42 Bible Verses About Blessings
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
-
1 Ngayon sinabi ni Yahweh kay Abram, “Humayo ka mula sa iyong bansa, at mula sa iyong mga kamag-anak, at mula sa sambahayan ng iyong ama, sa lupaing ipakikita ko sa iyo. 2 Gagawin kitang isang dakilang bansa, at pagpapalain kita, at gagawin kong dakila ang iyong pangalan at ikaw ay magiging isang pagpapala. 3 Pagpapalain ko ang magpapala sa iyo, pero sinuman ang maninira sa iyo ay susumpain ko. Sa pamamagitan mo, ang lahat ng mga pamilya sa buong mundo ay pagpapalain.”
4 Kaya humayo si Abram, gaya ng sinabi ni Yahweh na kaniyang gawin, at sumama si Lot sa kaniya. Pitumpu't-limang taong gulang si Abram nang umalis siya sa Haran.
-
1 Kung makikinig kayo ng mabuti sa boses ni Yahweh na inyong Diyos para sundin ang lahat ng kaniyang mga kautusan na sinasabi ko ngayon sa inyo, Itataas kayo ni Yahweh na inyong Diyos mula sa lahat ng ibang mga bansa sa mundo. 2 Lahat ng mga biyayang ito ay dadating sa inyo at aabutan kayo, kung makinig kayo sa boses ni Yahweh na inyong Diyos. 3 Pagpapalain kayong nasa lungsod at pagpapalain kayong nasa kabukiran. 4 Pagpapalain ang bunga ng inyong katawan, at ang bunga ng inyong lupa, at ang bunga ng inyong mga hayop, ang pagdami ng inyong mga baka, at ang mga guya ng inyong kawan. 5 Pagpapalain ang inyong buslo at ang inyong labangan ng pagmamasa. 6 Pagpapalain kayo kapag kayo ay pumasok, at pagpapalain kayo kapag kayo ay lumabas.
7 Dudulutin ni Yahweh sa ang inyong mga kaaway na kumakalaban sa inyo na mapabagsak sa inyong harapan; lalabas sila laban sa inyo sa isang daanan, pero tatakasan kayo sa pitong mga daanan.
8 Uutusan ni Yahweh ang biyaya na pumunta sa inyo sa inyong mga kamalig at sa lahat ng madapuan ng inyong mga kamay; bibiyayaan niya kayo sa lupain na ibibigay niya sa inyo. 9 Itatatag kayo ni Yahweh bilang mga tao na nakalaan para sa kaniya, gaya ng ipinangako niya sa inyo, kung susundin ninyo ang mga kautusan ni Yahweh na inyong Diyos, at lalakad sa kaniyang mga pamamaraan. 10 Lahat ng mga tao sa mundo ay makikitang kayo ay tinawag sa pangalan ni Yahweh, at matatakot sila sa inyo.
11 Gagawin kayo ni Yahweh na maging labis na masagana sa bunga ng inyong katawan, sa bunga ng inyong baka, sa bunga ng inyong lupa, sa lupain na kaniyang ipinangako sa inyong mga ama na ibibigay sa inyo.
12 Bubuksan ni Yahweh para sa inyo ang kaniyang bahay-imbakan ng kalangitan para magbigay ng ulan para sa inyong lupain sa tamang panahon, at pagpapalain lahat ng gawa ng inyong kamay; magpapahiram kayo sa maraming bansa, pero hindi kayo manghihiram.
-
22 Muling nagsalita si Yahweh kay Moises. Sinabi niya, 23 “Kausapin mo si Aaron at ang kaniyang mga anak na lalaki. Sabihin mo, 'Dapat ninyong pagpalain ang mga tao ng Israel sa ganitong paraan. Dapat ninyong sabihin sa kaniya, 24 “Pagpalain ka nawa ni Yahweh at ingatan. 25 Pasisikatin nawa ni Yahweh ang kaniyang liwanag sa iyo, titingin sa iyo, at mahabag sa iyo. 26 Tingnan ka nawa si Yahweh nang may kabutihang loob at bigyan ka ng kapayapaan.'”
27 Sa ganitong paraan dapat nilang ibigay ang aking pangalan sa mga tao ng Israel. At pagpapalain ko sila.”
-
14 Pagpalain ninyo ang mga umaapi sa inyo; pagpalain at huwag isumpa.
-
3 Mapapurihan nawa ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Pinagpala niya tayo ng bawat pagpapalang espirituwal kay Cristo sa kalangitan. 4 Bago likhain ang sanlibutan, pinili na tayo ng Diyos na mga mananampalataya kay Cristo. Pinili niya tayo upang tayo ay maging banal at walang kapintasan sa kaniyang paningin.
-
29 Sinabi sa kaniya ni Jesus, “Dahil nakita mo ako, ikaw ay naniwala”. Pinagpala silang mga hindi nakakita ngunit naniwala.”
-
8 At may kakayahan ang Diyos na paramihin ang bawat pagpapala para sa inyo, upang, palagi, sa lahat ng bagay, magkakaroon kayo ng lahat ng kailangan ninyo. Nang sa gayon maaari kayong gumawa ng mas maraming mabubuting bagay. 9 Ito ay gaya ng nasusulat: “Ipinamahagi niya ang kaniyang kasaganaan at ibinigay sa mahihirap. Ang kaniyang katuwiran ay magpakailanman.”
10 Ang nagbibigay ng binhi sa nagtatanim at tinapay para sa pagkain, ay magbibigay din at pararamihin ang inyong binhi para sa pagtatanim. Pararamihin niya ang ani ng inyong katuwiran.
-
7 Ngunit mapalad ang tao na nagtitiwala kay Yahweh, sapagkat si Yahweh ang kaniyang pag-asa. 8 Sapagkat magiging katulad siya ng halaman na itinanim sa tabi ng tubig-batis; ang kaniyang mga ugat ay kakalat. Hindi niya makikita ang init na parating, sapagkat ang kaniyang mga dahon ay malalapad at maganda. At sa panahon ng tag-tuyot hindi siya mangangamba, ni titigil ang kaniyang pamumunga.
-
3 Manatili ka sa lugar na ito, at ako ay sumasainyo at pagpapalain ko kayo; para sa iyo at sa iyong mga kaapu-apuhan, ibibigay ko ang lahat ng mga lupaing ito, at tutuparin ko ang panunumpa na aking sinumpaan kay Abraham na iyong ama. 4 Pararamihin ko ang iyong mga kaapu-apuhan gaya ng mga bituin sa langit, at ibibigay sa iyong mga kaapu-apuhan ang lahat na mga lupaing ito. Sa pamamagitan ng iyong mga kaapu-apuhan ang lahat ng bansa sa lupa ay pagpapalain. 5 Gagawin ko ito dahil sinunod ni Abraham ang aking utos at sinunod niya ang aking mga tagubilin, mga utos ko at mga batas ko.”
-
15 At alam ninyo, kayong mga taga-Filipos, na sa simula ng ebanghelyo, nang umalis ako sa Macedonia, walang iglesya ang tumulong sa akin sa bagay ng pagbibigay at pagtatanggap maliban sa inyo lamang. 16 Kahit nang ako ay nasa Tesalonica, nagpadala kayo ng tulong para sa aking mga pangangailangan ng higit sa isang beses.
17 Hindi sa hinahanap ko ang kaloob. Sa halip, hinahanap ko ang bunga na nagpapataas ng inyong halaga. 18 Nakatanggap at nagkaroon ako ng lahat bagay. Napuno ako. Natanggap ko mula kay Epafroditus ang mga bagay na galing sa inyo. Ang mga ito ay mababangong samyo, katanggap-tanggap at kalugod-lugod na handog sa Diyos.
19 At ang aking Diyos ang magpupuno ng inyong mga pangangailangan ayon sa kaniyang mga kayamanan at kaluwalhatian kay Cristo Jesus. 20 Ngayon, nawa'y sa ating Diyos at Ama ang kaluwalhatian magpakailanman. Amen.
-
10 Dalhin ang buong ikapu sa silid-imbakan upang may makain sa aking tahanan. At subukan ninyo ako ngayon sa ganito,” sabi ni Yahweh ng mga hukbo, “kung hindi ko bubuksan sa inyo ang mga bintana ng langit sa inyo at ibuhos ang mga pagpapala sa inyo, hanggang sa walang sapat na silid na paglagyan nito. 11 Sasawayin ko ang maninira para sa inyo upang hindi nito sirain ang ani sa inyong lupain; hindi mawawala ang bunga ng mga ubas ninyo sa mga bukid bago ang takdang panahon,” sabi ni Yahweh ng mga hukbo.
12 “Tatawagin ka ng lahat ng mga bansa na pinagpala; sapagkat magiging lupain ka nang kagalakan,” sabi ni Yahweh ng mga hukbo.
-
1 Mapalad ang taong hindi lumalakad sa payo ng masama, o tumatayo sa daanan kasama ang mga makasalanan, o umuupo sa kapulungan ng mga nangungutya. 2 Pero ang kaniyang kagalakan ay nasa batas ni Yahweh, at sa kaniyang batas, nagbubulay-bulay siya araw at gabi. 3 Siya ay matutulad sa isang puno na nakatanim malapit sa mga batis ng tubig na namumunga sa panahon nito, na ang mga dahon ay hindi nalalanta; anuman ang kaniyang gawin ay sasagana.
-
6 Huwag mabalisa tungkol sa anumang bagay. Sa halip, hayaan ninyong malaman ng Panginoon ang inyong mga kahilingan sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat. 7 At ang kapayapaan ng Diyos na humihigit sa lahat ng pang-unawa, ang mag-iingat sa inyong mga puso at isipan kay Cristo Jesus.
8 Sa wakas, mga kapatid, anumang mga bagay na totoo, marangal, makatarungan, dalisay, kaibig-ibig, may mabuting ulat, kung may mga bagay na mahusay at dapat papurihan, isipin ang mga bagay na ito. 9 Ang mga bagay na natutunan at natanggap ninyo, narinig at nakita ninyo sa akin, gawin ang mga bagay na ito. Gawin ninyo ang mga bagay na inyong natutunan, natanggap, narinig at nakita sa akin. At sasainyo ang Diyos ng kapayapaan.
-
12 Pinagpala ang tao na nagtitiis sa pagsubok, sapagkat pagkatapos niyang mapagtagumpayan ang pagsubok, makakatanggap siya ng korona ng buhay, na ipinangako sa mga nagmamahal sa Diyos.
-
26 Sinabi ng Diyos, “Gawin natin ang tao ayon sa ating wangis, ayon sa ating larawan. Hayaan silang mamahala sa isda sa dagat, sa mga ibon sa langit, sa mga hayop, sa buong mundo, at sa lahat ng gumagapang na bagay na gumagapang sa mundo. 27 Nilikha ng Diyos ang tao ayon sa kanyang sariling wangis. Ayon sa kanyang wangis nilikha niya siya. Lalaki at babae nilikha niya sila.
28 Pinagpala sila ng Diyos at sinabihan silang, “Maging mabunga kayo, at magpakarami. Punuin niyo ang mundo, at supilin ito. Maging tagapamahala kayo sa isda sa dagat, sa mga ibon sa langit, at sa lahat ng buhay na bagay na kumikilos sa ibabaw ng mundo.”
29 Sinabi ng Diyos, “Tingnan ninyo, ibinigay ko sa inyo ang bawat pananim na nagbibigay ng buto na nasa ibabaw ng buong mundo, at bawat punong-kahoy kasama ang bungang may buto sa loob nito. Sila ay magiging pagkain ninyo. 30 Sa bawa't hayop sa mundo, sa bawat ibon sa kalangitan, at sa lahat ng bagay na gumagapang sa ibabaw ng mundo, at sa bawat nilikhang may hininga ng buhay ibinigay ko ang bawat luntiang halaman para maging pagkain.” At nagkagayon nga.
-
12 Kung pakikinggan ninyo mga kautusang ito at susundin at gawin ang mga ito, pananatilihin ni Yahweh na inyong Diyos ang kaniyang tipan sa inyo at ang katapatan na ipinangako niya sa inyong mga ama. 13 Mamahalin, pagpapalain, at pararamihin niya kayo; pagpapalain niya rin ang bunga ng inyong mga katawan at bunga ng inyong lupain, inyong butil, inyong bagong alak, at ang inyong langis, ang pagpaparami ng inyong mga baka at ang inyong mga batang kawan, sa lupain na ipinangako niya sa inyong mga ama na ibibigay niya sa inyo. 14 Pagpapalain kayo ng higit pa sa lahat ng iba mga tao; Wala isa mang lalaki na walang anak o isang baog na babae sa inyo o sa inyong mga hayop.
15 Tatanggalin ni Yahweh ang lahat ng sakit; walang masasamang mga sakit na mula sa Ehipto ang mailalagay niya sa inyo, pero ilalagay niya ito sa kanila na galit sa inyo.
-
17 Ang bawat mabuti at ganap na kaloob ay mula sa itaas, bumaba mula sa Ama ng mga liwanag. Hindi siya nagbabago katulad ng paglipat ng anino. 18 Pinili ng Diyos na bigyan tayo ng buhay sa pamamagitan ng salita ng katotohanan, upang maging katulad tayo ng mga unang bunga sa kaniyang mga nilikha.
-
8 Tikman at masdan na si Yahweh ay mabuti; mapalad ang taong kumukubli sa kaniya. 9 Katakutan ninyo si Yahweh, kayo na kaniyang banal na bayan; hindi nagkukulang ang mga may takot sa kaniya.
-
10 Huwag kang matakot, sapagkat ako ay kasama mo. Huwag kang mabalisa, sapagkat ako ang iyong Diyos. Pagtitibayin kita, at tutulungan kita, at aalalayan kita sa pamamagitan ng aking kanang kamay ng aking marapat na tagumpay. 11 Tingnan mo, sila ay mahihiya at manliliit, lahat nang nagagalit sa iyo; sila ay papanaw at maglalaho, silang kumakalaban sa iyo. 12 Hahanapin mo at hindi matatagpuan silang mga nakipaglaban sa iyo; silang nakipagdigma laban sa iyo ay papanaw, ganap nang mawawala. 13 Sapagkat ako, si Yahweh na iyong Diyos, ay hahawakan ang iyong kanang kamay, sasabihin sa iyo, 'Huwag kang matakot; tutulungan kita.' 14 Huwag matakot, Jacob ikaw na uod, at kayong mga Israelita; tutulungan ko kayo” — ito ang pahayag ni Yahweh, ang iyong tagapagligtas, ang Banal ng Israel.
-
16 Sapagkat mula sa kaniyang kapuspusan tayong lahat ay nakatanggap ng sunod-sunod na libreng kaloob. 17 Sapagkat ang kautusan ay ibinigay sa pamamagitan ni Moises. Biyaya at katotohanan ay dumating sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. 18 Kailanman, walang tao ang nakakita sa Diyos. Ang isa at nag-iisang katauhan, na mismo ay Diyos, na siyang nasa dibdib ng Ama, nagawa niya siyang maipakilala.
19 Ngayon ito ang patotoo ni Juan nang ang mga Judio ay nagpadala sa kaniya ng mga pari at mga Levita mula sa Jerusalem para tanungin siyang, “Sino ka?”
-
8 Panghuli, lahat kayo, magkaisa kayo sa pag-iisip, mahabagin, mapagmahal bilang magkakapatid, maging maawain, at mapagpakumbaba. 9 Huwag ninyong suklian ang masama ng masama o ang panlalait ng panlalait. Sa halip, patuloy kayong magpala, sapagkat dahil dito, kayo ay tinawag nang sa gayun magmana kayo ng pagpapala. 10 “Ang may gustong magmahal sa buhay at makakakita ng mabubuting araw ay kailangang pigilin ang kaniyang dila sa masama at ang kaniyang bibig sa pagsasabi ng kasinungalingan. 11 Talikuran niya ang masama at gawin ang mabuti. Hanapin niya ang kapayapaan at ito'y sundan. 12 Ang mga mata ng Panginoon ay nakikita ang matuwid at naririnig ng kaniyang tainga ang kanilang mga kahilingan. Pero ang mukha ng Panginoon ay laban sa mga gumagawa ng masama.”
13 Sino ang mananakit sa inyo kung hinahangad ninyo ang mabuti?
-
27 Lumapit si Jacob at hinalikan siya, at naamoy niya ang amoy ng kanyang damit at pinagpala siya. Sinabi nya, “Tingnan mo, ang amoy ng aking anak ay katulad ng amoy ng isang bukid na pinagpala ni Yahweh. 28 Nawa bigyan ka ng Diyos ng isang bahagi ng hamog ng langit, isang bahagi ng katabaan ng lupa, at masaganang mga butil at bagong alak. 29 Nawa ang mga tao ay maglingkod sa iyo at yumuko sa iyo ang mga bansa. Maging amo ka ng iyong mga kapatid na lalaki, at nawa ang mga anak ng iyong ina ay yumuko sa iyo. Nawa ang bawat isang sumumpa sa iyo ay sumpain; at nawa ang bawat isang magpala sa iyo ay pagpalain.”
-
1 Si Yahweh ang aking pastol; hindi ako magkukulang. 2 Pinahihiga niya ako sa luntiang mga pastulan; inaakay niya ako sa tabi ng payapang tubigan. 3 Binabalik niya ang aking buhay; ginagabayan niya ako sa tamang landas alang-alang sa kaniyang pangalan. 4 Kahit na lumakad ako sa gitna ng napakadilim na anino ng lambak, hindi ko katatakutan ang kapahamakan dahil ikaw ang kasama ko; ang iyong pamalo at iyong tungkod ang nagpapayapa sa akin.
-
30 Kung ganoong dinadamitan ng Diyos ang mga damo sa bukirin, na nabubuhay ngayon at itatapon sa hurno kinabukasan, gaano pa kaya na kayo ay higit na kaniyang dadamitan, kayong may maliit na pananampalataya?
31 Kaya huwag kayong mabalisa at sabihin, 'Ano ang aming kakainin?' o 'Ano ang aming iinumin?' o di kaya, 'Ano ang isusuot naming mga damit?' 32 Sapagkat hinahanap ng mga Gentil ang mga bagay na ito, at alam ng iyong makalangit na Ama na kailangan ninyo ang lahat ng mga ito. 33 Sapagkat hanapin muna ninyo ang kaniyang kaharian at ang kaniyang katuwiran at ang lahat na ito ay maibibigay sa inyo.
-
7 Kapag ang pamamaraan ng isang tao ay kalugod-lugod kay Yahweh, ginagawa niya kahit na ang mga kaaway nito ay makipagbati sa kaniya. 8 Mabuti pa ang may kakaunti nang nasa tama, kaysa sa malaking kita na may kaakibat na kawalan ng katarungan. 9 Sa kaniyang puso, ang isang tao ay nagpaplano ng kaniyang landas, pero si Yahweh ang nagtuturo ng kaniyang mga hakbang. 10 Ang isang pahayag na may karunungan ay nasa labi ng isang hari, sa paghahatol ang kaniyang bibig ay hindi nagsasalita nang may panlilinlang.
-
20 Sinumang pinagninilay-nilayan ang itinuturo sa kanila ay makakasumpong nang mabuti at iyong mga nagtitiwala kay Yahweh ay masisiyahan. 21 Ang isang marunong sa kanyang puso ay tatawaging marunong makita ang kaibhan, at pinahuhusay ng matamis na pananalita ang kakayahang magturo. 22 Ang kaunawaan ay isang bukal ng buhay sa isang mayroon nito, pero ang kaparusahan ng mga hangal ay ang kanilang kahangalan.
-
38 Magbigay sa iba at ito ay maibibigay sa inyo. Labis-labis na halaga—siksik, liglig at umaapaw—ang ibubuhos sa inyong kandungan. Sapagkat kung anumang batayan ng panukat ang inyong ginamit sa pagsukat, iyon din ang gagamiting batayan ng panukat para sa iyo.”
39 At sinabi rin niya sa kanila ang isang talinghaga. “Maaari bang gabayan ng isang bulag ang kapwa bulag? Kung gagawin niya ito, kapwa sila mahuhulog sa hukay, hindi ba? 40 Ang isang alagad ay hindi higit kaysa sa kaniyang guro, ngunit ang bawat isa na ganap na sinanay ay magiging kagaya ng kaniyang guro.
-
25 Dapat sambahin ninyo ako, si Yahweh na iyong Diyos. Kung gagawin mo, pagpapalain ko ang iyong tinapay at tubig. Aalisin ko ang karamdaman mula sa inyo. 26 Walang babae na magiging baog o makukunan sa iyong lupain. Bibigyan kita ng mahabang buhay.
-
12 Mapalad ang bansa na ang Diyos ay si Yahweh; ang bayan na kaniyang pinili bilang kanyang sariling pag-aari.
-
1 Mapalad silang malinis ang mga kaparaanan, silang lumalakad ayon sa batas ni Yahweh. 2 Mapalad silang pinapanatili ang kaniyang banal na mga kautusan, silang buong pusong naghahanap sa kaniya. 3 Wala silang ginagawang kamalian; lumalakad sila sa kaniyang mga kaparaanan.
-
27 Ngunit sinasabi ko sa inyo na nakikinig, mahalin ninyo ang inyong mga kaaway at gumawa kayo ng mabuti sa mga namumuhi sa inyo. 28 Pagpalain ninyo ang mga sumusumpa sa inyo at ipanalangin ang mga umaapi sa inyo.
-
24 Pero mananatili ang kanyang pana, at magiging dalubhasa ang kanilang mga kamay dahil sa mga kamay ng Makapangyarihan kay Jacob, dahil sa pangalan ng Pastol, at ang Bato ng Israel. 25 Dahil ang Diyos ng iyong ama, na siyang tutulong sa iyo, at dahil sa makapangyarihang Diyos na siyang magbabasbas sa iyo ng pagpapala sa kalangitan, mga pagpapala sa kailaliman na nasa ibaba, mga pagpapala sa mga dibdib at sinapupunan.
-
6 Magbibigay ako ng kapayapaan sa lupain; hihiga kayo ng walang kahit na anong kinatatakutan. Aalisin ko ang mga mababangis na hayop mula sa lupain at hindi dadaan ang espada sa inyong lupain. 7 Hahabulin ninyo ang inyong mga kaaway at babagsak sila sa inyong harapan sa pamamagitan ng espada. 8 Hahabulin ng lima sa inyo ang isang daan at hahabulin ng isang daan sa inyo ang sampung libo; babagsak ang inyong mga kaaway sa inyong harapan sa pamamagitan ng espada.
9 Titingnan ko kayo ng may pagkampi at gagawin ko kayong mabunga at pararamihin kayo; Itatatag ko ang aking tipan sa inyo. 10 Kakain kayo ng pagkaing inimbak ng mahabang panahon. Kakailanganin ninyong ilabas ang inyong inimbak na pagkain dahil kakailanganin ninyo ng lugar para sa bagong ani.
11 Ilalagay ko ang aking tabernakulo sa inyo at hindi ko kayo itatakwil. 12 Maglalakad ako kasama ninyo, magiging Diyos ninyo at magiging bayan ko kayo. 13 Ako si Yahweh na inyong Dios na nagdala sa inyo palabas mula sa lupain ng Ehipto, nang sa ganoon hindi na nila kayo magiging mga alipin. Winasak ko ang mga rehas ng inyong yugo at pinalakad kayo ng matuwid.
-
15 Tingnan ninyo, inilagay ko sa araw na ito sa inyong harapan ang buhay at kabutihan, kamatayan at kasamaan. 16 Kung susundin ninyo ang mga panuntunan ni Yahweh na inyong Diyos, na sinasabi ko sa inyo sa araw na ito na mahalin si Yahweh na inyong Diyos, para mamuhay ng naaayon sa kaniyang paraan, at sundin ang kaniyang mga kautusan, ang kaniyang mga batas at kaniyang mga ordenansa, mabubuhay kayo at paparamihin, at pagpalain kayo ni Yahweh na inyong Diyos sa lupain na inyong pupuntahan para angkinin.
17 Pero kung ang inyong puso ay tumalikod at hindi kayo nakinig sa halip ay lumayo at nagpatirapa pababa sa ibang mga diyus-diyosan at sasambahin sila, 18 kung gayon, sasabihin ko sa inyo sa araw na ito siguradong mamamatay kayo, hindi tatagal ang inyong buhay sa lupain na inyong dadaanan sa kabila ng Jordan para puntahan at angkinin.
19 Tinatawag ko ang langit at ang lupa para maging saksi laban sa inyo sa araw na ito, itinalaga ko sa inyo ang buhay at kamatayan, ang mga pagpapala at mga sumpa, kaya piliin ninyo ang buhay para kayo at ang inyong lahi ay mamuhay ng matagal. 20 Gawin ito para mahalin si Yahweh na inyong Diyos, para sundin ang kaniyang salita, at para kumapit sa kaniya. Dahil siya ang inyong buhay at ang haba ng inyong mga araw, gawin ninyo ito para maaari kayong mamuhay sa lupain na ipinangako ni Yahweh sa inyong mga ninuno, kay Abraham, kay Isaac, at kay Jacob, na ibibigay sa kanila.”
-
16 Ang tasa ng biyaya na ating pinagpala, hindi ba't ito ang pakikibahagi ng dugo ni Cristo? Ang tinapay na ating pinagpira-piraso, hindi ba't ito ang pakikibahagi ng katawan ni Cristo?
-
10 Galing sa iisang bibig ang pagsasalita ng pagpapala at pagsusumpa. Aking mga kapatid, hindi dapat mangyari ang mga bagay na ito.
-
22 Pinagpala sila ng Diyos, sinasabing, “Maging mabunga kayo at magpakarami, punuin niyo ang katubigan sa mga dagat. Hayaang dumami ang mga ibon sa mundo.
-
22 Kung talagang susundin mo ang kaniyang tinig at gagawin ang lahat ng bagay na sinabi ko sa iyo, sa gayon magiging kaaway ko ang iyong mga kaaway at kalaban para sa iyong mga kalaban.
-
40 Susundin ninyo ang kaniyang mga batas at ang kaniyang mga kautusan na aking iniutos sa araw na ito, para makabuti sa inyo at sa inyong mga anak kasunod ninyo, at nang mapahaba ninyo ang inyong mga araw sa lupain na ibibigay ni Yahweh magpakailanman.”
-
26 Masdan, itinakda ko sa inyo ngayon ang isang pagpapala at isang sumpa; 27 ang pagpapala, kung makikininig kayo sa mga utos ni Yahweh na inyong Diyos na sinasabi ko sa inyo ngayon; 28 at ang sumpa, kung hindi kayo makikinig sa mga utos ni Yahweh na inyong Diyos, pero lumihis palayo mula sa daan na sinasabi ko sa inyo ngayon, para sumunod sa ibang mga diyus-diyosan na hindi ninyo nakilala.
-
4 Ganoon pa man, wala dapat sa inyo ang mahirap (sapagkat tiyak na pagpapalain kayo ni Yahweh sa lupain na ibibigay niya sa inyo bilang isang pamana para angkinin), 5 kung masigasig lamang kayong makinig sa boses ni Yahweh na inyong Diyos, para sundin ang lahat ng mga kautusan na ito na aking sinasabi sa inyo sa araw na ito.
-
9 Pinagpala ang mga mapagpayapa, sapagkat tatawagin silang mga anak ng Diyos.
Shows Read in context, Share and Copy.