Pinagaling ni Jesus ang Lingkod ng Isang Senturyon sa Capernaum

Dito natin makikita ang mabilis na paglawak ng impluwensiya ni Cristo at ang pagtatanong ni Juan na Tagapagbautismo mula sa bilangguan.

A.D. 27 hanggang 29

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Mateo 8:5–13

8:5 Pagpasok ni Jesus sa Capernaum, isang senturion ang lumapit at kumausap sa kaniya

6 na nagsasabin, “Panginoon, ang aking lingkod ay nakaratay sa bahay, paralisado at lubhang nahihirapan.”

7 Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Pupunta ako at pagagalingin ko siya.”

8 Sumagot ang senturion at sinabing, “Panginoon, hindi ako karapat-dapat na papasukin ka sa ilalim ng aking bubong, sabihin mo lamang ang salita at gagaling na ang aking lingkod.

9 Sapagkat ako ma'y isang taong nasa ilalim ng kapangyarihan at may mga kawal ako na napapasailalim sa akin. Sinasabi ko sa isa, 'Humayo ka' at siya ay humayo, sa isa 'Halika' at siya ay lalapit at sa aking lingkod 'Gawin mo ito' at ginawa nga niya.”

10 Nang marinig ito ni Jesus, siya ay namangha at kaniyang sinabi sa mga taong sumusunod sa kaniya, “Totoo ito sasabihin ko sa inyo, hindi pa ako nakakita ng may ganitong pananampalataya sa Israel. 11 Sinasabi ko sa inyo, maraming darating mula sa silangan at kanluran at sila ay sasandal sa mesa ni Abraham, Isaac at Jacob sa kaharian ng langit. 12 Ngunit ang mga anak ng kaharian ay ipatatapon sa kadiliman sa labas na kung saan may pagtangis at pagngangalit ng ngipin.”

13 Sinabi ni Jesus sa senturion, “Humayo ka! Mangyari sa iyo ang naaayon sa iyong pinaniwalaan.” At gumaling nga ang kaniyang lingkod sa ganap na oras na iyon.

Lucas 7:1–10

7:1 Pagkatapos ng lahat ng mga bagay na sinabi ni Jesus sa mga taong nakikinig, pumunta siya sa Capernaum. 2 Isang alipin ng senturion, na mahalaga sa kaniya ang may malubhang sakit at nasa bingit na ng kamatayan. 3 Ngunit nang mabalitaan ang tungkol kay Jesus, nagsugo ang senturion sa kaniya ng mga nakatatanda ng mga Judio upang pakiusapan siya na pumunta at iligtas sa kamatayan ang kaniyang alipin.

4 Nang malapit na sila kay Jesus, taimtim silang nakiusap sa kaniya, na nagsasabi, “Karapat-dapat na gawin mo ito sa kaniya,

5 dahil mahal niya ang aming bansa, at isa siya sa nagtayo ng sinagoga para sa amin.”

6 Kaya si Jesus ay nagpatuloy sa kaniyang lakad kasama nila. Ngunit nang malapit na siya sa bahay, ang senturion ay nagpadala ng mga kaibigan para sabihin sa kaniya, “Panginoon, huwag na kayong mag-abala, dahil hindi ako karapat-dapat na puntahan sa aking tahanan. 7 Sa dahilang ito, hindi ko rin inisip na karapat-dapat ako na humarap man lamang sa iyo, magbigay lang kayo ng salita at gagaling na ang aking alipin.

8 Sapagkat ako rin ay isang tao na itinalaga sa ilalim ng isang may kapangyarihan at may mga kawal sa ilalim ko. Kapag sinabi ko sa isa, 'Pumunta ka,' pupunta siya roon, at sa isa naman, 'Halika,' at lumalapit siya, at sa aking alipin, 'Gawin mo ito,' ginagawa niya ito.''

9 Nang marinig ito ni Jesus, siya ay namangha sa kaniya, at habang humarap sa mga maraming taong sumusunod sa kaniya, sinabi niya, “Sinasabi ko sa inyo, hindi pa ako nakakita ng may ganitong kalaking pananampalataya kahit na sa Israel.” 10 Pagkatapos, bumalik sa bahay ang mga isinugo at natagpuang magaling na ang alipin.

Muling Binuhay ni Jesus ang Anak na Lalaki ng Isang Balo sa Nain

Lucas 7:11–17

7:11 Ilang panahon pagkatapos nito, nangyari na si Jesus ay naglakbay sa lungsod na tinatawag na Nain. Ang kaniyang mga alagad ay sumama sa kaniya kasama ang maraming mga tao. 12 Nang palapit na siya sa tarangkahan papasok ng lungsod, masdan ito, isang taong patay ang dinadala palabas, ang kaisa-isang anak ng kaniyang ina. Siya ay isang balo, at kasama niya ang isang malaking grupo ng mga tao na galing sa lungsod.

13 Pagkakita sa kaniya, ang Panginoon ay labis na nahabag sa kaniya at sinabi sa kaniya, “Huwag kang umiyak.” 14 Pagkatapos lumapit siya at hinipo ang kinalalagyan ng bangkay, at ang mga nagdadala ay napatigil. Sinabi niya, “Binata, sinasabi ko sa iyo, bumangon ka.” 15 Ang taong patay ay bumangon at nagsimulang magsalita. At ibinigay siya ni Jesus sa kaniyang ina.

16 At silang lahat ay nadaig ng takot. Nagpatuloy silang nagpuri sa Diyos, na nagsasabi, “Isang dakilang propeta ang nakasama natin” at “Tiningnan ng Diyos ang kaniyang mga tao.” 17 Itong balita tungkol kay Jesus ay kumalat sa buong Judea at sa lahat ng kalapit na mga rehiyon.