24 Bible Verses About How to Treat Others
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
-
1 Huwag kayong humatol, at kayo ay hindi hahatulan. 2 Sapagkat ang paghatol na iyong inihatol ay siyang ihahatol sa inyo. At ang panukat na inyong ginamit ay siya ring panukat na gagamitin sa inyo.
3 At bakit mo tinitingnan ang maliit na pirasong dayami na nasa mata ng iyong kapatid, ngunit hindi mo napapansin ang troso na nasa sarili mong mata? 4 Paano mo sasabihin sa iyong kapatid, 'Hayaan mo akong alisin ang pirasong dayami na nasa iyong mata,' habang ang troso ay nasa iyong mata? 5 Mapagpanggap ka! Alisin mo muna ang troso sa iyong mata, at pagkatapos ay malinaw kang makakakita upang alisin ang piraso ng dayami na nasa mata ng iyong kapatid.
6 Huwag ninyong ibigay ang anumang banal sa mga aso, at huwag ninyong ihagis ang inyong mga perlas sa harapan ng mga baboy. Kung hindi, ito ay tatapak-tapakan lang nila, at kayo ay babalingan at pagpipira-pirasuhin.
7 Humingi kayo, at ito ay ibibigay sa inyo. Humanap kayo, at kayo ay makakatagpo. Kumatok kayo, at bubuksan ito para sa inyo. 8 Sapagkat ang lahat na humihingi, ay makatatanggap. At ang lahat na maghahanap, ay makakatagpo. At sa kanila na kumakatok, ito ay mabubuksan.
9 O anong tao sa inyo na kapag humingi ng tinapay ang kaniyang anak ay bibigyan niya ng bato? 10 O kapag humihingi siya ng isda, ay bibigyan niya ng ahas? 11 Kaya kung kayong mga masasama ay marunong magbigay ng mga mabubuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Amang nasa langit na nagbibigay ng mga mabubuting bagay sa mga humihingi sa kaniya?
12 Kaya kung anuman ang gusto inyong gawin ng mga tao sa inyo, ganoon din ang gawin ninyo sa kanila, sapagkat ito ang sa kautusan at ng mga propeta.
13 Pumasok kayo sa makipot na tarangkahan. Sapagkat malawak ang tarangkahan at malapad ang daan patungo sa kapahamakan, at maraming tao ang dumaraan doon. 14 Subalit makitid ang tarangkahan at makitid ang daan na patungo sa buhay, at kakaunti ang nakakahanap nito.
-
27 Ngunit sinasabi ko sa inyo na nakikinig, mahalin ninyo ang inyong mga kaaway at gumawa kayo ng mabuti sa mga namumuhi sa inyo. 28 Pagpalain ninyo ang mga sumusumpa sa inyo at ipanalangin ang mga umaapi sa inyo. 29 Sa sumasampal sa iyong pisngi, ialok mo rin sa kaniya ang kabila. Kung may kumuha ng iyong panlabas na damit, huwag mong ipagkait pati na ang iyong panloob na tunika. 30 Magbigay sa lahat ng humihingi sa iyo. Kung may kumuha ng isang bagay na pag-aari mo, huwag mong hingiin sa kaniya na ibalik ito sa iyo. 31 Kung anuman ang nais ninyong gawin ng mga tao sa inyo, ganoon din ang dapat ninyong gawin sa kanila.
32 Kung ang minamahal lamang ninyo ay ang mga taong nagmamahal sa inyo, anong kapurihan iyon sa inyo? Sapagkat kahit ang mga makasalan ay minamahal din ang mga nagmamahal sa kanila. 33 Kung sa mga taong gumawa sa inyo ng mabuti lamang kayo gumagawa ng mabuti, anong kapurihan iyon sa inyo? Sapagkat kahit ang mga makasalanan ay ganoon din ang ginagawa. 34 Kung ang inyong pinapahiraman lamang ay ang mga tao na inaasahan ninyong magbibigay ng mga ito pabalik sa inyo, anong kapurihan iyon sa inyo? Kahit ang mga makasalanan ay nagpapahiram sa mga makasalanan at umaasang iyon ding halaga ang muling matatanggap.
35 Ngunit mahalin ninyo ang inyong kaaway at gawin ang mabuti sa kanila. Pahiramin ninyo sila na hindi kailanman nag-aalala kung may babalik pa sa inyo at ang inyong gantimpala ay magiging dakila. Kayo ay magiging mga anak ng Kataas-taasan, sapagkat siya mismo ay mabuti sa mga taong hindi marunong magpasalamat at masasama. 36 Maging maawain, gaya ng inyong Ama na maawain.
37 Huwag humatol at hindi kayo hahatulan. Huwag magparusa at hindi kayo parurusahan. Patawarin ninyo ang iba at kayo ay patatawarin. 38 Magbigay sa iba at ito ay maibibigay sa inyo. Labis-labis na halaga—siksik, liglig at umaapaw—ang ibubuhos sa inyong kandungan. Sapagkat kung anumang batayan ng panukat ang inyong ginamit sa pagsukat, iyon din ang gagamiting batayan ng panukat para sa iyo.”
-
36 “Guro, alin ba ang pinakadakilang utos sa kautusan?”
37 Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Kinakailangang ibigin mo ang Panginoon mong Diyos, nang buong puso mo, nang buong kaluluwa mo, at nang buong pag-iisip mo.' 38 Ito ang dakila at unang kauutusan. 39 At ang pangalawang kautusan ay katulad nito— 'Kinakailangang ibigin mo ang iyong kapwa katulad ng pagmamahal mo sa iyong sarili.' 40 Dito sa dalawang mga kautusang ito nakasalalay ang buong kautusan at ang mga propeta.”
-
8 Huwag kayong magkautang ng anuman sa kanino man, maliban sa pagmamahal sa isa't isa. Sapagkat ang sinumang nagmamahal sa kaniyang kapwa ay tumutupad sa kautusan. 9 Sapagkat, “Hindi ka mangangalunya, hindi ka papatay, hindi ka magnanakaw, hindi ka mag-iimbot,” at kung may iba ring kautusan, pinagsama-sama ito sa pangugusap na ito: “Mamahalin mo ang iyong kapwa tulad ng iyong sarili.” 10 Ang pag-ibig ay hindi gumagawa ng masama sa kaniyang kapwa. Kaya, pag-ibig ang katuparan ng kautusan.
-
28 Isa sa mga eskriba ang nagpunta at nakarinig sa kanilang pag-uusap, nakita niyang mahusay silang sinagot ni Jesus. Tinanong niya ito, “Ano ang pinakamahalagang kautusan sa lahat?”
29 Sumagot si Jesus, “Ang pinakamahalagang kautusan ay, 'Makinig kayo, Israel, ang Panginoong ating Diyos, ang Panginoon ay iisa. 30 Ibigin ninyo ang Panginoon ninyong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, nang buong pag-iisip, at nang buong kalakasan.' 31 Ito ang ikalawang kautusan, 'Ibigin ninyo ang inyong kapwa gaya ng inyong sarili.' Wala nang iba pang kautusang higit na dakila kaysa mga ito.”
32 Sinabi ng eskriba, “Mahusay, Guro! Tunay na nasabi ninyong iisa ang Diyos, at wala ng iba pa maliban sa kaniya. 33 Ang ibigin siya nang buong puso, nang buong pang-unawa, nang buong kalakasan, at ang ibigin ang kapwa gaya ng sarili ay higit na mahalaga kaysa sa lahat ng mga susunuging mga alay at mga hain.”
-
14 Sapagkat ang buong kautusan ay natupad sa isang utos; na “Dapat mong mahalin ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.”
-
18 Huwag maghiganti o magtanim ng sama ng loob laban sa sinuman sa inyong kapwa, nguni't sa halip mahalin ninyo ang inyong kapwa gaya ng inyong sarili. Ako si Yahweh.
-
38 Narinig ninyo itong sinabi, 'Mata para sa mata at ngipin para sa ngipin.' 39 Ngunit sinasabi ko sa inyo, huwag ninyong labanan ang taong masama, sa halip, sinumang sumampal sa iyong kanang pisngi, iharap mo rin sa kaniya ang kabila. 40 At kung hiniling ng sinuman na magpunta sa hukuman kasama ka at kunin ang iyong tuniko, hayaan mo rin na mapasakaniya ang iyong balabal. 41 At sinumang pumilit sa iyo na maglakad ng isang milya, lumakad ka ng dalawang milya kasama niya. 42 Ibigay mo ang nanghihingi sa iyo at huwag mong talikuran ang sinumang nanghihiram sa iyo.
43 Inyong narinig na sinabing, 'Mahalin ninyo ang inyong kapwa at kamuhian ang inyong kaaway.' 44 Ngunit sinasabi ko sa inyo, mahalin ninyo ang inyong mga kaaway at ipanalangin ang mga umuusig sa inyo, 45 upang magiging mga anak kayo ng inyong Amang nasa langit, sapagkat pinasisikat niya ang kaniyang araw sa mga masama at mabuti at kaniyang ipinadadala ang ulan sa mga matutuwid at sa mga hindi matutuwid. 46 Sapagkat kung mamahalin ninyo lamang ang mga nagmamahal sa inyo, anong gantimpala ang inyong makakamit? Hindi ba't ganiyan din ang ginagawa ng mga maniningil ng buwis? 47 At kung ang mga kapatid ninyo lamang ang inyong babatiin, ano ang ginawa ninyo na higit sa iba? Hindi ba't ganiyan din ang ginagawa ng mga Gentil?
48 Kaya dapat kayong maging ganap sapagkat ang inyong Amang nasa langit ay ganap.
-
25 Masdan ito, may isang guro ng kautusan ng Judio na tumindig at sinubukan siya, sinabi, “Guro, anong dapat kong gawin upang magmana ng walang hanggang buhay?”
26 Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Ano ang nakasulat sa kautusan? Paano mo ito binabasa?”
27 Sumagot na nagsabi siya, “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, nang buong lakas, at nang buong kaisipan, at ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.”
28 Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Tama ang iyong sinabi. Gawin mo ito, at mabubuhay ka.”
29 Ngunit ang guro na naghahangad na na bigyang katuwiran ang kaniyang sarili, ay nagsabi kay Jesus, “At sino ang aking kapwa?”
30 Sumagot na nagsabi si Jesus, “May isang tao na bumaba sa Jerico mula sa Jerusalem. Nahulog siya sa kamay ng mga magnanakaw, na sumamsam sa kaniyang mga ari-arian, at binugbog siya, at iniwan siyang halos patay na.
31 Nagkataon na may isang pari ang bumaba sa daang iyon, at nang siya ay nakita nito, siya ay dumaan sa kabila ng daan.
32 Gayon din naman sa isang Levita, nang siya ay dumating sa lugar at nakita siya, ay dumaan sa kabila ng daan.
33 Ngunit isang Samaritano, sa kaniyang paglalakbay, ay dumating sa kinaroroonan niya. Nang makita siya, siya ay nahabag. 34 Lumapit siya sa kaniya at binendahan ang kaniyang mga sugat, nilagyan ng langis at alak ang mga ito. Sinakay siya sa kaniyang sariling hayop, at dinala siya sa bahay-panuluyan, at inalagaan siya.
35 Nang sumunod na araw, siya ay kumuha ng dalawang denaryo, at ibinigay sa katiwala ng bahay-panuluyan, at sinabi, 'Alagaan mo siya at anumang magagastos mong labis, sa aking pagbalik, babayaran kita.'
36 Sino sa tatlong ito, sa tingin mo, ang naging isang kapwa sa kaniya na nahulog sa mga magnanakaw?”
37 Sinabi ng guro, “Ang nagpakita ng awa sa kaniya.” Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Humayo ka at gayon din ang gawin mo.”
-
34 Binibigyan ko kayo ng isang bagong kautusan, na dapat ninyong mahalin ang bawat isa, kung paano ko kayo minahal, gayundin naman dapat ninyong mahalin ang bawat isa. 35 Sa pamamagitan nito, malalaman ng lahat ng tao na kayo ay aking mga alagad, kung mahahalin niyo ang bawat isa.”
-
8 Gayunman, kung tinutupad ninyo ang mga maharlikang kautusan, na naisulat sa mga kasulatan, “Mahalin ninyo ang inyong kapwa tulad ng inyong sarili,” maganda ang ginagawa ninyo.
-
31 Dapat ninyong alisin ang lahat ng sama ng loob, poot, galit, pagtatalo, at pang-iinsulto, kasama ang lahat ng uri ng kasamaan. 32 Maging mabuti sa isa't-isa. Maging mahabagin. Patawarin ang isa't-isa, katulad ng pagpapatawad sa inyo ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo.
-
5 Pinagpala ang mga maamo, sapagkat mamanahin nila ang mundo. 6 Pinagpala ang mga nagugutom at nauuhaw sa katuwiran, sapagkat sila ay bubusugin. 7 Pinagpala ang mga mahabagin sapagkat sila ay kahahabagan. 8 Pinagpala ang may pusong dalisay, sapagkat makikita nila ang Diyos. 9 Pinagpala ang mga mapagpayapa, sapagkat tatawagin silang mga anak ng Diyos.
-
1 Kung gayon, kung mayroon man kasiglahan kay Cristo. Kung mayroon man kaginhawahan mula sa kaniyang pagmamahal. Kung mayroon man pakikiisa sa Espiritu. Kung mayroon man mga mahinahong awa at habag. 2 Gawing ganap ang aking kasiyahan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng iisang pag-iisip, pagkakaroon ng parehong pagmamahal, nagkaisa sa espiritu, at sa pagkakaroon ng parehong layunin.
3 Huwag kayong gumawa ng kahit na ano dahil sa kasakiman o walang saysay na pagmamataas. Sa halip ay ituring ninyo nang may kababaang-loob ang iba na higit kaysa sa inyong sarili. 4 Huwag ninyong tingnan ang pansarili ninyong pangangailangan, ngunit pati na rin ang pangangailangan ng iba.
-
1 Hayaang magpatuloy ang pag-ibig bilang mga magkakapatid. 2 Huwag kalimutang malugod na tanggapin ang mga dayuhan sapagkat sa paggawa nito ay hindi ninyo alam na ang iba sa mga tinatanggap ninyo ay mga anghel. 3 Alalahanin ninyo ang mga nasa bilangguan, na parang kayo ay kasama rin nila doon at ang inyong mga katawan ay pinagmamalupitan ng kagaya nila.
-
11 Huwag kayong magsalita laban sa isa't-isa, mga kapatid. Ang taong nagsasalita laban sa kaniyang kapatid o naghahatol sa kaniyang kapatid ay nagsasalita laban sa kautusan at humahatol sa batas ng Diyos. Kapag hinatulan ninyo ang kautusan, hindi ninyo sinusunod ang batas, ngunit isang tagahatol ng mga ito. 12 Iisa lamang ang nagbigay ng batas at taga-hatol, ang Diyos, na kayang magligtas at sumira. Sino kayo upang humatol sa inyong kapwa?
-
8 Panghuli, lahat kayo, magkaisa kayo sa pag-iisip, mahabagin, mapagmahal bilang magkakapatid, maging maawain, at mapagpakumbaba. 9 Huwag ninyong suklian ang masama ng masama o ang panlalait ng panlalait. Sa halip, patuloy kayong magpala, sapagkat dahil dito, kayo ay tinawag nang sa gayun magmana kayo ng pagpapala.
-
20 Kung sinuman ang nagsasabi, “Mahal ko ang Diyos” pero kinapopootan ang kanyang kapatid siya ay isang sinungaling. Pagkat ang sinuman na hindi umiibig sa kanyang kapatid, na kanyang nakikita, ay hindi umiibig sa Diyos, na hindi niya nakikita. 21 At ito ang kautusan na mayroon tayo mula sa kanya: Kung sinuman ang nagmamahal sa Diyos ay dapat ding mahalin ang kanyang kapatid.
-
7 Huwag magpalinlang. Hindi madadaya ang Diyos. Anuman ang itinanim ng tao, iyon din ang kaniyang aanihin. 8 Sapagkat siya na nagtanim ng butil sa kaniyang likas na kasamaan ay aani din ng kapahamakan, ngunit siya na nagtanim ng butil ng Espiritu, ay aani ng buhay na walang hanggan na galing sa Espiritu.
9 Hindi tayo dapat mapagod sa paggawa ng mabuti, dahil sa takdang panahon magkakaroon tayo ng ani kung hindi tayo susuko. 10 Kaya nga, kung magroon tayong pagkakataon, gumawa tayo ng mabuti sa bawat isa. Magsigawa tayo ng mabuti lalo na sa mga nasa sambahayan ng pananampalataya.
-
7 Minamahal, mahalin natin ang isa't isa, dahil ang pag-ibig ay sa Diyos, at lahat ng nagmamahal ay pinanganak sa Diyos at kilala ang Diyos. 8 Ang taong hindi nagmamahal ay hindi kilala ang Diyos, dahil ang Diyos ay pag-ibig.
9 Sa pamamagitan nito ang pag-ibig ng Diyos ay nahayag sa atin, na pinadala ng Diyos ang kanyang bugtong na anak sa mundo upang tayo ay maaring mabuhay sa pamamagitan niya. 10 Sa ganito ang pag-ibig, hindi dahil minahal natin siya, kundi minahal niya tayo, at pinadala niya ang kanyang Anak na maging kabayaran ng ating mga kasalanan.
11 Minamahal, kung tayo'y lubos na minahal ng Diyos, nararapat din nating mahalin ang bawat isa.
-
33 Kung naninirahan ang isang dayuhan sa inyong lupain, huwag dapat kayong gumawa ng anumang mali sa kanya. 34 Ang naninirahang dayuhan sa inyo ay dapat maging tulad ninyong katutubong Israelita na kasama ninyong naninirahan, at dapat ninyo siyang mahalin tulad ng inyong sarili, sapagkat naging mga dayuhan kayo sa lupain ng Ehipto. Ako si Yahweh na inyong Diyos.
-
21 Inyong narinig na sinabi sa kanila noong mga unang panahon, 'Huwag kang pumatay,' at 'Sinumang papatay ay manganganib sa paghuhukom.' 22 Ngunit sinasabi ko sa inyo na sinumang magalit sa kaniyang kapatid ay manganganib sa paghuhukom. At kung sinuman ang magsabi sa kaniyang kapatid na, 'Wala kang kuwentang tao!' ay manganganib sa konseho. At sinumang magsabi ng, 'Hangal ka!' ay manganganib sa apoy ng impiyerno.
23 Kaya kung ikaw ay naghahandog ng iyong kaloob sa altar at maalala mo doon ang iyong kapatid na may anumang bagay laban sa iyo, 24 iwan mo doon ang iyong kaloob sa harap ng altar at humayo ka. Makipag-ayos ka muna sa iyong kapatid, pagkatapos ay pumunta ka at ihandog mo ang iyong kaloob.
25 Makipagkasundo ka agad sa nagsakdal sa iyo habang siya ay kasama mo pa sa daan patungo sa hukuman, o ipapasakamay ka ng nagsakdal sa iyo sa hukom at ipapasakamay ka ng hukom sa pinuno at ikaw ay ipapatapon sa bilangguan. 26 Totoo itong sinasabi ko sa inyo, hindi ka kailanman makalalabas doon hanggang mapagbayaran mo ang kahuli-hulihang salapi na iyong inutang.
-
12 Kaya nga, taglayin ninyo, bilang mga pinili ng Diyos, banal at minamahal, mga daluyan ng awa, kabaitan, kapakumbabaan, kaamuhan at katiyagaan. 13 Magtiyaga sa bawat isa. Maging maawain sa bawat isa. Kung ang isa ay may hinaing laban sa isa pa, magpatawad kayo gaya ng pagpapatawad sa inyo ng Panginoon. 14 Higit sa lahat ng mga bagay na ito, magkaroon kayo ng pag-ibig na siyang bigkis ng pagiging isang ganap.
-
19 Alam ninyo ito, mga minamahal kong kapatid. Bawat tao ay dapat mabilis sa pakikinig, dahan-dahan sa pananalita, at hindi agad nagagalit, 20 sapagkat ang galit ng tao ay hindi gumagawa ng katuwiran ng Diyos.
Shows Read in context, Share and Copy.