68 Bible Verses About Wives

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Bible Verses About Wives
  1. 22 Mga asawang babae, magpasakop kayo sa inyong mga asawa, gaya sa Panginoon. 23 Sapagkat ang asawang lalaki ang ulo ng babae, tulad ni Cristo na siyang ulo ng Iglesia. Siya ang tagapagligtas ng katawan. 24 Ngunit kung papaanong ang Iglesia ay nagpapasakop kay Cristo, gayon din naman ang mga asawang babae sa kanilang mga asawa sa lahat ng bagay.

    25 Mga asawang lalaki ibigin ninyo ang inyong mga asawa katulad din ng pagmamahal ni Cristo sa Iglesia at ibinigay ang kaniyang sarili sa kanya. 26 Ginawa niya ito upang gawin siyang banal. Nilinis niya ito sa pamamagitan ng paghugas ng tubig sa salita. 27 Ginawa niya ito upang maiharap sa kaniya ang isang maluwalhati na Iglesia na walang dungis o kulubot o ano mang katulad nito, ngunit sa halip banal at walang kamalian.

    28 Gayon din naman, ang mga asawang lalaki ay kailangang mahalin ang kanilang sariling asawa katulad ng sarili nilang katawan. Ang nagmamahal sa kaniyang sariling asawa ay nagmamahal din sa Kaniyang sarili. 29 Walang tao ang nagagalit sa kaniyang sariling katawan. Sa halip, inaalagaan niya ito at minamahal katulad ng pagmamahal ni Cristo sa iglesia. 30 Sapagkat tayo ay mga bahagi ng kaniyang katawan.

    31 Dahil dito iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ina at makikiisa sa kaniyang asawa at ang dalawa ay magiging isang laman.” 32 Ito ay nakatagong dakilang katotohanan, subalit ako ay nagsasalita patungkol kay Cristo at sa iglesia. 33 Gayon pa man, ang bawat isa sa inyo ay kinakailangang mahalin ang kaniyang sariling asawa tulad ng kaniyang sarili, at ang asawang babae ay kinakailangang igalang ang kaniyang asawa.

  2. 18 Pagkatapos sinabi ni Yahweh na Diyos, “Hindi mabuti na ang lalaki ay nag-iisa. Gagawa ako ng katuwang na babagay para sa kanya.”

    19 Mula sa lupa ginawa ni Yahweh na Diyos ang bawat hayop sa bukid at bawat ibon sa langit. Pagkatapos dinala niya sila sa lalaki upang makita kung ano ang itatawag niya sa kanila. Anuman ang itinawag ng lalaki sa bawat buhay na nilikha, iyon ang kanyang pangalan. 20 Ang lalaki ay nagbigay ng mga pangalan para sa lahat ng mga hayop, sa lahat ng mga ibon sa langit, at sa bawat mabangis na hayop sa bukid. Pero para sa lalaki mismo ay walang nahanap na katuwang na babagay para sa kanya.

    21 Dinulot ni Yahweh na Diyos na makatulog nang mahimbing ang lalaki, kaya nakatulog ang lalaki. Kumuha si Yahweh na Diyos ng isa sa kanyang mga tadyang at isinara ang laman kung saan niya kinuha ang tadyang. 22 Sa pamamagitan ng tadyang na kinuha ni Yahweh na Diyos mula sa lalaki, ginawa niya ang babae at dinala siya sa lalaki. 23 Sinabi ng lalaki, “Sa oras na ito, ito ang buto ng aking mga buto, at laman ng aking laman. Tatawagin siyang 'babae', dahil kinuha siya sa lalaki.”

    24 Kaya iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ang kanyang ina, makikipag-isa siya sa kanyang asawa, at sila ay magiging isang laman.

    25 Kapwa sila hubad, ang lalaki at ang kanyang asawa, pero hindi sila nahihiya.

  3. 1 Sa ganitong paraan, kayong mga asawang babae ay dapat magpasakop sa inyong mga asawa, sa gayon, kahit may ilang hindi sumusunod sa salita, sa pamamagitan ng pag-uugali ng kanilang asawang babae, mahikayat sila nang walang salita, 2 dahil makikita nila ang inyong dalisay na pag-uugali na may karangalan sa kanilang sarili.

    3 Huwag ninyo itong gawin sa pamamagitan ng panlabas na paggayak—pagtitirintas ng buhok, pagsusuot ng alahas, o magagarang damit. 4 Sa halip, gawin niyo ito sa pamamagitan ng panloob na pagkatao na nasa puso, at nang walang kupas na kagandahan ng isang mahinahon at mapayapang espiritu na natatangi sa paningin ng Diyos. 5 Sapagkat ang banal na mga kababaihan noon ay minsang naggayak ng kanilang mga sarili sa ganitong paraan. Nagtiwala sila sa Diyos at nagpasakop sila sa kanilang mga asawa. 6 Sa ganitong paraan sumunod si Sara kay Abraham at tinawag siyang kaniyang “panginoon.” Kayo ngayon ay kaniyang mga anak kung ginagawa ninyo ang mabuti at kung hindi kayo natatakot sa kaguluhan.

  4. 4 Si Jesus ay sumagot at nagsabi, “Hindi ba ninyo nabasa, na ang gumawa sa kanila sa simula pa lamang ay ginawa silang lalaki at babae? 5 At sinabi rin niyang, 'Sa ganitong dahilan iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ina upang makiisa sa kaniyang asawa, at ang dalawa ay magiging iisang laman?' 6 Kaya nga sila ay hindi na dalawa, kundi iisang laman. Samakatwid ang ano mang pinagsama ng Diyos ay walang sinumang makapaghihiwalay.”

    7 Sinabi nila sa kaniya, “Bakit noon ay inutusan tayo ni Moises na gumawa ng kasulatan ng paghihiwalay at paalisin na siya?”

    8 Sinabi niya sa kanila, “Dahil sa katigasan ng inyong puso ay pinayagan ni Moises na hiwalayan ninyo ang inyong mga asawa, subalit mula sa simula hindi gayon. 9 Sinasabi ko sa inyo, ang sinumang makikipaghiwalay sa kaniyang asawa, maliban sa sekwal na imoralidad, at mag-aasawa ng iba, ay nangangalunya. At ang lalaki na magpapakasal sa hiniwalayan na babae ay nakagawa ng pangangalunya.”

    10 Sinabi ng mga alagad kay Jesus, “Kung ganyan ang kalagayan ng lalaki sa kaniyang asawa, mabuti pang hindi na mag-aasawa.”

    11 Subalit sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi lahat ay tatanggap sa aral na ito, kundi sila lamang na pinahihintulutan na tanggapin ito. 12 Sapagkat mayroong mga eunuko na ipinanganak sa sinapupunan ng kanilang ina. At may mga eunoko na ginawang eunuko ng mga tao. At may mga eunuko na ginawa nilang mga eunuko ang kanilang sarili alang-alang sa kaharian ng langit. Siya na kayang tumanggap sa aral na ito, tanggapin niya ito.

  5. 3 Ang mga nakatatandang babae gayon din dapat laging ipakilalang sila rin ay kagalang-galang at hindi mga tsismosa. Sila ay hindi dapat inalipin ng sobrang alak. Sila ay dapat nagtuturo ng kung ano ang mabuti 4 upang masanay ang mga nakababatang babae sa matinong pagmamahal sa kanilang sariling mga asawa at mga anak. 5 Sila ang dapat magsanay sa kanila na maging matino, dalisay, mga mabuting tagapangalaga ng tahanan at masunurin sa kanilang sariling mga asawa. Dapat nilang gawin ang mga bagay na ito upang ang Salita ng Diyos ay hindi maalipusta.

  6. 1 Ngayon tungkol sa mga bagay na isinulat ninyo sa akin: May mga panahon na nakakabuti sa isang lalaki na huwag sumiping sa babae. 2 Ngunit dahil sa mga tukso ng mga mahalay na gawain, bawat lalaki ay dapat magkaroon ng sariling asawang babae at ang bawat babae ay dapat magkaroon din ng sariling asawang lalaki.

    3 Dapat ibigay ng asawang lalaki sa kaniyang asawa ang pang mag-asawang karapatan at ganoon din ang asawang babae sa kaniyang asawang lalaki. 4 Hindi ang babae ang may kapamahalaan sa kaniyang sariling katawan, kundi ang kaniyang asawang lalaki. At ganoon din, ang lalake hindi siya ang may kapamahalaan sa kaniyang sariling katawan, kundi ang kaniyang asawang babae.

    5 Huwag ninyong ipagkait sa isa't- isa ang pagsisiping, maliban sa napagkasunduan at sa isang takdang panahon. Gawin ninyo ito upang maitatalaga ang inyong mga sarili sa pananalangin. Pagkatapos magsama kayong muli upang hindi kayo matukso ni Satanas dahil sa kawalang pagtitimpi. 6 Ngunit sinasabi ko sa inyo ang mga bagay na ito bilang pagsusumamo at hindi bilang isang utos. 7 Nais ko sanang ang bawat isa ay katulad ko. Kaya lang may kaloob ang bawat isa na galing sa Diyos. Ang isa ay may ganitong uri ng kaloob at ang iba ay may ibang kaloob.

    8 Sa mga hindi pa nag-aasawa at sa mga babaeng balo sinasabi ko na mas mabuti pa sa kanila na manatiling walang asawa, katulad ko. 9 Ngunit kung hindi na nila kayang pigilan ang kanilang mga sarili, sila ay dapat ng mag- asawa. Dahil mas mabuti na sila ay mag-asawa kaysa mag-alab sa pita ng damdamin.

    10 Ngayon sa mga may asawa ibinibigay ko ang utos na ito—hindi ako, kundi ang Panginoon: “Ang babae ay hindi dapat humiwalay sa kaniyang asawa”. 11 Ngunit kung siya ay hihiwalay sa kaniyang asawa, dapat na manatili siyang walang asawa o kaya ay makipagkasundo sa kaniya. At “ang lalaki ay hindi dapat hiwalayan ang kaniyang asawa.”

    12 Ngunit sa iba ay sinasabi ko—ako, at hindi ang Panginoon—na kung may kapatid na lalaki na may asawang hindi mananampalataya, at kung ang babae ay kuntento naman sa pakikisama sa kaniya, huwag niya itong hihiwalayan. 13 Kung ang babae ay may asawang hindi mananampalataya at kung ang lalake ay kuntento naman sa pakikisama sa kaniya, huwag niya itong hihiwalayan. 14 Sapagkat ang asawang lalaki na hindi mananampalataya ay naibukod na dahil sa kaniyang mananampalatayang asawa, at ang babae na hindi mananampalataya ay naibukod na rin dahil sa kaniyang asawang mananampalataya. Kung hindi, ang inyong mga anak ay hindi malilinis, ngunit sa katotohanan sila ay naibukod na.

    15 Ngunit kung ang hindi Kristiyanong asawa ay humiwalay, hayaan siyang umalis. Sa ganyang mga kalagayan, ang mga kapatid na lalaki at babae ay hindi nakatali sa kanilang mga sumpaan. Tinawag tayo ng Diyos na mamuhay na mapayapa. 16 Sapagkat babae, paano mo nalalaman kung maililigtas mo ang iyong asawa? O lalaki, paano mo nalalaman kung maliligtas mo ang iyong asawa?

    17 Hayaan na lamang na ang bawat isa ay mamuhay sa buhay na itinalaga ng Panginoon sa kanila, gaya ng pagkatawag ng Diyos sa bawat isa. Ito ang aking panuntunan sa lahat ng iglesia.

  7. 14 Huwag kayong makikipag-isa sa mga hindi mananampalataya. Ano ang kaugnayan ng katuwiran sa kasamaan? At anong kaugnayan mayroon ang ilaw sa kadiliman?

  8. 10 Sino ang makatatagpo ng may kakayahang asawang babae? Ang halaga niya ay higit sa mamahaling hiyas. 11 Ang puso ng kaniyang asawang lalaki ay nagtitiwala sa kaniya, at kailanman hindi siya maghihirap. 12 Mga mabubuting bagay ang ginagawa niya para sa kaniya at hindi masama sa lahat ng mga araw ng kaniyang buhay. 13 Pumipili siya ng balahibo at lana at gumagawa ng may kasiyahan ang kaniyang mga kamay. 14 Katulad siya ng mga barko ng mangangalakal; nagdadala siya ng pagkain mula sa malayo. 15 Bumabangon siya habang gabi pa at nagbibigay ng pagkain sa kaniyang sambahayan, at ipinamamahagi niya ang mga gawain sa kaniyang mga aliping babae. 16 Isinasaalang-alang niya ang bukirin at ito ay binibili, sa pamamagitan ng bunga ng kaniyang mga kamay, nakapagtanim siya ng ubasan. 17 Dinadamitan niya ang kaniyang sarili ng lakas at pinalalakas niya ang kaniyang mga braso. 18 Nauunawaan niya kung ano ang magbibigay ng malaking kita para sa kaniya; buong gabi ay hindi namatay ang kaniyang lampara. 19 Inilalagay niya ang kaniyang mga kamay sa ikiran, at buhol na sinulid ay kaniyang hinahawakan. 20 Ang mga taong mahihirap ay inaabot niya ng kaniyang kamay; ang mga taong nangangailangan ay inaabot niya ng kaniyang mga kamay. 21 Hindi siya natatakot sa lamig ng niyebe para sa kaniyang sambahayan, dahil ang kaniyang buong sambahayan ay nababalot ng pulang makapal na kasuotan. 22 Gumagawa siya ng mga sapin para sa higaan niya at mga lilang damit na pinong lino ang sinusuot niya. 23 Ang kaniyang asawa ay kilala sa mga tarangkahan, kapag umuupo siya kasama ng mga nakatatanda sa bayan. 24 Gumagawa at nagbebenta siya ng linong kasuotan, at nagmumula sa kaniya ang mga sintas ng mga mangangalakal. 25 Ang kalakasan at karangalan ay suot niya, at sa oras na darating, siya ay tumatawa. 26 Binubuksan niya ang kaniyang bibig ng may karunungan, at nasa kaniyang dila ang batas ng kabaitan. 27 Binabantayan niya ang pamamaraan ng kaniyang sambahayan at hindi kumakain ng tinapay ng pagkabatugan. 28 Ang kaniyang mga anak ay babangon at tinatawag siyang pinagpala; ang kaniyang asawang lalaki ay pupurihin na nagsasabing, 29 “Maraming mga babae ang gumawa ng mabuti, ngunit hinihigitan mo silang lahat.” 30 Ang pagiging elegante ay mapanlinlang, ang kagandahan ay walang kabuluhan, pero ang babaeng may takot kay Yahweh ay mapapapurihan. 31 Ibigay mo sa kaniya ang bunga ng mga kaniyang kamay, at hayaan mong ang kaniyang mga gawa, sa mga tarangkahan, siya ay papurihan.

  9. 17 At anuman ang inyong ginagawa sa salita man o sa gawa, gawin ninyo ang lahat sa pangalan ng Panginoong Jesus. Magpasalamat sa Diyos Ama sa pamamagitan niya.

    18 Mga asawang babae, magpasakop kayo sa inyong mga asawa, dahil ito ang nararapat sa Panginoon.

    19 Mga asawang lalaki, mahalin ninyo ang inyong mga asawa at huwag maging malupit laban sa kanila.

  10. 22 Ang sinumang nakatatagpo ng asawang babae ay nakahahanap ng mabuting bagay at tatanggap ng pagpapala mula kay Yahweh.

  11. 9 Gayundin, nais ko ang mga kababaihan na magsuot ng nararapat na kasuotan ng may kahinhinan at pagpipigil sa sarili. Hindi sila dapat magtirintas ng buhok, o maglagay ng ginto, o perlas, o magsuot ng mamahaling damit. 10 Nais ko silang magsuot ng kung ano ang angkop sa mga kababaihan na nagpapahayag ng pagiging maka-diyos sa pamamagitan ng mga mabubuting gawa.

    11 Dapat matuto ang babae ng may pananahimik at nang buong pagpapasakop. 12 Hindi ko pinahihintulutan ang isang babae na magturo o pamahalaan ang isang lalaki ngunit mamuhay sa katahimikan. 13 Sapagkat unang nilikha si Adan bago si Eba. 14 At si Adan ay hindi nalinlang, ngunit lubos na nadaya ang babae sa pagsuway. 15 Gayunman, maliligtas siya sa pamamagitan ng panganganak, kung sila ay magpapatuloy sa pananampalataya, sa pag-ibig at kabanalan na may mahinahon na kaisipan.

  12. 5 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ito ay dahil sa matitigas ninyong mga puso, kaya isinulat niya ang batas na ito. 6 Ngunit sa simula pa lamang ng paglikha, 'Ginawa sila ng Diyos na lalaki at babae.' 7 'Sa kadahilanang ito, iiwanan ng lalaki ang kaniyang ama at ina upang makipisan sa kaniyang asawa, 8 at ang dalawa ay magiging isang laman.' Kaya hindi na sila dalawa, kundi iisang laman. 9 Kaya ang pinagbuklod ng Diyos, huwag paghiwalayin ng tao.”

  13. 13 Kasiraan sa kaniyang ama ang isang mangmang na anak at ang mapang-away na asawang babae ay tulo ng tubig na walang tigil. 14 Ang bahay at kayamanan ay namamana mula sa mga magulang, ngunit mula kay Yahweh ang masinop na asawang babae.

  14. 7 Gayun din, kayong mga asawang lalaki ay dapat mamuhay kasama ang inyong asawa nang nalalaman na sila ay mas mahinang kabiyak, kinikilala sila na kapwa ninyong tatanggap ng kaloob ng buhay. Gawin ninyo ito upang ang inyong mga panalangin ay hindi mahadlangan.

  15. 4 Dapat igalang ng lahat ang pag-aasawa at panatilihing dalisay ang pagtatalik ng mag-asawa, sapagkat hahatulan ng Diyos ang mga nakiki-apid at ang mga nangangalunya.

  16. 4 Ang isang karapat-dapat na asawang babae ay korona ng kaniyang asawang lalaki, ngunit ang babaeng nagdadala nang kahihiyan ay tulad ng isang sakit na sumisira ng kaniyang mga buto.

  17. 31 At sinabi din, 'Kung sinuman ang magpalayas sa kaniyang asawang babae, dapat niya itong bigyan ng kasulatan ng paghihiwalay.' 32 Ngunit sinasabi ko sa inyo, sinumang makipaghiwalay sa kaniyang asawang babae maliban lamang kung sa sekswal na imoralidad ang dahilan nito ay nagiging sanhi ng pangangalunya ng kaniyang asawa. At kung sinumang magpakasal sa kaniya pagkatapos siyang hiwalayan ay nangangalunya rin.

  18. 1 Tularan ninyo ako, gaya ng pagtulad ko kay Cristo.

    2 Ngayon pinupuri ko kayo dahil naalala ninyo ako sa lahat ng bagay. Pinupuri ko kayo dahil pinanghawakan ninyo ng mahigpit ang mga tradisyong gaya ng pagturo ko sa inyo. 3 Ngayon, gusto kong maintindihan ninyo na si Cristo ang ulo ng bawat lalaki, at ang lalaki ang ulo ng babae, at ang Diyos ang ulo ni Cristo.

  19. 7 Sapagkat hindi dapat magtakip ng kaniyang ulo ang lalaki, dahil siya ang larawan at kaluwalhatian ng Diyos. Ngunit ang babae ang kaluwalhatian ng lalaki. 8 Sapagkat hindi ginawa ang lalaki mula sa babae. Sa halip, ang babae ang ginawa mula sa lalaki. 9 Sapagkat, hindi rin nilikha ang lalaki para sa babae, kundi nilikha ang babae para sa lalaki. 10 Ito ang dahilan kung bakit ang babae ay dapat magkaroon ng tanda ng kapamahalaan sa kaniyang ulo, dahil sa mga anghel.

    11 Gayon pa man, sa Panginoon, hindi malaya ang babae sa lalaki, ni hindi rin malaya ang lalaki sa babae. 12 Sapagkat nagmula sa lalaki ang babae, gayon din ang lalaki ay nagmula sa babae. At nagmula sa Diyos ang lahat ng bagay.

  20. 34 dapat manahimik ang mga kababaihan sa mga iglesya. Sapagkat hindi sila pinahihintulutang magsalita. Sa halip, dapat silang magpasakop tulad ng sinasabi sa kautusan. 35 Kung mayroon man silang nais matutuhan, hayaan silang magtanong sa kanilang mga asawa sa tahanan. Sapagkat nakakahiya para sa isang babae ang magsalita sa iglesya.

  21. 9 Itala bilang isang balo ang babaeng hindi bababa sa animnapu ang edad, asawa ng isang lalaki. 10 Dapat siyang makilala sa kaniyang mabubuting gawa, maging sa pag-aalaga ng mga bata, o sa pagpapatuloy ng mga taga-ibang bayan, o sa paghuhugas ng paa ng mga mananampalataya, o sa pagtulong sa mga nagdurusa, o sa pagiging tapat sa bawat mabubuting gawain.

    11 Ngunit sa mga mas batang balo, tanggihan mo silang itala sa listahan. Dahil kapag sila ay bumigay sa pagnanasa ng laman laban kay Cristo ay nais nilang mag-asawa. 12 Sa pamamagitan nito, pinahihintulutan nila ang kasalanan dahil tinalikuran nila ang una nilang pangako. 13 Nasanay din silang maging tamad. Pumupunta din sila sa mga bahay-bahay. Hindi lang sila naging tamad, ngunit sila din ay naging mga mapanirang-puri at naging mapanghimasok. Sinasabi nila ang mga bagay na hindi nila dapat sabihin.

    14 Kaya naman gusto ko ang mga mas batang babae na mag-asawa, manganak, upang mamahala sa tahanan, upang hindi mabigyan ng pagkakataon ang kaaway na tayo ay paratangan sa paggawa ng masama.

  22. 7 Magalak tayo at maging napakasaya at bigyan siya ng kaluwalhatian dahil ang pagdiriwang ng kasalan ng Kordero ay darating, at ang babaing kaniyang papakasalan ay inihanda ang kaniyang sarili. 8 Siya ay pinahintulutang magsuot ng maliwanag at malinis na pinong lino (dahil ang pinong lino ay mga gawaing matutuwid ng mga mananampalataya).

    9 Sinabi sa akin ng anghel, “Isulat mo ito: Pinagpala ang mga inanyayahan sa pagdiriwang ng kasalan sa Kordero.” Sinabi rin niya sa akin, “Ito ang tunay na mga salita ng Diyos.

  23. 16 Sinabi niya sa babae, “Higit kong patitindihin ang sakit mo sa panganganak; sa sakit ka magsisilang ng mga anak. Ang iyong pagnanais ay para sa iyong asawa, subalit pamumunuan ka niya.”

  24. 17 Sapagkat mismong si Herodes ang nagpadakip kay Juan at ipinagapos siya sa bilangguan dahil kay Herodias, (asawa ng kapatid niyang si Felipe) dahil naging asawa niya ito. 18 Sapagkat sinabi ni Juan kay Herodes, “Hindi naaayon sa batas na mapasaiyo ang asawa ng iyong kapatid.”

  25. 38 Kaya sinuman ang magnanais na magpakasal sa kaniyang magiging asawa ay mabuti naman, at sa isa na pumili na hindi na siya mag-asawa ay mas lalong mainam.

    39 Ang isang babae ay natatalian sa kaniyang asawa habang siya ay nabubuhay. Ngunit kung ang asawang lalaki ay mamatay, siya ay malayang mag- asawa sa sinuman naisin niya, ngunit sa Panginoon lamang. 40 Ngunit sa aking paghatol siya ay mas magiging masaya kung mananatili siya sa kaniyang kalagayan. At iniisip ko na ako rin ay may Espiritu ng Diyos.

  26. 3 at pasusumpain kita kay Yahweh, ang Diyos ng langit at ang Diyos ng lupa, na hindi ka kukuha ng asawa para sa aking anak na lalaki mula sa mga anak na babae ng mga Cananeo, kung saan ako nanahan. 4 Ngunit pumunta ka sa aking bansa, at sa aking mga kamag-anak, at kumuha ng isang asawa para sa aking anak na si Isaac.”

  27. 1 Kapag dinala kayo ni Yahweh na inyong Diyos sa lupain na inyong pupuntahan para angkinin at paalisin ang maraming mga bansa sa inyong harapan - ang mga anak ni Heth, ang mga Gergeseo, ang mga Amoreo, ang mga Canaaneo, ang mga Perezeo, ang mga Heveo at ang mga Jebuseo-pitong bansang lalong malaki at malalakas kaysa sa inyo; 2 at kapag bibigyan kayo ni Yahweh na inyong Diyos ng katagumpayan sa kanila kapag nakita ninyo sila sa digmaan, dapat ninyo silang salakayin, pagkatapos dapat ganap ninyo sila wasakin. Hindi kayo gagawa ng tipan sa kanila, ni magpakita ng awa sa kanila.

    3 Ni naisin ninyo na makipag-ayos ng kasal sa kanila; hindi ninyo ibibigay ang inyong mga anak na mga babae sa kanilang mga anak na lalaki, at hindi ninyo kukunin ang kanilang mga anak na babae para sa inyong mga anak na lalaki. 4 Dahil ilalayo nila ang inyong mga anak na lalaki mula sa pagsunod sa akin, para sambahin nila ang ibang mga diyos. Kaya ang galit ni Yahweh ay magsisiklab laban sa inyo at wawasakin niya kayo agad.

  28. 15 Uminom ng tubig mula sa inyong sariling sisidlan, at uminom ng bukal na tubig mula sa inyong sariling balon. 16 Dapat bang ang inyong mga bukal ay umapaw sa lahat ng dako, at ang inyong mga batis ng tubig ay umagos sa mga liwasang-bayan? 17 Hayaan na ang mga ito ay sa inyo lamang, at hindi para sa mga hindi kilalang taong kasama ninyo. 18 Nawa'y ang inyong bukal ay pagpalain, at nawa'y kayo ay magalak sa asawa sa inyong kabataan. 19 Sapagkat siya ay isang mapagmahal at kaaya-aya tulad ng usang babae. Hayaan ninyo ang kaniyang dibdib ay punuin kayo ng galak sa lahat ng panahon; laging maging bihag ng kaniyang pag-ibig. 20 Sapagkat bakit ikaw, aking anak, ay dapat na mabihag ng isang babaeng nangangalunya; bakit mo kailangang yakapin ang dibdib ng isang hindi kilalang babae? 21 Nakikita ni Yahweh ang lahat ng ginagawa ng isang tao at pinanonood ang lahat ng landas na kaniyang tinatahak. 22 Ang isang masamang tao ay mabibitag ng kaniyang sariling mga kasalanan; ang mga lubid ng kaniyang kasalanan ay pipigilan siya ng mahigpit. 23 Siya ay mamamatay dahil kulang siya ng disiplina; siya ay inililigaw ng kaniyang labis na kamangmangan.

  29. 5 Dahil ang inyong Manlilikha ay ang inyong asawa; Yahweh ng mga hukbo ang kanyang pangalan. At Ang Banal ng Israel ay ang inyong Manunubos; Tinatawag siyang Diyos ng buong daigdig.

  30. 14 Ngunit sinasabi ninyo, “Bakit ayaw niya?” Sapagkat saksi si Yahweh sa pagitan mo at sa asawa ng inyong kabataan na pinagtaksilan mo, kahit na kasama mo siya at asawa mo sa pamamagitan ng kasunduan.

    15 Hindi ba ginawa kayong iisa nang may bahagi ng kaniyang espiritu? At bakit niya kayo ginawang iisa? Dahil umaasa siyang magkakaroon ng maka-Diyos na lahi. Kaya ingatan ninyo ang inyong mga sariling kalooban at huwag hayaan ang sinuman na magtaksil sa asawa ninyo noong kabataan ninyo.

  31. 9 Masaya kang mamuhay kasama ang iniibig mong asawa sa lahat ng araw ng buhay mo nang walang pakinabang, ang mga araw na ibinigay sa iyo ng Diyos sa ilalim ng araw sa mga araw nang walang pakinabang. Iyon ang gantimpala ng buhay mo para sa ginawa mo sa ilalim ng araw.

  32. 2 Sapagkat itinatali ng kautusan ang asawang babae sa kaniyang asawa habang siya ay nabubuhay, ngunit kung mamatay ang asawang lalaki, malaya na siya sa kautusan ng pag-aasawa. 3 Kung gayon, habang nabubuhay pa ang kaniyang asawang lalaki, kapag nakipamuhay siya sa ibang lalaki, tatawagin siyang mangangalunya. Ngunit kung namatay ang asawang lalaki, malaya na siya sa kautusan, kaya hindi na siya isang mangangalunya kung namumuhay siya kasama ang ibang lalaki.

  33. 11 Gayun din ang mga babae, dapat maging marangal. Dapat hindi sila mapanirang-puri. Dapat mahinahon at tapat sila sa lahat ng bagay.

  34. 9 Saka sinabi sa kaniya ng kaniyang asawa, “Panghahawakan mo pa rin ba ang iyong integridad? Isumpa mo na ang Diyos at mamatay ka na.”

  35. 2 Nakita ko ang banal na lungsod, ang bagong Jerusalem, na bumamababa mula sa langit mula sa Diyos, inihanda tulad ng isang babaeng ikakasal na pinaganda para sa kaniyang asawa.

  36. 17 Hindi ninyo dapat kainggitan ang bahay ng iyong kapwa; hindi ninyo dapat kainggitan ang asawa ng iyong kapwa, ang kaniyang lingkod na lalaki, ang kaniyang lingkod na babae, ang kaniyang baka, kaniyang asno o anumang bagay na pag-aari ng kapwa mo.”

  37. 20 Huwag kayong sumiping sa asawa ng inyong kapit-bahay at dungisan ang inyong sarili sa kanya sa ganitong paraan.

  38. 11 Sinabi niya sa kanila, “Sinumang makipaghiwalay sa kaniyang asawang babae at mag-asawa ng ibang babae ay nangangalunya laban sa kaniya. 12 At kung makikipaghiwalay ang babae sa kaniyang asawa at mag-asawa ng ibang lalaki, siya ay nangangalunya.”

  39. 14 Hindi kayo dapat mangalunya.

  40. 22 Sinabi ni Manoa sa kaniyang asawa, “Tiyak na mamamatay tayo, dahil nakita natin ang Diyos!”

    23 Pero sinabi sa kaniya ng kaniyang asawa, “Kung nais tayong patayin ni Yahweh, hindi niya tatanggapin ang ating sinunog na handog at handog na pagkaing butil na ibinigay natin sa kaniya. Hindi niya ipapakita sa atin ang lahat ng mga bagay na ito, ni sa panahong ito na hayaan niya tayong marinig ang ganoong mga bagay.”

  41. 19 Mas mabuti pang mamuhay sa disyerto kaysa makasama ang babaeng nagdudulot nang alitan at sobrang makapagreklamo.

  42. 8 Huwag kayong magkautang ng anuman sa kanino man, maliban sa pagmamahal sa isa't isa. Sapagkat ang sinumang nagmamahal sa kaniyang kapwa ay tumutupad sa kautusan. 9 Sapagkat, “Hindi ka mangangalunya, hindi ka papatay, hindi ka magnanakaw, hindi ka mag-iimbot,” at kung may iba ring kautusan, pinagsama-sama ito sa pangugusap na ito: “Mamahalin mo ang iyong kapwa tulad ng iyong sarili.” 10 Ang pag-ibig ay hindi gumagawa ng masama sa kaniyang kapwa. Kaya, pag-ibig ang katuparan ng kautusan.

  43. 1 Kapag ang isang lalaki ay kumuha ng isang asawa at pinakasalan niya, kung wala siyang nakitang pabor sa kaniyang mga mata dahil nakakita siya ng hindi angkop na bagay sa kaniya, dapat siyang sumulat ng liham ng pagkakahiwalay, ilagay ito sa kaniyang kamay at palabasin siya sa kaniyang bahay.

    2 Kapag siya umalis sa kaniyang bahay, maaari siyang umalis at maging asawa ng ibang lalaki. 3 Kung ang pangalawang asawang lalaki ay napoot sa kaniya at sinulatan siya ng isang kasulatan ng paghihiwalay, inilalagay ito sa kaniyang kamay at pinaalis niya sa kaniyang bahay; o kung namatay ang pangalawang asawang lalaki, ang lalaking kumuha sa kaniya para magiging kaniyang asawa— 4 pagkatapos ang kaniyang dating asawa na unang nagpalayas sa kaniya, maaaring hindi niya ito tanggapin na kaniyang asawa, matapos na siya'y maging marumi, dahil iyon ay hindi kalugod-lugod sa harapan ni Yahweh. Hindi ka dapat na magdulot sa lupain na maging makasalanan, ang lupain na ibibigay ni Yahweh na inyong Diyos bilang isang pamana.

  44. 24 Mas mabuti pa na mamuhay sa sulok ng bubungan kaysa sa makibahagi sa tahanan ng babaeng palaaway.

  45. 8 Narinig nila ang tunog ni Yahweh na Diyos na naglalakad sa hardin sa kalamigan ng araw, kaya ang lalaki at ang kanyang asawa ay nagtago mula sa presensya ni Yahweh na Diyos sa mga punong-kahoy ng hardin.

    9 Tinawag ni Yahweh na Diyos ang lalaki at sinabi sa kanya, “Nasaan ka?”

    10 Sinabi ng lalaki, “Narinig kita sa hardin, at natakot ako, dahil ako ay hubad. Kaya itinago ko ang aking sarili.”

    11 Sinabi ng Diyos, “Sinong nagsabi sa iyo na ikaw ay hubad? Kumain ka ba mula sa punong iniutos kong huwag mong kakainan?”

    12 Sinabi ng lalaki, “Ang babae na ibinigay mo sa akin, binigyan niya ako ng bunga mula sa puno at kinain ko ito.”

  46. 34 Nang si Esau ay apatnapung taong gulang na, siya ay nag-asawa, si Judit ang anak ni Beeri na mga anak ni Heth, at saka si Basemat ang anak na babae ni Elon na mga anak ni Heth. 35 Sila ay nagdala ng kalungkutan kay Isaac at Rebeca.

  47. 1 Tinawag ni Isaac si Jacob, pinagpala siya at inutusan, “Hindi ka dapat kumuha ng asawa mula sa kababaihang taga-Cananeo. 2 Tumayo ka, pumunta ka sa Paddan-aram, sa bahay ni Bethuel na ama ng iyong ina, at kumuha ka ng asawa mula roon, sa isa sa mga anak ni Laban, na kapatid ng iyong ina.

  48. 5 Kung ang magkapatid na lalaki ay magkasamang namumuhay at namatay ang isa sa kanila, na hindi nagkaroon ng anak, sa gayon ang asawa ng namatay na lalaki ay hindi dapat ipakasal sa ibang tao sa labas ng pamilya. Sa halip, ang kapatid ng kaniyang asawa ay dapat siyang sipingan at kunin siya sa kaniyang sarili bilang kaniyang asawa, at gawin ang tungkulin ng kaniyang kapatid bilang asawa niya. 6 Para ang unang niyang ipanganak ang papalit sa pangalan ng namatay na kapatid ng lalaking iyon, para ang pangalan niya ay hindi maglaho mula sa Israel.

    7 Pero kung ang lalaki ay hindi nais kunin ang asawa ng kaniyang kapatid para sa kaniyang sarili, kung gayon ang asawa ng kapatid ay dapat umakyat sa tarangkahan sa mga nakatatanda at sabihin, 'Ang kapatid ng aking asawa ay tumatangging tumayo para sa pangalan ng kaniyang kapatid sa Israel; ayaw niyang gampanan ang tungkulin ng isang kapatid ng asawa para sa akin.'

    8 Pagkatapos ang mga nakatatanda ng kaniyang lungsod ay dapat siyang tawagin at kausapin siya. Pero ipagpalagay na magpumilit siya at sabihin, Hindi ko nais na kunin siya.' 9 Sa gayon ang asawa ng kapatid niya ay dapat pumunta sa kaniya sa presensya ng mga nakatatanda, hubarin ang kaniyang sandalyas mula sa kaniyang paa, at duraan ang kaniyang mukha. Dapat niya siyang sagutin at sabihan, 'Ito ang ginagawa sa lalaking hindi itataguyod ang bahay ng kaniyang kapatid.' 10 Ang kaniyang pangalan ay tatawagin sa Israel, 'Ang bahay niya na ang sandalyas ay hinubad.'

  49. 16 Ngayon pagdating ng kaban ni Yahweh sa loob ng lungsod ni David, dumungaw sa labas ng bintana si Mical, na babaeng anak ni Saul. Nakita niya si Haring David na tumatalon at sumasayaw sa harapan ni Yahweh. Pagkatapos kinamuhian niya siya sa kaniyang puso.

  50. 3 Nagkaroon si Solomon ng pitong-daang maharlikang asawa at tatlong-daang iba pang kinakasama. Inilayo ng kaniyang mga asawa ang kaniyang puso.

    4 Dahil noong tumanda si Solomon, iniligaw ng kaniyang mga asawa ang kaniyang puso sa ibang diyos; ang kaniyang puso ay hindi niya lubos na isinuko kay Yahweh na kaniyang Diyos, gaya ng kaniyang amang si David. 5 Sinunod ni Solomon si Astarte, ang diyosa ng mga Sidonio, at sumunod siya kay Milcom, ang kasuklam-suklam na diyus-diyosan ng mga Amonita. 6 Gumawa si Solomon ng kasamaan sa paningin ni Yahweh; hindi siya lubusang sumunod kay Yahweh, tulad nang nagawa ng kaniyang amang si David.

    7 Pagkatapos nagpatayo si Solomon ng isang dambana para kay Cemos, ang kasuklam-suklam na diyus-diyosan ng Moab, sa burol na nasa silangan ng Jerusalem, at para din kay Molec, ang kasuklam-suklam na diyus-diyosan ng mga Ammonita. 8 Nagtayo rin siya ng mga dambana para sa lahat ng kaniyang mga dayuhang asawa, na nagsunog ng mga insenso at nag-alay para sa kanilang mga diyos..

  51. 9 Mas mabuti pang mamuhay sa sulok ng bubungan kaysa sa bahay na kahati ang palaaway na asawang babae.

  52. 18 Ang bawat taong hinihiwalayan ang kaniyang asawang babae at mag-asawa ng iba ay gumagawa ng pangangalunya, at ang mag-asawa sa babaing hiwalay sa kaniyang asawa ay magkakasala ng pangangalunya.

  53. 1 Ngayon, may isang lalaki na ang pangalan ay Ananias, kasama ang kaniyang asawa na si Safira, ang nagbenta ng bahagi ng kanilang ari-arian, 2 at kaniyang itinago ang bahagi ng napagbilhang pera (alam din ito ng kaniyang asawang babae), at idinala ang ibang bahagi nito at inilagay sa paanan ng mga apostol.

  54. 32 Gusto ko na kayo ay maging malaya sa mga alalahanin. Ang mga lalaking walang asawa ay alalahanin ang mga tungkol sa Panginoon, kung paano Siya paluguran. 33 Ngunit ang may asawang lalaki ay inaalala niya ang mga bagay ng mundo upang mapasaya ang kaniyang asawa, 34 ang kaniyang kaisipan ay nahahati. Ang isang babae na wala pang asawa o dalaga pa ay inaalala ang mga tungkol sa Panginoon, kung paano niya italaga ang katawan at espiritu. Ngunit ang babaeng may asawa ay inaalala niya ang mga bagay sa mundong ito, kung paano niya mapasaya ang kaniyang asawa.

    35 Aking sinasabi ito para sa inyong pakinabang, hindi upang hadlangan kayo. Aking sinasabi ito kung ano ang dapat, sa gayon kayo ay maging masigasig sa Panginoon na walang anumang abala.

    36 Ngunit kung sinuman ay nag-iisip na dahil sa labis na simbuyo ng damdamin hindi na niya napakikitunguhan na may paggalang ang kaniyang magiging asawa, ay pakasalan na niya ang babae dahil iyan ang nais niya. Ito ay hindi kasalanan.

  55. 18 Huwag kayong mangangalunya.

  56. 6 Ilagay mo ako bilang isang tatak sa iyong puso, katulad ng isang selyo sa iyong bisig, dahil ang pag-ibig ay kasing lakas tulad ng kamatayan. Ang madamdaming debosyon ay tulad ng pagpupumilit ng sheol; ang mga apoy nito ay lumalagablab; ito ay isang nagliliyab na apoy, isang apoy na mas mainit kaysa sa anumang apoy. 7 Hindi kayang pawiin ng mga tubig na dumadaluyong ang pag-ibig, kahit mga baha ay hindi kayang tangayin nito. Kung ibinigay ng isang lalaki ang lahat ng mga pag-aari sa kaniyang tahanan para sa pag-ibig, ang inaalok niya ay maaaring lubos na hamakin. Ang mga kapatid na lalaki ng dalagang babae ay nagsasalita sa kanilang mga sarili.

  57. 20 Ngunit gaya ng isang babaing taksil sa kaniyang asawa, pinagtaksilan mo ako, sambahayan ng Israel. Ito ang pahayag ni Yahweh.”

  58. 8 Nadaanan kitang muli, at nakita kita at tingnan mo! Dumating na sa iyo ang oras ng pag-ibig kaya sinuotan kita ng balabal at tinakpan ang iyong kahubaran. Pagkatapos, nangako ako sa iyo at dinala kita sa isang kasunduan—ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh—at ikaw ay naging akin.

  59. 2 Noong unang magsalita si Yahweh sa pamamagitan ni Hosea, sinabi niya sa kaniya, “Humayo ka, mag-asawa ka ng babaing nagbebenta ng aliw. Magkakaroon siya ng mga anak na bunga ng kaniyang pagbebenta ng aliw. Sapagkat nagkakasala ang lupain ng matinding gawain ng pagbebenta ng aliw habang tinatalikuran ako.”

  60. 2 Sapagkat alam ninyo kung anong mga tagubilin sa Panginoong Jesus ang aming naibigay sa inyo.

    3 Sapagkat ito ang kalooban ng Diyos: ang inyong pagpapakabanal—umiwas kayo sa kahalayan, 4 na bawat isa sa inyo ay alam kung paano makitungo sa kaniyang asawa ng may kabanalan at karangalan. 5 Huwag kayong mag-asawa sa kahalayan ng laman (gaya ng mga Gentil na di nakakakilala sa Diyos). 6 Huwag hayaan ang sinuman na pagsamantalahan at dayain ang kaniyang kapatid sa bagay na ito. Sapagkat ang Panginoon ang gaganti sa lahat ng mga bagay na ito, gaya sa aming babala sa inyo at pinatotohanan. 7 Sapagkat hindi tayo tinawag ng Diyos sa karumihan, kundi sa kabanalan. 8 Kaya, ang sinumang magtanggi nito ay hindi ang tao ang tinanggi niya, kundi ang Diyos, na nagkaloob ng Banal na Espiritu sa inyo.

  61. 1 Ngayon si Sarai, asawa ni Abram, ay hindi nagkaanak sa kaniya, pero mayroon siyang babaeng lingkod, taga-Ehipto, na ang pangalan ay Agar. 2 Kaya sinabi ni Sarai kay Abram, “Tingnan mo, pinanatili ako ni Yahweh na walang anak. Sipingan mo ang aking lingkod. Baka sakaling magkaroon ako ng anak sa pamamagitan niya.” Nakinig si Abram sa sinabi ni Sarai. 3 Iyon ay matapos na si Abram ay nanirahan ng sampung taon sa lupain ng Canaan nang ibinigay ni Sarai, asawa ni Abram, si Agar, na kaniyang lingkod na taga-Ehipto, sa kaniyang asawa bilang asawa. 4 Kaya nagkaroon siya ng kaugnayan kay Agar, at nabuntis siya. At nang makita niyang nabuntis siya, tiningnan niya ng may pag-aalipusta ang kaniyang among babae.

  62. 21 Nagdasal si Isaac kay Yahweh para sa kanyang asawa dahil wala itong anak, at sinagot ni Yahweh ang kanyang dasal, at si Rebeca na kanyang asawa ay nabuntis.

  63. 1 Ang marunong na babae ay nagtatayo ng kaniyang bahay, ngunit ang hangal na babae ay sinisira ito ng kaniyang sariling mga kamay.

  64. 27 Dahil ang isang bayarang babae ay isang malalim na hukay at ang asawa ng ibang lalaki ay isang makitid na hukay.

  65. 9 Ninakaw mo ang puso ko, aking kapatid, babaeng aking pakakasalan; nabihag mo ang puso ko, sa isang sulyap lamang sa akin, sa isang hiyas lamang ng iyong kuwintas. 10 Kay ganda ng iyong pag-ibig, aking kapatid, babaeng aking pakakasalan! Mas mainam ang pag-ibig mo kaysa sa alak, at ang halimuyak ng pabango mo kaysa sa anumang sangkap ng pabango.

  66. 14 Higit sa lahat ng mga bagay na ito, magkaroon kayo ng pag-ibig na siyang bigkis ng pagiging isang ganap.

  67. 8 Ngunit kung mayroong hindi nagbibigay sa kaniyang sariling kamag-anak, lalo na sa kaniyang sariling sambahayan, itinanggi niya ang pananampalataya at mas masahol pa sa hindi mananampalataya.

  68. 9 Lumapit sa akin ang isa sa pitong mga anghel, siyang may hawak ng pitong mangkok na puno ng pitong huling mga salot, at sinabi, “Halika rito. Ipakikita ko sa iyo ang babaeng ikakasal, ang asawa ng Kordero.”

    10 Pagkatapos dinala niya ako sa Espiritu sa isang malaki at mataas na bundok at ipinakita niya sa akin ang banal na lungsod, ang Jerusalem, na bumababa mula sa langit mula sa Diyos. 11 Mayroong kaluwalhatian ng Diyos ang Jerusalem, at ang kaningningan nito ay tulad ng isang pinakamamahaling hiyas, tulad ng isang batong kristal na malinaw na jaspe. 12 Mayroon itong isang kadakilaan, mataas na pader na may labingdalawang tarangkahan, na may labingdalawang anghel sa mga tarangkahan. Nakasulat sa mga tarangkahan ang mga pangalan ng labingdalawang lipi ng mga anak ng Israel. 13 Sa silangan ay may tatlong tarangkahan, sa hilaga ay may tatlong tarangkahan, sa timog ay may tatlong tarangkahan, sa kanluran ay may tatlong tarangkahan. 14 Ang pader ng lungsod ay may labingdalawang pundasyon, at doon ay may labingdalawang pangalan ng labindalawang apostol ng Kordero.