44 Bible Verses About Baptism

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Bible Verses About Baptism
  1. 38 At sinabi ni Pedro sa kanila, “Magsisi at magpabautismo, ang bawat isa sa inyo sa pangalan ni Jesu-Cristo para sa kapatawaran ng inyong mga kasalanan, at inyong tatanggapin ang kaloob ng Banal na Espiritu. 39 Sapagkat sa inyo ang pangako at sa inyong mga anak at sa lahat ng mga nasa malayo, at sa mga tao na tatawagin ng ating Panginoong Diyos.”

    40 Pinatotohanan at hinimok niya sila sa pamamagitan ng maraming mga salita; sinabi niya,” Iligtas ninyo ang inyong mga sarili mula sa mga masasamang salin-lahing ito. 41 Pagkatapos tinanggap nila ang kaniyang salita at nabautismuhan, at ng araw na iyon may mga naidagdag na aabot sa tatlong libong mga kaluluwa.

  2. 18 Pumunta si Jesus sa kanila at nagsalita sa kanila at sinabi, “Ibinigay sa akin ang lahat ng kapangyarihan sa langit at sa lupa. 19 Humayo kayo at gawing mga alagad ang lahat ng mga bansa. Bautismuhan sila sa ngalan ng Ama, ng Anak, at ng Banal na Espiritu. 20 Turuan sila na sumunod sa lahat ng mga iniutos ko sa inyo. At pakinggan ninyo, Ako ay laging nasa inyo, maging sa katapusan ng mundo.”

  3. 13 Pagkatapos ay dumating si Jesus sa Ilog ng Jordan mula Galilea upang magpabautismo kay Juan. 14 Ngunit pinigilan siya ni Juan at nagsasabi, “Ako ang dapat mong bautismuhan? Bakit ka lumalapit sa akin?”

    15 Tumugon si Jesus at sinabi sa kaniya, “Pahintulutan mo ito ngayon sapagkat ito ang nararapat upang matupad natin ang lahat ng katuwiran.” Kaya pinahintulutan siya ni Juan.

    16 Pagkatapos niyang mabautismuhan, agad umahon si Jesus sa tubig, at masdan ito, bumukas ang mga langit sa kaniya. Nakita niya ang pagbaba ng Espiritu ng Diyos na parang kalapati na dumapo sa kaniya. 17 Masdan ito, may isang tinig na mula sa mga langit na nagsasabi, “Ito ang pinakamamahal kong Anak. Lubos akong nalulugod sa kaniya.”

  4. 1 Ano ngayon ang sasabihin natin? Dapat ba tayong magpatuloy sa kasalanan upang managana ang biyaya? 2 Huwag nawa itong mangyari. Tayong mga namatay sa kasalanan, paano pa tayo mamumuhay rito? 3 Hindi ba ninyo alam na kung gaano karami ang nabautismuhan kay Jesu-Cristo ay nabautismuhan sa kaniyang kamatayan? 4 Inilibing na tayo kasama niya sa pamamagitan ng bautismo sa kamatayan. Nangyari ito upang gaya ng pagkabuhay ni Cristo mula sa patay sa pamamagitan ng kaluwalhatian ng Ama, lalakad din tayo sa panibagong buhay.

    5 Sapagkat kung tayo ay nakiisa sa kaniya sa wangis ng kaniyang kamatayan, tayo rin ay makikiisa sa kaniyang muling pagkabuhay. 6 Nalalaman natin ito, na ang dati nating pagkatao ay ipinako sa krus kasama niya, upang sa gayon ay masira ang ating katawang makasalanan. Nangyari ito upang hindi na tayo maging alipin pa ng kasalanan. 7 Siya na namatay ay inihayag na matuwid hinggil sa kasalanan.

  5. 1 At nang si Apolos ay nasa Corinto, dumaan si Pablo sa mga matataas na lupain at nakarating sa lungsod ng Efeso, at natagpuan niya ang ilang alagad doon. 2 Sinabi ni Pablo sa kanila, “Tinanggap ba ninyo ang Banal na Espiritu nang kayo ay manampalataya?” Sinabi nila sa kaniya, “Hindi, hindi man lang namin narinig ang tungkol sa Banal na Espiritu.”

    3 Sinabi ni Pablo, “Kung gayon saan kayo nabautismuhan?” Sinabi nila, “Sa bautismo ni Juan.”

    4 Kaya sumagot si Pablo, “Nagbautismo si Juan kasama ang bautismo ng pagsisisi. Sinabi niya sa mga tao na dapat silang manampalataya sa darating na kasunod niya, kay Jesus.”

    5 Nang narinig ito ng mga tao, nabautismuhan sila sa pangalan ng Panginoong Jesus.

  6. 35 Nagsimulang magsalita si Felipe; Nagsimula siya sa kasulatan ni Isaias upang ipangaral si Jesus sa kaniya.

    36 Habang nagpapatuloy sila sa daan, napunta sila sa ilang bahagi ng tubig; at sinabi ng eunoko, “Tingnan mo, may tubig dito, ano pa ang puwedeng makahadlang sa akin upang ma bautismuhan?” 37 Sinabi ni Felipe,” kung nananampalataya ka ng buong puso, ikaw ay mag pabautismo. Ang taga Ethopia ay sumagot,” Naniniwala ako na si Jesu-Cristo ay Anak ng Diyos.” 38 Kaya inutusan ng taga Ethopia na tumigil ang karwahe. Bumaba sila sa tubig, si Felipe at ang eunoko at binautismuhan siya ni Felipe.

    39 Nang umahon sila sa tubig, kinuha ng Espiritu ng Panginoon si Felipe at hindi na siya nakita ng eunuko; at siya ay umalis ng may kagalakan. 40 Ngunit si Felipe ay lumitaw sa Azoto. Siya ay dumaan sa rehiyong iyon at ipangaral ang ebanghelyo sa lahat ng lungsod, hanggang sa makarating siya sa Ceasaria.

  7. 44 Habang sinasabi pa lamang ni Pedro ang mga bagay na ito, ang Banal na Espiritu ay bumaba sa lahat ng mga nakikinig sa kaniyang mensahe. 45 Ang mga taong napabilang sa mga mananampalatayang tuli—lahat ng mga sumama kay Pedro— ay namangha, dahil ang kaloob ng Banal na Espiritu ay naibuhos din sa mga Gentil. 46 Dahil narinig nila ang mga Gentil na nagsasalita ng iba't-ibang wika at nagpupuri sa Diyos. Pagkatapos sinabi ni Pedro, 47 “Mayroon bang hahadlang sa mga taong ito upang hindi mabautismuhan sa tubig, ang mga taong ito na nakatanggap ng Banal na Espiritu na katulad natin?” 48 At sila ay inutusan niya na magpabautismo sa ngalan ni Jesu-Cristo. At hiniling nila na manatili siya sa kanila ng ilang araw.

  8. 18 Nagdusa rin si Cristo para sa mga kasalanan. Siya na matuwid ay nagdusa para sa atin, na mga hindi matuwid, upang tayo ay madala niya sa Diyos. Pinatay siya sa laman, pero muling binuhay sa espiritu. 19 Sa espiritu, nagpunta siya at nangaral sa mga espiritu na ngayon ay naka-bilanggo. 20 Sila ay ayaw sumunod noong ang Diyos ay matiyagang naghihintay sa panahon ni Noe, sa mga araw ng ginagawa ang arko, at nagligtas ang Diyos ng iilang tao—walong kaluluwa—sa baha. 21 Ito ay sumisimbolo ng pagbabautismo na nagliligtas sa inyo ngayon, hindi bilang paglilinis ng karumihan mula sa katawan, pero bilang panawagan ng mabuting budhi sa Diyos, sa pamamagitan ng pagkabuhay muli ni Jesu-Cristo. 22 Siya ay nasa kanang kamay ng Diyos. Nagpunta siya sa langit. Ang mga anghel, mga pamahalaanan, at ang mga kapangyarihan ay dapat magpasakop sa kaniya.

  9. 11 Sa kaniya, tinuli rin kayo sa pamamagitan ng pagtutuli na hindi ginagawa ng mga tao, ang pagtatanggal sa katawan ng laman, ngunit sa pagtutuli ni Cristo. 12 Inilibing kayong kasama niya sa bautismo. At sa kaniya ay ibinangon kayo sa pamamagitan ng pananampalataya sa kapangyarihan ng Diyos, na siyang nagbangon sa kaniya mula sa mga namatay.

    13 noong kayo ay patay sa inyong mga pagkakasala at sa hindi pagkakatuli ng inyong laman, binuhay niya kayong kasama niya at pinatawad tayong lahat sa ating mga paglabag.

  10. 26 Sapagkat kayong lahat ay mga anak ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus. 27 Lahat kayo na nabautismuhan kay Cristo, isinuot ninyo ang buhay ni Cristo na parang damit. 28 Walang Judio o Griego, alipin o malaya, lalaki o babae, sapagkat kayong lahat ay iisa kay Cristo Jesus. 29 Kung kayo ay kay Cristo, kayo rin ay mga kaapu-apuhan ni Abraham, tagapagmana ayon sa pangako.

  11. 12 Ngunit nang paniwalaan nila ang ipinangaral ni Felipe tungkol sa ebanghelyo na tungkol sa kaharian ng Diyos, at ang pangalan ni Jesu-Cristo, sila ay nabautismuhan, kapwa mga lalaki at babae. 13 At si Simon mismo ay naniwala: pagkatapos niyang mabautismuhan, nagpatuloy siyang kasama ni Felipe; nang makita niya ang mga tanda at mga makapangyarihang gawa, siya ay namangha.

    14 Ngayon nang marinig ng mga apostol sa Jerusalem na ang mga taga-Samaria ay tinanggap ang salita ng Diyos, sinugo nila sina Pedro at Juan. 15 Nang sila ay dumating, nanalangin sila para sa kanila na tanggapin ang Banal na Espiritu. 16 Sapagkat ng mga panahong iyon hindi pa dumating ang Banal na Espiritu sa sinuman sa kanila. Nabaustimuhan lamang sila sa pangalan ng Panginoon. 17 Pagkatapos ipinatong nina Pedro at Juan ang kanilang mga kamay sa kanila, at tinanggap nila ang Banal na Espiritu.

  12. 29 Humingi ng ilaw ang bantay ng bilangguan at nagmamadaling pumasok na nanginginig sa takot at nagpatirapa kina Pablo at Silas, 30 at inilabas sila at nagsabing, “Mga ginoo, ano ang dapat kong gawin upang maligtas?”

    31 Sinabi nila sa kaniya, “Manampalataya ka sa Panginoong Jesus at ikaw ay maliligtas, ikaw at ang buo mong sambahayan.” 32 Ipinahayag nila ang salita ng Panginoon sa kaniya, kasama ang lahat sa kaniyang tahanan. 33 Nang gabing iyon kinuha sila ng bantay ng bilanguan sa oras ding iyon at hinugasan ang kanilang mga sugat at siya at ang lahat ng kaniyang sambahayan ay agad na nabautismuhan. 34 Dinala niya si Pablo at Silas sa kaniyang tahanan at naghain ng pagkain para sa kanila. Siya ay lubhang nagalak kasama ang lahat ng kaniyang sambahayan, dahil lahat sila ay nanampalataya sa Diyos.

  13. 12 Ang ibig kong sabihin: Ang bawat isa sa inyo ay nagsasabi, “Kay Pablo ako,” o “Kay Apolos ako,” o “Kay Cefas ako,” o “Kay Cristo ako.”

    13 Si Cristo ba ay nahahati? Si Pablo ba ay napako para sa inyo? Kayo ba ay binautismuhan sa pangalan ni Pablo? 14 Ako ay nagpapasalamat sa Diyos na wala akong binautismuhan sa inyo, maliban kay Crispo at Gayo. 15 Ito ay upang walang isa man sa inyo na magsasabing binautismuhan ko kayo sa aking pangalan. 16 (Binautismuhan ko din ang sambahayan ni Stefanas. Sa kabila nito, hindi ko na alam kung may nabautismuhan pa akong iba.) 17 Sapagkat hindi ako isinugo ni Cristo upang magbautismo kundi mangaral ng ebanghelyo. Hindi niya ako isinugo upang mangaral sa salita na may karunungan ng tao, upang ang krus ni Cristo ay hindi mawawalan ng kapangyarihan.

  14. 12 Sapagkat ang katawan ay isa at mayroong maraming bahagi at lahat ng bahagi ay nasa iisang katawan, at kay Cristo ito. 13 Sapagkat nabautismuhan tayo sa isang Espiritu sa iisang katawan, maging mga Judio o mga Griego man, maging nakagapos o malaya, at pinainom ang lahat sa iisang Espiritu.

    14 Sapagkat hindi iisang bahagi ang katawan kundi marami.

  15. 15 Sinabi niya sa kanila, “Humayo kayo sa buong mundo at ipangaral ang mabuting balita sa lahat ng nilikha. 16 Ang sumasampalataya at mabautismuhan ay maliligtas at ang hindi naniniwala ay hahatulan.

  16. 8 Binautismuhan ko kayo ng tubig, ngunit babautismuhan niya kayo ng Banal na Espiritu.”

    9 Nangyari sa mga araw na iyon na si Jesus ay dumating mula sa Nazaret sa Galilea at siya ay binautismuhan ni Juan sa ilog ng Jordan. 10 Nang si Jesus ay umahon sa tubig, nakita niya na bumukas ang langit at ang Espiritu ay bumaba sa kaniya na tulad ng kalapati. 11 At isang tinig ang nagmula sa langit, “Ikaw ang minamahal kong Anak. Ako ay labis na nalulugod sa iyo.”

  17. 5 Pumunta sa kaniya ang mga taga-Jerusalem, taga-Judea at lahat ng karatig rehiyon ng Ilog ng Jordan. 6 Binautismuhan niya sila sa Ilog ng Jordan habang sila ay nagpapahayag ng kanilang mga kasalanan.

    7 Ngunit nang makita niyang nagsisidatingan ang maraming mga Pariseo at mga Saduseo upang magpabautismo sa kaniya, sinabi niya sa kanila, “Kayong mga anak ng mga makamandag na mga ahas, sino ang nagbabala sa inyo na makakaiwas kayo sa poot na darating? 8 Mamunga kayo na karapat-dapat sa pagsisisi. 9 Huwag ninyong isiping sabihin sa inyong mga sarili na, 'Si Abraham ang aming ama.' Sapagkat sinasabi ko sa inyo na kayang bumuhay ng Diyos ng mga anak ni Abraham kahit pa mula sa mga batong ito.

  18. 3 Sumagot si Jesus sa kanya, “Tunay nga, maliban kung isilang muli ang isang tao hindi niya makikita ang kaharian ng Diyos.”

    4 Sinabi ni Nicodemo sa kaniya, “Paano ipapanganak ang isang tao kung siya ay matanda na? Hindi na siya pwedeng pumasok sa pangalawang pagkakataon sa sinapupunan ng kaniyang ina at ipanganak, kaya ba niya?”

    5 Sumagot si Jesus, “Tunay nga, maliban kung ipinanganak ang isang tao sa tubig at sa Espiritu, hindi siya makakapasok sa kaharian ng Diyos. 6 Iyong ipanganak sa laman ay laman, at iyong ipanganak sa Espiritu ay espritu.

  19. 1 Kaya, bilang bilanggo sa Panginoon, nakikiusap ako sa inyo na lumakad kayo ng karapat-dapat sa pagkatawag sa inyo ng Diyos. 2 Mamuhay kayo nang may buong pagpapakumbaba at pagkamahinahon at katiyagaan. Tanggapin ninyo nang may pagmamahal ang bawat isa. 3 Pagsikapan ninyong manatili ang pagkakaisa sa Espiritu sa bigkis ng kapayapaan.

    4 May iisang katawan at iisang Espiritu, katulad din nang pagtawag sa inyo sa iisang pananalig na inaasahan ng iyong pagkatawag. 5 At may iisang Panginoon, iisang pananampalataya, iisang bautismo, 6 at iisang Diyos at Ama ng lahat. Siya ay higit sa lahat at kumikilos sa lahat at nananatili sa lahat.

  20. 1 Ngayon, nang malaman ni Jesus na narinig na ng mga Pariseo na siya ay humihirang at nagbabautismo ng mas maraming alagad kaysa kay Juan 2 (bagama't hindi si Jesus mismo ang nagbabautismo kundi ang kaniyang mga alagad),

  21. 8 Si Crispo na namumuno sa sinogoga at lahat sa kaniyang sambahayan ay nanampalataya sa Panginoon. Marami sa mga taga-Corinto na nakarinig kay Pablo ay nanampalataya at nabautismuhan.

  22. 29 Sa sumunod na araw nakita ni Juan na paparating si Jesus sa kaniya at sinabi, “Tingnan ninyo, ayun ang kordero ng Diyos na siyang nag-aalis nang mga kasalanan ng mundo! 30 Siya ang sinabi ko sa inyo na, 'Ang darating kasunod ko ay mas higit sa akin, sapagkat siya ay nauna sa akin.' 31 Hindi ko siya nakilala, ngunit ito ay nangyari upang maihayag siya sa Israel na siyang dahilan na ako ay nagbabautismo ng tubig.”

    32 Nagpatotoo si Juan, “Nakita ko ang Espiritu na bumababa mula sa langit tulad ng isang kalapati, at ito ay nanatili sa kaniya. 33 Hindi ko siya nakilala, ngunit ang sabi sa akin ng nagsugo sa akin na magbautismo sa tubig, 'Kung kanino mo makikita ang Espiritu na bumababa at nananatili, siya ang magbabautismo ng Banal na Espiritu.'

  23. 12 Doon nakilala ko ang isang lalaki na nagngangalang Ananias, isang tapat na tao na sumusunod sa kautusan at maganda ang sinasabi patungkol sa kaniya ng mga Judio na nakatira doon. 13 Lumapit siya sa akin, tumayo sa aking tabi, at sinabi, 'Kapatid na Saulo, tanggapin mo ang iyong paningin.' Sa mga oras din na iyon, nakita ko siya.

    14 Pagkatapos sinabi niya 'Pinili ka ng Diyos ng ating mga ninuno upang malaman ang kaniyang kalooban, upang makita ang Isang Matuwid, at upang pakinggan ang tinig na manggagaling sa kaniyang sariling bibig. 15 Dahil ikaw ang magiging saksi sa kaniya sa lahat ng mga tao tungkol sa iyong nakita at narinig. 16 At bakit ka naghihintay ngayon? Tumayo ka, at magpabautismo, at hugasan ang iyong mga kasalanan na tumatawag sa kaniyang pangalan.'

  24. 10 At ang maraming tao ay nagtanong sa kaniya, nagsasabi “Ano ang dapat naming gawin?”

    11 Siya ay sumagot at sinabi sa kanila, “Kung ang isang tao ay may dalawang tunika, dapat niyang ibigay ang isa sa sinumang wala nito at sinuman ang may pagkain ay ganoon din ang dapat gawin.”

    12 At may ilang mga maniningil ng buwis ang dumating upang mabautismuhan, at sinabi nila sa kaniya, “Guro, ano ang dapat naming gawin?”

    13 Sinabi niya sa kanila, “Huwag kayong maningil nang higit sa dapat ninyong sinisingil.”

    14 May ilang mga kawal rin ang nagtanong sa kaniya, nagsasabi, “At paano naman kami? Ano ang dapat naming gawin?” Sinabi niya sa kanila. “Huwag kayong kumuha ng salapi kanino man nang sapilitan, at huwag ninyong paratangan ang sinuman ng hindi totoo. Masiyahan kayo sa inyong mga sahod.”

    15 Ngayon, habang ang mga tao ay sabik na naghihintay na dumating si Cristo, nagtataka ang bawat isa sa kanilang mga puso kung si Juan mismo ang Cristo. 16 Sinagot sila ni Juan na nagsabi sa kanilang lahat, “Para sa akin, binabautismuhan ko kayo ng tubig, ngunit may isang paparating na mas higit na makapangyarihan kaysa sa akin, at hindi ako karapat-dapat na magkalag man lang ng tali ng kaniyang mgapnyapaks. Siya ang magbabautismo sa inyo ng Banal na Espiritu at ng apoy. 17 Ang kaniyang kalaykay ay hawak niya sa kaniyang kamay upang linisin nang mabuti ang kaniyang giikan at upang tipunin ang trigo sa kaniyang kamalig. Ngunit susunugin niya ang dayami sa apoy na hindi mamamatay kailanman.”

  25. 4 Noong nakikipagkita pa siya sa kanila, iniutos niya sa kanila na huwag umalis ng Jerusalem, kundi maghintay sa pangako ng Ama na kung saan sinabi niya “Narinig ninyo mula sa akin 5 na tunay na nagbautismo si Juan gamit ang tubig, ngunit kayo ay mababautismuhan sa Banal na Espiritu sa mga susunod na araw.''

  26. 1 Gusto kong malaman ninyo, mga kapatid, na ang ating mga ninuno ay napasailalim sa ulap at tumawid silang lahat sa dagat. 2 Lahat ay nabautismuhan kay Moises sa ulap at sa dagat, 3 at lahat ay kumain ng parehong espiritwal na pagkain. 4 Lahat ay nakainom ng parehong espirituwal na inumin. Sapagkat sila ay nakainom mula sa parehong espirituwal na bato na sumunod sa kanila, at ang batong ito ay si Cristo.

  27. 4 Dumating si Juan na nagbabautismo sa ilang at nangangaral tungkol sa bautismo ng pagsisisi alang-alang sa kapatawaran ng mga kasalanan. 5 Ang buong bansa ng Judea at lahat ng taga-Jerusalem ay pumunta sa kaniya. Sila ay binautismuhan niya sa Ilog ng Jordan, na nagtatapat ng kanilang mga kasalanan.

  28. 14 May isang babae na nagngangalang Lidia ang nagbebenta ng mga tela na kulay lila na nanggaling sa lungsod ng Tiatira na sumasamba sa Diyos, nakinig siya sa amin. Binuksan ng Panginoon ang kaniyang puso upang bigyangpansin ang mga bagay na sinabi ni Pablo. 15 Nang mabautismuhan siya at ang kaniyang sambahayan, hinikayat niya kami, at nagsasabing, “Kung itinuturing ninyo na ako ay matapat sa Panginoon, pumunta kayo sa aking bahay, at manatili roon.” At nahikayat niya kami.

  29. 15 Nang magsimula akong magsalita sa kanila, dumating ang Banal na Espiritu sa kanila, gayang nangyari sa atin noong una. 16 Naalala ko ang mga salita ng Panginoon, kung paano niya sinabing, “Tunay nga na nagbautismo si Juan ng tubig, ngunit kayo ay babautismuhan sa Banal na Espiritu.” 17 At kung ibinigay ng Diyos sa kanila ang parehong kaloob na gaya ng ibinigay niya sa atin nang sumampalataya tayo sa Panginoong Jesu-Cristo, sino ba ako upang salungatin ang Diyos?”

  30. 24 Kukunin ko kayo mula sa mga bansa at titipunin ko kayo mula sa bawat lupain, at dadalhin ko kayo sa inyong lupain. 25 Pagkatapos ay wiwisikan ko kayo ng dalisay na tubig upang maging dalisay kayo mula sa lahat ng inyong karumihan. At dadalisayin ko kayo mula sa lahat ng inyong mga diyus-diyosan. 26 Bibigyan ko kayo ng isang bagong puso at isang bagong espiritu sa mga kaloob-loobang bahagi ninyo, at aalisin ko ang pusong bato mula sa inyong laman. Sapagkat bibigyan ko kayo ng isang pusong laman. 27 Ilalagay ko ang aking Espiritu sa inyo at palalakarin ko kayo sa aking mga kautusan at inyong iingatan ang aking mga utos, upang magawa ninyo ang mga ito.

  31. 17 Kaya umalis si Ananias, at pumasok sa tahanan. Ipinatong nito ang kaniyang kamay sa kaniya at sinabi, “Kapatid na Saulo, ang Panginoon Jesus, na siyang nagpakita sa iyo sa daan nang papunta ka rito, ay sinugo ako upang ikaw ay makakita at mapuspos ng Banal na Espiritu.”

    18 Kaagad may isang bagay na parang kaliskis ang nahulog mula sa mga mata ni Saulo, at bumalik ang kaniyang paningin; Tumayo siya at nabautismuhan;

  32. 24 Ngayon, may isang Judio na nagngangalang Apollos na ipinanganak sa Alexandria, ang nagpunta sa Efeso. Mahusay siyang mangusap at bihasa sa mga kasulatan. 25 Naturuan si Apollos sa mga katuruan ng Panginoon. Sa pagiging maalab sa espiritu, nagsalita siya at nagturo nang wasto tungkol sa mga bagay ukol kay Jesus, ngunit tungkol lamang sa baustismo ni Juan ang kaniyang nalalaman. 26 Nagsimulang magsalita si Pablo nang may katapangan sa sinagoga. Ngunit nang marinig siya nina Priscila at Aquila, kinaibigan nila siya at ipinaliwanag sa kaniya ang paraan ng Diyos ng mas mabuti.

    27 Nang ninais niyang dumaan sa Acaya, pinalakas ng mga kapatiran ang kaniyang loob at sumulat sa mga disipulo sa Acaya upang siya ay tanggapin. Nang dumating siya, tinulungan niya ng labis ang mga nanampalataya sa pamamagitan ng biyaya. 28 Lubhang dinaig ni Apolos sa publiko ang mga Judio taglay ang kaniyang kapangyarihan at kahusayan, ipinapakita sa pamamagitan ng mga kasulatan na si Jesus nga ang Cristo.

  33. 22 Pagkatapos nito, si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay pumunta sa lupain ng Judea. Doon siya ay naglalaan ng panahon kasama nila at nagbabautismo.

    23 Ngayon si Juan din ay nagbabautismo sa Enon malapit sa Salim dahil higit na marami ang tubig doon. Lumalapit sa kaniya amg mga tao at sila ay nababautismuhan,

  34. 29 Kung hindi nga, anong gagawin ng mga nabautismuhan para sa mga patay? Kung ang mga patay ay hindi na talaga bubuhayin, bakit nagpapabautismo para sa kanila?

  35. 38 Ngunit sumagot si Jesus sa kanila, “Hindi ninyo alam ang inyong hinihingi. Makakaya ba ninyong uminom sa tasang iinuman ko o tiisin ang bautismo na ibabautismo sa akin?”

    39 Sinabi nila sa kaniya, “Makakaya namin.” Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang tasang iinuman ko, iinuman ninyo at ang bautismo na ibabautismo sa akin, titiisin ninyo.

  36. 21 At nangyari ngang habang ang lahat ng tao ay binabautismuhan, si Jesus ay nabautismuhan din. Habang siya ay nananalangin, ang kalangitan ay bumukas. 22 Ang Banal na Espiritu ay bumaba sa kaniya na may anyo na gaya ng kalapati, habang may isang tinig ang nanggaling sa langit, “Ikaw ang aking minamahal na Anak. Lubos akong nalulugod sa Iyo.”

  37. 50 Ngunit mayroon akong bautismo na kailangang danasin, at labis akong namimighati hanggang sa ito ay matapos!

  38. 3 Siya ay naglakbay sa buong rehiyon sa palibot ng ilog Jordan, nangangaral ng bautismo ng pagsisisi para sa kapatawaran ng mga kasalanan.

  39. 19 Ngayon ito ang patotoo ni Juan nang ang mga Judio ay nagpadala sa kaniya ng mga pari at mga Levita mula sa Jerusalem para tanungin siyang, “Sino ka?” 20 Malaya niyang inilahad, at hindi ikinaila, ngunit tumugon, “Hindi ako ang Cristo.”

    21 Kaya siya ay tinanong nila, “Ano ka kung gayon? Ikaw ba si Elias?” Sabi niya, “Hindi ako.” Sabi nila, “Ikaw ba ang propeta?” Sumagot siya, “Hindi.”

    22 Pagkatapos ay sinabi nila sa kaniya, “Sino ka, upang may maibigay kaming sagot sa mga nagsugo sa amin? Ano ang masasabi mo tungkol sa iyong sarili?”

    23 Sinabi niya, “Ako ang boses ng isang sumisigaw sa ilang: 'Gawin ninyong tuwid ang daraanan ng Panginoon,' gaya nang sinabi ni Isaias na propeta.”

    24 Ngayong mayroong mga isinugo duon mula sa mga Pariseo. Tinanong nila siya at sinabi sa kaniya, 25 “Kung ganoon bakit ka nagbabautismo kung hindi ikaw ang Cristo, ni hindi si Elias, ni hindi ang propeta?”

    26 Tumugon si Juan sa kanila sinasabi, “Nagbabautismo ako ng tubig. Subalit, sa kalagitnaan ninyo ay nakatayo ang isang hindi ninyo nakikilala.

  40. 25 Ang bautismo ni Juan—saan ba ito galing, galing ba sa langit o sa mga tao?” Pinag-usapan nila ito sa kanilang mga sarili, na nagsasabi, “Kung sasabihin natin na, 'Nagmula sa langit,' sasabihin niya sa atin, 'Bakit hindi kayo naniwala sa kaniya?'

  41. 29 Nang marinig ito ng lahat ng tao, kabilang ang mga maniningil ng buwis, ipinahayag nila na ang Diyos ay matuwid. Sila ay kabilang sa mga nabautismuhan sa bautismo ni Juan. 30 Ngunit ang mga Pariseo at ang mga dalubhasa sa kautusan ng mga Judio, na hindi niya nabautismuhan, ay tinanggihan ang karunungan ng Diyos para sa kanilang mga sarili.

  42. 1 Kung gayon, iwan na natin ang mga unang natutunan tungkol sa mensahe ni Cristo, kailangan nating magpatuloy sa pagiging ganap, at huwag na muling ilagay ang saligan ng pagsisisi mula sa mga patay na gawa at ng pananampalataya sa Diyos, 2 ni ang saligan ng katuruan tungkol sa mga pagbabautismo, pagpapatong ng mga kamay, ang muling pagkabuhay ng mga patay, at sa hatol na walang hanggan.

  43. 4 Pagkatapos sinulat ni Moises ang lahat ng mga salita ni Yahweh. Umagang-umaga, nagtayo si Moses ng altar sa paanan ng bundok at inayos ang labing dalawang mga haligi na bato, kaya ang mga batong iyon ang siyang kumatawan sa labing dalawang lipi ng Israel. 5 Nagpadala siya ng ilang mga binatang Israelita para mag-alay ng mga sinunog na handog at mag-alay ng sama-samang handog na mga baka para kay Yahweh.

    6 Kinuha ni Moises ang kalahati ng dugo at nilagay sa loob ng mga palanggana, iniwisik ang natirang kalahati sa ibabaw ng altar. 7 Kinuha niya Ang Aklat ng Tipan at binasa ito ng malakas sa mga tao. Sinabi nila, “Gagawin namin ang lahat ng sinabi ni Yahweh. Magiging masunurin kami.”

    8 Pagkatapos kinuha ni Moises ang dugo at iniwisik ito sa mga tao. Sinabi niya, “Ito ang dugo ng tipan na ginawa ni Yahweh para sa inyo sa pamamagitan ng pagbibigay sa inyo ng pangakong ito kasama ang lahat ng mga salitang ito.

  44. 17 Nagsalita si Yahweh kay Moises at sinabi, 18 “Dapat ka ring gumawa ng isang malaking tansong palanggana na mayroong tansong tuntungan, isang palanggana para hugasan. Dapat mo itong ilagay sa pagitan ng tolda ng pagpupulong at ng altar, at kailangan mo itong lagyan ng tubig. 19 Si Aaron at kaniyang mga anak na lalaki ay dapat maghugas ng kanilang mga kamay at kanilang mga paa ng tubig nito. 20 Kapag pumasok sila sa tolda ng pagpupulong o kapag lumalapit sila sa altar para maglingkod sa akin sa pagsusunog ng handog, dapat silang maghugas ng tubig sa gayon ay hindi sila mamatay. 21 Dapat nilang hugasan ang kanilang mga kamay at paa para hindi sila mamatay. Dapat itong maging palagiang batas para kay Aaron at sa kaniyang mga kaapu-apuhan sa buong salinlahi ng kanilang bayan.”