Ang Sermon sa Bundok

Ang Sermon sa Bundok: ang mga pribilehiyo at mga kinakailangan sa paghahari ng Mesias, at ang pamantayan ni Cristo sa katuwiran.

Isang patag na lugar sa isang bundok, hindi malayo sa Capernaum

A.D. 27 hanggang 29

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Mateo 5:1–8:1

Ang Lugar at ang mga Tagapakinig

5:1 Noong nakita ni Jesus ang maraming tao, umakyat siya sa bundok. Nang makaupo na siya, lumapit sa kaniya ang mga alagad niya.

2 Nagsalita siya at tinuruan sila na sinasabi,

Ang mga Pahayag ng Pagpapala at ng Kaabahan

Ang panimula: ang mga pahayag ng pagpapala at ng kaabahan, ang mga pribilehiyo ng mga nasasakupan ng Mesias.

3 “Pinagpala ang mahihirap sa espiritu, sapagkat sa kanila ang kaharian ng langit.

4 Pinagpala ang mga nagdadalamhati sapagkat sila ay aaliwin. 5 Pinagpala ang mga maamo, sapagkat mamanahin nila ang mundo.

6 Pinagpala ang mga nagugutom at nauuhaw sa katuwiran, sapagkat sila ay bubusugin. 7 Pinagpala ang mga mahabagin sapagkat sila ay kahahabagan.

8 Pinagpala ang may pusong dalisay, sapagkat makikita nila ang Diyos. 9 Pinagpala ang mga mapagpayapa, sapagkat tatawagin silang mga anak ng Diyos.

10 Pinagpala ang mga inuusig alang-alang sa katuwiran, sapagkat sa kanila ang kaharian ng langit.

11 Pinagpala kayo kung inaalipusta kayo at inuusig ng mga tao o pagsalitaan ng lahat ng uri ng mga masasamang bagay na pawang mga kasinungalingan ng dahil sa akin.

12 Magsaya kayo at labis na magalak sapagkat malaki ang inyong gantimpala sa langit. Sapagkat sa ganitong paraan inusig ng mga tao ang mga propetang nabuhay noon bago pa kayo.

Ang Pamantayan ni Cristo sa Katuwiran

Ang tema ng sermon: ang pamantayan ni Cristo sa katuwiran, na kaiba sa pamantayan ng mga eskriba at mga Pariseo.

13 Kayo ang asin ng mundo. Ngunit kung nawala ang lasa ng asin, paano muling maibabalik ang alat nito? Wala na itong pakinabang pa kundi itapon at tapak-tapakan ng mga tao.

14 Kayo ang ilaw ng mundo. Ang lungsod na nakatayo sa isang burol ay hindi maitatago. 15 Ni hindi nagsisindi ang mga tao ng lampara at ilagay sa loob ng basket, bagkus sa isang patungan ng ilawan, at magliliwanag ito sa lahat ng nasa bahay. 16 Hayaan ninyong magliwanag ang inyong ilaw sa harapan ng mga tao sa paraang makikita nila ang inyong mga mabubuting gawa at papurihin ang inyong Amang nasa langit.

17 Huwag ninyong isipin na pumarito ako upang sirain ang kautusan o ang mga propeta. Naparito ako hindi upang sirain ang mga ito kundi upang ito ay tuparin. 18 Sapagkat totoo itong sinasabi ko sa inyo, hanggang hindi lilipas ang langit at lupa, wala ni isang tuldok o kudlit man ang mawawala sa kautusan, hanggang sa ang lahat ng mga bagay ay maganap.

19 Kung gayon, sinuman ang lalabag ng kahit isa sa kaliit-liitan sa mga kautusang ito at nagtuturo sa iba na gawin ang paglabag nito ay tatawaging pinakahamak sa kaharian ng langit. Ngunit ang sinumang tumupad sa mga ito at itinuturo sa iba na tupariin ito ay tatawaging dakila sa kaharian ng langit. 20 Sapagkat sinasabi ko sa inyo na hangga't hindi hihigit ang inyong katuwiran sa katuwiran ng mga eskriba at mga Pariseo, hindi kayo makakapasok sa kaharian ng langit.

Higit ang Etika ni Cristo sa Turo ng mga Eskriba

Ang turo ni Cristo tungkol sa etika ay nakahihigit sa turo ng mga eskriba (kapuwa ang Lumang Tipan at ang batas na ipinapasa nang pasalita), sa anim na paksa o halimbawa: pagpatay, pangangalunya, diborsiyo, mga panunumpa, pagganti, at pagmamahal sa mga kaaway.

21 Inyong narinig na sinabi sa kanila noong mga unang panahon, 'Huwag kang pumatay,' at 'Sinumang papatay ay manganganib sa paghuhukom.' 22 Ngunit sinasabi ko sa inyo na sinumang magalit sa kaniyang kapatid ay manganganib sa paghuhukom. At kung sinuman ang magsabi sa kaniyang kapatid na, 'Wala kang kuwentang tao!' ay manganganib sa konseho. At sinumang magsabi ng, 'Hangal ka!' ay manganganib sa apoy ng impiyerno.

23 Kaya kung ikaw ay naghahandog ng iyong kaloob sa altar at maalala mo doon ang iyong kapatid na may anumang bagay laban sa iyo, 24 iwan mo doon ang iyong kaloob sa harap ng altar at humayo ka. Makipag-ayos ka muna sa iyong kapatid, pagkatapos ay pumunta ka at ihandog mo ang iyong kaloob.

25 Makipagkasundo ka agad sa nagsakdal sa iyo habang siya ay kasama mo pa sa daan patungo sa hukuman, o ipapasakamay ka ng nagsakdal sa iyo sa hukom at ipapasakamay ka ng hukom sa pinuno at ikaw ay ipapatapon sa bilangguan. 26 Totoo itong sinasabi ko sa inyo, hindi ka kailanman makalalabas doon hanggang mapagbayaran mo ang kahuli-hulihang salapi na iyong inutang.

27 Narinig ninyo na sinabi, 'Huwag kang mangangalunya.' 28 Ngunit sinasabi ko sa inyo, sinumang tumingin sa isang babae upang siya ay pagnasaan ay nangalunya sa babaing iyon sa kaniyang puso. 29 At kung ang iyong kanang mata ang nagiging sanhi ng iyong pagkatisod, dukutin mo ito at itapon sa malayo sapagkat mas mabuti para sa iyo na mapahamak ang isa sa mga bahagi ng iyong katawan kaysa maitapon ang buo mong katawan sa impiyerno. 30 At kung ang iyong kanang kamay ang sanhi ng iyong pagkadapa, putulin mo ito at itapon sa malayo. Sapagkat mas mabuti na mapahamak ang isa sa mga bahagi ng iyong katawan kaysa ang buo mong katawan ay mapunta sa impiyerno.

31 At sinabi din, 'Kung sinuman ang magpalayas sa kaniyang asawang babae, dapat niya itong bigyan ng kasulatan ng paghihiwalay.' 32 Ngunit sinasabi ko sa inyo, sinumang makipaghiwalay sa kaniyang asawang babae maliban lamang kung sa sekswal na imoralidad ang dahilan nito ay nagiging sanhi ng pangangalunya ng kaniyang asawa. At kung sinumang magpakasal sa kaniya pagkatapos siyang hiwalayan ay nangangalunya rin.

33 Narinig ninyo rin na sinabi nang mga tao noong unang panahon, 'Huwag kang manunumpa ng kasinungalingan ngunit tuparin mo ang iyong mga sumpa sa Panginoon.' 34 Ngunit sinasabi ko sa inyo, huwag na lamang kayong manumpa, huwag sa langit dahil ito ang trono ng Diyos, 35 huwag sa lupa dahil ito ang tapakan ng kaniyang mga paa, huwag din sa Jerusalem dahil ito ang lungsod ng dakilang Hari. 36 Huwag ka ring manumpa sa pamamagitan ng iyong ulo sapagkat ni isa mang buhok ay hindi mo kayang gawing puti o itim. 37 Ngunit hayaan mo ang iyong salita ay maging, 'Oo, kung oo' o 'Hindi, kung hindi.' Anuman ang lalabis pa sa mga ito ay galing sa kaniya na masama.

38 Narinig ninyo itong sinabi, 'Mata para sa mata at ngipin para sa ngipin.' 39 Ngunit sinasabi ko sa inyo, huwag ninyong labanan ang taong masama, sa halip, sinumang sumampal sa iyong kanang pisngi, iharap mo rin sa kaniya ang kabila. 40 At kung hiniling ng sinuman na magpunta sa hukuman kasama ka at kunin ang iyong tuniko, hayaan mo rin na mapasakaniya ang iyong balabal. 41 At sinumang pumilit sa iyo na maglakad ng isang milya, lumakad ka ng dalawang milya kasama niya. 42 Ibigay mo ang nanghihingi sa iyo at huwag mong talikuran ang sinumang nanghihiram sa iyo.

43 Inyong narinig na sinabing, 'Mahalin ninyo ang inyong kapwa at kamuhian ang inyong kaaway.'

44 Ngunit sinasabi ko sa inyo, mahalin ninyo ang inyong mga kaaway at ipanalangin ang mga umuusig sa inyo,

45 upang magiging mga anak kayo ng inyong Amang nasa langit, sapagkat pinasisikat niya ang kaniyang araw sa mga masama at mabuti at kaniyang ipinadadala ang ulan sa mga matutuwid at sa mga hindi matutuwid.

46 Sapagkat kung mamahalin ninyo lamang ang mga nagmamahal sa inyo, anong gantimpala ang inyong makakamit? Hindi ba't ganiyan din ang ginagawa ng mga maniningil ng buwis?

47 At kung ang mga kapatid ninyo lamang ang inyong babatiin, ano ang ginawa ninyo na higit sa iba? Hindi ba't ganiyan din ang ginagawa ng mga Gentil?

48 Kaya dapat kayong maging ganap sapagkat ang inyong Amang nasa langit ay ganap.

Tunay na Katuwiran Laban sa Mapagpasikat na Pagpapaimbabaw

Ang pagsasagawa ng tunay na katuwiran, na kaiba sa mapagpasikat na pagpapaimbabaw ng mga Pariseo, gaya ng sa pagbibigay sa mga nangangailangan, pananalangin, at pag-aayuno.

6:1 Pag-ingatan ninyo na hindi ninyo gawin ang inyong mga gawain ng katuwiran sa harap ng mga tao upang makita nila ito, kung hindi ay wala kayong matatanggap na gantimpala mula sa Ama na nasa langit.

2 Kung magbibigay ka ng mga limos, huwag mong patunugin ang isang trumpeta para sa iyong sarili tulad ng ginagawa ng mga mapagpanggap sa mga sinagoga at sa mga lansangan, upang sumakanila ang papuri ng mga tao. Totoo itong sasabihin ko sa inyo, natanggap na nila ang kanilang gantimpala. 3 Ngunit kung magbibigay ka ng mga limos, huwag mong hayaang malaman ng kaliwang kamay ang ginagawa ng iyong kanang kamay, 4 upang maibigay mo nang lihim ang iyong handog. At ang iyong Ama na nakakakita sa lihim ang gagantimpala sa iyo.

5 At kung manalangin kayo, huwag kayong maging katulad ng mga mapagpanggap, sapagkat nais nilang tumayo at manalangin sa mga sinagoga at mga sulok ng lansangan upang makita ng mga tao. Totoo itong sinasabi ko sa inyo, natanggap na nila ang kanilang gantimpala. 6 Ngunit ikaw, kung mananalangin ka, pumasok ka sa loob ng iyong silid. Isara ang pinto at manalangin ka sa iyong Ama na nasa lihim. At ang iyong Ama na nakakakita sa lihim ang gagantimpala sa inyo.

7 At kung mananalangin kayo, huwag kayong gumamit ng paulit-ulit ng mga walang kabuluhang salita tulad ng ginagawa ng mga Gentil, sapagkat iniisip nila na mas maririnig sila dahil sa dami ng kanilang sinasabi. 8 Kaya, huwag kayong maging katulad nila, sapagkat alam ng inyong Ama ang mga bagay na inyong kailangan bago pa ninyo hilingin sa kaniya.

9 Kaya manalangin kayo ng katulad nito: 'Ama naming nasa langit, gawing banal ang iyong pangalan. 10 Pumarito ang inyong kaharian, mangyari ang iyong kalooban, dito sa lupa katulad ng sa langit. 11 Bigyan mo kami ngayon ng aming pang araw-araw na pagkain. 12 Patawarin mo kami sa aming mga pagkakautang katulad din ng pagpapatawad namin sa mga nagkautang sa amin. 13 At huwag mo kaming dalhin sa tukso, ngunit iligtas mo mula sa masama.

14 Sapagkat kung patatawarin ninyo ang pagkakasala ng mga tao, patatawarin din kayo ng Ama na nasa langit. 15 Ngunit kung hindi ninyo patatawarin ang kanilang pagkakasala, maging ang inyong Ama ay hindi rin patatawarin ang inyong pagkakasala.

16 Bukod doon, kung mag-aayuno kayo, huwag kayong magmukhang nagdadalamhati katulad ng ginagawa ng mga mapagpanggap, sapagkat dinudungisan nila ang kanilang mga mukha upang makita ng mga taong nag-aayuno sila. Totoo itong sasabihin ko sa inyo, natanggap na nila ang kanilang gantimpala. 17 Ngunit ikaw, kung mag-aayuno ka, lagyan mo ng langis ang iyong ulo at maghilamos ka. 18 Sa ganoon ay hindi ka mapansin ng mga tao na nag-aayuno, ngunit sa iyong Ama na nasa lihim lamang. At gagantimpalaan ka ng iyong Ama na nakakakita sa lihim.

Buong-pusong Debosyon sa Diyos

Buong-pusong debosyon sa Diyos, na salungat sa mga makamundong layunin at alalahanin.

19 Huwag kayong mag-ipon ng mga kayamanan para sa inyong sarili dito sa lupa, kung saan sisirain ng tanga at kalawang, at kung saan papasukin at nanakawin ng mga magnanakaw. 20 Sa halip, mag-ipon para sa inyong sarili ng mga kayamanan sa langit, kung saan maging mga tanga ni kalawang ay di kayang sirain, at kung saan ang mga magnanakaw ay di kayang pasukin at nakawin. 21 Sapagkat kung saan naroon ang iyong kayamanan, naroon din ang iyong puso.

22 Ang mata ay ang ilaw ng katawan. Kaya kung mabuti ang inyong mata, mapupuno ng liwanag ang buong katawan. 23 Ngunit kung masama ang inyong mata, ang inyong buong katawan ay puno ng kadiliman. Kaya kung ang liwanag na nasa inyo ay pawang kadiliman, napakatindi ng kadilimang iyon!

24 Walang sinuman ang maaaring maglingkod sa dalawang amo, sapagkat kakamuhian niya ang isa at mamahalin ang isa, o di kaya tapat siya sa isa at hahamakin ang isa. Hindi ninyo maaaring paglingkuran ang Diyos at ang kayamanan.

25 Ngayon sasabihin ko sa inyo, huwag kayong mabalisa sa inyong buhay, kung ano ang inyong kakainin o ang inyong iinumin—o tungkol sa inyong katawan, kung ano ang inyong isusuot. Sapagkat hindi ba mas higit ang buhay kaysa sa pagkain, at ang katawan kaysa sa mga damit? 26 Tingnan ninyo ang mga ibon sa himpapawid. Hindi sila nagtatanim o nag-aani ni nag-iipon sa mga kamalig, ngunit pinapakain sila ng inyong Ama na nasa langit. Hindi ba higit kayong mahalaga kaysa sa kanila? 27 At sino sa inyo ang kayang dagdagan ng isang siko ang haba ng kaniyang buhay sa pamamagitan ng pagkabalisa?

28 At bakit kayo nababalisa tungkol sa inyong kasuotan? Isipin ninyo ang mga liryo sa mga bukirin kung papaano sila tumubo. Hindi sila nagtatrabaho, at hindi sila gumagawa ng damit. 29 Gayon pa man, sinasabi ko sa inyo, kahit na si Solomon sa lahat ng kaniyang kaluwalhatian ay hindi nakapagsuot ng tulad sa isa sa mga ito. 30 Kung ganoong dinadamitan ng Diyos ang mga damo sa bukirin, na nabubuhay ngayon at itatapon sa hurno kinabukasan, gaano pa kaya na kayo ay higit na kaniyang dadamitan, kayong may maliit na pananampalataya?

31 Kaya huwag kayong mabalisa at sabihin, 'Ano ang aming kakainin?' o 'Ano ang aming iinumin?' o di kaya, 'Ano ang isusuot naming mga damit?' 32 Sapagkat hinahanap ng mga Gentil ang mga bagay na ito, at alam ng iyong makalangit na Ama na kailangan ninyo ang lahat ng mga ito. 33 Sapagkat hanapin muna ninyo ang kaniyang kaharian at ang kaniyang katuwiran at ang lahat na ito ay maibibigay sa inyo.

34 Kaya huwag kayong mabahala sa kinabukasan, sapagkat ang bukas ang mababahala sa kaniyang sarili. Ang bawat araw ay may sapat na sariliing kaguluhan.

Pamimintas, o Paghatol sa Iba

7:1 Huwag kayong humatol, at kayo ay hindi hahatulan. 2 Sapagkat ang paghatol na iyong inihatol ay siyang ihahatol sa inyo. At ang panukat na inyong ginamit ay siya ring panukat na gagamitin sa inyo.

3 At bakit mo tinitingnan ang maliit na pirasong dayami na nasa mata ng iyong kapatid, ngunit hindi mo napapansin ang troso na nasa sarili mong mata?

4 Paano mo sasabihin sa iyong kapatid, 'Hayaan mo akong alisin ang pirasong dayami na nasa iyong mata,' habang ang troso ay nasa iyong mata? 5 Mapagpanggap ka! Alisin mo muna ang troso sa iyong mata, at pagkatapos ay malinaw kang makakakita upang alisin ang piraso ng dayami na nasa mata ng iyong kapatid.

6 Huwag ninyong ibigay ang anumang banal sa mga aso, at huwag ninyong ihagis ang inyong mga perlas sa harapan ng mga baboy. Kung hindi, ito ay tatapak-tapakan lang nila, at kayo ay babalingan at pagpipira-pirasuhin.

Panalangin at ang Gintong Aral

7 Humingi kayo, at ito ay ibibigay sa inyo. Humanap kayo, at kayo ay makakatagpo. Kumatok kayo, at bubuksan ito para sa inyo. 8 Sapagkat ang lahat na humihingi, ay makatatanggap. At ang lahat na maghahanap, ay makakatagpo. At sa kanila na kumakatok, ito ay mabubuksan.

9 O anong tao sa inyo na kapag humingi ng tinapay ang kaniyang anak ay bibigyan niya ng bato? 10 O kapag humihingi siya ng isda, ay bibigyan niya ng ahas? 11 Kaya kung kayong mga masasama ay marunong magbigay ng mga mabubuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Amang nasa langit na nagbibigay ng mga mabubuting bagay sa mga humihingi sa kaniya?

12 Kaya kung anuman ang gusto inyong gawin ng mga tao sa inyo, ganoon din ang gawin ninyo sa kanila, sapagkat ito ang sa kautusan at ng mga propeta.

Nagtatapos ang Sermon sa Makapangyarihang mga Talinghaga

Ang pagtatapos ng sermon: ang aral tungkol sa personal na katuwiran, na idinidiin sa pamamagitan ng makapangyarihang mga talinghaga.

13 Pumasok kayo sa makipot na tarangkahan. Sapagkat malawak ang tarangkahan at malapad ang daan patungo sa kapahamakan, at maraming tao ang dumaraan doon. 14 Subalit makitid ang tarangkahan at makitid ang daan na patungo sa buhay, at kakaunti ang nakakahanap nito.

15 Mag-ingat kayo sa mga bulaang propeta, na darating sa inyo na nakadamit na parang mga tupa ngunit ang katotohanan ay para silang mga gutom na gutom na mga lobo. 16 Sa pamamagitan ng kanilang mga bunga sila ay inyong makikilala. Makapipitas ba ang tao ng mga ubas mula sa puno ng dawag, o ng mga igos sa mga matitinik na halaman? 17 Sa gayon ding paraan, ang lahat ng puno na namumunga ng mabuti ay mabuti, ngunit ang masamang puno ay namumunga ng masamang bunga.

18 Ang mabuting puno ay hindi maaaring magbunga ng masamang bunga, hindi rin magbubunga ng mabuti ang masamang puno.

19 Bawat puno na hindi namumunga ng mabuting bunga ay puputulin at itatapon sa apoy.

20 Sa gayon, makikilala ninyo sila sa pamamagitan nang kanilang mga bunga.

21 Hindi lahat ng nagsasabi sa akin, 'Panginoon, Panginoon,' ay makakapasok sa kaharian ng langit, kundi ang gumagawa lamang sa kagustuhan ng aking Amang nasa langit. 22 Maraming tao ang magsasabi sa akin sa araw na iyon, 'Panginoon, Panginoon, hindi ba kami nagsabi ng propesiya sa iyong pangalan, sa iyong pangalan ay nagpalayas ng mga demonyo, at sa iyong pangalan ay gumawa ng maraming makapangyarihang gawain?'

23 At hayagan kong sasabihin sa kanila, 'Hindi ko kayo nakikilala! Lumayo kayo sa akin, kayong gumagawa ng masama!'

24 Kaya ang lahat ng nakikinig sa aking mga salita at sumusunod sa kanila ay maihahalintulad sa isang matalinong tao na nagtayo ng kaniyang bahay sa isang bato.

25 Bumuhos ang ulan at bumaha, umihip ang hangin at hinagupit ang bahay ngunit hindi ito bumagsak, sapagkat ito ay natatayo sa bato.

26 Subalit lahat ng nakarinig sa aking mga salita at hindi sinusunod ang mga ito ay mahahalintulad sa isang taong mangmang na nagtayo ng kaniyang bahay sa buhanginan. 27 Bumuhos ang ulan, bumaha, umihip ang hangin at hinagupit ang bahay. At ito ay bumagsak at nawasak nang tuluyan.”

28 At pagkatapos sabihin ni Jesus ang mga salitang ito, namangha ang maraming tao sa kaniyang pagtuturo, 29 sapagkat nagturo siya sa kanila tulad ng isang may kapangyarihan, at hindi kagaya ng kanilang mga eskriba.

8:1 Noong bumaba si Jesus mula sa burol, maraming tao ang sumunod sa kaniya.

Lucas 6:17–30, 32–42, 31, 43–49

Ang Lugar at ang mga Tagapakinig

6:17 Pagkatapos, si Jesus ay bumaba mula sa bundok kasama sila at tumayo sa patag na lugar. Naroon ang napakaraming bilang ng kaniyang mga alagad, ganoon din ang malaking bilang ng tao na mula sa Judea at Jerusalem at mula sa dalampasigan ng Tiro at Sidon. 18 Sila ay dumating upang makinig sa kaniya at para gumaling sa kanilang mga karamdaman. Ang mga taong binabagabag ng mga maruming espiritu ay pinagaling din. 19 Ang lahat ng napakaraming tao ay sinusubakan siyang hipuin dahil ang kapangyarihang magpagaling ay lumalabas mula sa kaniya, at pinagaling niya silang lahat.

Ang mga Pahayag ng Pagpapala at ng Kaabahan

Ang panimula: ang mga pahayag ng pagpapala at ng kaabahan, ang mga pribilehiyo ng mga nasasakupan ng Mesias.

20 Pagkatapos ay tumingin siya sa kaniyang mga alagad at sinabi, “Pinagpala kayong mga mahihirap sapagkat sa inyo ang kaharian ng Diyos.

21 Pinagpala kayo na nagugutom ngayon, sapagkat kayo ay mapupuno. Pinagpala kayo na tumatangis ngayon sapagkat kayo ay tatawa.

22 Pinagpala kayo kung kayo ay kinamumuhian ng mga tao at kung kayo ay ihinihiwalay at itinuturing ang inyong pangalan na masama alang-alang sa Anak ng Tao.

23 Magalak sa araw na iyon at tumalon sa galak sapagkat tiyak na kayo ay may dakilang gantimpala sa langit, sapagkat ang kanilang mga ninuno ay pinakitunguhan ang mga propeta sa ganoon ding paraan.

24 Ngunit aba kayo na mayayaman! Sapagkat natanggap na ninyo ang inyong ginhawa.

25 Aba kayo na busog ngayon! Sapagkat kayo ay magugutom. Aba kayo na tumatawa ngayon! Sapagkat kayo ay magdadalamhati at tatangis.

26 Aba kayo kung ang lahat ng tao ay nagsasabi ng mabuti tungkol sa inyo! Sapagkat pinakisamahan ng kanilang mga ninuno ang mga bulaang propeta sa ganoon ding paraan.

Higit ang Etika ni Cristo sa Turo ng mga Eskriba

Ang turo ni Cristo tungkol sa etika ay nakahihigit sa turo ng mga eskriba (kapuwa ang Lumang Tipan at ang batas na ipinapasa nang pasalita), sa anim na paksa o halimbawa: pagpatay, pangangalunya, diborsiyo, mga panunumpa, pagganti, at pagmamahal sa mga kaaway.

27 Ngunit sinasabi ko sa inyo na nakikinig, mahalin ninyo ang inyong mga kaaway at gumawa kayo ng mabuti sa mga namumuhi sa inyo.

28 Pagpalain ninyo ang mga sumusumpa sa inyo at ipanalangin ang mga umaapi sa inyo. 29 Sa sumasampal sa iyong pisngi, ialok mo rin sa kaniya ang kabila. Kung may kumuha ng iyong panlabas na damit, huwag mong ipagkait pati na ang iyong panloob na tunika. 30 Magbigay sa lahat ng humihingi sa iyo. Kung may kumuha ng isang bagay na pag-aari mo, huwag mong hingiin sa kaniya na ibalik ito sa iyo.

32 Kung ang minamahal lamang ninyo ay ang mga taong nagmamahal sa inyo, anong kapurihan iyon sa inyo? Sapagkat kahit ang mga makasalan ay minamahal din ang mga nagmamahal sa kanila.

33 Kung sa mga taong gumawa sa inyo ng mabuti lamang kayo gumagawa ng mabuti, anong kapurihan iyon sa inyo? Sapagkat kahit ang mga makasalanan ay ganoon din ang ginagawa.

34 Kung ang inyong pinapahiraman lamang ay ang mga tao na inaasahan ninyong magbibigay ng mga ito pabalik sa inyo, anong kapurihan iyon sa inyo? Kahit ang mga makasalanan ay nagpapahiram sa mga makasalanan at umaasang iyon ding halaga ang muling matatanggap.

35 Ngunit mahalin ninyo ang inyong kaaway at gawin ang mabuti sa kanila. Pahiramin ninyo sila na hindi kailanman nag-aalala kung may babalik pa sa inyo at ang inyong gantimpala ay magiging dakila. Kayo ay magiging mga anak ng Kataas-taasan, sapagkat siya mismo ay mabuti sa mga taong hindi marunong magpasalamat at masasama. 36 Maging maawain, gaya ng inyong Ama na maawain.

Pamimintas, o Paghatol sa Iba

37 Huwag humatol at hindi kayo hahatulan. Huwag magparusa at hindi kayo parurusahan. Patawarin ninyo ang iba at kayo ay patatawarin. 38 Magbigay sa iba at ito ay maibibigay sa inyo. Labis-labis na halaga—siksik, liglig at umaapaw—ang ibubuhos sa inyong kandungan. Sapagkat kung anumang batayan ng panukat ang inyong ginamit sa pagsukat, iyon din ang gagamiting batayan ng panukat para sa iyo.”

39 At sinabi rin niya sa kanila ang isang talinghaga. “Maaari bang gabayan ng isang bulag ang kapwa bulag? Kung gagawin niya ito, kapwa sila mahuhulog sa hukay, hindi ba? 40 Ang isang alagad ay hindi higit kaysa sa kaniyang guro, ngunit ang bawat isa na ganap na sinanay ay magiging kagaya ng kaniyang guro.

41 At bakit mo tinitingnan ang maliit na piraso ng dayami sa mata ng iyong kapatid ngunit hindi mo napapansin ang troso sa iyong sariling mata?

42 Paano mo masasabi sa iyong kapatid, 'Kapatid, hayaan mong tanggalin ko ang maliit na dayami na nasa iyong mata,' kung ikaw mismo ay hindi nakikita ang troso sa iyong sariling mata? Ikaw na mapagkunwari! Tanggalin mo muna ang troso sa iyong mata, at nang sa gayon ay malinaw kang makakakita para alisin ang piraso ng dayami sa mata ng iyong kapatid.

Panalangin at ang Gintong Aral

31 Kung anuman ang nais ninyong gawin ng mga tao sa inyo, ganoon din ang dapat ninyong gawin sa kanila.

Nagtatapos ang Sermon sa Makapangyarihang mga Talinghaga

Ang pagtatapos ng sermon: ang aral tungkol sa personal na katuwiran, na idinidiin sa pamamagitan ng makapangyarihang mga talinghaga.

43 Sapagkat walang mabuting puno ang namumunga ng bulok na bunga, ni walang bulok na puno ang namumunga ng mabuting bunga.

44 Sapagkat ang bawat puno ay nakikilala sa uri ng kaniyang bunga. Sapagkat ang mga tao ay hindi umaani ng igos sa matinik na damo, ni hindi sila umaani ng ubas sa matinik na baging.

45 Inilalabas ng mabuting tao ang kabutihan na nagmumula sa kayamanan ng kaniyang puso, at inilalabas ng masamang tao ang masama mula sa masamang kayamanan ng kaniyang puso. Sapagkat mula sa kasaganaan ng kaniyang puso, nagsasalita ang kaniyang bibig.

46 Bakit mo ako tinatatawag na, 'Panginoon, Panginoon,' ngunit hindi mo sinusunod ang mga bagay na sinasabi ko?

47 Ang bawat tao na lumalapit sa akin at nakikinig ng aking mga salita at sinusunod ang mga ito, sasabihin ko sa inyo kung ano ang kaniyang katulad.

48 Siya ay tulad ng isang tao na nagtatayo ng bahay, na humukay nang malalim sa lupa at itinayo ang pundasyon ng bahay sa matatag na bato. Nang dumating ang baha, umagos ang malakas na tubig sa bahay ngunit hindi nito kayang yanigin dahil ito ay itinayo nang mahusay.

49 Ngunit ang tao na nakikinig sa aking mga salita at hindi ito sinusunod, siya ay tulad ng isang tao na nagtayo ng bahay sa ibabaw ng lupa na walang pundasyon. Nang umagos ang malakas na tubig sa bahay, agad-agad itong gumuho at ganap ang pagkasira ng bahay na iyon.