36 Bible Verses About Giving

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Bible Verses About Giving
  1. 6 Tandaan ninyo ito: kung sino man ang nagtatanim ng kaunti ay mag aani ng kaunti, at kung sino man ang nagtatanim sa layunin ng pagpapala ay aani ng pagpapala. 7 Bawat isa ay magbigay ayon sa pasiya ng kaniyang puso. Huwag siyang hayaang magbigay na may kalungkutan o napilitan. Sapagkat minamahal ng Diyos ang masayang nagbibigay. 8 At may kakayahan ang Diyos na paramihin ang bawat pagpapala para sa inyo, upang, palagi, sa lahat ng bagay, magkakaroon kayo ng lahat ng kailangan ninyo. Nang sa gayon maaari kayong gumawa ng mas maraming mabubuting bagay. 9 Ito ay gaya ng nasusulat: “Ipinamahagi niya ang kaniyang kasaganaan at ibinigay sa mahihirap. Ang kaniyang katuwiran ay magpakailanman.”

    10 Ang nagbibigay ng binhi sa nagtatanim at tinapay para sa pagkain, ay magbibigay din at pararamihin ang inyong binhi para sa pagtatanim. Pararamihin niya ang ani ng inyong katuwiran. 11 Pasasaganahin niya kayo sa lahat ng paraan upang maging mapagbigay kayo. Magdadala ito ng pasasalamat sa Diyos mula sa amin.

  2. 1 Pag-ingatan ninyo na hindi ninyo gawin ang inyong mga gawain ng katuwiran sa harap ng mga tao upang makita nila ito, kung hindi ay wala kayong matatanggap na gantimpala mula sa Ama na nasa langit.

    2 Kung magbibigay ka ng mga limos, huwag mong patunugin ang isang trumpeta para sa iyong sarili tulad ng ginagawa ng mga mapagpanggap sa mga sinagoga at sa mga lansangan, upang sumakanila ang papuri ng mga tao. Totoo itong sasabihin ko sa inyo, natanggap na nila ang kanilang gantimpala. 3 Ngunit kung magbibigay ka ng mga limos, huwag mong hayaang malaman ng kaliwang kamay ang ginagawa ng iyong kanang kamay, 4 upang maibigay mo nang lihim ang iyong handog. At ang iyong Ama na nakakakita sa lihim ang gagantimpala sa iyo.

  3. 8 Maaari bang nakawan ng tao ang Diyos? Gayon pa man, ninanakawan ninyo ako. Ngunit sinasabi ninyo, 'Paano ka namin ninakawan?' Sa mga ikapu at sa mga handog. 9 Isinumpa kayo sa pamamagitan ng isang sumpa, sapagkat ninakawan ninyo ako, ang buong bansang ito. 10 Dalhin ang buong ikapu sa silid-imbakan upang may makain sa aking tahanan. At subukan ninyo ako ngayon sa ganito,” sabi ni Yahweh ng mga hukbo, “kung hindi ko bubuksan sa inyo ang mga bintana ng langit sa inyo at ibuhos ang mga pagpapala sa inyo, hanggang sa walang sapat na silid na paglagyan nito. 11 Sasawayin ko ang maninira para sa inyo upang hindi nito sirain ang ani sa inyong lupain; hindi mawawala ang bunga ng mga ubas ninyo sa mga bukid bago ang takdang panahon,” sabi ni Yahweh ng mga hukbo.

  4. 38 Magbigay sa iba at ito ay maibibigay sa inyo. Labis-labis na halaga—siksik, liglig at umaapaw—ang ibubuhos sa inyong kandungan. Sapagkat kung anumang batayan ng panukat ang inyong ginamit sa pagsukat, iyon din ang gagamiting batayan ng panukat para sa iyo.”

  5. 9 Sapagkat nalalaman ninyo ang biyaya ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Kahit na siya ay mayaman, para sa inyong kapakanan siya ay naging mahirap, upang sa pamamagitan ng kaniyang kahirapan kayo ay maaaring maging mayaman. 10 Sa bagay na ito bibigyan ko kayo ng payo na makakatulong sa inyo. Isang taon ang nakakaraan, hindi lang kayo nagsimulang gumawa ng isang bagay, kundi ninais ninyong gawin ito. 11 Ngayon tapusin ninyo ito. Katulad ng pagsisikap at kagustuhan na gawin ito noon, matapos ninyo rin sana ito, hanggang kaya ninyo. 12 Sapagkat kung kayo ay may pagsisikap na gawin ang gawaing ito, ito ay mabuti at katanggap-tanggap. Nakabatay ito sa kung ano ang mayroon ang isang tao, hindi sa kung ano ang wala sa kaniya.

    13 Sapagkat ang gawaing ito ay hindi upang ang iba ay magaanan at ang iba ay mabigatan. Sa halip, dapat magkaroon ng pagkakapantay-pantay. 14 Ang iyong kasaganaan sa panahong ito ay makapagbibigay sa kung anuman ang kanilang pangangailangan. Ito ay dahil din sa ang kanilang kasaganaan ay maaaring makapagbigay ng iyong pangangailangan, at nang magkaroon ng pagkakapantay-pantay. 15 Katulad ito ng nasusulat: “Ang nananagana ay nawalan ng labis, at ang may kaunti ay hindi nagkulang.”

  6. 24 May isa na siyang naghahasik ng binhi—siya ay makaiipon nang higit pa; ang isa pa ay hindi naghahasik—siya ay darating sa kahirapan. 25 Ang taong mapagbigay ay sasagana, at ang isa na siyang nagbibigay ng tubig sa iba ay magkakaroon ng tubig para sa kaniyang sarili.

  7. 19 Huwag kayong mag-ipon ng mga kayamanan para sa inyong sarili dito sa lupa, kung saan sisirain ng tanga at kalawang, at kung saan papasukin at nanakawin ng mga magnanakaw. 20 Sa halip, mag-ipon para sa inyong sarili ng mga kayamanan sa langit, kung saan maging mga tanga ni kalawang ay di kayang sirain, at kung saan ang mga magnanakaw ay di kayang pasukin at nakawin. 21 Sapagkat kung saan naroon ang iyong kayamanan, naroon din ang iyong puso.

  8. 1 Ngayon tungkol sa koleksiyon para sa mga mananampalataya, gaya ng iniutos ko sa mga iglesia sa Galacia, ay inyo ding gawin. 2 Sa unang araw ng linggo, ang bawat isa sa inyo ay magtabi ng anumang bagay at ipunin ninyo, ayon sa inyong makakaya. Gawin ninyo ito upang pagpunta ko diyan ay wala ng kokolektahin. 3 At kung ako ay makarating, ang sinuman ang inyong pahintulutan, ay aking ipapadala na kasama ng mga liham upang dalhin ang inyong mga handog sa Jerusalem. 4 At kung ito ay nararapat para sa akin na pumunta doon, sila'y pupuntang kasama ko.

  9. 41 Pagkatapos umupo si Jesus sa tapat ng lalagyan ng kaloob sa templo; pinagmamasdan niya ang mga tao habang inihuhulog nila ang kanilang pera sa kahon. Maraming mayayamang tao ang naglalagay ng malalaking halagang pera. 42 At dumating ang isang mahirap na balo at naglagay ng dalawang kusing na nagkakahalaga ng isang pera.

    43 At tinawag niya ang kaniyang mga alagad at sinabi sa kanila, “Mahalaga itong sinasabi ko sa inyo, ang mahirap na balong ito ay nakapaglagay ng higit kaysa lahat ng nagbigay sa lalagyan ng kaloob 44 Sapagkat nagbigay ang lahat sa kanila mula sa kanilang kasaganahan. Ngunit ang balong ito, sa kaniyang kahirapan, inilagay ang lahat ng perang mayroon siya na kaniyang ikabubuhay.”

  10. 17 Sabihin mo sa mayayaman sa mundong ito na huwag magmataas, at huwag umasa sa kayamanan, na walang katiyakan. Sa halip, dapat silang umasa sa Diyos. Na nagkakaloob sa atin ng tunay na kayamanan upang ikagalak. 18 Sabihin mo sa kanila na gumawa ng mabuti, at magpakayaman sa mabubuting mga gawa, maging mapagbigay, at handang mamahagi. 19 Sa paraang iyan, sila ay mag-iipon para sa kanilang sarili ng mabuting pundasyon sa kung anong darating, upang makamit nila ang tunay na buhay.

  11. 9 Parangalan si Yahweh ng iyong kayamanan at ng mga unang bunga ng lahat ng iyong ani, 10 at ang iyong mga kamalig ay mapupuno at ang iyong mga bariles ay aapaw, puno ng bagong alak.

  12. 16 Sa pamamagitan nito alam natin ang pag-ibig, sapagkat inialay ni Cristo ang kanyang buhay para sa atin. Nararapat din nating ialay ang ating mga buhay para sa mga kapatid. 17 Pero ang sinumang mayroong mga mabubuting bagay sa mundo, nakitang nangangailangan ang kapatid, at isinara ang kanyang maawaing puso sa kanya, papaano mananatili sa kanya ang pag-ibig ng Diyos?

    18 Mga minamahal kong mga anak, huwag tayong magmahal sa salita o sa dila, pero sa mga gawa at katotohanan.

  13. 7 Huwag magpalinlang. Hindi madadaya ang Diyos. Anuman ang itinanim ng tao, iyon din ang kaniyang aanihin. 8 Sapagkat siya na nagtanim ng butil sa kaniyang likas na kasamaan ay aani din ng kapahamakan, ngunit siya na nagtanim ng butil ng Espiritu, ay aani ng buhay na walang hanggan na galing sa Espiritu.

    9 Hindi tayo dapat mapagod sa paggawa ng mabuti, dahil sa takdang panahon magkakaroon tayo ng ani kung hindi tayo susuko. 10 Kaya nga, kung magroon tayong pagkakataon, gumawa tayo ng mabuti sa bawat isa. Magsigawa tayo ng mabuti lalo na sa mga nasa sambahayan ng pananampalataya.

  14. 15 Sa pamamagitan ni Jesus dapat patuloy tayong mag-alay ng handog na papuri sa Dios, papuri na bunga ng ating mga labi na kumikilala sa kaniyang pangalan. 16 At huwag ninyong kalilimutang gumawa ng mabuti at tumulong sa bawat isa, sapagkat sa ganitong handog lubos na nalulugod ang Diyos.

  15. 16 Tatlong beses sa isang taon, ang lahat ng inyong kalalakihan ay dapat magpakita sa harapan ni Yahweh na inyong Diyos sa lugar na kaniyang pipiliin: sa Pista ng Tinapay na walang Lebadura, sa Pista ng mga Linggo, at sa Pista ng mga Kanlungan; at hindi sila makikita sa harapan ni Yahweh na walang dala; 17 sa halip, ang bawat tao ay magbibigay ayon sa kaniyang kakayahan, para malaman ninyo ang pagpapalang ibinigay sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos.

  16. 8 Pagalingin ninyo ang may sakit, buhayin ang patay, linisin ang mga ketongin, at palayasin ang mga demonyo. Tumanggap kayo nang walang bayad, ipamigay ninyo nang walang bayad.

  17. 33 Ipagbili ang inyong mga ari-arian at ibigay ito sa mahihirap. Gumawa kayo ng inyong mga sariling mga pitaka na hindi nasisira—mga kayamanan sa kalangitan na hindi nawawala, na hindi nilalapitan ng magnanakaw, at hindi sinisira ng tanga. 34 Sapagkat kung nasaan ang inyong kayamanan ay naroon din ang inyong puso.

  18. 1 Tumingala si Jesus at nakita niya ang mga mayayamang tao na inilalagay ang kanilang mga kaloob sa kabang-yaman. 2 Nakita rin ang isang mahirap na babaeng balo na inihuhulog ang dalawang katiting.

    3 Kaya sinabi niya, “Totoo, sinasabi ko sa inyo, mas malaki ang inilagay ng mahirap na babaeng balong ito kaysa sa kanilang lahat. 4 Nagbigay silang lahat ng mga kaloob mula sa kanilang kasaganahan. Ngunit ang babaeng balo na ito, sa kabila ng kaniyang kahirapan, inilagay ang lahat ng salaping mayroon siya upang mabuhay.”

  19. 4 Sapagkat marami tayong bahagi sa iisang katawan, ngunit hindi lahat ng mga bahagi ay may pare-parehong tungkulin. 5 Gayon din naman, tayo na marami ay iisang katawan kay Cristo, at ang bawat isa ay bahagi ng isa't isa.

    6 Mayroon tayong iba't ibang kaloob ayon sa biyayang ibinigay sa atin. Kung ang kaloob ng isa ay paghahayag ng propesiya, gawin niya ito ayon sa sukat ng kaniyang pananampalataya. 7 Kung ang kaloob ng isa ay paglilingkod, hayaan siyang maglingkod. Kung ang isa ay may kaloob ng pagtuturo, hayaan siyang magturo. 8 Kung ang kaloob ng isa ay pagpapalakas ng loob, hayaan siyang magpalakas ng loob. Kung ang kaloob ng isa ay pagbibigay, hayaan siyang gawin ito ng may kagandahang-loob. Kung ang kaloob ng isa ay pamumuno, gawin ito ng may pag-iingat. Kung ang kaloob ng isa ay pagpapakita ng awa, gawin ito ng may kagalakan.

  20. 27 Ang nagbibigay sa mahirap ay hindi magkukulang, pero sinumang magsara ng kaniyang mga mata sa kanila ay tatanggap ng maraming mga sumpa.

  21. 18 Pero isa-isip ninyo si Yahweh na inyong Diyos, dahil siya ang nagbibigay sa inyo ng kapangyarihan para makakuha ng kayamanan; para maitatag ang kaniyang tipan na kaniyang pinangako sa inyong mga ama, gaya sa araw na ito.

  22. 10 Dapat ninyong tiyaking magbigay sa kaniya, at hindi dapat magdamdam ang inyong puso kapag magbibigay sa kaniya, dahil ang kapalit nito ay pagpapalain kayo ni Yahweh na inyong Diyos sa lahat ng inyong mga gawain at sa lahat ng paglalagyan ng inyong kamay. 11 Dahil hindi kailanman mawawala ang mahihirap sa lupain; kaya sinasabi ko ito sa inyo, 'Dapat ninyong tiyaking bukas ang inyong kamay sa inyong kapatid, sa mga nangangailangan sa inyo, at sa mga mahihirap sa inyong lupain.'

  23. 4 Ngayon ay may iba't ibang mga kaloob, ngunit iisang Espiritu. 5 At may iba't ibang mga ministeryo ngunit parehong Panginoon. 6 At may iba't ibang uri ng mga gawain ngunit iisa ang Diyos na gumagawa upang mangyari ito sa bawat isa.

    7 Ngayon naibigay sa bawat isa ang panlabas na paghahayag ng Espiritu na kapaki-pakinabang sa lahat. 8 Sapagkat nabigyan ang iba ng Espiritu na makapagsalita ng karunungan, at sa iba ay makapagsalita ng may kaalaman sa pamamagitan ng iisang Espiritu. 9 Sa iba naman ay binibigay niya ang pananampalataya sa pamamagitan ng iisang Espiritu at sa iba naman ay kaloob na magpagaling sa pamamagitan ng iisang Espiritu. 10 Binibigay niya sa iba ang paggawa ng may kapangyarihan, at propesiya sa iba. Binibigay niya sa iba ang kakayahang masuri ang mga espiritu, sa iba ay iba't ibang uri ng mga wika at sa iba ay pagbibigay-kahulugan ng mga wika. 11 Ngunit iisang Espiritu ang gumagawa sa lahat ng mga ito, binibigay ang mga kaloob sa bawat isa, ayon sa pinili niya.

  24. 17 Ang bawat mabuti at ganap na kaloob ay mula sa itaas, bumaba mula sa Ama ng mga liwanag. Hindi siya nagbabago katulad ng paglipat ng anino.

  25. 27 Huwag ipagkait ang mabuti sa mga karapat-dapat dito, kapag nasa iyong kapangyarihan upang kumilos.

  26. 17 Ang sinumang mabait sa mahihirap ay nagpapahiram kay Yahweh, at babayaran siya ni Yahweh dahil sa kaniyang ginawa.

  27. 23 Aba kayong mga eskriba at mga Pariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat nagbibigay kayo ng ikapu ng mga yerbabuena, anis at kumin, ngunit hindi ninyo ginagawa ang mas mahalagang mga bagay tungkol sa batas - katarungan, kahabagan at pananampalataya. Subalit dapat sanang gawin ninyo ang mga ito at huwag pabayaang gawin ang iba.

  28. 3 At ipagpalagay na naibibigay ko ang lahat ng nasa akin upang maipakain sa mga mahihirap, at ibigay ko ang aking katawan upang sunugin. Ngunit kung wala akong pag-ibig, ako ay walang pakinabang.

  29. 6 Ngayon ang pagiging maka-diyos na may kapanatagan ay may malaking pakinabang. 7 Sapagkat wala tayong dinalang anuman dito sa mundo. wala rin tayong madadala na anumang bagay. 8 Sa halip, masiyahan tayo sa pagkain at pananamit.

    9 Ngayon sa mga gustong yumaman mahuhulog sila sa tukso, sa isang bitag. Sila ay mahuhulog sa kamangmangan at masamang pagnanasa, at sa anumang sisira at wawasak sa mga tao. 10 Sapagkat ang pag-ibig sa pera ay ugat ng lahat ng uri ng kasamaan. Ang ilang mga taong nagnais nito ay nailigaw sa kanilang pananampalataya at tinutusok nila ang kanilang sarili nang labis na kapighatian.

    11 Ngunit ikaw, na lingkod ng Diyos, layuan mo ang mga bagay na ito. Sikapin mo ang katuwiran, pagiging maka-diyos, katapatan, pag-ibig, pagtitiis, at kahinahunan,

  30. 21 Bawat isa na ang puso ay napukaw at ang kaniyang espiritu ay naging handang pumunta at nagdala ng handog kay Yahweh para sa paggawa ng tabernakulo, lahat ng bagay na gagamitin sa paglilingkod nito, at para sa banal na kasuotan.

    22 Pumunta sila kasama ang mga lalaki at mga babae, lahat na may pusong handa. Nagdala sila ng mga panusok, mga hikaw, mga singsing, at mga palamuti, lahat ng uri ng gintong alahas. Iniharap nilang lahat ang mga alay na ginto kay Yahweh.

  31. 10 Kaya bumangon siya at pumunta sa Sarepta, at nang makarating siya sa tarangkahan ng lungsod isang balo ang namumulot ng mga kahoy. Kaya tinawag niya ito at sinabi, “Pakidalhan mo naman ako ng kaunting tubig na nasa banga para maka-inom ako.” 11 Habang siya ay papunta para kumuha ng tubig tinawag siya ni Elias at sinabi, “Pahingi naman ng tinapay na nasa kamay mo.”

    12 Sumagot siya, “Si Yahweh na iyong Diyos ay buhay, wala na akong tinapay, maliban na lang sa isang dakot ng harina at kaunting mantika sa lalagyan. Tingnan mo, namulot ako ng dalawang kahoy para lutuin ito para sa akin at sa anak ko, para kami makakain, at mamatay.”

    13 Sinabi ni Elias sa kaniya, “Huwag kang matakot. Pumunta ka at gawin ang sinabi mo pero magluto ka muna ng maliit na tinapay at dalhin mo sa akin. At pagkatapos magluto ka na ng para sa inyo ng anak mo. 14 Dahil sinabi ni Yahweh, na Diyos ng Israel, “Hindi mauubusan ng laman ang banga ng harina, maging ang lalagyan ng mantika ay hindi hihinto sa pagdaloy, hanggang sa magpadala si Yahweh ng ulan sa buong lupain.”

    15 Pagkatapos, ginawa niya ang sinabi ni Elias, at siya, si Elias at ang bata ay kumain nang maraming araw. 16 Hindi naubos ang harina sa banga maging ang mantika sa lalagyan ay hindi huminto sa pagdaloy, na siyang sinabi ni Yahweh sa pamamagitan ni Elias.

  32. 9 Ang isang mapagbigay na mata ay pagpapalain, sapagkat siya ay nagbabahagi ng kaniyang tinapay sa mahihirap.

  33. 34 At sasabihin ng Hari sa mga nasa kanan niya, 'Halikayo, pinagpala kayo ng aking Ama, mamanahin ninyo ang kaharian na inihanda para sa inyo mula pa noong likhain ang mundo. 35 Sapagkat ako ay nagutom at binigyan ninyo ako ng pagkain; ako ay nauhaw at binigyan ninyo ako ng inumin; ako ay dayuhan at pinatuloy ninyo ako; 36 ako ay hubad at dinamitan ninyo ako, ako ay may sakit at inalagaan ninyo ako; ako ay nasa kulungan at pinuntahan ninyo ako.

    37 At sasagot ang mga matuwid at sasabihin, 'Panginoon, kailan ka namin nakitang nagutom at pinakain, o nauhaw at binigyan ng inumin? 38 at kailan ka namin nakitang dayuhan at pinatuloy ka? O hubad at dinamitan? 39 At kailan ka namin nakita na may sakit, o nakulong at pinuntahan ka namin?'

    40 At sasagot ang Hari at sasabihin sa kanila, totoo itong sinasabi ko sa inyo, kung ano man ang nagawa ninyo sa mga hamak kong kapatid dito, ginawa ninyo ito sa akin.'

  34. 30 Magbigay sa lahat ng humihingi sa iyo. Kung may kumuha ng isang bagay na pag-aari mo, huwag mong hingiin sa kaniya na ibalik ito sa iyo. 31 Kung anuman ang nais ninyong gawin ng mga tao sa inyo, ganoon din ang dapat ninyong gawin sa kanila.

    32 Kung ang minamahal lamang ninyo ay ang mga taong nagmamahal sa inyo, anong kapurihan iyon sa inyo? Sapagkat kahit ang mga makasalan ay minamahal din ang mga nagmamahal sa kanila.

  35. 42 Nagpatuloy sila sa mga katuruan ng mga apostol at pagsasama-sama, sa pagpipira-piraso ng tinapay at sa pananalangin. 43 Dumating ang takot sa bawat kaluluwa, at maraming mga kamangha- manghang bagay at mga tanda ang nagawa ng mga apostol.

    44 Ang lahat ng nanampalataya ay nagsama-sama at ibinahagi ang kanilang mga ari-arian, 45 at ipinagbili nila ang kanilang mga pag-aari at mga ari-arian at ipinamahagi sa lahat, ayon sa pangangailangan ng bawat-isa.

  36. 10 Ang bawat isa sa inyo ay tumanggap ng kaloob, gamitin niyo ito para paglingkuran ang isa't isa, bilang mabuting mga katiwala ng maraming kaloob ng Diyos.