Bakit Napakasigasig Mangaral ni Pablo
Dahil alam niya ang kakilabutan ng darating na paghuhukom, lalo pang naging masigasig si Pablo sa pangangaral ng ebanghelyo at panghihikayat sa mga tao na maging mga Kristiyano. Ginagampanan niya ang kaniyang tungkulin bilang isang taong lubos na kilala ng Diyos at, ayon sa kaniyang pag-asa, ng mga budhi rin ng mga taga-Corinto. Pagkatapos ay ipinagtatanggol niya ang kaniyang sarili laban sa mga pag-atake ng mga huwad na guro, upang magkaroon ng dahilan ang kaniyang mga naakay sa pananampalataya na ipagmalaki siya bilang apostol. Ipinahahayag niyang nangaral man siya ng ebanghelyo nang nanganganib ang kaniyang buhay, kaya itinuring siyang baliw ng pangkat na kumakalaban sa kaniya, o kumilos nang mahinahon upang umiwas sa pag-uusig, ginawa niya iyon para sa kapakanan ng kaniyang mga alagad.
A.D. 58
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
11 Samakatuwid, sa pagkaalam ng takot sa Panginoon, hinihikayat namin ang mga tao. Malinaw na nakikita ng Diyos kung sino tayo. Sana ay malinaw din ito sa inyong budhi. 12 Hindi namin kayo hinihikayat muli upang ipakita na kami ay tapat. Sa halip, ay binibigyan namin kayo ng dahilan upang maipagmalaki ninyo kami, upang may maisasagot kayo sa mga taong nagmamalaki sa mga panlabas na anyo ngunit hindi sa mga nilalaman ng puso.
13 Dahil kung kami ay parang wala sa sarili naming kaisipan, para ito sa Diyos. At kung kami ay nasa tamang kaisipan, ito ay para sa inyong kapakanan. 14 Dahil ang pagmamahal ni Cristo ang nag-uudyok sa amin, sapagkat kami ay sigurado dito: na mayroong isang tao na namatay para sa lahat, kaya ang lahat ay namatay. 15 At namatay si Cristo para sa lahat, upang ang mga nabubuhay ay hindi na mamuhay para sa kanilang mga sarili. Sa halip dapat silang mamuhay para sa kaniya na namatay at muling nabuhay.
Isang Bagong Nilalang, Naipagkasundo sa Diyos
Mula sa katotohanang namatay si Cristo para sa buong sangkatauhan, ipinagpapatuloy ni Pablo ang pangangatwirang mula ngayon ay wala nang pagkakaiba ang Judio at Gentil, sapagkat hindi na itinuturing si Cristo bilang Judio ayon sa laman. Lahat ng nakikiisa kay Cristo sa pamamagitan ng pananampalataya ay nagiging mga bagong nilalang, at nagwakas na ang kanilang mga dati at makasalanang gawain. Ang mga pakinabang at pagpapala ng bagong kalagayang ito ay nagmumula lamang sa Diyos, na nagpanumbalik sa sanlibutan sa pakikipagkasundo sa kaniyang sarili sa pamamagitan ni Cristo Jesu at nagkatiwala ng mensahe ng pakikipagkasundo sa mga apostol. Sa ngalan ni Cristo, hinihimok ni Pablo ang lahat ng tao na lumapit sa Diyos at tanggapin ang kapatawarang binili para sa kanila sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ng kaniyang Anak, na ginawang handog para sa kasalanan ng sangkatauhan.
16 At dahil dito, mula ngayon, hindi na natin hahatulan ang sinuman ayon sa batayan ng tao, kahit na noong simula ay ganoon din ang ating pagtingin kay Cristo. Ngunit ngayon hindi na tayo tumitingin sa kanino man sa ganitong paraan. 17 Sapagkat kung sinuman ang kay Cristo, siya ay isang bagong nilalang. Ang luma ay lumipas na. Tingnan, sila ay naging bago na.
18 Ang lahat ng mga bagay na ito ay nagmula sa Diyos. Nakipagkasundo siya sa atin dahil kay Cristo, at binigyan niya tayo ng ministeryo sa pagkakasundo. 19 Ang ibig sabihin, dahil kay Cristo, ipinagkakasundo ng Diyos ang mundo sa kaniya, at hindi binilang ang kanilang mga pagkakasala laban sa kanila. Ipinagkakatiwala niya sa atin ang mensahe ng pakikipagkasundo.
20 Kaya kami ay itinalaga bilang mga kinatawan ni Cristo, na para bang ang Diyos mismo ang nakikipag-usap sa inyo sa pamamagitan namin. Ipinakikiusap namin sa inyo, alang-alang kay Cristo: “Makipagkasundo kayo sa Diyos!” 21 Si Jesus ay ginawa niyang handog para sa ating mga kasalanan. Siya na hindi kailan man nagkaroon ng kasalanan. Ginawa niya ito upang tayo ay maging katuwiran ng Diyos sa kaniya.
Ang mga Tanda ng Isang Tapat na Ministro
Bilang sugo ni Cristo, nakikiusap si Pablo sa mga taga-Corinto na huwag tanggapin nang walang kabuluhan ang biyaya ng Diyos, kundi gawin ang lahat ng hinihingi ng ebanghelyo. Sa paglalarawan ng kaniyang sariling mga pagdurusa, inilalarawan ni Pablo ang isang tapat na ministro ng ebanghelyo, at sa gayon ay pinatutunayang nakabababa rito ang huwad na guro.
1 At kaya, sa sama-samang paggawa, nakikiusap kami sa inyo na huwag tanggapin ang biyaya ng Diyos ng walang katuturan. 2 Sapagkat sinabi niya, “Sa tamang panahon, ikaw ay aking pinansin, at sa araw ng pagliligtas, ikaw ay aking tinulungan.” Tingnan ninyo, ngayon ang tamang panahon. Ngayon ang araw ng kaligtasan.
3 Hindi kami maglalagay ng katitisurang bato sa harap ng sino man, sapagkat hindi namin hinahangad na ang aming minesteryo ay humantong sa pagkasira ng pangalan.
4 Sa halip, pinatutunayan namin ang aming mga sarili sa pamamagitan ng aming mga ginagawa, na kami ay mga lingkod ng Diyos. Kami ay mga lingkod niya sa maraming pagtitiis, kapighatian, kagipitan, kahirapan 5 sa panghahagupit, pagkabilanggo, pagkakagulo, pagtatrabaho ng sobra, mga gabing walang tulog, gutom, 6 sa kalinisan, sa kaalaman, pagtityaga, kabutihan, sa Espiritu Santo, sa tunay na pag-ibig. 7 Kami ay kanyang mga lingkod sa salita ng katotohanan, sa kapangyarihan ng Diyos. Mayroon kaming baluti ng katuwiran sa kanan at sa kaliwang kamay. 8 Gumagawa kami sa karangalan at kahihiyan, sa panlalait at papuri. Kami ay napagbintangan na sinungaling ngunit kami ay matapat. 9 Kami ay gumagawa na parang mga hindi kilala ngunit kami ay mga kilala pa rin. Gumagawa kami na parang mamamatay na— at tingnan ninyo! — nabubuhay pa rin kami. Gumagawa kami na parang pinarurusahan sa aming mga gawa, ngunit hindi para hatulan ng kamatayan. 10 Gumagawa kami na parang malulungkot, ngunit kami ay laging nagagalak. Gumagawa kami na parang naghihirap, ngunit ginagawa naming mayaman ang marami. Gumagawa kami na parang walang-wala, ngunit mayroon ng lahat ng bagay.
Ipinagbabawal ni Pablo ang Malapit na Ugnayan sa mga Hindi Mananampalataya
Ipinahahayag ni Pablo ang kaniyang malaking pagmamahal at pagkagiliw sa mga taga-Corinto. Sinasaway niya sila dahil sa kanilang kakulangan sa pagmamahal at hinihimok silang, bilang kaniyang mga anak, buksang lubos ang kanilang puso sa kaniya bilang kanilang espirituwal na ama. Ipinagbabawal niya sa kanilang mag-asawa ng mga hindi mananampalataya, makipagkaibigan sa kanila, o pumasok sa anumang uri ng malapit na pakikipag-ugnayan sa kanila. Ang pangako ng Diyos sa mga humihiwalay sa gayong mga di-banal na ugnayan ang dapat nilang maging pinakamalakas na udyok upang hangarin ang kasakdalan.
11 Sinabi na namin ang buong katotohanan sa inyo, mga taga-Corinto, at ang aming puso ay nakabukas. 12 Hindi kami ang pumigil sa inyong mga puso, ngunit pinigilan kayo ng inyong mga sariling damdamin. 13 Ngayon sa makatarungang pagpapalitan—nagsasalita ako na parang kayo ay mga anak ko—malawak ninyong buksan ang inyong mga puso.
14 Huwag kayong makikipag-isa sa mga hindi mananampalataya. Ano ang kaugnayan ng katuwiran sa kasamaan? At anong kaugnayan mayroon ang ilaw sa kadiliman? 15 Anong kasunduan mayroon si Cristo kay Belial? O anong kabahagi mayroon ang mga mananampalataya sa mga hindi mananampalataya? 16 At anong kasunduan mayroon sa pagitan ng templo ng Diyos at sa mga diyus-diyosan? Sapagkat tayo ang templo ng buhay na Diyos, katulad ng sinabi ng Diyos: “Ako ay mananahan sa kanila at lalakad kasama nila. Ako ang magiging Diyos nila at sila ay magiging bayan ko.” 17 Kaya, “Lumabas kayo mula sa kanilang kalagitnaan, at maihiwalay kayo,” sabi ng Panginoon. “Huwag humawak ng anumang maruming bagay, at tatanggapin ko kayo.
18 Ako ay magiging Ama sa inyo, at kayo ay magiging aking mga anak na lalaki at babae,” sabi ng Panginoong Makapangyarihan.
7:1 Mga minamahal, dahil mayroon tayo ng mga pangakong ito, linisin natin ang ating mga sarili mula sa lahat ng bagay na nagpaparumi sa ating katawan at espiritu. Sikapin nating maging banal sa pagkatakot sa Diyos.
Hinihiling ni Pablo na Tanggapin Siya Bilang Apostol
Nakikiusap si Pablo sa mga taga-Corinto na kilalanin siya bilang apostol, at sa pagbanggit ng kaniyang mga dahilan upang mahalin nila siya, ipinahihiwatig niya ang kabaligtarang asal ng huwad na guro. Tinitiyak niya sa kanilang hindi niya ito sinasabi upang hatulan sila, kundi dahil sa kaniyang napakalaking pagmamahal sa kanila. Nagagalak siya sa kanilang mabuting kalooban at pagsunod.
2 Gumawa kayo ng lugar para sa amin! Wala kaming ginawan ng mali. Wala kaming sinaktan na kahit sino man o nagsamantala sa kung sino man. 3 Hindi para husgahan kayo kaya sinabi ko ito. Sapagkat sinabi ko na sa inyo na kayo ay nasa aming mga puso, para mamatay tayo nang magkasama at mabuhay nang magkasama. 4 Mayroon akong malaking tiwala sa inyo, at ipinagmamalaki ko kayo. Napuno ako ng kaginhawaan. Nag-uumapaw ang aking kagalakan sa kabila ng kapighatian.
Ang Kagalakan ni Pablo sa Balitang Dala ni Tito
Bilang patunay ng kaniyang pagmamahal, sinasabi ni Pablo sa mga taga-Corinto ang kaniyang pag-aalala para sa kanila, sa takot na nailigaw sila ng huwad na guro. Isinasalaysay niya ang kaniyang kagalakan nang dumating si Tito na may balita tungkol sa kanilang pagpapasakop at pagmamahal. Binabanggit niya sa kanila ang kaniyang unang liham at tinitiyak sa kanilang iniutos niyang itiwalag ang lalaking nakikiapid sa sariling kamag-anak upang ipakita ang kaniyang malaking malasakit sa kanila. Pinupuri niya ang kanilang pagsunod, sigasig, at pagsisisi. Isinasalaysay niya ang kaaliwang ibinigay sa kaniya ng kanilang asal, at ang kagalakan ni Tito nang makita ang kanilang pagkakaisa at pagsunod.
5 Nang makarating kami sa Macedonia, walang pahinga ang aming mga katawan. Sa halip, nabagabag kami sa lahat ng paraan sa maraming kaguluhan sa labas at takot sa kalooban. 6 Ngunit ang Diyos, na nagbibigay kaaliwan sa mga pinanghihinaan ng loob, ay nagbigay kaaliwan sa amin sa pamamagitan ng pagdating ni Tito. 7 Ito ay hindi lamang sa pamamagitan ng kaniyang pag dating na inaliw tayo ng Diyos. Ito ay dahil na rin sa kaginhawaang tinanggap ni Tito mula sa inyo. Sinabi niya sa amin ang lubos ninyong pagmamahal, ang inyong pighati, at ang inyong labis na pag-aalala sa akin. Kaya lalo akong nagagalak.
8 Kahit na naging malungkot kayo dahil sa aking sulat, hindi ko ito pinagsisihan. Ngunit pinagsisihan ko ito nang makita ko na ginawa kayong malungkot ng aking sulat. Ngunit naging malungkot kayo ng sandali lamang. 9 Ngayon, masaya ako, hindi dahil sa kayo ay nagdadalamhati, ngunit dahil sa ang inyong kalungkutan ang naging daan sa inyong pagsisisi. Nakaranas kayo ng kalungkutan mula sa Diyos, kaya hindi nasayang ang inyong pagdurusa dahil sa amin. 10 Sapagkat ang kalungkutan mula sa Diyos ay nagdudulot ng pagsisisi na kumukumpleto sa kaligtasan ng walang panghihinayang. Gayon man, ang kalungkutan sa mundo ay nagdadala ng kamatayan.
11 Tingnan kung anong matinding determinasyon ang naidulot sa inyo ng kalungkutang mula sa Diyos na ito. Higit na matindi ang matibay na hangad sa inyo para patunayan na kayo ay walang sala. Namuhi kayo sa inyong sarili, natakot kayo, nanabik, nagsikap, at ninais ninyong makita na ang katarungan ay kailangan mangyari! Sa lahat ng bagay pinatunayan niyo ang inyong mga sarili na walang sala sa bagay na ito. 12 Kahit pa sumulat ako sa inyo, hindi ako sumulat para lang sa kapakanan ng mga gumagawa ng mali, ni para sa mga nagdusa sa mali. Sumulat ako para ang inyong pagkamasigasig para sa amin ay maipaalam sa inyo sa paningin ng Diyos. 13 Ito ay sa pamamagitan nito kaya malakas ang ating loob. Dagdag sa ating sariling kaginhawaan, nagdiriwang rin kami dahil sa kagalakan ni Tito, dahil ang kaniyang espiritu ay lumakas sa pamamagitan ninyong lahat. 14 Dahil kung ipinagmalaki ko sa kaniya ang tungkol sa inyo, hindi ako nahiya. Sa kabilang dako, tulad ng lahat ng bagay na sinabi namin sa inyo ay totoo, ang aming pagmamalaki tungkol sa inyo kay Tito ay napatunayang totoo. 15 Ang kaniyang pag-ibig sa inyo ay mas higit pa, habang inaalala niya ang pagiging masunurin ninyong lahat, kung paano ninyo siya tinanggap ng may takot at panginginig. 16 Ako ay nagagalak dahil lubos ang aking pagtitiwala sa inyo.