15 Bible Verses About Creativity

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Bible Verses About Creativity
  1. 30 Sinabi ni Moises sa mga Israelita, “Tingnan ninyo, tinawag ni Yahweh sa pangalan si Bezalel na anak ni Uri, anak na lalaki ni Hur, mula sa lipi ni Juda. 31 Pinuspos niya si Bezalel ng kaniyang Espiritu, para bigyan siya ng karunungan, pang-unawa at kaalaman sa lahat ng gawaing pansining, 32 para gumawa ng masining na disenyo na gawa sa ginto, pilak at tanso; 33 gayundin ang pagputol at paglagay ng mga bato at pag-ukit sa kahoy—sa paggawa ng lahat ng uri ng disenyo at gawaing pansining.

    34 Inilagay niya sa kaniyang puso para magturo, siya at si Oholiab na anak ni Ahisamac, mula sa lipi ni Dan. 35 Sila ay pinuspos niya ng kakayahan para gumawa ng lahat ng uri ng gawain, para maging taga-gawa ng sining, mga mag-uukit, tagaburda ng asul, lila at pinong lino, at bilang manghahabi. Sila ay manggagawa ng sining sa lahat ng uri ng gawain at sila ay masining na mga taga-disenyo.

  2. 26 Sinabi ng Diyos, “Gawin natin ang tao ayon sa ating wangis, ayon sa ating larawan. Hayaan silang mamahala sa isda sa dagat, sa mga ibon sa langit, sa mga hayop, sa buong mundo, at sa lahat ng gumagapang na bagay na gumagapang sa mundo. 27 Nilikha ng Diyos ang tao ayon sa kanyang sariling wangis. Ayon sa kanyang wangis nilikha niya siya. Lalaki at babae nilikha niya sila.

    28 Pinagpala sila ng Diyos at sinabihan silang, “Maging mabunga kayo, at magpakarami. Punuin niyo ang mundo, at supilin ito. Maging tagapamahala kayo sa isda sa dagat, sa mga ibon sa langit, at sa lahat ng buhay na bagay na kumikilos sa ibabaw ng mundo.”

    29 Sinabi ng Diyos, “Tingnan ninyo, ibinigay ko sa inyo ang bawat pananim na nagbibigay ng buto na nasa ibabaw ng buong mundo, at bawat punong-kahoy kasama ang bungang may buto sa loob nito. Sila ay magiging pagkain ninyo. 30 Sa bawa't hayop sa mundo, sa bawat ibon sa kalangitan, at sa lahat ng bagay na gumagapang sa ibabaw ng mundo, at sa bawat nilikhang may hininga ng buhay ibinigay ko ang bawat luntiang halaman para maging pagkain.” At nagkagayon nga.

  3. 15 Masdan mo ngayon ang dambuhalang hayop, na ginawa ko na katulad ng paggawa ko sa iyo; kumakain siya ng damo katulad ng toro. 16 Tingnan mo ngayon, ang kaniyang kalakasan ay nasa kaniyang mga hita; ang kaniyang kapangyarihan ay nasa kalamnan ng kaniyang tiyan. 17 Ginagalaw niya ang kaniyang buntot na parang sedar; ang kalamnan ng kaniyang mga hita ay magkakarugtong. 18 Ang kaniyang mga buto ay parang mga tubo ng tanso; ang kaniyang mga binti ay parang mga rehas ng bakal. 19 Siya ang puno ng mga nilikha ng Diyos. Tanging ang Diyos, na gumawa sa kaniya, ang makatatalo sa kaniya. 20 Dahil ang mga burol ay nagbibigay sa kaniya ng pagkain; ang mga hayop sa damuhan ay naglalaro sa malapit. 21 Nahihiga siya sa ilalim ng mga halamang tubig sa silungan ng mga talahib, sa putikan. 22 Tinatakpan siya ng mga halamang tubig gamit ang kanilang lilim; ang mga puno sa batis ay nakapaligid sa kaniya. 23 Tingnan mo, kung umapaw ang ilog sa mga pampang nito, hindi siya nanginginig; panatag siya, kahit na ang Ilog Jordan ay umapaw hanggang sa nguso niya. 24 Kaya ba ng sinuman na hulihin siya gamit ang isang kawit, o butasin ang ilong niya gamit ang patibong?

  4. 1 Noong simula nilikha ng Diyos ang langit at ang lupa.

    2 Ang lupa ay walang anyo at walang laman. Ang kadiliman ay nasa ibabaw ng kalaliman. Ang Espiritu ng Diyos ay kumikilos sa ibabaw ng katubigan.

    3 Sinabi ng Diyos, ''Magkaroon ng liwanag” at nagkaroon ng liwanag. 4 Nakita ng Diyos na ang liwanag ay kaaya-aya. Hiniwalay niya ang liwanag mula sa kadiliman. 5 Tinawag ng Diyos ang liwanag na “araw,” at ang kadiliman ay tinawag niyang “gabi”. Naggabi at nag-umaga, ito ang unang araw.

    6 Sinabi ng Diyos, “Magkaroon ng puwang sa pagitan ng mga tubig, at hayaang ihiwalay nito ang tubig mula sa tubig.” 7 Ginawa ng Diyos ang puwang at hiniwalay niya ang tubig na nasa silong ng kalawakan mula sa tubig na nasa ibabaw ng kalawakan. At nagkagayon nga.

  5. 13 Ikaw ang humulma sa aking pagkatao; ikaw ang humulma sa akin sa sinapupunan ng aking ina. 14 Magpapasalamat ako sa iyo, dahil ang iyong mga gawa ay kahanga-hanga at kamangha-mangha. Alam na alam mo ang aking buhay. 15 Ang aking katawan ay hindi naitago mula sa iyo noong ako ay lihim na binuo, noong ako ay magulong nilikha sa kailaliman ng mundo. 16 Nakita mo ako sa loob ng sinapupunan; ang lahat ng araw na nakatalaga para sa akin ay nakatala sa iyong libro kahit bago pa ito ang unang nangyari. 17 Napakahalaga ng iyong kaisipan sa akin, O Diyos! Napakalawak ng kanilang kabuuan. 18 Kung susubukan ko itong bilangin, sila ay higit pa sa bilang ng mga buhangin. Sa aking paggising, ako ay nasa iyo pa rin.

  6. 10 Sapagkat tayo ay ginawa ng Diyos, nilikha kay Cristo Jesus upang gumawa ng mga mabubuting gawa. Ito ang mga gawa na matagal ng binalak ng Diyos para sa atin, upang makalakad tayo sa mga ito.

  7. 7 Ako ang lumikha ng liwanag at dilim; Ako ang nagbibigay ng kapayapaan at lumilikha ng kapahamakan; Ako si Yahweh, na gumagawa ng lahat ng bagay na ito. 8 Kayong mga langit, ibagsak ninyo ang ulan mula sa itaas! Hayaan ang mga himpapawid na umulan ng makatarungang kaligtasan. Hayaan ito ay sipsipin ng lupa, nang kaligtasan ay sumibol, at kasama nito tutubo ang katwiran. Ako, si Yahweh, ang lumikha sa kanilang dalawa. 9 Kaawa-awa ang sinumang nakikipagtalo sa lumalang sa kanya! Isang basag na palayok sa kalagitnaan ng lahat ng basag na palayok sa lupa! Dapat bang sabihin ng putik sa manlililok,' 'Ano ang iyong ginagawa? o, Ano ang iyong nililikha— wala ka bang mga kamay noong likhain mo ito? 10 Kaawa-awa ang nagsasabi sa isang ama, Para saan pa ang iyong pagiging ama? o sa isang babae, 'para saan at ikaw ay manganganak pa?' 11 Ito ang sinasabi ni Yahweh, ang Banal ng Israel, kaniyang Manlilikha: tungkol sa mga bagay na darating, tinatanong ninyo ba ako tungkol sa aking mga anak? Sasabihin niyo ba sa akin kung ano ang gagawin ko sa gawa ng aking mga kamay?' 12 Aking nilikha ang lupa at nilalang ang tao mula rito. Itong aking mga kamay ang naglatag ng kalangitan, at aking inutos sa lahat ng mga bituin na lumitaw.

  8. 29 Nakikita mo ba ang isang bihasang lalaki sa kaniyang gawain? Siya ay tatayo sa harapan ng mga hari; hindi siya tatayo sa harapan ng pangkaraniwang mga tao.

  9. 15 Mayroon kang maraming manggagawa na makakasama mo, mga taga-tapyas ng bato, mga mason, mga karpintero at mga mahuhusay na manggagawa ng iba't ibang mga bagay na hindi mabilang, 16 na may kakayahang gumawa sa ginto, pilak, tanso at bakal. Kaya simulan mo ng magtrabaho at samahan ka nawa ni Yahweh.”

  10. 7 Si Yahweh na Diyos ay ginawa ang tao mula sa alabok ng lupa, at hiningahan ang mga butas ng kanyang ilong ng hininga ng buhay, at ang tao ay naging buhay na nilalang.

  11. 1 Kaya hinihikayat ko kayo, mga kapatid, alang-alang sa habag ng Diyos, na ialay ninyo ang inyong mga katawan na isang buhay na alay, banal, katanggap-tanggap sa Diyos. Ito ang inyong nararapat na paglilingkod. 2 Huwag kayong umayon sa mundong ito, ngunit mag-iba kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip. Gawin ninyo ito upang malaman ninyo kung ano ang mabuti, katanggap-tanggap, at ganap na kalooban ng Diyos.

    3 Sapagkat, dahil sa biyayang ibinigay sa akin, sinasabi ko na ang bawat isa sa inyo ay huwag mag-isip na mas mataas ang inyong sarili kaysa sa nararapat ninyong isipin. Sa halip, dapat kayong mag-isip ng may karunungan, ayon sa sukat ng pananampalataya na ipinagkaloob ng Diyos sa bawat isa. 4 Sapagkat marami tayong bahagi sa iisang katawan, ngunit hindi lahat ng mga bahagi ay may pare-parehong tungkulin. 5 Gayon din naman, tayo na marami ay iisang katawan kay Cristo, at ang bawat isa ay bahagi ng isa't isa.

    6 Mayroon tayong iba't ibang kaloob ayon sa biyayang ibinigay sa atin. Kung ang kaloob ng isa ay paghahayag ng propesiya, gawin niya ito ayon sa sukat ng kaniyang pananampalataya. 7 Kung ang kaloob ng isa ay paglilingkod, hayaan siyang maglingkod. Kung ang isa ay may kaloob ng pagtuturo, hayaan siyang magturo. 8 Kung ang kaloob ng isa ay pagpapalakas ng loob, hayaan siyang magpalakas ng loob. Kung ang kaloob ng isa ay pagbibigay, hayaan siyang gawin ito ng may kagandahang-loob. Kung ang kaloob ng isa ay pamumuno, gawin ito ng may pag-iingat. Kung ang kaloob ng isa ay pagpapakita ng awa, gawin ito ng may kagalakan.

  12. 14 Huwag mong pabayaan ang kaloob na nasa iyo, na ipinagkaloob sa iyo sa pamamagitan ng propesiya, kasama ang pagpapatong ng mga kamay ng mga nakakatanda. 15 Ingatan mo ang mga bagay na ito. manatili ka sa mga ito, upang makita ang iyong pag-unlad ng lahat ng mga tao.

  13. 19 Isang diyus-diyusan! Isang mahusay na manggagawa ay hinubog ito: ang panday-ginto ay pinapatungan ito ng ginto at dinikitan ito ng pilak na kuwintas. 20 Sa paggawa ng alay ang isa ay mamimili ng kahoy na hindi mabubulok; siya ay naghahanap ng dalubhasang sanay sa paggawa ng diyus-diyusan na hindi babagsak.

  14. 10 Sino ang huhulma ng isang diyos o maghuhugis ng diyus-diyosan na walang halaga? 11 Masdan mo, ang lahat ng kaniyang mga kasama ay ilalagay sa kahihiyan; ang mga mang-uukit ay tao lamang. Hayaan mo silang magsama-sama sa kanilang paninindigan; sila ay yuyukod at malalagay sa kahihiyan. 12 Ang panday ay gumagawa sa pamamagitan ng kaniyang mga kagamitan, naghuhulma ito, gumagawa sa init ng nagbabagang bato. Gamit ang maso at kaniyang malalakas na bisig hinubog niya ito. Siya ay nagugutom, at ang kaniyang lakas ay nawawala; siya ay hindi umiinom ng tubig at nanghihina. 13 Sinusukat ng karpintero ang kahoy ng isang pisi at tinatandaan ng pantanda. Nagkakahugis ito sa pamamagitan ng kaniyang mga kagamitan at tinatandaan ito gamit ang mga kompas. Kaniyang hinuhubog ito sa anyo ng isang tao gaya ng isang kaakit-akit na tao, para ito ay ilagay sa isang altar.

  15. 20 Sapagkat ang kaniyang likas na hindi nakikita ay malinaw na nakikita simula pa noong likhain ang mundo. Nauunawaan ang mga ito sa pamamagitan ng mga nilikhang bagay. Ang mga likas na ito ay ang kaniyang walang hanggang kapangyarihan at ang kaniyang pagka-Diyos. Kung kaya, ang mga taong ito ay walang maidadahilan.