Inakusahan si Jesus na Kasabwat ni Beelzebul

Ang mapamusong na paratang na kasabwat ni Beelzebul si Jesus.

Pansinin na ang lahat ng sumusunod na pangyayari ay naganap sa iisang araw, na tinatawag na Abalang Araw.

Galilea

A.D. 27 hanggang 29

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Mateo 12:22–37

12:22 Pagkatapos ay may isang tao na bulag at pipi na sinapian ng demonyo ang dinala kay Jesus. Pinagaling niya ito at ang lalaki ay nakapagsalita at nakakita. 23 Ang lahat ng napakaraming tao ay namangha, at sinabi, “ Anak kaya ni David ang lalaking ito?”

24 Ngunit nang marinig ng mga Pariseo ang mga himalang ito, kanilang sinabi, “Ang taong ito ay hindi nakapagpapalayas ng mga demonyo maliban sa pamamagitan ni Beelzebul, ang prinsipe ng mga demonyo. “

25 Ngunit nalalaman ni Jesus ang kanilang mga iniisip at sinabi sa kanila, “Ang bawat kahariang nahahati laban sa kaniyang sarili ay magiging mapanglaw, at bawat lungsod o bahay na nahahati laban sa kaniyang sarili ay hindi mananatili. 26 Kung pinalalayas ni Satanas si Satanas, siya ay nahahati laban sa kaniyang sarili. Paano mananatili ang kaniyang kaharian? 27 At kung ako ay nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ni Beelzebul, sa kanino pinalalayas ng inyong mga tagasunod ang mga demonyo? Dahil dito, sila ang inyong magiging mga hukom.

28 Ngunit kung ako ay nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos, samakatuwid, ang kaharian ng Diyos ay dumating na sa inyo.

29 Paano malolooban ng sinuman ang bahay ng isang malakas na tao at nanakawin ang kaniyang mga pag-aari na hindi muna igagapos ang malakas na tao? Saka pa niya nanakawin ang kaniyang mga pag-aari sa kaniyang bahay.

30 Ang sinuman na hindi kasapi ko ay laban sa akin, at sino man ang hindi nagtitipong kasama ko ay nagkakalat.

31 Kung gayon ay sinasabi ko sa inyo, ang lahat ng kasalanan at kalapastangan sa tao ay mapapatawad. Ngunit ang lahat ng kalapastanganan sa Espiritu ay hindi mapapatawad.

32 Sinumang magbigkas ng anumang salita laban sa Anak ng Tao, siya ay mapapatawad. Ngunit sinumang magsasalita laban sa Banal na Espiritu, siya ay hindi mapapatawad, maging dito sa mundo o sa darating.

33 O gawing mabuti ang puno at ang bunga nito ay mabuti, o gawing masama ang puno at ang bunga nito ay masama, sapagkat makikilala ang bawat puno ayon sa bunga nito. 34 Kayong mga anak ng mga ulupong, dahil kayo ay masama, paano kayo magsasabi ng mga mabubuting bagay? Sapagkat kung ano ang nilalaman ng puso ay siyang binibigkas ng bibig. 35 Ang mabuting tao mula sa mabuting kayamanan ng kaniyang puso ay naglalabas ng mabuti at ang masamang tao na may masamang kayamanan sa kaniyang puso ay naglalabas ng masama. 36 At sinasabi ko sa inyo na sa araw ng paghuhukom, ang mga tao ay mananagot sa bawat salita na kanilang binitawan na walang kabuluhan. 37 Sapagkat sa iyong mga salita ikaw ay mapapawalang-sala, at sa iyong mga salita ikaw ay parurusahan.”

Marcos 3:20–30

3:20 Pagkatapos ay umuwi na siya at muling nagtipon-tipon ang maraming tao, kung kaya hindi man lang sila makakain ng tinapay. 21 Nang marinig ng kaniyang pamilya ang balitang ito, agad silang lumabas upang pilit siyang kunin, dahil sinasabi nilang, “Nahihibang na siya.”

22 Sinabi ng mga eskribang nanggaling sa Jerusalem, “Sinaniban siya ni Beelzebul,” at, “Sa pamamagitan ng pinuno ng mga demonyo, pinapaalis niya ang mga demonyo.”

23 Tinawag sila ni Jesus at nagsalita sa kanila sa pamamagitan ng talinghaga, “Paano maitataboy ni Satanas si Satanas?” 24 Kung nahahati ang isang kaharian laban sa kaniyang sarili, ang kahariang ito ay hindi maaaring manatili.

25 Kung ang isang tahanan ay nahahati laban sa kaniyang sarili, ang tahanang ito ay hindi maaaring manatili. 26 Kung naghimagsik si Satanas laban sa kaniyang sarili at magkabahabahagi, hindi siya maaaring manatili, subalit siya ay magwawakas.

27 Ngunit walang sinuman ang makapapasok sa bahay ng isang malakas na tao at magnakaw ng kaniyang mga kagamitan nang hindi niya ito gagapusin muna, saka pa lang niya mananakawan ang bahay nito.

28 Totoo itong sinasabi ko sa inyo, ang lahat ng mga kasalanan ng mga anak ng tao ay mapapatawad, maging ang lahat ng mga kalapastanganang sinasabi nila, 29 ngunit ang sinumang lumalapastangan laban sa Banal na Espiritu ay hindi kailanman magkakaroon ng kapatawaran, ngunit mayroong walang hanggang kasalanan.”

30 Sinabi ito ni Jesus dahil sinasabi nilang, “Mayroon siyang maruming espiritu.”

Mariing Humingi ng Isang Tanda ang mga Eskriba at mga Pariseo

Sa araw ding iyon. Galilea

Mateo 12:38–45

12:38 At sumagot ang ilang mga eskriba at Pariseo kay Jesus at sinabi, “Guro, nais naming makakita ng palatandaan mula sa iyo,” 39 Ngunit sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, “Isang masama at mapangalunyang salinlahi ang naghahanap ng palatandaan. Ngunit walang ibibigay na palatandaan sa kaniya maliban sa palatandaan ni Jonas na propeta. 40 Sapagkat gaya ni Jonas na tatlong araw at tatlong gabi sa tiyan ng malaking isda, gayundin na ang Anak ng Tao ay tatlong araw at tatlong gabi na nasa ilalim ng lupa.

41 Ang mga tao sa Nineve ay tatayo sa paghuhukom kasama ng salinlahing ito at parurusahan ito. Sapagkat sila ay nagsisi sa pangangaral ni Jonas, at tingnan ninyo, ang narito ay mas dakila kay Jonas. 42 Ang Reyna ng Timog ay tatayo sa paghuhukom kasama ng mga tao ng salinlahing ito at parurusahan ito. Naglakbay siya mula sa dulo ng mundo upang dinggin ang karunungan ni Solomon, at tingnan ninyo, ang narito ay mas dakila kay Solomon.

43 Kung ang isang masamang espiritu ay umalis sa isang tao, siya ay dadaan sa lugar na walang tubig, at siya ay maghahanap ng mapagpapahingahan, ngunit hindi niya ito mahanap. 44 At sasabihin nitong, 'Ako ay babalik sa dati kong tahanan kung saan ako nanggaling.' Nang makabalik, nakita niya ang bahay na malinis at maayos. 45 Siya ay aalis at magsasama ng pito pang espiritu na mas masama pa sa kaniya at silang lahat ay papasok at maninirahan doon. At ang kalagayan ng taong iyon ay magiging mas malala pa kaysa sa dati. Katulad ng masasamang salinlahing ito.”

Sinisikap ng Ina at mga Kapatid na Lalaki ni Cristo na Iuwi Siya

Sa araw ding iyon. Galilea

Mateo 12:46–50

12:46 Habang nagsasalita pa si Jesus sa napakaraming tao, masdan ito, ang kaniyang ina at mga kapatid ay nakatayo sa labas, hinahanap siya upang kausapin.

47 May nagsabi sa kaniya, “Tingnan mo, ang iyong ina at ang iyong mga kapatid na lalaki ay nakatayo sa labas, hinahanap ka upang makausap.”

48 Ngunit sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya, “Sino ang aking ina? At sino ang aking mga kapatid?”

49 Pagkatapos iniunat niya ang kaniyang kamay sa kaniyang mga alagad at sinabi, “Tingnan ninyo, nandito ang aking ina at ang aking mga kapatid!

50 Sapagkat ang sinumang gumagawa sa kagustuhan ng aking Amang nasa langit, ang taong iyon ay aking kapatid at ina.”

Marcos 3:31–35

3:31 Pagkatapos ay dumating ang kaniyang ina at mga kapatid na lalaki at tumayo sila sa labas. Pinasundo nila siya at pinatawag.

32 Umupo ang napakaraming tao sa palibot niya at sinabi sa kaniya, “Nasa labas ang iyong ina at mga kapatid, hinahanap ka nila.”

33 Sinagot niya sila, “Sino ang ina at mga kapatid ko?”

34 Tiningnan niya ang mga taong nakaupo sa palibot niya at sinabi, “Tingnan ninyo, ito ang aking ina at mga kapatid!

35 Dahil kung sino man ang tumutupad sa kalooban ng Diyos, ang taong iyon ay ang aking kapatid na lalaki, kapatid na babae, at ina.”

Lucas 8:19–21

8:19 Pagkatapos, ang ina at mga kapatid na lalaki ni Jesus ay lumapit sa kaniya, ngunit sila ay hindi makalapit dahil sa napakaraming tao.

20 At ito ay sinabi sa kaniya, “Ang iyong ina at ang iyong mga kapatid na lalaki ay nakatayo sa labas, ninanais kang makita.”

21 Ngunit sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, “Ang aking ina at ang aking mga kapatid na lalaki ay ang mga nakikinig ng salita ng Diyos at sinusunod ito.”