Nagpadala ng Mensahe si Juan at Pinuri Siya ni Jesus

Ang mensahe mula kay Juan na Tagapagbautismo, at ang papuri ni Jesus sa kaniya.

Galilea

A.D. 27 hanggang 29

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Mateo 11:2–19

11:2 Ngayon, nang marinig ni Juan mula sa bilangguan ang mga bagay tungkol sa mga gawa ng Cristo, nagpadala siya ng mensahe sa pamamagitan ng kaniyang mga alagad 3 at sinabi nito sa kaniya, “Ikaw na nga ba Ang Darating o mayroon pang ibang tao na dapat naming hanapin?”

4 Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, “Humayo kayo at iulat ninyo kay Juan kung ano ang inyong nakita at narinig. 5 Ang mga bulag ay nakatatanggap ng paningin, nakapaglalakad ang mga lumpo, ang mga may ketong ay nagiging malinis, ang mga bingi ay nakaririnig nang muli, ang mga patay ay muling binuhay, at ang mga mahihirap ay nasabihan na tungkol sa mabuting balita.

6 At pinagpala ang sinumang hindi makahahanap ng katitisuran sa akin.”

7 Habang nagtungo ang mga lalaking ito sa kanilang daan, sinimulang sabihin ni Jesus sa mga tao ang tungkol kay Juan, “Ano ang nilabas ninyo sa ilang para makita—isang tambo na inaalog-alog ng hangin?

8 Ngunit ano ang nilabas ninyo para makita—isang lalaki na nakasuot ng malambot na kasuotan? Totoo nga, ang nagsusuot lamang ng ganoong kasuotan ay iyong naninirahan sa bahay ng mga hari.

9 Ngunit ano ang nilabas ninyo para makita—isang propeta? Oo, sinasabi ko sa inyo at mas higit pa sa isang propeta.

10 Siya itong sinasabi sa naisulat, 'Tingnan ninyo, ipadadala ko ang aking mensahero na mauuna sa iyo na siyang maghahanda ng iyong daan.'

11 Sinasabi ko sa inyo, totoo nga na sa lahat ng mga ipinanganak ng mga babae, walang nakahihigit kay Juan na Tagapagbautismo. Ngunit ang pinakahamak na tao sa kaharian ng langit ay mas dakila kaysa sa kaniya. 12 Mula sa mga araw ni Juan na Tagapagbautismo hanggang ngayon, ang kaharian ng langit ay nagdurusa sa karahasan at sapilitan itong kinukuha ng mga taong mararahas. 13 Sapagkat lahat ng mga propeta at ang kautusan ay patuloy na nagpapahayag hanggang kay Juan. 14 At kung nakahanda kayong tanggapin ito, ito ay si Elias na paparating.

15 Ang may taingang pandinig ay makinig.

16 Saan ko dapat ihalintulad ang salinlahing ito? Tulad nito ay mga batang naglalaro sa may pamilihan, na nakaupo at tinatawag ang isa't isa

17 at magsasabi, 'Kami ay tumugtog ng plauta para sa inyo ngunit hindi kayo nagsayaw. Kami ay nagluksa ngunit hindi kayo tumangis.'

18 Sapagkat dumating si Juan na hindi kumakain ng tinapay ni umiinom ng alak, at sasabihin nilang, 'May demonyo siya.'

19 Ang Anak ng Tao ay dumating na kumakain at umiinom at sinasabi nilang, 'Tingnan ninyo, siya ay napakatakaw na tao at lasenggero, kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan!' Ngunit ang karunungan ay napawalang-sala sa pamamagitan ng kaniyang mga gawa.”

Lucas 7:18–35

7:18 Sinabi kay Juan ng mga alagad niya ang lahat ng mga bagay na ito. 19 Pagkatapos ay tinawag ni Juan ang dalawa sa kaniyang mga alagad at sila ay pinapunta sa Panginoon upang sabihin, “Ikaw ba ang Siyang Darating, o mayroon pa bang iba na aming hahanapin?”

20 Nang malapit na sila kay Jesus, sinabi ng mga lalaki, “Kami ay ipinadala ni Juan na Tagapag-bautismo sa iyo upang sabihin, 'Ikaw ba ang Siyang Darating, o mayroon pang ibang tao na aming hahanapin?”'

21 Sa oras na iyon siya ay nagpagaling ng maraming tao mula sa pagkakasakit at mga paghihirap at mula sa mga masamang espiritu, at maraming mga bulag ang kaniyang binigyan ng paningin.

22 Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, “Kapag nakaalis na kayo, ibalita ninyo kay Juan kung ano ang inyong nakita at narinig. Ang mga bulag ay nakatatanggap ng paningin, ang mga pilay ay nakakalakad, ang mga ketongin ay nalilinis, ang mga bingi ay nakaririnig, ang mga patay ay nabuhay, at ibinabahagi ang magandang balita sa mga taong mahihirap.

23 Pinagpala ang taong hindi tumitigil sa pananampalataya sa akin dahil sa aking mga ginawa.”

24 Pagkatapos nang umalis ang mga tagapagbalita ni Juan, si Jesus ay nagsimulang magsalita sa maraming tao tungkol kay Juan, “Ano ang ipinunta ninyo sa disyerto upang makita, isang tambo na inaalog ng hangin?

25 Ngunit ano ang ipinunta ninyo upang makita, isang taong nakadamit ng marilag na kasuotan? Tingnan ninyo, ang mga taong nagsusuot ng marilag na damit at namumuhay sa karangyaan ay nakatira sa palasyo ng mga hari.

26 Ngunit ano ang ipinunta ninyo upang makita, isang propeta? Oo, sinasabi ko sa inyo, at higit pa sa isang propeta.

27 Siya ang tinutukoy sa nasusulat, 'Tingnan mo, aking ipinapadala ang aking mensahero na mauuna sa iyo, na siyang maghahanda sa iyong daraanan bago ka dumating.'

28 Sinasabi ko sa inyo, sa mga ipinanganak ng mga babae, walang mas hihigit kay Juan, ngunit ang pinakamababang tao sa kaharian ng Diyos ay mas higit pa sa kaniya.”

29 Nang marinig ito ng lahat ng tao, kabilang ang mga maniningil ng buwis, ipinahayag nila na ang Diyos ay matuwid. Sila ay kabilang sa mga nabautismuhan sa bautismo ni Juan. 30 Ngunit ang mga Pariseo at ang mga dalubhasa sa kautusan ng mga Judio, na hindi niya nabautismuhan, ay tinanggihan ang karunungan ng Diyos para sa kanilang mga sarili.

31 “Sa ano ko ihahambing ang mga tao sa salinlahing ito? Ano ang katulad nila?

32 Katulad sila ng mga batang naglalaro sa pamilihan, na umuupo at tumatawag sa bawat isa at sinasabi, 'Tumugtog kami ng plauta para sa inyo, ngunit hindi kayo sumayaw. Nagdalamhati kami, ngunit hindi kayo umiyak.'

33 Sapagkat naparito si Juan na Tagapagbautismo na hindi kumakain ng tinapay at hindi umiinom ng alak, at inyong sinabi, 'Siya ay may demonyo.'

34 Ang Anak ng Tao ay dumating na kumakain at uminom at inyong sinabi, 'Masdan ninyo, siya ay isang napakatakaw na tao at isang manginginom, isang kaibigan ng mga maniningil ng buwis at mga makasalanan!'

35 Ngunit ang karunungan ay napawalang-sala ng lahat ng kaniyang mga anak.”