49 Bible Verses About Gambling
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
-
6 Ngayon ang pagiging maka-diyos na may kapanatagan ay may malaking pakinabang. 7 Sapagkat wala tayong dinalang anuman dito sa mundo. wala rin tayong madadala na anumang bagay. 8 Sa halip, masiyahan tayo sa pagkain at pananamit.
9 Ngayon sa mga gustong yumaman mahuhulog sila sa tukso, sa isang bitag. Sila ay mahuhulog sa kamangmangan at masamang pagnanasa, at sa anumang sisira at wawasak sa mga tao. 10 Sapagkat ang pag-ibig sa pera ay ugat ng lahat ng uri ng kasamaan. Ang ilang mga taong nagnais nito ay nailigaw sa kanilang pananampalataya at tinutusok nila ang kanilang sarili nang labis na kapighatian.
11 Ngunit ikaw, na lingkod ng Diyos, layuan mo ang mga bagay na ito. Sikapin mo ang katuwiran, pagiging maka-diyos, katapatan, pag-ibig, pagtitiis, at kahinahunan,
-
5 Dapat ang paraan ng inyong pamumuhay ay maging malaya mula sa labis na pagmamahal sa pera. Masiyahan sa mga bagay na mayroon kayo, sapagkat sinabi mismo ng Diyos,” Hindi kita iiwan ni pababayaan man.”
-
11 Ang kayamanan ay nauubos kapag mayroong labis na kalayawan, pero ang siyang kumikita ng salapi sa pamamagitan ng pagtatrabaho gamit ang kaniyang kamay ay mapapalago ang kaniyang salapi.
-
14 Hindi kayo dapat mangalunya. 15 Hindi kayo dapat magnakaw mula kaninuman. 16 Hindi kayo dapat magbigay ng maling patotoo laban sa iyong kapwa. 17 Hindi ninyo dapat kainggitan ang bahay ng iyong kapwa; hindi ninyo dapat kainggitan ang asawa ng iyong kapwa, ang kaniyang lingkod na lalaki, ang kaniyang lingkod na babae, ang kaniyang baka, kaniyang asno o anumang bagay na pag-aari ng kapwa mo.”
-
28 Sino man ang nagnanakaw ay hindi na dapat magnakaw. Sa halip, kailangan niyang magpagal. Kailangan niyang magtrabaho gamit ang kaniyang mga kamay, upang makatulong sa tao na nangangailangan.
-
10 Sinumang nagmamahal sa pilak ay hindi masisiyahan sa pilak, at sinuman ang nagmamahal sa yaman ay maghahangad pa nang marami. Ito din ay parang singaw. 11 Habang nadaragdagan ang kasaganaan, gayon din naman ang mga taong nangangailangan nito. Anong pakinabang sa may-ari ng yaman ang mayroon ito kundi pagmasdan ito ng kaniyang mga mata?
12 Ang tulog ng isang manggagawa ay mahimbing, kahit kaunti ang kinain o napakarami, ngunit ang kayamanan ng taong mayaman ay hindi siya pinahihintulutang matulog nang mahimbing.
13 Mayroon isang malubhang kasamaan na aking nakita sa ilalim ng araw: mga kayamanang inimbak ng may-ari, nagdudulot ng sarili niyang kapighatian. 14 Kapag nawala ng mayaman na tao ang kaniyang kayamanan dahil sa kamalasan, ang sarili niyang anak, na kaniyang inaruga ay walang naiwang anuman sa kaniyang mga kamay.
15 Gaya ng isang taong ipinanganak nang hubad mula sa sinapupunan ng kaniyang ina, gayon din hubad niyang iiwan ang buhay na ito. Walang madadala ang kaniyang kamay mula sa kaniyang paggawa.
-
12 “Para sa sakin ang lahat ay pinapahintulutan ng batas, ngunit hindi lahat ng bagay ay kapaki-pakinabang para sa akin. “Para sa sakin ang lahat ay pinapahintulutan ng batas,” ngunit hindi ako magpapaalipin alinman sa mga ito.
-
10 Nang kami ay kasama ninyo, iniutos namin sa inyo na, “Kung may isang ayaw magtrabaho, huwag siyang pakainin.”
11 Sapagkat naririnig namin na ang ilan sa inyo ay tamad. Hindi sila gumagawa sa halip sila ay nakikialam sa buhay ng iba. 12 Ngayon inutusan namin sila at hinikayat sa Panginoong Jesu-Cristo, na sila nga ay gumawa ng may katahimikan at kainin nila ang kanilang sariling pagkain. 13 Ngunit kayo, mga kapatid, huwag kayong mapanghinaan ng loob na gawin kung ano ang tama.
-
15 At sinabi niya sa kanila, “Mag-ingat na kayo ay hindi masakop ng lahat ng kasakimang pagnanasa, dahil ang buhay ng isang tao ay hindi batay sa kasaganaan ng kaniyang mga ari-arian.”
-
21 Suriin ang lahat ng bagay. Panghawakan kung ano ang mabuti. 22 Iwasan ang bawat anyo ng masama.
-
19 Ang isa na siyang nagtatrabaho sa kaniyang lupa ay magkakaroon ng maraming pagkain, pero ang sinumang sumusunod sa walang kabuluhang gawain ay magkakaroon ng maraming kahirapan. 20 Ang isang tapat na tao ay magkakaroon ng malaking mga biyaya, ngunit ang nagmamadaling yumaman ay tiyak na hindi makaka-iwas sa kaparusahan.
-
19 Huwag kayong mag-ipon ng mga kayamanan para sa inyong sarili dito sa lupa, kung saan sisirain ng tanga at kalawang, at kung saan papasukin at nanakawin ng mga magnanakaw. 20 Sa halip, mag-ipon para sa inyong sarili ng mga kayamanan sa langit, kung saan maging mga tanga ni kalawang ay di kayang sirain, at kung saan ang mga magnanakaw ay di kayang pasukin at nakawin. 21 Sapagkat kung saan naroon ang iyong kayamanan, naroon din ang iyong puso.
-
24 Walang sinuman ang maaaring maglingkod sa dalawang amo, sapagkat kakamuhian niya ang isa at mamahalin ang isa, o di kaya tapat siya sa isa at hahamakin ang isa. Hindi ninyo maaaring paglingkuran ang Diyos at ang kayamanan.
25 Ngayon sasabihin ko sa inyo, huwag kayong mabalisa sa inyong buhay, kung ano ang inyong kakainin o ang inyong iinumin—o tungkol sa inyong katawan, kung ano ang inyong isusuot. Sapagkat hindi ba mas higit ang buhay kaysa sa pagkain, at ang katawan kaysa sa mga damit?
-
9 Hindi ba ninyo alam na hindi mamanahin ng mga hindi matuwid ang kaharian ng Diyos? Huwag kayong maniwala sa mga kasinungalingan. Ang mga mahahalay, mga sumasamba sa mga diyus-diyosan, mga nangangalunya, mga lalaking nagbebenta ng aliw, silang mga nakikipagtalik sa kapwa lalaki, 10 mga magnanakaw, mga sakim, mga lasinggero, mga mapanirang-puri, mga mandaraya—wala sa kanila ang magmamana sa kaharian ng Diyos. 11 At ganyan ang ilan sa inyo. Ngunit nilinis na kayo, at inihandog na kayo sa Diyos, at kayo ay ginawa nang matuwid sa Diyos sa ngalan ng Panginoong Jesu-Cristo at sa pamamagitan ng Espiritu ng ating Diyos.
-
4 Huwag magtrabaho ng sobrang hirap para lang ikaw ay maging mayaman; maging marunong para malaman kung kailan titigil. 5 Kapag ang iyong mga mata ay nagliliwanag sa pera, nawala na ito, at bigla itong nagkakaroon ng mga pakpak at lumilipad sa himpapawid tulad ng isang agila.
-
23 Pagkatapos ipako ng mga sundalo si Jesus, kinuha nila ang kaniyang kasuotan at pinaghatihati ng apat, isang bahagi sa bawat sundalo, at gayon din ang tunika. Ngayon ang tunika ay walang tahi, ito ay hinabi mula sa itaas at sa lahat ng bahagi. 24 Pagkatapos sinabi nila sa isa't isa, “Huwag nating punitin ito, sa halip tayo ay magsapalaran para dito upang malaman natin kung kanino ito mapupunta.” Nangyari ito upang maganap ang kasulatan na nagsasabi, “Pinaghati-hatian nila ang mga kasuotan ko sa kanilang mga sarili, at para sa aking damit sila ay nagsapalaran.”
-
1 Kung itinaas kayo ng Diyos na kasama ni Cristo, hanapin ninyo ang mga bagay na nasa itaas, kung saan nakaupo si Cristo sa kanang kamay ng Diyos. 2 Isipin ninyo ang tungkol sa mga bagay na nasa itaas, at hindi tungkol sa mga bagay sa lupa. 3 Sapagkat namatay kayo at itinago ang inyong buhay kasama ni Cristo sa Diyos. 4 Kapag nagpakita si Cristo na siya ninyong buhay, makikita rin kayong kasama niya sa kaluwalhatian.
5 patayin ninyo ang mga bahagi na nasa mundo—pagnanasa sa laman, karumihan, matinding damdamin, masamang pagnanasa, at kasakiman, na pawang pagsamba sa diyus-diyosan. 6 Para sa mga bagay na ito kaya ang poot ng Diyos ay darating sa mga anak ng pagsuway.
-
33 Ang mga palabunutan ay hinahagis sa kandungan, pero ang kapasyahan ay nagmumula kay Yahweh.
-
16 Ang isa na siyang nagpapahirap sa mahihirap na tao para lumago ang kaniyang karangyaan, o nagbibigay para sa mayayamang tao, ay magiging isang mahirap.
-
11 Pero kayo na tumalikod kay Yahweh, na lumimot ng aking banal na bundok at naghanda ng isang mesa para sa diyos ng Suwerte, at nagpupuno ng hinalong alak sa mga baso para sa diyos na tinawag na Kapalaran- 12 itatakda ko kayo para sa espada, at lahat kayo ay yuyukod sa magkakatay, dahil nang tumawag ako, hindi kayo sumagot; nang nagsalita ako, hindi kayo nakinig, sa halip, ginawa ninyo kung ano ang masama sa aking harapan, at piniling gawin yung mga hindi nakalulugod sa akin.
-
10 Ang tapat sa kakaunti ay tapat din sa marami, at ang hindi makatarungan sa kakaunti ay hindi rin makatarungan sa marami. 11 Kung hindi ka naging tapat sa paggamit ng perang hindi makatarungan, sino ang magtitiwala sa iyo ng tunay na kayamanan? 12 At kung hindi ka naging tapat sa paggamit sa pera ng ibang tao, sino ang magbibigay sa iyo ng sarili mong pera?
13 Walang lingkod ang magkapaglilingkod sa dalawang amo, sapagkat kasusuklaman niya ang isa at mamahalin niya ang isa, o magiging tapat siya sa isa at kamumuhian niya ang isa. Hindi ninyo maaaring paglingkuran ang Diyos at ang kayamanan.”
-
33 Hindi ko pinagnasahan ang pilak, ginto o damit ng ibang tao. 34 Alam ninyo na itong mga kamay na ito ang naglingkod para sa aking sariling pangangailangan at maging sa pangangalingan ng aking mga kasama. 35 Sa lahat ng bagay nagbigay ako ng halimbawa kung paano ninyo dapat tulungan ang mga mahihina sa pamamagitan ng pagtratrabaho at kung paano ninyo dapat maalala ang salita ng Panginoong Jesus, mga salita na siya mismo ang nagsabi: “Mas mapalad ang nagbibigay kaysa sa tumatanggap.”
-
16 Hindi ba ninyo alam na ang pinaghandugan ninyo ng inyong mga sarili bilang mga alipin ay siyang inyong pinaglilingkuran, ang siyang dapat ninyong sundin? Totoo ito, mga alipin man kayo sa kasalanan na patungo sa kamatayan, o mga alipin sa pagsunod na patungo sa katuwiran. 17 Ngunit salamat sa Diyos! Sapagkat kayo ay dating mga alipin ng kasalanan, ngunit sinunod ninyo mula sa puso ang uri ng katuruang ibinigay sa inyo. 18 Pinalaya kayo sa kasalanan, at ginawa kayong mga alipin kayo ng katuwiran.
-
17 Sabihin mo sa mayayaman sa mundong ito na huwag magmataas, at huwag umasa sa kayamanan, na walang katiyakan. Sa halip, dapat silang umasa sa Diyos. Na nagkakaloob sa atin ng tunay na kayamanan upang ikagalak. 18 Sabihin mo sa kanila na gumawa ng mabuti, at magpakayaman sa mabubuting mga gawa, maging mapagbigay, at handang mamahagi. 19 Sa paraang iyan, sila ay mag-iipon para sa kanilang sarili ng mabuting pundasyon sa kung anong darating, upang makamit nila ang tunay na buhay.
-
10 Ang bawat isa sa inyo ay tumanggap ng kaloob, gamitin niyo ito para paglingkuran ang isa't isa, bilang mabuting mga katiwala ng maraming kaloob ng Diyos. 11 Kung mayroong nangungusap, ituring niyo ito bilang salita ng Diyos, at kung mayroong naglilingkod, magmula ito sa lakas na ibinibigay ng Diyos, upang sa lahat ng bagay, ang Diyos ay maluwalhati sa pamamagitan ni Jesu- Cristo. Kaluwalhatian at kapangyarihan ay sa kaniya magpakailanman. Amen
-
22 Ang isang maramot na tao ay nagmamadaling yumaman, pero hindi niya alam na ang kahirapan ay darating sa kaniya.
-
19 Ngayon ang mga gawa ng laman ay nakikita. Ang mga ito ay ang sekswal na imoralidad, kalaswaan, kahalayan, 20 pagsamba sa mga diyus- diyosan, pangkukulam, pagkapoot, pag-aalitan, paninibugho, silkbo ng galit, pagkakatunggali, pagtatalo, pagkakahiwahiwalay sa mga sekta, 21 pagka-inggit, paglalasing, kaguluhan ng dahil sa paglalasing, at iba pang mga katulad nito. Binabalaan ko kayo, tulad ng pagbabala ko sa inyo noon, na ang gumagawa ng mga ito ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.
22 Subalit ang bunga ng Espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, katiyagaan, kabutihan, kabaitan, pananampalataya, 23 pagkamahinahon, at pagpipigil sa sarili. Walang batas laban sa mga ito.
24 Sila na nakay Cristo Jesus ay ipinako ang laman na kasama ang silakbo nito at masamang mga pagnanasa. 25 Kung tayo ay nabubuhay sa pamamagitan ng Espiritu, tayo rin naman ay lumakad sa pamamagitan ng Espiritu. 26 Huwag tayong maging mapagpahalaga sa sarili, galitin ang isa't isa o mainggit sa isa't isa.
-
15 Mag-ingat kayo sa mga bulaang propeta, na darating sa inyo na nakadamit na parang mga tupa ngunit ang katotohanan ay para silang mga gutom na gutom na mga lobo. 16 Sa pamamagitan ng kanilang mga bunga sila ay inyong makikilala. Makapipitas ba ang tao ng mga ubas mula sa puno ng dawag, o ng mga igos sa mga matitinik na halaman? 17 Sa gayon ding paraan, ang lahat ng puno na namumunga ng mabuti ay mabuti, ngunit ang masamang puno ay namumunga ng masamang bunga. 18 Ang mabuting puno ay hindi maaaring magbunga ng masamang bunga, hindi rin magbubunga ng mabuti ang masamang puno. 19 Bawat puno na hindi namumunga ng mabuting bunga ay puputulin at itatapon sa apoy. 20 Sa gayon, makikilala ninyo sila sa pamamagitan nang kanilang mga bunga.
-
5 Sapagkat matitiyak ninyo na walang nakikiapid, marumi, o sakim na tao, na sumasamba sa diyus-diyosan ang magkaroon ng kahit na anong mamanahin sa kaharian ni Cristo at ng Dios.
6 Huwag hayaang may tao na manlinlang sa inyo ng mga salitang walang laman. Dahil sa mga bagay na ito ang galit ng Diyos ay darating sa mga anak ng pagsuway. 7 Kaya huwag kayong makibahagi sa kanila.
-
4 Ang kamay na tamad ay nagdudulot sa isang tao para maging mahirap, ngunit ang kamay ng masipag na tao ay magtatamo ng kayamanan.
-
33 Ipagbili ang inyong mga ari-arian at ibigay ito sa mahihirap. Gumawa kayo ng inyong mga sariling mga pitaka na hindi nasisira—mga kayamanan sa kalangitan na hindi nawawala, na hindi nilalapitan ng magnanakaw, at hindi sinisira ng tanga. 34 Sapagkat kung nasaan ang inyong kayamanan ay naroon din ang inyong puso.
-
32 May iisang puso at kaluluwa ang maraming bilang ng mga nanampalataya: at wala ni isa man sa kanila ang nagsabi na anuman ang mayroon siya ay tunay na kaniya; sa halip, para sa kanilang lahat ang lahat ng bagay. 33 Ipinapahayag ng mga apostol ang kanilang patotoo tungkol sa muling pagkabuhay ng Panginoong Jesus ng may dakilang kapangyarihan, at labis na biyaya ay napa-sa kanilang lahat.
34 Wala ni isa man sa kanila ang kinukulang sa anumang bagay, dahil ang lahat ng mga nag mamay-ari ng titulo ng mga lupa o mga bahay ay ibinenta ang mga ito at dinala ang pera ng mga napagbentahan 35 at inilagay sa paanan ng mga apostol. At nangyari ang mga pagbaha-bahagi sa bawat mananampalataya, ayon sa kani-kanilang pangangailangan.
-
19 Hindi ba ninyo alam na ang inyong katawan ay templo ng Banal na Espiritu, na siyang namumuhay sa inyo, na inyong tinanggap mula sa Diyos? Hindi ba ninyo alam na hindi na ninyo pag-aari ang inyong sarili? 20 Sapagkat binili na kayo sa isang halaga. Kaya, luwalhatiin ninyo ang Diyos sa pamamagitan ng inyong katawan.
-
27 Nagdadala ng gulo ang magnanakaw sa kaniyang pamilya, pero mabubuhay ang siyang galit sa mga suhol.
-
21 Ang isang mana na madaling nakamit sa simula ay gagawa ng mas kaunting kabutihan sa bandang huli.
-
25 Ang pagnanais ng tamad ay pumapatay sa kaniyang sarili, dahil ang kaniyang mga kamay ay tumatanggi sa pagtatrabaho. 26 Buong araw siyang nagmimithi at nagmimithi nang labis, ngunit ang isang gumagawa ng tama ay nagbibigay at hindi nagpipigil.
-
32 Sapagkat hinahanap ng mga Gentil ang mga bagay na ito, at alam ng iyong makalangit na Ama na kailangan ninyo ang lahat ng mga ito. 33 Sapagkat hanapin muna ninyo ang kaniyang kaharian at ang kaniyang katuwiran at ang lahat na ito ay maibibigay sa inyo.
-
42 Sinabi ng Panginoon, “Sino ngayon ang tapat at matalinong tagapamahala na itatakda ng kaniyang panginoon para sa ibang lingkod upang ibigay sa kanila ang kanilang bahagi ng pagkain sa tamang panahon? 43 Pinagpala ang lingkod na iyon, na masusumpungan ng kaniyang panginoon na gumagawa niyan sa kaniyang pagdating. 44 Totoong sinasabi ko sa inyo na siya ay gagawing tagapamahala sa lahat ng kaniyang ari-arian.
45 Ngunit kung sinasabi ng lingkod na iyon sa kaniyang puso, “Matatagalan pa ang pagbabalik ng aking panginoon,' at sinimulan niyang bugbugin ang mga lalaki at babaeng lingkod, at kakain at iinom, at malalasing, 46 ang panginoon ng lingkod na iyon ay darating sa araw na hindi niya inaasahan, at sa oras na hindi niya nalalaman, at siya ay pagpipira-pirasuhin at magtatalaga siya ng lugar para sa kaniya kasama ang mga hindi tapat.
-
8 Huwag kayong magkautang ng anuman sa kanino man, maliban sa pagmamahal sa isa't isa. Sapagkat ang sinumang nagmamahal sa kaniyang kapwa ay tumutupad sa kautusan. 9 Sapagkat, “Hindi ka mangangalunya, hindi ka papatay, hindi ka magnanakaw, hindi ka mag-iimbot,” at kung may iba ring kautusan, pinagsama-sama ito sa pangugusap na ito: “Mamahalin mo ang iyong kapwa tulad ng iyong sarili.” 10 Ang pag-ibig ay hindi gumagawa ng masama sa kaniyang kapwa. Kaya, pag-ibig ang katuparan ng kautusan.
-
17 Kaya, “Lumabas kayo mula sa kanilang kalagitnaan, at maihiwalay kayo,” sabi ng Panginoon. “Huwag humawak ng anumang maruming bagay, at tatanggapin ko kayo.
18 Ako ay magiging Ama sa inyo, at kayo ay magiging aking mga anak na lalaki at babae,” sabi ng Panginoong Makapangyarihan.
-
19 At ang aking Diyos ang magpupuno ng inyong mga pangangailangan ayon sa kaniyang mga kayamanan at kaluwalhatian kay Cristo Jesus.
-
8 Ngunit kung mayroong hindi nagbibigay sa kaniyang sariling kamag-anak, lalo na sa kaniyang sariling sambahayan, itinanggi niya ang pananampalataya at mas masahol pa sa hindi mananampalataya.
-
15 Huwag ninyong mahalin ang mundo ni anumang mga bagay na nasa mundo. Kung sinumang umiibig sa mundo, ang pag-ibig ng Ama ay wala sa kanya. 16 Pagkat ang lahat ng nasa sa mundo - ang kahalayan ng laman, ang kahalayan ng mata, at ang kahambugan sa buhay - ay hindi sa Ama pero sa mundo. 17 Ang mundo at ang pagnanasa nito ay lumilipas. Pero ang sinumang gumagawa ng kalooban ng Diyos ay mananatili magpakailanman.
-
5 Magtiwala kay Yahweh ng buong puso at huwag umasa sa sarili mong pang-unawa; 6 sa lahat ng iyong ginagawa ay kilalanin siya at gagawin niyang matuwid ang iyong mga landas.
-
11 Sinumang nagbubungkal ng kaniyang lupain ay magkakaroon ng kasaganaan ng pagkain, pero sinumang naghahabol ng mga proyektong walang halaga ay hindi nag-iisip.
-
28 Dahil ayaw nilang magkaroon ng Diyos sa kanilang kamalayan, hinayaan niya sila sa mahahalay na pag-iisip, upang gawin nila ang mga bagay na hindi nararapat. 29 Napuno sila ng pawang kawalan ng katuwiran, kasamaan, kasakiman at kahalayan. Puno sila ng inggit, pagpatay, pag-aawayan, pandaraya at mga masasamang hangarin. 30 Sila ay mga tsismoso, mga mapanirang puri at nasusuklam sa Diyos. Sila ay mararahas, mayayabang, at mapagmataas. Mga manlilikha sila ng kasamaan at suwail sa mga magulang. 31 Wala silang pang-unawa, hindi mapagkakatiwalaan, walang pagmamahal at walang awa.
32 Nauunawaan nila ang mga tuntunin ng Diyos, na ang mga gumagawa ng ganoong mga bagay ay karapat-dapat sa kamatayan. Ngunit hindi lamang nila ginagawa ang mga ganitong bagay, sumasang-ayon din sila sa iba na gumagawa nito.
-
33 Huwag kayong padaya: “Ang masasamang kasama ay sumisira ng mabubuting ugali.”
-
3 Ang sekswal na imoralidad o ano mang karumihan o mapag-imbot na kaisipan ay hindi dapat nababanggit sa inyo, gaya ng nararapat sa mga mananampalataya.
-
18 Nagsasalita sila ng mga bagay na pawang walang kabuluhan at kayabangan lamang. Inuudyukan nila ang mga tao sa pamamagitan ng pita ng laman. Inuudyukan nila ang mga taong sumusubok na tumakas mula sa maling pamumuhay. 19 Nangangako sila ng kalayaan sa kanila ngunit sila ma'y alipin ng kasamaan. Sapagkat ang isang tao ay alipin ng kahit anong dumadaig sa kaniya.
20 Sino mang makatakas sa karumihan ng mundo sa pamamagitan ng kaalaman ng Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo at bumalik muli sa ganoong karumihan, sila ay naging mas malala pa kaysa noong una.
Shows Read in context, Share and Copy.