Ang Unang Malaking Pangkat ng mga Talinghaga
Narito ang unang malaking pangkat ng mga talinghaga, kasama ang pagdalaw sa Gerasa at ang pagbabalik sa Nazaret.
Sa araw ding iyon. Sa tabi ng Dagat ng Galilea
A.D. 27 hanggang 29
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
Mateo 13:1–53
Panimula sa Pangkat
13:1 Sa araw na iyon ay lumabas ng bahay si Jesus at umupo sa tabi ng dagat.
2 May napakaraming bilang ng tao ang pumalibot sa kaniya kaya sumakay siya sa isang bangka at umupo doon. Ang lahat ng tao ay tumayo sa dalampasigan.
3 At nagsabi si Jesus sa kanila ng maraming bagay sa pamamagitan ng talinghaga. Kaniyang sinabi, “Masdan ito, isang manghahasik ang lumabas upang maghasik.
Ang Talinghaga ng Manghahasik
Para sa mga tao sa tabi ng dagat: ang talinghaga ng manghahasik.
4 Sa kaniyang paghahasik, nahulog ang ilang mga binhi sa tabi ng daan, dumating ang mga ibon at kinain ang mga ito.
5 Ang ibang mga binhi naman ay nahulog sa mabatong lupa kung saan kakaunti lamang ang lupa. Ang mga ito ay mabilis na tumubo sapagkat mababaw lamang ang lupa.
6 Ngunit nang sumikat na ang araw, ang mga ito ay natuyo dahil wala itong mga ugat, at nalanta ang mga ito.
7 Ang ibang mga binhi ay nahulog sa may mga matitinik na halaman. Lumaki ang mga halamang may tinik at sinakal ang mga ito.
8 Ang ibang mga binhi ay nahulog sa mabuting lupa at ang mga ito ay namunga, ang iba ay tig-iisandaan, ang iba ay tig-aanimnapu, at ang iba ay tigtatatlumpu.
9 Ang may taingang pandinig, ay makinig.”
10 Dumating ang mga alagad at sinabi kay Jesus, “Bakit mo kinakausap ang mga tao sa pamamagitan ng mga talinghaga?”
11 Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, “Nabigyan kayo ng pribilehiyo ng pagkaunawa sa mga hiwaga ng kaharian ng langit, ngunit sa kanila ay hindi naibigay.
12 Dahil kung sinuman ang mayroon na ay higit pang mabibigyan at siya ay magkakaroon ng sagana. Ngunit ang sinuman na wala, kukunin sa kaniya maging ang tanging mayroon siya. 13 Kaya kinakausap ko sila sa pamamagitan ng mga talinghaga, sapagkat kahit na sila ay nakakakita, hindi sila tunay na nakakakita. At bagaman nakaririnig sila ay hindi naman sila tunay na nakaririnig, ni hindi sila makaunawa.
14 Sa kanila natupad ang propesiya ni Isaias, na nagsasabi, 'Habang pinakikinggan ay inyong maririnig, ngunit hindi ninyo talaga maintindihan; habang tinitingnan ay inyong nakikita, ngunit hindi ninyo talaga maunawaan.
15 Sapagkat ang puso ng mga taong ito ay naging mapurol, at hirap sila sa pakikinig, at ipinikit nila ang kanilang mga mata upang hindi sila makakita sa kanilang mga mata, o makarinig sa kanilang mga tainga, o makaintindi sa kanilang mga puso, upang sila ay babalik muli at sila ay aking pagagalingin.'
16 Ngunit pinagpala ang inyong mga mata, sapagkat ang mga ito ay nakakakita; at ang inyong mga tainga, sapagkat ang mga ito ay nakakarinig. 17 Totoo itong sinasabi ko sa inyo na maraming mga propeta at mga taong matuwid ang ninais na makita ang mga bagay na inyong nakikita, ngunit hindi nila ito nakita. Ninais nila na marinig ang mga bagay na inyong mga naririnig, ngunit hindi nila ito napakinggan.
18 Ngayon, makinig kayo sa talinghaga ng manghahasik. 19 Kapag mapakinggan ng sinuman ang salita ng kaharian ngunit hindi ito nauunawaan, darating ang masama at nanakawin ang mga binhi na naihasik sa kaniyang puso. Ito ay ang binhi na naihasik sa tabi ng daan.
20 Siya na naihasik sa mabatong lupa ay siyang nakakarinig sa salita at agad itong tinatanggap nang may galak.
21 Gayunman wala siyang mga ugat at tumatagal lamang ng panandalian. At kung ang kapighatian at pag-uusig ay dumating dahil sa salita, siya ay agad nadadapa.
22 Siya na naihasik sa may mga matitinik na halaman ay nakaririnig ng salita, ngunit ang pagkabalisa sa mundo at ang panlilinlang ng mga yaman ang siyang sumakal sa salita, at hindi siya namunga.
23 Siya na naihasik sa mabuting lupa ay siyang nakarinig sa salita at nakaunawa dito. Siya ang tunay na namumunga at nagpapayabong nito; ang ilan ay namunga ng tig-iisandaan, ang iba ay tig-aanimnapu, at ang iba ay tig-tatatlumpu..”
Ang Talinghaga ng mga Damo
24 Nagkuwento si Jesus ng isa pang talinghaga sa kanila. Sinabi niya, “Ang kaharian ng langit ay tulad ng isang lalaking naghasik ng mabuting binhi sa kaniyang bukid. 25 Ngunit habang tulog ang mga tao, dumating ang kaniyang kaaway at naghasik din ng mga damo kasama ng mga trigo saka umalis. 26 Nang sumibol ang mga dahon at namunga ay lumitaw din ang mga damo.
27 Dumating ang mga tagapaglingkod ng may-ari ng lupa at sinabi sa kaniya, 'Ginoo, hindi ba mabuti ang inihasik mong mga binhi sa iyong bukirin? Papaanong nagkaroon ito ng mga damo?'
28 Sinabi niya sa kanila, 'Ginawa ito ng isang kaaway.' Sinabi ng mga tagapaglingkod sa kaniya, 'Nais mo bang puntahan namin at bunutin ang mga ito?'
29 Sinabi ng may-ari ng lupa, 'Huwag, sapagkat kapag binunot ninyo ang mga damo, baka mabunot niyo din ang mga trigo kasama nito. 30 Hayaan lang silang parehong lumaki hanggang dumating ang anihan. Sa oras na nang pag-aani ay sasabihin ko sa mga tagapag-ani na, “Unahin ninyong bunutin ang mga damo at bigkisin ang mga ito at inyong sunugin samantalang ang mga trigo naman ay inyong ipunin sa aking kamalig.'””
Ang Talinghaga ng Binhi ng Mustasa
31 Muling nagkuwento si Jesus ng talinghaga sa kanila. Kaniyang sinabi, “Ang kaharian ng langit ay tulad ng binhi ng mustasa na kinuha ng isang tao at inihasik sa kaniyang bukid. 32 Tunay ngang pinakamaliit ang binhing ito sa lahat ng ibang mga binhi. Ngunit nang ito ay lumaki, naging mas malaki ito kaysa sa mga halamang panghardin. Ito ay naging puno kaya ang mga ibon sa himpapawid ay pumunta at namugad sa mga sanga nito.”
Ang Talinghaga ng Pampaalsa at Marami Pang Katulad Nito
33 Muling nagsabi si Jesus ng talinghaga sa kanila, “Ang kaharian ng langit ay tulad ng isang lebadura na kinuha ng isang babae at inihalo sa tatlong takal ng harina hanggang ito ay umalsa.”
34 Ang lahat ng mga bagay na ito ay sinabi ni Jesus sa mga tao sa pamamagitan ng talinghaga. At kung hindi sa pamamagitan ng talinghaga ay hindi siya nagsalita sa kanila.
35 Ito ay upang magkatotoo ang mga nasabi sa pamamagitan ng mga propeta noong sinabi niyang, “Bubuksan ko ang aking bibig sa pamamagitan ng talinghaga, sasabihin ko ang mga bagay na naitago buhat nang itatag ang mundo.”
Ipinaliwanag ni Jesus ang Talinghaga ng mga Damo
Para sa mga alagad sa loob ng bahay: ang paliwanag sa talinghaga ng mga damo.
36 Pagkatapos ay iniwan ni Jesus ang maraming tao at nagtungo sa isang bahay. Lumapit sa kaniya ang kaniyang mga alagad at sinabi, “Ipaliwanag mo sa amin ang talinghaga ng mga damo sa bukid.”
37 Sumagot si Jesus at sinabi, “Ang naghasik ng mabuting buto ay ang Anak ng Tao. 38 Ang bukid ay ang mundo; at ang mabuting binhi ay ang mga anak ng kaharian. Ang mga damo ay ang mga anak ng masama, 39 at ang kaaway na naghasik sa kanila ay ang diyablo. Ang pag-aani ay ang katapusan ng mundo at ang mga tagapag-ani ay ang mga anghel.
40 Kaya gaya ng mga damo na inipon at sinunog sa apoy, ganun din sa katapusan ng mundo. 41 Magpapadala ang Anak ng Tao ng kaniyang mga anghel at titipunin nila sa labas ng kaniyang kaharian ang lahat ng bagay na sanhi ng kasalanan at ang mga gumagawa ng masama. 42 Itatapon nila ang mga ito sa pugon ng apoy na kung saan mayroong mga iyakan at nagngangalit na ngipin. 43 At ang mga matutuwid na tao ay magliliwanag tulad ng araw sa kaharian ng kanilang Ama. Ang may taingang pandinig ay makinig.
Ang Talinghaga ng Nakatagong Kayamanan
44 Ang kaharian ng langit ay tulad sa isang kayamanang nakatago sa bukid. Natagpuan ito ng isang tao at itinago. Sa kaniyang kagalakan ay umalis siya at ibinenta niya lahat ng mayroon siya at binili ang bukid na iyon.
Ang Talinghaga ng Mahalagang Perlas
45 Gayun din naman, ang kaharian ng langit ay tulad ng isang mangangalakal na naghahanap ng mga mahahalagang perlas. 46 Nang mahanap niya ang isang perlas na may malaking halaga, umalis siya at ibinenta niya lahat ng mayroon siya at binili ito.
Ang Talinghaga ng Lambat
47 Gayun din naman, ang kaharian ng langit ay tulad ng isang lambat na inihagis sa dagat at nakahuli ng iba't ibang uri ng lamang dagat. 48 Nang ito ay napuno, hinila ito ng mga mangingisda sa dalampasigan. Pagkatapos ay umupo sila at tinipon ang mga mabuting bagay sa mga lalagyan, ngunit kanilang itinapon ang mga bagay na walang pakinabang.
49 Ganito ang mangyayari pagdating ng katapusan ng mundo. Darating ang mga anghel at ihihiwalay ang masama sa mga matuwid. 50 Sila ay itatapon nila sa pugon ng apoy na kung saan mayroong mga iyakan at nagngangalit na ngipin.
Ang Talinghaga ng May-ari ng Bahay
51 Naiintindihan ba ninyo ang lahat ng mga bagay na ito?” Sinabi ng mga alagad sa kaniya, “Oo.”
52 At sinabi ni Jesus sa kanila, “Kaya bawat eskriba na naging alagad ng kaharian ng langit ay katulad ng isang tao na nagmamay-ari ng isang bahay, na naglalabas ng luma at mga bagong bagay mula sa kaniyang kayamanan.”
53 At nangyari na nang matapos ni Jesus ang mga talinghagang ito ay umalis na siya sa lugar na iyon.
Marcos 4:1–34
Panimula sa Pangkat
4:1 Muli siyang nagsimulang mangaral sa tabi ng dagat. At nagtipun-tipon ang napakaraming tao sa paligid niya, kaya sumakay siya sa bangka na nasa dagat at naupo. Ang mga tao ay nasa tabi ng dagat sa dalampasigan.
2 At tinuruan niya sila ng maraming bagay sa pamamagitan ng mga talinghaga, at sinabi niya sa kanila sa kaniyang pagtuturo,
Ang Talinghaga ng Manghahasik
Para sa mga tao sa tabi ng dagat: ang talinghaga ng manghahasik.
3 “Makinig kayo, lumabas ang manghahasik upang maghasik.
4 Habang siya ay naghahasik, mayroong mga binhing napunta sa daan at dumating ang mga ibon at inubos ang mga ito.
5 Ang ibang mga binhi ay napunta sa mabatong lupa na kung saan ang lupa ay kakaunti lamang. Agad silang tumubo dahil hindi malalim ang lupa nito.
6 Ngunit nang sumikat ang araw, nalanta ang mga ito at dahil wala silang ugat natuyo ang mga ito.
7 Ang ibang mga binhi ay napunta sa tinikan. Lumaki ang mga halamang may tinik at sinakal ang mga ito, at hindi ito nakapamunga ng kahit isang butil.
8 Napunta sa matabang lupa ang ibang binhi at nagkabutil habang lumalago at dumarami, at may nagkabutil ng tigtatatlumpu, tig-aanimnapu, at tig-iisangdaan”.
9 At sinabi niya, “Sinuman ang may taingang pandinig, makinig!”
10 Nang nag-iisa na si Jesus, nagtanong ang mga malalapit sa kaniya kasama ang Labindalawa tungkol sa talinghaga.
11 Sinabi niya sa kanila, “Ipinagkaloob sa inyo ang hiwaga ng kaharian ng Diyos. Ngunit sa ibang nasa labas ang lahat ay mga talinghaga,
12 nang sa gayon, kapag sila ay tumingin, oo titingin sila, ngunit hindi sila makakakita, at kapag sila ay nakinig, oo makaririnig sila, ngunit hindi sila makauunawa, o kundi sila ay manumbalik at patatawarin sila ng Diyos.”
13 At sinabi niya sa kanila, “Hindi ba ninyo naiintindihan ang talinghagang ito? Paano pa kaya ninyo maiintindihan ang iba pang mga talinghaga?
14 Ang manghahasik ay naghasik ng salita.
15 Ang ilan sa mga ito ay ang nahulog sa tabi ng daan, kung saan ang salita ay naihasik. At nang marinig nila ito, agad na dumating si Satanas upang alisin ang salitang naitanim sa kanila.
16 At ang iba ay ang mga naitanim sa mabatong lupa, nang makarinig sila ng salita, agad nila itong tinatanggap nang may kagalakan.
17 At hindi sila nakapag-ugat kaya sila nakatiis lang ng maikling panahon. At dumating ang mga pagdurusa o pag-uusig dahil sa salita at agad silang nadapa.
18 At ang iba naman ay naihasik sa tinikan. Narinig nila ang salita at tinanggap ito, 19 ngunit ang mga alalahanin sa mundo, ang pandaraya ng kayamanan at ang pagnanasa sa iba pang mga bagay ay pumasok at nasakal ang salita, at ito ay hindi nakapamunga.
20 At mayroon namang naihasik sa matabang lupa. Narinig nila ang salita at tinanggap ito at nakapamunga: may tatlumpu, may animnapu, at may isangdaan.”
21 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Magdadala ba kayo ng lampara sa loob ng bahay upang ilagay ito sa loob ng basket o sa ilalaim ng higaan? Dadalhin ninyo ito sa loob at ilalagay sa lagayan ng lampara.
22 Sapagkat walang itinatago na hindi maihahayag at walang lihim na hindi maibubunyag.
23 Sinuman ang may taingang pandinig, makinig.
24 Sinabi niya sa kanila, “Pakinggan ninyong mabuti ang inyong naririnig, ang panukat na inyong ginagamit ay siya ring gagamiting panukat sa inyo, at idadagdag ito sa inyo. 25 Dahil sinumang mayroon ay pagkakalooban ng higit pa, at sinumang wala, kukunin maging ang anumang nasa kaniya.”
Ang Talinghaga ng Binhing Kusang Tumutubo
26 At sinabi niya, “Ang kaharian ng Diyos ay tulad ng isang taong naghasik ng kaniyang binhi sa lupa. 27 Sa gabi siya ay natutulog at sa umaga siya ay bumabangon, at ang binhi ay sumisibol at tumutubo, ngunit hindi niya alam kung paano. 28 Ang lupa sa sarili niya ay namumunga ng butil: una ang sibol, sunod ang mga tangkay, sunod ang mga hinog na butil sa tangkay. 29 At kapag nahinog na ang butil, agad niyang ipinadadala ang panggapas sapagkat dumating na ang anihan.”
Ang Talinghaga ng Binhi ng Mustasa
30 At sinabi niya, “Saan natin maihahambing ang kaharian ng Diyos, o anong talinghaga ang magagamit natin upang maipaliwanag ito? 31 Ito ay katulad ng buto ng mustasa na kapag ito ay itinanim, ito ang pinakamaliit sa lahat ng mga buto sa daigdig. 32 Gayunpaman, kapag ito ay naitanim, tumutubo ito at nagiging pinakamalaki sa lahat ng mga tanim sa bukirin at nagkakaroon ito ng malalaking sanga, kaya ang mga ibon sa himpapawid ay nakakapamugad sa lilim nito.
Ang Talinghaga ng Pampaalsa at Marami Pang Katulad Nito
33 Ipinangaral niya ang salita sa kanila sa pamamagitan ng maraming talinghagang katulad nito, hanggang sa kaya nilang maunawaan,
34 at hindi siya nangaral sa kanila nang hindi gumagamit ng talinghaga. Ngunit kapag siya ay nag-iisa na lamang, ipinapaliwanag niya ang lahat sa kaniyang sariling mga alagad.
Lucas 8:4–18
Panimula sa Pangkat
8:4 Ngayon, nang ang napakaraming bilang ng tao ay nagtipun-tipon, kasama ang mga tao na pumupunta sa kaniya mula sa iba't-ibang mga lungsod, siya ay nagsalita sa kanila gamit ang isang talinghaga.
Ang Talinghaga ng Manghahasik
Para sa mga tao sa tabi ng dagat: ang talinghaga ng manghahasik.
5 “May isang manghahasik na lumabas upang maghasik ng mga butil. Sa kaniyang paghahasik, ang ilang mga butil ay nahulog sa tabi ng daan at ang mga ito ay natapakan, at nilamon ang mga ibon sa langit ang mga ito.
6 Ang ibang mga butil ay nahulog sa mabatong lupa, at agad sa kanilang pagtubo, ang mga ito ay nalanta dahil sa kawalan ng halumigmig.
7 Ang ibang mga butil naman ay nahulog sa mga matitinik na halaman, at ang mga matitinik na halaman ay tumubo kasabay ng mga butil at sinakal ang mga ito.
8 Ngunit ang ilang mga butil ay nahulog sa mabuting lupa at namunga ng higit pa sa isandaan.” Pagkatapos na sabihin ni Jesus ang mga bagay na ito, siya ay nangusap, “Sinuman ang may taingang pandinig, makinig siya.”
9 Pagkatapos, ang kaniyang mga alagad ay nagtanong kung ano ang ibig sabihin ng talinghagang ito.
10 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ipinagkaloob sa inyo ang karapatang maunawaan ang mga hiwaga sa kaharian ng Diyos, ngunit ang ibang mga tao ay tuturuan lamang sa mga talinghaga, kaya tumingin man sila ay hindi talaga sila makakakita, at makinig man sila ay hindi talaga sila makakaunawa.
11 Ngayon, ito ang ibig sabihin ng talinghaga. Ang butil ay ang salita ng Diyos.
12 Ang mga butil na nahulog sa tabi ng daan ay ang mga taong nakarinig ng salita ngunit ang diyablo ay dumating at kinuha ang salita mula sa kanilang puso upang sila ay hindi manampalataya at mailigtas.
13 At ang mga nahulog sa mabatong lupa ay ang mga tao na, nang marinig nila ang salita, tinanggap nila ito nang may galak, ngunit sila ay walang anumang mga ugat; sila ay maniniwala nang panandalian at pagkatapos, sa panahon ng pagsubok, sila ay tumiwalag.
14 Ang mga butil na nahulog sa mga matitinik na halaman ay ang mga taong nakarinig ng salita ngunit sa kanilang pagtahak ng daan, sila ay nasakal ng kanilang mga alalahanin at mga kayamanan at mga kaligayahan sa buhay na ito, kaya wala silang bungang madala sa paglago.
15 Ngunit ang mga butil na nahulog sa mabuting lupa, ito ay ang mga tao na may tapat at mabuting puso, pagkatapos nilang marinig ang salita, ito ay kanilang pinanghawakan nang mabuti at nagbunga nang may pagtitiyaga.
16 Ngayon, walang sinuman, na kung kaniyang sisindihan ang ilawan ay tatakpan ito ng mangkok o ilalagay ito sa ilalim ng kama. Sa halip ito ay kaniyang ilalagay sa patungan ng ilawan, upang ang lahat ng papasok ay makikita ang liwanag.
17 Sapagkat walang nakatago na hindi malalaman, ni anumang lihim na hindi malalaman at mabubunyag sa liwanag.
18 Kaya mag-ingat kung paano kayo makinig, dahil kung sinuman ang mayroon, siya ay bibigyan pa ng mas marami, at kung sinuman ang wala ay kukunin kahit na ang inaakala niyang mayroon siya.”