85 Bible Verses About God Provides

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Bible Verses About God Provides
  1. 25 Ngayon sasabihin ko sa inyo, huwag kayong mabalisa sa inyong buhay, kung ano ang inyong kakainin o ang inyong iinumin—o tungkol sa inyong katawan, kung ano ang inyong isusuot. Sapagkat hindi ba mas higit ang buhay kaysa sa pagkain, at ang katawan kaysa sa mga damit? 26 Tingnan ninyo ang mga ibon sa himpapawid. Hindi sila nagtatanim o nag-aani ni nag-iipon sa mga kamalig, ngunit pinapakain sila ng inyong Ama na nasa langit. Hindi ba higit kayong mahalaga kaysa sa kanila? 27 At sino sa inyo ang kayang dagdagan ng isang siko ang haba ng kaniyang buhay sa pamamagitan ng pagkabalisa?

    28 At bakit kayo nababalisa tungkol sa inyong kasuotan? Isipin ninyo ang mga liryo sa mga bukirin kung papaano sila tumubo. Hindi sila nagtatrabaho, at hindi sila gumagawa ng damit. 29 Gayon pa man, sinasabi ko sa inyo, kahit na si Solomon sa lahat ng kaniyang kaluwalhatian ay hindi nakapagsuot ng tulad sa isa sa mga ito. 30 Kung ganoong dinadamitan ng Diyos ang mga damo sa bukirin, na nabubuhay ngayon at itatapon sa hurno kinabukasan, gaano pa kaya na kayo ay higit na kaniyang dadamitan, kayong may maliit na pananampalataya?

    31 Kaya huwag kayong mabalisa at sabihin, 'Ano ang aming kakainin?' o 'Ano ang aming iinumin?' o di kaya, 'Ano ang isusuot naming mga damit?' 32 Sapagkat hinahanap ng mga Gentil ang mga bagay na ito, at alam ng iyong makalangit na Ama na kailangan ninyo ang lahat ng mga ito. 33 Sapagkat hanapin muna ninyo ang kaniyang kaharian at ang kaniyang katuwiran at ang lahat na ito ay maibibigay sa inyo.

    34 Kaya huwag kayong mabahala sa kinabukasan, sapagkat ang bukas ang mababahala sa kaniyang sarili. Ang bawat araw ay may sapat na sariliing kaguluhan.

  2. 29 Hindi ba ang dalawang maya ay ibinenta sa isang baryang maliit ang halaga? Ngunit wala ni isa sa kanila ang nalaglag sa lupa na hindi nalalaman ng Ama. 30 At kahit na ang mga buhok ng inyong ulo ay bilang lahat. 31 Huwag kayong matakot. Mas mahalaga kayo kaysa sa maraming maya.

  3. 1 Sinabihan ni Elias na taga-Tisbe sa Galaad si Ahab, “Habang si Yahweh, na Diyos ng Israel na aking kinakatawan, ay totoong buhay, hindi magkakaroon ng hamog o kaya ulan sa mga susunod na taon hanggang hindi ko sinasabi.”

    2 Ang mensahe ng Diyos ay dumating kay Elias, na nagsasabing, 3 “Lisanin mo ang lugar na ito at pumunta ka pasilangan; magtago ka sa batis ng Kerit sa silangan ng Jordan. 4 Mangyayari na iinom ka sa tubig mula sa batis at inutusan ko ang mga uwak na pakainin ka doon.

    5 Kaya umalis si Elias at ginawa ang inutos ni Yahweh. Pumunta siya para mamuhay sa batis ng Kerit sa silangan ng Jordan. 6 Dinalhan siya ng mga uwak ng tinapay at karne sa umaga at sa gabi, at uminom siya mula sa batis.

  4. 13 Ang iyong kaharian ay walang hanggang kaharian, at ang iyong kapangyarihan ay mananatili sa lahat ng henerasyon. 14 Itinataguyod ni Yahweh ang lahat ng bumabagsak at ibinabangon silang mga nanghihinang loob. 15 Ang mga mata ng lahat ay naghihintay para sa iyo; ibinigay mo sa tamang oras ang kanilang pagkain. 16 Binuksan mo ang iyong kamay at pinupunan ang nais ng bawat may buhay.

  5. 25 Hindi rin siya pinagsilbihan ng mga kamay ng tao, na para bang kailangan niya ang anuman, dahil siya mismo ang nagbigay ng buhay sa tao at hininga at lahat ng iba pang mga bagay. 26 At mula sa isang tao ay nilikha niya ang bawat lahi ng mga taong nabubuhay sa ibabaw ng mundo, itinakda niya ang kanilang mga kapanahunan at ang hangganan ng kanilang tinitirahan.

    27 Kaya nga dapat nilang hanapin ang Diyos at baka sakaling maabot siya at matagpuan at sa katunayan, hindi siya malayo sa bawat isa sa atin. 28 Dahil sa kaniya tayo ay nabubuhay at gumagalaw, at mayroong pagkatao, gaya nga ng sabi ng inyong mga makata, 'Dahil tayo rin ay kaniyang anak.'

  6. 19 At ang aking Diyos ang magpupuno ng inyong mga pangangailangan ayon sa kaniyang mga kayamanan at kaluwalhatian kay Cristo Jesus. 20 Ngayon, nawa'y sa ating Diyos at Ama ang kaluwalhatian magpakailanman. Amen.

    21 Batiin ninyo ang bawat mananampalataya kay Cristo Jesus. Binabati kayo ng mga kasamahan kong mananampalataya.

    22 Binabati kayo ng lahat ng mananampalataya dito, lalo na ang mga nasa sambahayan ni Ceasar.

    23 Sumainyo nawa ang biyaya ng Panginoong Jesu-Cristo.

  7. 3 Hindi niya papayagang madulas ang paa mo; siya na nag-iingat sa iyo ay hindi iidlip. 4 Tingnan mo, ang tagapangalaga ng Israel ay hindi kailanman iidlip o matutulog. 5 Tagapangalaga ninyo si Yahweh; si Yahweh ay lilim sa inyong kanang kamay. 6 Hindi ka masasaktan ng araw sa umaga, ni ng buwan sa gabi. 7 Iingatan ka ni Yahweh sa lahat ng kapahamakan, at iingatan niya ang iyong buhay. 8 Iingatan ni Yahweh ang lahat ng iyong ginagawa ngayon at magpakailanman.

  8. 11 Pero tinawag siya ng anghel ni Yahweh mula sa langit at sinabing, “Abraham, Abraham!” at sinabi niya, “Narito ako.”

    12 Sinabi niya, “Huwag mong pagbuhatan ng kamay, ni gumawa ng anuman para saktan siya, sapagkat ngayon alam kong may takot ka sa Diyos, nakikita kong hindi mo ipinagkait ang iyong anak, ang iyong kaisa-isang anak na si Isaac sa akin.

    13 Tumingala si Abraham nang biglang, may isang tupa sa likuran niya ang sumabit ang sungay sa mga halaman. Pinuntahan at kinuha ni Abraham ang tupa at inalay ito bilang handog na susunugin sa Diyos sa halip na ang kanyang anak. 14 Kaya tinawag ni Abraham ang lugar na iyon na, “Si Yahweh ang magbibigay,” at tinatwag din hanggang sa araw na ito, “Sa bundok ni Yaweh, ito ay ibibigay.”

  9. 11 Pagkatapos sinabi ni Yahweh kay Moises, 12 “Narinig ko ang mga reklamo ng bayan ng Israel. Kausapin mo sila at sabihin, 'Sa gabi ay kakain kayo ng karne, at sa umaga ay mabubusog kayo ng tinapay. Pagkatapos malalaman ninyong ako ay si Yahweh, na inyong Diyos.'”

    13 Nangyari sa gabi na may dumating na mga pugo at natabunan ang kampo. Sa umaga ang hamog ay nalatag sa palibot ng kampo. 14 Pagkawala ng hamog, doon sa ibabaw ng ilang ay may mga manipis na mumunting piraso na parang namuong hamog sa lupa. 15 Nang makita iyon ng bayan ng Israel, sinabi nila sa isa't isa, “Ano ito?” Hindi nila alam kung ano iyon. Sinabi ni Moises sa kanila, “Iyan ang tinapay na bigay ni Yahweh sa inyo para kainin. 16 Ito ang utos na ibinigay ni Yahweh sa inyo: 'Kayo ay dapat magtipon, bawat isa sa inyo, ng dami na kailangan ninyong kainin, isang omer sa bawat tao mula sa bilang ng inyong mga tao. Ganito ninyo titipunin iyon: Magtipon ng tama lang para kainin ng bawat taong naninirahan sa inyong tolda.'”

    17 Ginawa iyon ng bayan ng Israel. Ang ilan ay nagtipon ng mas marami, ang ilan ay nagtipon ng mas kaunti. 18 Nang sukatin nila iyon sa sukat ng omer, ang mga nagtipon ng mas marami ay walang anumang natira, ang mga nagtipon ng mas kaunti ay hindi nagkulang. Bawat tao ay nagtipon ng tama lamang para mapunan ang kanilang pangangailangan.

  10. 39 Kaya mo bang maghanap ng biktima para sa babaeng leon o pawiin ang gutom ng mga batang leon 40 kapag yumuyukyok sila sa kanilang mga lungga at nakahigang naghihintay sa kanilang taguan? 41 Sino ang nagbibigay ng biktima sa mga uwak kapag umiiyak ang mga batang uwak sa Diyos at sumusuray dahil sa kakulangan ng pagkain?

  11. 15 Nang sumapit ang gabi, lumapit ang mga alagad sa kaniya at sinabi, “Ito ay ilang na lugar at natapos na ang araw. Pauwiin na ninyo ang mga taong napakarami, upang sila ay makapunta sa mga nayon at makapamili ng makakain para sa kanilang sarili.”

    16 Ngunit sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi na nila kailangan pang umalis. Bigyan ninyo sila ng makakain.”

    17 Sinabi nila sa kaniya, “Mayroon lamang kaming limang piraso ng tinapay at dalawang isda rito.”

    18 Sinabi ni Jesus, “Dalhin ninyo sa akin ang mga iyan.” 19 Pagkatapos ay inutusan ni Jesus ang mga maraming tao na maupo sa damuhan. Kinuha niya ang limang pirasong tinapay at dalawang isda. Habang nakatingala sa langit, binasbasan niya at pinagpira-piraso ang mga tinapay at saka ibinigay sa mga alagad. Ipinamahagi naman ito ng mga alagad sa mga tao.

    20 Lahat sila ay nakakain at nabusog. Pagkatapos ay inipon nila ang mga natira sa mga pinagpira-pirasong pagkain—labindalawang basket ang napuno. 21 Lahat ng kumain ay umabot sa limanlibong kalalakihan bukod sa mga kababaihan at mga bata.

  12. 17 Ngunit gayun pa man hindi niya hinayaan ang kaniyang sarili na walang saksi, dahil doon gumawa siya ng mabuti at ibinigay sa inyo ang mga ulan mula sa langit at mabungang mga panahon, pinupuno ang inyong mga puso ng pagkain at kagalakan.”

  13. 42 Isang lalaking taga-Baal-salisa ang lumapit sa lingkod ng Diyos at nagdala ng labingdalawang trigong tinapay sa kaniyang sako mula sa bagong ani, at sariwang aning butil. Sinabi niya, “Ibigay mo ito sa mga tao para makakain sila.”

    43 Sinabi ng kaniyang alipin, “Ano, dapat ko ba itong ihain sa harapan ng isang-daang lalaki?” Pero sinabi ni Eliseo, “Ibigay mo ito sa mga tao, para makakain sila, dahil sinabi ito ni Yahweh, 'Kakain sila at magkakaroon pa ng tira.'”

    44 Kaya hinain ito ng kaniyang alipin sa kanilang harapan; kumain sila, at may mga natira pa, gaya ng pinangakong salita ni Yahweh.

  14. 6 Ikaw si Yahweh. Ikaw lamang. Ginawa mo ang langit, ang pinakamataas na kalangitan, kasama ng lahat ng kanilang mga anghel na nakahanda para sa digmaan, at ang lupa at lahat nang naroon, at ang mga dagat at lahat ng nasa kanila. Nagbigay ka ng buhay sa kanilang lahat, at ang hukbo ng mga anghel ng langit ay sumasamba sa iyo.

  15. 9 Dahil si Yahweh ang aking kanlungan! Gawin mo ring kanlungan ang Kataas-taasan. 10 Walang kasamaang makakaabot sa iyo; walang paghihirap ang makakalapit sa iyong tahanan. 11 Dahil uutusan niya ang kaniyang mga anghel na protektahan ka, para ingatan ka sa lahat ng iyong mga kaparaanan. 12 Itataas ka nila gamit ang kanilang mga kamay para hindi ka madulas at mahulog sa bato. 13 Dudurugin mo ang mga leon at ulupong sa iyong mga paa; iyong yuyurakan ang mga batang leon at mga ahas.

  16. 27 Ang lahat ng mga ito ay tumitingin sa iyo para bigyan sila ng pagkain sa tamang oras. 28 Kapag nagbibigay ka sa kanila, sila ay nagtitipon; kapag binubuksan mo ang iyong palad, sila ay nasisiyahan.

  17. 7 Umawit kay Yahweh ng may pasasalamat; gamit ang alpa, umawit ng papuri para sa ating Diyos. 8 Tinatakpan niya ang kalangitan ng mga ulap at hinahanda ang ulan para sa lupa, na nagpapalago ng mga damo sa mga kabunkukan. 9 Binibigyan niya ng pagkain ang mga hayop at mga inakay na uwak kapag sila ay umiiyak.

  18. 1 Minahal ko noong binata pa si Israel, at tinawag ko ang aking anak mula sa Egipto. 2 Lalo ko silang tinawag, lalo silang tumalikod palayo. Nag-alay sila sa mga Baal at nagsunog ng insenso sa mga diyus-diyosan. 3 Gayunpaman ako ang nagturo kay Efraim na lumakad. Ako ang nag-angat sa kanila sa pamamagitan ng kanilang mga bisig, ngunit hindi nila alam na iniingatan ko sila. 4 Pinangungunahan ko sila nang mga tali ng sangkatauhan, may mga tali ng pag-ibig. Katulad ako sa isang tao na nagpapagaan ng pamatok sa kanilang mga panga, at yumuko ako upang pakainin sila.

  19. 24 Isipin ninyo ang mga uwak, hindi sila naghahasik o umaani. Wala silang bodega o kamalig, ngunit sila ay pinapakain ng Diyos. Gaano na lamang kayo kahalaga kaysa sa mga ibon!

    25 At sino sa inyo ang sa pag-aalala ay makapagdaragdag ng kahit isang kubit sa haba ng kaniyang buhay? 26 Kung gayon na hindi ninyo magawa ang kahit pinakamaliit na bagay, bakit kayo nababahala sa ibang mga bagay?

  20. 3 Papurihan ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu Cristo. Sa kaniyang dakilang kahabagan, nagbigay siya sa atin ng bagong kapanganakan para sa katiyakan ng pamana sa pamamagitan ng pagkabuhay muli ni Jesu Cristo mula sa kamatayan— 4 para sa pamanang hindi maglalaho, hindi madudungisan, at hindi kukupas. Nakalaan ito sa langit para sa inyo. 5 Sa kapangyarihan ng Diyos kayo ay iniingatan sa pamamagitan ng pananampalataya para sa kaligtasan na nakahandang maihayag sa huling panahon.

  21. 10 Dito nanirahan ang iyong bayan; Ikaw, O Diyos, ay nagbigay sa mga mahihirap mula sa iyong kabutihan.

  22. 6 Tandaan ninyo ito: kung sino man ang nagtatanim ng kaunti ay mag aani ng kaunti, at kung sino man ang nagtatanim sa layunin ng pagpapala ay aani ng pagpapala. 7 Bawat isa ay magbigay ayon sa pasiya ng kaniyang puso. Huwag siyang hayaang magbigay na may kalungkutan o napilitan. Sapagkat minamahal ng Diyos ang masayang nagbibigay. 8 At may kakayahan ang Diyos na paramihin ang bawat pagpapala para sa inyo, upang, palagi, sa lahat ng bagay, magkakaroon kayo ng lahat ng kailangan ninyo. Nang sa gayon maaari kayong gumawa ng mas maraming mabubuting bagay. 9 Ito ay gaya ng nasusulat: “Ipinamahagi niya ang kaniyang kasaganaan at ibinigay sa mahihirap. Ang kaniyang katuwiran ay magpakailanman.”

    10 Ang nagbibigay ng binhi sa nagtatanim at tinapay para sa pagkain, ay magbibigay din at pararamihin ang inyong binhi para sa pagtatanim. Pararamihin niya ang ani ng inyong katuwiran. 11 Pasasaganahin niya kayo sa lahat ng paraan upang maging mapagbigay kayo. Magdadala ito ng pasasalamat sa Diyos mula sa amin.

  23. 3 Ang kaniyang Anak ang ningning ng kaniyang kaluwalhatian, ang totoong katangian ng kaniyang diwa, at pinapanatili niya ang lahat sa pamamagitan ng salita ng kaniyang kapangyarihan. Pagkatapos niyang nakamit ang paglilinis ng mga kasalanan, umupo siya sa kanang kamay ng kataas-taasang kamahalan.

  24. 8 Sinabi ni Abraham, “Ang Diyos mismo ang magbibigay ng tupa para sa handog na susunugin, aking anak.” Kaya sila ay nagpatuloy nang magkasama.

  25. 5 At ngayon huwag kayong magdalamhati o magalit sa inyong mga sarili na ipinagbili ninyo ako dito, sapagkat nauna na akong ipinadala ng Diyos sa inyo upang pangalagaan ang buhay ninyo. 6 Nasa tagtuyot ang lupain nitong mga dalawang taon at magkakaroon pa nang limang dagdag na mga taon na walang pag-aararo o walang ani. 7 Nauna na akong ipinadala ng Diyos sa inyo upang pangalagaan kayo bilang mga nalalabi dito sa mundo at nang mapanatili kayong buhay sa pamamagitan ng dakilang kaligtasan. 8 Kaya ngayon, hindi kayo ang nagpadala sa akin dito kung hindi ang Diyos, at ginawa niya akong ama ng Paraon, amo ng lahat ng kanyang tahanan, at pinuno ng lahat ng lupain sa Ehipto.

  26. 20 At para sa inyo, ninais niyo na ipahamak ako, pero ninais ng Diyos ito para sa kabutihan, para pag-ingatan ang buhay ng maraming tao, gaya ng nakikita ninyo ngayon.

  27. 1 Naglakbay ang buong komunidad ng mga Israelita mula sa ilang ng Sin, ayon sa mga tagubilin ni Yahweh. Nagkampo sila sa Rephidim, pero walang tubig na maiinom para sa mga tao. 2 Kaya sinisi ng mga tao si Moises dahil sa kanilang kalagayan at sinabing, “Bigyan mo kami ng tubig na maiinom.” Sinabi ni Moises, “Bakit kayo makikipagtalo sa akin?” Bakit sinusubok ninyo si Yahweh?”

    3 Labis na nauuhaw ang mga tao, at nagreklamo laban kay Moises. Sinabi nila, “Bakit dinala mo kami palabas sa Ehipto? Para patayin kami at ang aming mga anak pati mga baka sa pagkauhaw?”

    4 Kaya dumaing si Moises kay Yahweh, “Ano ba ang dapat kong gawin sa mga taong ito? Halos handa na silang batuhin ako.”

    5 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Mauna ka sa mga tao at magdala ka ng ilan sa mga nakatatanda ng Israel. Dalhin mo ang tungkod na inihampas mo sa ilog at umalis ka. 6 Tatayo ako sa harapan mo doon sa ibabaw ng bato sa Horeb, at papaluin mo ang bato. Lalabas ang tubig mula dito para inumin ng mga tao. Pagkatapos ginawa ito ni Moises sa paningin ng mga nakatatanda ng Israel. 7 Tinawag niya ang lugar na iyon na Massah at Meribah dahil sa pagrereklamo ng mga Israelita at dahil sinubukan nila ang Diyos sa pamamagitan ng pagsabing, “Kasama ba natin si Yahweh o hindi?”

  28. 1 Sinabi ni Ahab kay Jezebel ang lahat ng ginawa ni Elias, at kung paano niya pinatay ang lahat ng mga propeta sa pamamagitan ng espada. 2 Pagkatapos nagpadala si Jezebel ng isang mensahero kay Elias, na nagsasabing, “Nawa'y gawin sa aking ng mga diyos, ang higit pang masama, kung hindi ko gagawin ang buhay mo tulad ng buhay ng isa sa mga patay na propeta sa ganitong oras bukas.”

    3 Nang marinig iyon ni Elias, bumangon siya at umalis para sa kaniyang buhay at pumuta sa Beer-seba, na bahagi ng Juda, at iniwan ang kaniyang mga lingkod doon. 4 Pero mag-isa lamang siyang naglakbay ng isang araw patungo sa ilang, at dumating at umupo siya sa ilalim ng isang puno ng retama. Hiniling niya para sa kaniyang sarili na maaari na siyang mamatay, at sinabing, “Sobra na ito, Yahweh; kunin mo na ang aking buhay, dahil hindi ako higit kaysa sa aking mga patay na ninuno” 5 Kaya humiga siya at natulog sa ilalim ng puno ng retama; sa hindi inaasahan isang anghel ang humawak sa kaniya at sinabi sa kaniya, “Bumangon ka at kumain.”

    6 Tumingin si Elias, at malapit sa kaniyang ulunan ay mayroong tinapay na niluto sa uling at isang pitsel ng tubig. Kaya kinain niya ito at ininom at muling humiga.

    7 Sa pangalawang pagkakataon muling bumalik ang anghel ni Yahweh at hinawakan siya at sinabi, “Bumangon ka at kumain, dahil ang iyong paglalakbay ay higit na mas mahirap para sa iyo.”

    8 Kaya siya ay tumayo at kumain at uminom, at naglakbay siya sa lakas na mula sa pagkain sa apatnapung araw at apatnapung gabi sa Horeb, na bundok ng Diyos.

  29. 1 Si Yahweh ang aking pastol; hindi ako magkukulang. 2 Pinahihiga niya ako sa luntiang mga pastulan; inaakay niya ako sa tabi ng payapang tubigan.

  30. 23 siyang umalala sa atin at tumulong sa ating kahihiyan, dahil ang kaniyang katapatan sa tipan ay nananatili magpakailanman— 24 at siyang nagbigay sa atin ng katagumpayan sa ating mga kaaway, dahil ang kaniyang katapatan sa tipan ay nananatili magpakailanman— 25 siyang nagbibigay ng pagkain sa lahat ng nabubuhay, dahil ang kaniyang katapatan sa tipan ay nananatili magpakailanman. 26 O, magpasalamat sa Diyos sa langit, dahil ang kaniyang katapatan sa tipan ay nananatili magpakailanman.

  31. 26 Magdadala rin ako ng mga pagpapala sa kanila at ang aking nakapalibot na mga burol, sapagkat magpapadala ako ng mga ambon sa takdang panahon. Ito ay mga ambon ng pagpapala! 27 At ang mga punongkahoy sa bukirin ay mamumunga, at ang lupa ang siyang mag-aani sa mga bunga nito. Ang aking tupa ay magiging matiwasay sa kanilang lupain; at malalaman nila na ako si Yahweh, kapag pinutol ko ang mga kabilya ng kanilang pamatok, at kapag sinagip ko sila mula sa kamay ng mga umalipin sa kanila.

    28 Hindi na sila madadambong pa ng mga bansa, at hindi na sila lalamunin ng mga mababangis na hayop sa lupa! Sapagkat sila ay mamumuhay nang matiwasay, at hindi na sila matatakot.

    29 Sapagkat lilikha ako ng mapayapang lugar na taniman para sa kanila kaya hindi na sila mamamatay sa gutom sa lupain, at hindi na sila lalaitin pa ng mga bansa.

  32. 38 Magbigay sa iba at ito ay maibibigay sa inyo. Labis-labis na halaga—siksik, liglig at umaapaw—ang ibubuhos sa inyong kandungan. Sapagkat kung anumang batayan ng panukat ang inyong ginamit sa pagsukat, iyon din ang gagamiting batayan ng panukat para sa iyo.”

  33. 35 At sinabi ni Jesus sa kanila. “Nang ipinadala ko kayo na walang pitaka, supot ng mga kakailanganin, o sapatos, nagkulang ba kayo ng kahit na ano?” At sumagot sila, “Hindi.”

  34. 28 Nalalaman natin na sa mga nagmamahal sa Diyos, sa lahat ng bagay gumagawa siya para sa ikabubuti, ng mga tinawag ayon sa kaniyang layunin. 29 Dahil ang mga kilala na niya noong una pa man, ay itinalaga din niya na matulad sa imahe ng kaniyang Anak, upang siya ang maging panganay sa maraming magkakapatid.

  35. 13 Walang tukso ang dumating sa inyo na hindi pangkaraniwan sa lahat ng tao. Sa halip, tapat ang Diyos. Hindi kayo hahayaan ng Diyos na matukso ng higit sa inyong kakayanan. Sa pamamagitan ng tukso ay siya din ang magbibigay ng paraan para makatakas, upang inyo ngang makayanan ang mga ito.

  36. 20 Gumawa ng altar si Noe para kay Yahweh. Kumuha siya ng ilang malinis na hayop at ilang malinis na ibon, at naghandog ng handog na susunugin sa altar. 21 Naamoy ni Yahweh ang kaaya-ayang halimuyak at sinabi niya sa kanyang puso, “Hindi ko na muling susumpain ang lupa dahil sa sangkatauhan, kahit na ang ninanais ng kanilang mga puso ay masama mula sa pagkabata. Ni muli kong wawasakin ang lahat ng may buhay, tulad nang ginawa ko. 22 Habang ang mundo ay nananatili, ang panahon ng pagtatanim at pag-aani, lamig at init, tag-araw at tagginaw, at ang araw at gabi ay hindi hihinto.”

  37. 15 Masdan mo, kasama mo ako, iingatan kita saan ka man magpunta. Dadalhin kitang muli sa lupaing ito; dahil hindi kita iiwan. Tutuparin ko ang lahat ng naipangako ko sa iyo.”

  38. 31 Pagkatapos, isang hangin ang dumating mula kay Yahweh at nagdala ng pugo mula sa dagat. Bumagsak ang mga ito malapit sa kampo, na may isang araw na paglalakbay sa isang dako at isang araw na paglalakbay sa kabilang dako. Pumalibot ang mga pugo sa kampo na may dalawang siko ang taas mula sa lupa. 32 Ang mga tao ay abala sa paghuhuli sa mga pugo ng buong araw, buong gabi, at sa sumunod na araw. Walang nanghuli ng mas kaunti sa sampung homer ng pugo. Ibinahagi nila ang mga pugo sa buong kampo.

  39. 7 Dahil pinagpala kayo ni Yahweh na inyong Diyos sa lahat ng gagawin ng inyong kamay; alam niya ang inyong paglalakbay sa malawak na ilang na ito. Dahil sa loob ng apatnapung mga taon na ito si Yahweh na inyong Diyos ay kasama ninyo, at hindi kayo nagkulang sa anumang bagay.”'

  40. 11 pero ang lupain, kung saan kayo patungo para angkinin iyon, ay isang lupain ng mga burol at mga lambak, at umiinom ng tubig ng ulan ng kalangitan, 12 isang lupaing inaalagaan ni Yahweh; ang mga mata ni Yahweh ay palaging naroon, mula sa simula hanggang sa katapusan ng taon.

  41. 7 Si Yahweh ang nagpapadukha, at siya ang nagpapayaman. Siya ang nagpapababa, ngunit siya rin naman ang nagpapataas. 8 Ibinabangon niya ang mahirap mula sa alabok. Itinataas niya ang mga nangangailangan mula sa tambak ng abo upang paupuin sila kasama ang mga prinsipe at manahin ang upuan ng karangalan. Sapagka't ang mga haligi ng mundo ay kay Yahweh at kanyang ipinatong sa kanila ang sanlibutan.

  42. 9 Gagabayan niya ang mga paa ng kanyang mga tapat, ngunit patatahimikin ang mga makasalanan sa kadiliman, sapagka't walang ni isa ang mananaig sa pamamgitan ng lakas.

  43. 12 Nagmula sa iyo ang kayamanan at karangalan, at namumuno ka sa lahat ng mga tao. Nasa iyong kamay ang kapangyarihan at kalakasan. Taglay mo ang lakas at kalakasan na gawing dakila ang mga tao at magbigay ng lakas sa sinuman.

  44. 21 Sabi niya, “Hubad akong lumabas sa sinapupunan ng aking ina, hubad din akong babalik doon. Si Yahweh ang nagbigay, si Yahweh rin ang babawi; ang pangalan nawa ng Diyos ang mapapurihan.”

  45. 6 Ang iyong katarungan ay gaya ng pinakamataas na mga bundok; ang iyong katarungan ay gaya ng pinakamalalim na dagat. Yahweh, pinangangalagaan mo ang kapwa sangkatauhan at mga hayop.

  46. 28 Dahil iniibig ni Yahweh ang katarungan at hindi pinababayaan ang kaniyang tapat na mga tagasunod. Sila ay pag-iingatan magpakailanman, pero ang kaapu-apuhan ng masama ay tatanggalin.

  47. 9 Dahil panapawi niya ang pananabik nilang mga nauuhaw, at ang mga pagnanasa nilang mga gutom ay kaniyang pinupuno ng magagandang bagay.

  48. 6 Kahit na anong naisin ni Yahweh, ginagawa niya sa langit, sa lupa, sa dagat at sa kailaliman ng karagatan. 7 Inilagay niya ang mga ulap mula sa malayo, na gumagawa ng lumiliwanag na kidlat kasama ng ulan at nagdadala ng hangin mula sa kaniyang imbakan.

  49. 5 Mapalad siya na may Diyos ni Jacob para tulungan siya, na ang pag-asa ay na kay Yahweh na kaniyang Diyos. 6 Nilikha ni Yahweh ang langit at lupa, ang dagat, at ang lahat ng mayroon sila; kaniyang pinagmamasdan ang pagiging mapagkakatiwalaan magpakailanman. 7 Siya ang nagpapatupad ng katarungan sa mga inaapi at nagbibigay ng pagkain sa nagugutom. Pinapalaya ni Yahweh ang mga bilanggo; 8 minumulat ni Yahweh ang mga mata ng bulag; ibinabangon ni Yahweh ang mga nalulugmok; iniibig ni Yahweh ang mga matutuwid. 9 Inaalagaan ni Yahweh ang mga dayuhan sa lupain; kaniyang pinapasan ang mga walang ama at mga balo, pero siya ang sumasalungat sa masasama.

  50. 4 Dahil ikaw ay proteksyon sa mahirap, isang tagabantay para sa mga nangangailangan na nasa pagkabalisa, isang silungan mula sa bagyo, isang lilim mula sa init, kapag ang ihip ng isang walang awa ay tulad ng isang bagyo na laban sa pader.

  51. 3 “Ako si Yahweh, ang tagapag-ingat nito; dinidiligan ko ito bawat sandali; para walang manakit dito, binabantayan ko ito sa gabi at araw.

  52. 5 Tulad ng mga ibon na lumilipad, si Yahweh ng mga hukbo ng mga anghel ay pangangalagaan ang Jerusalem; mangangalaga at magliligtas siya habang dumadaan dito at pinapanatili ito.

  53. 4 Hanggang sa katandaan ay Ako ay siya nga, at hanggang sa magkauban ay dadalhin kita. Ginawa kita, at tutulungan kita, akin kitang dadalhin sa kaligtasan.

  54. 43 Inyong narinig na sinabing, 'Mahalin ninyo ang inyong kapwa at kamuhian ang inyong kaaway.' 44 Ngunit sinasabi ko sa inyo, mahalin ninyo ang inyong mga kaaway at ipanalangin ang mga umuusig sa inyo, 45 upang magiging mga anak kayo ng inyong Amang nasa langit, sapagkat pinasisikat niya ang kaniyang araw sa mga masama at mabuti at kaniyang ipinadadala ang ulan sa mga matutuwid at sa mga hindi matutuwid.

  55. 9 O anong tao sa inyo na kapag humingi ng tinapay ang kaniyang anak ay bibigyan niya ng bato? 10 O kapag humihingi siya ng isda, ay bibigyan niya ng ahas? 11 Kaya kung kayong mga masasama ay marunong magbigay ng mga mabubuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Amang nasa langit na nagbibigay ng mga mabubuting bagay sa mga humihingi sa kaniya?

  56. 32 Tinawag ni Jesus ang kaniyang mga alagad at sinabi, “Nahahabag ako sa mga tao dahil sila ay nanatili kasama ko sa loob na ng tatlong araw at walang makain. Ayaw ko silang pauwiin na hindi kumakain upang hindi sila himatayin sa daan.”

    33 Sinabi ng mga alagad sa kaniya, “Saan naman tayo kukuha ng sapat na tinapay sa ilang para busugin ang napakamaraming tao?”

    34 Sinabi ni Jesus sa kanila, “IIan ang tinapay na meron kayo?” Sinabi nila, “Pito, at kaunting maliliit na isda.”

    35 At inutosan ni Jesus ang maraming tao na maupo sa lupa. 36 Kinuha niya ang pitong tinapay at mga isda, at pagkatapos magbigay ng pasasalamat, pinagpira-piraso niya ang mga tinapay at ibinigay sa kaniyang mga alagad. At ibinigay ng mga alagad ang mga ito sa mga tao.

    37 Ang lahat ng tao ay nakakain at nabusog. At inipon nila ang mga pagkain mula sa pira-pirasong natira, pitong basket ang napuno. 38 Mayroong apat na libong lalaki ang kumain, bukod sa mga babae at mga bata.

  57. 12 Nang patapos na ang araw, lumapit sa kaniya ang Labindalawa at sinabi, “Pauwiin mo na ang mga tao upang sila ay makapunta sa mga kalapit na nayon at kabukiran upang makapaghanap ng matutuluyan at makakain sapagkat tayo ay nasa ilang na lugar.”

    13 Ngunit sinabi niya sa kanila, “Bigyan ninyo sila ng makakain.” Sinabi nila, “Ang mayroon po tayo ay hindi hihigit sa limang tinapay at dalawang isda, maliban na lamang kung kami ay bibili ng pagkain para sa mga taong ito. 14 Mayroong nasa limanlibong lalaki ang naroon. Sinabi niya sa kaniyang mga alagad, “Paupuin ninyo sila sa grupong may tiglilimampung bilang.” 15 At ginawa nila iyon at lahat ng mga tao ay umupo.

    16 Kinuha niya ang limang tinapay at dalawang isda, at habang nakatingin sa langit, pinagpasalamatan niya ang mga ito, at pinagpira-piraso, at ibinigay niya ito sa kaniyang mga alagad upang ipamahagi sa mga tao.

    17 Silang lahat ay nakakain at nabusog, at ang mga tira sa mga pagkain ay pinulot at napuno ang labindalawang basket.

  58. 6 Hindi ba ang limang mga maya ay ipinagbibili sa dalawang maliit na barya? Ganun pa man, wala ni isa sa kanila ang nalilimutan sa paningin ng Diyos. 7 Ngunit kahit ang mga buhok ninyo sa ulo ay bilang na lahat. Huwag matakot. Higit kayong mas mahalaga kaysa sa maraming maya.

  59. 29 Huwag hanapin kung ano ang inyong kakainin, at kung ano ang inyong iinumin, at huwag kayong mabahala. 30 Dahil ang mga bagay na ito ang hinahanap ng lahat ng mga bansa sa mundo, at alam ng inyong Ama na kailangan ninyo ang mga bagay na ito. 31 Ngunit hanapin ang kaniyang kaharian, at ang lahat ng bagay na ito ay maidadagdag sa inyo.

  60. 36 Sapagkat mula sa kaniya, at sa pamamagitan niya, at sa kaniya, ang lahat ng mga bagay. Sa kaniya ang kaluwalhatian magpakailanman. Amen.

  61. 3 Mapapurihan nawa ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Pinagpala niya tayo ng bawat pagpapalang espirituwal kay Cristo sa kalangitan. 4 Bago likhain ang sanlibutan, pinili na tayo ng Diyos na mga mananampalataya kay Cristo. Pinili niya tayo upang tayo ay maging banal at walang kapintasan sa kaniyang paningin. 5 Dahil sa pag-ibig itinalaga tayo ng Diyos upang ampunin bilang kaniyang sariling mga anak sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Ginawa niya ito sapagkat nasiyahan siyang gawin ang kaniyang nais. 6 Ang naging resulta ay napapurihan ang Diyos sa kaniyang kamangha-manghang biyaya. Kusang loob niya itong ibinigay sa atin sa pamamagitan ng kaniyang pinakamamahal na anak.

    7 Sapagkat sa kaniyang pinakamamahal na anak, nagkaroon tayo ng katubusan sa pamamagitan ng kaniyang dugo, ang kapatawaran ng mga kasalanan. Nagkaroon tayo nito dahil sa yaman ng kaniyang biyaya. 8 Ginawa niyang masagana ang kaniyang biyaya para sa atin nang buong karunungan at kaalamann. 9 Ipinaalam sa atin ng Diyos ang hiwaga ng kaniyang kalooban, ayon sa kaniyang nais na kaniyang ipinakita kay Cristo. 10 Kapag naganap na ang panahon para sa kaniyang kalooban, sama-samang dadalhin ng Diyos ang lahat ng mga bagay sa langit at sa lupa kay Cristo.

    11 Pinili tayo kay Cristo at napagpasyahan noon pa man. Ito ay ayon sa kalooban ng gumawa ng lahat ng bagay sa pamamagitan ng layunin ng kaniyang kalooban. 12 Ginawa ito ng Diyos upang tayo ay mamuhay sa pagpuri ng kaniyang kaluwalhatian. Tayo ang nauna na nagkaroon ng tiwala kay Cristo.

  62. 17 Sabihin mo sa mayayaman sa mundong ito na huwag magmataas, at huwag umasa sa kayamanan, na walang katiyakan. Sa halip, dapat silang umasa sa Diyos. Na nagkakaloob sa atin ng tunay na kayamanan upang ikagalak.

  63. 24 Ngayon sa kanya na may kakayanang ilayo kayo sa pagkakatisod, at dahilan upang tayo ay makatayo sa harapan ng kanyang maluwalhating presensya, walang dungis at may labis na kagalakan, 25 sa tanging Diyos ating tagapagligtas sa pamamagitan ni Jesu-Cristo ating Panginoon, ang kaluwalhatian, kadakilaan, kataas-taasan, kapangyarihan-bago sa lahat ng panahon, at ngayon, at magpakailanman. Amen.

  64. 10 Yamang pinanatili ninyo ang aking utos na matiyagang pagtitiis. Iingatan ko rin kayo mula sa oras ng pagsubok na darating sa buong mundo, para subukin sila na siyang nakatira sa mundo.

  65. 24 Ang mga hakbang ng isang tao ay pinapatnubayan ni Yahweh; paano niya mauunawaan ang kaniyang paraan kung gayon?

  66. 16 Dahil labis na inibig ng Diyos ang sangkatauhan, ibinigay niya ang kaniyang natatangi at nag-iisang Anak upang ang sinumang manalig sa kaniya ay hindi mamatay ngunit magkakaroon ng buhay na walang hanggan. 17 Dahil hindi isinugo ng Diyos ang kaniyang Anak sa mundo para parusahan ang sangkatauhan, ngunit para ang mundo ay marapat na maligtas sa pamamagitan niya.

  67. 4 Ngunit sagana ang Diyos sa habag dahil sa kaniyang dakilang pagmamahal kung saan minahal niya tayo. 5 Habang tayo ay patay sa pagkakasala, dinala niya tayo sa bagong buhay kay Cristo. Naligtas tayo sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos. 6 Magkakasama tayong binuhay ng Diyos at magkakasama tayong pinaupo ni Cristo Jesus sa kalangitan. 7 Ginawa niya ito upang sa darating na panahon, maipakita niya sa atin ang kaniyang dakila at masaganang biyaya. Ipinakita niya ito sa atin sa pamamagitan ng kaniyang kabutihan kay Cristo Jesus.

    8 Sapagkat sa biyaya kayo ay naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya. At hindi ito nagmula sa amin, kaloob ito ng Diyos. 9 Hindi ito dahil sa mga gawa. Bilang resulta, walang sinuman ang maaaring magmalaki. 10 Sapagkat tayo ay ginawa ng Diyos, nilikha kay Cristo Jesus upang gumawa ng mga mabubuting gawa. Ito ang mga gawa na matagal ng binalak ng Diyos para sa atin, upang makalakad tayo sa mga ito.

  68. 20 Ngayon sa kaniya na kayang gumawa ng lahat, higit pa sa lahat ng ating hinihingi o iniisip, ayon sa kaniyang kapangyarihan na kumikilos sa atin, 21 sa kaniya ang kaluwalhatian sa iglesia at kay Cristo Jesus sa lahat ng mga salinlahi magpakailan man. Amen.

  69. 7 At ang kapayapaan ng Diyos na humihigit sa lahat ng pang-unawa, ang mag-iingat sa inyong mga puso at isipan kay Cristo Jesus.

  70. 3 Lahat ng mga bagay ng banal na kapangyarihan para sa buhay at pagiging maka-diyos ay ibinigay sa atin sa pamamagitan ng kaalaman ng Diyos na siyang tumawag sa atin sa pamamagitan ng kaniyang sariling kaluwalhatian at kabutihan. 4 Sa pamamagitan nito, binigyan niya tayo ng mahahalaga at dakilang mga pangako. Ginawa niya ito upang kayo ay makibahagi sa banal na katangian habang kayo ay tumatakas mula sa kasamaan na nasa mundo sa masamang hangarin.

  71. 17 Ang mga matutuwid ay umiiyak, at naririnig ito ni Yahweh at mula sa lahat ng kanilang mga kaguluhan, nililigtas sila. 18 Si Yahweh ay malapit sa mga wasak ang puso, at inililigtas niya ang mga nadurog ang espiritu. 19 Maraming mga problema ang mga matutuwid, pero sa lahat ng iyon si Yahweh ang nagbibigay ng tagumpay. 20 Iniingatan niya ang lahat ng kaniyang mga buto; ni isa sa kanila ay walang masisira.

  72. 9 Pumunta ka para tulungan ang mundo; dinidiligan mo ito; pinagyayaman ng lubos; ang ilog ng Diyos ay puno ng tubig; pinagkalooban mo ng mga butil ang sangkatauhan nang inihanda mo ang daigdig. 10 Tinutubigan mo ang mga bukirin nang masagana; inaayos mo ang mga taniman; ginagawa mong malambot ang mga ito sa mga patak ng ulan; pinagpapala mo ang mga tumutubo sa pagitan nito. 11 Kinokoronahan mo ang taon ng iyong kabutihan; naghuhulog ng pataba sa lupa ang mga bakas ng iyong karwahe. 12 Nahuhulog ang mga ito sa pastulan sa mga ilang, at ang mga kaburulan ay sinuotan ng sinturon ng kagalakan. 13 Ang mga pastulan ay dinamitan ng mga kawan; ang mga lambak ay nababalutan ng butil; sumisigaw sila ng kagalakan, at sila ay umaawit.

  73. 17 Siya ang una sa lahat ng mga bagay, at sa kaniya ang lahat ng bagay ay nagkakaugnay.

  74. 13 Ngunit ayon sa kaniyang pangako, ating hintayin ang bagong mga langit at ang bagong lupa, kung saan ang mga katuwiran ay mananahan.

  75. 43 Kaya ibinigay ni Yahweh sa Israel ang lahat ng lupaing ipinangako niyang ibibigay sa kanilang mga ninuno. Inangkin ito ng mga Israelita at nanirahan doon.

    44 Pagkatapos binigyan sila ni Yahweh ng pahinga sa bawat dako, gaya ng kanyang ipinangako sa kanilang mga ninuno. Walang isa sa kanilang kaaway ang maaaring tumalo sa kanila. Ibinigay ni Yahweh ang lahat ng kanilang kaaway sa kanilang mga kamay.

    45 Walang isang bagay sa lahat ng mga mabuting pangako na sinabi ni Yahweh sa bahay ng Israel ang hindi nagkatotoo. Natupad ang lahat ng ito.

  76. 35 Ibinigay mo sa akin ang panangga ng iyong kaligtasan. Ang iyong kanang kamay ay sumusuporta sa akin, at ang pabor mo ay ginawa akong tanyag.

  77. 5 Ipinaghahanda mo ako ng isang hapag sa harapan ng aking mga kaaway; binuhusan mo ng langis ang aking ulo; ang saro ko ay nag-uumapaw.

  78. 19 Napakadakila ng iyong kabutihang hinanda mo para sa mga sumasamba sa iyo, na tinupad mo para sa mga nagkukubli sa iyo sa harap ng buong sangkatauhan!

  79. 5 Magtiwala kay Yahweh ng buong puso at huwag umasa sa sarili mong pang-unawa; 6 sa lahat ng iyong ginagawa ay kilalanin siya at gagawin niyang matuwid ang iyong mga landas.

  80. 9 Sa kaniyang puso, ang isang tao ay nagpaplano ng kaniyang landas, pero si Yahweh ang nagtuturo ng kaniyang mga hakbang.

  81. 33 Ang mga palabunutan ay hinahagis sa kandungan, pero ang kapasyahan ay nagmumula kay Yahweh.

  82. 6 Ngunit tingnan mo, magdadala ako ng kagalingan at isang lunas, sapagkat pagagalingin ko sila at magdadala ako sa kanila ng kasaganaan, kapayapaan at katapatan. 7 Sapagkat ibabalik ko ang mga kayamanan ng Juda at Israel. Itatayo ko silang muli gaya noong simula. 8 At lilinisin ko sila mula sa lahat ng kasamaang kanilang ginawa laban sa akin. Patatawarin ko ang lahat ng kanilang mga kasamaang kanilang nagawa laban sa akin, at ang lahat ng kanilang paghihimagsik laban sa akin.

    9 Sapagkat ang lungsod na ito ay magiging kagalakan sa akin, isang awit ng papuri at karangalan para sa lahat ng bansa sa daigdig na makaririnig ng lahat ng mabubuting bagay na aking gagawin para dito. At manginginig sila dahil sa lahat ng mabubuting bagay at sa kapayapaang aking ibibigay dito.'

  83. 10 Dalhin ang buong ikapu sa silid-imbakan upang may makain sa aking tahanan. At subukan ninyo ako ngayon sa ganito,” sabi ni Yahweh ng mga hukbo, “kung hindi ko bubuksan sa inyo ang mga bintana ng langit sa inyo at ibuhos ang mga pagpapala sa inyo, hanggang sa walang sapat na silid na paglagyan nito.

  84. 29 Dalhin ninyo ang aking pamatok at matuto kayo sa akin sapagkat ako ay mahinahon at may mapagpakumbabang puso at makakamit ninyo ang kapahingahan para sa inyong mga kaluluwa. 30 Sapagkat madali ang aking pamatok at ang aking pasanin ay magaan.”

  85. 18 Nakatanggap at nagkaroon ako ng lahat bagay. Napuno ako. Natanggap ko mula kay Epafroditus ang mga bagay na galing sa inyo. Ang mga ito ay mababangong samyo, katanggap-tanggap at kalugod-lugod na handog sa Diyos.