16 Bible Verses About The Rapture
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
-
13 Nais naming maintindihan ninyo, mga kapatid, ang tungkol sa mga natutulog, upang hindi kayo magdalamhati gaya ng marami na hindi nakakatiyak tungkol sa kinabukasan. 14 Dahil kung tayo ay naniniwala na si Jesus ay namatay at nabuhay na muli, ganoon din dadalhin ng Diyos kasama ni Jesus ang mga natutulog sa kaniya.
15 Sinasabi namin ito sa inyo sa pamamagitan ng salita ng Panginoon, na tayong mga buhay, na naiwan sa pagparito ng Panginoon, ay tiyak na hindi mauuna sa mga natutulog. 16 Sapagkat ang Panginoon mismo ay bababa mula sa langit. Siya ay paparito na may isang sigaw, na may tinig ng arkanghel, at may trumpeta ng Diyos, at ang mga namatay kay Cristo ang unang bubuhayin. 17 At tayong mga buhay, na naiwan, ay makakasama nila sa alapaap upang salubungin ang Panginoon sa himpapawid. Sa ganitong paraan tayo ay makakapiling natin ang Panginoon.
18 Kaya, aliwin ang bawat isa ng mga salitang ito.
-
29 Ngunit agad-agad pagkatapos ng kapighatian sa mga araw na iyon, ang araw ay didilim, hindi na magliwanag ang buwan, malalaglag ang mga bituin mula sa langit, at ang mga kapangyarihan ng kalangitan ay mayayanig.
30 Pagkatapos nito, ang palatandaan ng Anak ng Tao ay lilitaw sa himpapawid, at kakabugin ng lahat ng mga tribu ang kanilang mga dibdib. Makikita nila ang Anak ng Tao na darating mula sa langit na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian. 31 Susuguin niya ang kaniyang mga anghel na may malakas na tunog ng trumpeta, at titipunin nila ang lahat ng kaniyang hinirang mula sa apat na mga hangin, mula sa isang dulo ng kalangitan hanggang sa kabilang dulo.
32 Pag-aralan ninyo ang aral mula sa puno ng igos. Kapag nananariwa na ang mga sanga at nagdadahon na ito, alam na ninyo na malapit na ang tag-araw. 33 Gayun din naman, kung makikita ninyo ang lahat ng mga ito, dapat malaman ninyo na malapit na siya, nasa tarangkahan na. 34 Totoo itong sinasabi ko sa inyo, ang salinlahing ito ay hindi lilipas hanggang mangyari ang lahat ng ito. 35 Lilipas ang langit at ang lupa, ngunit ang mga salita ko ay hindi kailanman lilipas.
36 Ngunit tungkol sa araw at oras na iyon, walang nakakaalam kahit ang mga anghel sa langit, ni ang Anak, tanging ang Ama lamang. 37 Katulad sa kapanahunan ni Noe, ganoon din ang pagparito ng Anak ng Diyos. 38 Dahil katulad sa mga araw bago ang baha, sila ay nagkainan at nag-inuman, nag-aasawa at pinahintulutan ang mga anak nila na mag-asawa hanggang sa pumasok si Noe sa arka, 39 at wala silang kaalam-alam hanggang sa dumating ang baha at kinuha silang lahat—ganoon din sa pagparito ng Anak ng Tao. 40 Sa panahong iyon ay may dalawang tao na nasa bukid — ang isa ay kukunin at ang isa naman ay maiiwan. 41 Dalawang babae ang naggigiling sa gilingan — ang isa ay kukunin at ang isa naman ay maiiwanan.
42 Kaya magbantay kayo, dahil hindi ninyo alam kung anong araw darating ang inyong Panginoon.
-
1 Ngayon tungkol sa pagdating ng ating Panginoong Jesu-Cristo at sa ating pagtitipon nang sama-sama upang makasama niya: hinihiling namin sa inyo, mga kapatid, 2 na huwag kaagad kayong mabalisa o mabahala, maging sa pamamagitan ng espiritu, ng mensahe, o ng sulat na parang nagmula sa amin, na para bang ang araw ng Panginoon ay dumating na. 3 Huwag ninyong hayaan na kayo ay malinlang sa kahit na anong paraan. Sapagkat hindi ito darating hanggang sa mangyari ang pagbagsak at ang taong suwail ay maihayag, ang anak ng pagkawasak. 4 Siya ang kakalaban at itataas ang kaniyang sarili laban sa lahat ng tinatawag na Diyos o sa mga sinasamba. Bilang resulta, siya ay uupo sa templo ng Diyos at itatanghal ang sarili bilang Diyos.
5 Hindi ba ninyo naalala na noong kasama ninyo ako ay sinabi ko ang mga bagay na ito? 6 Ngayon alam na ninyo kung ano ang pumipigil sa kaniya, upang siya ay maihayag sa tamang panahon lamang. 7 Sapagkat ang hiwaga ng kawalan ng batas ay kumikilos na, may isa lamang na pumipigil sa kaniya ngayon hanggang sa siya ay maalis.
-
1 Ngayon, tungkol sa mga oras at panahon, mga kapatid, hindi kailangang maisulat pa sa inyo ang mga bagay na ito. 2 Sapagkat alam na ninyo ng lubusan na ang araw ng Panginoon ay darating tulad ng isang magnanakaw sa gabi. 3 Kapag sinabi nilang “Kapayapaan at kaligtasan,” at biglang darating sa kanila ang pagkawasak. Ito ay magiging katulad ng sakit sa panganganak ng isang babaeng buntis. Hindi sila makakatakas dito sa anumang paraan.
4 Ngunit kayo, mga kapatid, wala na kayo sa kadiliman kaya aabutan kayo ng araw na iyon gaya ng isang magnanakaw. 5 Sapagkat kayong lahat ay mga anak ng liwanag at mga anak ng umaga. Hindi tayo mga anak ng gabi o ng kadiliman. 6 Kaya nga, huwag tayong matulog gaya ng ginagawa ng karamihan. Sa halip, magbantay tayo at maging malinaw ang ating pag-iisip. 7 Sapagkat ang mga natutulog, sa gabi natutulog, at ang mga naglalasing, sa gabi naglalasing. 8 Ngunit dahil tayo ay mga anak ng umaga, manatili tayong malinaw ang pag-iisip. Isuot natin ang baluti ng pananampalataya at pag-ibig, at ang helmet, na siyang katiyakan sa hinaharap na kaligtasan.
9 Sapagkat hindi tayo itinalaga ng Diyos para sa poot, kundi upang matamo ang kaligtasan sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 10 Siya ang namatay para sa atin, nang sa gayon, gising man tayo o natutulog, mabubuhay tayong kasama niya.
-
50 Ngayon sinasabi ko ito, mga kapatid, na ang laman at dugo ay hindi maaring magmana ng kaharian ng Diyos. Ni ang mga nasisira ay hindi magmamana ng hindi nasisira.
51 Tingnan ninyo! Sinasabi ko sa inyo ang lihim na katotohanan: Tayong lahat ay hindi mamamatay ngunit tayong lahat ay mababago. 52 Tayong ay mababago sa isang iglap, sa isang kisap-mata, sa huling trumpeta. Sapagkat tutunog ang trumpeta at babangon ang lahat ng namatay na hindi na nasisira at tayo ay mababago. 53 Sapagkat itong nasisira ay dapat mailagay sa hindi nasisira at ang namamatay na ito ay dapat mailagay sa hindi namamatay.
54 Ngunit kung itong nasisira ay nailagay sa hindi nasisira at ang namamatay na ito ay mailalagay sa hindi namamatay, mangyayari ang tungkol sa kasabihang naisulat, “Nilamon ang kamatayan ng pagtatagumpay.” 55 “Kamatayan, nasaan ang iyong tagumpay? Kamatayan, nasaan ang iyong kamandag?”
-
1 Huwag ninyong hayaan mabalisa ang inyong puso. Manampalataya kayo sa Diyos; manampalataya rin kayo sa akin. 2 Sa tahanan ng aking Ama ay maraming mga tirahan; Kung hindi gayon, sinabi ko na sana sa inyo; sapagka't aalis ako upang maghanda ng tirahan para sa inyo. 3 Kung aalis ako at maghanda ng matititrahan ninyo, ako ay muling babalik at tatanggapin kayo sa aking sarili, upang kung saan man ako, kayo ay naroon din.
-
7 Sinabi niya sa kanila, ''Hindi na para malaman ninyo ang mga oras o ang mga panahon na itinakda ng Ama sa kaniyang sariling kapamahalaan. 8 Ngunit makakatanggap kayo ng kapangyarihan, kapag sumainyo ang Banal na Espiritu at kayo ay magiging saksi ko sa Jerusalem at sa buong Judea at Samaria, at hanggang sa mga dulo ng mundo.''
9 Nang sabihin ng Panginoong Jesus ang mga bagay na ito, habang nakatingala sila, siya ay itinaas, at itinago siya ng ulap mula sa kanilang mga mata. 10 Habang nakatitig sila sa langit nang siya ay paalis, bigla na lamang may dalawang lalaking nakatayo sa tabi nila na nakasuot ng puti. 11 Sinabi nila, “Kayong mga lalaking taga-Galilea, bakit kayo nakatayo dito na nakatingin sa langit? Itong Jesus na umakyat sa langit ay babalik rin sa paraang katulad ng nakita ninyo na pagpunta niya sa langit.”
-
10 Gayunpaman, ang araw ng Panginoon ay darating na parang isang magnanakaw, ang mga langit ay mawawala kasabay ng malakas na ingay. Ang mga bagay ay masusunog sa apoy, at ang lupa at ang mga gawa dito ay maihahayag.
11 Yaman lamang na ang lahat ng mga bagay na ito ay mawawala sa ganitong kaparaanan, anong uri ng tao kayo dapat maging? Dapat kayong mamuhay na banal at maka-Diyos. 12 Inyo ngang asahan at magmadali patungo sa pagdating ng araw ng Diyos. Sa araw na iyon, ang langit ay magugunaw sa pamamagitan ng apoy, at ang mga bahagi nito ay matutunaw sa pamamagitan ng sobrang init. 13 Ngunit ayon sa kaniyang pangako, ating hintayin ang bagong mga langit at ang bagong lupa, kung saan ang mga katuwiran ay mananahan.
14 Kaya nga, mga minamahal, yaman din lamang na inaasahan ninyo ang mga bagay na ito, sikapin ninyong gawin ang lahat na kayo ay matagpuang walang bahid, at walang kapintasan upang makatagpo ng kapayapaan sa kaniya,
-
7 Tingnan mo, siya ay dumarating kasama ng mga ulap; bawat mata ay makikita siya, maging ang mga taong pumako sa kaniya. At ang lahat ng lipi sa lupa ay magluluksa para sa kaniya. Oo, Amen.
-
20 Nang naitanong sa kaniya ng mga Pariseo kung kailan darating ang kaharian ng Diyos, sinagot sila ni Jesus at sinabi, “Ang kaharian ng Diyos ay hindi isang bagay na mapagmamasdan. Ni hindi nila sasabihin, 21 'Tumingin kayo rito!' o, 'Tumingin kayo roon!' dahil ang kaharian ng Diyos ay nasa inyo.”
22 Sinabi ni Jesus sa mga alagad, “Darating ang mga araw na nanaisin ninyong makita ang isa sa mga araw ng Anak ng Tao, ngunit hindi ninyo ito makikita. 23 Sasabihin nila sa inyo, 'Tingnan ninyo, naroon!' o, 'Tingnan ninyo, narito!' Ngunit huwag kayong pumunta, ni sumunod sa kanila, 24 sapagkat gaya ng paglitaw ng kidlat kapag ito ay kumislap buhat sa isang panig ng kalangitan tungo sa ibang panig ng kalangitan, gayon din naman ang Anak ng Tao sa kaniyang araw. 25 Ngunit kailangan muna niyang magdusa ng labis at itakwil ng salinlahing ito.
26 Katulad ng nangyari sa panahon ni Noe, gayon din ang mangyayari sa mga araw ng Anak ng Tao. 27 Nagsisikain sila, nagsisiinom, nagsisipag-asawa at ibinibigay sila upang mag-asawa, hanggang sa araw na pumasok sa arko si Noe—at dumating ang baha at pinatay silang lahat.
28 Gayon din naman, katulad ng nangyari sa panahon ni Lot, sila ay nagsisikain, nagsisiinom, nagsisibili, nagsisitinda, nagsisipagtanim at sila ay nagsisipatayo ng gusali. 29 Ngunit nang araw na lumabas mula sa Sodoma si Lot, umulan ng apoy at asupre mula sa langit, at pinuksa silang lahat.
30 Ganoon din naman ang mangyayari sa araw na maihayag ang Anak ng Tao. 31 Sa araw na iyon, ang nasa taas ng bahay ay huwag nang bumaba upang ilabas ang kaniyang mga kagamitan sa bahay. At ang nasa bukid ay huwag nang bumalik. 32 Alalahanin ninyo ang asawa ni Lot. 33 Sinumang naghahangad na iligtas ang kaniyang buhay ay mawawalan nito, ngunit ang sinumang mawalan ng kaniyang buhay ay makapagliligtas nito. 34 Sinasabi ko sa inyo, sa gabing iyon ay mayroong dalawang tao sa isang higaan. Ang isa ay kukunin, at ang isa ay iiwan. 35 Mayroong dalawang babae ang magkasamang gigiling. Ang isa ay kukunin at ang isa ay iiwan.” 36 (Mayroong dalawang tao sa bukid, ang isa ay kukunin at ang isa ay iiwan.)
37 Tinanong nila sa kaniya, “Saan, Panginoon?” At sinabi niya sa kanila, “Kung saan naroon ang bangkay, doon din nagtitipon ang mga buwitre.”
-
1 “Sa panahong iyon, tatayo si Miguel, ang dakilang prinsipe na nagbabantay sa iyong mga kababayan. Magkakaroon ng panahon ng kaguluhan na hindi pa nararanasan kailanman magmula nang nagkaroon ng anumang bansa hanggang sa panahong iyon. Sa panahong iyon, maililigtas ang iyong mga kababayan, ang lahat ng pangalang matatagpuang nakasulat sa aklat.
2 Marami sa mga natutulog sa alabok ng daigdig ang babangon, ang ilan ay sa walang hanggang buhay at ang ilan ay sa kahihiyan at walang hanggang pagdurusa. 3 Ang mga marurunong ay magliliwanag tulad ng liwanag ng kalangitan sa kaitaasan at ang mga nakapagpanumbalik ng marami sa katuwiran ay tulad ng mga bituin magpakailanman.
-
27 Sapagkat katulad ng pagliwanag ng kidlat galing sa silangan at pagkislap nito sa kanluran, ganoon din ang pagdating ng Anak ng Tao.
-
21 At kung may nagsabi sa inyong, 'Tingnan ninyo, nandito ang Cristo!' o 'Tingnan ninyo, nandito siya' huwag ninyo itong paniwalaan. 22 Sapagkat lilitaw ang mga bulaang Cristo at bulaang mga propeta at magbibigay ng mga himala at kababalaghan upang linlangin, kung maaari, maging ang mga hinirang. 23 Maging mapagbantay kayo! Ngayon pa lang ay sinabi ko na ang mga bagay na ito sa inyo.
24 Ngunit pagkatapos ng matinding kahirapan sa mga araw na iyon, ang araw ay didilim at ang buwan ay hindi na magliliwanag, 25 ang mga bituwin ay mahuhulog mula sa langit at ang kapangyarihan na nasa kalangitan ay mayayanig.
26 Pagkatapos, makikita nila ang Anak ng Tao na dumarating mula sa mga ulap taglay ang dakila nitong kapangyarihan at kaluwalhatian. 27 Pagkatapos ipapadala niya ang kaniyang mga anghel upang tipunin ang kaniyang mga hinirang mula sa apat na sulok ng mundo, mula sa mga dulo ng lupa hanggang sa dulo ng langit.
-
10 Yamang pinanatili ninyo ang aking utos na matiyagang pagtitiis. Iingatan ko rin kayo mula sa oras ng pagsubok na darating sa buong mundo, para subukin sila na siyang nakatira sa mundo.
-
32 Ngunit patungkol sa araw o sa oras na iyon, walang sinuman ang nakakaalam, maging ang mga anghel sa langit o maging ang Anak, tanging ang Ama lamang. 33 Maging handa kayo! Magbantay kayo, sapagkat hindi ninyo alam kung sa anong oras ito.
34 Katulad ito ng isang lalaking naglakbay: umalis siya sa bahay niya at ipinagkatiwala sa kaniyang mga lingkod ang pamamahala sa kaniyang bahay, ang bawat isa ay may kani-kaniyang gawain. At inutusan niya ang tagapagbantay na manatiling gising. 35 Kaya magbantay kayo! Sapagkat hindi ninyo alam kung kailan uuwi ang amo ng tahanan, maaaring sa gabi, sa hating gabi, kapag tumilaok ang tandang, o sa umaga. 36 Kung bigla siyang dumating, huwag ninyong hayaan na madatnan niya kayong natutulog. 37 Kung ano ang sinasabi ko sa inyo ay sinasabi ko sa lahat: Magbantay kayo!”
-
34 Ngunit bigyang-pansin ang inyong mga sarili, upang hindi magnais ang inyong mga puso ng kahalayan, kalasingan, at mga alalahanin sa buhay. Sapagkat darating ang araw na iyon sa inyo nang biglaan 35 na gaya ng bitag. Sapagkat darating ito sa lahat ng naninirahan sa ibabaw ng buong mundo. 36 Ngunit maging mapagmatiyag kayo sa lahat ng oras, nananalangin na kayo ay magkaroon ng sapat na lakas upang matakasan ninyo ang lahat ng ito na magaganap, at upang tumayo sa harapan ng Anak ng Tao.”
Shows Read in context, Share and Copy.