Ang mga Huling Propesiya ni Zacarias (continued)
457 B.C.
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
1 Ito ang pahayag ng salita ni Yahweh tungkol sa Israel— ang pahayag ni Yahweh na siyang lumikha ng kalangitan at nagtatag sa pundasyon ng mundo, siya na lumalang sa espiritu ng sangkatauhan sa loob ng tao:
2 “Tingnan mo, gagawin kong isang tasa ang Jerusalem na magdudulot sa lahat ng mga taong nakapalibot sa kaniya para magpasuray-suray; magiging ganito rin ang Juda sa panahon ng paglusob laban sa Jerusalem.
3 Mangyayari ito sa panahong iyon na gagawin kong mabigat na bato ang Jerusalem para sa lahat ng mga tao. Ang sinumang sumubok na magbuhat sa batong iyon ay labis niyang masasaktan ang kaniyang sarili, at magsasama-sama laban sa lungsod na iyon ang lahat ng mga bansa sa mundo.
4 Ito ang pahayag ni Yahweh”— Sa araw na iyon, hahampasin ko ng malaking pagkatakot ang bawat kabayo at ng pagkabaliw ang bawat mangangabayo. Titingin ako ng may kagandahang-loob sa sambahayan ng Juda at bubulagin ang bawat kabayo ng mga hukbo.
5 At sasabihin ng mga pinuno ng Juda sa kanilang mga puso, 'Ang mga naninirahan sa Jerusalem ang aming kalakasan dahil kay Yahweh ng mga hukbo, na kanilang Diyos.'
6 Sa araw na iyon, gagawin kong parang paglutuan sa gitna ng panggatong ang mga pinuno ng Juda at parang umaapoy na sulo sa gitna ng mga nakatayong ginapas na mga trigo, sapagkat tutupukin nila ang lahat ng mga taong nakapalibot sa kanilang kanan at sa kanilang kaliwa. Muling mamumuhay ang Jerusalem sa kanilang sariling lugar. “
7 Unang ililigtas ni Yahweh ang mga tolda ng Juda, upang ang karangalan ng sambahayan ni David at ang karangalan ng mga naninirahan sa Jerusalem ay hindi magiging higit kaysa sa buong Juda. 8 Sa araw na iyon si Yahweh ang magiging taga-pagtanggol ng mga naninirahan sa Jerusalem, at sa araw na iyon ang mga mahihina sa kanila ay magiging tulad ni David, habang ang sambahayan ni David ay magiging tulad ng Diyos, tulad ng anghel ni Yahweh sa harapan nila.
9 “Mangyayari ito sa araw na iyon na sisimulan kong wasakin ang lahat ng bansa na dumating laban sa Jerusalem.”
10 Ngunit ibubuhos ko ang espiritu ng pagkahabag at pagsusumamo sa sambahayan ni David at sa mga naninirahan sa Jerusalem, kaya titingin sila sa akin, na kanilang sinaksak. Tatangis sila para sa akin, gaya ng isang tumatangis para sa nag-iisang anak na lalaki; Mananaghoy sila nang may kapaitan para sa kaniya tulad ng mga nananaghoy sa pagkamatay ng panganay na anak na lalaki.
11 Sa araw na iyon ang mga panaghoy sa Jerusalem ay magiging katulad ng mga panaghoy sa Hagad-rimon sa kapatagan ng Megido. 12 Ang lupain ay tatangis, ang bawat angkan ay hiwalay mula sa ibang mga angkan. Ang angkan ng sambahayan ni David ay ihihiwalay, at ang kanilang mga asawa ay ihihiwalay mula sa mga lalaki. Ang angkan ng sambahayan ni Nathan ay ihihiwalay, at ang kanilang mga asawang babae ay ihihiwalay sa mga lalaki. 13 Ang angkan ng sambahayan ni Levi ay ihihiwalay, at ang kanilang mga asawang babae ay ihihiwalay sa mga lalaki. 14 Lahat ng natitirang mga angkan— ang bawat angkan ay ihihiwalay, at ang kanilang mga asawang babae ay ihihiwalay sa mga lalaki.”
13:1 “Sa araw na iyon, isang bukal ang bubuksan para sa sambahayan ni David at sa mga naninirahan sa Jerusalem, para sa kanilang kasalanan at karumihan. 2 At mangyayari ito sa araw na iyon, “—ito ang pahayag ni Yahweh ng mga hukbo—”na tatanggalin ko ang mga pangalan ng mga diyus-diyosan mula sa lupain upang hindi na sila maalala kailanman. Palalabasin ko rin sa lupain ang mga bulaang propeta at ang kanilang maruming espiritu.
3 Kung magpapatuloy sa pagpapahayag ang sinuman, sasabihin sa kaniya ng kaniyang ama at ina na siyang nagsilang sa kaniya, 'Hindi ka mabubuhay, sapagkat nagsalita ka ng kasinungalingan sa pangalan ni Yahweh!' At ang ama at ina na siyang nagsilang sa kaniya ang sasaksak sa kaniya kapag magpapahayag siya.
4 At mangyayari ito sa araw na iyon na ang bawat propeta ay ikakahiya ang kaniyang pangitain kapag siya ay magpapahayag na. Ang mga propetang ito ay hindi na magsusuot kailanman ng mabalahibong balabal, upang linlangin ang mga tao. 5 Sapagkat sasabihin ng bawat isa, 'Hindi ako isang propeta! Isa akong lalaking nagtatrabaho sa lupa, sapagkat ang lupa ay naging trabaho ko na nang ako ay binata pa lamang!' 6 Ngunit may isang magsasabi sa kaniya, 'Ano ang mga sugat na ito sa pagitan ng iyong mga braso?' at sasagot siya, 'Ako ay nasugatan nang nasa bahay ako ng aking mga kaibigan.”'
7 “Espada! Gisingin mo ang iyong sarili labanan mo ang aking pastol, ang lalaki na nakatayo ng malapit sa akin” —Ito ang pahayag ni Yahweh ng mga hukbo.” Patayin ang pastol, at ang kawan ay magkakawatak-watak! Sapagkat ipipihit ko ang aking kamay laban sa mga mahihina. 8 At mangyayari ito sa buong lupain”— ito ang pahayag ni Yahweh— “na ang dalawa sa tatlong bahagi nito ay mahihiwalay! Ang mga taong iyon ay mamatay; ang ikatlong bahagi lamang ang mananatli doon. 9 Dadalhin ko ang ikatlong bahaging iyon sa apoy at dadalisayin ang mga ito na gaya ng pagdalisay sa pilak; susubukin ko sila gaya ng pagsubok sa ginto. Tatawag sila sa aking pangalan, at sasagutin ko sila at sasabihin, 'Ito ay aking mga tao!' at sasabihin nila, 'Si Yahweh ay aming Diyos!”
14:1 Masdan ninyo! Darating ang araw para kay Yahweh na hahatiin ang iyong sinamsam sa inyong kalagitnaan! 2 Sapagkat titipunin ko ang bawat bansa laban sa Jerusalem para sa isang labanan, at masasakop ang lungsod! Sasamsamin ang mga tahanan at gagawan ng karahasan ang mga kababaihan. Bibihagin ang kalahati ng lungsod, ngunit ang mga matitirang tao ay hindi pupuksain mula sa lungsod.
3 Ngunit lalabas si Yahweh at magtataguyod ng digmaan laban sa mga bansang iyon gaya nang pagtataguyod niya ng digmaan sa panahon ng labanan. 4 Sa araw na iyon, tatayo ang kaniyang mga paa sa Bundok ng mga Olibo, na nasa tabi ng Jerusalem sa silangan. Ang Bundok ng mga Olibo ay mahahati sa pagitan ng silangan at ng kanluran sa pamamagitan ng isang napakalaking lambak, at kalahati ng bundok ay maililipat sa dakong hilaga at ang kalahati sa dakong timog. 5 At kayo ay magsisitakas pababa sa lambak sa pagitan ng mga kabundukan ni Yahweh, sapagkat ang lambak sa pagitan ng mga bundok na iyon ay aabot hanggang sa Azal. Tatakas kayo gaya ng pagtakas ninyo mula sa lindol sa panahon ni Uzias, hari ng Juda. Pagkatapos, darating si Yahweh na aking Diyos, at kasama niya ang lahat ng mga banal.
6 Mangyayari ito sa araw na iyon na hindi na magkakaroon ng liwanag, ngunit wala nang lamig o ni tubig na namumuo sa lamig. 7 Sa araw na iyon, ang araw na si Yahweh lamang ang nakakaalam, hindi na magkakaroon ng umaga o gabi, sapagkat magiging maliwanag sa oras ng gabi.
8 At mangyayari din sa araw na iyon na ang umaagos na tubig ay dadaloy mula sa Jerusalem. Dadaloy ang kalahati ng tubig sa dagat sa silangan, at dadaloy ang kalahati sa dagat sa kanluran, tag-araw man o taglamig. 9 Si Yahweh ang magiging hari sa buong mundo. Sa araw na iyon, naroon si Yahweh, ang nag-iisang Diyos, at ang kaniyang pangalan lamang.
10 Magiging katulad ng Araba ang lahat ng lupain, mula Geba hanggang Rimmon sa timog ng Jerusalem. At patuloy na maitataas ang Jerusalem; mamumuhay siya sa kaniyang sariling lugar, mula sa Tarangkahan ng Benjamin hanggang sa dating kinaroroonan ng unang tarangkahan—na ngayon ay Tarangkahan sa Sulok, at mula sa tore ng Hananel hanggang sa mga pisaan ng ubas ng hari. 11 Maninirahan sa Jerusalem ang mga tao, at hindi na magkakaroon ng lubusang pagkawasak mula sa Diyos laban sa kanila; Mamumuhay ng ligtas ang Jerusalem.
12 Ito ang magiging salot na gagamitin ni Yahweh upang lusubin ang lahat ng tao na nakipagdigma laban sa Jerusalem, mabubulok ang kanilang laman kahit na nakatayo sila sa kanilang mga paa. Mabubulok ang kanilang mga mata sa mga ukit nito, at mabubulok ang kanilang mga dila sa loob ng kanilang mga bibig.
13 Mangyayari ito sa araw na iyon na ang lubhang pagkatakot na magmumula sa Diyos ay darating sa kanila. Susunggaban ng bawat tao ang kamay ng kaniyang kapwa; bawat kamay ay laban sa kaniyang kapwa. 14 Makikipaglaban din ang Juda sa Jerusalem. Titipunin nila ang lahat ng kayamanan ng mga karatig bansa— ginto, pilak, at mga magagandang kasuotan na talagang sagana. 15 Magkakaroon din ng salot ang mga kabayo at ang mga mola, ang mga kamelyo at mga asno, at ang bawat hayop na naroon sa mga kampamentong iyon; dadanasin din ng mga ito ang parehong salot.
16 At mangyayari na lahat ng mananatili sa mga bansang iyon na nakipaglaban sa Jerusalem ay aakyat taun-taon upang sumamba sa hari, kay Yahweh ng mga hukbo, at upang ipagdiwang ang Pista ng mga Tolda. 17 At mangyayari na kung hindi aakyat sa Jerusalem ang sinuman mula sa lahat ng bansa sa mundo upang sumamba sa hari, kay Yahweh ng mga hukbo, hindi magbibigay ng ulan si Yahweh sa kanila. 18 At kung ang bansa ng Egipto ay hindi aakyat, hindi sila magkakaroon ng ulan. Isang salot na magmumula kay Yahweh ang lulusob sa mga bansang hindi aakyat upang ipagdiwang ang Pista ng mga Tolda. 19 Ito ang magiging parusa sa Egipto at ang parusa sa bawat bansa na hindi aakyat upang ipagdiwang ang Pista ng mga Tolda.
20 Ngunit sa araw na iyon, sasabihin ng mga kampanilya ng mga kabayo, “Naitalaga kay Yahweh,” at ang mga palanggana sa tahanan ng Diyos ay magiging tulad ng mangkok sa harap ng altar. 21 Sapagkat itatalaga kay Yahweh ng mga hukbo ang bawat palayok sa Jerusalem at Juda, at ang bawat isa na magdadala ng alay ay kakain at magpapakulo sa mga ito. Hindi na magkakaroon ng mangangalakal sa tahanan ni Yahweh ng mga hukbo sa araw na iyon.
Natuklasan ni Mordecai ang Isang Sabwatan laban kay Artaxerxes
21 Sa panahong iyon, habang si Mordecai ay nakaupo sa tarangkahan ng hari, dalawa sa mga opisyal ng hari na sina Bigtan at Teres, na nagbabantay sa daanan ng pintuan, ay nagalit at naghanap ng paraan para gumawa ng masama kay Haring Assuero.
22 Nang mapag-alaman ni Mordecai ang bagay na ito, sinabihan niya si Reyna Esther, at kinausap ni Esther ang hari sa ngalan ni Mordecai.
23 Ang ulat ay siniyasat at napatunayan, kaya binitay ang dalawang lalaki sa bitayan. Isinulat ang pangyayaring ito sa Aklat ng mga Alaala sa presensya ng hari.