Nagturo at Nagpagaling si Jesus sa Napakaraming Tao sa Tabi ng Dagat
Nagturo at nagpagaling si Jesus sa napakaraming tao sa tabi ng Dagat ng Galilea.
Dito makikita natin si Cristo na pumipili ng labindalawang apostol at nagbibigay ng Sermon sa Bundok sa kanila at sa mga tao.
A.D. 27 hanggang 29
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
Mateo 12:15–21
12:15 Nang mapansin ito ni Jesus, lumayo siya doon. Maraming tao ang sumunod sa kaniya, at pinagaling niya silang lahat.
16 Sila ay pinagbilinan niya na huwag ipapaalam sa iba ang tungkol sa kaniya, 17 ito ay upang magkatotoo ang sinabi sa pamamagitan ni Isaias na propeta, na nagsasabi, 18 “Tingnan ninyo, ang aking lingkod na aking pinili; ang aking pinakamamahal, na siyang lubos na kinalulugdan ng aking kaluluwa. Ilalagay ko sa kaniya ang aking Espiritu, at ihahayag niya ang paghuhukom sa mga Gentil. 19 Hindi siya magpupumilit o makikipagsigawan ng malakas, ni walang sinumang makaririnig ng kaniyang tinig sa mga lansangan. 20 Hindi niya babaliin ang anumang tambong marupok; hindi rin niya papatayin ang kahit na anong umuusok na pabilo, hanggang maipadala niya ang paghuhukom sa katagumpayan. 21 At ang mga Gentil ay magkakaroon ng pananalig sa kaniyang pangalan.”
Marcos 3:7–12
3:7 Pagkatapos, pumunta si Jesus sa dagat kasama ng kaniyang mga alagad at napakaraming tao ang sumunod sa kanila mula sa Galilea, at Judea, 8 Jerusalem at mula sa Idumea at ibayo ng Jordan at sa palibot ng Tiro at Sidon, napakaraming tao ang pumunta sa kaniya nang marinig nila ang lahat ng mga ginagawa niya.
9 Hiniling niya sa kaniyang mga alagad na ipaghanda siya ng isang bangka upang hindi siya maipit ng mga tao.
10 Dahil sa marami na siyang napagaling, lahat ng may mga malulubhang karamdaman ay gustong makalapit sa kaniya upang mahawakan siya. 11 Sa tuwing makikita siya ng mga maruming espiritu, nagpapatirapa sila at sumisigaw, “Ikaw ang Anak ng Diyos.”
12 Mahigpit niyang iniutos sa mga ito na huwag nilang ipapaalam kung sino siya.
Pumili si Jesus ng Labindalawang Apostol
Matapos ang isang gabi ng pananalangin, pumili si Jesus ng labindalawang apostol.
Marcos 3:13–19
3:13 Umakyat siya sa bundok at tinawag niya ang mga gusto niya at pumunta sila sa kaniya.
14 Itinalaga niya ang Labindalawa (na tinawag niyang mga apostol) para sila ay makasama niya at maaari niya silang isugo upang mangaral, 15 at upang magkaroon sila ng kapangyarihang magpalayas ng mga demonyo.
16 Itinalaga niya ang Labindalawang apostol: Si Simon na pinangalanan niyang Pedro, 17 si Santiago na anak ni Zebedeo, si Juan na kapatid ni Santiago, na mga pinangalanan niyang Boanerges na ang ibig sabihin ay mga anak ng kulog, 18 at sila Andres, Felipe, Bartolomeo, Mateo, Tomas, Santiago na anak ni Alfeo, Tadeo, Simon na makabayan,
19 at si Judas Iskaryote, na magkakanulo sa kaniya.
Lucas 6:12–16
6:12 Nangyari sa mga araw na iyon na siya ay pumunta sa bundok upang manalangin. Siya ay patuloy na nanalangin sa Diyos ng buong gabi.
13 Kinaumagahan, tinawag niya ang kaniyang mga alagad at pumili siya sa kanila ng labindalawa, na tinawag din niyang “mga apostol.”
14 Ang pangalan ng mga apostol ay sina Simon (na kaniya ring pinangalanang Pedro) at ang kaniyang kapatid na si Andres, Santiago, Juan, Felipe, Bartolome, 15 Mateo, Tomas, Santiago na anak ni Alfeo, Simon na tinawag na Masigasig,
16 Judas na anak ni Santiago at Judas Iscariote na siyang naging taksil.