Ang mga Huling Propesiya ni Zacarias

457 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Zacarias 9–11

1 Ito ay isang pahayag na salita ni Yahweh tungkol sa lupain ng Hadrac at Damasco. Sapagkat nasa buong sangkatauhan ang mata ni Yahweh at sa lahat din ng tribo ng Israel. 2 Ang pahayag na ito ay tungkol din sa Hamat, kung saan nasa Damasco ang mga hangganan, at tungkol din ito sa Tiro at Sidon, bagaman napakatalino nila. 3 Nagtayo ang Tiro ng sarili nitong matibay na tanggulan at nagbunton ng pilak tulad ng alabok at nilinang na ginto tulad ng putik sa mga lansangan. 4 Masdan ninyo! Aalisin siya ng Panginoon at wawasakin ang kaniyang kalakasan sa dagat, upang lalamunin siya ng apoy. 5 Makikita ng Ascalon at matatakot! Labis din na manginginig ang Gaza! Mabibigo ang pag-asa ng Ekron! Mamamatay ang hari mula sa Gaza at wala nang maninirahan sa Ascalon! 6 Sinabi ni Yahweh, “Gagawa ang mga dayuhan ng kanilang mga tahanan sa Asdod at aalisin ko ang kayabangan ng mga Filisteo. 7 Sapagkat aalisin ko mula sa kanilang mga bibig ang kanilang dugo at ang kanilang mga kasuklam-suklam mula sa pagitan ng kanilang mga ngipin.'' At sila ang malalabi para sa ating Diyos tulad ng isang angkan sa Juda, at magiging katulad ng mga Jebuseo ang Ekron. 8 Sinasabi ni Yahweh, ''Magtatayo ako ng kampo sa palibot ng aking lupain laban sa mga hukbo ng kaaway kaya walang sinuman ang makadadaan o makakabalik, sapagkat walang mapang-api ang makadadaan dito kailanman. Sapagkat ngayon, babantayan ko na ang aking lupain sa pamamagitan ng aking sariling mga mata!

9 Sumigaw ka nang may labis na kagalakan, anak na babae ng Zion! Sumigaw ka nang may kasiyahan, anak na babae ng Jerusalem! Masdan ninyo! Parating sa inyo ang inyong hari nang may katuwiran at ililigtas kayo. Mapagpakumbaba at sasakay siya sa isang asno, sa anak ng isang asno. 10 At aalisin ko ang karwahe mula sa Efraim at ang kabayo mula sa Jerusalem at aalisin ang pana mula sa digmaan; sapagkat magsasalita siya ng kapayapaan sa mga bansa at mula sa bawat dagat ang kaniyang pamamahala at mula sa Ilog hanggang sa mga dulo ng daigdig! 11 At kayo, dahil sa dugo ng aking tipan sa inyo, pinalaya ko ang inyong mga bilanggo mula sa hukay kung saan walang tubig. 12 Bumalik kayo sa matibay na tanggulan, mga bilanggo ng pag-asa! Kahit ngayon, ihahayag ko na babalik ako ng dalawang beses sa inyo, 13 sapagkat binaluktot ko ang Juda bilang aking pana. Pinuno ko ang aking talanga ng palaso sa pamamagitan ng Efraim. Zion, ginising ko ang iyong mga anak na lalaki laban sa iyong mga anak na lalaki, Grecia, at ikaw Zion, ginawa kitang tulad ng espada ng isang mandirigma!''

14 Magpapakita sa kanila si Yahweh at ipapana ang kaniyang palaso tulad ng kidlat! Sapagkat hihipan ng aking Panginoong Yahweh ang trumpeta at mauuna siya sa mga bagyo mula sa Teman. 15 Ipagtatanggol sila ni Yahweh ng mga hukbo at lilipulin nila sila at tatalunin ang mga bato ng mga tirador. Pagkatapos, iinom sila at sisigaw tulad ng mga kalalakihang lasing sa alak at mapupuno sila ng alak tulad ng mga mangkok sa altar, tulad ng mga sulok ng altar. 16 Kaya, ililigtas sila ni Yahweh na kanilang Diyos sa araw na iyon, magiging katulad sila ng isang kawan na kinabibilangan ng kaniyang mga tao, sapagkat magiging mga hiyas sila ng isang korona, na itinayo sa ibabaw ng kaniyang lupain. 17 Magiging napakabuti at napakaganda nila! Uunlad sa trigo ang mga kabataang lalaki at mga birhen sa matamis na alak!

10:1 Humingi kayo ng ulan kay Yahweh sa panahon ng tag-ulan ng tagsibol —Si Yahweh na siyang gumagawa ng bagyo! — at ipagkakaloob niya ang pagbuhos ng ulan para sa kanila, at sa mga pananim sa kabukiran para sa sangkatauhan. 2 Sapagkat nagsasabi ng kasinungalingan ang mga diyus-diyosang nasa sambahayan; nagsasabi ang mga manghuhula ng pangitaing kasinungalingan; nagsabi sila ng mga mapanlinlang na mga panaginip at nagbibigay ng aliw na walang kabuluhan. Kaya naliligaw sila na kagaya ng tupa at nagdurusa dahil walang pastol. 3 Nagliliyab ang aking poot laban sa mga pastol; ito ay ang mga lalaking kambing—ang mga pinuno— na aking parurusahan. Aalagaan din ni Yahweh ng mga hukbo ang kaniyang kawan, ang sambahayan ni Juda, at gagawin silang kagaya ng kabayong pandigma sa labanan! 4 Magmumula sa kanila ang panulukang bato, magmumula sa kanila ang tulos ng tolda, magmumula sa kanila ang panang pandigma; magmumula sa kanila ang bawat pinuno. 5 Magiging kagaya sila ng mga mandirigmang tinatapakan ang kanilang mga kaaway sa maputik na mga daan sa labanan; makikipagdigma sila sapagkat nasa kanila si Yahweh, at ipahihiya nila ang mga nakasakay sa mga kabayong pandigma. 6 Palalakasin ko ang sambahayan ni Juda at ililigtas ang sambahayan ni Jose; sapagkat panunumbalikin ko sila at magkakaroon ako ng awa sa kanila. Parang hindi ko sila itinakwil, sapagkat Ako si Yahweh ang kanilang Diyos, at ako ay tutugon sa kanila. 7 At magiging katulad ng isang mandirigma ang Efraim, at magagalak ang kanilang mga puso na parang nakainom ng alak; makikita ito ng kanilang mga anak at sila ay magagalak. Magagalak ang kanilang mga puso sa akin. 8 Sisipulan ako sa sila at titipunin, sapagkat sasagipin ko sila at magiging napakarami nila kagaya ng dati. 9 Inihasik ko sila sa mga tao ngunit naalala parin nila ako sa malayong mga bansa. Kaya sila at ang kanilang mga anak ay mabubuhay at makakabalik. 10 Sapagkat panunumbalikin ko muli sila mula sa lupain ng Egipto at titipunin sila mula sa Asiria, dadalhin ko sila sa lupain ng Gilead at Lebanon hanggang sa wala nang silid para sa kanila. 11 Dadaan ako sa dagat ng kanilang kadalamhatian; hahampasin ko ang mga alon sa dagat at patutuyuin ko ang lahat ng kalaliman ng Nilo. Babagsak ang karangyan ng Asiria. At ang kapangyarihan ng setro ng Egipto ay mawawala mula sa mga taga Egipto. 12 Palalakasin ko sila sa aking sarili, at lalakad sila ayon sa aking pangalan. Ito ang pahayag ni Yahweh.

11:1 Buksan mo ang iyong mga pintuan Lebanon, upang tupukin ng apoy ang iyong mga sedar! 2 Managhoy kayong mga puno ng sipres, sapagkat nabuwal na ang mga puno ng sedar! Ang dating karangyaan ay ganap nang nawasak. Managhoy kayo, mga ensina ng Bashan, sapagkat bumagsak na ang matatag na kagubatan. 3 Humahagulgol ang mga pastol sapagkat nawasak na ang kanilang kaluwalhatian. Ang tinig ng batang leon ay umaatungal sapagkat ganap nang nawasak ang ipinagmamalaki ng Ilog Jordan!

4 Ito ang sinabi ni Yahweh na aking Diyos: “Katulad ng isang pastol na nagbabantay sa mga kawan na nakatalaga para katayin. 5 (Ang sinumang bumili at kumatay sa mga ito ay hindi maparurusahan, at sasabihin ng mga nagbenta sa mga ito 'Purihin si Yahweh! Ako ay naging mayaman! Sapagka't walang awa sa kanila ang mga pastol na nagtatrabaho para sa kawan ng may ari.)

6 Sapagkat hindi na ako maaawa sa mga naninirahan sa lupain!” —Ito ang pahayag ni Yahweh” Tingnan mo! Ako mismo ang magpapasakamay ng bawat tao sa mga kamay ng kaniyang kapwa at sa mga kamay ng kaniyang hari. Wawasakin nila ang lupain. Hindi ko sasagipin ang Juda mula sa kanilang kamay.”

7 Kaya ako ang naging pastol ng mga kawan na itinalaga upang katayin, para sa mga nagbebenta ng tupa. Kumuha ako ng dalawang tungkod; ang isang tungkod ay tinawag kong “Kagandahang loob” at ang isa ay tinawag kong “Pagkakaisa.” Sa ganitong paraan ko ipapastol ang mga kawan. 8 Pinatay ko ang tatlong pastol sa loob ng isang buwan, at napagod na ako sa mga may-ari ng tupa, sapagkat kinasuklaman din nila ako. 9 At sinabi ko sa mga may-ari, “Hindi na ako makapagtatagal na magtatrabaho sa inyo bilang isang pastol. Ang mga tupang namamatay hayaan silang mamatay; ang mga tupang napapahamak hayaan silang mapahamak. Hayaan ang mga naiwang tupa na kakainin ang laman ng kanilang kapwa.”

10 Kaya kinuha ko ang aking tungkod ng “Kagandahang loob” at binali ito upang baliin ang kasunduan na aking ginawa sa lahat ng aking mga tribu. 11 Sa araw na iyon ang kasunduan ay nabali, at nalaman ng mga nagtitinda ng tupa at ng mga nanonood sa akin na si Yahweh ang nagsasabi.

12 Sinabi ko sa kanila na “Kung sa palagay ninyong makakabuti sa inyo, bayaran ninyo ang aking sahod. Ngunit kung hindi, huwag ninyong gawin ito.”Kaya tinimbang nila ang aking sahod, tatlumpung piraso ng pilak.

13 Pagkatapos sinabi ni Yahweh sa akin, “ilagay mo ang pilak sa kabang-yaman, ang pinakamahusay na halaga na halagang ibinigay nila sa iyo!” Kaya kinuha ko ang tatlumpung piraso ng pilak at inilagay ko sa kabang-yaman sa tahanan ni Yahweh.

14 Pagkatapos binali ko ang aking pangalawang tungkod ng “Pagkakaisa,” upang baliin ang pagkakapatiran sa pagitan ng Juda at Israel.

15 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Muli, kunin mo ang mga kagamitan ng isang hangal na pastol para sa iyong sarili. 16 Sapagkat tingnan mo, magtatalaga ako ng isang pastol sa lupain, hindi niya pangangalagaan ang mga napapahamak na tupa. Hindi niya hahanapin ang nawawalang tupa o gagamutin man ang mga pilay na tupa. Hindi niya pakakainin ang malusog na tupa, ngunit kakainin niya ang laman ng mga pinatabang tupa at tinatanggal ang kanilang mga kuko. 17 Aba sa mga walang kabuluhang pastol na pinapabayaan ang kawan! Dumating nawa ang espada laban sa kaniyang braso at sa kaniyang kanang mata. Matutuyo nawa ang kaniyang braso at mabubulag nawa ang kaniyang kanang mata!”