking Ama ay maraming mga tirahan; Kung hindi gayon, sinabi ko na sana sa inyo; sapagka't aalis ako upang maghanda ng tirahan para sa inyo. 3 Kung aalis ako at maghanda ng matititrahan ninyo, ako ay muling babalik at tatanggapin kayo sa aking sarili, upang kung saan man ako, kayo ay naroon din. 4 Alam ninyo ang daan kung saan ako pupunta.”
5 Sinabi ni Tomas kay Jesus, “Panginoon, hindi namin alam kung saan kayo pupunta, papaano namin malalaman ang daan?
6 Sabi ni Jesus sa kaniya, “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay; walang sinuman ang makararating sa Ama maliban sa pamamagitan ko.
-
8 Sa katunayan, ngayon ay itinuring ko ang lahat ng bagay na walang kabuluhan dahil sa kahusayan ng kaalaman ni Cristo Jesus na aking Panginoon. Binalewala ko ang lahat ng bagay para sa kaniya. Itinuring kong gaya ng mga basura ang mga ito upang makamtan ko si Cristo 9 at matagpuan ako sa kaniya. Wala akong katuwiran sa aking sarili mula sa kautusan. Sa halip, mayroon akong katuwiran sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo, ang katuwirang mula sa Diyos ayon sa pananampalataya.
10 Kaya ngayon, nais kong makilala siya at ang kapangyarihan ng kaniyang muling pagkabuhay at maging kabahagi sa kaniyang mga pagdurusa. Nais kong mabago sa pamamagitan ni Cristo tungo sa larawan ng kaniyang kamatayan, 11 upang kahit papaano maaari kong maranasan ang muling pagkabuhay sa mga patay.
12 Hindi totoo na natanggap ko na ang mga bagay na ito, o ako ay naging isang ganap. Ngunit nagsumikap ako upang aking matanggap ang anumang natanggap ko sa pamamagitan ni Cristo Jesus. 13 Mga kapatid, hindi ko iniisip na natanggap ko na ito. Ngunit mayroong isang bagay, kinakalimutan ko kung ano ang nakalipas at pinagsisikapan ko kung ano ang nasa hinaharap. 14 Nagpatuloy ako sa layunin upang makamit ang gantimpala ng pagkatawag ng Diyos, kay Cristo Jesus.
-
12 Alam ko kung paano mangailangan at alam ko rin kung paano magkaroon ng kasaganaan. Sa lahat ng paraan at sa lahat ng bagay, natutunan ko ang lihim kung paano parehong kumain ng marami at magutom, paano parehong managana at mangailangan. 13 Magagawa ko ang lahat ng mga bagay sa pamamagitan niya na nagpapalakas sa akin.
-
10 Ngunit para sa iyo, sinunod mo ang aking mga katuruan, pag-uugali, layunin, pananampalataya, mahabang pagtitiis, pag-ibig, pagtitiyaga, 11 pag-uusig, pagtitiis, at kung ano ang nangyari sa akin sa Antioquia, Iconio, at Listra. Tiniis ko ang mga pag-uusig. Sa lahat ng mga ito, ay sinagip ako ng Panginoon. 12 Ang lahat ng gustong mamuhay ng matuwid kay Cristo Jesus ay uusigin. 13 Ang masasamang tao at ang mga mapagpanggap ay mas lalong lalala. Ililigaw nila ang iba. Sila mismo ay maililigaw.
14 Ngunit para sa iyo, manatili ka sa mga bagay na iyong natutunan at matibay mong pinaniniwalaan. Alam mo kung kanino ka natuto. 15 Alam mo na mula sa iyong kabataan nalaman mo na ang sagradong kasulatan. Ang mga ito ang nagbibigay karunungan sa iyo para sa kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus. 16 Lahat ng kasulatan ay kinasihan ng Diyos. Ito ay mapapakinabangan sa pangangaral, sa pagsaway, pagtatama sa mali, at pagsasanay sa katuwiran. 17 Ito ay upang ang lingkod ng Diyos ay magkaroon ng kakayahan, at mabigyan ng kasangkapan sa lahat ng mabuting gawa.
-
18 Pero isa-isip ninyo si Yahweh na inyong Diyos, dahil siya ang nagbibigay sa inyo ng kapangyarihan para makakuha ng kayamanan; para maitatag ang kaniyang tipan na kaniyang pinangako sa inyong mga ama, gaya sa araw na ito.
-
1 Mapalad ang taong hindi lumalakad sa payo ng masama, o tumatayo sa daanan kasama ang mga makasalanan, o umuupo sa kapulungan ng mga nangungutya. 2 Pero ang kaniyang kagalakan ay nasa batas ni Yahweh, at sa kaniyang batas, nagbubulay-bulay siya araw at gabi. 3 Siya ay matutulad sa isang puno na nakatanim malapit sa mga batis ng tubig na namumunga sa panahon nito, na ang mga dahon ay hindi nalalanta; anuman ang kaniyang gawin ay sasagana.
-
3 Magtiwala ka kay Yahweh at gawin kung ano ang matuwid; tumira ka sa lupain at gawin mong tungkulin ang katapatan. 4 Pagkatapos hanapin mo ang kaligayahan kay Yahweh, at ibibigay niya sa iyo ang mga naisin ng iyong puso. 5 Ibigay mo ang iyong pamamaraan kay Yahweh; magtiwala ka sa kaniya, at siya ang kikilos para sa iyo.
-
21 Ngunit si Yahweh ay kasama ni Jose at siya ay nagpakita katapatan sa tipan sa kanya. Siya ay binigyan niya ng kagandahang-loob sa paningin ng bantay ng kulungan. 22 Binigay ng bantay ng kulangan sa kamay ni Jose ang pamamahala sa lahat ng bilanggo sa kulungan. Kahit anong gawin nila roon, si Jose ang namamahala. 23 Wala ng inaalalang anuman ang bantay ng kulungan na nasa kamay ni Jose, dahil si Yahweh ay kasama niya. Kahit anong gawin niya, pinasagana siya ni Yahweh.
-
1 Anak, kung tatanggapin mo ang aking mga salita at paka-ingatan ang aking mga kautusan, 2 makinig sa karunungan at itutuon mo ang iyong puso sa pang-unawa. 3 Kung ikaw ay magmakaawa para sa kaunawaan at sumigaw para dito, 4 kung hahanapin mo ito kagaya ng paghahanap ng pilak at hahanapin mo ang pang-unawa kagaya ng paghahanap mo ng mga nakatagong kayamanan, 5 saka mo mauunawaan ang pagkatakot kay Yahweh at matatagpuan mo ang kaalaman ng Diyos. 6 Sapagkat si Yahweh ang nagbibigay ng karunungan, mula sa kanyang bibig nanggagaling ang kaalaman at kaunawaan. 7 Nag-iimbak siya ng tamang karunungan para sa mga taong nagbibigay kaluguran sa kanya, siya ay kalasag para sa mga lumalakad na may katapatan 8 binabantayan niya ang mga daan ng katarungan at pananatilihin niya ang landas ng mga tapat sa kanya.
-
22 Ang mga balak ay namamali kapag walang payo, pero kapag marami ang tagapayo sila ay nagtatagumpay.
-
7 Mula pa sa mga araw ng inyong mga magulang, tinalikuran ninyo ang aking mga batas at hindi ito iningatan. Manumbalik kayo sa akin at manunumbalik din ako sa inyo.” sabi ni Yahweh ng mga hukbo. “Ngunit sinasabi ninyo, 'Paano kami manunumbalik?'
8 Maaari bang nakawan ng tao ang Diyos? Gayon pa man, ninanakawan ninyo ako. Ngunit sinasabi ninyo, 'Paano ka namin ninakawan?' Sa mga ikapu at sa mga handog. 9 Isinumpa kayo sa pamamagitan ng isang sumpa, sapagkat ninakawan ninyo ako, ang buong bansang ito. 10 Dalhin ang buong ikapu sa silid-imbakan upang may makain sa aking tahanan. At subukan ninyo ako ngayon sa ganito,” sabi ni Yahweh ng mga hukbo, “kung hindi ko bubuksan sa inyo ang mga bintana ng langit sa inyo at ibuhos ang mga pagpapala sa inyo, hanggang sa walang sapat na silid na paglagyan nito. 11 Sasawayin ko ang maninira para sa inyo upang hindi nito sirain ang ani sa inyong lupain; hindi mawawala ang bunga ng mga ubas ninyo sa mga bukid bago ang takdang panahon,” sabi ni Yahweh ng mga hukbo.
12 “Tatawagin ka ng lahat ng mga bansa na pinagpala; sapagkat magiging lupain ka nang kagalakan,” sabi ni Yahweh ng mga hukbo.
-
33 Sapagkat hanapin muna ninyo ang kaniyang kaharian at ang kaniyang katuwiran at ang lahat na ito ay maibibigay sa inyo.
-
34 Ngunit ang isang Pariseo na nagngangalang Gamaliel na isang tagapagturo ng kautusan at iginagalang ng lahat ng tao, ay tumayo at iniutos na sandaling ilabas ang mga apostol.
35 At sinabi niya sa kanila, ''Mga tao ng Israel pagtuunan ninyong mabuti ng pansin ang panukala na inyong ginagawa sa mga taong ito. 36 Hindi pa nagtatagal ng lumitaw si Teudas na inaangking siya ay kilalang tao, at maraming tao, mga apat na raan ang sumali sa kaniya. Pinatay siya, at lahat ng sumusunod sa kaniya ay nagkalat at walang nangyari. 37 Pagkatapos ng lalaking ito, lumitaw si Judas ng Galilea sa mga araw ng pagpapatala at nakahikayat siya ng ilang tao na susunod sa kaniya. Nasawi rin siya, at kumalat lahat ng sumusunod sa kaniya.
38 Ngayon sinasabi ko sa inyo, ''Lumayo kayo sa mga taong ito at hayaan sila, dahil kung sa tao ang plano o gawaing ito ito ay babagsak. 39 Ngunit kung ito ay sa Diyos hindi ninyo sila maaring pabagsakin; lalabas pang kayo ay lumalaban sa Diyos.'' Kaya nahikayat sila.
-
8 Sapagkat sa biyaya kayo ay naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya. At hindi ito nagmula sa amin, kaloob ito ng Diyos. 9 Hindi ito dahil sa mga gawa. Bilang resulta, walang sinuman ang maaaring magmalaki. 10 Sapagkat tayo ay ginawa ng Diyos, nilikha kay Cristo Jesus upang gumawa ng mga mabubuting gawa. Ito ang mga gawa na matagal ng binalak ng Diyos para sa atin, upang makalakad tayo sa mga ito.
-
2 Dahil sa kanilang kayabangan, hinahabol ng masasamang tao ang mga api; pero pakiusap hayaan mong mahuli ang mga masasama sa ginawa nilang sariling mga balakin. 3 Dahil ipinagyayabang ng masasamang tao ang kaniyang pinakamalalim na mga hangarin; pinagpapala niya ang sakim at iniinsulto si Yahweh. 4 Ang masasamang tao ay nakataas-noo; hindi niya hinahanap ang Diyos. Hindi niya kailanman iniisip ang tungkol sa Diyos dahil siya ay wala talagang pakialam sa kaniya. 5 Siya ay matatag sa lahat ng oras, pero ang iyong mga makatuwirang mga kautusan ay labis na mataas para sa kaniya; sinisinghalan niya ang lahat ng kaniyang mga kaaway. 6 Sinasabi niya sa kaniyang puso, “Hindi ako mabibigo; hindi ako makahaharap ng pagkatalo sa lahat ng salinlahi.”
-
16 Pagkatapos, nagsabi sa kanila si Jesus ng isang talinghaga, na nagsasabi, “Ang bukid ng isang mayamang tao ay umani ng masagana, 17 at nangatwiran sa kaniyang sarili, na nagsasabi, “Ano ang aking gagawin, dahil wala na akong paglagyan ng aking mga ani?' 18 Sinabi niya, 'Ito ang aking gagawin. Gigibain ko ang aking mga kamalig at tatayuan ko ng mas malalaki at doon ko ilalagay ang lahat ng aking butil at iba pang mga ari-arian. 19 Sasabihin ko sa aking kaluluwa, “Kaluluwa, marami kang mga ari-arian na naitago sa maraming taon. Magpahinga ng mabuti, kumain, uminom, at magpakasaya.'”
20 Ngunit sinabi ng Diyos sa kaniya, 'Hangal na tao, ang iyong kaluluwa ay kukunin ngayong gabi, at ang mga bagay na iyong inihanda, kanino mapupunta ang mga ito?
21 Ganyan ang isang tao na nag-iipon ng kayamanan para sa kaniyang sarili at hindi mayaman para sa Diyos.”
-
6 Huwag mabalisa tungkol sa anumang bagay. Sa halip, hayaan ninyong malaman ng Panginoon ang inyong mga kahilingan sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat.
-
1 Ngunit alamin ito: na sa mga huling araw ay magkakaroon ng kahirapan. 2 Sapagkat ang mga tao ay magiging makasarili, maibigin sa pera, mayabang, hambog, mga lapastangan, suwail sa mga magulang, walang utang na loob, at hindi banal. 3 Sila ay mawawalan ng likas na pag-ibig, hindi mapayapa, mga mapanira, walang pagpipigil sa sarili, marahas, hindi maibigin sa mabuti. 4 Sila ay magiging mga taksil, matigas ang ulo, palalo, maibigin sa kalayawan sa halip na maibigin sa Diyos. 5 Magkukunwari silang mga maka-diyos ngunit itatanggi nila ang kapangyarihan nito. Layuan mo ang mga taong ito.
6 Sapagkat ilan sa kanila ay pumapasok sa mga bahay at nang-aakit ng mga mangmang na babae. Ang mga babaeng ito ay patong-patong ang mga kasalanan at natatangay ng iba't-ibang pagnanasa. 7 Ang mga babaeng ito ay palaging nag-aaral, ngunit kahit kailan wala silang kakayahang magkaroon ng pang-unawa sa katotohanan.
Shows Read in context, Share and Copy.