Pumitas ng mga Uhay ang mga Alagad sa Araw ng Pamamahinga

Isa pang pagtatalo sa mga Pariseo tungkol sa Araw ng Pamamahinga, nang pumitas ng mga uhay sa mga bukid ang mga alagad.

Malamang sa Galilea habang pabalik mula sa Jerusalem

A.D. 27 hanggang 29

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Mateo 12:1–8

12:1 Nang panahong iyon, sa Araw ng Pamamahinga, napadaan si Jesus sa mga triguhan. Ang kaniyang mga alagad ay nagutom at nag-umpisa silang pumitas ng mga uhay at kinain iyon.

2 Ngunit nang makita ito ng mga Pariseo, sinabi nila kay Jesus, “Tingnan mo, ang iyong mga alagad ay gumagawa ng labag sa kautusan sa Araw ng Pamamahinga.”

3 Ngunit sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David nang siya ay nagutom at pati ang mga lalaking kasama niya?

4 Kung paano siya pumasok sa tahanan ng Diyos at kinain ang tinapay na handog, na labag sa kautusan na kainin niya at labag sa kautusan na kainin din ng kaniyang mga kasama, ngunit nararapat lamang sa mga pari?

5 At hindi ba ninyo nabasa sa kautusan na sa Araw ng Pamamahinga, ang mga pari sa templo ay nilalapastanganan ang Araw ng Pamamahinga ngunit hindi nagkakasala? 6 Ngunit sinasabi ko sa inyo na ang mas dakila sa templo ay narito.

7 At kung alam sana ninyo ang ibig sabihin nito, 'Ang nais ko ay habag at hindi handog,' hindi sana ninyo hinatulan ang walang kasalanan.

8 Sapagkat ang Anak ng Tao ay Panginoon ng Araw ng Pamamahinga.”

Marcos 2:23–28

2:23 Sa Araw ng Pamamahinga, pumunta si Jesus at ang kaniyang mga alagad sa triguhan at nagsimulang mamitas ang kaniyang mga alagad ng mga uhay.

24 At sinabi ng mga Pariseo sa kaniya, “Tingnan mo, bakit sila gumagawa ng bagay na ipinagbabawal sa Araw ng Pamamahinga?”

25 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi pa ba ninyo nababasa ang ginawa ni David noong siya ay nangailangan at nagutom—siya at ang mga lalaking kasama niya?

26 Kung paano siya pumasok sa tahanan ng Diyos noong si Abiatar ang pinakapunong pari at kinain ang tinapay—na handog na hindi naaayon sa batas na kainin ng kahit na sino maliban sa mga pari—at binigyan pa niya ang kaniyang mga kasama?”

27 Sinabi ni Jesus, “Ang Araw ng Pamamahinga ay ginawa para sa sangkatauhan, at hindi ang sangkatauhan para sa Araw ng Pamamahinga.

28 Kung gayon, ang Anak ng Tao ay Panginoon maging sa Araw ng Pamamahinga.”

Lucas 6:1–5

6:1 Ngayon ay nangyari na sa Araw ng Pamamahinga, si Jesus ay naglalakad sa triguhan at ang kaniyang mga alagad ay nangunguha ng mga uhay, ang mga ito ay kinikiskis sa kanilang mga palad at kinakain ang mga butil.

2 Ngunit sinabi ng ibang mga Pariseo, “Bakit kayo gumagawa ng isang bagay na labag sa kautusan na gawin sa Araw ng Pamamahinga?”

3 Sumagot si Jesus sa kanila na sinabi, “Hindi man lamang ba ninyo nabasa ang tungkol sa ginawa ni David nang siya ay magutom, siya at ang kaniyang mga kasamang kalalakihan?

4 Pumasok siya sa bahay ng Diyos, at kinuha ang tinapay na handog at kumain ng ilan sa mga ito, at ibinigay din ang ilan sa kaniyang mga kasamang kalalakihan para kainin, kahit na ayon sa batas mga pari lamang ang pwedeng kumain.”

5 Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila, “Ang Anak ng Tao ay Panginoon ng Araw ng Pamamahinga.”

Pinagaling ni Jesus ang Isang Tuyot na Kamay sa Araw ng Pamamahinga

Ikatlong pagtatalo sa mga Pariseo tungkol sa Araw ng Pamamahinga, hinggil sa pagpapagaling sa isang lalaking may tuyot na kamay sa isang sinagoga.

Sa Galilea

Mateo 12:9–14

12:9 Pagkatapos, umalis si Jesus mula doon at pumasok sa kanilang sinagoga. 10 Masdan ito, may isang lalake na tuyot ang kamay. Nagtanong ang mga Pariseo kay Jesus, at sinabi, “Naaayon ba sa kautusan ang magpagaling sa Araw ng Pamamahinga?” upang siya ay maparatangan nila ng pagkakasala.

11 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Sino kaya sa inyo, na kung mayroon siyang nag-iisang tupa, at nahulog ang tupang ito sa malalim na butas sa Araw ng Pamamahinga ay hindi ito iaahon sa butas para ilabas?

12 Gaano pa kaya kahalaga ang isang tao kaysa sa isang tupa. Kaya hindi labag sa kautusan ang paggawa ng mabuti sa Araw ng Pamamahinga.”

13 At sinabi ni Jesus sa lalaki, “Iunat mo ang iyong kamay.” Iniunat nga niya ito, at bumalik ang dating kalusugan nito, gaya ng kaniyang isang kamay.

14 Ngunit lumabas ang mga Pariseo at nagsabwatan laban sa kaniya. Naghahanap sila ng paraan kung paano siya maipapatay.

Marcos 3:1–6

3:1 At muli siyang naglakad papasok sa loob ng sinagoga at doon may isang lalaki na tuyot ang kamay.

2 Ilan sa mga tao ay nagmamatyag ng mabuti kung papagalingin siya ni Jesus sa Araw ng Pamamahinga upang maparatangan nila siya.

3 Sinabi ni Jesus sa lalaki na tuyot ang kamay, “Tumindig ka at tumayo sa gitna ng lahat.” 4 At sinabi niya sa mga tao, “Naaayon ba sa batas ang gumawa ng mabuti sa Araw ng Pamamahinga o ang manakit; ang sumagip ng buhay o ang pumatay?” Ngunit tahimik ang mga tao.

5 Tiningnan niya sila ng may galit, labis siyang nalulungkot dahil sa katigasan ng kanilang mga puso, at sinabi niya sa lalaki, “Iunat mo ang iyong kamay.” Iniunat niya ang kaniyang kamay at pinagaling ito ni Jesus.

6 Lumabas ang mga Pariseo at agad bumuo ng sabwatan kasama ng mga taga-sunod ni Herodias laban sa kaniya upang ipapatay siya.

Lucas 6:6–11

6:6 Nangyari sa ibang Araw ng Pamamahinga na siya ay pumunta sa sinagoga at nagturo sa mga tao doon. Isang tao ang naroon na tuyot ang kanang kamay.

7 Ang mga eskriba at mga Pariseo ay nagmamanman sa kaniya upang makita kung si Jesus ay magpapagaling sa Araw ng Pamamahinga, upang sila ay makahanap ng dahilan upang siya ay paratangan na gumagawa ng masama.

8 Ngunit alam niya kung ano ang kanilang iniisip at sinabi niya sa tao na may tuyot na kamay, “Tumayo ka, at pumunta ka dito sa gitna ng lahat.” Kung kaya't ang tao ay tumayo at pumaroon.

9 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Itinatanong ko sa inyo, naaayon ba sa batas ang gumawa ng mabuti o gumawa ng masama sa Araw ng Pamamahinga, ang magligtas ng buhay o sirain ito?” 10 Pagkatapos ay tumingin siya sa kanilang lahat at sinabi sa lalaki, “Iunat mo ang iyong kamay.” Ginawa nga niya at ang kaniyang kamay ay nanumbalik sa dati.

11 Ngunit sila ay napuno ng galit, at sila ay nag-usap-usap kung ano ang maari nilang gawin kay Jesus.