20 Bible Verses About Discipleship
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
-
16 Ngunit ang labing-isa na mga alagad ay pumunta sa Galilea, sa bundok na kung saan itinuro ni Jesus sa kanila. 17 Nang siya ay nakita nila, sinamba nila siya, ngunit ang iba ay nag-alinlangan.
18 Pumunta si Jesus sa kanila at nagsalita sa kanila at sinabi, “Ibinigay sa akin ang lahat ng kapangyarihan sa langit at sa lupa. 19 Humayo kayo at gawing mga alagad ang lahat ng mga bansa. Bautismuhan sila sa ngalan ng Ama, ng Anak, at ng Banal na Espiritu. 20 Turuan sila na sumunod sa lahat ng mga iniutos ko sa inyo. At pakinggan ninyo, Ako ay laging nasa inyo, maging sa katapusan ng mundo.”
-
25 Ngayon maraming tao ang sumasama sa kaniya, at bumaling siya at sinabi sa kanila, 26 “Kung sinuman ang lumapit sa akin at hindi namumuhi sa kaniyang sariling ama, ina, asawa, anak, mga kapatid—oo, at pati ang kaniyang sariling buhay—hindi siya maaaring maging alagad ko. 27 Ang sinumang hindi magbubuhat ng kaniyang sariling krus at sumunod sa akin ay hindi maaaring maging alagad ko.
28 Sapagkat sino sa inyo, ang naghahangad na magtayo ng isang tore, ang hindi muna mauupo at bibilangin ang gastos upang kuwentahin kung nasa kaniya ang mga kailangan niya upang ito ay tapusin? 29 Kung hindi, kapag nagtayo siya ng pundasyon at hindi ito natapos, sisimulan siyang kutyain ng lahat ng mga makakakita nito, 30 sinasabi, 'Ang taong ito ay nagsimulang magtayo at hindi niya natapos.'
31 O anong hari, sa kaniyang pagpunta upang sagupain sa digmaan ang isa pang hari, ang hindi muna mauupo at hihingi ng payo kung kaya ba niya kasama ang sampung libong tao na labanan ang isa pang hari na dumarating laban sa kaniya na may kasamang dalawampung libong tao? 32 At kung hindi, habang malayo pa ang hukbo na iyon, magpapadala siya ng kinatawan at hihingi ng mga kailangan sa pagkakasundo.
-
23 Sinabi niya sa kanilang lahat, “Kung sinuman ang may gustong sumunod sa akin, kailangan niyang tanggihan ang kaniyang sarili, pasanin niya ang kaniyang krus araw-araw, at sumunod sa akin. 24 Sinumang sumubok na iligtas ang kaniyang buhay ay mawawalan nito, at kung sinuman ang mawawalan ng kaniyang buhay alang-alang sa akin ay maliligtas ito.
25 Ano ang mapapala ng tao kung makamit niya ang buong mundo, ngunit mawawala o mapapahamak naman ang kaniyang sarili?
-
24 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad, “Kung sinuman ang nais sumunod sa akin, kailangan niyang ikaila ang kaniyang sarili, buhatin ang kaniyang krus, at sumunod sa akin. 25 Sapagkat sinuman ang may nais iligtas ang kaniyang buhay ay mawawalan nito, at kung sinuman ang mawala ang buhay alang-alang sa akin ay matatagpuan niya ito. 26 Ano ang mapapala ng isang tao, kung mapasakaniya man ang buong mundo ngunit ang kabayaran ay ang kaniyang buhay? Ano ang maibibigay ng tao kapalit ng kaniyang buhay? 27 Sapagkat ang Anak ng Tao ay darating sa kaluwalhatian ng kaniyang Ama kasama ang kaniyang mga anghel. Pagkatapos, bibigyan niya ang bawat tao ayon sa kaniyang mga gawa.
-
18 Habang naglalakad si Jesus sa Dagat ng Galilea, nakita niya ang dalawang magkapatid, si Simon na tinatawag na Pedro at ang kapatid niyang si Andres na naghahagis ng lambat sa dagat sapagkat sila ay mga mangingisda. 19 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Halikayo, sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mga mangingisda ng mga tao.” 20 Agad nilang iniwan ang kanilang mga lambat at sumunod sa kaniya.
21 Habang naglalakad si Jesus mula doon, nakita niya ang dalawa pang magkapatid, si Santiago na anak na lalaki ni Zebedeo at si Juan na kaniyang kapatid. Kasama nila si Zebedeo na kanilang ama sa bangka na nagkukumpuni ng kanilang mga lambat. Tinawag niya ang mga ito, 22 at agad nilang iniwan ang kanilang ama at ang bangka at sumunod sa kaniya.
-
34 Huwag ninyong isipin na pumarito ako sa lupa upang magbigay ng kapayapaan. Hindi ako dumating upang magbigay ng kapayapaan, kundi isang espada. 35 Sapagkat naparito ako upang paglabanin ang isang lalaki sa kaniyang ama, at ang anak na babae laban sa kaniyang ina, at ang manugang na babae laban sa kaniyang biyenan na babae. 36 Ang magiging kaaway ng tao ay kaniyang sariling sambahayan.
37 Ang nagmamahal sa kaniyang ama at ina nang higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. Ang nagmamahal sa kaniyang anak na lalaki at babae nang higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. 38 Ang hindi nagbubuhat ng kaniyang krus at sumunod sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. 39 Ang naghahanap ng kaniyang buhay ay mawawalan nito. Ngunit ang mawawalan ng buhay nang dahil sa akin ay makahahanap nito.
-
31 At nagsimula siyang magturo sa kanila na ang Anak ng Tao ay kailangang magdusa ng maraming bagay, at hindi tatanggapin ng mga nakatatanda, ng mga punong pari at ng mga eskriba, at ipapapatay, at muling babangon matapos ang tatlong araw. 32 Malinaw niya itong sinabi. At dinala siya ni Pedro sa isang tabi at nagsimula siyang pagsabihan.
33 Ngunit lumingon si Jesus at tumingin sa kaniyang mga alagad at sinaway niya si Pedro at sinabi, “Layuan mo ako Satanas! Hindi mo pinahahalagahan ang mga bagay tungkol sa Diyos ngunit pinahahalagahan mo ang mga bagay tungkol sa mga tao.”
34 Pagkatapos tinawag niya ang maraming tao, kasama ng kaniyang mga alagad, at sinabi niya sa kanila, “Kung sinuman ang nagnanais sumunod sa akin, kailangan niyang ikaila ang kaniyang sarili, pasanin ang kaniyang krus at sumunod sa akin. 35 Sapagkat ang sinumang nais magligtas ng kaniyang buhay ay mawawalan nito at sinumang mawawalan ng kaniyang buhay alang-alang sa akin at para sa ebanghelyo ay makapagliligtas nito.
36 Ano ang mapapala ng isang tao, na makuha ang buong mundo at pagkatapos ay mawala ang kaniyang sariling buhay? 37 Ano ang maibibigay ng isang tao kapalit ng kaniyang buhay? 38 Kapag ikinahiya ako at ang aking salita ng sinuman sa mapangalunya at makasalanang salinlahing ito, ikakahiya rin siya ng Anak ng Tao kapag dumating na siya sa kaluwalhatian ng kaniyang Ama kasama ang mga banal na anghel.”
-
1 Ako ang tunay na puno ng ubas at ang aking Ama ang tagapag-alaga ng ubasan. 2 Inaalis niya sa akin ang bawat sanga na hindi nagbubunga, at nililinis niya ang bawat sanga na nagbubunga upang ito ay lalong mamunga ng higit pa. 3 Kayo ay malinis na dahil sa mensahe na sinabi ko sa inyo. 4 Manatili kayo sa akin at ako sa inyo. Katulad ng sanga na hindi maaring magbunga sa kaniyang sarili, maliban na ito ay nananatili sa puno, kaya hindi rin kayo maaring magbunga, maliban kung kayo ay mananatili sa akin.
5 Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga. Ang mananatili sa akin at ako sa kaniya, ang tao ring ito ay namumunga ng marami, sapagka't wala kayong magagawa kung kayo ay hiwalay sa akin. 6 Ang sinumang hindi nanatili sa akin, tinatapon siya katulad ng sanga at natutuyo; tinitipon ng mga tao ang mga sanga at itinatapon ang mga ito sa apoy, at ang mga ito ay sinusunog. 7 Kung kayo ay mananatili sa akin, at kung ang aking mga salita ay mananatili sa inyo, humingi kayo ng anumang nais ninyo, at ito ay gagawin para sa inyo. 8 Sa ganito ay naluluwalhati ang aking Ama na kayo ay mamunga ng marami at na kayo ay maging aking mga alagad.
9 Katulad ng pagmamahal sa akin ng Ama, kayo rin ay minahal ko, manatili kayo sa aking pagmamahal. 10 Kung tutuparin ninyo ang aking mga kautusan, mananatili kayo sa aking pagmamahal katulad ng pagtutupad ko sa mga kautusan ng Ama at nanatili sa kaniyang pagmamahal. 11 Sinasabi ko ang mga bagay na ito sa inyo upang ang aking kagalakan ay sumainyo at upang ang inyong kagalakan ay maging lubos.
12 Ito ang akin kautusan, na dapat ninyong mahalin ang isa't isa katulad ng pagmamahal ko sa inyo. 13 Walang sinuman ang nagmahal na hihigit pa rito, na kaniyang inaalay ang kaniyang buhay para sa kaniyang mga kaibigan.
14 Kayo ay mga kaibigan ko kung ginagawa ninyo ang mga bagay na iniuutos ko sa inyo.
-
40 Ang isang alagad ay hindi higit kaysa sa kaniyang guro, ngunit ang bawat isa na ganap na sinanay ay magiging kagaya ng kaniyang guro.
-
57 Habang sila ay papunta sa kanilang daraanan, may nagsabi sa kaniya, “Ako ay susunod sa iyo saan ka man pumunta.”
58 Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Ang mga asong-gubat ay may mga lungga, ang mga ibon sa himpapawid ay may mga pugad, ngunit ang Anak ng Tao ay walang malatagan ng kaniyang ulo.”
59 At sinabi niya sa isa pang tao, “Sumunod ka sa akin.” Ngunit sinabi niya, “Panginoon, hayaan mong ilibing ko muna ang aking ama.”
60 Ngunit sumagot siya sa kaniya, “Hayaan ninyo ang patay na maglibing sa sarili nilang mga patay, ngunit kayo ay humayo at ipahayag sa lahat ng dako ang kaharian ng Diyos.”
61 Isa pang tao naman ay nagsabi din, “Ako ay susunod sa iyo, Panginoon, ngunit hayaan mo muna akong magpaalam sa kanila na nasa aking bahay.”
62 Ngunit si Jesus ay sumagot sa kaniya, “Walang sinumang naglagay ng kaniyang mga kamay sa araro at tumitingin sa likuran, ang karapat-dapat para sa kaharian ng Diyos.”
-
31 Sinabi ni Jesus sa mga Judio na naniwala sa kaniya, “Kapag kayo ay nanatili sa aking salita, kayo nga ay tunay kong mga alagad; 32 at malalaman ninyo ang katotohan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.
-
24 Ang alagad ay hindi nakahihigit sa kaniyang guro, ni mas mataas ang lingkod sa kaniyang amo. 25 Sapat na ang alagad ay maging katulad ng kaniyang guro, at ang lingkod na katulad ng kaniyang amo. Kung tinawag nilang Beelzebub ang amo ng bahay, gaano pa kaya nila ipapahiya ang buo niyang sambahayan!
-
33 Kaya, hindi maaaring maging alagad ko ang sinuman sa inyo na hindi magsusuko ng lahat ng nasa kaniya.
-
28 Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nahihirapan at lubhang nabibigatan at bibigyan ko kayo ng kapahingahan. 29 Dalhin ninyo ang aking pamatok at matuto kayo sa akin sapagkat ako ay mahinahon at may mapagpakumbabang puso at makakamit ninyo ang kapahingahan para sa inyong mga kaluluwa. 30 Sapagkat madali ang aking pamatok at ang aking pasanin ay magaan.”
-
25 Ang nagmamahal sa kaniyang buhay ay mawawalan nito, subali't ang namumuhi sa kaniyang buhay sa mundong ito ay mapapanatili ito para sa walang hanggang buhay. 26 Kung sinuman ang maglingkod sa akin, sumunod siya sa akin, at kung saan ako naroroon, ang aking lingkod ay naroon din. Kung sinuman ang maglingkod sa akin, pararangalan siya ng Ama.
-
34 Binibigyan ko kayo ng isang bagong kautusan, na dapat ninyong mahalin ang bawat isa, kung paano ko kayo minahal, gayundin naman dapat ninyong mahalin ang bawat isa. 35 Sa pamamagitan nito, malalaman ng lahat ng tao na kayo ay aking mga alagad, kung mahahalin niyo ang bawat isa.”
-
12 Pagkatapos hugasan ni Jesus ang kanilang mga paa at kunin ang kaniyang mga damit at muling umupo, sinabi niya sa kanila, “Alam ba ninyo ang ginawa ko para sa inyo? 13 Tinatawag ninyo akong 'Guro' at 'Panginoon', at tama ang sinasabi ninyo, dahil ako nga iyon. 14 Kung ako nga na Panginoon at Guro, ay hinugasan ang iyong mga paa, dapat ninyo ring hugasan ang mga paa ng iba. 15 Dahil binigyan ko kayo ng halimbawa upang dapat gawin din ninyo tulad ng ginawa ko sa inyo. 16 Tunay nga sinasabi ko sa inyo, ang lingkod ay hindi mas matataas sa kaniyang Panginoon; ni ang isinugo ay mas mataas kaysa sa nagsugo sa kaniya. 17 Kung alam mo ang mga bagay na ito, pinagpala ka kung ginagawa mo ang mga ito.
-
29 Dahil ang mga kilala na niya noong una pa man, ay itinalaga din niya na matulad sa imahe ng kaniyang Anak, upang siya ang maging panganay sa maraming magkakapatid. 30 Ang kaniyang mga itinalaga, sila rin ang kaniyang mga tinawag. Ang kaniyang mga tinawag, sila rin ang kaniyang mga pinawalang-sala. Ang kaniyang mga pinawalang-sala, kaniya ring niluwalhati.
-
1 Tularan ninyo ako, gaya ng pagtulad ko kay Cristo.
-
21 Dahil dito kayo tinawag, sapagkat maging si Cristo ay naghirap para sa inyo, nag-iwan ng halimbawa para sa inyo upang sundan ang kaniyang mga dinaraanan.
Shows Read in context, Share and Copy.