Kaabahan sa mga Lungsod na Nabigyan ng Pagkakataon

Mga pahayag ng kapahamakan laban sa mga lungsod na nabigyan ng pagkakataon, at ang mga pag-aangkin ni Cristo bilang guro tungkol sa Ama.

Galilea

A.D. 27 hanggang 29

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Mateo 11:20–30

11:20 At sinimulang sawayin ni Jesus ang mga lungsod kung saan nangyari ang karamihan sa mga makapangyarihan niyang gawa dahil sila ay hindi nagsisi. 21 “Sa aba mo, Korazin! Sa aba mo, Bethsaida! Kung ang mga makapangyarihang gawa na ginawa sa inyo ay nangyari sa Tiro at Sidon, noon pa man nagsisi na sana sila sa pamamagitan ng sako at mga abo. 22 Ngunit mas mapagtitiisan pa ang Tiro at Sidon sa araw ng paghuhukom kaysa sa inyo.

23 Ikaw, Capernaum, sa tingin mo ba ay maitataas ka sa langit? Hindi, ikaw ay maibababa sa hades. Kung sa Sodoma ginawa ang mga makapangyarihang gawa na ginawa sa iyo, nananatili pa sana magpahanggang ngayon ang bayan na iyon. 24 Ngunit sinasabi ko sa iyo na mas magiging madali pa para sa lupain ng Sodoma sa araw ng paghuhukom kaysa sa iyo.”

25 Nang mga oras na iyon sinabi ni Jesus, “Pinupuri kita, Ama, Panginoon ng langit at lupa, dahil ikinubli mo ang mga bagay na ito sa mga marurunong at nakauunawa at iyong inihayag ang mga ito sa mga hindi nakapag-aral, tulad ng mga maliliit na bata. 26 Oo, Ama, sapagkat ito ang labis na nakalulugod sa iyong paningin.

27 Lahat ng mga bagay ay ipinagkatiwala sa akin ng aking ama. At walang nakakikilala sa Anak maliban sa Ama at walang nakakikilala sa Ama maliban sa Anak, at sa kahit sinuman na naisin ng Anak na ihayag ang Ama.

28 Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nahihirapan at lubhang nabibigatan at bibigyan ko kayo ng kapahingahan. 29 Dalhin ninyo ang aking pamatok at matuto kayo sa akin sapagkat ako ay mahinahon at may mapagpakumbabang puso at makakamit ninyo ang kapahingahan para sa inyong mga kaluluwa. 30 Sapagkat madali ang aking pamatok at ang aking pasanin ay magaan.”

Pinahiran ng Isang Makasalanang Babae ang mga Paa ni Cristo

Pinahiran ng isang makasalanang babae ang mga paa ni Cristo sa bahay ni Simon, isang Pariseo. Ang talinghaga ng dalawang may utang.

Galilea

Lucas 7:36–50

7:36 Ngayon, may isang Pariseo ang nakiusap kay Jesus na makisalo siya sa kaniya. Kaya nang pumasok si Jesus sa bahay ng Pariseo, sumandal siya sa mesa upang kumain. 37 Masdan ito, may isang babae sa lungsod na makasalan. Nalaman niya na si Jesus ay nakasandal sa hapagkainan sa bahay ng Pariseo, at nagdala siya ng isang alabastro ng pabango. 38 Tumayo siya sa likuran ni Jesus malapit sa kaniyang mga paa at umiyak. At sinimulan niyang basain ng kaniyang mga luha ang kaniyang mga paa, at pinunasan ang mga ito ng kaniyang buhok, hinalikan ang kaniyang mga paa, at binuhusan ang mga ito ng pabango.

39 Nang makita ito ng Pariseong nag-anyaya kay Jesus, inisip niya sa kaniyang sarili, na nagsasabi, “Kung ang taong ito ay isang propeta, malalaman niya sana kung sino at anong klaseng babae ang humahawak sa kaniya, na siya ay isang makasalanan.”

40 Sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya, “Simon, mayroon akong sasabihin sa iyo.” Sinabi niya, “Sabihin mo, Guro!”

41 Sinabi ni Jesus, “May dalawang tao na may utang sa isang taong nagpapahiram. Ang isa ay may utang ng limang daang denaryo, at ang isa ay may utang ng limampung denaryo. 42 Dahil sila ay walang pera na pangbayad, sila ay pareho niyang pinatawad. Kaya, sino sa kanila ang higit na magmamahal sa kanya?”

43 Sinagot siya ni Simon at sinabi, “Sa palagay ko ay ang pinatawad niya nang lubos.” Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Tama ang iyong paghatol.”

44 Humarap si Jesus sa babae at sinabi niya kay Simon, “Nakikita mo itong babae. Ako ay pumasok sa iyong bahay. Hindi mo ako binigyan ng tubig para sa aking mga paa, ngunit siya, ay binasa niya ang aking mga paa sa pamamagitan ng kaniyang mga luha, at pinunasan ang mga ito ng kaniyang buhok. 45 Hindi mo ako binigyan ng isang halik, ngunit siya, mula nang ako ay dumating, ay hindi tumigil sa paghalik sa aking mga paa. 46 Hindi mo binuhusan ng langis ang aking ulo, ngunit binuhusan niya ng pabango ang aking mga paa. 47 Dahil dito, sinasabi ko sa iyo na siya na may maraming kasalanan at pinatawad nang lubos, ay nagmahal din nang lubos. Ngunit siya na pinatawad lamang nang kaunti, ay nagmamahal lamang nang kaunti.”

48 At sinabi niya sa babae, “Napatawad na ang iyong mga kasalanan.”

49 Ang mga magkakasamang nakasandal sa hapag kainan, nagsimulang magsalita sa kanilang mga sarili, “Sino ito na nagpapatawad pa ng mga kasalanan?”

50 At sinabi ni Jesus sa babae, “Ang iyong pananampalataya ang nagligtas sa iyo. Humayo ka nang payapa.”

Naglibot si Jesus sa Galilea sa Ikalawang Pagkakataon

Dito ay naglibot si Jesus sa Galilea sa ikalawang pagkakataon (sa kabuuang tatlo), kasama sa pagkakataong ito ang buong Labindalawa. Pinukaw ng gawain ang matinding pagkapoot ng mga Pariseo. Nagbitiw sila ng mapamusong na paratang na kasabwat ni Satanas si Jesus. Maging ang sariling pamilya ni Jesus ay nangangambang wala siya sa katinuan dahil sa kaguluhan at mga paratang.

Lucas 8:1–3

8:1 Pagkatapos, nangyari agad na si Jesus ay nagsimulang maglakbay sa iba't ibang mga lungsod at mga nayon, nangangaral at nagpapahayag ng magandang balita tungkol sa kaharian ng Diyos at ang Labindalawa ay sumama sa kaniya, 2 at gayundin ang mga ilang kababaihan na napagaling mula sa mga masasamang espiritu at mga karamdaman. Sila ay sina Maria na tinatawag na Magdalena, na mula sa kaniya ay pitong demonyo ang pinalayas, 3 si Juana ang asawa ni Cusa, na tagapangasiwa ni Herodes, si Susana at marami pang ibang mga kababaihan na nagbigay sa kanilang pangangailangan mula sa kanilang sariling mga pinagkukunan.