77 Bible Verses About Sin

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Bible Verses About Sin
  1. 18 Sapagkat naihayag ang poot ng Diyos mula sa langit laban sa lahat ng kasamaan at kawalan ng katuwiran ng mga tao na sa pamamagitan ng kawalan ng katuwiran ay hinahadlangan ang katotohanan. 19 Ito ay dahil ang maaaring malaman tungkol sa Diyos ay nakikita nila. Sapagkat niliwanagan sila ng Diyos. 20 Sapagkat ang kaniyang likas na hindi nakikita ay malinaw na nakikita simula pa noong likhain ang mundo. Nauunawaan ang mga ito sa pamamagitan ng mga nilikhang bagay. Ang mga likas na ito ay ang kaniyang walang hanggang kapangyarihan at ang kaniyang pagka-Diyos. Kung kaya, ang mga taong ito ay walang maidadahilan.

    21 Sapagkat kahit kilala nila ang Diyos, siya ay hindi nila niluwalhati bilang Diyos, ni hindi nila siya pinasalamatan. Sa halip, naging hangal sila sa kanilang pag-iisip at nagdilim ang manhid nilang mga puso. 22 Sila ay nagmamarunong ngunit sila ay naging mga hangal. 23 Ipinagpalit nila ang kaluwalhatian ng Diyos na walang kamatayan para sa katulad ng imahe ng taong namamatay, ng mga ibon, ng mga hayop na may apat na paa, at ng mga nagsisigapang.

  2. 28 Dahil ayaw nilang magkaroon ng Diyos sa kanilang kamalayan, hinayaan niya sila sa mahahalay na pag-iisip, upang gawin nila ang mga bagay na hindi nararapat. 29 Napuno sila ng pawang kawalan ng katuwiran, kasamaan, kasakiman at kahalayan. Puno sila ng inggit, pagpatay, pag-aawayan, pandaraya at mga masasamang hangarin. 30 Sila ay mga tsismoso, mga mapanirang puri at nasusuklam sa Diyos. Sila ay mararahas, mayayabang, at mapagmataas. Mga manlilikha sila ng kasamaan at suwail sa mga magulang. 31 Wala silang pang-unawa, hindi mapagkakatiwalaan, walang pagmamahal at walang awa.

    32 Nauunawaan nila ang mga tuntunin ng Diyos, na ang mga gumagawa ng ganoong mga bagay ay karapat-dapat sa kamatayan. Ngunit hindi lamang nila ginagawa ang mga ganitong bagay, sumasang-ayon din sila sa iba na gumagawa nito.

  3. 19 Ngayon ay nalalaman natin na anuman ang sinasabi ng batas, ito ay sinasabi sa mga taong nasa ilalim ng batas. Ito ay upang matikom ang bawat bibig at upang ang lahat ng nasa sanlibutan ay may pananagutan sa Diyos. 20 Ito ay dahil walang laman ang mapawawalang-sala sa pamamagitan ng batas sa paningin niya. Sapagkat sa pamamagitan ng kautusan ay dumating ang kaalaman sa kasalanan.

    21 Ngunit ngayon, naipaalam na ang katuwiran ng Diyos ay hindi sa pamamagitan ng kautusan. Ito ay nasaksihan ng kautusan at ng mga propeta, 22 ito ay, ang katuwiran ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo para sa lahat ng mga naniniwala. Sapagkat walang pagtatangi. 23 Sapagkat ang lahat ay nagkasala at hindi nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos. 24 Sila ay napawalang-sala nang walang bayad ng dahil sa kaniyang biyaya sa pamamagitan ng katubusan na nakay Cristo Jesus.

    25 Sapagkat ipinagkaloob ng Diyos si Cristo bilang pampasuyo sa pamamagitan ng pananampalataya sa kaniyang dugo. Inialay niya si Cristo, bilang patotoo sa kaniyang katarungan, dahil sa kaniyang hindi pagpansin sa mga nakaraang kasalanan 26 sa kaniyang pagtityatiyaga. Nangyari ang lahat ng ito para sa pagpapakita ng kaniyang katuwiran sa panahong ito. Ito ay upang kaniyang mapatunayan na siya ay makatarungan at upang ipakitang pinapawalang-sala niya ang sinuman dahil sa pananampalataya kay Jesus.

  4. 10 Sapagkat ukol sa kamatayan na namatay siya sa kasalanan, namatay siya nang minsanan para sa lahat. Subalit, ang buhay na kaniyang ipinamuhay ay ipinamuhay niya para sa Diyos. 11 Sa ganoon ding paraan, kinakailangan din ninyong ituring ang inyong mga sarili na patay sa kasalanan, ngunit buhay sa Diyos kay Cristo Jesus.

    12 Samakatuwid huwag ninyong hayaan na pagharian ng kasalanan ang inyong mga namamatay na katawan upang inyong sundin ang mga pagnanasa nito. 13 Huwag ninyong ihandog ang mga bahagi ng inyong katawan sa kasalanan bilang kasangkapan para sa kasamaan, ngunit ihandog ninyo ang inyong mga sarili sa Diyos, na buhay mula sa patay. At ihandog ninyo ang mga bahagi ng inyong katawan bilang kasangkapan ng katuwiran para sa Diyos. 14 Huwag ninyong hayaan na pagharian kayo ng kasalanan. Sapagkat wala na kayo sa ilalim ng kautusan ngunit sa ilalim ng biyaya.

    15 Kaya ano? Magkakasala ba tayo dahil wala tayo sa ilalim ng kautusan, ngunit sa ilalim ng biyaya? Huwag nawa itong mangyari. 16 Hindi ba ninyo alam na ang pinaghandugan ninyo ng inyong mga sarili bilang mga alipin ay siyang inyong pinaglilingkuran, ang siyang dapat ninyong sundin? Totoo ito, mga alipin man kayo sa kasalanan na patungo sa kamatayan, o mga alipin sa pagsunod na patungo sa katuwiran. 17 Ngunit salamat sa Diyos! Sapagkat kayo ay dating mga alipin ng kasalanan, ngunit sinunod ninyo mula sa puso ang uri ng katuruang ibinigay sa inyo. 18 Pinalaya kayo sa kasalanan, at ginawa kayong mga alipin kayo ng katuwiran.

    19 Nagsasalita ako tulad ng isang tao dahil sa kahinaan ng inyong laman. Sapagkat gaya ng paghahandog ninyo ng mga bahagi ng inyong katawan bilang mga alipin sa karumihan at kasamaan, ngayon, sa ganoon ding paraan, ihandog ninyo ang mga bahagi ng inyong katawan bilang alipin sa katuwiran para sa ikababanal.

    20 Sapagkat noong kayo ay mga alipin ng kasalanan, malaya kayo sa katuwiran. 21 Sa mga panahong iyon, ano ang naging bunga ng mga bagay na ikinahihiya na ninyo ngayon? Sapagkat ang kinahantungan ng mga bagay na iyon ay kamatayan. 22 Ngunit ngayon na kayo ay pinalaya mula sa kasalanan at alipin na ng Diyos, nasa inyo ang inyong bunga para sa ikababanal. Ang kahihinatnan ay buhay na walang hanggan. 23 Sapagkat ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan, ngunit ang libreng kaloob ng Diyos ay buhay na walang hanggan kay Cristo Jesus na ating Panginoon.

  5. 5 Ito ang mensahe na aming narinig mula sa kanya at ipinapahayag sa inyo: Ang Diyos ay liwanag at sa kanya'y walang kadiliman ang lahat. 6 Kung sinasabi natin na tayo ay mayroong pakikisama sa Kanya at lumalakad sa kadiliman, tayo ay nagsisinungaling at hindi isinasagawa ang katotohanan. 7 Pero kung tayo'y lumalakad sa liwanag katulad niyang nasa liwanag, meron tayong pakikisama sa isa't isa at ang dugo ni Jesus na kanyang Anak ay naglilinis sa atin mula sa lahat ng kasalanan.

    8 Kung sinasabi natin na wala tayong kasalanan, niloloko natin ang ating mga sarili at ang katotohanan ay wala sa atin. 9 Pero kung tayo ay umamin sa ating mga kasalanan, siya ay matapat at matuwid na patawarin tayo sa ating mga kasalanan at linisin tayo mula sa lahat ng kasamaan. 10 Kapag sinabi natin na hindi tayo nagkasala, ginawa natin siyang isang sinungaling, at ang kanyang salita ay wala sa atin.

  6. 26 Sapagkat kung ating sasadyain ang paggawa ng kasalanan pagkatapos nating malaman ang kaalaman sa katotohanan, ang handog para sa kasalanan ay hindi na umiiral. 27 Sa halip, mayroon lamang tiyak na inaasahang nakakatakot na hatol at nagngangalit na apoy na tutupok sa mga kaaway ng Diyos. 28 Sinuman na lumabag sa kautusan ni Moises ay mamamatay ng walang awa sa patunay ng dalawa o tatlong saksi. 29 Gaano pa kaya kabigat na parusa sa akala ninyo ang nararapat sa taong yumurak sa Anak ng Diyos, sinumang magturing sa dugo ng tipan na hindi banal, ang dugo na kaniyang inihandog sa Diyos—sinuman na humamak sa Biyaya ng Espiritu 30 Sapagkat kilala natin ang nagsabi nito, “Akin ang paghihiganti at ako ang maniningil.” At muli, “Hahatulan ng Panginoon ang kaniyang mga tao.” 31 Nakakatakot nga ang mahulog sa mga kamay ng buhay na Diyos!

  7. 6 Sapagkat habang mahina pa lamang tayo, namatay si Cristo sa tamang panahon para sa mga hindi maka-diyos. 7 Sapagkat mahirap para sa isang tao na mamatay para sa isang matuwid na tao. Iyan ay, marahil kung may isang maglalakas-loob na mamatay para sa mabuting tao. 8 Ngunit pinatunayan ng Diyos ang kaniyang pag-ibig sa atin, dahil noong makasalanan pa tayo, namatay si Cristo para sa atin.

    9 Mas higit pa sa ngayong napawalang-sala na tayo sa pamamagitan ng kaniyang dugo, maililigtas tayo sa pamamagitan nito mula sa poot ng Diyos. 10 Sapagkat kung, noong tayo ay mga kaaway, ipinagkasundo tayo sa Diyos sa pamamagitan ng kamatayan ng kaniyang Anak, higit pa ngayon na pagkatapos tayong ipinagkasundo, maililigtas tayo sa pamamagitan ng kaniyang buhay. 11 Hindi lamang ito, ngunit nagagalak din tayo sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na sa pamamagitan niya ay natanggap natin ang pagkakasundong ito.

  8. 2 Mga minamahal, ngayon tayo ay mga anak ng Diyos, at hindi pa naipahayag kung magiging ano tayo. Alam natin na kapag magpakita si Cristo, tayo ay magiging katulad niya, dahil makikita natin siya bilang siya. 3 At bawat isa na may ganitong pagtitiwala tungkol sa hinaharap na nakatuon sa kanya ay dinadalisay ang kanyang sarili tulad ng siya ay dalisay.

    4 Ang lahat ng patuloy na nagkakasala ay gumagawa ng kung ano ang labag sa batas. Dahil ang kasalanan ay ang paglabag sa batas. 5 Alam niyo na nahayag si Cristo upang sa gayon ay alisin ang mga kasalanan. At sa kanya ay walang kasalanan. 6 Walang sinumang nananatili sa kanya na patuloy na nagkakasala. Walang sinumang patuloy sa pagkakasala ang nakakita sa kanya o nakakila sa kanya.

    7 Minamahal kong mga anak, huwag ninyong hayaan ang sinuman na akayin kayo sa ligaw na landas. Siya na gumagawa ng katuwiran ay matuwid, gaya ni Cristo na matuwid. 8 Siya na gumagawa nang kasalanan ay sa diablo, sapagkat ang diablo ay nagkasala na mula pa sa simula. Sa dahilang ito, ang Anak ng Diyos ay nahayag, upang kanyang mawasak ang mga gawa ng diablo.

    9 Ang sinumang isinilang sa Diyos ay hindi nagkasala dahil ang binhi ng Diyos ay nananatili sa kanya. Hindi siya makapagpatuloy na magkasala dahil isinilang siya sa Diyos. 10 Dito ang mga anak ng Diyos at ang mga anak ng diablo ay nahayag. Ang sinumang hindi gumagawa kung ano ang matuwid ay hindi sa Diyos, ni ang sinumang hindi nagmamahal ng kanyang kapatid.

  9. 1 Ngayon ang ahas ay higit na tuso kaysa sa anumang ibang mabangis na hayop sa bukid na ginawa ni Yahweh na Diyos. Sinabi niya sa babae, “Talaga bang sinabi ng Diyos, “Hindi kayo dapat kumain mula sa anumang puno ng hardin?”

    2 Sinabi ng babae sa ahas, “Maaari naming kainin ang bunga mula sa mga puno ng hardin, 3 pero tungkol sa bunga ng puno na nasa gitna ng hardin, sinabi ng Diyos, “Hindi ninyo maaaring kainin ito, ni hindi ninyo ito maaaring hawakan, o mamamatay kayo.'”

    4 Sinabi ng ahas sa babae, “Tiyak na hindi kayo mamamatay. 5 Dahil alam ng Diyos na sa araw na kainin ninyo ito mabubuksan ang inyong mga mata, at kayo ay magiging tulad ng Diyos, na nakaaalam ng mabuti at masama.”

    6 At nang nakita ng babae na ang puno ay mabuti para sa pagkain at kaaya-aya sa paningin, at ang puno ay kanais-nais para gawing matalino ang isang tao, kumuha siya ng bunga nito at kinain ito. At binigyan niya ang kanyang asawa na kasama niya, at kinain niya ito.

    7 Parehong nabuksan ang kanilang mga mata, at nalaman nilang sila ay hubad. Pinagsama-sama nilang tinahi ang mga dahon ng igos at gumawa ng mga pantakip para sa kanilang mga sarili.

    8 Narinig nila ang tunog ni Yahweh na Diyos na naglalakad sa hardin sa kalamigan ng araw, kaya ang lalaki at ang kanyang asawa ay nagtago mula sa presensya ni Yahweh na Diyos sa mga punong-kahoy ng hardin.

    9 Tinawag ni Yahweh na Diyos ang lalaki at sinabi sa kanya, “Nasaan ka?”

    10 Sinabi ng lalaki, “Narinig kita sa hardin, at natakot ako, dahil ako ay hubad. Kaya itinago ko ang aking sarili.”

    11 Sinabi ng Diyos, “Sinong nagsabi sa iyo na ikaw ay hubad? Kumain ka ba mula sa punong iniutos kong huwag mong kakainan?”

    12 Sinabi ng lalaki, “Ang babae na ibinigay mo sa akin, binigyan niya ako ng bunga mula sa puno at kinain ko ito.”

    13 Sinabi ni Yahweh na Diyos sa babae, “Ano ba itong ginawa mo?” Sinabi ng babae, “Nilinlang ako ng ahas, at kumain ako.”

  10. 16 Ngunit kung ginagawa ko ang ang ayaw kong gawin, sumasang-ayon ako sa kautusan, na ang kautusan ay mabuti. 17 Ngunit ngayon hindi na ako ang gumagawa nito, kundi ang kasalanang nananahan sa akin.

    18 Sapagkat alam ko na sa akin, sa aking laman, ay walang nananahang mabuti. Sapagkat ang kagustuhan para sa mabuti ay nasa akin, ngunit hindi ko ito magawa. 19 Sapagkat ang mabuti na nais ko ay hindi ko ginagawa, ngunit ang masama na ayaw ko, ang ginagawa ko. 20 Ngayon kung ginagawa ko ang ayaw kong gawin, kung gayon hindi na ako ang gumagawa nito, kundi ang kasalanang namumuhay sa akin.

    21 Kaya, natuklasan ko na ang prinsipyo na nasa akin, na nais kong gawin ang mabuti, subalit ang kasamaang iyon ay naririto sa akin. 22 Sapagkat nagagalak ako sa kautusan ng Diyos sa aking kaibuturan. 23 Ngunit may nakikita akong ibang tuntunin sa mga bahagi ng aking katawan. Nilalabanan nito ang bagong tuntunin sa aking isipan. Binibihag ako nito sa pamamagitan ng tuntunin ng kasalanan na nasa mga bahagi ng aking katawan.

    24 Kaawa-awa akong tao! Sino ang magliligtas sa akin mula sa katawang ito ng kamatayan? 25 Ngunit ang pasasalamat ay sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na ating Panginoon! Kaya ako mismo ay naglilingkod sa kautusan ng Diyos sa aking isipan. Gayunman, sa laman naglilingkod ako sa tuntunin ng kasalanan.

  11. 2 Mula sa aking mabigat na pagkakasala ako ay hugasan mo nang lubusan at linisin ako mula sa aking kasalanan. 3 Dahil alam ko ang aking mga paglabag, at laging naaalala ang aking kasalanan. 4 Laban sa iyo, sa iyo lamang ako nagkasala at sa iyong paningin ginawa kung ano ang napakasama; matuwid ka kapag nagsasalita; tama ka kapag humahatol. 5 Masdan mo, ako ay isinilang sa malaking kasalanan; nang ipinagdadalang-tao ako ng aking ina, ako ay naroon na sa kasalanan. 6 Masdan mo, sa aking puso ang ninanais mo ay ang pagiging-mapagkakatiwalaan; sa aking puso ipaaalam mo ang karunungan. 7 Dalisayin mo ako ng isopo, at ako ay magiging malinis; hugasan mo ako at magiging mas maputi ako kaysa niyebe. 8 Iparinig mo sa akin ang kasiyahan at kagalakan para magsaya ang mga buto na iyong binali. 9 Itago mo ang iyong mukha sa aking mga kasalanan at pawiin ang lahat ng mga nagawa kong kasamaan. 10 Likhain mo sa akin ang isang malinis na puso, Diyos, at ipanumbalik sa akin ang isang matuwid na espiritu. 11 Sa iyong presensiya huwag mo akong paalisin, at huwag alisin ang iyong Banal na Espiritu mula sa akin. 12 Ibalik mo sa akin ang kagalakan ng iyong pagliligtas, at pagkalooban mo ako ng espiritung handang sumunod.

  12. 17 Sapagkat kung sinuman ang kay Cristo, siya ay isang bagong nilalang. Ang luma ay lumipas na. Tingnan, sila ay naging bago na.

    18 Ang lahat ng mga bagay na ito ay nagmula sa Diyos. Nakipagkasundo siya sa atin dahil kay Cristo, at binigyan niya tayo ng ministeryo sa pagkakasundo. 19 Ang ibig sabihin, dahil kay Cristo, ipinagkakasundo ng Diyos ang mundo sa kaniya, at hindi binilang ang kanilang mga pagkakasala laban sa kanila. Ipinagkakatiwala niya sa atin ang mensahe ng pakikipagkasundo.

    20 Kaya kami ay itinalaga bilang mga kinatawan ni Cristo, na para bang ang Diyos mismo ang nakikipag-usap sa inyo sa pamamagitan namin. Ipinakikiusap namin sa inyo, alang-alang kay Cristo: “Makipagkasundo kayo sa Diyos!” 21 Si Jesus ay ginawa niyang handog para sa ating mga kasalanan. Siya na hindi kailan man nagkaroon ng kasalanan. Ginawa niya ito upang tayo ay maging katuwiran ng Diyos sa kaniya.

  13. 1 Kung gayon, wala ng paghatol sa mga taong na kay Cristo Jesus. 2 Sapagkat pinalaya ako ng tuntunin ng Espiritu ng buhay na nakay Cristo Jesus mula sa tuntunin ng kasalanan at kamatayan. 3 Sapagkat kung ano ang hindi kayang gawin ng kautusan dahil mahina ito sa pamamagitan ng laman ay ginawa ng Diyos. Isinugo niya ang kaniyang sariling Anak na kawangis ng makasalanang laman para maging isang handog sa kasalanan, at hinatulan niya ang kasalanan sa laman. 4 Ginawa niya ito upang sa gayon ang mga hinihingi ng kautusan ay matupad sa atin, tayong mga hindi lumalakad ayon sa laman, ngunit ayon sa Espiritu.

    5 Ang mga namumuhay ayon sa laman ay binibigyang-pansin ang mga bagay na para sa laman, ngunit ang mga namumuhay ayon sa Espiritu ay binibigyang pansin ang mga bagay na para sa Espiritu. 6 Sapagkat ang kaisipan ng laman ay kamatayan, ngunit ang kaisipan ng Espiritu ay buhay at kapayapaan. 7 Ito ay dahil sumasalungat sa Diyos ang kaisipan ng laman, sapagkat hindi ito nagpapasakop sa kautusan ng Diyos, ni hindi ito maaaring maging sakop. 8 Hindi kayang pasiyahin ng taong nasa laman ang Diyos.

  14. 12 Pinagpala ang tao na nagtitiis sa pagsubok, sapagkat pagkatapos niyang mapagtagumpayan ang pagsubok, makakatanggap siya ng korona ng buhay, na ipinangako sa mga nagmamahal sa Diyos.

    13 Huwag sabihin ng sinuman kapag siya ay tinukso, “Ang pagsubok na ito ay galing sa Diyos, ” Sapagkat ang Diyos ay hindi tinukso ng diyablo, at ang Diyos mismo ay hindi tinutukso ang sino man. 14 Ang bawat tao ay natutukso ng kaniyang masamang mga pagnanasa kung saan inaakit at itinutulak siya palayo. 15 At pagkatapos na maglihi ang makasalanang pagnanasa, ang kasalanan ay maipapanganak at pagkatapos lumaki ng kasalanan hahantong ito sa kamatayan.

  15. 17 Sapagkat malakas ang nasa ng laman laban sa Espiritu, at ang Espiritu ay may malakas na nasa laban sa laman. Sapagkat ang mga ito ay laban sa isa't isa. Ang kinahinatnan ay hindi ninyo ginawa ang mga bagay ninais ninyong gawin. 18 Ngunit kung ang Espiritu ang nangunguna sa inyo, wala na kayo sa ilalim ng kautusan.

    19 Ngayon ang mga gawa ng laman ay nakikita. Ang mga ito ay ang sekswal na imoralidad, kalaswaan, kahalayan, 20 pagsamba sa mga diyus- diyosan, pangkukulam, pagkapoot, pag-aalitan, paninibugho, silkbo ng galit, pagkakatunggali, pagtatalo, pagkakahiwahiwalay sa mga sekta, 21 pagka-inggit, paglalasing, kaguluhan ng dahil sa paglalasing, at iba pang mga katulad nito. Binabalaan ko kayo, tulad ng pagbabala ko sa inyo noon, na ang gumagawa ng mga ito ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.

  16. 16 Dahil labis na inibig ng Diyos ang sangkatauhan, ibinigay niya ang kaniyang natatangi at nag-iisang Anak upang ang sinumang manalig sa kaniya ay hindi mamatay ngunit magkakaroon ng buhay na walang hanggan. 17 Dahil hindi isinugo ng Diyos ang kaniyang Anak sa mundo para parusahan ang sangkatauhan, ngunit para ang mundo ay marapat na maligtas sa pamamagitan niya. 18 Ang nananampalataya sa kaniya ay hindi mahatulan. Ang hindi nananampalataya ay nahatulan na dahil hindi siya nananampalataya sa pangalan ng natatanging Anak ng Diyos.

    19 Ito ang dahilan sa paghahatol, na ang ilaw ay dumating sa mundo, at minahal ng mga tao ang dilim kaysa ang liwanag dahil masama ang kanilang mga naging gawa. 20 Dahil ang sinuman na gumagawa ng masama ay galit sa liwanag at hindi lumalapit sa ilaw upang ang kaniyang mga gawa ay hindi malantad.

  17. 16 Kung sinuman ang nakakakita sa kanyang kapatid na gumagawa ng kasalanan na hindi humahantong sa kamatayan, kailangan niya manalangin at siya ay bibigyan ng Diyos ng buhay. Ang tinutukoy ko ay ang pagkakasala na hindi nagdadala sa kamatayan. Mayroong kasalanan na nagdadala sa kamatayan-hindi ko sinasabi na kailangan niyang ipanalangin ang tungkol doon. 17 Lahat ng hindi matuwid ay kasalanan- pero may kasalanan na hindi nagdadala sa kamatayan.

  18. 31 Kung gayon ay sinasabi ko sa inyo, ang lahat ng kasalanan at kalapastangan sa tao ay mapapatawad. Ngunit ang lahat ng kalapastanganan sa Espiritu ay hindi mapapatawad. 32 Sinumang magbigkas ng anumang salita laban sa Anak ng Tao, siya ay mapapatawad. Ngunit sinumang magsasalita laban sa Banal na Espiritu, siya ay hindi mapapatawad, maging dito sa mundo o sa darating.

  19. 17 Kaya, para sa kaniya na nakakaalam gumawa ng mabuti ngunit hindi ito ginagawa, para sa kaniya ito ay kasalanan.

  20. 16 Sinabi niya sa babae, “Higit kong patitindihin ang sakit mo sa panganganak; sa sakit ka magsisilang ng mga anak. Ang iyong pagnanais ay para sa iyong asawa, subalit pamumunuan ka niya.”

    17 Sinabi niya kay Adan, “Dahil nakinig ka sa boses ng iyong asawa, at kumain mula sa puno, kung alin ay iniutos ko sa iyo, nang sinabi kong, “Hindi kayo maaaring kumain mula rito,' sinumpa ang lupa dahil sa iyo; sa matinding pagpapagal kakain ka mula rito sa lahat ng mga araw ng iyong buhay. 18 Ito ay tutubuan ng mga tinik at mga damo para sa iyo, at kakainin mo ang mga pananim sa bukid. 19 Kakain ka ng tinapay sa pamamagitan ng pawis ng iyong mukha, hanggang ikaw ay bumalik sa lupa, dahil kinuha ka mula rito. Dahil ikaw ay alikabok, at sa alikabok ka rin babalik.”

  21. 13 Ang isa na nagtatago ng kaniyang mga kasalanan ay hindi yayaman, ngunit ang nagpapahayag at nagpapabaya sa kanila ay pakikitaan ng habag.

  22. 24 Siya mismo ang nagdala ng ating mga kasalanan sa kaniyang katawan sa puno, upang hindi na tayo magkaroon ng bahagi sa kasalanan, at upang makapamuhay tayo para sa katuwiran. Sa pamamagitan ng kanyang mga sugat kayo ay gumaling.

  23. 21 Inyong narinig na sinabi sa kanila noong mga unang panahon, 'Huwag kang pumatay,' at 'Sinumang papatay ay manganganib sa paghuhukom.' 22 Ngunit sinasabi ko sa inyo na sinumang magalit sa kaniyang kapatid ay manganganib sa paghuhukom. At kung sinuman ang magsabi sa kaniyang kapatid na, 'Wala kang kuwentang tao!' ay manganganib sa konseho. At sinumang magsabi ng, 'Hangal ka!' ay manganganib sa apoy ng impiyerno.

    23 Kaya kung ikaw ay naghahandog ng iyong kaloob sa altar at maalala mo doon ang iyong kapatid na may anumang bagay laban sa iyo, 24 iwan mo doon ang iyong kaloob sa harap ng altar at humayo ka. Makipag-ayos ka muna sa iyong kapatid, pagkatapos ay pumunta ka at ihandog mo ang iyong kaloob.

  24. 34 Si Jesus ay sumagot sa kanila, “Tunay nga, sinabi ko sa inyo, kung sinuman ang magkasala ay alipin ng kasalanan. 35 Ang alipin ay hindi laging nananatili sa tahanan; ang anak ay laging nananatili.

  25. 9 Hindi ba ninyo alam na hindi mamanahin ng mga hindi matuwid ang kaharian ng Diyos? Huwag kayong maniwala sa mga kasinungalingan. Ang mga mahahalay, mga sumasamba sa mga diyus-diyosan, mga nangangalunya, mga lalaking nagbebenta ng aliw, silang mga nakikipagtalik sa kapwa lalaki, 10 mga magnanakaw, mga sakim, mga lasinggero, mga mapanirang-puri, mga mandaraya—wala sa kanila ang magmamana sa kaharian ng Diyos. 11 At ganyan ang ilan sa inyo. Ngunit nilinis na kayo, at inihandog na kayo sa Diyos, at kayo ay ginawa nang matuwid sa Diyos sa ngalan ng Panginoong Jesu-Cristo at sa pamamagitan ng Espiritu ng ating Diyos.

  26. 1 Mga minamahal kong anak, isinusulat ko ang mga bagay na ito sa inyo upang hindi kayo magkasala. Pero kung sino man ang magkasala, mayroon tayong tagapagtanggol sa Ama, Si Jesu-Cristo ang nag-iisang makatuwiran. 2 Siya ang taga-pamayapa para sa ating mga kasalanan, at hindi lang para sa atin, kundi para din sa buong mundo.

    3 Sa pamamagitan nito alam nating kilala natin siya, kung iniingatan natin ang kanyang mga kautusan. 4 Siya na nagsasabing, “Kilala ko ang Diyos,” pero hindi pinapanatili ang kanyang mga kautusan, ay isang sinungaling, at ang katotohanan ay wala sa kanya. 5 Pero ang sinumang pinapanatili ang kaniyang salita, tunay na sa taong ito ang pag-ibig ng Diyos ay naging lubos. Sa pamamagitan nito alam nating tayo ay nasa kaniya. 6 Siya na nagsasabing siya ay nananatili sa Diyos ay nararapat ding lumakad nang katulad ng paglakad ni Jesu-Cristo.

  27. 5 Nakita ni Yahweh ang labis na kasamaan ng sangkatauhan sa mundo, at ang bawat pagkahilig ng kanilang puso ay patuloy na kasamaan lamang. 6 Nalungkot si Yahweh na ginawa niya ang sangkatauhan sa mundo, at ito ay nagdulot ng dalamhati sa kanyang puso. 7 Kaya sinabi ni Yahweh, “Lilipulin ko ang sangkatauhang nilikha ko mula sa ibabaw ng mundo; kapwa ang sangkatauhan at ang higit na malalaking mga hayop, at gumagapang na mga bagay sa lupa at mga ibon sa kalangitan, dahil pinagsisihan kong ginawa ko sila.”

  28. 5 patayin ninyo ang mga bahagi na nasa mundo—pagnanasa sa laman, karumihan, matinding damdamin, masamang pagnanasa, at kasakiman, na pawang pagsamba sa diyus-diyosan. 6 Para sa mga bagay na ito kaya ang poot ng Diyos ay darating sa mga anak ng pagsuway. 7 Sa mga bagay na ito na minsan rin ninyong nilakaran ng namuhay kayo sa mga ito. 8 Ngunit ngayon dapat ninyong alisin ang lahat ng mga bagay na ito—poot, galit, mga masasamang layunin, mga pang-aalipusta at malaswang pananalita mula sa inyong bibig.

    9 Huwag kayong magsinungaling sa isa't isa, sapagkat hinubad na ninyo ang lumang pagkatao kasama ang mga kaugalian nito. 10 Isinuot na ninyo ang bagong pagkatao na binago sa kaalamang naaayon sa larawan ng lumikha sa kaniya. 11 Sa kaalamang ito, walang Griyego at Judio, tuli at di-tuli, barbaro, Scythian, alipin, malayang tao, ngunit sa halip si Cristo ang lahat ng mga bagay at sa lahat ng mga bagay.

  29. 27 Tulad ng bawat tao ay itinakda na mamatay minsan, at pagkatapos ay ang paghatol, 28 gayon din si Cristo, na minsang naihandog upang alisin ang mga kasalanan ng marami, darating siya sa pangalawang pagkakataon, hindi upang ihandog muli sa kasalanan, kundi para sa kaligtasan ng mga matiyagang naghihintay sa kaniya.

  30. 1 Saan nanggaling ang pag-aaway at alitan sa inyo? Hindi ba nagmula ito sa inyong mga masamang hangarin na lumalaban sa inyong mga miyembro? 2 Hinahangad ninyo kung anong wala kayo. Pumatay kayo at hinabol ninyo kung anong hindi mapapasainyo. Nakipag-away kayo at nakipagtalo, subalit hindi ninyo nakuha dahil hindi kayo humingi sa Diyos. 3 Humingi kayo at hindi ninyo natanggap dahil humihingi kayo ng mga masasamang bagay, upang gamitin ninyo sa inyong mga masasamang hangarin.

    4 Kayong mga mangangalunya! Hindi ba ninyo alam na ang pakikipagkaibigan sa mundo ay pakikipag-away laban sa Diyos? Kaya, sinuman ang magpasiyang maging kaibigan ng mundo ay ginawa niya mismo ang kaniyang sarili na kaaway ng Diyos. 5 O inisip ninyo ba na ang kasulatan ay walang kahulugan noong sinabi nito na ang Espiritu na ipinagkaloob niya sa atin ay labis na naninibugho para sa atin? 6 Ngunit ang Diyos ay nagbibigay ng mas higit na biyaya, kaya't sinasabi ng kasulatan na “Ang Diyos ay sumasalungat sa mapagmataas, ngunit nagbibigay ng biyaya sa mapagpakumbaba.”

    7 Kaya, magpasakop kayo sa Diyos. Labanan ninyo ang diyablo at lalayo siya sa inyo. 8 Lumapit kayo sa Diyos, at siya ay lalapit sa inyo. Linisin ang inyong mga kamay, kayong mga makasalanan, at gawing dalisay ang inyong mga puso, kayong mga nagdadalawang-isip.

  31. 2 Mapalad ang tao na siyang pinapalagay ni Yahweh na walang pagkakasala at ang espiritu na walang panlilinlang. 3 Kapag nanatili akong tahimik, ang aking mga buto ay unti-unting nadudurog habang ako ay dumadaing buong araw. 4 Dahil araw at gabi ang iyong kamay ay mabigat sa akin. Nalanta ang aking kalakasan tulad ng tagtuyot sa tag-araw. Selah 5 Pagkatapos inamin ko ang aking kasalanan sa iyo, at hindi ko na ikinubli ang aking kasamaan. Sinabi ko, “aaminin ko ang pagsuway ko sa iyo Yahweh,” at pinatawad mo ang kabigatan ng aking kasalanan. Selah

  32. 17 Hindi ba ninyo nakikita na kung anumang pumapasok sa inyong bibig ay dadaan sa tiyan at pagkatapos pinapalabas sa palikuran? 18 Ngunit ang mga bagay na lumalabas sa bibig ay galing sa puso. Ang mga bagay na ito ang nakapagpaparumi sa tao. 19 Sapagkat sa puso nanggagaling ang mga masasamang pag-iisip, pagpatay, pangangalunya, sekswal na imoralidad, pagnanakaw, bulaang saksi at mga paghamak. 20 Ito ang mga bagay na nakapagpaparumi sa tao. Ngunit ang kumain na hindi naghugas ng mga kamay ay hindi nakapagpaparumi sa tao.”

  33. 20 Sinabi niya, “Ang lumalabas sa tao ang siyang nakapagpapadungis sa kaniya. 21 Dahil kung ano ang sinasaloob ng tao, na nanggaling sa kaniyang puso, lalabas ang masasamang pag-iisip, sekswal na imoralidad, pagnanakaw, pagpatay, 22 pangangalunya, pag-iimbot, kasamaan, pandaraya, kahalayan, inggit, paninira, kayabangan, kahangalan. 23 Ang lahat ng mga ito na masasama ay nanggagaling sa loob, at ito ang mga nakakapagpapadungis sa isang tao.”

  34. 12 Kaya nga, mga kapatid, may mga utang tayo, ngunit hindi sa laman upang mamuhay ayon sa laman. 13 Sapagkat kung mabubuhay kayo ayon sa laman, kayo ay mamamatay, ngunit kung sa pamamagitan ng Espiritu inyong pinatay ang mga gawain ng inyong katawan, kayo ay mabubuhay. 14 Sapagkat marami ang pinapangunahan ng Espiritu ng Diyos, sila ay mga anak ng Diyos.

    15 Sapagkat hindi ninyo muling tinanggap ang espiritu ng pagkabihag upang matakot. Sa halip, natanggap natin ang espiritu ng pagkupkop, na kung saan sumisigaw tayo ng, “Abba, Ama!” 16 Ang Espiritu mismo ang nagpapatotoo kasama ang ating espiritu na tayo ay mga anak ng Diyos. 17 Kung tayo ay mga anak, mga tagapagmana rin tayo, mga tagapagmana ng Diyos. At kasama tayo ni Cristo bilang mga tagapagmana, kung tunay nga tayong magdusa kasama niya upang sa gayon maluwalhati rin tayo kasama niya.

  35. 15 Kung ang iyong kapatid ay nagkasala laban sa iyo, pumuntahan mo, ipakita mo ang kaniyang pagkakamali na ikaw at siya lamang. Kung makikinig siya sa iyo, mapapanumbalik mo ang iyong kapatid. 16 Ngunit kung hindi siya makinig sa iyo, isama mo sa iyo ang isa o dalawa pang mga kapatid, upang sa pamamamagitan ng bibig ng dalawa o tatlong mga saksi ang bawat salita ay maaaring mapatunayan. 17 At kung tumanggi siyang makinig sa kanila, sabihin ito sa iglesiya. Kung siya ay tumanggi na makinig sa iglesiya, ituring ninyo siyang gaya ng isang Gentil at maniningil ng buwis.

    18 Totoo itong sinasabi ko sa inyo, anumang mga bagay ang igapos ninyo sa lupa ay igagapos din sa langit. At anumang mga bagay ang inyong kalagan sa lupa ay kakalagan din sa langit.

    19 Dagdag pa nito, sinasabi ko sa inyo, na kung ang dalawa sa inyo ay sumang-ayon sa lupa tungkol sa anumang bagay na kanilang hinihiling, mangyayari ito sa kanila sa pamamagitan ng aking Amang nasa langit. 20 Sapagkat kung saan ang dalawa o tatlo ang nagkatipon dahil sa aking pangalan, naroon ako sa kanilang kalagitnaan.”

    21 Pagkatapos, lumapit si Pedro at sinabi kay Jesus, “Panginoon, ilang beses ba na magkakasala ang aking kapatid laban sa akin at akin siyang patatawarin? Hanggang pitong beses?”

    22 Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Hindi ko sasabihin sa inyo na pitong beses, kundi hanggang pitumpung ulit at pito.

  36. 1 Ano ngayon ang sasabihin natin? Dapat ba tayong magpatuloy sa kasalanan upang managana ang biyaya? 2 Huwag nawa itong mangyari. Tayong mga namatay sa kasalanan, paano pa tayo mamumuhay rito? 3 Hindi ba ninyo alam na kung gaano karami ang nabautismuhan kay Jesu-Cristo ay nabautismuhan sa kaniyang kamatayan? 4 Inilibing na tayo kasama niya sa pamamagitan ng bautismo sa kamatayan. Nangyari ito upang gaya ng pagkabuhay ni Cristo mula sa patay sa pamamagitan ng kaluwalhatian ng Ama, lalakad din tayo sa panibagong buhay.

  37. 4 Si Abel naman ay nagdala ng ilan sa panganay ng kanyang kawan at ilan sa taba. Tinanggap ni Yahweh si Abel at ang kanyang handog, 5 pero hindi niya tinanggap si Cain at ang kanyang handog. Kaya lubhang nagalit si Cain, at sumimangot siya.

    6 Sinabi ni Yahweh kay Cain, “Bakit ka nagagalit at bakit ka sumisimangot? 7 Kung gagawin mo ang tama, hindi ka ba tatanggapin? Pero kung hindi mo ginagawa ang tama, ang kasalanan ay nag-aabang sa pinto at ninanais na mamahala sa iyo, subalit dapat mo itong pamunuan.”

    8 Kinausap ni Cain si Abel na kanyang kapatid. At nangyari na habang sila ay nasa bukid, tumindig si Cain laban sa kanyang kapatid na si Abel at pinatay niya ito.

    9 Pagkatapos sinabi ni Yahweh kay Cain, “Nasaan ang iyong kapatid na si Abel?” Sinabi niya, “Hindi ko alam. Tagapangalaga ba ako ng aking kapatid?”

    10 Sinabi ni Yahweh, “Ano ang ginawa mo? Tumatawag sa akin ang dugo ng iyong kapatid mula sa lupa. 11 Ngayon isinumpa ka mula sa lupa, na nagbukas ng bunganga nito upang tanggapin ang dugo ng iyong kapatid mula sa iyong kamay. 12 Kapag ikaw ay magbubungkal ng lupa, mula ngayon hindi na nito isusuko sa iyo ang kanyang lakas. Magiging palaboy at pagala-gala ka sa mundo.”

  38. 12 Mag-ingat kayo mga kapatid, upang hindi magkaroon ng isang masamang puso na walang pananampalataya sa sinuman sa inyo, isang puso na tatalikod mula sa buhay na Diyos. 13 Sa halip, palakasin ang loob ng bawat isa araw-araw, habang ang panahon ay matatawag pang ngayon, upang walang sinuman sa inyo ang maaaring mapatigas sa pamamagitan ng pandaraya ng kasalanan.

    14 Sapagkat tayo ay naging kasama ni Cristo kung patuloy nating panghahawakan ang ating pananalig sa kaniya mula sa simula hanggang sa katapusan.

  39. 1 Samakatwid, sapagkat napapaligiran tayo ng napakaraming mga saksi, itapon nating lahat ang mga bagay na nagpapabigat sa atin at ang kasalanan na madaling makagapos sa atin. Dapat may katiyagaan tayong magpatuloy sa takbuhin na inilagay sa ating harapan. 2 Dapat nating ituon ang ating mga mata kay Jesus, ang may-akda at nagpapaganap ng ating pananampalataya, dahil sa kagalakan na inilaan sa kaniya, na nagdala sa kaniya na nagtiis sa krus sa kabila ng kahihiyan, at umupo sa kanang kamay ng trono ng Diyos. 3 Kaya isinaalang-alang niya na tiisin ang mga masasakit na salita mula sa mga makasalan laban sa kaniya upang tayo ay hindi na mapapagod at manghihina.

  40. 12 Sinong naghahangad ng buhay at naghahangad ng mahabang panahon na mabuhay at magkaroon ng magandang buhay? 13 Kung ganoon, lumayo kayo sa pagsasabi ng masama, at ilayo ang inyong mga labi sa pagsasabi ng mga kasinungalingan. 14 Tumalikod kayo sa kasamaan at gumawa ng mabuti; hangarin ninyo ang kapayapaan at ito ay palaganapin. 15 Ang mga mata ni Yahweh ay nasa mga matutuwid, at sa kanilang mga iyak nakatuon ang kaniyang pandinig. 16 Si Yahweh ay laban sa mga gumagawa ng masama, para burahin ang kanilang alala sa mundo.

  41. 1 Mga kapatid, kung ang isang tao ay nahuli sa ilang pagkakasala, kayo na espiritwal ang dapat magpanumbalik sa taong iyon sa espiritu ng kahinahunan. Bantayan ninyo ang inyong sarili, upang hindi kayo matukso. 2 Buhatin ninyo ang pasanin ng bawat isa, at nang sa gayon ay matupad ninyo ang kautusan ni Cristo.

    3 Sapagkat kung sinuman ang nag-iisip na siya ay mahalaga gayong wala siyang halaga, nililinlang niya ang kaniyang sarili.

    4 Dapat suriin ng bawat isa ang kaniyang sariling gawa. At sa ganun mayroon na siyang maipagmayabang sa kaniyang sarili, na hindi kailangang ihambing pa ang kaniyang sarili sa iba. 5 Sapagkat bubuhatin ng bawat isa ang kaniyang sariling pasanin.

  42. 24 Sila na nakay Cristo Jesus ay ipinako ang laman na kasama ang silakbo nito at masamang mga pagnanasa.

  43. 15 Ang mensaheng ito ay mapagkakatiwalaan at karapat-dapat na tanggapin ng lahat, na si Cristo Jesus ay naparito sa mundo para iligtas ang mga makasalanan. Ako ang pinakamasama sa mga ito. 16 Ngunit sa dahilang ito nabigyan ako ng habag, kaya't sa pamamagitan ko, bilang pangunahin, ay ipapakita ni Cristo Jesus ang buong pagtitiyaga. Ginawa niya ito bilang isang halimbawa sa mga magtitiwala sa kaniya para sa buhay na walang hanggan. 17 Ngayon sa hari ng walang hanggang panahon, ang walang kamatayan, hindi nakikita, at nag-iisang Diyos, sa kaniya ang karangalan at luwalhati magpakailanpaman. Amen.

  44. 10 Aking anak, kung sinusubukan kang udyukan ng mga makasalanan sa kanilang mga pagkakasala, tumangging sumunod sa kanila. 11 Kung kanilang sasabihin na, “Sumama ka sa amin, tayo ay mag-abang upang makagawa ng pagpatay, tayo ay magtago at sugurin ang mga walang malay na mga tao ng walang kadahilanan. 12 Lunukin natin sila ng buhay, katulad ng paglayo ng sheol sa mga malulusog at gawin silang katulad ng mga nahulog sa hukay. 13 Dapat nating hanapin ang lahat ng klaseng mga mahahalagang bagay; pupunuin natin ang ating tahanan ng mga bagay na ating ninakaw sa iba, 14 Makipagsapalaran ka sa amin, tayo ay magkakaroon ng iisang lalagyanan.” 15 Aking anak, huwag kang maglalakad sa daanang iyon kasama nila; huwag mong hayaang dumampi ang iyong paa kung saan sila naglalakad;

  45. 18 “Halika at pag-usapan natin ito,” sabi ni Yahweh; “bagaman ang mga kasalanan ninyo ay tulad ng iskarlata, magiging kasing-puti ng bulak ang mga ito; bagaman pula sila tulad ng krimson, magiging tulad sila ng lana. 19 Kung handa kayo at susunod, kakainin ninyo ang maiinam na bunga ng lupain. 20 Pero kung magmamatigas kayo at magrerebelde, lalamunin kayo ng espada dahil ang bibig ni Yahweh ay nagsalita.”

  46. 34 Ang paggawa ng tama ay nagtataas ng isang bansa, ngunit ang kasalanan ay isang kahihiyan para sa sinuman.

  47. 14 Sapagkat kung patatawarin ninyo ang pagkakasala ng mga tao, patatawarin din kayo ng Ama na nasa langit. 15 Ngunit kung hindi ninyo patatawarin ang kanilang pagkakasala, maging ang inyong Ama ay hindi rin patatawarin ang inyong pagkakasala.

  48. 18 Lumayo sa sekswal na imoralidad! “Ang ibang kasalanan na nagagawa ng tao ay labas sa katawan,” ngunit ang mahalay na tao ay nagkakasala laban sa kaniyang sariling katawan. 19 Hindi ba ninyo alam na ang inyong katawan ay templo ng Banal na Espiritu, na siyang namumuhay sa inyo, na inyong tinanggap mula sa Diyos? Hindi ba ninyo alam na hindi na ninyo pag-aari ang inyong sarili? 20 Sapagkat binili na kayo sa isang halaga. Kaya, luwalhatiin ninyo ang Diyos sa pamamagitan ng inyong katawan.

  49. 5 Ito ay tanda ng matuwid na paghahatol ng Diyos. Ang resulta ay ibibilang kayong karapat-dapat sa kaharian ng Diyos kung saan kayo ay nagdusa. 6 Matuwid para sa Diyos na ibalik ang pagdadalamhati sa mga nagdulot ng dalamhati sa inyo, 7 at kaginhawaan sa inyong mga nagdalamhati na kasama namin. Gagawin niya ito sa pagpapakita ng Panginoong Jesus mula sa langit kasama ng mga anghel ng kaniyang kapangyarihan. 8 Sa naglalagablab na apoy siya ay maghihiganti sa mga hindi kumikilala sa Diyos at sa mga hindi tumugon sa ebanghelyo ng ating Panginoong Jesus. 9 Sila ay daranas ng kaparusahan sa walang hanggang pagkawasak na malayo mula sa presensiya ng Panginoon at mula sa kaluwalhatian ng kaniyang kapangyarihan.

  50. 19 Aking mga kapatid, kung sinuman sa inyo ang naliligaw mula sa katotohanan ngunit mayroong umakay sa kaniya pabalik, 20 ipaalam sa kaniya na kung sinuman ang umakay sa makasalanan na makalabas sa kaniyang maling daan, maliligtas ang kaniyang kaluluwa mula sa kamatayan at matatabunan ang maraming kasalanan.

  51. 6 Alalahanin mo, Yahweh, ang iyong mga gawa ng kahabagan at sa katapatan sa tipan; dahil lagi silang nananatili magpakailanman. 7 Huwag mong alalahanin ang tungkol sa mga kasalanan ng aking kabataan o ang aking pagrerebelde; alalahanin mo ako na may katapatan sa tipan dahil sa iyong kabutihan, Yahweh! 8 Si Yahweh ay mabuti at matuwid; kaya itinuturo niya ang daan sa mga makasalanan. 9 Pinapatnubayan niya ang mapagpakumbaba na may katarungan at itinuturo niya ang kanyang daan sa mga mapagpakumbaba. 10 Ang lahat ng mga landas ni Yahweh ay ginawa mula sa katapatan sa tipan at pagiging mapagkakatiwalaan sa mga nag-iingat ng kanyang tipan at kanyang mga tapat na kautusan.

  52. 16 Mayroong anim na bagay na kinamumuhian ni Yahweh, pito na kasuklam-suklam sa kaniya: 17 Ang mga mata ng isang mapagmataas na tao, ang isang dila na nagsisinungaling, ang mga kamay na nagpapadanak ng dugo ng mga inosenteng tao, 18 isang puso na lumikha ng mga masasamang balakid, mga paa na mabilis tumakbo para gumawa ng masama, 19 isang saksi na nagsasabi ng mga kasinungalingan, at ang isa na siyang naghahasik ng alitan sa kaniyang mga kapatid.

  53. 13 Ang pagkatakot kay Yahweh ay para kapootan ang kasamaan — kinapopootan ko ang pagmamataas at kayabangan, ang masamang paraan, at malaswang pananalita — kinapopootan ko sila.

  54. 28 Totoo itong sinasabi ko sa inyo, ang lahat ng mga kasalanan ng mga anak ng tao ay mapapatawad, maging ang lahat ng mga kalapastanganang sinasabi nila, 29 ngunit ang sinumang lumalapastangan laban sa Banal na Espiritu ay hindi kailanman magkakaroon ng kapatawaran, ngunit mayroong walang hanggang kasalanan.”

    30 Sinabi ito ni Jesus dahil sinasabi nilang, “Mayroon siyang maruming espiritu.”

  55. 10 Tumayo si Jesus at sinabi sa kaniya, “Babae, nasaan ang iyong mga taga-usig? Wala bang humatol sa iyo?”

    11 Sabi niya “Wala ni sinuman, Panginoon.” Sabi ni Jesus, “Hindi rin kita hahatulan. Humayo ka sa iyong pupuntahan; mula ngayon huwag ka nang magkakasala pa.”]

  56. 44 Kayo ay mula sa inyong ama na ang diablo, at hinahangad ninyong gawin ang mga kahalayan mula sa inyong ama. Siya ay isang mamamatay tao mula sa simula at hindi nananatili sa katotohanan dahil walang katotohanan sa kaniya. Kapag nagsalita siya ng kasinungalingan, siya ay nagsasalita sa sarili niyang kalikasan dahil siya ay sinungaling at ang ama ng kasinungalingan.

  57. 8 Sapagkat sa biyaya kayo ay naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya. At hindi ito nagmula sa amin, kaloob ito ng Diyos. 9 Hindi ito dahil sa mga gawa. Bilang resulta, walang sinuman ang maaaring magmalaki. 10 Sapagkat tayo ay ginawa ng Diyos, nilikha kay Cristo Jesus upang gumawa ng mga mabubuting gawa. Ito ang mga gawa na matagal ng binalak ng Diyos para sa atin, upang makalakad tayo sa mga ito.

  58. 16 Kaya ihayag ninyo ang inyong mga kasalanan sa bawat isa at ipanalangin ang bawat isa upang kayo ay mapagaling. Ang panalangin ng matuwid ay magdudulot ng malaking bunga.

  59. 13 Pagkatapos sinabi ni David kay Natan, “Nagkasala ako laban kay Yahweh.” Sumagot si Natan kay David, “Pinatawad na rin ni Yahweh ang iyong kasalanan. Hindi ka papatayin. 14 Gayunman, dahil sa gawaing ito inalipusta mo si Yahweh, tiyak na mamamatay ang batang isisilang sa iyo.”

  60. 2 Kayong mga tao, gaano ninyo katagal papalitan ang aking karangalan ng kahihiyan? Gaano ninyo katagal mamahalin ang mga walang halaga at maghahangad ng mga kasinungalingan? Selah 3 Pero alamin ninyo na hinihiwalay ni Yahweh ang mga maka-Diyos para sa kaniyang sarili. Didinig si Yahweh kapag tumatawag ako sa kaniya. 4 Manginig kayo sa takot, pero huwag kayong magkasala! Magnilay-nilay sa inyong puso sa inyong higaan at manahimik. Selah 5 Ihandog ang mga alay ng katuwiran at ilagay ang inyong tiwala kay Yahweh. 6 Maraming nagsasabi, “Sino ang magpapakita ng anumang kabutihan sa atin?” Yahweh, itaas mo ang liwanag ng iyong mukha sa amin.

  61. 23 Siyasatin mo ako, O Diyos, at kilalanin mo ang aking puso; subukin mo ako at alamin ang aking saloobin. 24 Tingnan mo kung mayroong masamang paraan sa akin, at pangunahan mo ako sa daan ng walang hanggan.

  62. 1 Ngayon, ang lahat ng mga maniningil ng buwis at iba pang mga makasalanan ay lumalapit kay Jesus upang makinig sa kaniya. 2 Nagbulung-bulungan ang mga Pariseo at mga eskriba sa isa't isa, sinasabi, “Malugod na tinatanggap ng taong ito ang mga makasalanan, at kumakain pa kasama nila.”

    3 Sinabi ni Jesus ang talinghagang ito sa kanila, sinasabi, 4 “Sino sa inyo, kung mayroon siyang isang daang tupa at pagkatapos nawala ang isa sa kanila, ang hindi iiwanan ang siyamnapu't siyam sa ilang, at hahanapin ang nawawala hanggang sa matagpuan niya ito? 5 Pagkatapos, kapag natagpuan niya ito, pinapasan niya ito sa kaniyang mga balikat at nagagalak. 6 Pagdating niya sa bahay, tinitipon niya ang kaniyang mga kaibigan at mga kapitbahay, sinasabi sa kanila, 'Makisaya kayo sa akin, sapagkat natagpuan ko ang aking nawawalang tupa.' 7 Sinasabi ko sa inyo na gayon din, magkakaroon ng kagalakan sa langit sa isang makasalanang nagsisisi, higit pa sa siyamnapu't siyam na taong matuwid na hindi kailangang magsisi.

  63. 14 Pagkatapos, natagpuan siya ni Jesus sa templo at sinabi sa kaniya, “Tingnan mo, ikaw ay gumaling na! Huwag ka nang magkasala pa, baka may malala pang mangyari sa iyo.”

  64. 11 Huwag makibahagi sa mga walang kabuluhang gawain ng kadiliman. Sa halip, ihayag iyon. 12 Sapagkat ang mga ginagawa nila ng lihim ay labis na kahiya-hiya maging ang paglalarawan nito.

  65. 10 Kung sinuman ang sumusunod sa lahat ng kautusan, ngunit matisod sa isa sa mga ito, magkakasala siya sa pagsuway sa lahat ng kautusan! 11 Sapagkat ang Diyos na nagsasabi ng,”Huwag kang mangangalunya,” nagsabi ring, “Huwag papatay.” Kung hindi ka nangalunya, ngunit ikaw ay pumatay, sinuway mo ang kautusan ng Diyos.

  66. 11 Mga minamahal, tinawag ko kayong mga dayuhan at manlalakbay upang umiwas kayo sa masasamang pagnanasa na nakikipagdigma sa inyong kaluluwa. 12 Dapat kayong magkaroon ng mabuting pamumuhay sa gitna ng mga Gentil, sa gayon, kung magsasalita sila patungkol sa inyo bilang gumagawa ng masasamang bagay, mapagmasdan nila ang inyong mabubuting ginagawa at papurihan nila ang Diyos sa araw ng kaniyang pagdating.

  67. 20 Sinabi ni Moises sa mga tao, “Huwag kayong matakot, dahil bumaba ang Diyos para kayo ay subukin para ang karangalan na nasa kaniya ay mapasainyo at para hindi kayo magkasala.”

  68. 1 Mapalad ang taong hindi lumalakad sa payo ng masama, o tumatayo sa daanan kasama ang mga makasalanan, o umuupo sa kapulungan ng mga nangungutya. 2 Pero ang kaniyang kagalakan ay nasa batas ni Yahweh, at sa kaniyang batas, nagbubulay-bulay siya araw at gabi.

  69. 6 Sa pamamagitan ng katapatan sa kasunduan at pagtitiwala ang pagkakasala ay nabayaran at sa pamamagitan ng takot kay Yahweh, tinatalikuran ng mga tao ang kasamaan.

  70. 5 Pagkatapos sinabi ko, “Kaawa-awa ako! Mapapahamak ako dahil ako ay isang taong marumi ang labi, at namumuhay kasama ng mga taong marurumi ang mga labi, dahil nakita ng aking mga mata ang Hari, si Yahweh, si Yahweh na pinuno ng mga hukbo!”

    6 Pagkatapos, isang serapin ang lumipad papalapit sa akin; mayroon siyang hawak na nagbabagang uling na kinuha niya gamit ang panipit mula sa altar. 7 Idinampi niya ito sa aking bibig at sinabi, “Masdan mo, naidampi na ito sa iyong labi; ang iyong kasalanan ay nilinis at tinubos na.

  71. 4 Tingnan mo! Ang bawat buhay ay sa akin! At gayon din ang buhay ng ama at ang buhay ng anak sila ay sa akin! Ang taong nagkakasala ay mamamatay!

  72. 19 Kaya nga magsisi kayo at magbalik loob, upang mapawi ang inyong mga kasalanan, nang sa gayon mayroong dumating na panahon ng pagpapanibagong-lakas sa presensya ng Panginoon; 20 at kaniyang isusugo si Jesus, ang hinirang na Cristo para sa inyo.

  73. 21 Sapagkat ang kamatayan ay dumating sa pamamagitan ng isang tao, at sa pamamagitan rin ng isang tao dumating ang pagkabuhay sa mga patay. 22 Sapagkat gaya kay Adan ang lahat ay mamamatay, gaya din kay Cristo ang lahat ay mabubuhay.

  74. 17 Kaya, sinasabi ko ito, at pinapayuhan ko kayo sa Panginoon: huwag na kayong lumakad na katulad ng mga Gentil na lumalakad sa karumihan ng kanilang mga isipan. 18 Masama ang kanilang pag-iisip. Napalayo sila sa buhay na nasa Diyos dahil sa kamangmangan na nasa kanila dahil sa pagmamatigas ng kanilang mga puso. 19 Hindi sila nakakaramdam ng kahihiyan. Ibinigay nila ang kanilang mga sarili sa kahalayan sa malalaswang mga gawa, sa lahat ng uri ng kalabisan.

    20 Ngunit hindi ganito ang natutunan ninyo patungkol kay Cristo. 21 Iniisip kong narinig na ninyo ang patungkol sa kaniya. Iniisip kong naturuan na kayo patungkol sa kaniya, dahil na kay Jesus ang katotohanan. 22 Dapat ninyong hubarin ang naaayon sa dati ninyong gawain, ang dating pagkatao. Ito ay ang dating pagkatao na nabubulok dahil sa mapanlinlang na pagnanasa. 23 Hubarin ninyo ang dating pagkatao upang mabago ang espiritu ng inyong pag-iisip. 24 Gawin ninyo ito upang maisuot ninyo ang bagong pagkatao, na naaayon sa Diyos. Nilikha ito sa katuwiran at kabanalan ng katotohanan.

  75. 24 Ang mga kasalanan ng ibang tao ay lantaran at nauuna ito sa kanila bago pa sa hukuman. Ngunit ang ibang mga kasalanan ay sumusunod pagkatapos na.

  76. 1 Kaya nga, dahil si Cristo ay naghirap sa laman, armasan ninyo ang inyong mga sarili ng kaparehas na hangarin. Sinuman ang naghirap sa laman ay tumigil na sa kasalanan. 2 Ang taong ito ay hindi na namumuhay para sa mga pansariling pagnanasa, pero para sa kalooban ng Diyos—sa kaniyang natitirang buhay. 3 Sapagkat sapat na panahon na ang lumipas para gawin ng mga Gentil ang nais nilang gawin—kahalayan, pagkahumaling, paglalasing, panggugulo, labis na pagsasaya at kasuklam-suklam na pagsamba sa diyus-diyosan.

  77. 13 Sumusulat ako sa inyo mga ama, dahil kilala ninyo siya na mula pa sa simula. Sumusulat ako sa inyo mga kabataang lalaki, dahil napagtagumpayan ninyo ang kasamaan. Sumulat ako sa inyo, mga bata, dahil kilala ninyo ang Ama.

    14 Sumulat ako sa inyo mga ama, dahil kilala ninyo siya na mula pa sa simula. Sumulat ako sa inyo mga kabataang lalaki, dahil kayo ay malakas, at ang salita ng Diyos ay nananatili sa inyo, at napagtagumpayan ninyo ang kasamaan.

    15 Huwag ninyong mahalin ang mundo ni anumang mga bagay na nasa mundo. Kung sinumang umiibig sa mundo, ang pag-ibig ng Ama ay wala sa kanya. 16 Pagkat ang lahat ng nasa sa mundo - ang kahalayan ng laman, ang kahalayan ng mata, at ang kahambugan sa buhay - ay hindi sa Ama pero sa mundo.