36 Bible Verses About Stewardship
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
-
1 Ganito dapat ang ipalagay ng tao sa amin, bilang mga lingkod ni Cristo at mga katiwala ng mga lihim na katotohanan ng Diyos. 2 Sa kaugnayan nito, kinakailangang mapagkakatiwalaan ang mga katiwala.
3 Ngunit para sa akin, ito ay napakaliit lamang na bagay para mahatulan ninyo ako o nang anumang hukuman ng tao. Sapagkat hindi ko nga hinahatulan ang aking sarili. 4 Wala akong nalalaman na anumang sakdal laban sa akin ngunit hindi nangangahulugang ako ay walang sala. Ang Panginoon ang siyang hahatol sa akin.
5 Kaya, huwag kayong humatol tungkol sa anumang bagay bago ang panahon, bago dumating ang Panginoon. Dadalhin niya sa liwanag ang mga lihim na bagay ng kadiliman at ihahayag ang mga layunin ng puso. At makatatanggap ang bawat isa ng kaniyang papuri mula sa Diyos.
-
7 Ang katapusan ng lahat ng mga bagay ay parating na. Kaya magkaroon kayo ng matinong kaisipan at maliwanag na pag-iisip para sa kapakanan ng inyong mga panalangin. 8 Higit sa lahat ng bagay, magkaroon kayo ng taimtim na pag-ibig para sa isa't isa, dahil ang pag-ibig ay hindi naghahangad na matuklasan ang mga kasalanan ng iba. 9 Magpakita kayo ng kagandahang-loob sa isa't isa nang walang pagrereklamo.
10 Ang bawat isa sa inyo ay tumanggap ng kaloob, gamitin niyo ito para paglingkuran ang isa't isa, bilang mabuting mga katiwala ng maraming kaloob ng Diyos. 11 Kung mayroong nangungusap, ituring niyo ito bilang salita ng Diyos, at kung mayroong naglilingkod, magmula ito sa lakas na ibinibigay ng Diyos, upang sa lahat ng bagay, ang Diyos ay maluwalhati sa pamamagitan ni Jesu- Cristo. Kaluwalhatian at kapangyarihan ay sa kaniya magpakailanman. Amen
-
14 Sapagkat ito ay katulad ng isang taong maglalakbay sa ibang bansa. Tinawag niya ang sarili niyang mga utusan at ipinagkatiwala sa kanila ang kaniyang kayamanan. 15 Ang isa sa kanila ay binigyan niya ng limang talento, ang isa naman ay binigyan niya ng dalawa at ang isa naman ay binigyan niya ng isang talento. Nakatanggap ang bawat isa ayon sa kaniya-kaniyang kakayahan, at ang taong iyon ay pumunta sa kaniyang paglalakbay.
16 Agad-agad ang nakatanggap ng limang talento ay umalis at ipinuhunan niya ang mga ito at nagkaroon pa siya ng limang talento. 17 Ganoon din ang nakatanggap ng dalawang talento, nagkaroon din ng dalawa pa. 18 Ngunit ang utusan na nakatanggap ng isang talento ay umalis, naghukay sa lupa at itinago ang pera ng kaniyang amo.
19 Pagkalipas ng matagal na panahon, bumalik ang amo ng mga utusan at nakipagsulit sa kanila. 20 Dumating ang utusan na nakatanggap ng limang talento at nagdala ng lima pang talento, at sinabi niya, “Panginoon, binigyan mo ako ng limang talento. Tingnan mo, nagkaroon ako ng lima pang talento.'
21 Sinabi ng amo sa kaniya, 'Magaling, mabuti at matapat na utusan! Naging tapat ka sa kaunting mga bagay. Gagawin kitang tagapamahala sa maraming bagay. Makibahagi ka sa kagalakan ng iyong amo.'
22 Dumating din ang utusan na nakatanggap ng dalawang talento, at sinabi niya, 'Panginoon, binigyan mo ako ng dalawang talento. Tingnan mo, nagkaroon ako ng dalawa pang talento.'
23 Sinabi ng amo sa kaniya, 'Magaling, mabuti at matapat na utusan! Naging tapat ka sa kaunting bagay. Gagawin kitang tagapamahala sa maraming bagay. Makibahagi ka sa kagalakan ng iyong amo.'
24 Pagkatapos nito, ang utusan na nakatanggap ng isang talento ay dumating at nagsabi, 'Panginoon, alam ko na mahigpit kang tao. Gumagapas ka kung saan hindi ka nagtanim, at umaani kung saan hindi ka naghasik. 25 Natakot ako, kaya ako ay umalis at itinago ko ang inyong talento sa lupa. Tingnan mo, nandito ang pagmamay-ari mo.'
26 Ngunit sumagot ang kaniyang amo at sinabi sa kaniya, 'Ikaw na masama at tamad na utusan, alam mo naman na gumagapas ako kung saan hindi ako nagtanim at umaani kung saan hindi ako naghasik. 27 Kaya ibinigay mo sana ang pera ko sa mga tagabangko, upang sa aking pagdating natanggap ko na may tubo ang aking pera.
28 Kaya kunin ninyo ang talento sa kaniya at ibigay ninyo doon sa mayroong sampung talento. 29 Sapagkat kung sinuman ang mayroon, mas marami pa ang ibibigay — mas masagana pa. Subalit kung sino ang walang pagmamay-ari, kahit ang nasa sa kaniya ay kukunin pa. 30 Itapon ang walang silbing utusan sa kadiliman sa labas, kung saan mayroong pagtatangis at pagngangalit ng mga ngipin.
-
6 Tandaan ninyo ito: kung sino man ang nagtatanim ng kaunti ay mag aani ng kaunti, at kung sino man ang nagtatanim sa layunin ng pagpapala ay aani ng pagpapala. 7 Bawat isa ay magbigay ayon sa pasiya ng kaniyang puso. Huwag siyang hayaang magbigay na may kalungkutan o napilitan. Sapagkat minamahal ng Diyos ang masayang nagbibigay. 8 At may kakayahan ang Diyos na paramihin ang bawat pagpapala para sa inyo, upang, palagi, sa lahat ng bagay, magkakaroon kayo ng lahat ng kailangan ninyo. Nang sa gayon maaari kayong gumawa ng mas maraming mabubuting bagay. 9 Ito ay gaya ng nasusulat: “Ipinamahagi niya ang kaniyang kasaganaan at ibinigay sa mahihirap. Ang kaniyang katuwiran ay magpakailanman.”
10 Ang nagbibigay ng binhi sa nagtatanim at tinapay para sa pagkain, ay magbibigay din at pararamihin ang inyong binhi para sa pagtatanim. Pararamihin niya ang ani ng inyong katuwiran. 11 Pasasaganahin niya kayo sa lahat ng paraan upang maging mapagbigay kayo. Magdadala ito ng pasasalamat sa Diyos mula sa amin. 12 Sapagkat ang pangangasiwa sa gawaing ito ay hindi lang makakatugon sa mga pangangailangan ng mga mananampalataya. Ito rin ay nagpaparami sa maraming gawaing ng pasasalamat sa Diyos.
13 Dahil sa nasubok na kayo at napatunayan ng gawaing ito, luluwalhatiin rin ninyo ang Diyos sa pagsunod sa inyong pagpapahayag sa ebanghelyo ni Cristo. Luluwalhatiin rin ninyo ang Diyos sa kasaganaan ng inyong mayamang handog sa kanila at sa bawat isa. 14 Nananabik sila sa inyo, at ipinapanalangin nila kayo. Ginagawa nila ito dahil sa napaka dakilang biyaya ng Diyos na nasa inyo. 15 Sa Diyos nawa ang lahat ng pasasalamat sa kaniyang hindi maipaliwanag na kaloob!
-
17 Sabihin mo sa mayayaman sa mundong ito na huwag magmataas, at huwag umasa sa kayamanan, na walang katiyakan. Sa halip, dapat silang umasa sa Diyos. Na nagkakaloob sa atin ng tunay na kayamanan upang ikagalak. 18 Sabihin mo sa kanila na gumawa ng mabuti, at magpakayaman sa mabubuting mga gawa, maging mapagbigay, at handang mamahagi. 19 Sa paraang iyan, sila ay mag-iipon para sa kanilang sarili ng mabuting pundasyon sa kung anong darating, upang makamit nila ang tunay na buhay.
-
26 Sinabi ng Diyos, “Gawin natin ang tao ayon sa ating wangis, ayon sa ating larawan. Hayaan silang mamahala sa isda sa dagat, sa mga ibon sa langit, sa mga hayop, sa buong mundo, at sa lahat ng gumagapang na bagay na gumagapang sa mundo. 27 Nilikha ng Diyos ang tao ayon sa kanyang sariling wangis. Ayon sa kanyang wangis nilikha niya siya. Lalaki at babae nilikha niya sila.
28 Pinagpala sila ng Diyos at sinabihan silang, “Maging mabunga kayo, at magpakarami. Punuin niyo ang mundo, at supilin ito. Maging tagapamahala kayo sa isda sa dagat, sa mga ibon sa langit, at sa lahat ng buhay na bagay na kumikilos sa ibabaw ng mundo.”
29 Sinabi ng Diyos, “Tingnan ninyo, ibinigay ko sa inyo ang bawat pananim na nagbibigay ng buto na nasa ibabaw ng buong mundo, at bawat punong-kahoy kasama ang bungang may buto sa loob nito. Sila ay magiging pagkain ninyo. 30 Sa bawa't hayop sa mundo, sa bawat ibon sa kalangitan, at sa lahat ng bagay na gumagapang sa ibabaw ng mundo, at sa bawat nilikhang may hininga ng buhay ibinigay ko ang bawat luntiang halaman para maging pagkain.” At nagkagayon nga.
-
13 Kayo ang asin ng mundo. Ngunit kung nawala ang lasa ng asin, paano muling maibabalik ang alat nito? Wala na itong pakinabang pa kundi itapon at tapak-tapakan ng mga tao.
14 Kayo ang ilaw ng mundo. Ang lungsod na nakatayo sa isang burol ay hindi maitatago. 15 Ni hindi nagsisindi ang mga tao ng lampara at ilagay sa loob ng basket, bagkus sa isang patungan ng ilawan, at magliliwanag ito sa lahat ng nasa bahay. 16 Hayaan ninyong magliwanag ang inyong ilaw sa harapan ng mga tao sa paraang makikita nila ang inyong mga mabubuting gawa at papurihin ang inyong Amang nasa langit.
-
18 Pumunta si Jesus sa kanila at nagsalita sa kanila at sinabi, “Ibinigay sa akin ang lahat ng kapangyarihan sa langit at sa lupa. 19 Humayo kayo at gawing mga alagad ang lahat ng mga bansa. Bautismuhan sila sa ngalan ng Ama, ng Anak, at ng Banal na Espiritu. 20 Turuan sila na sumunod sa lahat ng mga iniutos ko sa inyo. At pakinggan ninyo, Ako ay laging nasa inyo, maging sa katapusan ng mundo.”
-
1 Dinala si Jose pababa sa Ehipto. Binili siya ni Potipar, na isang opisyal at kapitan ng mga bantay ni Paraon at isang taga-Ehipto, mula sa mga Ismaelita, na nagdala sa kanya doon. 2 Si Yahweh ay kasama ni Jose at siya'y naging mayamang tao. Nanirahan siya sa bahay ng kanyang amo na taga-Ehipto.
3 Nakita ng kanyang amo na kasama niya si Yahweh at lahat ng ginawa niya ay pinasagana ni Yahweh. 4 Nakitaan si Jose ng pabor sa kanyang paningin. Pinaglingkuran niya si Potipar. Ginawa ni Potipar na tagapangasiwa si Jose ng kanyang bahay, at lahat ng nasa kanya, nilagay niya lahat sa ilalim ng kanyang pangangalaga. 5 Dumating ang panahon na ginawa siyang tagapangasiwa ng kanyang bahay at sa lahat ng kanyang pagmamay-ari, kaya pinagpala ni Yahweh ang buong bahay ng taga-Ehipto dahil kay Jose. Ang pagpapala ni Yahweh ay nasa lahat ng bagay na pagmamay-ari ni Potipar sa kanyang bahay at sa kanyang bukid. 6 Inilagay ni Potipar ang lahat ng nasa kanya sa ilalim ng pangangalaga ni Jose. Hindi na niya kailangan mag-isip tungkol sa anumang bagay maliban sa pagkain na kinakain niya. Ngayon si Jose ay matipuno at kaakit-akit.
-
10 Ang tapat sa kakaunti ay tapat din sa marami, at ang hindi makatarungan sa kakaunti ay hindi rin makatarungan sa marami. 11 Kung hindi ka naging tapat sa paggamit ng perang hindi makatarungan, sino ang magtitiwala sa iyo ng tunay na kayamanan? 12 At kung hindi ka naging tapat sa paggamit sa pera ng ibang tao, sino ang magbibigay sa iyo ng sarili mong pera?
-
6 Ngayon ang pagiging maka-diyos na may kapanatagan ay may malaking pakinabang. 7 Sapagkat wala tayong dinalang anuman dito sa mundo. wala rin tayong madadala na anumang bagay. 8 Sa halip, masiyahan tayo sa pagkain at pananamit.
9 Ngayon sa mga gustong yumaman mahuhulog sila sa tukso, sa isang bitag. Sila ay mahuhulog sa kamangmangan at masamang pagnanasa, at sa anumang sisira at wawasak sa mga tao. 10 Sapagkat ang pag-ibig sa pera ay ugat ng lahat ng uri ng kasamaan. Ang ilang mga taong nagnais nito ay nailigaw sa kanilang pananampalataya at tinutusok nila ang kanilang sarili nang labis na kapighatian.
-
5 Para sa ganitong layunin iniwan kita sa Creta, upang ikaw ang maaaring mag-ayos ng mga bagay na hindi pa natapos at magtalaga ng mga nakatatanda sa bawat lungsod gaya ng iniutos ko sa iyo. 6 Ang isang nakatatanda ay dapat walang kapintasan, may iisang asawa, mayroong masunurin na mga anak hindi naparatangan ng pagiging masama o matigas ang ulo.
7 Kinakailangan para sa tagapangasiwa, bilang tagapamahala ng sambahayan ng Diyos, ay walang kapintasan. Hindi dapat matabil at walang pagpipigil sa sarili. Hindi madaling magalit, hindi lulon sa alak, hindi isang palaaway, at hindi isang taong sakim. 8 Subalit dapat bukas ang kaniyang tahanan sa mga panauhin at isang kaibigan ng mabuti. Dapat siya ay matino, matuwid, makadiyos, at may pagpipigil sa sarili. 9 Dapat siya ay matibay na nananangan sa naiturong mapakakatiwalaang mensahe, upang yaon siya ay maaaring magpalakas sa mga iba pa sa pamamagitan ng mabuting katuruan, at maituwid yaong mga sumasalungat sa kanya.
-
15 Kinuha ni Yahweh na Diyos ang lalaki at inilagay siya sa hardin ng Eden upang trabahuin at alagaan ito.
-
1 Pag-ingatan ninyo na hindi ninyo gawin ang inyong mga gawain ng katuwiran sa harap ng mga tao upang makita nila ito, kung hindi ay wala kayong matatanggap na gantimpala mula sa Ama na nasa langit.
2 Kung magbibigay ka ng mga limos, huwag mong patunugin ang isang trumpeta para sa iyong sarili tulad ng ginagawa ng mga mapagpanggap sa mga sinagoga at sa mga lansangan, upang sumakanila ang papuri ng mga tao. Totoo itong sasabihin ko sa inyo, natanggap na nila ang kanilang gantimpala. 3 Ngunit kung magbibigay ka ng mga limos, huwag mong hayaang malaman ng kaliwang kamay ang ginagawa ng iyong kanang kamay, 4 upang maibigay mo nang lihim ang iyong handog. At ang iyong Ama na nakakakita sa lihim ang gagantimpala sa iyo.
-
42 Sinabi ng Panginoon, “Sino ngayon ang tapat at matalinong tagapamahala na itatakda ng kaniyang panginoon para sa ibang lingkod upang ibigay sa kanila ang kanilang bahagi ng pagkain sa tamang panahon? 43 Pinagpala ang lingkod na iyon, na masusumpungan ng kaniyang panginoon na gumagawa niyan sa kaniyang pagdating. 44 Totoong sinasabi ko sa inyo na siya ay gagawing tagapamahala sa lahat ng kaniyang ari-arian.
45 Ngunit kung sinasabi ng lingkod na iyon sa kaniyang puso, “Matatagalan pa ang pagbabalik ng aking panginoon,' at sinimulan niyang bugbugin ang mga lalaki at babaeng lingkod, at kakain at iinom, at malalasing, 46 ang panginoon ng lingkod na iyon ay darating sa araw na hindi niya inaasahan, at sa oras na hindi niya nalalaman, at siya ay pagpipira-pirasuhin at magtatalaga siya ng lugar para sa kaniya kasama ang mga hindi tapat.
-
12 Huwag hayaan ang sinuman na maliitin ang iyong kabataan. Sa halip, maging halimbawa ka sa mga sumasampalataya, sa pananalita, pag-uugali, pag-ibig, katapatan, at sa kalinisan. 13 Hanggang sa ako ay dumating, manatili ka sa pagbabasa, sa pagpapaliwanag, at sa pagtuturo.
14 Huwag mong pabayaan ang kaloob na nasa iyo, na ipinagkaloob sa iyo sa pamamagitan ng propesiya, kasama ang pagpapatong ng mga kamay ng mga nakakatanda. 15 Ingatan mo ang mga bagay na ito. manatili ka sa mga ito, upang makita ang iyong pag-unlad ng lahat ng mga tao. 16 Ingatan mo ang iyong sarili at ang iyong pagtuturo. Magpatuloy ka sa mga bagay na ito. Sapagkat kung gagawin mo ito, maililigtas mo ang iyong sarili at sila na nakikinig sa iyo.
-
32 May iisang puso at kaluluwa ang maraming bilang ng mga nanampalataya: at wala ni isa man sa kanila ang nagsabi na anuman ang mayroon siya ay tunay na kaniya; sa halip, para sa kanilang lahat ang lahat ng bagay. 33 Ipinapahayag ng mga apostol ang kanilang patotoo tungkol sa muling pagkabuhay ng Panginoong Jesus ng may dakilang kapangyarihan, at labis na biyaya ay napa-sa kanilang lahat.
34 Wala ni isa man sa kanila ang kinukulang sa anumang bagay, dahil ang lahat ng mga nag mamay-ari ng titulo ng mga lupa o mga bahay ay ibinenta ang mga ito at dinala ang pera ng mga napagbentahan 35 at inilagay sa paanan ng mga apostol. At nangyari ang mga pagbaha-bahagi sa bawat mananampalataya, ayon sa kani-kanilang pangangailangan.
-
34 Pagkatapos tinawag niya ang maraming tao, kasama ng kaniyang mga alagad, at sinabi niya sa kanila, “Kung sinuman ang nagnanais sumunod sa akin, kailangan niyang ikaila ang kaniyang sarili, pasanin ang kaniyang krus at sumunod sa akin. 35 Sapagkat ang sinumang nais magligtas ng kaniyang buhay ay mawawalan nito at sinumang mawawalan ng kaniyang buhay alang-alang sa akin at para sa ebanghelyo ay makapagliligtas nito.
36 Ano ang mapapala ng isang tao, na makuha ang buong mundo at pagkatapos ay mawala ang kaniyang sariling buhay? 37 Ano ang maibibigay ng isang tao kapalit ng kaniyang buhay? 38 Kapag ikinahiya ako at ang aking salita ng sinuman sa mapangalunya at makasalanang salinlahing ito, ikakahiya rin siya ng Anak ng Tao kapag dumating na siya sa kaluwalhatian ng kaniyang Ama kasama ang mga banal na anghel.”
-
17 Sapagkat kung gagawin ko ito ng maluwag sa kalooban, may gantimpala ako. Ngunit kung hindi maluwag sa kalooban, may responsibilidad pa rin ako sa ipinagkatiwala sa akin.
-
6 Ang taong tinuruan ng salita ay dapat ibahagi ang lahat na mabuting bagay sa guro.
7 Huwag magpalinlang. Hindi madadaya ang Diyos. Anuman ang itinanim ng tao, iyon din ang kaniyang aanihin. 8 Sapagkat siya na nagtanim ng butil sa kaniyang likas na kasamaan ay aani din ng kapahamakan, ngunit siya na nagtanim ng butil ng Espiritu, ay aani ng buhay na walang hanggan na galing sa Espiritu.
9 Hindi tayo dapat mapagod sa paggawa ng mabuti, dahil sa takdang panahon magkakaroon tayo ng ani kung hindi tayo susuko. 10 Kaya nga, kung magroon tayong pagkakataon, gumawa tayo ng mabuti sa bawat isa. Magsigawa tayo ng mabuti lalo na sa mga nasa sambahayan ng pananampalataya.
-
15 Kaya mag-ingat kayo kung paano kayo lumakad, hindi tulad ng mangmang na mga tao kundi katulad ng matalino. 16 Samantalahin ninyo ang panahon sapagkat ang mga araw ay masama. 17 Huwag kayong maging hangal. Sa halip, unawain kung ano ang kalooban ng Panginoon.
-
5 Magtiwala kay Yahweh ng buong puso at huwag umasa sa sarili mong pang-unawa; 6 sa lahat ng iyong ginagawa ay kilalanin siya at gagawin niyang matuwid ang iyong mga landas. 7 Huwag maging marunong sa iyong sariling mga mata; matakot kay Yahweh at talikuran ang kasamaan. 8 Ito ay kagalingan sa iyong laman at inuming makapagpanibagong sigla para sa iyong katawan. 9 Parangalan si Yahweh ng iyong kayamanan at ng mga unang bunga ng lahat ng iyong ani, 10 at ang iyong mga kamalig ay mapupuno at ang iyong mga bariles ay aapaw, puno ng bagong alak.
-
17 At nang simulan niya ang kaniyang paglalakbay, patakbong lumapit sa kaniya ang isang lalaki at lumuhod sa harapan niya at nagtanong, “Mabuting Guro, ano ang dapat kong gawin upang manahin ang buhay na walang hanggan?”
18 At sinabi ni Jesus, “Bakit mo ako tinawag na mabuti? “Walang sinuman ang mabuti, maliban lamang sa Diyos. 19 Alam mo ang mga kautusan: 'Huwag kang papatay, huwag kang mangangalunya, huwag kang magnakaw, huwag kang magpapatotoo ng kasinungalingan, huwag kang mandaraya, igalang mo ang iyong ama at ina'.”
20 Sinabi ng lalaki, “Guro, sinunod ko ang lahat ng mga bagay na ito magmula pa sa aking pagkabata.”
21 Tiningnan siya ni Jesus at minahal siya. Sinabi niya sa kaniya, “Isang bagay ang kulang sa iyo. Dapat mong ipagbili ang lahat ng mayroon ka at ibigay sa mga mahihirap at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos ay sumunod ka sa akin.”
22 Ngunit pinanghinaan siya ng loob sa mga pahayag na ito, umalis siya na lubusang nalungkot sapagkat marami siyang ari-arian.
-
1 Sinabi rin ni Jesus sa mga alagad, “May isang mayamang lalaki na may tagapamahala, at isinumbong sa kaniya na nilulustay ng tagapamahalang ito ang kaniyang pag-aari. 2 Kaya pinatawag siya ng mayamang lalaki at sinabi sa kaniya, 'Ano itong naririnig ko tungkol sa iyo? Magbigay-ulat ka ng iyong pamamahala, dahil ka na maaaring maging tagapamahala.'
-
1 Tumingala si Jesus at nakita niya ang mga mayayamang tao na inilalagay ang kanilang mga kaloob sa kabang-yaman. 2 Nakita rin ang isang mahirap na babaeng balo na inihuhulog ang dalawang katiting.
3 Kaya sinabi niya, “Totoo, sinasabi ko sa inyo, mas malaki ang inilagay ng mahirap na babaeng balong ito kaysa sa kanilang lahat. 4 Nagbigay silang lahat ng mga kaloob mula sa kanilang kasaganahan. Ngunit ang babaeng balo na ito, sa kabila ng kaniyang kahirapan, inilagay ang lahat ng salaping mayroon siya upang mabuhay.”
-
35 Sa lahat ng bagay nagbigay ako ng halimbawa kung paano ninyo dapat tulungan ang mga mahihina sa pamamagitan ng pagtratrabaho at kung paano ninyo dapat maalala ang salita ng Panginoong Jesus, mga salita na siya mismo ang nagsabi: “Mas mapalad ang nagbibigay kaysa sa tumatanggap.”
-
17 Sapagkat kung sinuman ang kay Cristo, siya ay isang bagong nilalang. Ang luma ay lumipas na. Tingnan, sila ay naging bago na.
18 Ang lahat ng mga bagay na ito ay nagmula sa Diyos. Nakipagkasundo siya sa atin dahil kay Cristo, at binigyan niya tayo ng ministeryo sa pagkakasundo. 19 Ang ibig sabihin, dahil kay Cristo, ipinagkakasundo ng Diyos ang mundo sa kaniya, at hindi binilang ang kanilang mga pagkakasala laban sa kanila. Ipinagkakatiwala niya sa atin ang mensahe ng pakikipagkasundo.
20 Kaya kami ay itinalaga bilang mga kinatawan ni Cristo, na para bang ang Diyos mismo ang nakikipag-usap sa inyo sa pamamagitan namin. Ipinakikiusap namin sa inyo, alang-alang kay Cristo: “Makipagkasundo kayo sa Diyos!” 21 Si Jesus ay ginawa niyang handog para sa ating mga kasalanan. Siya na hindi kailan man nagkaroon ng kasalanan. Ginawa niya ito upang tayo ay maging katuwiran ng Diyos sa kaniya.
-
8 Ngunit kung mayroong hindi nagbibigay sa kaniyang sariling kamag-anak, lalo na sa kaniyang sariling sambahayan, itinanggi niya ang pananampalataya at mas masahol pa sa hindi mananampalataya.
-
22 Nag-iiwan ng mana para sa kaniyang mga apo ang taong mabuti, pero ang kayamanan ng makasalanan ay inipon para sa gumagawa ng matuwid.
-
38 Magbigay sa iba at ito ay maibibigay sa inyo. Labis-labis na halaga—siksik, liglig at umaapaw—ang ibubuhos sa inyong kandungan. Sapagkat kung anumang batayan ng panukat ang inyong ginamit sa pagsukat, iyon din ang gagamiting batayan ng panukat para sa iyo.”
-
1 Kaya hinihikayat ko kayo, mga kapatid, alang-alang sa habag ng Diyos, na ialay ninyo ang inyong mga katawan na isang buhay na alay, banal, katanggap-tanggap sa Diyos. Ito ang inyong nararapat na paglilingkod. 2 Huwag kayong umayon sa mundong ito, ngunit mag-iba kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip. Gawin ninyo ito upang malaman ninyo kung ano ang mabuti, katanggap-tanggap, at ganap na kalooban ng Diyos.
-
24 Ngayon nagagalak ako sa aking mga paghihirap para sa inyo. At pinupunan ko sa aking laman anuman ang kakulangan sa mga paghihirap ni Cristo para sa kapakanan ng kaniyang katawan, na ang iglesiya. 25 Dahil sa iglesiyang ito kaya ako naging lingkod, ayon sa tungkulin mula sa Diyos na ibinigay sa akin para sa inyo upang punuin ang salita ng Diyos. 26 Ito ang lihim na katotohanan na itinago sa panahon at sa mga salinlahi. Ngunit nahayag ito ngayon sa mga naniniwala sa kaniya. 27 Ito ay para sa kanila na nais ng Diyos na makaalam kung ano ang mga kayamanan ng maluwalhating lihim na ito ng katotohanan sa mga Gentil. Ito ay si Cristo na nasa inyo, ang pagtitiwala ng kaluwalhatian sa hinaharap.
28 Siya ito na ating ipinapahayag. Pinagsasabihan natin ang bawat isa, at tinuturuan natin ang bawat isa ng may buong karunungan, upang maiharap natin ang bawat tao na ganap kay Cristo. 29 Dahil dito, ako ay gumagawa at nagpapakahirap ayon sa kaniyang kalakasan na kumikilos sa akin sa kapangyarihan.
-
27 Ang nagbibigay sa mahirap ay hindi magkukulang, pero sinumang magsara ng kaniyang mga mata sa kanila ay tatanggap ng maraming mga sumpa.
-
24 Walang sinuman ang maaaring maglingkod sa dalawang amo, sapagkat kakamuhian niya ang isa at mamahalin ang isa, o di kaya tapat siya sa isa at hahamakin ang isa. Hindi ninyo maaaring paglingkuran ang Diyos at ang kayamanan.
25 Ngayon sasabihin ko sa inyo, huwag kayong mabalisa sa inyong buhay, kung ano ang inyong kakainin o ang inyong iinumin—o tungkol sa inyong katawan, kung ano ang inyong isusuot. Sapagkat hindi ba mas higit ang buhay kaysa sa pagkain, at ang katawan kaysa sa mga damit? 26 Tingnan ninyo ang mga ibon sa himpapawid. Hindi sila nagtatanim o nag-aani ni nag-iipon sa mga kamalig, ngunit pinapakain sila ng inyong Ama na nasa langit. Hindi ba higit kayong mahalaga kaysa sa kanila?
-
41 Pagkatapos umupo si Jesus sa tapat ng lalagyan ng kaloob sa templo; pinagmamasdan niya ang mga tao habang inihuhulog nila ang kanilang pera sa kahon. Maraming mayayamang tao ang naglalagay ng malalaking halagang pera. 42 At dumating ang isang mahirap na balo at naglagay ng dalawang kusing na nagkakahalaga ng isang pera.
43 At tinawag niya ang kaniyang mga alagad at sinabi sa kanila, “Mahalaga itong sinasabi ko sa inyo, ang mahirap na balong ito ay nakapaglagay ng higit kaysa lahat ng nagbigay sa lalagyan ng kaloob 44 Sapagkat nagbigay ang lahat sa kanila mula sa kanilang kasaganahan. Ngunit ang balong ito, sa kaniyang kahirapan, inilagay ang lahat ng perang mayroon siya na kaniyang ikabubuhay.”
-
4 Sa halip, kami ay pinagtibay ng Diyos na napagkatiwalaan ng ebanghelyo, kaya ito ay aming sinasabi. Kami ay nagsasalita, hindi upang magbigay lugod sa mga tao, kundi upang magbigay lugod sa Diyos. Siya ang nakakasiyasat sa aming mga puso.
Shows Read in context, Share and Copy.