83 Bible Verses About Sanctification

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Bible Verses About Sanctification
  1. 3 Sapagkat ito ang kalooban ng Diyos: ang inyong pagpapakabanal—umiwas kayo sa kahalayan, 4 na bawat isa sa inyo ay alam kung paano makitungo sa kaniyang asawa ng may kabanalan at karangalan. 5 Huwag kayong mag-asawa sa kahalayan ng laman (gaya ng mga Gentil na di nakakakilala sa Diyos). 6 Huwag hayaan ang sinuman na pagsamantalahan at dayain ang kaniyang kapatid sa bagay na ito. Sapagkat ang Panginoon ang gaganti sa lahat ng mga bagay na ito, gaya sa aming babala sa inyo at pinatotohanan. 7 Sapagkat hindi tayo tinawag ng Diyos sa karumihan, kundi sa kabanalan. 8 Kaya, ang sinumang magtanggi nito ay hindi ang tao ang tinanggi niya, kundi ang Diyos, na nagkaloob ng Banal na Espiritu sa inyo.

  2. 9 Hindi ba ninyo alam na hindi mamanahin ng mga hindi matuwid ang kaharian ng Diyos? Huwag kayong maniwala sa mga kasinungalingan. Ang mga mahahalay, mga sumasamba sa mga diyus-diyosan, mga nangangalunya, mga lalaking nagbebenta ng aliw, silang mga nakikipagtalik sa kapwa lalaki, 10 mga magnanakaw, mga sakim, mga lasinggero, mga mapanirang-puri, mga mandaraya—wala sa kanila ang magmamana sa kaharian ng Diyos. 11 At ganyan ang ilan sa inyo. Ngunit nilinis na kayo, at inihandog na kayo sa Diyos, at kayo ay ginawa nang matuwid sa Diyos sa ngalan ng Panginoong Jesu-Cristo at sa pamamagitan ng Espiritu ng ating Diyos.

  3. 8 Sinabi niya gaya ng nasabi sa itaas, “Hindi mo nais ang mga handog at mga hain o ang mga handog na sinusunog para sa kasalanan, ni hindi ka nasisiyahan sa mga ito”— mga handog na inialay ayon sa kautusan. 9 At sinabi niya, “masdan mo, ako ay narito upang gawin ang iyong kalooban.” Isinantabi niya ang unang kaugalian upang maitatag ang pangalawa. 10 Sa pangalawang kaugalian, tayo ay naihandog sa Diyos sa kaniyang kalooban at sa pamamagitan ng pag-aalay ng katawan ni Jesu-Cristo ng minsan para sa lahat.

    11 Sa katunayan tumatayong naglilingkod ang bawat pari araw-araw, iniaalay ang parehong mga handog, kung saan, gayon pa man, hindi makatatanggal ng mga kasalanan kailanman. 12 Ngunit pagkatapos na ialay ni Cristo ang isang handog para sa kasalanan magpakailanman, umupo siya sa kanang kamay ng Diyos, 13 naghihintay hanggang ang kaniyang mga kaaway ay maibaba at gawing isang patungan para sa kaniyang paanan. 14 Dahil sa pamamagitan ng isang handog ay kaniyang ginawang ganap magpakailanman ang mga taong inihandog sa Diyos.

    15 At nagpapatotoo rin sa atin ang Banal na Espiritu. Sapagkat unang sinabi niya,

  4. 13 Ngunit dapat kami laging magpasalamat sa Diyos para sa inyo, mga kapatid na iniibig ng Panginoon. Sapagkat pinili kayo ng Diyos bilang unang bunga ng kaligtasan sa pagpapabanal ng Espiritu at paniniwala sa katotohanan. 14 Ito ang dahilan kung bakit niya kayo tinawag sa pamamagitan ng ating ebanghelyo upang matamo ang kaluwalhatian ng ating Panginoong Jesu Cristo.

  5. 2 Sapagkat pinalaya ako ng tuntunin ng Espiritu ng buhay na nakay Cristo Jesus mula sa tuntunin ng kasalanan at kamatayan. 3 Sapagkat kung ano ang hindi kayang gawin ng kautusan dahil mahina ito sa pamamagitan ng laman ay ginawa ng Diyos. Isinugo niya ang kaniyang sariling Anak na kawangis ng makasalanang laman para maging isang handog sa kasalanan, at hinatulan niya ang kasalanan sa laman. 4 Ginawa niya ito upang sa gayon ang mga hinihingi ng kautusan ay matupad sa atin, tayong mga hindi lumalakad ayon sa laman, ngunit ayon sa Espiritu.

    5 Ang mga namumuhay ayon sa laman ay binibigyang-pansin ang mga bagay na para sa laman, ngunit ang mga namumuhay ayon sa Espiritu ay binibigyang pansin ang mga bagay na para sa Espiritu. 6 Sapagkat ang kaisipan ng laman ay kamatayan, ngunit ang kaisipan ng Espiritu ay buhay at kapayapaan. 7 Ito ay dahil sumasalungat sa Diyos ang kaisipan ng laman, sapagkat hindi ito nagpapasakop sa kautusan ng Diyos, ni hindi ito maaaring maging sakop. 8 Hindi kayang pasiyahin ng taong nasa laman ang Diyos.

    9 Gayunman, wala na kayo sa laman ngunit nasa Espiritu, kung totoong ang Espiritu ng Diyos ay nananahan sa inyo. Ngunit kung wala sa isang tao ang Espiritu ni Cristo, siya ay hindi kabilang sa kaniya. 10 Kung nasa inyo si Cristo, sa isang panig ang katawan ay patay sa kasalanan, ngunit sa kabilang panig ang espiritu ay buhay sa katuwiran. 11 Kung ang Espiritu ng Diyos na bumuhay kay Jesus mula sa kamatayan ang nananahan sa inyo, siya na bumuhay kay Cristo mula sa kamatayan ang magbibigay din ng buhay sa inyong mga namamatay na katawan sa pamamagitan ng kaniyang Espiritu na siyang nananahan sa inyo.

  6. 16 Hindi ba ninyo alam na ang pinaghandugan ninyo ng inyong mga sarili bilang mga alipin ay siyang inyong pinaglilingkuran, ang siyang dapat ninyong sundin? Totoo ito, mga alipin man kayo sa kasalanan na patungo sa kamatayan, o mga alipin sa pagsunod na patungo sa katuwiran. 17 Ngunit salamat sa Diyos! Sapagkat kayo ay dating mga alipin ng kasalanan, ngunit sinunod ninyo mula sa puso ang uri ng katuruang ibinigay sa inyo. 18 Pinalaya kayo sa kasalanan, at ginawa kayong mga alipin kayo ng katuwiran.

    19 Nagsasalita ako tulad ng isang tao dahil sa kahinaan ng inyong laman. Sapagkat gaya ng paghahandog ninyo ng mga bahagi ng inyong katawan bilang mga alipin sa karumihan at kasamaan, ngayon, sa ganoon ding paraan, ihandog ninyo ang mga bahagi ng inyong katawan bilang alipin sa katuwiran para sa ikababanal.

    20 Sapagkat noong kayo ay mga alipin ng kasalanan, malaya kayo sa katuwiran. 21 Sa mga panahong iyon, ano ang naging bunga ng mga bagay na ikinahihiya na ninyo ngayon? Sapagkat ang kinahantungan ng mga bagay na iyon ay kamatayan. 22 Ngunit ngayon na kayo ay pinalaya mula sa kasalanan at alipin na ng Diyos, nasa inyo ang inyong bunga para sa ikababanal. Ang kahihinatnan ay buhay na walang hanggan.

  7. 17 Italaga mo sila sa iyong sarili na nasa katotohanan; ang iyong salita ay katotohanan.

  8. 17 Ngayon ang Panginoon ay ang Espiritu. Kung nasaan ang Espiritu ng Panginoon, naroon ang kalayaan. 18 Ngayon tayong lahat na walang takip sa mga mukha ay makikita ang kaluwalhatian ng Panginoon. Binago tayo sa parehong larawan ng kaluwalhatian mula sa isang uri ng antas ng kaluwalhatian tungo sa isa pa, tulad ng mula sa Panginoon, na Espiritu.

  9. 25 Mga asawang lalaki ibigin ninyo ang inyong mga asawa katulad din ng pagmamahal ni Cristo sa Iglesia at ibinigay ang kaniyang sarili sa kanya. 26 Ginawa niya ito upang gawin siyang banal. Nilinis niya ito sa pamamagitan ng paghugas ng tubig sa salita. 27 Ginawa niya ito upang maiharap sa kaniya ang isang maluwalhati na Iglesia na walang dungis o kulubot o ano mang katulad nito, ngunit sa halip banal at walang kamalian.

    28 Gayon din naman, ang mga asawang lalaki ay kailangang mahalin ang kanilang sariling asawa katulad ng sarili nilang katawan. Ang nagmamahal sa kaniyang sariling asawa ay nagmamahal din sa Kaniyang sarili. 29 Walang tao ang nagagalit sa kaniyang sariling katawan. Sa halip, inaalagaan niya ito at minamahal katulad ng pagmamahal ni Cristo sa iglesia. 30 Sapagkat tayo ay mga bahagi ng kaniyang katawan.

  10. 23 Nawa ang Diyos ng kapayapaan ay gawin kayong ganap na banal. Nawa ang buo ninyong espiritu, kaluluwa, at katawan ay mailaan na walang bahid sa pagdating ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 24 Tapat ang tumawag sa inyo, at siya rin ang gagawa ng mga ito.

  11. 10 Mayroon tayong altar na kung saan ang mga naglilingkod sa tabernakulo ay walang karapatang kainin.

    11 Sapagkat ang dugo ng mga hayop, na inialay para sa ating mga kaslanan, ay dadalhin ng pinaka-punong pari sa banal na lugar, ngunit ang kanilang katawan ay susunugin sa labas ng kampo 12 Samakatuwid si Jesus ay nagdusa rin sa labas ng tarangkahan papasok ng lungsod upang ialay ang mga tao sa Diyos sa pamamagitan ng kaniyang sariling dugo. 13 Kaya tayo ay dapat lumapit sa kaniya sa labas ng kampo, dala ang kaniyang kahihiyan. 14 Dahil wala tayong nanatiling lungsod dito, sa halip hinahanap natin ang lungsod na darating.

    15 Sa pamamagitan ni Jesus dapat patuloy tayong mag-alay ng handog na papuri sa Dios, papuri na bunga ng ating mga labi na kumikilala sa kaniyang pangalan. 16 At huwag ninyong kalilimutang gumawa ng mabuti at tumulong sa bawat isa, sapagkat sa ganitong handog lubos na nalulugod ang Diyos.

  12. 1 Kaya hinihikayat ko kayo, mga kapatid, alang-alang sa habag ng Diyos, na ialay ninyo ang inyong mga katawan na isang buhay na alay, banal, katanggap-tanggap sa Diyos. Ito ang inyong nararapat na paglilingkod. 2 Huwag kayong umayon sa mundong ito, ngunit mag-iba kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip. Gawin ninyo ito upang malaman ninyo kung ano ang mabuti, katanggap-tanggap, at ganap na kalooban ng Diyos.

    3 Sapagkat, dahil sa biyayang ibinigay sa akin, sinasabi ko na ang bawat isa sa inyo ay huwag mag-isip na mas mataas ang inyong sarili kaysa sa nararapat ninyong isipin. Sa halip, dapat kayong mag-isip ng may karunungan, ayon sa sukat ng pananampalataya na ipinagkaloob ng Diyos sa bawat isa. 4 Sapagkat marami tayong bahagi sa iisang katawan, ngunit hindi lahat ng mga bahagi ay may pare-parehong tungkulin. 5 Gayon din naman, tayo na marami ay iisang katawan kay Cristo, at ang bawat isa ay bahagi ng isa't isa.

    6 Mayroon tayong iba't ibang kaloob ayon sa biyayang ibinigay sa atin. Kung ang kaloob ng isa ay paghahayag ng propesiya, gawin niya ito ayon sa sukat ng kaniyang pananampalataya.

  13. 26 Tumingin kayo sa pagkatawag ng Diyos sa inyo, mga kapatid. Iilan lamang ang marurunong sa inyo sa pamamagitan ng pamantayan ng tao. Iilan lamang ang makapangyarihan sa inyo. Iilan lamang ang may maharlikang kapanganakan sa inyo. 27 Ngunit pinili ng Diyos ang mga bagay na mangmang sa mundo upang hiyain ang mga marurunong. Pinili ng Diyos kung anong mahihina sa mundo upang hiyain ang malakas. 28 Pinili ng Diyos kung ano ang mabababa at hinamak sa mundo. Pinili nga niya ang mga bagay na itinuring na walang kabuluhan, upang mawalang kabuluhan ang mga bagay na pinanghahawakang mahalaga. 29 Ginawa niya ito upang walang sinuman ang may dahilan upang magyabang sa harapan niya.

    30 Dahil sa ginawa ng Diyos, kayo ngayon ay na kay Cristo Jesus na naging karunungan natin na mula sa Diyos. Siya ang ating naging katuwiran, kabanalan, at katubusan. 31 Kaya nga, gaya ng sinabi ng kasulatan, “Kung ang isa man ay magmamalaki, ipagmalaki niya ang Panginoon,”

  14. 14 Sikapin ang kapayapaan sa lahat ng mga tao, at gayundin ang kabanalan na kung wala ito walang makakakita sa Panginoon. 15 Maging maingat upang walang sinuman ang hindi maisama mula sa biyaya ng Diyos, at walang ugat ng kapaitan ang tumubo upang maging dahilan ng hindi pagkakaunawaan at mahawa ang marami.

  15. 19 Sa pamamagitan ng kautusan, namatay ako sa kautusan, upang maaari akong mabuhay para sa Diyos. 20 Naipako na ako sa krus kasama ni Cristo. Hindi na ako ang nabubuhay, ngunit si Cristo na ang nabubuhay sa akin, at ang buhay ngayon na aking ikinabubuhay sa laman, ay ikinabubuhay ko sa pamamagitan ng pananampalataya sa Anak ng Diyos, na nagmamahal sa akin at nagbigay ng kaniyang sarili para sa akin.

  16. 19 Ngayon ang mga gawa ng laman ay nakikita. Ang mga ito ay ang sekswal na imoralidad, kalaswaan, kahalayan, 20 pagsamba sa mga diyus- diyosan, pangkukulam, pagkapoot, pag-aalitan, paninibugho, silkbo ng galit, pagkakatunggali, pagtatalo, pagkakahiwahiwalay sa mga sekta, 21 pagka-inggit, paglalasing, kaguluhan ng dahil sa paglalasing, at iba pang mga katulad nito. Binabalaan ko kayo, tulad ng pagbabala ko sa inyo noon, na ang gumagawa ng mga ito ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.

    22 Subalit ang bunga ng Espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, katiyagaan, kabutihan, kabaitan, pananampalataya, 23 pagkamahinahon, at pagpipigil sa sarili. Walang batas laban sa mga ito.

    24 Sila na nakay Cristo Jesus ay ipinako ang laman na kasama ang silakbo nito at masamang mga pagnanasa. 25 Kung tayo ay nabubuhay sa pamamagitan ng Espiritu, tayo rin naman ay lumakad sa pamamagitan ng Espiritu. 26 Huwag tayong maging mapagpahalaga sa sarili, galitin ang isa't isa o mainggit sa isa't isa.

  17. 9 Gayon pa man, nakikita natin ang isa na ginawa sa maikling panahon, na mababa kaysa mga anghel— si Jesus, dahil sa kaniyang paghihirap at kamatayan ay kinoronahan ng kaluwalhatian at karangalan. Kaya ngayon sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos, naranasan ni Jesus ang kamatayan para sa bawat tao.

    10 Sapagkat nararapat na ang Diyos, dahil para sa kaniya at sa pamamagitan niya ay nagkaroon ng lahat ng mga bagay, sa pagdadala ng maraming mga anak tungo sa kaluwalhatian, ay gawing sakdal ang nagtatag ng kanilang kaligtasan sa pamamagitan ng pagdurusa. 11 Sapagkat parehong ang tagapaghandog at mga ihinahandog ay iisa lang ang pinanggalingan, ang Diyos. Dahil dito, ang tagapaghandog nila sa Diyos ay hindi nahihiyang tawagin silang mga kapatid.

  18. 1 Kung itinaas kayo ng Diyos na kasama ni Cristo, hanapin ninyo ang mga bagay na nasa itaas, kung saan nakaupo si Cristo sa kanang kamay ng Diyos. 2 Isipin ninyo ang tungkol sa mga bagay na nasa itaas, at hindi tungkol sa mga bagay sa lupa. 3 Sapagkat namatay kayo at itinago ang inyong buhay kasama ni Cristo sa Diyos. 4 Kapag nagpakita si Cristo na siya ninyong buhay, makikita rin kayong kasama niya sa kaluwalhatian.

    5 patayin ninyo ang mga bahagi na nasa mundo—pagnanasa sa laman, karumihan, matinding damdamin, masamang pagnanasa, at kasakiman, na pawang pagsamba sa diyus-diyosan. 6 Para sa mga bagay na ito kaya ang poot ng Diyos ay darating sa mga anak ng pagsuway. 7 Sa mga bagay na ito na minsan rin ninyong nilakaran ng namuhay kayo sa mga ito. 8 Ngunit ngayon dapat ninyong alisin ang lahat ng mga bagay na ito—poot, galit, mga masasamang layunin, mga pang-aalipusta at malaswang pananalita mula sa inyong bibig.

    9 Huwag kayong magsinungaling sa isa't isa, sapagkat hinubad na ninyo ang lumang pagkatao kasama ang mga kaugalian nito. 10 Isinuot na ninyo ang bagong pagkatao na binago sa kaalamang naaayon sa larawan ng lumikha sa kaniya.

  19. 19 Alang-alang sa kanila itinalaga ko ang aking sarili sa iyo ng sa gayon sila din ay maitalaga sa iyo sa katotohanan.

  20. 26 Sa ganoon paraan, tumutulong din ang Espiritu sa ating kahinaan. Sapagkat hindi natin alam kung paano tayo dapat manalangin, ngunit ang Espiritu mismo ang namamagitan sa atin ng mga daing na hindi maipahayag na mga daing. 27 Ang sumisiyasat ng mga puso ay alam ang kaisipan ng Espiritu, dahil namamagitan siya para sa mga mananampalataya ayon sa kalooban ng Diyos.

    28 Nalalaman natin na sa mga nagmamahal sa Diyos, sa lahat ng bagay gumagawa siya para sa ikabubuti, ng mga tinawag ayon sa kaniyang layunin. 29 Dahil ang mga kilala na niya noong una pa man, ay itinalaga din niya na matulad sa imahe ng kaniyang Anak, upang siya ang maging panganay sa maraming magkakapatid. 30 Ang kaniyang mga itinalaga, sila rin ang kaniyang mga tinawag. Ang kaniyang mga tinawag, sila rin ang kaniyang mga pinawalang-sala. Ang kaniyang mga pinawalang-sala, kaniya ring niluwalhati.

  21. 19 Gayunman, nakatayo ang matibay na pundasyong itinatag ng Diyos. Mayroon itong tatak na ganito: “Nakikilala ng Panginoon kung sino ang mga kaniya” at “Bawat isang tumatawag sa pangalan ng Panginoon ay dapat lumayo sa kasamaan” 20 Sa mayamang tahanan, hindi lamang lalagyang yari sa ginto at pilak ang naroon. May mga lalagyan ding yari sa kahoy at putik. Ang ilan sa mga ito ay ginagamit sa marangal ngunit ang ilan ay sa hindi marangal. 21 Kung sinuman ang maglinis ng kaniyang sarili mula sa hindi marangal na pagkakagamit, siya ay isang marangal na lalagyan. Siya ay ibinukod, kagamit-gamit sa kaniyang Panginoon, at inihanda para sa bawat mabuting gawain.

    22 Lumayo sa mga makalamang pagnanasa ng kabataan. Pagsikapan na matamo ang katuwiran, pananampalataya, pag-ibig, at kapayapaan kasama ang mga tumatawag sa Panginoon mula sa malinis na puso.

  22. 5 Ito ang mensahe na aming narinig mula sa kanya at ipinapahayag sa inyo: Ang Diyos ay liwanag at sa kanya'y walang kadiliman ang lahat. 6 Kung sinasabi natin na tayo ay mayroong pakikisama sa Kanya at lumalakad sa kadiliman, tayo ay nagsisinungaling at hindi isinasagawa ang katotohanan. 7 Pero kung tayo'y lumalakad sa liwanag katulad niyang nasa liwanag, meron tayong pakikisama sa isa't isa at ang dugo ni Jesus na kanyang Anak ay naglilinis sa atin mula sa lahat ng kasalanan.

    8 Kung sinasabi natin na wala tayong kasalanan, niloloko natin ang ating mga sarili at ang katotohanan ay wala sa atin. 9 Pero kung tayo ay umamin sa ating mga kasalanan, siya ay matapat at matuwid na patawarin tayo sa ating mga kasalanan at linisin tayo mula sa lahat ng kasamaan. 10 Kapag sinabi natin na hindi tayo nagkasala, ginawa natin siyang isang sinungaling, at ang kanyang salita ay wala sa atin.

  23. 1 Mga minamahal, dahil mayroon tayo ng mga pangakong ito, linisin natin ang ating mga sarili mula sa lahat ng bagay na nagpaparumi sa ating katawan at espiritu. Sikapin nating maging banal sa pagkatakot sa Diyos.

  24. 9 Subalit kayo ay piniling lahi, isang grupo ng maharlikang mga pari, isang banal na bayan, mga taong pag-aari ng Diyos, upang maihayag ninyo ang mga kamangha-manghang ginawa ng tumawag sa inyo mula sa kadiliman patungo sa kaniyang kamangha-manghang kaliwanagan. 10 Dati, hindi kayo isang bayan, pero ngayon, kayo ay bayan na ng Diyos. Hindi kayo tumanggap ng kahabagan, pero ngayon, tumanggap kayo ng kahabagan.

    11 Mga minamahal, tinawag ko kayong mga dayuhan at manlalakbay upang umiwas kayo sa masasamang pagnanasa na nakikipagdigma sa inyong kaluluwa. 12 Dapat kayong magkaroon ng mabuting pamumuhay sa gitna ng mga Gentil, sa gayon, kung magsasalita sila patungkol sa inyo bilang gumagawa ng masasamang bagay, mapagmasdan nila ang inyong mabubuting ginagawa at papurihan nila ang Diyos sa araw ng kaniyang pagdating.

  25. 1 Masdan kung anong uri ng pag-ibig ng Ama ang ibinigay sa atin, na tayo ay nararapat tawaging mga anak ng Diyos, at ito ang kung ano tayo. Sa dahilang ito, hindi tayo kilala ng mundo dahil hindi siya kilala nito. 2 Mga minamahal, ngayon tayo ay mga anak ng Diyos, at hindi pa naipahayag kung magiging ano tayo. Alam natin na kapag magpakita si Cristo, tayo ay magiging katulad niya, dahil makikita natin siya bilang siya. 3 At bawat isa na may ganitong pagtitiwala tungkol sa hinaharap na nakatuon sa kanya ay dinadalisay ang kanyang sarili tulad ng siya ay dalisay.

  26. 10 Sapagkat tayo ay ginawa ng Diyos, nilikha kay Cristo Jesus upang gumawa ng mga mabubuting gawa. Ito ang mga gawa na matagal ng binalak ng Diyos para sa atin, upang makalakad tayo sa mga ito.

  27. 12 Kaya, mga minamahal ko, tulad ng inyong palaging pagsunod, hindi lamang sa panahong kasama ninyo ako, ngunit mas higit pa ngayong hindi ninyo ako kasama, pagsikapan ninyo ang inyong kaligtasan nang may takot at panginginig. 13 Sapagkat ang Diyos na parehong kumikilos sa inyo upang naisin at gawin ninyo ang ipinagagawa niya alang-alang sa kaniyang ikasisiya.

  28. 13 Kaya't bigkisan ninyo ang baywang ng inyong kaisipan. Maging mahinahon kayo sa inyong pag-iisip. Magkaroon kayo ng buong kapanatagan sa biyaya na dadalhin sa inyo sa kapahayagan ni Jesu Cristo. 14 Tulad ng masunuring mga anak, huwag ninyong i-ayon ang inyong mga sarili sa mga pagnanasa na inyong sinunod noong wala pa kayong kaalaman. 15 Dahil gaya ng ang tumawag sa inyo ay banal, kayo rin, at magpakabanal sa lahat ng inyong ginagawa sa buhay. 16 Sapagkat nasusulat, “Magpakabanal kayo, sapagkat ako ay banal.”

  29. 32 At ngayon ipinagkatiwala ko kayo sa Diyos, at sa salita ng kaniyang biyaya, na makapagpapatibay at magbigay sa inyo ng mana kasama sa lahat ng mga taong nakalaan sa Diyos.

  30. 16 Sinasabi ko na, lumakad kayo sa Espiritu, at hindi ninyo matutupad ang hilig ng laman. 17 Sapagkat malakas ang nasa ng laman laban sa Espiritu, at ang Espiritu ay may malakas na nasa laban sa laman. Sapagkat ang mga ito ay laban sa isa't isa. Ang kinahinatnan ay hindi ninyo ginawa ang mga bagay ninais ninyong gawin.

  31. 17 Kaya, sinasabi ko ito, at pinapayuhan ko kayo sa Panginoon: huwag na kayong lumakad na katulad ng mga Gentil na lumalakad sa karumihan ng kanilang mga isipan. 18 Masama ang kanilang pag-iisip. Napalayo sila sa buhay na nasa Diyos dahil sa kamangmangan na nasa kanila dahil sa pagmamatigas ng kanilang mga puso. 19 Hindi sila nakakaramdam ng kahihiyan. Ibinigay nila ang kanilang mga sarili sa kahalayan sa malalaswang mga gawa, sa lahat ng uri ng kalabisan.

    20 Ngunit hindi ganito ang natutunan ninyo patungkol kay Cristo. 21 Iniisip kong narinig na ninyo ang patungkol sa kaniya. Iniisip kong naturuan na kayo patungkol sa kaniya, dahil na kay Jesus ang katotohanan. 22 Dapat ninyong hubarin ang naaayon sa dati ninyong gawain, ang dating pagkatao. Ito ay ang dating pagkatao na nabubulok dahil sa mapanlinlang na pagnanasa. 23 Hubarin ninyo ang dating pagkatao upang mabago ang espiritu ng inyong pag-iisip. 24 Gawin ninyo ito upang maisuot ninyo ang bagong pagkatao, na naaayon sa Diyos. Nilikha ito sa katuwiran at kabanalan ng katotohanan.

  32. 43 Inyong narinig na sinabing, 'Mahalin ninyo ang inyong kapwa at kamuhian ang inyong kaaway.' 44 Ngunit sinasabi ko sa inyo, mahalin ninyo ang inyong mga kaaway at ipanalangin ang mga umuusig sa inyo, 45 upang magiging mga anak kayo ng inyong Amang nasa langit, sapagkat pinasisikat niya ang kaniyang araw sa mga masama at mabuti at kaniyang ipinadadala ang ulan sa mga matutuwid at sa mga hindi matutuwid. 46 Sapagkat kung mamahalin ninyo lamang ang mga nagmamahal sa inyo, anong gantimpala ang inyong makakamit? Hindi ba't ganiyan din ang ginagawa ng mga maniningil ng buwis? 47 At kung ang mga kapatid ninyo lamang ang inyong babatiin, ano ang ginawa ninyo na higit sa iba? Hindi ba't ganiyan din ang ginagawa ng mga Gentil?

    48 Kaya dapat kayong maging ganap sapagkat ang inyong Amang nasa langit ay ganap.

  33. 13 Sapagkat kung ang dugo ng mga kambing at mga toro at ang pagwiwisik ng mga abo sa mga taong may dungis ay naghahandog sa kanila sa Diyos at ginagawang malinis ang kanilang katawan, 14 gaano pa kaya ang dugo ni Cristo, na sa pamamagitan ng walang hanggang Espiritu ay inialay ang kaniyang sarili na walang dungis sa Diyos, na luminis sa ating budhi mula sa mga gawang patay upang makapaglingkod sa Diyos na buhay?

  34. 24 Kaya isaalang-alang natin kung paano pasisiglahin ang isa't- isa sa pag-ibig at sa mga mabubuting gawa. 25 Huwag tayong tumigil sa pagtitipon-tipon ng magkakasama, katulad ng ginawa ng ilan. Sa halip, palakasin pa natin ng higit ang isa't isa, ngayong nakikita ninyo na nalalapit na ang araw.

    26 Sapagkat kung ating sasadyain ang paggawa ng kasalanan pagkatapos nating malaman ang kaalaman sa katotohanan, ang handog para sa kasalanan ay hindi na umiiral. 27 Sa halip, mayroon lamang tiyak na inaasahang nakakatakot na hatol at nagngangalit na apoy na tutupok sa mga kaaway ng Diyos. 28 Sinuman na lumabag sa kautusan ni Moises ay mamamatay ng walang awa sa patunay ng dalawa o tatlong saksi. 29 Gaano pa kaya kabigat na parusa sa akala ninyo ang nararapat sa taong yumurak sa Anak ng Diyos, sinumang magturing sa dugo ng tipan na hindi banal, ang dugo na kaniyang inihandog sa Diyos—sinuman na humamak sa Biyaya ng Espiritu 30 Sapagkat kilala natin ang nagsabi nito, “Akin ang paghihiganti at ako ang maniningil.” At muli, “Hahatulan ng Panginoon ang kaniyang mga tao.” 31 Nakakatakot nga ang mahulog sa mga kamay ng buhay na Diyos!

  35. 1 Kaya’t ang kalangitan at ang mundo ay natapos, at ang lahat ng buhay na mga bagay na pumuno sa kanila. 2 Sa ikapitong araw dumating ang Diyos sa pagtatapos ng gawain na kanyang ginawa, at siya ay nagpahinga sa ikapitong araw mula sa lahat niyang gawain.

    3 Pinagpala ng Diyos ang ikapitong araw at ginawang banal ito, dahil doon siya nagpahinga mula sa lahat ng gawain na kanyang nagawa sa kanyang paglikha.

  36. 1 Kaya tularan ninyo ang Diyos, bilang kaniyang mga minamahal na anak. 2 At lumakad sa pag-ibig, katulad ng pagmamahal ni Cristo sa atin at pagbigay ng kaniyang sarili sa atin. Siya ay naging alay at handog na naging kalugod-lugod sa Diyos.

  37. 21 At kayo rin, sa isang pagkakataon ay mga taong hindi kilala ng Diyos, at mga kaaway niya sa kaisipan at masasamang mga gawa. 22 Ngunit pinagkasundo niya kayo ngayon sa kaniyang lupang katawan sa pamamagitan ng kamatayan. Ginawa niya ito upang iharap kayong banal, walang kapintasan at walang dungis sa kaniyang harapan, 23 kung kayo ay nagpapatuloy sa pananampalataya, matatag at matibay, hindi napapakilos palayo mula sa tiyak na inaasahan ng ebanghelyo na inyong narinig. Ito ang ebanghelyo na naipahayag sa bawat tao sa ilalim ng langit. Ito ang ebanghelyo kung saan, akong si Pablo ay naging isang lingkod.

  38. 15 Hayaang maghari sa inyong mga puso ang kapayapaan ni Cristo. Para sa kapayapaang ito kaya tinawag kayo sa iisang katawan. Maging mapagpasalamat kayo.

    16 Hayaang mamuhay ang salita ni Cristo ng masagana sa inyo. Buong karunungang turuan at pagsabihan ninyo ang isa't isa sa pamamagitan ng salmo at himno, at mga awiting espiritwal. Umawit kayo ng may pasasalamat sa inyong mga puso para sa Diyos. 17 At anuman ang inyong ginagawa sa salita man o sa gawa, gawin ninyo ang lahat sa pangalan ng Panginoong Jesus. Magpasalamat sa Diyos Ama sa pamamagitan niya.

  39. 13 Sa dahilang ito kami rin ay walang tigil na nagpapasalamat sa Diyos. Sapagkat nang inyong natanggap mula sa amin ang mensahe ng Diyos na inyong napakinggan, ito ay inyong tinanggap hindi bilang salita ng tao. Sa halip, tinanggap ninyo itong totoo, ang salita ng Diyos. Ito rin ang salita na gumagawa sa inyo na sumasampalataya.

  40. 7 Kaya ialay ninyo ang inyong mga sarili kay Yahweh at maging banal, dahil ako si Yahweh ang inyong Diyos. 8 Dapat ninyong sundin ang aking mga utos at isagawa ang mga ito. Ako si Yahweh, na siyang nagtatalaga sa inyo para sa aking sarili.

  41. 25 Pagkatapos ay wiwisikan ko kayo ng dalisay na tubig upang maging dalisay kayo mula sa lahat ng inyong karumihan. At dadalisayin ko kayo mula sa lahat ng inyong mga diyus-diyosan. 26 Bibigyan ko kayo ng isang bagong puso at isang bagong espiritu sa mga kaloob-loobang bahagi ninyo, at aalisin ko ang pusong bato mula sa inyong laman. Sapagkat bibigyan ko kayo ng isang pusong laman. 27 Ilalagay ko ang aking Espiritu sa inyo at palalakarin ko kayo sa aking mga kautusan at inyong iingatan ang aking mga utos, upang magawa ninyo ang mga ito.

  42. 20 Sapagkat ako ay nangangamba na baka hindi ko makita sa inyo ang aking inaasahan. Ako ay nangangamba na baka hindi niyo makita sa akin ang inyong inaasahan. Ako ay nangangamba na baka mayroong pagtatalo, pagkainggit, pagsilakbo ng galit, makasariling hangarin, usap-usapan, pagmamataas at kaguluhan. 21 Ako ay nangangamba na sa aking pagbalik, ibaba ako ng aking Diyos sa inyong harapan. Ako ay nangangamba na baka ako ay magdalamhati dahil sa maraming nagkasala noon, at sa mga hindi nagsisi mula sa karumihan at pangangalunya at kahalayan na kanilang nakaugalian.

  43. 1 Ngayon maliwanag na sinasabi ng Espiritu na sa mga huling panahon may mga taong tatalikod sa pananampalataya at sila ay makikinig sa mga mandarayang espiritu at sa mga katuruan ng mga demonyo 2 sa kasinungalingan at pagpapaimbabaw. Ang kanilang mga budhi ay mamarkahan.

    3 Ipagbabawal nila ang pag-aasawa at pagtanggap ng mga pagkaing nilikha ng Diyos upang ipamahagi ng mga mananampalataya at nakakaalam ng katotohanan. 4 Sapagkat lahat ng mga bagay na nilikha ng Diyos ay mabuti. Walang anuman na tinatanggap natin nang may pasasalamat ang dapat na tanggihan. 5 Sapagkat inihahandog ito sa pamamagitan ng salita ng Diyos at panalangin.

  44. 4 Ngunit kapag ang kabutihan at pagmamahal ng ating Diyos na tagapagligtas ay nalantad sa sangkatauhan, 5 eto ay hindi sa pamamagitan na ating makatuwirang mga nagawa, kundi dahil sa kanyang habag kaya tayo ay naligtas. Niligtas nya tayo sa pamamagitan ng paghuhugas ng bagong kapanganakan at pagpapabago sa pamamagitan ng Banal na Espirito. 6 Masaganang binuhos ng Panginoon sa atin ang Banal na Espirito sa pamamagitan ng ating Tagapagligtas na si Jesu Cristo. 7 Ginawa Nya ito, upang, ang mga pinawalang sala sa pamamagitan ng kanyang biyaya, tayo'y maaring maging kabahagi sa kasiguraduhan ng buhay na walang hanggan.

  45. 44 Dahil ako si Yahweh na inyong Diyos. Samakatuwid ialay ang inyong sarili sa akin at magpakabanal dahil ako ay banal. Hindi ninyo dapat dungisan ang inyong sarili sa anumang uri ng hayop na gumagalaw sa lupa. 45 Dahil ako si Yahweh, na naglabas sa inyo mula sa lupain ng Ehipto, para maging inyong Diyos. Samakatuwid dapat kayong maging banal, dahil ako ay banal.

  46. 4 Dumating sa akin ang salita ni Yahweh na nagsasabi, 5 “Bago kita binuo sa sinapupunan, pinili na kita. Bago ka ipanganak, itinalaga na kita. Ginawa kitang propeta sa mga bansa.”

  47. 17 Sapagkat kung sinuman ang kay Cristo, siya ay isang bagong nilalang. Ang luma ay lumipas na. Tingnan, sila ay naging bago na.

  48. 12 Samakatuwid huwag ninyong hayaan na pagharian ng kasalanan ang inyong mga namamatay na katawan upang inyong sundin ang mga pagnanasa nito. 13 Huwag ninyong ihandog ang mga bahagi ng inyong katawan sa kasalanan bilang kasangkapan para sa kasamaan, ngunit ihandog ninyo ang inyong mga sarili sa Diyos, na buhay mula sa patay. At ihandog ninyo ang mga bahagi ng inyong katawan bilang kasangkapan ng katuwiran para sa Diyos.

  49. 13 Sapagkat kung mabubuhay kayo ayon sa laman, kayo ay mamamatay, ngunit kung sa pamamagitan ng Espiritu inyong pinatay ang mga gawain ng inyong katawan, kayo ay mabubuhay.

  50. 17 Kung sinuman ang wawasak sa templo ng Diyos, sisirain din ng Diyos ang taong iyon. Sapagkat ang templo ng Diyos ay banal at maging kayo.

  51. 13 Dahil kay Cristo kaya napakinggan din ninyo ang salita ng katotohanan, ang ebanghelyo ng inyong kaligtasan sa pamamagitan ni Cristo. Dahil sa kaniya kayo rin ay nanampalataya at tinatakan sa pinangakong Banal na Espiritu. 14 Ang Espiritu ang katibayan ng ating pamana hanggang sa makamtan ang pangako. Para ito sa ikapupuri ng kaniyang kaluwalhatian.

  52. 12 Hindi totoo na natanggap ko na ang mga bagay na ito, o ako ay naging isang ganap. Ngunit nagsumikap ako upang aking matanggap ang anumang natanggap ko sa pamamagitan ni Cristo Jesus. 13 Mga kapatid, hindi ko iniisip na natanggap ko na ito. Ngunit mayroong isang bagay, kinakalimutan ko kung ano ang nakalipas at pinagsisikapan ko kung ano ang nasa hinaharap. 14 Nagpatuloy ako sa layunin upang makamit ang gantimpala ng pagkatawag ng Diyos, kay Cristo Jesus.

    15 Lahat tayong mga matatag na, mag-isip tayo sa ganitong paraan. At kung iba ang paraan ng inyong pag-iisip tungkol sa anumang bagay, ipahahayag din iyon ng Diyos sa inyo.

  53. 18 Ngunit, lumago kayo sa biyaya at kaalaman ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo. Sa kaniya ang kaluwalhatian ngayon at magpakailanman. Amen!

  54. 8 Dapat mo siyang ihandog sapagkat nag-aalay siya ng “pagkain” mula sa inyong Diyos. Dapat siyang maging banal sa iyong paningin, dahil Ako, si Yahweh, na siyang naghandog sa inyo sa aking sarili, ay banal din.

  55. 6 Nalalaman natin ito, na ang dati nating pagkatao ay ipinako sa krus kasama niya, upang sa gayon ay masira ang ating katawang makasalanan. Nangyari ito upang hindi na tayo maging alipin pa ng kasalanan.

  56. 18 Huwag ninyong dayain ang inyong mga sarili. Kung ang sinuman sa inyo ay nag-iisip na siya ay marunong sa panahong ito, hayaan siyang maging “mangmang” upang magtamo siya ng karunungan.

  57. 14 Huwag kayong makikipag-isa sa mga hindi mananampalataya. Ano ang kaugnayan ng katuwiran sa kasamaan? At anong kaugnayan mayroon ang ilaw sa kadiliman? 15 Anong kasunduan mayroon si Cristo kay Belial? O anong kabahagi mayroon ang mga mananampalataya sa mga hindi mananampalataya? 16 At anong kasunduan mayroon sa pagitan ng templo ng Diyos at sa mga diyus-diyosan? Sapagkat tayo ang templo ng buhay na Diyos, katulad ng sinabi ng Diyos: “Ako ay mananahan sa kanila at lalakad kasama nila. Ako ang magiging Diyos nila at sila ay magiging bayan ko.” 17 Kaya, “Lumabas kayo mula sa kanilang kalagitnaan, at maihiwalay kayo,” sabi ng Panginoon. “Huwag humawak ng anumang maruming bagay, at tatanggapin ko kayo.

    18 Ako ay magiging Ama sa inyo, at kayo ay magiging aking mga anak na lalaki at babae,” sabi ng Panginoong Makapangyarihan.

  58. 6 Nagtitiwala ako sa bagay na ito, na ang nagsimula ng mabuting gawain sa inyo ay ipagpapatuloy na tapusin ito hanggang sa araw ni Jesu-Cristo.

  59. 14 Pagkatapos bumaba si Moises mula sa bundok patungo sa mga tao. Inihandog niya ang mga tao kay Yahweh, at hinugasan nila ang kanilang mga damit.

  60. 6 Nagtataka ako na kayo ay mabilis na bumabaling sa ibang ebanghelyo. Nagtataka ako na tumatalikod kayo sa kaniya na tumawag sa inyo sa pamamagitan ng biyaya ni Cristo. 7 Walang ibang ebanghelyo, ngunit may ilang mga tao na ginugulo kayo at gustong ibahin ang ebanghelyo ni Cristo.

    8 Ngunit kahit kami o isang anghel mula sa langit ang magpahayag sa inyo ng ebanghelyo na iba sa ipinahayag namin sa inyo, dapat siyang sumpain. 9 Katulad ng sinabi namin noon, ngayon sasabihin ko muli, “Kung may magpahayag sa inyo ng ibang ebanghelyo maliban sa ebanghelyong tinanggap ninyo, dapat siyang sumpain.”

  61. 1 Kaya, bilang bilanggo sa Panginoon, nakikiusap ako sa inyo na lumakad kayo ng karapat-dapat sa pagkatawag sa inyo ng Diyos. 2 Mamuhay kayo nang may buong pagpapakumbaba at pagkamahinahon at katiyagaan. Tanggapin ninyo nang may pagmamahal ang bawat isa. 3 Pagsikapan ninyong manatili ang pagkakaisa sa Espiritu sa bigkis ng kapayapaan.

    4 May iisang katawan at iisang Espiritu, katulad din nang pagtawag sa inyo sa iisang pananalig na inaasahan ng iyong pagkatawag. 5 At may iisang Panginoon, iisang pananampalataya, iisang bautismo, 6 at iisang Diyos at Ama ng lahat. Siya ay higit sa lahat at kumikilos sa lahat at nananatili sa lahat.

    7 Binigyan ang bawat-isa sa atin ng kaloob ayon sa sukat ng kaloob ni Cristo.

  62. 28 At malalaman ng mga bansa na ako si Yahweh, na siyang nagtatalaga sa Israel sa aking sarili, kapag ang aking banal na lugar ay nasa kanilang kalagitnaan magpakailanman!”'

  63. 19 Kayong mga bulag, alin ba ang mas mahalaga, ang kaloob o ang altar kung saan iniaalay ang kaloob sa Diyos?

  64. 18 At ang iba naman ay naihasik sa tinikan. Narinig nila ang salita at tinanggap ito, 19 ngunit ang mga alalahanin sa mundo, ang pandaraya ng kayamanan at ang pagnanasa sa iba pang mga bagay ay pumasok at nasakal ang salita, at ito ay hindi nakapamunga.

  65. 1 Ako ang tunay na puno ng ubas at ang aking Ama ang tagapag-alaga ng ubasan. 2 Inaalis niya sa akin ang bawat sanga na hindi nagbubunga, at nililinis niya ang bawat sanga na nagbubunga upang ito ay lalong mamunga ng higit pa. 3 Kayo ay malinis na dahil sa mensahe na sinabi ko sa inyo. 4 Manatili kayo sa akin at ako sa inyo. Katulad ng sanga na hindi maaring magbunga sa kaniyang sarili, maliban na ito ay nananatili sa puno, kaya hindi rin kayo maaring magbunga, maliban kung kayo ay mananatili sa akin.

  66. 11 Sa ganoon ding paraan, kinakailangan din ninyong ituring ang inyong mga sarili na patay sa kasalanan, ngunit buhay sa Diyos kay Cristo Jesus.

  67. 6 Ngayon ang mga bagay na ito ay mga halimbawa para sa atin, upang tayo ay hindi manabik sa mga masasamang bagay na gaya ng kanilang ginawa. 7 Huwag kayong maging mapagsamba sa mga diyus-diyosan, na tulad ng ilan sa kanila. Ito ay gaya ng nasusulat, “Ang mga tao ay umupo upang kumain at uminom, at tumayo upang sumayaw ng may sekswal na pagnanasa.” 8 Huwag tayong gumawa ng sekswal na imoralidad, na gaya ng ginawa ng karamihan sa kanila. Dalawampu't tatlong libo ang namatay sa isang araw dahil dito.

  68. 7 Maganda ang pagtakbo ninyo noon. Sino ang pumipigil sa inyo sa pagtupad sa katotohanan? 8 Ang paghikayat na gawin iyan ay hindi galing sa kaniya na tumawag sa inyo. 9 Ang kaunting lebadura ay nakakaapekto sa buong minasang harina.

  69. 16 Ngayon, nawa ang ating Panginoong Jesu-Cristo mismo, at ang ating Diyos Ama na nagmamahal sa atin at nagbigay sa atin ng walang hanggang kaaliwan at mabuting pag-asa sa hinaharap sa pamamagitan ng biyaya, 17 ang mag-aliw at magpatatag ng inyong mga puso para sa mabuting gawa at salita.

  70. 18 Ibinibigay ko ang utos na ito sa iyo, Timoteo, na aking anak. Ginagawa ko ito ayon sa propesiya na nasabi tungkol sa iyo noon, upang ikaw ay makipaglaban sa mabuting pakikipaglaban. 19 Gawin mo ito para magkaroon ka ng pananampalataya at isang mabuting budhi. Binalewala ito ng ilang mga tao at natulad sa pagkawasak ng barko ang kanilang pananampalataya. 20 Tulad nina Himeneo at Alejandro, na ibinigay ko kay Satanas upang matuto silang hindi lumapastangan.

  71. 11 Ngunit ikaw, na lingkod ng Diyos, layuan mo ang mga bagay na ito. Sikapin mo ang katuwiran, pagiging maka-diyos, katapatan, pag-ibig, pagtitiis, at kahinahunan, 12 Lumaban ka ng mabuting pakikipaglaban sa pananampalataya. Panghawakan mo ang buhay na walang hanggan kung saan ka tinawag. Tungkol dito nagpatotoo ka sa harap ng maraming mga saksi kung ano ang mabuti.

  72. 1 Kaya isantabi ninyo ang lahat ng kasamaan, panlilinlang, pagpapa-imbabaw, pagka-inggit, at paninirang-puri. 2 Katulad ng bagong silang na sanggol, naisin ninyo ang purong gatas na espiritwal, upang kayo ay lumago sa kaligtasan sa pamamagitan nito, 3 kung naranasan niyo na mabuti ang Panginoon.

  73. 8 Maging handa at mapagmatyag kayo. Ang inyong kaaway, ang diyablo, tulad ng isang umaatungal na leon, ay naglilibot at naghahanap ng kaniyang sasakmalin. 9 Tumindig kayo laban sa kaniya. Magpakatatag kayo sa inyong pananampalataya. Tandaan ninyo na ang inyong mga kapatid na nasa mundong ito ay nagtitiis ng kaparehas na pagdurusa.

  74. 12 Ngunit ang mga walang isip na mga hayop na ito ay likas na ginawa para hulihin at wasakin. Hindi nila alam kung ano ang kanilang inaalipusta. Sila ay mawawasak. 13 Sila ay masasaktan sa gantimpala ng kanilang mga maling gawain. Namumuhay sila sa kasiyahan sa araw. Sila ay mga dumi at bahid. Nagsasaya sila sa kanilang mga mapanlinlang na kasiyahan habang sila ay nakikipagdiwang sa inyo. 14 May mga mata sila na puno ng mga mapangalunyang babae; hindi sila kailanman nakuntento sa pagkakasala. Inuudyukan nila ang mga mahihinang kaluluwa sa pagkakamali at ang kanilang puso ay sinanay sa pag-iimbot, mga batang isinumpa.

    15 Kanilang iniwan ang tamang daan. Naligaw sila at sinunod ang daan ni Balaam na anak ni Beor na nagnais na tumanggap ng kabayaran sa kawalang-katuwiran. 16 Ngunit siya ay sinaway dahil sa kaniyang paglabag. Isang asno ang nagsalita sa tinig ng tao ang siyang tumapos sa kahibangan ng propeta.

    17 Ang mga taong ito ay katulad ng mga bukal na walang tubig. Katulad sila ng mga ulap na tinatangay ng bagyo. May makapal na kadiliman ang sa kanila ay naghihintay. 18 Nagsasalita sila ng mga bagay na pawang walang kabuluhan at kayabangan lamang. Inuudyukan nila ang mga tao sa pamamagitan ng pita ng laman. Inuudyukan nila ang mga taong sumusubok na tumakas mula sa maling pamumuhay. 19 Nangangako sila ng kalayaan sa kanila ngunit sila ma'y alipin ng kasamaan. Sapagkat ang isang tao ay alipin ng kahit anong dumadaig sa kaniya.

    20 Sino mang makatakas sa karumihan ng mundo sa pamamagitan ng kaalaman ng Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo at bumalik muli sa ganoong karumihan, sila ay naging mas malala pa kaysa noong una. 21 Mas mabuti pang hindi nila nalaman ang daan ng katuwiran kaysa malaman ito at pagkatapos ay tumalikod sa banal na kautusang ibinigay sa kanila. 22 Ang kawikaang ito ay totoo para sa kanila: “Ang aso ay bumabalik sa sariling suka nito. Ang bagong paligong baboy ay bumabalik sa putik.”

  75. 10 Gayunpaman, ang araw ng Panginoon ay darating na parang isang magnanakaw, ang mga langit ay mawawala kasabay ng malakas na ingay. Ang mga bagay ay masusunog sa apoy, at ang lupa at ang mga gawa dito ay maihahayag.

    11 Yaman lamang na ang lahat ng mga bagay na ito ay mawawala sa ganitong kaparaanan, anong uri ng tao kayo dapat maging? Dapat kayong mamuhay na banal at maka-Diyos. 12 Inyo ngang asahan at magmadali patungo sa pagdating ng araw ng Diyos. Sa araw na iyon, ang langit ay magugunaw sa pamamagitan ng apoy, at ang mga bahagi nito ay matutunaw sa pamamagitan ng sobrang init. 13 Ngunit ayon sa kaniyang pangako, ating hintayin ang bagong mga langit at ang bagong lupa, kung saan ang mga katuwiran ay mananahan.

    14 Kaya nga, mga minamahal, yaman din lamang na inaasahan ninyo ang mga bagay na ito, sikapin ninyong gawin ang lahat na kayo ay matagpuang walang bahid, at walang kapintasan upang makatagpo ng kapayapaan sa kaniya,

  76. 16 Pagkat ang lahat ng nasa sa mundo - ang kahalayan ng laman, ang kahalayan ng mata, at ang kahambugan sa buhay - ay hindi sa Ama pero sa mundo. 17 Ang mundo at ang pagnanasa nito ay lumilipas. Pero ang sinumang gumagawa ng kalooban ng Diyos ay mananatili magpakailanman.

  77. 23 Siyasatin mo ako, O Diyos, at kilalanin mo ang aking puso; subukin mo ako at alamin ang aking saloobin. 24 Tingnan mo kung mayroong masamang paraan sa akin, at pangunahan mo ako sa daan ng walang hanggan.

  78. 17 Kayong mga hangal na bulag, alin ba ang mas mahalaga, ang ginto o ang templo kung saan iniaalay ang ginto sa Diyos?

  79. 12 Ngunit sa iba ay sinasabi ko—ako, at hindi ang Panginoon—na kung may kapatid na lalaki na may asawang hindi mananampalataya, at kung ang babae ay kuntento naman sa pakikisama sa kaniya, huwag niya itong hihiwalayan. 13 Kung ang babae ay may asawang hindi mananampalataya at kung ang lalake ay kuntento naman sa pakikisama sa kaniya, huwag niya itong hihiwalayan. 14 Sapagkat ang asawang lalaki na hindi mananampalataya ay naibukod na dahil sa kaniyang mananampalatayang asawa, at ang babae na hindi mananampalataya ay naibukod na rin dahil sa kaniyang asawang mananampalataya. Kung hindi, ang inyong mga anak ay hindi malilinis, ngunit sa katotohanan sila ay naibukod na.

  80. 5 Sapagkat kayong lahat ay mga anak ng liwanag at mga anak ng umaga. Hindi tayo mga anak ng gabi o ng kadiliman. 6 Kaya nga, huwag tayong matulog gaya ng ginagawa ng karamihan. Sa halip, magbantay tayo at maging malinaw ang ating pag-iisip. 7 Sapagkat ang mga natutulog, sa gabi natutulog, at ang mga naglalasing, sa gabi naglalasing. 8 Ngunit dahil tayo ay mga anak ng umaga, manatili tayong malinaw ang pag-iisip. Isuot natin ang baluti ng pananampalataya at pag-ibig, at ang helmet, na siyang katiyakan sa hinaharap na kaligtasan.

    9 Sapagkat hindi tayo itinalaga ng Diyos para sa poot, kundi upang matamo ang kaligtasan sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 10 Siya ang namatay para sa atin, nang sa gayon, gising man tayo o natutulog, mabubuhay tayong kasama niya.

  81. 11 Dapat matuto ang babae ng may pananahimik at nang buong pagpapasakop. 12 Hindi ko pinahihintulutan ang isang babae na magturo o pamahalaan ang isang lalaki ngunit mamuhay sa katahimikan. 13 Sapagkat unang nilikha si Adan bago si Eba. 14 At si Adan ay hindi nalinlang, ngunit lubos na nadaya ang babae sa pagsuway. 15 Gayunman, maliligtas siya sa pamamagitan ng panganganak, kung sila ay magpapatuloy sa pananampalataya, sa pag-ibig at kabanalan na may mahinahon na kaisipan.

  82. 15 Sa halip, ibukod-tangi niyo ang Panginoong Cristo sa inyong mga puso bilang banal. Lagi kayong maging handa na sagutin ang bawat nagtatanong sa inyo kung bakit mayroon kayong pagtitiwala sa Diyos. Gawin ninyo ito nang may kahinahunan at paggalang. 16 Magkaroon kayo ng malinis na budhi upang ang mga taong umaalipusta sa inyong magandang buhay kay Cristo ay mapahiya dahil nagsasalita sila laban sa inyo na tila kayo ay masasamang tao. 17 Mas mainam, kung nais ng Diyos, na kayo ay maghirap sa paggawa ng kabutihan kaysa sa paggawa ng kasamaan.

  83. 1 Judas, isang lingkod ni Jesu-Cristo, at kapatid na lalaki ni Santiago, sa kanilang mga tinawag, minamahal sa Diyos Ama at nanatili para kay Jesu-Cristo,