68 Bible Verses About Redemption

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Bible Verses About Redemption
  1. 13 Kaya't bigkisan ninyo ang baywang ng inyong kaisipan. Maging mahinahon kayo sa inyong pag-iisip. Magkaroon kayo ng buong kapanatagan sa biyaya na dadalhin sa inyo sa kapahayagan ni Jesu Cristo. 14 Tulad ng masunuring mga anak, huwag ninyong i-ayon ang inyong mga sarili sa mga pagnanasa na inyong sinunod noong wala pa kayong kaalaman. 15 Dahil gaya ng ang tumawag sa inyo ay banal, kayo rin, at magpakabanal sa lahat ng inyong ginagawa sa buhay. 16 Sapagkat nasusulat, “Magpakabanal kayo, sapagkat ako ay banal.”

    17 At kung tinatawag ninyong “Ama” ang tagahatol na walang pagtatangi ayon sa ginagawa ng bawat tao, bigyang panahon ng inyong paglalakbay nang may mataas na pagtingin sa kaniya. 18 Alam ninyo na hindi sa mga pilak o ginto— mga bagay na naglalaho— na kayo ay tinubos mula sa hangal na pamumuhay na inyong natutunan sa inyong mga ninuno. 19 Pero kayo ay tinubos sa marangal na dugo ni Cristo, tulad ng isang tupa na walang kapintasan at walang karumihan. 20 Pinili si Cristo bago pa ang pagkalikha ng mundo, pero ngayon, sa mga huling panahon, naihayag siya sa inyo.

    21 Naniniwala kayo sa Diyos sa pamamagitan niya, na binuhay ng Diyos mula sa mga patay at sa kaniya na binigyan ng kaluwalhatian upang ang inyong pananampalataya at pagtitiwala ay mailaan sa Diyos.

  2. 3 Mapapurihan nawa ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Pinagpala niya tayo ng bawat pagpapalang espirituwal kay Cristo sa kalangitan. 4 Bago likhain ang sanlibutan, pinili na tayo ng Diyos na mga mananampalataya kay Cristo. Pinili niya tayo upang tayo ay maging banal at walang kapintasan sa kaniyang paningin. 5 Dahil sa pag-ibig itinalaga tayo ng Diyos upang ampunin bilang kaniyang sariling mga anak sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Ginawa niya ito sapagkat nasiyahan siyang gawin ang kaniyang nais. 6 Ang naging resulta ay napapurihan ang Diyos sa kaniyang kamangha-manghang biyaya. Kusang loob niya itong ibinigay sa atin sa pamamagitan ng kaniyang pinakamamahal na anak.

    7 Sapagkat sa kaniyang pinakamamahal na anak, nagkaroon tayo ng katubusan sa pamamagitan ng kaniyang dugo, ang kapatawaran ng mga kasalanan. Nagkaroon tayo nito dahil sa yaman ng kaniyang biyaya. 8 Ginawa niyang masagana ang kaniyang biyaya para sa atin nang buong karunungan at kaalamann. 9 Ipinaalam sa atin ng Diyos ang hiwaga ng kaniyang kalooban, ayon sa kaniyang nais na kaniyang ipinakita kay Cristo. 10 Kapag naganap na ang panahon para sa kaniyang kalooban, sama-samang dadalhin ng Diyos ang lahat ng mga bagay sa langit at sa lupa kay Cristo.

  3. 21 Ngunit ngayon, naipaalam na ang katuwiran ng Diyos ay hindi sa pamamagitan ng kautusan. Ito ay nasaksihan ng kautusan at ng mga propeta, 22 ito ay, ang katuwiran ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo para sa lahat ng mga naniniwala. Sapagkat walang pagtatangi. 23 Sapagkat ang lahat ay nagkasala at hindi nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos. 24 Sila ay napawalang-sala nang walang bayad ng dahil sa kaniyang biyaya sa pamamagitan ng katubusan na nakay Cristo Jesus.

    25 Sapagkat ipinagkaloob ng Diyos si Cristo bilang pampasuyo sa pamamagitan ng pananampalataya sa kaniyang dugo. Inialay niya si Cristo, bilang patotoo sa kaniyang katarungan, dahil sa kaniyang hindi pagpansin sa mga nakaraang kasalanan 26 sa kaniyang pagtityatiyaga. Nangyari ang lahat ng ito para sa pagpapakita ng kaniyang katuwiran sa panahong ito. Ito ay upang kaniyang mapatunayan na siya ay makatarungan at upang ipakitang pinapawalang-sala niya ang sinuman dahil sa pananampalataya kay Jesus.

    27 Kung gayon, nasaan ang pagmamalaki? Ito ay inihiwalay na! Sa anong batayan? Sa mga gawa? Hindi, kundi batay sa pananampalataya. 28 Kaya masasabi natin na ang isang tao ay napawalang-sala sa pamamagitan ng pananampalataya na wala ang mga gawa ng kautusan.

  4. 15 Ang anak ay ang larawan ng hindi nakikitang Diyos. Siya ang unang anak sa lahat ng mga nilikha. 16 Sapagkat sa pamamagitan niya nilikha ang lahat ng bagay, ang mga nasa langit at ang mga nasa lupa, ang mga nakikita at ang mga hindi nakikita. Maging mga trono o pamahalaan o pamunuan o kapangyarihan, ang lahat ng bagay ay nilikha sa pamamagitan niya at para sa kaniya.

    17 Siya ang una sa lahat ng mga bagay, at sa kaniya ang lahat ng bagay ay nagkakaugnay. 18 At siya ang ulo ng katawan, ang iglesiya. Siya ang simula at ang unang anak mula sa mga patay, kaya siya ang pangunahin sa lahat ng mga bagay. 19 Sapagkat ang Diyos ay nalugod na ang kaniyang kaganapan ay nararapat na mamuhay sa kaniya, 20 at upang ipagkasundo sa kaniya ang lahat ng bagay sa pamamagitan ng Anak. Gumawa ang Diyos ng kapayapaan sa pamamagitan ng kaniyang dugo sa krus. Ipinagkasundo ng Diyos ang lahat ng bagay sa kaniyang sarili, maging ang mga bagay sa lupa o ang mga bagay sa kalangitan.

    21 At kayo rin, sa isang pagkakataon ay mga taong hindi kilala ng Diyos, at mga kaaway niya sa kaisipan at masasamang mga gawa. 22 Ngunit pinagkasundo niya kayo ngayon sa kaniyang lupang katawan sa pamamagitan ng kamatayan. Ginawa niya ito upang iharap kayong banal, walang kapintasan at walang dungis sa kaniyang harapan,

  5. 11 Pagkat ang biyaya ng Diyos ay nahayag sa lahat ng tao. 12 Ito ay nagsasanay sa atin na tumanggi sa walang kabanalan at makamundong pagkahumaling. Ito ang nagsanay sa ating mamuhay ng matino, makatarungan at sa makadiyos na paraan sa kapanahunan ngayon 13 habang tayo ay nag-aabang sa pagtanggap ng ating pinagpalang pag-asa, ang kahayagan ng kaluwalhatian ng ating dakilang Diyos at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo. 14 Ibinigay ni Jesus ang kanyang sarili para sa atin upang tubusin tayo sa lahat ng kawalan ng batas at gawing dalisay, para sa kanyang sarili, isang natatanging mga tao na sabik sa paggawa ng mabubuti.

  6. 11 Dumating si Cristo bilang pinaka-punong pari ng mabubuting bagay na darating, sa pamamagitan ng mas dakila at higit na ganap na sagradong tolda na hindi gawa sa mga kamay ng tao, na hindi kabilang sa mundong nilikha. 12 Hindi ito sa pamamagitan ng dugo ng mga kambing at mga guya, ngunit sa pamamagitan ng kaniyang sariling dugo kaya minsan lamang pumasok si Cristo sa kabanal-banalang lugar para sa lahat at tiyakin ang ating walang hanggang katubusan.

    13 Sapagkat kung ang dugo ng mga kambing at mga toro at ang pagwiwisik ng mga abo sa mga taong may dungis ay naghahandog sa kanila sa Diyos at ginagawang malinis ang kanilang katawan, 14 gaano pa kaya ang dugo ni Cristo, na sa pamamagitan ng walang hanggang Espiritu ay inialay ang kaniyang sarili na walang dungis sa Diyos, na luminis sa ating budhi mula sa mga gawang patay upang makapaglingkod sa Diyos na buhay?

    15 Sa kadahilanang ito, si Cristo ang tagapamagitan ng bagong tipan. Ito ay dahil may isang kamatayan na nangyari upang palayain ang mga napapasailalim sa lumang tipan mula sa kabayaran ng kanilang mga kasalanan, sa gayon ang lahat ng mga tinawag ng Diyos ay tatanggap ng walang hanggang pamana na kaniyang ipinangako.

  7. 1 Sinasabi ko na hanggang ang tagapagmana ay bata pa, wala siyang pinagkaiba sa isang alipin, kahit na siya pa ang nagmamay-ari ng buong lupain. 2 Sa halip, nasa ilalim pa siya ng kaniyang mga tagapangalaga at mga katiwala hanggang sa dumating ang panahon na itinakda ng kaniyang ama.

    3 Kaya ganoon din tayo, noong tayo ay mga bata pa, sakop tayo ng pagkaalipin sa mga alituntunin ng daigdig. 4 Ngunit nang dumating ang takdang panahon, ipinadala ng Diyos ang kaniyang Anak, ipinanganak ng isang babae, ipinanganak sa ilalim ng kautusan. 5 Ginawa niya ito upang tubusin ang mga nasa ilalim ng kautusan, upang matanggap natin ang pagkukupkop bilang mga anak. 6 Dahil kayo ay mga anak, ipinadala ng Diyos ang Espiritu ng kaniyang Anak sa ating mga puso, ang Espiritu na tumatawag ng, “Abba, Ama.” 7 Sa kadahilanang ito, hindi na kayo mga alipin kundi mga anak. Kung kayo ay mga anak, kaya kayo rin ay tagapagmana sa pamamagitan ng Diyos.

  8. 13 Tinubos tayo ni Cristo mula sa sumpa ng kautusan noong siya ay naging sumpa para sa atin. Sapagkat nasusulat, “Sinumpa ang sinumang ibinitin sa isang puno.” 14 Ang layunin ay upang ang pagpapala na nakay Abraham ay dumating sa mga Gentil dahil kay Cristo Jesus, upang sa ganoon ay matanggap natin ang pangako ng Espiritu sa pamamagitan ng pananampalataya.

  9. 18 Sapagkat itinuturing ko na ang mga pagdurusa sa panahong ito ay hindi karapat-dapat na ihalintulad sa kaluwalhatian na maihahayag sa atin. 19 Sapagkat ang nananabik na pag-asa ng mga nilikha ay naghihintay para sa paghahayag sa mga anak ng Diyos. 20 Sapagkat napasailalim sa pagkawalang-saysay ang mga nilikha, hindi sa sarili nitong kalooban, kundi sa kaniya na siyang nagpasailalim nito. Ito ay dahil sa tiyak na kasiguraduhan 21 na ang nilikha mismo ay maililigtas mula sa pagkaalipin hanggang sa pagkabulok at madadala ito sa kalayaan ng kaluwalhatian ng mga anak ng Diyos.

    22 Sapagkat alam natin na magkasamang dumadaing at naghihirap sa sakit ang buong nilikha hanggang ngayon. 23 Hindi lamang iyan, ngunit maging tayo mismo, na nagtataglay ng mga unang bunga ng Espiritu—kahit tayo mismo ay dumadaing sa ating mga sarili, naghihintay para sa ating pagkakakupkop, ang pagkatubos ng ating katawan.

  10. 1 Pero ngayon ito ang sinasabi ni Yahweh, ang siyang lumikha sa iyo, Jacob, at siyang humubog sa iyo, Israel: “huwag kang matakot, sapagkat tinubos kita; tinawag kita sa iyong pangalan, ikaw ay akin. 2 Kapag ikaw ay dumaraan sa mga tubigan, ako ay kasama mo; at sa mga ilog, hindi ka malulunod. Kapag ikaw ay lumalakad sa apoy, hindi ka masusunog, ni sa apoy ay hindi ka masasaktan. 3 Dahil ako si Yahweh ang iyong Diyos, ang Banal ng Israel, iyong Tagapagligtas. Ibinigay ko na pang tubos sa iyo ang Ehipto, Etiopia at ang Seba kapalit mo. 4 Dahil ikaw ay mahalaga at natatangi sa aking paningin, mahal kita; kaya magbibigay ako ng mga tao kapalit mo, at ibang mga tao sa iyong buhay.

  11. 8 Nang nakuha niya ang balumbon, ang apat na buhay na nilalang at ang dalawampu't apat na nakatatanda ay inihiga ang kanilang mga sarili sa lupa sa harap ng Kordero. Ang bawat isa sa kanila ay may isang alpa at isang gintong mangkok na puno ng insenso — kung saan ang mga panalangin ng mga mananampalataya. 9 Umawit sila ng bagong awit: “Ikaw ay karapat-dapat kumuha ng balumbon at buksan ang mga selyo nito. Dahil ikaw ay pinatay at sa pamamagitan ng iyong dugo, binili mo ang mga tao para sa Diyos mula sa bawat lipi, wika, mga tao, at bansa. 10 Ginawa mo silang isang kaharian at mga pari para maglingkod sa ating Diyos at sila ay maghahari sa mundo.

    11 Pagkatapos nakita ko at narinig ang tunog ng maraming mga anghel sa palibot ng trono, — ang kanilang bilang ay 200, 000, 000 — at ang mga buhay na nilalang at mga nakatatanda. 12 Kanilang sinabi sa malakas na tinig, “Karapat-dapat ang Kordero na pinatay na tumanggap ng kapangyarihan, kayamanan, karunungan, kalakasan, karangalan, kaluwalhatian at kapurihan.”

    13 Narinig ko bawat bagay na nasa langit, at sa lupa, at sa ilalim ng lupa at sa dagat — lahat ng bagay sa kanila — sinasabing: “Sa kaniya na siyang nakaupo sa trono, at sa Kordero, ay ang kapurihan, karangalan, kaluwalhatian, at kapangyarihan para mamahala, magpakailan pa man.

    14 Ang apat na buhay na nilalang ay sinabing'”Amen” at ang mga nakatatanda ay humiga at sumamba.

  12. 24 Dapat ninyong sundin ang karapatan ng pagtubos para sa lahat ng lupang makamtan ninyo; dapat ninyong payagang muling bilhin ang lupa ng pamilya ng kung kanino ninyo ito binili.

    25 Kung naging mahirap ang kapwa ninyo Israelita at dahil doon ipinagbili ang ilan sa kanyang ari-arian, sa gayon maaaring bilhin muli ng pinakamalapit niyang kamag-anak ang ari-ariang ipinagbili niya sa inyo. 26 Kung ang isang tao ay walang kamag-anak para tumubos ng kanyang ari-arian, subalit kung umunlad siya at may kakayahang tubusin ito, 27 sa gayon maaari niyang kuwentahin ang mga taon mula nang ipinagbili ang lupa at bayaran ang nalalabi sa tao na kung kanino niya ito ipinagbili. Pagkatapos maaari siyang bumalik sa kanyang sariling ari-arian. 28 Subalit kung hindi niya kayang bawiin ang lupa para sa kanyang sarili, sa gayon mananatili ang lupang ipinagbili niya sa pagmamay-ari ng bumili nito hanggang sa Taon ng Paglaya. Sa Taon ng Paglaya, ibabalik ang lupa sa taong nagbenta nito, at babalik ang tunay na may-ari sa kanyang ari-arian.

  13. 25 Pero para sa akin, alam ko na nabubuhay ang aking Manunubos, at balang araw ay tatayo siya sa daigdig; 26 pagkatapos mawasak ang balat ko, iyon ay, ang aking katawan, saka makikita ko ang Diyos sa aking pangangatawan. 27 Makikita ko siya, ako mismo ang makakakita sa kaniya sa aking tabi; makikita siya ng aking mga mata, at hindi bilang isang dayuhan. Bibigay ang lamang-loob ko.

  14. 16 Dahil labis na inibig ng Diyos ang sangkatauhan, ibinigay niya ang kaniyang natatangi at nag-iisang Anak upang ang sinumang manalig sa kaniya ay hindi mamatay ngunit magkakaroon ng buhay na walang hanggan. 17 Dahil hindi isinugo ng Diyos ang kaniyang Anak sa mundo para parusahan ang sangkatauhan, ngunit para ang mundo ay marapat na maligtas sa pamamagitan niya. 18 Ang nananampalataya sa kaniya ay hindi mahatulan. Ang hindi nananampalataya ay nahatulan na dahil hindi siya nananampalataya sa pangalan ng natatanging Anak ng Diyos.

  15. 7 tiyak na walang makatutubos sa kaniyang kapatid o makapagbibigay sa Diyos ng panubos para sa kaniya, 8 Dahil mahal ang pagtubos ng buhay ng isang tao, at sa ating pagkakautang walang makakapagbayad. 9 Walang mabubuhay ng magpakailanman nang hindi mabubulok ang kanyang katawan.

  16. 30 At huwag ninyong bigyan ng kalungkutan ang Banal na Espiritu ng Diyos. Dahil sa kaniya kayo ay tinatakan para sa araw ng katubusan.

    31 Dapat ninyong alisin ang lahat ng sama ng loob, poot, galit, pagtatalo, at pang-iinsulto, kasama ang lahat ng uri ng kasamaan.

  17. 6 Kaya, sabihin sa mga Israelita, 'Ako si Yahweh. Dadalhin ko kayo palabas mula sa pagkaalipin sa ilalim ng mga taga-Ehipto, at palalayain ko kayo mula sa kanilang kapangyarihan. Kayo ay aking ililigtas sa pagpapakita ng aking kapangyarihan, at makapangyarihang mga gawa ng paghatol. 7 Dadalhin ko kayo sa aking sarili bilang aking bayan, at ako ay inyong magiging Diyos. Malalaman ninyo na ako si Yahweh, ang inyong Diyos, na nagdala sa inyo palabas mula sa pagkaalipin sa ilalim ng mga taga-Ehipto. 8 Dadalhin ko kayo sa lupain na aking sinumpaan para ibigay kay Abraham, kay Isaac, at kay Jacob. Ibibigay ko ito sa inyo bilang isang pag-aari. Ako si Yahweh.'”

  18. 44 Muling nagsalita si Yahweh kay Moises. Sinabi niya, 45 “Kunin mo ang mga Levita sa halip na ang lahat ng panganay sa mga tao ng Israel. At kunin mo ang alagang hayop ng mga Levita sa halip na ang alagang hayop ng mga tao. Ang mga Levita ay pag-aari ko. Ako si Yahweh. 46 Dapat kang mangolekta ng limang siklo para sa pantubos ng bawat isa sa 273 panganay ng mga tao ng Israel na humigit sa bilang ng mga Levita. 47 Dapat mong gamitin ang siklo ng santuwaryo bilang iyong pamantayang timbang. Ang siklo ay katumbas ng dalawampung gera. 48 Dapat mong ibigay ang halaga ng pantubos na iyong binayaran kay Aaron at sa kanyang mga anak na lalaki.”

    49 Kaya tinipon ni Moises ang pambayad ng pantubos mula sa mga taong humigit sa bilang ng mga natubos ng mga Levita. 50 Tinipon ni Moises ang mga pera mula sa panganay na anak ng mga tao ng Israel. Nakaipon siya ng 1, 365 na siklo, na tumitimbang sa siklo ng santuwaryo. 51 Ibinigay ni Moises ang pantubos na pera kay Aaron at sa kanyang mga anak na lalaki. Ginawa ni Moises ang lahat ng bagay na sinabi sa kanya upang gawin sa pamamagitan ng mga salita ni Yahweh, gaya ng iniutos sa kanya ni Yahweh.

  19. 21 Iyong alalahanin tungkol sa mga bagay na ito, O Jacob, at Israel, dahil kayo ay aking lingkod: kayo ay aking nilikha; ikaw ang aking lingkod: Israel, ikaw ay hindi ko malilimutan. 22 Isinantabi ko, tulad ng makapal na ulap, ang iyong mga mapanghimagsik na mga gawain; at gaya ng isang ulap, ang iyong mga kasalanan; manumbalik ka sa akin, sapagkat tinubos kita. 23 Umawit kayo, kayong mga kalangitan, dahil si Yahweh ay kumilos; sumigaw kayo, kayong mga nasa kailaliman ng lupa; magsimula kayong umawit, kayong mga bundok, at kayo, mga gubat, sa bawat puno; dahil tinubos ni Yahweh si Jacob, at ipapakita ang kaniyang kaluwalhatian sa Israel.

  20. 25 Ngunit tinawag sila ni Jesus sa kaniya at sinabi, “Alam ninyo na ang mga namumuno sa mga Gentil ay nanglulupig sa kanila, at ang mga mahahalagang mga tao sa kanila ay gumagamit ng kapangyarihan upang sundin sila. 26 Subalit hindi dapat mangyari ito sa inyo. Sa halip, ang sinumang nagnanais na maging dakila sa inyo ay dapat maging tagapaglingkod ninyo. 27 At ang sinumang nagnanais na maging una sa inyo ay dapat maging tagapaglingkod ninyo. 28 Katulad ng Anak ng Tao hindi siya naparito upang paglingkuran, kundi upang maglingkod, at upang ibigay ang kaniyang buhay bilang pangtubos sa marami.

  21. 28 Kaya mag-ingat kayo sa inyong mga sarili, at tungkol sa mga kawan na pinamahala ng Banal na Espiritu sa inyo. Pag-ingatan ninyo ang kawan sa kapulungan ng Panginoon, na tinubos ng kaniyang sariling dugo.

  22. 1 Nanalangin si Ana at sinabing, “Nagsasaya ang aking puso kay Yahweh. Itinaas ni Yahweh ang aking tambuli. Nagmamayabang ang aking bibig sa aking mga kaaway, dahil nagagalak ako sa iyong pagliligtas.

  23. 11 Kapag dadalhin na kayo ni Yahweh sa lupain ng Cananeo, na kaniyang ipinangako sa inyo at sa inyong mga ninuno, at kapag ibinigay niya na ang lupain sa inyo, 12 kinakailangan ninyong ilaan sa kaniya ang lahat ng inyong mga panganay na anak at ang lahat ng mga unang ipinanganak ng inyong mga hayop. Kay Yahweh ang mga lalaki. 13 Kailangan mong bilhin pabalik ang bawat unang ipinanganak na asno kasama ang isang tupa. Kapag hindi mo ito bibilhin pabalik, dapat mong baliin ang leeg nito. Pero ang bawat panganay sa inyong mga lalaki sa lahat ng inyong mga anak na lalaki—kailangan ninyo silang bilhin pabalik.

    14 Sa darating na panahon, kapag nagtanong ang iyong anak na lalaki, “Ano ang ibig sabihin nito?' pagkatapos sabihin mo sa kaniya, 'Nakalabas tayo mula sa Ehipto sa pamamagitan ng lakas ng kamay ni Yahweh, mula sa bahay ng pagkaalipin. 15 Nang nagmamatigas na tinanggihan ng Paraon ang pagpapaalis sa amin, pinatay ni Yahweh ang lahat ng mga panganay sa buong lupain ng Ehipto, kapwa panganay na anak ng mga tao at ang panganay na anak ng mga hayop. Kung kaya bakit ako nag-aalay kay Yahweh ng mga panganay ng bawat hayop, at kung kaya bakit ko binibili pabalik ang aking mga panganay na lalaki.' 16 Magiging paalala ito sa iyong mga kamay, at paalala sa iyong noo, dahil nakalabas tayo mula sa Ehipto sa pamamagitan ng lakas ng kamay ni Yahweh.”

  24. 5 Sapagkat may iisang Diyos at iisang tagapamagitan sa Diyos at sa tao, ang taong si Cristo Jesus. 6 Ibinigay niya ang kaniyang sarili bilang katubusan sa lahat, bilang patotoo sa tamang panahon.

    7 Sa kadahilanang ito, ako, si Pablo, ay naging tagapagturo at apostol. Nagsasabi ako ng katotohanan. Hindi ako nagsisinungaling. Ako ang tagapagturo ng mga Gentil sa pananampalataya at katotohanan.

  25. 6 Sapagkat habang mahina pa lamang tayo, namatay si Cristo sa tamang panahon para sa mga hindi maka-diyos. 7 Sapagkat mahirap para sa isang tao na mamatay para sa isang matuwid na tao. Iyan ay, marahil kung may isang maglalakas-loob na mamatay para sa mabuting tao. 8 Ngunit pinatunayan ng Diyos ang kaniyang pag-ibig sa atin, dahil noong makasalanan pa tayo, namatay si Cristo para sa atin.

    9 Mas higit pa sa ngayong napawalang-sala na tayo sa pamamagitan ng kaniyang dugo, maililigtas tayo sa pamamagitan nito mula sa poot ng Diyos. 10 Sapagkat kung, noong tayo ay mga kaaway, ipinagkasundo tayo sa Diyos sa pamamagitan ng kamatayan ng kaniyang Anak, higit pa ngayon na pagkatapos tayong ipinagkasundo, maililigtas tayo sa pamamagitan ng kaniyang buhay. 11 Hindi lamang ito, ngunit nagagalak din tayo sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na sa pamamagitan niya ay natanggap natin ang pagkakasundong ito.

  26. 7 O Israel, umasa ka kay Yahweh. Si Yahweh ay maawain, at siya ay labis na nagnanais magpatawad. 8 Siya ang tutubos sa Israel mula sa lahat ng kanilang mga kasalanan.

  27. 45 Sapagkat hindi dumating ang Anak ng Tao upang paglingkuran, ngunit upang maglingkod at upang ibigay ang kaniyang buhay bilang katubusan ng lahat.”

  28. 25 Magkakaroon ng mga palatandaan sa araw, sa buwan, at sa mga bituin. At sa lupa, magkakaroon ng kapighatian sa mga bansa, na walang pag-asa dahil sa dagundong ng dagat at sa mga alon. 26 Manlulupaypay ang mga tao dahil sa takot at dahil sa inaasahang darating sa mundo. Sapagkat mayayanig ang mga kapangyarihan ng kalangitan. 27 At makikita nila ang Anak ng Tao na dumarating na nasa ulap na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian. 28 Ngunit kapag magsisimulang mangyari ang mga bagay na ito, tumindig kayo, at tumingala, sapagkat nalalapit na ang inyong kaligtasan.”

  29. 68 “Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel, sapagkat tumulong siya at tinubos ang kaniyang mga tao. 69 Itinaas niya ang isang sungay ng kaligtasan para sa atin sa bahay ng kaniyang lingkod na si David, mula sa kaapu-apuhan ng kaniyang lingkod na si David, 70 tulad ng sinabi niya sa pamamagitan ng bibig ng kaniyang mga banal na propeta noong sinaunang panahon. 71 Magdadala siya ng kaligtasan mula sa ating mga kaaway at mula sa kamay ng lahat ng mga galit sa atin. 72 Gagawin niya ito upang ipakita ang habag sa ating mga ama at upang alalahanin ang kaniyang banal na kasunduan, 73 ang pangako na kaniyang sinalita kay Abraham na ating ama. 74 Siya ay nangako na kaniyang tutuparin sa atin, upang tayo, bilang mga pinalaya mula sa kamay ng lahat ng ating mga kaaway, ay makapaglingkod sa kaniya nang walang takot, 75 sa kabanalan at katuwiran sa kaniyang harapan sa lahat ng ating panahon.

  30. 22 Sapagkat sinumang tinawag ng Panginoon bilang isang alipin ay malayang tao ng Panginoon. Gayundin sa bawat isa na malaya nang tawagin siya ng Panginoon upang sumampalataya ay alipin ni Cristo.

    23 Kayo ay nabili ng may halaga kaya huwag na kayong magpa-alipin sa mga tao.

  31. 3 Umawit sila ng isang bagong awit sa harapan ng trono at sa harap ng apat na buhay na nilalang at sa mga nakatatanda. Walang sinuman ang nakakaalam ng awit maliban sa 144, 000 na tinubos mula sa mundo. 4 Sila ang mga hindi dinungisan ang kanilang mga sarili sa mga babae, dahil pinanatili nila ang kanilang sarili sa pagdalisay ng sekswal. Sila ang mga sumusunod sa Kordero saan man siya pumupunta. Sila ang tinubos mula sa sangkatauhan bilang mga unang bunga sa Diyos at sa Kordero.

  32. 1 Magpasalamat kay Yahweh, dahil sa kaniyang kabutihan at ang kaniyang katapatan sa tipan ay mananatili magpakailanman. 2 Hayaang magsalita ang mga tinubos ni Yahweh, ang kaniyang mga sinagip mula sa kapangyarihan ng kaaway. 3 Tinipon niya sila mula sa ibang mga lupain ng dayuhan, mula sa silangan at kanluran, mula sa hilaga at mula sa timog.

  33. 9 Nagbigay siya ng tagumpay sa kaniyang bayan; itinalaga niya ang kaniyang tipan magpakailanman; banal at kahanga-hanga ang kaniyang pangalan.

  34. 2 Binibigyang papuri ko si Yahweh ng buong buhay ko, at naaalala ko ang lahat ng kanyang mga mabubuting gawa. 3 Pinapatawad niya lahat ng inyong mga kasalanan; pinapagaling niya lahat ng inyong mga sakit. 4 Tinutubos niya ang inyong buhay mula sa pagkawasak; kinokoronahan niya kayo ng kanyang katapatan sa tipan at mga gawain ng pagkahabag. 5 Binibigyang kasiyahan niya ang inyong buhay ng mabubuting bagay para mapanumbalik ang inyong kabataan tulad ng agila.

  35. 15 Kaya ano? Magkakasala ba tayo dahil wala tayo sa ilalim ng kautusan, ngunit sa ilalim ng biyaya? Huwag nawa itong mangyari. 16 Hindi ba ninyo alam na ang pinaghandugan ninyo ng inyong mga sarili bilang mga alipin ay siyang inyong pinaglilingkuran, ang siyang dapat ninyong sundin? Totoo ito, mga alipin man kayo sa kasalanan na patungo sa kamatayan, o mga alipin sa pagsunod na patungo sa katuwiran. 17 Ngunit salamat sa Diyos! Sapagkat kayo ay dating mga alipin ng kasalanan, ngunit sinunod ninyo mula sa puso ang uri ng katuruang ibinigay sa inyo. 18 Pinalaya kayo sa kasalanan, at ginawa kayong mga alipin kayo ng katuwiran.

  36. 5 Ipinagkakatiwala ko sa iyong mga kamay ang aking espiritu; tutubusin mo ako, Yahweh, Diyos ng katapatan.

  37. 15 Pero tutubusin ng Diyos ang aking buhay mula sa kapangyarihan ng sheol; ako ay kaniyang tatanggapin. Selah

  38. 57 Lumapit ka sa araw na tinawag kita, sinabi mo sa akin, “Huwag kang mangamba!” 58 Panginoon, ipinagtanggol mo ako nang ako ay nasa paglilitis para sa buhay ko, iniligtas mo ang buhay ko!

  39. 3 Tayong lahat ay minsan ding naging katulad ng mga hindi mananampalataya. Gumagawa tayo ayon sa mga masasamang nasa ng ating laman. Ginagawa natin ang kagustuhan ng laman at ng isip. Likas tayong mga anak ng poot katulad ng iba.

    4 Ngunit sagana ang Diyos sa habag dahil sa kaniyang dakilang pagmamahal kung saan minahal niya tayo. 5 Habang tayo ay patay sa pagkakasala, dinala niya tayo sa bagong buhay kay Cristo. Naligtas tayo sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos. 6 Magkakasama tayong binuhay ng Diyos at magkakasama tayong pinaupo ni Cristo Jesus sa kalangitan. 7 Ginawa niya ito upang sa darating na panahon, maipakita niya sa atin ang kaniyang dakila at masaganang biyaya. Ipinakita niya ito sa atin sa pamamagitan ng kaniyang kabutihan kay Cristo Jesus.

    8 Sapagkat sa biyaya kayo ay naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya. At hindi ito nagmula sa amin, kaloob ito ng Diyos. 9 Hindi ito dahil sa mga gawa. Bilang resulta, walang sinuman ang maaaring magmalaki. 10 Sapagkat tayo ay ginawa ng Diyos, nilikha kay Cristo Jesus upang gumawa ng mga mabubuting gawa. Ito ang mga gawa na matagal ng binalak ng Diyos para sa atin, upang makalakad tayo sa mga ito.

  40. 3 Sinabi ni Boaz sa malapit na kamag-anak, “Si Naomi, na nagbalik mula sa bansa ng Moab, ay ipinagbibili ang kapiraso ng lupain na noon ay sa ating kapatid na si Elimelek. 4 Iniisip kong ipagbigay-alam at sabihin sa iyo, 'Bilhin mo ito sa harapan ng mga nakaupo rito, at sa harapan ng mga nakatatanda ng aking bayan.' Kung nais mong tubusin ito, tubusin mo. Pero kung hindi mo gustong tubusin ito, sabihin mo sa akin para malaman ko, dahil wala ni isang tutubos nito maliban sa iyo, at ako ang kasunod mo.” Pagkatapos, sinabi ng ibang lalaki, “Tutubusin ko ito.”

    5 Pagkatapos sinabi ni Boaz, “Sa araw na bilhin mo ang bukid mula sa kamay ni Naomi, kailangan mo ring kunin si Ruth na Moabita, ang asawa ng namatay na lalaki, sa utos para maitaas ang pangalan ng namatay sa kaniyang pamana.”

    6 Pagkatapos sinabi ng malapit na kamag-anak, “Hindi ko ito matutubos para sa aking sarili nang hindi masisira ang aking sariling pamana. Kunin mo ang aking karapatan ng pagtubos para sa iyong sarili, dahil hindi ko ito matutubos.”

  41. 14 Ililigtas ko ba talaga sila mula sa kapangyarihan ng sheol? Ililigtas ko ba talaga sila mula sa Kamatayan? Kamatayan, nasaan ang iyong mga salot? Dalhin mo sila rito. Sheol, nasaan ang iyong pagwawasak? Dalhin mo ito dito. Nakatago mula sa aking mga mata ang kahabagan.”

  42. 38 Sa oras ding iyon, lumapit siya sa kanila at nagsimulang magpasalamat sa Diyos. Siya ay nagsalita tungkol sa bata sa lahat ng naghihintay para sa katubusan ng Jerusalem.

  43. 9 Subalit kayo ay piniling lahi, isang grupo ng maharlikang mga pari, isang banal na bayan, mga taong pag-aari ng Diyos, upang maihayag ninyo ang mga kamangha-manghang ginawa ng tumawag sa inyo mula sa kadiliman patungo sa kaniyang kamangha-manghang kaliwanagan.

  44. 19 Ang lahat ng panganay ay akin, bawat panganay ng inyong mga toro, maging ang mga baka at tupa. 20 Dapat ninyong bilhin muli ang panganay na asno kasama ang kordero, pero kung hindi ninyo ito bibilhin ulit, kailangan baliin ninyo ang leeg nito. Dapat ninyong bilhin muli ang lahat ng panganay ninyong anak na lalaki. Walang haharap sa akin kahit isa na walang dala.

  45. 23 At anong bansa ang katulad ng iyong lahing Israel, na nag-iisang bansa sa sanlibutan na pinuntahan at iniligtas mo, O' Diyos, para sa iyong sarili? Ginawa mo ito para maging isang lahi sila para sa iyong sarili, para gumawa ng pangalan para sa iyong sarili, at gumawa ng dakila at nakakatakot na gawain para sa iyong lupain. Pinalayas mo ang mga bansa at kanilang mga diyus-diyosan mula sa harapan ng iyong mga tao, na iniligtas mo mula sa Ehipto. 24 Itinatag mo ang Israel bilang iyong sariling lahi magpakailanman, at ikaw Yahweh, ang naging kanilang Diyos.

  46. 15 Binigyan mo ng tagumpay ang iyong bayan sa pamamagitan ng iyong dakilang kapangyarihan - ang mga kaapu-apuhan ni Jacob at Jose. Selah

  47. 3 Dahil ito ang sinasabi ni Yahweh, “Kayo ay ipinagbili ng walang bayad, at kayo ay tutubusin ng walang salapi.”

  48. 11 Pero para sa akin, lalakad ako nang may dangal; tubusin mo ako at maawa ka sa akin.

  49. 9 Sinuway niya ang Dagat na Tambo, at natuyo ito. Pagkatapos pinatnubayan niya sila sa mga kalaliman, gaya ng sa ilang. 10 Iniligtas niya sila mula sa kamay ng mga napopoot sa kanila, at iniligtas niya sila mula sa kapangyarihan ng kaaway. 11 Pero tinabunan ng tubig ang kanilang mga kalaban; walang nakaligtas sa kanila ni isa.

  50. 7 Ito ang sinasabi ni Yahweh, ang Tagapagligtas ng Israel, ang kanilang Banal, sa isang hinamak ang buhay, kinamuhian ng mga bansa, at isang alipin ng mga pinuno, “Makikita ka ng mga hari at tatayo sila, at makikita ka ng mga prinsipe at luluhod sila, dahil kay Yahweh na tapat, kahit ang Banal ng Israel, na pumili sa iyo.”

  51. 9 Nagdusa rin siya sa lahat ng kanilang pagdurusa at ang anghel mula sa kanyang presensya ang nagligtas sa kanila. Sa kanyang pag-ibig at habag sila ay kanyang iniligtas, sila ay kanyang itinaas at iningatan sa buong sinaunang panahon.

  52. 1 Mga minamahal kong anak, isinusulat ko ang mga bagay na ito sa inyo upang hindi kayo magkasala. Pero kung sino man ang magkasala, mayroon tayong tagapagtanggol sa Ama, Si Jesu-Cristo ang nag-iisang makatuwiran. 2 Siya ang taga-pamayapa para sa ating mga kasalanan, at hindi lang para sa atin, kundi para din sa buong mundo.

  53. 11 Sino ang katulad mo, Yahweh, sa mga diyos? Sino ang katulad mo, maluwalhati sa kabanalan, sa mga pagpupuri pinaparangalan, na gumagawa ng mga himala? 12 Iniunat mo ang iyong kanang kamay, at sila ay nilamon ng lupa. 13 Sa iyong katapatan sa tipan pinangunahan mo ang mga tao na iyong sinagip. Sa iyong kalakasan sila ay iyong pinangunahan patungo sa banal na lugar kung saan ka naninirahan.

  54. 7 Hindi itinakda ni Yahweh ang pagmamahal niya sa inyo o pinili niya kayo dahil mas marami ang bilang ninyo kaysa sinuman sa mga tao- dahil kayo ang pinaka-konti sa lahat— 8 pero dahil minamahal niya kayo at ninais niya na manatili ang pangako niya sa inyong mga ama. Ito ang dahilan kung bakit si Yahweh ay inilabas kayo sa isang makapangyarihang kamay at itinubos kayo palabas sa bahay ng pagkakaalipin, mula sa kamay ng Paraon, hari ng Ehipto.

  55. 22 Sagipin mo ang Israel, O Diyos, sa lahat ng kaniyang mga kaguluhan!

  56. 11 Babalik ang mga tinubos ni Yahweh at pupunta sa Sion nang may mga sigaw ng kagalakan at may kaligayahan magpakailanman sa kanilang mga ulo; at kaligayahan at kagalakan ang mananaig sa kanila, at lalayo ang kalungkutan at pagluluksa.

  57. 21 Sapagkat sasagipin kita mula sa kamay ng mga masasama at tutubusin kita mula sa kamay ng mga mang-aapi. Ito ang pahayag ni Yahweh.”

  58. 11 Sapagkat tinubos ni Yahweh si Jacob at iniligtas siya sa kamay ng napakalakas para sa kaniya.

  59. 20 Naipako na ako sa krus kasama ni Cristo. Hindi na ako ang nabubuhay, ngunit si Cristo na ang nabubuhay sa akin, at ang buhay ngayon na aking ikinabubuhay sa laman, ay ikinabubuhay ko sa pamamagitan ng pananampalataya sa Anak ng Diyos, na nagmamahal sa akin at nagbigay ng kaniyang sarili para sa akin.

  60. 9 Sinabi niya, “Sino ka?” Sumagot siya, “Ako si Ruth, ang iyong babaeng lingkod. Ilatag mo ang inyong balabal sa iyong babaeng lingkod, dahil ikaw ay isang malapit na kamag-anak.”

  61. 21 At anong bansa sa mundo ang tulad ng iyong bayang Israel na iniligtas mo O Diyos mula sa Egipto bilang mga tao para sa iyo, upang gumawa ng pangalan para sa iyo sa pamamagitan ng mga dakila at mga nakamamanghang gawa? Pinalayas mo ang mga bansa sa harap ng iyong mga tao, na iniligtas mo mula sa Egipto. 22 Ginawa mo ang Israel na iyong sariling mga tao magpakailanman, at ikaw, O Yahweh ang naging Diyos nila.

  62. 26 Bumangon ka para sa aming tulong at tubusin kami alang-alang sa iyong katapatan sa tipan.

  63. 17 Huwag mong itago ang iyong mukha sa iyong mga lingkod, dahil ako ay nasa kalungkutan; sagutin mo ako agad. 18 Lumapit ka sa akin at tubusin ako. Dahil sa aking mga kaaway, iligtas mo ako.

  64. 23 Sisigaw sa galak ang aking mga labi habang inaawit ko ang mga papuri sa iyo, maging ako na iyong tinubos.

  65. 34 Sa tuwing pinapahirapan sila ng Diyos, nagsisimula silang hanapin siya, at babalik sila at masidhing hahanapin siya. 35 Maaalala nila na ang Diyos ang kanilang bato at ang Kataas-taasang Diyos ang kanilang tagapagligtas.

  66. 5 Dahil ang inyong Manlilikha ay ang inyong asawa; Yahweh ng mga hukbo ang kanyang pangalan. At Ang Banal ng Israel ay ang inyong Manunubos; Tinatawag siyang Diyos ng buong daigdig. 6 Dahil tinatawag kayo muli ni Yahweh bilang asawa napabayaan at nagdadalamhati sa espiritu, gaya ng isang babaeng maagang nag-asawa at itinakwil, Ang sabi ng iyong Diyos. 7 Sa maikling sandali ay pinabayaan ko kayo, pero sa matinding kahabagan ay titipunin ko kayo. 8 Sa pagbaha ng aking galit ay pansamantala kong itinago ang aking mukha sa inyo; pero sa pamamagitan ng walang hanggang katapatan sa tipan ay maaawa ako sa inyo—sinasabi ni Yahweh, ang siyang nagliligtas sa inyo.

  67. 21 Kaya, natuklasan ko na ang prinsipyo na nasa akin, na nais kong gawin ang mabuti, subalit ang kasamaang iyon ay naririto sa akin. 22 Sapagkat nagagalak ako sa kautusan ng Diyos sa aking kaibuturan. 23 Ngunit may nakikita akong ibang tuntunin sa mga bahagi ng aking katawan. Nilalabanan nito ang bagong tuntunin sa aking isipan. Binibihag ako nito sa pamamagitan ng tuntunin ng kasalanan na nasa mga bahagi ng aking katawan.

    24 Kaawa-awa akong tao! Sino ang magliligtas sa akin mula sa katawang ito ng kamatayan? 25 Ngunit ang pasasalamat ay sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na ating Panginoon! Kaya ako mismo ay naglilingkod sa kautusan ng Diyos sa aking isipan. Gayunman, sa laman naglilingkod ako sa tuntunin ng kasalanan.

  68. 1 Pagkatapos ipinakita sa akin ng anghel ang ilog ng tubig ng buhay, ang tubig ay kasing linaw ng kristal. Dumadaloy ito mula sa trono ng Diyos at ng Kordero, 2 sa gitna ng lansangan ng lungsod. Sa magkabilang tabi ng ilog ay naroon ang puno ng buhay na nagbubunga ng labingdalawang uri ng prutas, at sa bawat buwan ay namumunga ito. Ang mga dahon ng puno ay para mapagaling ang bansa.

    3 Wala na kahit anumang sumpa. Ang trono ng Diyos at ng Kordero ay matatagpuan sa lungsod at paglilingkuran siya ng kaniyang mga lingkod. 4 Makikita nila ang kaniyang mukha at ang kaniyang pangalan ay malalagay sa kanilang mga noo. 5 Wala nang magiging gabi, hindi na sila mangangailangan ng liwanag ng ilawan o sikat ng araw dahil ang Panginoong Diyos ang magliliwanag sa kanila. Maghahari sila magpakailan pa man.