32 Bible Verses About Evangelism

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Bible Verses About Evangelism
  1. 16 Ngunit ang labing-isa na mga alagad ay pumunta sa Galilea, sa bundok na kung saan itinuro ni Jesus sa kanila. 17 Nang siya ay nakita nila, sinamba nila siya, ngunit ang iba ay nag-alinlangan.

    18 Pumunta si Jesus sa kanila at nagsalita sa kanila at sinabi, “Ibinigay sa akin ang lahat ng kapangyarihan sa langit at sa lupa. 19 Humayo kayo at gawing mga alagad ang lahat ng mga bansa. Bautismuhan sila sa ngalan ng Ama, ng Anak, at ng Banal na Espiritu. 20 Turuan sila na sumunod sa lahat ng mga iniutos ko sa inyo. At pakinggan ninyo, Ako ay laging nasa inyo, maging sa katapusan ng mundo.”

  2. 54 Ngayon, nang marinig ng mga kasapi ng konseho ang mga bagay na ito, nasugatan sila sa kanilang mga puso, at ang kanilang mga ngipin ay nagngalit kay Esteban. 55 Ngunit siya na puspos ng Banal na Espiritu ay kusang tumingala sa langit at kaniyang nakita ang kaluwalhatian ng Diyos; at nakita niya si Jesus na nakatayo sa kanang kamay ng Diyos. 56 Sinabi ni Esteban, “Tingnan ninyo, nakita ko na binuksan ang kalangitan, at ang Anak ng Tao ay nakatayo sa kanang kamay ng Diyos.”

    57 Ngunit ang mga kasapi ng konseho ay sumigaw ng may malakas na boses, at tinakpan ang kanilang mga tainga, at sinunggaban siya, 58 itinapon siya nila sa labas ng lungsod at siya ay binato: at inilatag ng mga saksi ang kanilang balabal sa paanan ng binatang ang pangalan ay Saulo.

  3. 8 Ngunit ano ang sinasabi nito? “Malapit sa iyo ang salita, sa iyong bibig at sa iyong puso.” Iyan ang salita ng pananampalataya, na aming ipinapahayag. 9 Sapagkat kung sa iyong bibig, kinikilala mo si Jesus bilang Panginoon, at nananampalataya ka sa iyong puso na binuhay siya ng Diyos mula sa mga patay, maliligtas ka. 10 Sapagkat sa puso nananampalataya ang tao sa katuwiran, at sa bibig kumikilala siya para sa kaligtasan.

    11 Sapagkat sinasabi ng kasulatan, “Ang sinumang nananampalataya sa kaniya ay hindi mapapahiya.” 12 Sapagkat walang pagkakaiba ang Judio at Griyego. Dahil iisang Panginoon ang Panginoon ng lahat, at mayaman siya sa lahat ng mga tumatawag sa kaniya. 13 Sapagkat ang lahat na tumatawag sa pangalan ng Panginoon ay maliligtas.

    14 Kung gayon, paano sila tatawag sa kaniya na hindi nila sinasampalatayanan? At paano sila sasampalataya sa kaniya na hindi pa nila naririnig? At paano sila makakarinig kung walang tagapangaral? 15 At paano sila mangangaral kung hindi sila isinugo? — Gaya ng nasusulat, “Kayganda ng mga paa ng mga nagpapahayag ng mga masasayang balita ng mga mabubuting bagay!”

  4. 14 May utang ako sa mga Griyego at sa mga dayuhan, sa mga marurunong at sa mga mangmang. 15 Kaya, para sa akin, handa akong ipahayag ang ebanghelyo sa inyong nasa Roma.

    16 Sapagkat hindi ko ikinahihiya ang ebanghelyo, sapagkat ito ang kapangyarihan ng Diyos upang iligtas ang sinumang sumasampalataya, una ay sa Judio at gayon din sa Griyego. 17 Sapagkat dito ang katuwiran ng Diyos ay naihahayag mula sa pananampalataya hanggang sa pananampalataya, gaya ng nasusulat, “Ang matuwid ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya.”

  5. 35 Pumunta si Jesus sa lahat ng mga lungsod at mga nayon. Nagpatuloy siyang nagtuturo sa kanilang mga sinagoga, ipinangangaral ang mabuting balita ng kaharian, at pinapagaling niya ang lahat ng mga uri ng karamdaman at ang lahat ng uri ng sakit. 36 Nang makita niya ang napakaraming tao, nahabag siya sa kanila, dahil sila ay naguguluhan at pinanghihinaan ng loob. Para silang tupang walang pastol.

    37 Sinabi niya sa kaniyang mga alagad, “Marami ang aanihin ngunit kakaunti ang manggagawa. 38 Kaya madaliin ninyong idalangin sa Panginoon ng pag-aani, upang makapagpadala siya ng mga manggagawa sa kaniyang anihan.”

  6. 1 Ngayon aking pina-aalala sa inyo, mga kapatid, ang ebanghelyo na aking ipinangaral sa inyo, na inyong tinanggap at tinatayuan. 2 Sa pamamagitan ng ebanghelyong ito kayo ay naligtas, kung kayo ay hahawak na mabuti sa mga salita na aking ipinangaral sa inyo, maliban lang kung kayo ay naniwala ng walang kabuluhan.

    3 Sapagkat binigay ko sa inyo ang pinakamahalaga na aking tinanggap: na si Cristo ay namatay alang-alang sa ating mga kasalanan ayon sa mga kasulatan, 4 na siya ay inilibing, at siya ay nabuhay noong ikatlong araw ayon sa mga kasulatan. 5 At na siya ay nagpakita kay Cefas, at pagkatapos sa Labindalawa. 6 Pagkatapos siya ay nagpakita sa mahigit limandaan na mga kapatid ng paminsan. Karamihan sa kanila ay buhay pa, ngunit ang ilan ay natulog na. 7 At pagkatapos siya ay nagpakita kay Santiago, at sa lahat ng mga apostol.

  7. 13 Sino ang mananakit sa inyo kung hinahangad ninyo ang mabuti?

    14 Pero kung naghihirap kayo dahil sa katuwiran, kayo ay pinagpala. Huwag niyong katakutan ang kanilang kinatatakutan. Huwag kayong mabahala. 15 Sa halip, ibukod-tangi niyo ang Panginoong Cristo sa inyong mga puso bilang banal. Lagi kayong maging handa na sagutin ang bawat nagtatanong sa inyo kung bakit mayroon kayong pagtitiwala sa Diyos. Gawin ninyo ito nang may kahinahunan at paggalang. 16 Magkaroon kayo ng malinis na budhi upang ang mga taong umaalipusta sa inyong magandang buhay kay Cristo ay mapahiya dahil nagsasalita sila laban sa inyo na tila kayo ay masasamang tao. 17 Mas mainam, kung nais ng Diyos, na kayo ay maghirap sa paggawa ng kabutihan kaysa sa paggawa ng kasamaan.

    18 Nagdusa rin si Cristo para sa mga kasalanan. Siya na matuwid ay nagdusa para sa atin, na mga hindi matuwid, upang tayo ay madala niya sa Diyos. Pinatay siya sa laman, pero muling binuhay sa espiritu. 19 Sa espiritu, nagpunta siya at nangaral sa mga espiritu na ngayon ay naka-bilanggo. 20 Sila ay ayaw sumunod noong ang Diyos ay matiyagang naghihintay sa panahon ni Noe, sa mga araw ng ginagawa ang arko, at nagligtas ang Diyos ng iilang tao—walong kaluluwa—sa baha. 21 Ito ay sumisimbolo ng pagbabautismo na nagliligtas sa inyo ngayon, hindi bilang paglilinis ng karumihan mula sa katawan, pero bilang panawagan ng mabuting budhi sa Diyos, sa pamamagitan ng pagkabuhay muli ni Jesu-Cristo. 22 Siya ay nasa kanang kamay ng Diyos. Nagpunta siya sa langit. Ang mga anghel, mga pamahalaanan, at ang mga kapangyarihan ay dapat magpasakop sa kaniya.

  8. 15 Sinabi niya sa kanila, “Humayo kayo sa buong mundo at ipangaral ang mabuting balita sa lahat ng nilikha. 16 Ang sumasampalataya at mabautismuhan ay maliligtas at ang hindi naniniwala ay hahatulan. 17 Ang mga palatandaang ito ay tataglayin ng mga sumasampalataya. Sa aking pangalan sila ay magpapalayas ng mga demonyo. Magsasalita sila sa mga bagong wika. 18 Pupulot sila ng mga ahas, at kung iinom sila ng anumang nakamamatay ay hindi sila masasaktan nito. Magpapatong sila ng kamay sa mga may sakit at gagaling sila.”

    19 Matapos magsalita sa kanila ang Panginoon, iniakyat siya patungo sa langit at naupo sa kanang kamay ng Diyos.

    20 Humayo ang mga alagad at nangaral sa lahat ng dako, habang ang Panginoon ay kumikilos kasama nila at pinatunayan ang salita sa pamamagitan ng mga sumunod pang mga kahanga-hangang palatandaan.

  9. 1 Ibinibigay ko ang taimtim na kautusang ito sa harap ng Diyos at ni Cristo Jesus, na siyang hahatol sa mga buhay at sa mga patay, at dahil sa kaniyang pagpapakita at sa kaniyang kaharian. 2 Ipangaral mo ang Salita. Maging handa kung ito ay napapanahon at kung hindi napapanahon. Pagwikaan, pagsalitaan, at pangaralan mo sila ng may buong pagtitiyaga at pagtuturo.

    3 Sapagkat darating ang panahon kung saan hindi na matitiis ng mga tao ang mga totoong aral. Sa halip, tatambakan nila ang kanilang mga sarili ng mga guro na naayon sa kanilang mga nais. Makikiliti sila sa kanilang pakikinig. 4 Tatalikod sila sa pakikinig sa katotohanan, at makikinig sila sa mga alamat.

    5 Ngunit ikaw, maging mahinahon ka sa lahat ng bagay, pagtiisan mo ang paghihirap, gawin mo ang gawain ng isang ebanghelista, tuparin mo ang iyong paglilingkod.

  10. 2 Taimtim na magpatuloy sa panalangin. Manatiling handa sa pasasalamat. 3 Manalangin kayo ng sama-sama para sa amin, na magbukas ang Diyos ng pagkakataon para sa kaniyang salita upang sabihin ang lihim na katotohanan ni Cristo. Dahil dito, iginapos ako. 4 At manalangin na magawa ko ito ng malinaw gaya ng nararapat kong sabihin.

    5 Lumakad sa karunungan para sa mga hindi mananampalataya at pahalagahan ang pagkakataon. 6 Ang inyong pananalita nawa ay laging may biyaya, na magkalasang asin, upang malaman ninyo kung paano dapat sumagot sa bawat tao.

  11. 17 Sapagkat kung sinuman ang kay Cristo, siya ay isang bagong nilalang. Ang luma ay lumipas na. Tingnan, sila ay naging bago na.

    18 Ang lahat ng mga bagay na ito ay nagmula sa Diyos. Nakipagkasundo siya sa atin dahil kay Cristo, at binigyan niya tayo ng ministeryo sa pagkakasundo. 19 Ang ibig sabihin, dahil kay Cristo, ipinagkakasundo ng Diyos ang mundo sa kaniya, at hindi binilang ang kanilang mga pagkakasala laban sa kanila. Ipinagkakatiwala niya sa atin ang mensahe ng pakikipagkasundo.

    20 Kaya kami ay itinalaga bilang mga kinatawan ni Cristo, na para bang ang Diyos mismo ang nakikipag-usap sa inyo sa pamamagitan namin. Ipinakikiusap namin sa inyo, alang-alang kay Cristo: “Makipagkasundo kayo sa Diyos!” 21 Si Jesus ay ginawa niyang handog para sa ating mga kasalanan. Siya na hindi kailan man nagkaroon ng kasalanan. Ginawa niya ito upang tayo ay maging katuwiran ng Diyos sa kaniya.

  12. 16 Dahil labis na inibig ng Diyos ang sangkatauhan, ibinigay niya ang kaniyang natatangi at nag-iisang Anak upang ang sinumang manalig sa kaniya ay hindi mamatay ngunit magkakaroon ng buhay na walang hanggan. 17 Dahil hindi isinugo ng Diyos ang kaniyang Anak sa mundo para parusahan ang sangkatauhan, ngunit para ang mundo ay marapat na maligtas sa pamamagitan niya. 18 Ang nananampalataya sa kaniya ay hindi mahatulan. Ang hindi nananampalataya ay nahatulan na dahil hindi siya nananampalataya sa pangalan ng natatanging Anak ng Diyos.

  13. 8 Ngunit makakatanggap kayo ng kapangyarihan, kapag sumainyo ang Banal na Espiritu at kayo ay magiging saksi ko sa Jerusalem at sa buong Judea at Samaria, at hanggang sa mga dulo ng mundo.''

  14. 13 Kayo ang asin ng mundo. Ngunit kung nawala ang lasa ng asin, paano muling maibabalik ang alat nito? Wala na itong pakinabang pa kundi itapon at tapak-tapakan ng mga tao.

    14 Kayo ang ilaw ng mundo. Ang lungsod na nakatayo sa isang burol ay hindi maitatago. 15 Ni hindi nagsisindi ang mga tao ng lampara at ilagay sa loob ng basket, bagkus sa isang patungan ng ilawan, at magliliwanag ito sa lahat ng nasa bahay. 16 Hayaan ninyong magliwanag ang inyong ilaw sa harapan ng mga tao sa paraang makikita nila ang inyong mga mabubuting gawa at papurihin ang inyong Amang nasa langit.

  15. 11 Nagbigay si Cristo ng mga kaloob katulad ng mga ito: pagka- apostol, pagka-propeta, pagka-ebanghelista, pagka-pastor at pagka-guro. 12 Ginawa niya ito upang ihanda ang mga mananampalataya sa paglilingkod at sa ikatitibay ng katawan ni Cristo.   Ginagawa niya ito hanggang sa maabot natin ang pagkakaisa sa pananampalataya at kaalaman sa Anak ng Diyos. 13 Ginagawa niya ito hanggang sa maging ganap tayo na katulad ni Cristo.

    14 Upang hindi na tayo maging tulad ng mga bata. Upang hindi na tayo maligaw. Upang hindi na tayo madala palayo sa bawat hangin ng katuruan, sa pandaraya ng mga tao sa pamamagitan ng matalas na pag-iisip ng kamalian at panlilinlang.

  16. 8 Narinig ko ang tinig ng Panginoon na nagsasabing, “Sino ang aking isusugo? Sino ang magpapahayag para sa atin? Pagkatapos sinabi ko, “Narito ako; ako ang iyong isugo.”

    9 Sinabi niya, “Humayo ka at sabihin mo sa mga taong ito, makinig man kayo, hindi kayo makauunawa; tumingin man kayo, hindi kayo makakikita. 10 Patigasin mo ang puso ng mga taong ito, gawin mong bingi ang kanilang mga tainga, at bulagin mo ang kanilang mga mata para hindi sila makakita o hindi sila makarinig at hindi makaunawa ang kanilang mga puso, at manumbalik sila sa akin at sila ay gagaling.”

    11 Pagkatapos sinabi ko, “Panginoon, hanggang kailan?” Sumagot siya, “Hanggang sa mawasak ang mga lungsod at mawalan ng naninirahan dito, at mawalan ng tao ang mga bahay, at nakatiwangwang ang lupain, 12 at hanggang ipatapon ni Yahweh ang ang mga tao palayo, at tuluyang mawalan ng pakinabang ang lupain. 13 Manatili man ang ikasampung bahagi ng mga tao roon, muli itong wawasakin; gaya ng isang roble o owk na pinutol at naiwan ang katawan nito, ang banal na binhi naman ay nasa tuod na ito.”

  17. 12 Ang ibig kong sabihin: Ang bawat isa sa inyo ay nagsasabi, “Kay Pablo ako,” o “Kay Apolos ako,” o “Kay Cefas ako,” o “Kay Cristo ako.”

    13 Si Cristo ba ay nahahati? Si Pablo ba ay napako para sa inyo? Kayo ba ay binautismuhan sa pangalan ni Pablo? 14 Ako ay nagpapasalamat sa Diyos na wala akong binautismuhan sa inyo, maliban kay Crispo at Gayo. 15 Ito ay upang walang isa man sa inyo na magsasabing binautismuhan ko kayo sa aking pangalan. 16 (Binautismuhan ko din ang sambahayan ni Stefanas. Sa kabila nito, hindi ko na alam kung may nabautismuhan pa akong iba.) 17 Sapagkat hindi ako isinugo ni Cristo upang magbautismo kundi mangaral ng ebanghelyo. Hindi niya ako isinugo upang mangaral sa salita na may karunungan ng tao, upang ang krus ni Cristo ay hindi mawawalan ng kapangyarihan.

    18 Sapagkat ang mensahe tungkol sa krus ay kamangmangan sa mga mamamatay. Ngunit para sa mga inililigtas ng Diyos, ito ay ang kapangyarihan ng Diyos.

  18. 19 Sapagkat kahit malaya ako sa lahat, naging alipin ako sa lahat upang makahikayat pa ako ng mas marami. 20 Sa mga Judio, naging katulad ako ng isang Judio upang makahikayat ng mga Judio. Sa mga nasa ilalim ng kautuan, naging katulad ako ng isang nasa ilalim ng batas upang makahikayat ng mga nasa ilalim ng batas. Ginawa ko ito kahit na wala ako sa ilalim ng batas. 21 Sa mga nasa labas ng kautusan, naging katulad ako ng nasa labas ng kautusan, kahit na ako mismo ay wala sa labas ng kautusan ng Diyos ngunit sa ilalim ng kautusan ni Cristo. Ginawa ko ito upang aking mahikayat ang mga nasa labas ng kautusan. 22 Sa mga mahihina ako ay naging mahina, upang aking mahikayat ang mga mahihina. Naging kagaya ako ng lahat ng mga bagay upang sa lahat ng paraan ay maligtas ko ang ilan.

    23 Ginawa ko ang lahat ng bagay para sa kapakanan ng ebanghelyo, upang makalahok ako sa lahat ng pagpapala nito.

    24 Hindi ba ninyo alam na sa isang takbuhan, ang lahat ng mananakbo ay tumatakbo, ngunit iisa lamang ang makatatanggap ng gantimpala? Kaya tumakbo ka upang makamit ang gantimpala.

  19. 36 Kaya naman siguraduhing ipaalam sa lahat ng tahanan sa Israel na ginawa siya ng Diyos na parehong Panginoon at Cristo, ang Jesus na ito na ipinako ninyo sa krus.”

    37 Nang marinig nila ito, nadurog ang kanilang puso, at sinabi kay Pedro at sa iba pang mga apostol, “Mga kapatid, ano ba ang dapat naming gawin?”

    38 At sinabi ni Pedro sa kanila, “Magsisi at magpabautismo, ang bawat isa sa inyo sa pangalan ni Jesu-Cristo para sa kapatawaran ng inyong mga kasalanan, at inyong tatanggapin ang kaloob ng Banal na Espiritu. 39 Sapagkat sa inyo ang pangako at sa inyong mga anak at sa lahat ng mga nasa malayo, at sa mga tao na tatawagin ng ating Panginoong Diyos.”

    40 Pinatotohanan at hinimok niya sila sa pamamagitan ng maraming mga salita; sinabi niya,” Iligtas ninyo ang inyong mga sarili mula sa mga masasamang salin-lahing ito. 41 Pagkatapos tinanggap nila ang kaniyang salita at nabautismuhan, at ng araw na iyon may mga naidagdag na aabot sa tatlong libong mga kaluluwa.

  20. 30 Ngunit binuhay siya ng Diyos mula sa mga patay. 31 Nakita siya sa loob ng maraming araw ng mga sumama sa kaniya mula Galilea hanggang Jerusalem. Ang mga taong ito ang naging mga saksi niya ngayon sa mga tao.

    32 Kaya dala namin sa inyo ang magandang balita tungkol sa mga pangakong ibinigay sa ating mga ninuno. 33 Iningatan ng Diyos ang mga pangakong ito sa atin na kanilang mga anak, na kung saan binuhay niya si Jesus mula sa mga patay. Ito din ang naisulat sa ikalawang awit: 'Ikaw ang aking Anak, at ngayon ako ay iyong magiging Ama.'

  21. 47 Sapagkat iniutos sa amin ng Panginoon, na nagsasabi, 'Inilagay ko kayo bilang ilaw sa mga Gentil upang kayo ay magdala ng kaligtasan sa mga pinakadulong bahagi ng mundo.”'

  22. 14 Itong ebanghelyo ng kaharian ay ipangangaral sa buong mundo bilang patotoo sa lahat ng mga bansa. At pagkatapos nito darating na ang katapusan.

  23. 6 Tumungo si Pablo at ang kaniyang mga kasama sa mga lupain ng Frigia at Galacia, dahil hindi pinahintulutan ng Banal na Espiritu na mangaral sila ng salita ng Diyos sa probinsiya ng Asia. 7 Nang malapit na sila sa Misia, ninais nila na tumungo sa Bitinia, ngunit hindi sila pinahintulutan ng Espiritu ni Jesus. 8 Kaya ng makalampas sila sa Misia, tumungo sila sa lungsod ng Troas.

    9 Isang pangitain ang nakita ni Pablo ng gabing iyon: may isang lalaki na Macedonia ang nakatayo doon na tumatawag sa kaniya at nagsasabing, “Tumungo kayo dito sa Macedonia at tulungan kami.” 10 Nang makita ni Pablo ang pangitain, nagmamadali kaming pumunta sa Macedonia, pinatutunayan na tinawag kami ng Diyos upang ipangaral ang ebanghelyo sa kanila.

    11 Pagkalayag namin galing ng Troas, dumiretso kami sa Samotracia at nang sumunod na araw kami ay dumating sa Neapolis; 12 Mula roon ay pumunta kami sa Filipos, isang lungsod ng Macedonia, ang pinakamahalagang lungsod sa distrito at nasasakupan ng Roma, at nanatili kami sa lungsod na ito ng ilang araw.

  24. 8 Kaya huwag mong ikakahiya ang magpatotoo tungkol sa ating Panginoon, maging ako, si Pablo, na kaniyang bilanggo. Sa halip, makibahagi sa pagdurusa para sa ebanghelyo ayon sa kapangyarihan ng Diyos. 9 Ang Diyos ang nagligtas sa atin at tumawag sa atin sa banal na pagkatawag. Ginawa niya ito, hindi ayon sa ating mga gawa, ngunit ayon sa kaniyang layunin at biyaya. Ibinigay niya ang mga bagay na ito sa atin kay Cristo Jesus bago pa ang pasimula ng panahon.

  25. 44 Sinabi niya sa kanila, “Nang kasama ko kayo, sinabi ko sa inyo na lahat ng nakasulat sa kautusan ni Moises at ng mga propeta at sa Aklat ng Mga Awit ay kailangan matupad.” 45 At binuksan niya ang kanilang mga isipan upang maunawaan nila ang Kasulatan.

    46 Sinabi niya sa kanila, “Nasusulat, na kailangang maghirap ang Cristo, at muling mabuhay mula sa patay sa ikatlong araw. 47 At ang pagsisisi at pagpapatawad ng mga kasalanan ay dapat maipangaral sa kaniyang pangalan sa lahat ng mga bansa, mula sa Jerusalem. 48 Kayo ay mga saksi ng lahat ng ito.

    49 Tingnan ninyo, ipadadala ko sa inyo ang ipinangako ng aking Ama. Ngunit mag-hintay kayo sa lungsod, hanggang kayo ay mapagkalooban ng kapangyarihang mula sa taas.”

  26. 1 At ngayon sa kapulungan ng Antioquia, mayroong mga iilang propeta at mga guro. Sila ay sina Bernabe, Simeon (na tinatawag na Niger), Lucio na taga-Cirene, Manaen (kinakapatid na lalaki ni Herodes na Tetrarka) at Saul. 2 Habang sumasamba at nag-aayuno sila sa Diyos, sinabi ng Banal na Espiritu, “Ihiwalay ninyo para sa akin sina Bernabe at Saul, upang gawin ang gawain kung saan ko sila tinawag.” 3 Pagkatapos na ang kapulungan ay mag-ayuno, manalangin at magpatong ng kanilang mga kamay sa mga lalaking ito, sila ay kanilang sinugo.

  27. 6 Nagtataka ako na kayo ay mabilis na bumabaling sa ibang ebanghelyo. Nagtataka ako na tumatalikod kayo sa kaniya na tumawag sa inyo sa pamamagitan ng biyaya ni Cristo. 7 Walang ibang ebanghelyo, ngunit may ilang mga tao na ginugulo kayo at gustong ibahin ang ebanghelyo ni Cristo.

    8 Ngunit kahit kami o isang anghel mula sa langit ang magpahayag sa inyo ng ebanghelyo na iba sa ipinahayag namin sa inyo, dapat siyang sumpain. 9 Katulad ng sinabi namin noon, ngayon sasabihin ko muli, “Kung may magpahayag sa inyo ng ibang ebanghelyo maliban sa ebanghelyong tinanggap ninyo, dapat siyang sumpain.”

    10 Sapagkat hinahangad ko ba ngayon ang pagsang-ayon ng mga tao o ng Diyos? Hinahangad ko ba na magbigay-lugod sa mga tao? Kung sinisikap ko paring magbigay-lugod sa mga tao, kung gayon hindi ako isang lingkod ni Cristo.

    11 Sapagkat nais kong malaman ninyo, mga kapatid, na ang ebanghelyo na aking ipinahayag ay hindi nanggaling sa mga tao lamang. 12 Hindi ko ito tinanggap mula sa tao, hindi rin ito itinuro sa akin. Sa halip, sa pamamagitan ng pahayag ni Jesu-Cristo sa akin.

  28. 7 Nang mailagay nila sina Pedro at Juan sa kanilang kalagitnaan, tinanong nila sila, “Sa anong kapangyarihan, o sa anong pangalan, nagagawa ninyo ito?”

    8 At si Pedro, na napuspos ng Banal na Espiritu ay nagsabi, “Kayong mga pinuno ng mga tao at mga nakatatanda, 9 kung sinisiyasat kami sa araw na ito tungkol sa kabutihang ginawa sa isang lalaking may karamdaman- sa anong paraan napagaling ang lalaking ito? 10 Malaman nawa ninyong lahat, at ng lahat ng mga taga-Israel, na sa pangalan ni Jesu-Cristo na taga-Nazaret, na inyong ipinako sa krus, na muling binuhay ng Diyos mula sa mga patay- sa pamamagitan niya kaya ang lalaking ito ay nakatayo na malusog sa inyong harapan. 11 Si Jesu-Cristo ang bato na itinakwil ninyo, bilang mga tagapagtayo, ngunit siya pa rin ang ginawang pangunahing batong panulukan.

    12 Walang kaligtasan sa sinumang tao: sapagkat wala ng iba pang pangalan sa silong ng langit, na ibinigay sa mga tao, kung saan tayo maliligtas.”

  29. 4 Gayon pa man, ang mga mananampalataya na nagsikalat ay nagpatuloy na mangaral ng salita ng Diyos. 5 Si Felipe ay pumunta pababa sa lungsod ng Samaria at ipinahayag si Cristo sa kanila.

  30. 1 Ako si Pablo, na isang lingkod ni Jesu-Cristo, tinawag upang maging apostol, at inilaan para sa ebanghelyo ng Diyos. 2 Ito ang ebanghelyo na noon pa man ay ipinangako na niya sa pamamagitan ng mga propeta sa banal na kasulatan. 3 Ito ay tungkol sa kaniyang Anak, na ipinanganak mula sa kaapu-apuhan ni David ayon sa laman. 4 Ipinahayag siya bilang Anak ng Diyos ayon sa kapangyarihan ng Espiritu ng kabanalan, sa pamamagitan ng muling pagkabuhay mula sa kamatayan, si Jesu-Cristo na ating Panginoon.

    5 Sa pamamagitan niya ay natanggap namin ang biyaya at ang pagiging apostol upang magdulot ng pagsunod ng pananampalataya sa lahat ng mga bansa, alang-alang sa pangalan niya. 6 Kasama ng mga bansang ito, kayo rin ay tinawag upang maging kay Jesu-Cristo.

    7 Ang liham na ito ay para sa lahat ng nasa Roma, ang mga minamahal ng Diyos, na tinawag upang maging mga taong banal. Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaan na nagmumula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.

  31. 7 Kay ganda sa mga kabundukan ang mga paa ng mensahero na nagdadala ng mabuting balita, na siyang nagpapahayag ng kapayapaan, na nagdadala ng mga mabuting balita, na nagpapahayag ng kaligtasan, na sinasabi sa Sion, “Ang Diyos ninyo ay naghahari!” 8 Makinig kayo, ang inyong mga bantay ay nilalakasan ang kanilang mga tinig, sabay sabay silang sumisigaw sa kagalakan, dahil makikita nila, sa kanilang bawat mata ang pagbabalik ni Yahweh sa Sion. 9 Magsimula kayong umawit ng sabay-sabay ng may kagalakan; kayong mga guho ng Jerusalem, dahil inaliw ni Yahweh ang kanyang bayan: tinubos niya ang Jerusalem. 10 Inilantad ni Yahweh ang kanyang makapangyarihang kamay sa paningin ng lahat ng mga bansa; makikita ng buong daigdig ang pagliligtas ng ating Diyos.

  32. 13 Ngunit dapat kami laging magpasalamat sa Diyos para sa inyo, mga kapatid na iniibig ng Panginoon. Sapagkat pinili kayo ng Diyos bilang unang bunga ng kaligtasan sa pagpapabanal ng Espiritu at paniniwala sa katotohanan. 14 Ito ang dahilan kung bakit niya kayo tinawag sa pamamagitan ng ating ebanghelyo upang matamo ang kaluwalhatian ng ating Panginoong Jesu Cristo. 15 Kaya nga, mga kapatid, maging matatag kayo. Hawakang mahigpit ang mga tradisyon na naituro sa inyo, kahit na sa pamamagitan ng salita o ng aming sulat.