Hinihimok ni Pablo ang Bukas-palad na Pagbibigay para sa Judea
Sa pamamagitan ng halimbawa ng mga iglesya sa Macedonia, na nasa napakahirap na kalagayan, hinihimok ni Pablo ang mga taga-Corinto na magbigay nang bukas-palad upang matulungan ang mga kapatid na Kristiyano sa Judea. Sinasabi niyang hindi niya ito ibinibigay bilang utos, sapagkat ang mga gawa ng kabutihan ay dapat kusang-loob, ngunit umaasa siyang sasagana sila sa mga ito dahil sa halimbawa at pag-ibig ni Cristo. Nananawagan siya sa kanilang tapusin nang walang pagkaantala ang mga sinimulan nang pangangalap ng abuloy, ayon sa kanilang kakayahan, sapagkat higit na pinahahalagahan ng Diyos ang kusang-loob na pagbibigay kaysa sa laki ng kaloob. Ang kanilang ibibigay ay gagamitin lamang para sa mga dukhang kapatid sa Judea, na maaari namang makatugon sa mga pangangailangan ng mga taga-Corinto sa kanilang pagkakataon.
A.D. 58
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
1 Nais naming malaman ninyo, mga kapatid, tungkol sa biyaya ng Diyos na naibigay sa mga iglesiya sa Macedonia. 2 Sa panahon ng matinding pagsubok sa pagdadalamhati, ang kasaganahan ng kanilang kagalakan at ang mahigpit na pangangailangan sa kanilang kahirapan ay nagbunga ng matinding kasaganahan ng kagandahang loob. 3 Sapagkat nagpapatotoo ako na nagbigay sila hanggang sa kanilang makakaya, at labis pa sa kung ano ang kanilang makakaya. At naaayon sa kanilang sariling kalooban 4 nang may matinding pagmamakaawa, sumasamo sila sa amin para sa pagkakataon ng pagbabahagi sa paglilingkod sa mga mananampalataya. 5 Hindi ito nangyari nang gaya sa aming inaasahan. Sa halip, una nilang ibinigay ang kanilang mga sarili sa Panginoon. At ibinigay nila ang kanilang mga sarili sa amin ayon sa kalooban ng Diyos.
6 Kaya hinimok namin si Tito, na nagsimula ng gawaing ito, upang maisakatuparan ang gawaing ito ng kagandahang loob para sa inyo. 7 Ngunit nanagana kayo sa lahat ng bagay—sa pananampalataya, sa pananalita, sa kaalaman, sa lahat ng kasipagan, at sa inyong pag-ibig para sa amin. Kaya siguraduhin niyo na managana kayo sa mga gawain ng kagandahang loob. 8 SInasabi ko ito hindi bilang isang utos. Sa halip, sinasabi ko ito upang subukan ang katapatan ng inyong pagmamahal sa pamamagitan ng pagkukumpara nito sa pananabik ng ibang tao.
9 Sapagkat nalalaman ninyo ang biyaya ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Kahit na siya ay mayaman, para sa inyong kapakanan siya ay naging mahirap, upang sa pamamagitan ng kaniyang kahirapan kayo ay maaaring maging mayaman. 10 Sa bagay na ito bibigyan ko kayo ng payo na makakatulong sa inyo. Isang taon ang nakakaraan, hindi lang kayo nagsimulang gumawa ng isang bagay, kundi ninais ninyong gawin ito. 11 Ngayon tapusin ninyo ito. Katulad ng pagsisikap at kagustuhan na gawin ito noon, matapos ninyo rin sana ito, hanggang kaya ninyo. 12 Sapagkat kung kayo ay may pagsisikap na gawin ang gawaing ito, ito ay mabuti at katanggap-tanggap. Nakabatay ito sa kung ano ang mayroon ang isang tao, hindi sa kung ano ang wala sa kaniya.
13 Sapagkat ang gawaing ito ay hindi upang ang iba ay magaanan at ang iba ay mabigatan. Sa halip, dapat magkaroon ng pagkakapantay-pantay. 14 Ang iyong kasaganaan sa panahong ito ay makapagbibigay sa kung anuman ang kanilang pangangailangan. Ito ay dahil din sa ang kanilang kasaganaan ay maaaring makapagbigay ng iyong pangangailangan, at nang magkaroon ng pagkakapantay-pantay. 15 Katulad ito ng nasusulat: “Ang nananagana ay nawalan ng labis, at ang may kaunti ay hindi nagkulang.”
Isinugo si Tito at Dalawang Kapatid sa Corinto
Nagpapasalamat si Pablo sa Diyos dahil binigyan niya si Tito ng malasakit sa kanila na katulad ng sa kaniya. Ang kasigasigan ni Tito ang nag-udyok sa kaniyang dalhin ang liham na ito. Sinasabi ni Pablo sa kanilang isinasama niya kay Tito ang isang kapatid na may napakagandang reputasyon, na pinili ng mga iglesya sa Macedonia bilang saksi sa pangangasiwa sa kanilang mga kaloob, upang walang lumitaw na hinala o paninisi tungkol sa paggastos sa malaking halagang ipinagkatiwala sa kanila. Isinusugo rin ang isa pang kamanggagawa, na lubhang masigasig sa pagkakataong ito dahil sa ulat tungkol sa kanilang mabuting kalooban. Itinuturo ni Pablo sa kanila kung paano sasagutin ang mga tanong ng pangkat na kumakalaban sa kaniya, at hinihimok silang magbigay sa mga sugong ito at sa mga iglesya ng patunay ng kanilang pagmamahal at ng pagtitiwala ni Pablo sa kanila.
16 Ngunit salamat sa Diyos, na naglagay sa puso ni Tito nang katulad ng pagmamalasakit na mayroon ako para sa inyo. 17 Sapagkat hindi niya lamang tinanggap ang aming panawagan, ngunit siya rin ay naging napaka-masikap tungkol dito. Dumating siya sa inyo sa kaniyang sariling kagustuhan.
18 Siya ay ipinadala namin kasama ang kapatid na pinupuri sa lahat ng mga iglesiya sa kaniyang gawa sa pagpapahayag ng ebanghelyo. 19 Hindi lamang ito, ngunit siya rin ang inihalal ng mga simbahan na maglakbay kasama namin sa aming pagangasiwa ng kagandahang loob. Ito ay para sa karangalan ng Panginoon at sa ating pagsusumikap na makatulong.
20 Kami ay umiiwas na magkaroon ng sino mang magreresklamo tungkol sa amin hinggil sa kagandahang loob na ito na ating pinangangasiwaan. 21 Iniingatan naming gawin kung ano ang kagalang-galang, hindi lamang sa harap ng Panginoon, ngunit sa harap din ng mga tao.
22 Ipinapadala rin namin kasama nila ang isa pang kapatid. Siya ay madalas naming nasubok, at napatunayan naming siya ay masigasig sa maraming gawain. Siya ay higit na masipag na ngayon dahil sa matibay na paniniwala niya sa inyo. 23 Patungkol naman kay Tito, siya ang aking kasama at kamanggagawa sa inyo. Gayon din naman sa aming mga kapatid, sila ay ipinadala ng mga iglesia. Sila ay karangalan kay Cristo. 24 Kaya ipakita niyo sa kanila ang inyong pag-ibig, at ipakita sa mga iglesia ang dahilan ng aming pagmamalaki tungkol sa inyo.
Pinauna si Tito upang Ihanda ang Abuloy
Patuloy na ipinaaalala ni Pablo sa mga taga-Corinto na ipinagmalaki niya sa mga taga-Macedonia ang kanilang kahandaang magbigay isang taon na ang nakararaan. Mula noon, matapos mabalitaan kay Tito na napabayaan nila ito, isinusugo niya si Tito at ang mga kasama nito upang ihanda ang mga abuloy bago siya dumating, upang hindi siya mapahiya sa kaniyang pagmamalaki tungkol sa kanila, at upang ang kanilang ibibigay ay kusang-loob na maibigay, at hindi parang sapilitang kinuha mula sa mga taong sakim.
1 Tungkol naman sa ministeryo para sa mga mananampalataya, para sa akin ay kalabisan na ang sumulat pa sa inyo. 2 Alam ko ang tungkol sa inyong hangarin, na ipinagmalaki ko sa mga taga-Macedonia. Sinabihan ko sila na ang Acaya ay naghahanda na mula pa nang nakalipas na taon. Ang inyong pagiging masigasig ay nag-udyok sa karamihan sa kanila na kumilos.
3 Ngayon ipinadala ko ang mga kapatid upang ang pagmamalaki namin tungkol sa inyo ay hindi mawalan ng kabuluhan, at upang kayo ay maging handa, gaya ng aking sinabi. 4 Sa halip, kung sino man sa mga taga-Macedonia ang sumama sa akin at madatnan kayong hindi handa, mapapahiya tayo—wala akong sinabi tungkol sa inyo—dahil sa lubos na tiwala sa inyo. 5 Kaya naisip ko na kinakailangan na himukin ang mga kapatid na pumunta sa inyo at maunang gumawa ng mga kasunduan para sa kaloob na ipinangako ninyo. Ito ay para maging handa bilang isang biyaya, at hindi sapilitan.
Maghasik nang Sagana, Magbigay nang Masaya
Hinihimok ni Pablo ang mga taga-Corinto na maging bukas-palad, yamang gagantimpalaan tayo sa kabilang daigdig ayon sa ating mga gawa rito. Hinihimok niya silang magbigay nang masaya. May kapangyarihan ang Diyos na pagpalain ang kanilang mga paggawa at tustusan sila ng sapat na mga bagay ng mundong ito, kapuwa para sa kanilang sariling pangangailangan at para sa kanilang mga gawa ng kawanggawa. Ang mga natutulungan ay nagagalak, nagpapasalamat sa Diyos, at nananalangin para sa mga nagbigay.
6 Tandaan ninyo ito: kung sino man ang nagtatanim ng kaunti ay mag aani ng kaunti, at kung sino man ang nagtatanim sa layunin ng pagpapala ay aani ng pagpapala. 7 Bawat isa ay magbigay ayon sa pasiya ng kaniyang puso. Huwag siyang hayaang magbigay na may kalungkutan o napilitan. Sapagkat minamahal ng Diyos ang masayang nagbibigay. 8 At may kakayahan ang Diyos na paramihin ang bawat pagpapala para sa inyo, upang, palagi, sa lahat ng bagay, magkakaroon kayo ng lahat ng kailangan ninyo. Nang sa gayon maaari kayong gumawa ng mas maraming mabubuting bagay. 9 Ito ay gaya ng nasusulat: “Ipinamahagi niya ang kaniyang kasaganaan at ibinigay sa mahihirap. Ang kaniyang katuwiran ay magpakailanman.”
10 Ang nagbibigay ng binhi sa nagtatanim at tinapay para sa pagkain, ay magbibigay din at pararamihin ang inyong binhi para sa pagtatanim. Pararamihin niya ang ani ng inyong katuwiran. 11 Pasasaganahin niya kayo sa lahat ng paraan upang maging mapagbigay kayo. Magdadala ito ng pasasalamat sa Diyos mula sa amin. 12 Sapagkat ang pangangasiwa sa gawaing ito ay hindi lang makakatugon sa mga pangangailangan ng mga mananampalataya. Ito rin ay nagpaparami sa maraming gawaing ng pasasalamat sa Diyos.
13 Dahil sa nasubok na kayo at napatunayan ng gawaing ito, luluwalhatiin rin ninyo ang Diyos sa pagsunod sa inyong pagpapahayag sa ebanghelyo ni Cristo. Luluwalhatiin rin ninyo ang Diyos sa kasaganaan ng inyong mayamang handog sa kanila at sa bawat isa. 14 Nananabik sila sa inyo, at ipinapanalangin nila kayo. Ginagawa nila ito dahil sa napaka dakilang biyaya ng Diyos na nasa inyo. 15 Sa Diyos nawa ang lahat ng pasasalamat sa kaniyang hindi maipaliwanag na kaloob!
Nagbababala si Pablo na Kaya Niyang Maging Matapang nang Harapan
Partikular na kinakausap ngayon ni Pablo ang huwad na guro at ang mga tagasunod nito, na nanira sa kaniya sa pagsasabing maamo lamang siya kapag kaharap nila ngunit matapang sa kaniyang mga liham kapag wala siya. Bagaman wala siya roon, nakikiusap siya ngayon nang may panunuya sa mga nag-aakusa sa kaniyang namumuhay ayon sa laman na huwag siyang bigyan ng dahilan upang patunayan ang kaniyang katapangan kapag kaharap na nila siya. Ipinahahayag niya ang mga pambihirang kapangyarihang ibinigay sa kaniya ng Diyos upang ibagsak ang lahat ng sumasalungat sa ebanghelyo, at iginigiit niyang handa siyang ipakita ang kaniyang mahimalang kapangyarihan upang parusahan ang pagsuway sa sandaling maging ganap ang pagsunod ng mga nagsisisi sa kanila.
1 Akong si Pablo, ay nananawagan sa inyo, sa kababaang loob at kahinahunan ni Cristo. Ako ay mapagpakumbaba kapag ako ay nasa harap ninyo, ngunit matapang ako sa inyo kapag nasa malayo ako. 2 Nakikiusap ako sa inyo na, kapag ako ay nasa harapan ninyo, hindi ko kailangang maging matapang at malakas ang loob. Ngunit naisip ko na kailangan kong maging matapang kapag sinagot ko ang mga nag-aakala na namumuhay kami ng naaayon sa laman.
3 Bagaman kami ay namumuhay sa laman, hindi kami nakikipaglaban ayon sa laman. 4 Dahil ang aming sandata sa aming pakikipaglaban ay hindi makalaman. Sa halip, mayroon silang dakilang kapangyarihan para wasakin ang mga kuta. Dinadala nila sa wala ang mga maling pangangatuwiran. 5 Winawasak din namin ang bawat pagmamataas laban sa kaalaman tungkol sa Diyos. Binibihag namin ang lahat ng kaisipan para sa pagsunod kay Cristo. 6 At naghahanda kami upang parusahan ang bawat gawain ng pagsuway, hanggang sa ang inyong pagsunod ay maging ganap.