Nabigo ang Sabwatan ni Haman

453 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Ester 3–5

1 Pagkatapos ng mga bagay na ito, itinaas ni Haring Assuero ang tungkulin ni Haman na anak na lalaki ni Hammedatha na Agageo, at inilagay ang sentro ng kanyang kapangyarihan na mataas sa lahat ng opisyal na kasama niya. 2 Lahat ng mga lingkod ng hari na nasa tarangkahan ng hari ay palaging lumuluhod at nagpapatirapa kay Haman tulad ng inutos ng hari na gawin nila. Ngunit si Mordecai ay hindi lumuhod ni pinatirapa ang kanyang sarili.

3 Pagkatapos ang mga lingkod ng hari na nasa tarangkahan ng hari ay sinabihan si Mordecai, “Bakit mo sinusuway ang utos ng hari?”

4 Kinausap nila siya araw-araw, ngunit tumanggi siyang sundin ang kanilang kagustuhan. Kaya kinausap nila si Haman upang alamin kung ang usapin tungkol kay Mordecai ay mananatiling ganoon, sapagkat sinabi niya na siya ay isang Judio.

5 Nang makita ni Haman na si Mordecai ay hindi lumuhod at yumuko sa kanya, napuno si Haman ng matinding galit. 6 May paghamak na inisip niya ang pagpatay lamang kay Mordecai, sapagkat sinabi ng mga lingkod ng hari kung sino ang lahi ni Mordecai. Gustong lipulin ni Haman lahat ng mga Judio, ang lahi ni Mordecai, na nasa buong kaharian ni Assuero.

7 Sa unang buwan (iyon ay ang buwan ng Nisan), sa ikalabindalawang taon ni Haring Assuero, nagtapon sila ng Pur—iyon ay, nagpalabunutan sila—sa harapan ni Haman—palabunutan sa bawat araw matapos ang araw at buwan, upang pumili ng araw at buwan— hanggang mapili nila ang ikalabindalawang buwan (ang buwan ng Adar).

8 Pagkatapos sinabi ni Haman kay Haring Assuero, “May isang lahing nagkalat at nakatira sa lahat ng lalawigan ng iyong kaharian. Ang kanilang mga batas ay iba mula sa ibang mga tao, at hindi nila sinusunod ang mga batas ng hari, kaya hindi nararapat para sa hari na hayaan silang manatili. 9 Kung mamarapatin ng hari, magbigay ng utos upang patayin sila, at maglalagay ako ng sampung libong talentong pilak sa kamay ng namamahala sa kalakalan ng hari, upang ilagay nila ito sa kabang-yaman ng hari.”

10 Pagkatapos ay hinubad ng hari ang panselyong singsing sa kanyang kamay at ibinigay ito kay Haman na anak na lalaki ni Hammedatha ng Agageo, ang kaaway ng mga Judio. 11 Sinabi ng hari kay Haman, “Sisiguraduhin kong maibalik ang pera sa iyo at sa iyong lahi. Magagawa mo anuman ang iyong naisin para dito.”

12 Pagkatapos ay pinatawag ang mga manunulat ng hari sa ikalabintatlong araw ng unang buwan, at isang utos na naglalaman ng lahat ng iniutos ni Haman ang sinulat para sa mga panlalawigang gobernador ng hari, iyong mga namumuno sa lahat ng lalawigan, sa mga gobernador ng iba't-ibang mga lahi, at sa lahat ng mga opisyal ng lahat ng tao, sa bawat lalawigan sa sarili nilang pagsulat, at sa bawat tao sa sarili nilang wika. Ito ay isinulat sa pangalan ni Haring Assuero at sinelyuhan ng kanyang singsing.

13 Ang mga kasulatan ay inihatid sa pamamagitan ng tagahatid ng liham sa lahat ng lalawigan ng hari, upang lipulin, patayin, at wasakin ang lahat ng Judio, mula bata hanggang matanda, mga bata at kababaihan, sa isang araw—sa ikalabintatlong araw ng ikalabindalawang buwan (ang buwan ng Adar) —at samsamin ang kanilang mga ari-arian.

14 Ang kopya ng liham ay ginawang batas sa bawat lalawigan. Sa bawat lalawigan ito ay ipinagbigay-alam sa lahat ng mga tao na dapat silang maghahanda para sa araw na ito. 15 Lumabas ang mga tagahatid at nagmadaling ipinamahagi ang kautusan ng hari. Ang batas ay ipinamahagi rin sa palasyo ng Susa. Ang hari at si Haman ay umupo upang uminom, ngunit ang siyudad ng Susa ay nasa kaguluhan.

4:1 Nang malaman ni Mordecai ang lahat ng ginawa, pinunit niya ang kanyang mga damit at isinuot ang telang magaspang at mga abo. Lumabas siya sa gitna ng siyudad, at umiyak ng isang malakas at mapait na iyak. 2 Pumunta lamang siya hanggang sa tarangkahan ng hari, dahil walang sinuman ang pinahihintulutang makadaan dito na nakadamit ng telang magaspang.

3 Sa bawat lalawigan, saan man nakarating ang utos at batas ng hari, mayroong matinding pagluluksa ang mga Judio, may pag-aayuno, iyakan, at taghuyan. Marami sa kanila ang nakahiga sa telang magaspang at mga abo.

4 Nang ang mga kabataang babae ni Esther at kanyang mga lingkod ay dumating at sinabihan siya, ang reyna ay nagdalamhati. Nagpadala siya ng mga damit upang damitan si Mordecai (para mahubad niya ang kanyang telang magaspang), subalit ayaw niyang tanggapin ang mga ito.

5 Pagkatapos pinatawag ni Esther si Hathach, isa sa mga opisyal ng hari na naatasan para paglingkuran siya. Inutusan niya ito na pumunta kay Mordecai para alamin kung ano ang nangyari at ano ang ibig sabihin nito. 6 Kaya nagpunta si Hathach kay Mordecai sa plasa ng siyudad sa harap ng tarangkahan ng hari. 7 Iniulat ni Mordecai sa kanya ang lahat ng nangyari sa kanya, at ang kabuuang halaga ng pilak na pinangako ni Haman para timbangin at ilagay sa pananalapi ng hari upang ipapatay ang mga Judio.

8 Binigyan niya rin siya ng kopya ng batas na nilathala sa Susa para sa pagkawasak ng mga Judio. Ginawa niya ito upang maipakita ito ni Hathach kay Esther, at mabigyan niya siya ng pananagutan ng pagpunta sa hari para hingin ang kanyang pabor, at magmakaawa sa kanya ngalan ng kanyang lahi.

9 Kaya pumunta si Hathach kay Esther at sinabi sa kanya kung ano ang sinabi ni Mordecai.

10 Pagkatapos kinausap ni Esther si Hathach at sinabi sa kanyang bumalik kay Mordecai. 11 Sinabi niya, “Ang lahat ng mga lingkod ng hari at mga tao sa mga lalawigan ng hari ay nakakaalam na kung sinumang lalaki o babae ang pumunta sa hari sa panloob na bulwagan nang hindi pinapatawag, mayroon lamang isang batas: na siya ay dapat patayin—maliban sa sinuman na iunat ng hari sa kaniya ang gintong setro upang mabuhay siya. Hindi pa ako pinapatawag upang pumunta sa hari sa tatlumpung araw na ito.”

12 Kaya iniulat ni Hathach ang sinabi ni Esther kay Mordecai. 13 Pinabalik ni Mordecai ang mensaheng ito: “Hindi mo dapat isipin na sa palasyo ng hari, makakatakas ka higit pa sa ibang mga Judio. 14 Kung mananatili kang tahimik sa oras na ito, ang pagsaklolo at pagliligtas ay darating para sa mga Judio mula sa ibang lugar, subalit ikaw at ang sambahayan ng iyong ama ay mamamatay. Sinong nakakaalam kung dumating ka sa maharlikang kalagayan para sa panahong tulad nito?”

15 Pagkatapos pinadala ni Esther ang mensaheng ito kay Mordecai, 16 “Pumunta ka, tipunin mo ang lahat ng mga Judio na naninirahan sa Susa, at mag-ayuno kayo para sa akin. Huwag kayong kumain o uminom ng tatlong araw, gabi o araw. Ako at ang aking mga kabataang babae ay mag-aayuno sa parehong paraan. Pagkatapos pupunta ako sa hari, kahit na labag ito sa batas. At kung ako ay mamatay, ako ay mamamatay.”

17 Pumunta si Mordecai at ginawa ang lahat ng sinabi ni Esther na kanyang gagawin.

5:1 Makalipas ng tatlong araw, isinuot ni Esther ang kanyang damit pangreyna at nagtungo upang tumayo sa panloob na patyo ng palasyo ng hari, sa tapat ng bahay ng hari. Nakaupo ang hari sa kanyang trono sa loob ng palasyo, paharap sa pasukan ng maharlikang tahanan.

2 Nang makita ng hari si Reyna Esther na nakatayo sa patyo, nakasumpong ito ng pabor sa kanyang paningin. Itinuro niya sa kanya ang kanyang gintong setro na nasa kanyang kamay. Kaya lumapit at hinawakan ni Esther ang dulo ng kanyang setro.

3 Pagkatapos sinabi ng hari sa kanya, “Ano ang nais mo, Reyna Esther? Ano ang iyong kahilingan?” Ibibigay sa iyo hanggang sa kalahati ng aking kaharian.”

4 Sinabi ni Esther, “Kung mamarapatin ng hari, hayaang dumalo ang hari at si Haman sa handaang inihanda ko ngayon para sa kanya.”

5 Pagkatapos sinabi ng hari “Dalhin agad si Haman, upang gawin kung ano ang sinabi ni Esther.” Kaya pumunta ang hari at si Haman sa handaang inihanda ni Esther. 6 Nang inihahain na ang alak sa handaan, sinabi ng hari kay Esther, “Ano ang iyong kahilingan? Ipagkakaloob sa iyo. Ano ang iyong pakiusap? Hanggang kalahati ng aking kaharian, ito ay ipagkakaloob.”

7 Sumagot si Esther, “Ito ang aking kahilingan at pakiusap, 8 kung nakasumpong ako ng pabor sa paningin ng hari at mamarapatin ng hari na ipagkaloob ang aking kahilingan, at igalang ang aking pakiusap. Hayaan na ang hari at si Haman ay dumalo sa ihahanda kong handaan para sa inyo bukas, at sasagutin ko ang katanungan ng hari.”

9 Masayang lumabas si Haman nang araw na iyon at may galak sa puso. Ngunit nang makita ni Haman si Mordecai sa tarangkahan ng hari na hindi tumayo ni hindi nanginig sa takot sa kanyang harapan, napuno siya ng matinding galit laban kay Mordecai.

10 Gayunman, nagtimpi si Haman sa kanyang sarili at umuwi sa kanyang sariling bahay. Pinatawag niya ang kanyang mga kaibigan at tinipon sila, kasama si Zeresh na kanyang asawa. 11 Ipinagmalaki ni Haman sa kanila ang karangyaan ng kanyang kayamanan at ang bilang ng kanyang maraming anak na lalaki, kung paano siya sumulong angat sa lahat ng mga opisyal at mga lingkod ng hari.

12 Sinabi ni Haman, “Kahit si Reyna Esther ay walang ibang inimbita na pumunta maliban sa akin kasama ng hari sa handaan na kanyang inihanda. Kahit bukas muli niya akong inimbitahan kasama ang hari. 13 Ngunit lahat ng ito na aking nararanasan ay walang halaga sa akin, hanggang sa nakikita ko si Mordecai na Judio na nakaupo sa tarangkahan ng hari.”

14 Kaya sinabi ni Zeresh kay Haman na kanyang asawa at sa lahat ng kanyang kaibigan, “Hayaan mo silang gumawa ng bitayang may taas na limampung kubit. Sa umaga makipag-usap ka sa hari na ibitay nila roon si Mordecai. Pagkatapos pumunta kang masaya kasama ng hari sa handaan. Naging kasiya-siya ito kay Haman, at nagpagawa siya ng bitayan.