28 Bible Verses About Talents

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Bible Verses About Talents
  1. 14 Sapagkat ito ay katulad ng isang taong maglalakbay sa ibang bansa. Tinawag niya ang sarili niyang mga utusan at ipinagkatiwala sa kanila ang kaniyang kayamanan. 15 Ang isa sa kanila ay binigyan niya ng limang talento, ang isa naman ay binigyan niya ng dalawa at ang isa naman ay binigyan niya ng isang talento. Nakatanggap ang bawat isa ayon sa kaniya-kaniyang kakayahan, at ang taong iyon ay pumunta sa kaniyang paglalakbay.

    16 Agad-agad ang nakatanggap ng limang talento ay umalis at ipinuhunan niya ang mga ito at nagkaroon pa siya ng limang talento. 17 Ganoon din ang nakatanggap ng dalawang talento, nagkaroon din ng dalawa pa. 18 Ngunit ang utusan na nakatanggap ng isang talento ay umalis, naghukay sa lupa at itinago ang pera ng kaniyang amo.

    19 Pagkalipas ng matagal na panahon, bumalik ang amo ng mga utusan at nakipagsulit sa kanila. 20 Dumating ang utusan na nakatanggap ng limang talento at nagdala ng lima pang talento, at sinabi niya, “Panginoon, binigyan mo ako ng limang talento. Tingnan mo, nagkaroon ako ng lima pang talento.'

    21 Sinabi ng amo sa kaniya, 'Magaling, mabuti at matapat na utusan! Naging tapat ka sa kaunting mga bagay. Gagawin kitang tagapamahala sa maraming bagay. Makibahagi ka sa kagalakan ng iyong amo.'

    22 Dumating din ang utusan na nakatanggap ng dalawang talento, at sinabi niya, 'Panginoon, binigyan mo ako ng dalawang talento. Tingnan mo, nagkaroon ako ng dalawa pang talento.'

    23 Sinabi ng amo sa kaniya, 'Magaling, mabuti at matapat na utusan! Naging tapat ka sa kaunting bagay. Gagawin kitang tagapamahala sa maraming bagay. Makibahagi ka sa kagalakan ng iyong amo.'

    24 Pagkatapos nito, ang utusan na nakatanggap ng isang talento ay dumating at nagsabi, 'Panginoon, alam ko na mahigpit kang tao. Gumagapas ka kung saan hindi ka nagtanim, at umaani kung saan hindi ka naghasik. 25 Natakot ako, kaya ako ay umalis at itinago ko ang inyong talento sa lupa. Tingnan mo, nandito ang pagmamay-ari mo.'

    26 Ngunit sumagot ang kaniyang amo at sinabi sa kaniya, 'Ikaw na masama at tamad na utusan, alam mo naman na gumagapas ako kung saan hindi ako nagtanim at umaani kung saan hindi ako naghasik. 27 Kaya ibinigay mo sana ang pera ko sa mga tagabangko, upang sa aking pagdating natanggap ko na may tubo ang aking pera.

    28 Kaya kunin ninyo ang talento sa kaniya at ibigay ninyo doon sa mayroong sampung talento. 29 Sapagkat kung sinuman ang mayroon, mas marami pa ang ibibigay — mas masagana pa. Subalit kung sino ang walang pagmamay-ari, kahit ang nasa sa kaniya ay kukunin pa. 30 Itapon ang walang silbing utusan sa kadiliman sa labas, kung saan mayroong pagtatangis at pagngangalit ng mga ngipin.

  2. 10 Ang bawat isa sa inyo ay tumanggap ng kaloob, gamitin niyo ito para paglingkuran ang isa't isa, bilang mabuting mga katiwala ng maraming kaloob ng Diyos.

  3. 1 Kaya hinihikayat ko kayo, mga kapatid, alang-alang sa habag ng Diyos, na ialay ninyo ang inyong mga katawan na isang buhay na alay, banal, katanggap-tanggap sa Diyos. Ito ang inyong nararapat na paglilingkod. 2 Huwag kayong umayon sa mundong ito, ngunit mag-iba kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip. Gawin ninyo ito upang malaman ninyo kung ano ang mabuti, katanggap-tanggap, at ganap na kalooban ng Diyos.

    3 Sapagkat, dahil sa biyayang ibinigay sa akin, sinasabi ko na ang bawat isa sa inyo ay huwag mag-isip na mas mataas ang inyong sarili kaysa sa nararapat ninyong isipin. Sa halip, dapat kayong mag-isip ng may karunungan, ayon sa sukat ng pananampalataya na ipinagkaloob ng Diyos sa bawat isa. 4 Sapagkat marami tayong bahagi sa iisang katawan, ngunit hindi lahat ng mga bahagi ay may pare-parehong tungkulin. 5 Gayon din naman, tayo na marami ay iisang katawan kay Cristo, at ang bawat isa ay bahagi ng isa't isa.

    6 Mayroon tayong iba't ibang kaloob ayon sa biyayang ibinigay sa atin. Kung ang kaloob ng isa ay paghahayag ng propesiya, gawin niya ito ayon sa sukat ng kaniyang pananampalataya. 7 Kung ang kaloob ng isa ay paglilingkod, hayaan siyang maglingkod. Kung ang isa ay may kaloob ng pagtuturo, hayaan siyang magturo. 8 Kung ang kaloob ng isa ay pagpapalakas ng loob, hayaan siyang magpalakas ng loob. Kung ang kaloob ng isa ay pagbibigay, hayaan siyang gawin ito ng may kagandahang-loob. Kung ang kaloob ng isa ay pamumuno, gawin ito ng may pag-iingat. Kung ang kaloob ng isa ay pagpapakita ng awa, gawin ito ng may kagalakan.

  4. 4 Ngayon ay may iba't ibang mga kaloob, ngunit iisang Espiritu. 5 At may iba't ibang mga ministeryo ngunit parehong Panginoon. 6 At may iba't ibang uri ng mga gawain ngunit iisa ang Diyos na gumagawa upang mangyari ito sa bawat isa.

    7 Ngayon naibigay sa bawat isa ang panlabas na paghahayag ng Espiritu na kapaki-pakinabang sa lahat. 8 Sapagkat nabigyan ang iba ng Espiritu na makapagsalita ng karunungan, at sa iba ay makapagsalita ng may kaalaman sa pamamagitan ng iisang Espiritu. 9 Sa iba naman ay binibigay niya ang pananampalataya sa pamamagitan ng iisang Espiritu at sa iba naman ay kaloob na magpagaling sa pamamagitan ng iisang Espiritu. 10 Binibigay niya sa iba ang paggawa ng may kapangyarihan, at propesiya sa iba. Binibigay niya sa iba ang kakayahang masuri ang mga espiritu, sa iba ay iba't ibang uri ng mga wika at sa iba ay pagbibigay-kahulugan ng mga wika. 11 Ngunit iisang Espiritu ang gumagawa sa lahat ng mga ito, binibigay ang mga kaloob sa bawat isa, ayon sa pinili niya.

  5. 11 Nagbigay si Cristo ng mga kaloob katulad ng mga ito: pagka- apostol, pagka-propeta, pagka-ebanghelista, pagka-pastor at pagka-guro. 12 Ginawa niya ito upang ihanda ang mga mananampalataya sa paglilingkod at sa ikatitibay ng katawan ni Cristo.   Ginagawa niya ito hanggang sa maabot natin ang pagkakaisa sa pananampalataya at kaalaman sa Anak ng Diyos. 13 Ginagawa niya ito hanggang sa maging ganap tayo na katulad ni Cristo.

    14 Upang hindi na tayo maging tulad ng mga bata. Upang hindi na tayo maligaw. Upang hindi na tayo madala palayo sa bawat hangin ng katuruan, sa pandaraya ng mga tao sa pamamagitan ng matalas na pag-iisip ng kamalian at panlilinlang. 15 Sa halip, sabihin natin ang katotohanan na may pag-ibig at lumago sa lahat ng paraan sa kaniya na ulo, si Cristo. 16 Pinag-ugnay ni Cristo ang buong katawan ng mananampalataya. Hinahawakan ito sa pamamagitan ng umaalalay na litid upang ang buong katawan ay lumago at tumibay sa pag-ibig.

  6. 10 Sapagkat tayo ay ginawa ng Diyos, nilikha kay Cristo Jesus upang gumawa ng mga mabubuting gawa. Ito ang mga gawa na matagal ng binalak ng Diyos para sa atin, upang makalakad tayo sa mga ito.

  7. 7 Sapagkat sino ang nakakakita ng pagkakaiba ninyo sa iba? Anong mayroon kayo na hindi ninyo tinanggap ng walang bayad? Kung natanggap ninyo ito ng walang bayad, bakit kayo nagyayabang na parang hindi ninyo nagawa?

  8. 8 Ibinigay ng Diyos ang kaloob na ito sa akin, kahit na ako ang pinakahamak sa mga pinili ng Diyos. Ang kaloob na ito ay dapat kong ipahayag sa mga Gentil ang ebanghelyo ng hindi masukat na kayamanan ni Cristo. 9 Kailangan kong paliwanagan ang lahat ng mga tao patungkol sa lihim na plano ng Diyos. Ito ang plano na nilihim ng Diyos na lumikha ng lahat ng bagay noong una pang panahon. 10 Ito ay upang sa pamamagitan ng iglesia, ang mga tagapamuno at mga may kapangyarihan sa kalangitan ay malaman ang maraming panig ng katangian ng karunungan ng Diyos. 11 Mangyayari ito ayon sa walang hanggang plano na tinupad niya kay Cristo Jesus na ating Panginoon.

  9. 3 Pinuno ko si Bezalel ng aking Espiritu, para bigyan siya ng karunungan, pang-unawa, at kaalaman, para sa lahat ng uri ng gawain, 4 para gumawa ng pang-sining na mga disenyo at para sa paggawa sa ginto, pilak, at tanso; 5 para rin sa pagputol at paglagay ng mga bato at para sa pang-ukit ng kahoy-para gawin ang lahat ng uri ng gawain.

    6 Bukod sa kaniya, hinirang ko si Oholiab anak na lalaki ni Ahisamach, mula sa lipi ni Dan. Nilagyan ko ng kasanayan ang mga puso ng mga matalinong tao kaya magagawa nila ang lahat ng pag-uutos ko sa iyo. Kabilang dito

  10. 48 Ngunit ang hindi nakakaalam, at gumawa ng mga bagay na karapat-dapat sa pagbugbog, ay mabubugbog nang kaunti. Ang lahat ng binigyan ng marami, marami din ang hihingiin sa kaniya, at ang pinagkatiwalaan ng marami, marami ang hihingiin nila sa kaniya.

  11. 11 Ipahayag mo at ituro ang mga bagay na ito.

    12 Huwag hayaan ang sinuman na maliitin ang iyong kabataan. Sa halip, maging halimbawa ka sa mga sumasampalataya, sa pananalita, pag-uugali, pag-ibig, katapatan, at sa kalinisan. 13 Hanggang sa ako ay dumating, manatili ka sa pagbabasa, sa pagpapaliwanag, at sa pagtuturo.

    14 Huwag mong pabayaan ang kaloob na nasa iyo, na ipinagkaloob sa iyo sa pamamagitan ng propesiya, kasama ang pagpapatong ng mga kamay ng mga nakakatanda.

  12. 6 Ito ang dahilan na pinapaalalahanan kita na pagningasin muli ang kaloob ng Diyos sa iyo sa pamamagitan ng pagpatong ko ng aking mga kamay. 7 Sapagkat hindi tayo binigyan ng Diyos ng espiritu ng pagkatakot, kundi ng kapangyarihan, pag-ibig at disiplina.

  13. 13 Kayo ang asin ng mundo. Ngunit kung nawala ang lasa ng asin, paano muling maibabalik ang alat nito? Wala na itong pakinabang pa kundi itapon at tapak-tapakan ng mga tao.

    14 Kayo ang ilaw ng mundo. Ang lungsod na nakatayo sa isang burol ay hindi maitatago. 15 Ni hindi nagsisindi ang mga tao ng lampara at ilagay sa loob ng basket, bagkus sa isang patungan ng ilawan, at magliliwanag ito sa lahat ng nasa bahay. 16 Hayaan ninyong magliwanag ang inyong ilaw sa harapan ng mga tao sa paraang makikita nila ang inyong mga mabubuting gawa at papurihin ang inyong Amang nasa langit.

  14. 12 Gayon din naman sa inyo. Yamang sabik kayo para sa mga pagpapahayag ng Espiritu, maging masigasig upang sumagana sa pagpapalakas ng iglesiya.

  15. 2 Dapat kang gumawa ng kasuotan para kay Aaron, na iyong kapatid, na inihandog para sa akin. Ang kasuotang ito ay magiging kaniyang karangalan at kagandahan.

    3 Dapat mong sabihin sa lahat ng mga tao nang may katalinuhan sa puso, pinuno ko sila ng espiritu ng karunungan, para makagawa sila ng mga kasuotan ni Aaron para itakda siyang nakahiwalay para maglingkod sa akin bilang pari. 4 Ang mga kasuotan na dapat nilang gawin ay isang baluti, isang efod, isang balabal, isang kasuotang gawa sa habi, isang turbante at isang sintas. Dapat nilang gawin ang mga kasuotang ito para ihandog sa akin. Ito ay para sa iyong kapatid na si Aaron at sa kaniyang mga anak na lalaki para maaari silang maglingkod sa akin bilang mga pari.

  16. 12 Kaya sinabi niya, “May isang maharlikang pumunta sa malayong bansa upang tanggapin ang isang kaharian para sa kaniya at pagkatapos ay babalik. 13 Tinawag niya ang sampu sa kaniyang mga lingkod, at binigyan sila ng sampung mina, at sinabi sa kanila, 'Mag-negosyo kayo hanggang ako ay bumalik.'

    14 Ngunit kinamuhian siya ng kaniyang mga mamamayan at pinasunod sa kaniya ang isang lupon ng kinatawan, sinasabi, 'Ayaw namin na ang taong ito ang mamuno sa amin.'

    15 Nangyari nang siya ay bumalik, natanggap na niya ang kaharian, pinatawag niya ang mga lingkod na binigyan niya ng pera, upang malaman niya kung magkano ang kanilang tinubo sa pagnenegosyo.

    16 Ang una ay lumapit sa kaniyang harapan, sinasabi, 'Panginoon, ang iyong mina ay nadagdagan pa ng sampung mina.'

    17 Sinabi ng maharlika sa kaniya, 'Magaling, mabuting lingkod. Dahil ikaw ay naging tapat sa kakaunti, ikaw ay magkakaroon ng kapangyarihan sa sampung lungsod.'

    18 Ang pangalawa dumating, sinasabi, 'Ang iyong mina, panginoon, ay nadagdagan pa ng limang mina.'

    19 Sinabi sa kaniya ng maharlika, 'Mamamahala ka sa limang lungsod.'

    20 At dumating ang isa pa, sinasabi, 'Panginoon, narito ang iyong mina, na maingat kong itinago sa isang tela, 21 sapagkat natatakot ako sa iyo, dahil ikaw ay mabagsik na tao. Kinukuha mo ang hindi mo iniipon, at inaani ang hindi mo inihasik.'

    22 Sinabi sa kaniya ng maharlika, 'Huhusgahan kita ayon sa iyong mga salita, ikaw na masamang lingkod. Alam mo na ako ay mabagsik na tao, kinukuha ang hindi ko inilagay, at inaani ang hindi ko inihasik. 23 Kung gayon bakit hindi mo inilagay ang aking pera sa bangko, upang sa pagbalik ko, makuha ko ito nang may kasamang tubo?'

    24 Sinabi ng maharlika sa mga nakatayo doon, 'Kunin ninyo ang mina sa kaniya, at ibigay ninyo sa may sampung mina.'

    25 Sinabi nila sa kaniya, 'Panginoon, mayroon siyang sampung mina.'

    26 'Sinasabi ko sa inyo, na ang lahat ng mayroon ay mabibigyan pa ng mas marami, ngunit sa kaniya na wala, kahit ang mayroon siya ay kukunin sa kaniya. 27 Ngunit ang aking mga kaaway, ang mga may ayaw na maghari ako sa kanila, dalhin ninyo sila rito at patayin sila sa harapan ko.'”

  17. 7 Nais ko sanang ang bawat isa ay katulad ko. Kaya lang may kaloob ang bawat isa na galing sa Diyos. Ang isa ay may ganitong uri ng kaloob at ang iba ay may ibang kaloob.

  18. 17 Ang bawat mabuti at ganap na kaloob ay mula sa itaas, bumaba mula sa Ama ng mga liwanag. Hindi siya nagbabago katulad ng paglipat ng anino. 18 Pinili ng Diyos na bigyan tayo ng buhay sa pamamagitan ng salita ng katotohanan, upang maging katulad tayo ng mga unang bunga sa kaniyang mga nilikha.

  19. 1 Ako, si Simon Pedro, isang alipin at apostol ni Jesu-Cristo, para sa mga nakatanggap ng mahalagang pananampalataya kagaya ng natanggap namin, ang pananampalataya sa katuwiran ng ating Diyos at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo.

    2 Ang biyaya nawa ay sumainyo; nawa ang kapayapaan ay lumago sa pamamagitan ng kaalaman ng Diyos at ng ating Panginoong Jesus.

    3 Lahat ng mga bagay ng banal na kapangyarihan para sa buhay at pagiging maka-diyos ay ibinigay sa atin sa pamamagitan ng kaalaman ng Diyos na siyang tumawag sa atin sa pamamagitan ng kaniyang sariling kaluwalhatian at kabutihan. 4 Sa pamamagitan nito, binigyan niya tayo ng mahahalaga at dakilang mga pangako. Ginawa niya ito upang kayo ay makibahagi sa banal na katangian habang kayo ay tumatakas mula sa kasamaan na nasa mundo sa masamang hangarin.

    5 Sa kadahilanang ito, gawin ninyo ang inyong makakaya para dagdagan ang kabutihan sa pamamagitan ng inyong pananampalataya, at sa pamamagitan ng inyong kabutihan ay kaalaman. 6 Sa pamamagitan ng inyong kaalaman ay pagpipigil sa sarili, at sa pamamagitan ng inyong pagpipigil sa sarili ay pagtitiyaga, at sa pamamagitan ng inyong pagtitiyaga ay pagiging maka-diyos. 7 Sa pamamagitan ng inyong pagiging maka-diyos ay ang pagmamahal bilang magkakapatid, at sa pamamagitan ng inyong pagmamahal bilang magkakapatid ay ang pag-ibig. 8 Kung ang mga bagay na ito ay nasa inyo at lumalago sa inyo, kayo ay hindi magiging baog o hindi namumunga sa kaalaman ng ating Panginoon na si Jesu-Cristo. 9 Ngunit ang sinuman na nagkukulang sa mga bagay na ito ay nakikita niya lamang kung ano ang malapit; siya ay bulag. Nakalimutan niya ang paglilinis mula sa kaniyang mga lumang kasalanan.

  20. 25 Ang bawat bihasang babae ay naghabi gamit ang kaniyang mga kamay at dinala ang kaniyang hinabi—asul, lila, o pulang sinulid, o pinong lino.

  21. 18 Pero isa-isip ninyo si Yahweh na inyong Diyos, dahil siya ang nagbibigay sa inyo ng kapangyarihan para makakuha ng kayamanan; para maitatag ang kaniyang tipan na kaniyang pinangako sa inyong mga ama, gaya sa araw na ito.

  22. 13 Ngayon nagpadala ako ng bihasang tao, na pinagkalooban ng karunungan, si Huramabi, 14 na lalaking anak ng isang babaeng mula sa angkan ni Dan. Ang kaniyang ama ay mula sa Tiro. Bihasa siyang gumawa gamit ang ginto, pilak, tanso, bakal, bato at troso at humabi ng telang kulay ube, pula at asul at pino na lino. Bihasa rin siya sa paggawa ng lahat ng uri ng pag-uukit at paggawa ng lahat ng uri ng disenyo. Isamo mo siya sa iyong mga bihasang mangagawa, at sa mga bihasang mangagawa ng aking panginoong si David na iyong ama.

  23. 2 Pasalamatan si Yahweh na may alpa; awitan siya ng mga papuri niya ng may alpa na sampung kuwerdas. 3 Awitan siya ng bagong awit; tumugtog nang mahusay at umawit ng may kagalakan.

  24. 21 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Magdadala ba kayo ng lampara sa loob ng bahay upang ilagay ito sa loob ng basket o sa ilalaim ng higaan? Dadalhin ninyo ito sa loob at ilalagay sa lagayan ng lampara. 22 Sapagkat walang itinatago na hindi maihahayag at walang lihim na hindi maibubunyag.

    23 Sinuman ang may taingang pandinig, makinig.

    24 Sinabi niya sa kanila, “Pakinggan ninyong mabuti ang inyong naririnig, ang panukat na inyong ginagamit ay siya ring gagamiting panukat sa inyo, at idadagdag ito sa inyo. 25 Dahil sinumang mayroon ay pagkakalooban ng higit pa, at sinumang wala, kukunin maging ang anumang nasa kaniya.”

    26 At sinabi niya, “Ang kaharian ng Diyos ay tulad ng isang taong naghasik ng kaniyang binhi sa lupa. 27 Sa gabi siya ay natutulog at sa umaga siya ay bumabangon, at ang binhi ay sumisibol at tumutubo, ngunit hindi niya alam kung paano. 28 Ang lupa sa sarili niya ay namumunga ng butil: una ang sibol, sunod ang mga tangkay, sunod ang mga hinog na butil sa tangkay. 29 At kapag nahinog na ang butil, agad niyang ipinadadala ang panggapas sapagkat dumating na ang anihan.”

    30 At sinabi niya, “Saan natin maihahambing ang kaharian ng Diyos, o anong talinghaga ang magagamit natin upang maipaliwanag ito? 31 Ito ay katulad ng buto ng mustasa na kapag ito ay itinanim, ito ang pinakamaliit sa lahat ng mga buto sa daigdig. 32 Gayunpaman, kapag ito ay naitanim, tumutubo ito at nagiging pinakamalaki sa lahat ng mga tanim sa bukirin at nagkakaroon ito ng malalaking sanga, kaya ang mga ibon sa himpapawid ay nakakapamugad sa lilim nito.

    33 Ipinangaral niya ang salita sa kanila sa pamamagitan ng maraming talinghagang katulad nito, hanggang sa kaya nilang maunawaan, 34 at hindi siya nangaral sa kanila nang hindi gumagamit ng talinghaga. Ngunit kapag siya ay nag-iisa na lamang, ipinapaliwanag niya ang lahat sa kaniyang sariling mga alagad.

  25. 10 Sa wakas, magpakatatag kayo sa Panginoon at sa kalakasan ng kaniyang kapangyarihan. 11 Isuot ninyo ang buong baluti ng Diyos, upang sa ganoon maaari ninyong malabanan ang mga mapanlinlang na mga balak ng diablo. 12 Sapagkat ang ating pakikibaka ay hindi laban sa laman at dugo. Sa halip, ito ay laban sa pamahalaan at kapangyarihang espiritwal at mga tagapamahala ng kaharian ng masamang kadiliman, laban sa mga masasamang espiritu sa kalangitan.

    13 Kaya isuot ninyo ang buong baluti ng Diyos upang manatili kayong matatag laban sa masama sa panahong ito ng kasamaan. Pagkatapos ninyong gawin ang lahat ng bagay, magiging matatag kayo. 14 Kaya nga magpakatatag kayo. Gawin ninyo ito pagkatapos ninyong maisuot ang sinturon ng katotohanan at maisuot sa dibdib ang baluti ng katuwiran. 15 Gawin ninyo ito pagkatapos ninyong mailagay sa inyong mga paa ang kahandaan sa pagpapahayag ng ebanghelyo ng kapayapaan. 16 Sa lahat ng kalagayan kunin ang kalasag ng pananampalataya, kung saan tutupukin ang lahat ng naglalagablab na pana ng masama.

  26. 1 Hinihikayat ko ang mga nakatatanda sa inyo, ako, na isang kapwa nakatatanda at isang saksi sa pagdurusa ni Cristo, at kabahagi ng kaluwalhatian na maihahayag. 2 Kaya nga, hinihikayat ko kayo, mga nakatatanda, pangalagaan ninyo ang kawan ng Diyos na nasa inyo. Pangalagaan niyo sila, hindi dahil kailangan ninyo, pero dahil nais ninyo ito, ayon sa Diyos. Pangalagaan niyo sila nang maluwag sa inyong kalooban, hindi para sa pera. 3 Huwag kayong umasta na tila mga amo sa mga taong nasa inyong pangangalaga, sa halip maging halimbawa kayo sa kawan. 4 Sa kapahayagan ng Punong Pastol, kayo ay makatatanggap ng maluwalhating korona na hindi kumukupas.

    5 Gayon din, kayong mga nakababatang kalalakihan, magpasakop kayo sa mga nakatatandang kalalakihan. Kayong lahat, damitan ninyo ang inyong sarili ng kababaang-loob at maglingkod kayo sa isa't isa sapagkat pinipigilan ng Diyos ang mga mapagmataas, pero binibigyan niya ng biyaya ang mga mapagpakumbaba.

    6 Kaya nga maging mapagpakumbaba kayo sa ilalim ng makapangyarihang kamay ng Diyos upang kayo ay itaas niya sa tamang panahon. 7 Ibigay niyo ang lahat ng inyong pag-aalala sa kaniya, dahil pinag-iingatan niya kayo.

    8 Maging handa at mapagmatyag kayo. Ang inyong kaaway, ang diyablo, tulad ng isang umaatungal na leon, ay naglilibot at naghahanap ng kaniyang sasakmalin. 9 Tumindig kayo laban sa kaniya. Magpakatatag kayo sa inyong pananampalataya. Tandaan ninyo na ang inyong mga kapatid na nasa mundong ito ay nagtitiis ng kaparehas na pagdurusa.

    10 Pagkatapos ninyong magdusa sa sandaling panahon, ang Diyos ng lahat ng biyaya, na tumawag sa inyo sa walang hanggang kaluwalhatian kay Cristo, ang siyang magbibigay sa inyo ng kaganapan, magpapatibay at magpapalakas sa inyo. 11 Sa kaniya ang kapangyarihan magpakailanman. Amen.

  27. 45 Kaya sino ang matapat, matalino na utusan na pinagkatiwalaan ng kaniyang amo sa kaniyang sambahayan, upang magbigay ng kanilang pagkain sa tamang panahon? 46 Pinagpala ang utusan na iyon, na maratnan ng kaniyang among gumagawa nito sa kaniyang pagdating. 47 Totoo itong sinasabi ko sa inyo na ipamamahala ng amo sa kaniya ang lahat ng kaniyang ari-arian.

    48 Ngunit kung may masamang utusan na magsasabi sa puso niya, 'Naantala ang aking amo,' 49 at nagsimulang mamalo ng kapwa niyang utusan, at makipagkainan at makipag-inuman sa mga lasingero, 50 darating ang amo ng bahay na iyon sa araw na hindi inaasahan ng utusan, sa oras na hindi niya alam. 51 Hahatiin siya sa dalawa ng kaniyang amo at gagawin ang kaniyang kapalaran katulad ng sasapitin ng mga mapagkunwari, kung saan mayroong pagtatangis at pagngangalit ng mga ngipin.

  28. 20 Ngayon nawa ang Diyos ng kapayapaan, na siyang nagbalik mula sa kamatayan ang dakilang Pastol ng mga tupa, Ang ating Panginoong Jesus, sa pamamagitan ng dugo ng walang hanggang tipan, 21 ay magbigay sa inyo ng bawat mabubuting bagay upang gawin ang kaniyang kalooban, kumikilos sa atin na mga nakakalugod sa kaniyang paningin, sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, na nararapat tumanggap ng papuri magpakailan man. Amen