Sinasaway ni Pablo ang Paghatol Batay sa Panlabas na Anyo
Sinisisi ni Pablo ang huwad na guro dahil sa paghatol batay sa panlabas na anyo. Hinihiling din niyang kilalanin siya bilang ministro ni Cristo, at ipinagmamalaki ang kapangyarihang ibinigay sa kaniya upang patibayin sila. Muli niyang binabanggit nang may panunuya ang mapanirang mga ulat ng kaniyang kalaban, at hinihimok niya itong maghinuha, mula sa mga epekto ng kapangyarihan ni Pablo na nakita na habang wala siya sa pagpaparusa sa lalaking nakikiapid sa sariling kamag-anak, na magiging gayon din kalaki ang kapangyarihang ito kapag kaharap na nila siya.
A.D. 58
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
7 Tingnan ninyo kung ano ang maliwanag na nasa inyong harapan. Kung sino man ang naniwala na siya ay kay Cristo, sana ay paalalahanan niya ang kaniyang sarili na kung siya ay kay Cristo, ganoon din kami. 8 Dahil kahit na ako ay para bang nagmamalaki ng labis tungkol sa aming kapangyarihan, na ibinigay ng Panginoon sa amin upang kayo ay pagtibayin at hindi upang kayo ay wasakin, hindi ako mahihiya.
9 Ayaw kong ipakita na tinatakot ko kayo sa aking mga sulat. 10 Dahil sinasabi ng ibang tao, “Ang kaniyang mga sulat ay mahalaga at makapangyarihan, ngunit ang kaniyang katawan ay mahina. Ang kaniyang mga salita ay hindi karapat-dapat na pakinggan.” 11 Hayaan nating malamanng mga taong ito na kung ano ang sinasabi namin sa sulat kung kami ay nasa malayo, ay gagawin rin namin kung kami ay nariyan.
Pagmamalaki sa Loob ng mga Hangganang Itinakda ng Diyos
Sa pagpapatuloy ng kaniyang panunuya, ipinahahayag ni Pablo na hindi siya nangangahas na ihambing ang sarili sa huwad na guro, na ang sarili lamang ang ginagawang pamantayan at pinupuri ang sarili dahil sa kaniyang nagawa sa Corinto. Sa kabaligtaran, nais lamang ni Pablo na magalak sa loob ng mga hangganang itinakda ng Diyos para sa kaniya, na bilang pagsunod dito ay nakarating na siya sa mga taga-Corinto. Tumanggi siyang ipagmalaki ang mga pagpapagal ng ibang tao, gaya ng huwad na guro, at umaasa siyang maipangaral ang ebanghelyo sa mga lupaing hindi pa ito naipapangaral. Sapagkat hindi ang nagmamalaki sa gawa ng iba ang sinasang-ayunan, kundi ang nangangaral para sa kaluwalhatian ng Diyos at tumatanggap ng papuri ng Diyos, na ipinakikita sa pamamagitan ng mga kaloob ng Espiritu.
12 Hindi namin gustong ibukod ang aming mga sarili o ikumpara ang aming mga sarili sa mga pumupuri sa kanilang mga sarili. Ngunit kung susukatin man nila ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng bawat isa at ikumpara ang kanilang mga sarili sa bawat isa, wala silang mga alam. 13 Gayon man, kami ay hindi magmamalaki ng higit sa nararapat. Sa halip, gagawin lang namin sa hangganan na itinakda sa amin ng Diyos, na umabot hanggang sa inyo. 14 Sapagkat hindi kami naging palalo sa aming mga sarili nang kami ay pumunta sa inyo. Kami ang naunang pumunta sa inyo para sa ebanghelyo ni Cristo.
15 Hindi kami nagmamalaki ng labis tungkol sa mga gawain ng iba. Sa halip, umaasa kami na kasabay ng paglago ng inyong pananampalataya ay mas lalo pang lalawak ang lugar ng ating gawain, at nananatili sa dapat nitong hangganan. 16 Umaasa kami para dito, upang maaari naming ipangaral ang ebanghelyo kahit na sa mga rehiyon na lampas sa inyo. Hindi namin ipagmamalaki ang tungkol sa gawain na ginagawa sa lugar ng iba.
17 “Ngunit hayaan ang nagmamalaki, na magmalaki sa Panginoon.” 18 Sapagkat hindi ang sinasang-ayunan ng kanyang sarili ang sasang-ayunan. Sa halip, siya na sinasang-ayunan ng Panginoon.
Nangangamba si Pablo na Naililigaw ang mga taga-Corinto
Dahil inakusahan siyang pinupuri ang sarili, nakikiusap si Pablo sa mga taga-Corinto na pagtiisan ito sa pagkakataong ito, sapagkat nangangamba siyang ang mga nahikayat niya kay Cristo ay nailayo na sa kaniya ng huwad na guro. Inaasam niyang iharap sila sa paghuhukom bilang isang dalisay na birhen sa asawang ipinangako sa kanila. Ikinakatuwiran niya na kung ang kanilang tinatawag na apostol ay nangaral sa kanila ng ibang Tagapagligtas o ebanghelyo, o nagbigay sa kanila ng ibang Espiritu, maaari nilang pagtiisan ang kaniyang mga pag-aangkin. Ipinagtitibay niyang kapantay siya ng mga pangunahing apostol ni Cristo, at bagaman hindi bihasa sa pananalita, naipakita niya sa kanila na hindi siya nagkukulang sa kaalamang kailangan ng isang lingkod ng ebanghelyo.
1 Ninanais ko na pagtiyagaan ninyo ako sa ilan sa aking kamangmangan. Ngunit ako nga ay inyong pinagtitiyagaan! 2 Sapagkat ako ay naninibugho sa inyo. Ako ay may maka-diyos na panibugho sa inyo sapagkat ipinangako ko kayo na mapangasawa ng isang lalaki. Ako ay nangako na ihaharap kayong dalisay na birhen kay Cristo.
3 Ngunit ako ay natatakot na baka katulad ni Eba, kayo ay malinlang ng ahas sa kaniyang pagiging tuso, at ang inyong kaisipan ay maaring mailayo sa tapat at dalisay na pananalig kay Cristo. 4 Sapagkat ipagpalagay na may dumating at ipahayag ang ibang Jesus liban sa aming ipinangaral. O ipagpalagay na kayo ay tumanggap ng ibang espiritu liban sa inyong tinanggap. O ipagpalagay na kayo ay tumanggap ng ibang ebanghelyo liban sa inyong tinanggap. Labis na ninyong pinapayagan ang mga ganitong bagay!
5 Sapagkat sa tingin ko, hindi ako ang pinakamababa sa mga tinatawag na pinakamagagaling na mga apostol. 6 Ngunit kahit na ako ay hindi nagsanay sa pananalita, ako ay hindi kapos sa kaalaman. Sa bawat pagkakataon at sa lahat ng bagay pinaalam namin ito sa inyo.
Bakit Hindi Tumanggap ng Bayad si Pablo mula sa Corinto
Ipinaliliwanag ni Pablo kung bakit ayaw niyang tumanggap ng suporta mula sa mga taga-Corinto. Ipinahahayag niyang hindi ito dahil sa kawalan ng kabaitan, gaya ng ipinahihiwatig ng kaniyang mga kaaway, kundi dahil sa pagmamahal niya sa kanila, at upang hindi maangkin ng huwad na guro na nagpapagal si Pablo para sa makamundong pakinabang. Layunin din nitong pilitin ang huwad na guro, na palihim na tumatanggap ng mga kaloob, na talikuran ang kaugaliang iyon at sundin ang halimbawa ni Pablo. Yamang si Satanas mismo ay nag-aanyong anghel ng liwanag, hindi dapat ikagulat na inaangkin ng mga lingkod ni Satanas ang katungkulan ng mga lingkod o apostol ni Cristo.
7 Ako ba ay nagkasala sa pagpapakababa ko sa aking sarili upang kayo ay maitaas? Sapagkat itinuro ko sa inyo ang mabuting balita ng Diyos ng walang bayad. 8 Ninakawan ko ang ibang mga iglesia sa pamamagitan ng pagtanggap ko ng kanilang tulong upang kayo ay aking mapaglingkuran. 9 Noong ako ay na sa inyo at nangangailangan, hindi ako naging pabigat sa kahit na sino. Sapagkat ang aking mga pangangailangan ay tinugunan ng mga kapatid na galing sa Macedonia. Sa lahat ng bagay iniwasan ko na maging pabigat sa inyo at ipagpapatuloy kong gawin iyon. 10 Gaya ng katotohanan ni Cristo na nasa akin, ang pagmamayabang kong ito ay hindi mapatatahimik sa mga bahagi ng Acaya. 11 Bakit? Dahil ba hindi ko kayo mahal? Alam ng Diyos na kayo ay aking minamahal.
12 Ngunit ang aking ginagawa, ay gagawin ko rin. Gagawin ko ito upang maputol ang pagkakataon ng mga nagnanais ng pagkakataon na maging katulad namin sa kanilang mga pinagmamayabang. 13 Sapagkat ang mga ganoong tao ay hindi totoong apostol at mapanlinlang na mga manggagawa. Sila ay nagpapanggap na mga apostol ni Cristo. 14 At ito ay hindi na nakakagulat sapagkat kahit si Satanas ay nagpanggap na isang anghel ng liwanag. 15 Ito ay hindi labis na nakagugulat kung ang kaniyang mga alagad ay nagbabalat kayo rin na mga alagad ng katuwiran. Ang kanilang kapalaran ay kung ano ang nararapat sa kanilang mga gawa.
Ipinagmamalaki ni Pablo ang Kaniyang mga Pagpapagal at Pagdurusa
Muling nakikiusap si Pablo sa mga taga-Corinto na pagtiisan ang kaniyang pagmamapuri. Yamang ang mga hindi apostol ay nagmamalaki ayon sa laman, kailangan din niyang ipagmalaki ang kaniyang pagtutuli at angkan bilang Judio upang ipagtanggol ang kaniyang pagkatao bilang apostol. Ipinakikita niyang labis na pinagtiisan ng mga taga-Corinto ang mapaniil na pamamalakad ng iba, at inilalarawan niya ang pakikitungo sa kanila ng huwad na guro. Laban sa paratang na siya ay may mababang pinagmulan, mahina, at hindi karapat-dapat maging apostol, ipinagtitibay niyang kung may dahilan ang sinuman para magmalaki, mayroon din siya. Inihahambing niya ang sarili sa huwad na guro sa mga bagay na ito, at ipinakikita ang kaniyang kahigitan sa pamamagitan ng pagtukoy sa kaniyang mga pagpapagal at pagdurusa, at sa kaniyang matinding malasakit sa mga iglesya at sa bawat isa, na nakikiramay sa mahihina at masigasig na gumagawa upang maibalik ang mga nailigaw. Ipinagmamalaki niya ang kaniyang kahinaan, lalo na ang kaniyang pagtakas mula sa Damascus, upang maipakita ang kapangyarihan ng Diyos.
16 Sinasabi ko ulit: Huwag isipin ng kahit na sino man na ako ay mangmang. Ngunit kung ganoon nga ang inyong iniisip, tanggapin ninyo ako tulad ng isang mangmang upang ako ay makapagyabang ng kaunti. 17 Ang aking sinasabi tungkol sa mayabang na lakas ng loob na ito ay hindi pinapayagan ng Panginoon ngunit ako ay nagsasalita tulad ng isang mangmang. 18 Dahil maraming tao ang nagyayabang na naaayon sa laman, ako rin ay magyayabang. 19 Sapagkat masaya ninyong pinagtitiyagaan ang mga mangmang. Kayo mismo ay matatalino! 20 Sapagkat pinagtityagaan ninyo ang umaalipin sa inyo, kung siya ay nagdudulot ng pagkakabaha-bahagi sa inyo, kung siya ay nanlalamang sa inyo, kung siya ay nagyayabang, o sinampal niya kayo sa mukha. 21 Nahihiya kong sasabin na kami ay labis na mahihina para gawin iyon. Ngunit kung magyayabang—ang iba ako ay nagsasalita na tulad ng isang mangmang—ako rin ay magyayabang. 22 Sila ba ay mga Hebreo? Ako rin. Sila ba ay mga Israelita? Ako rin. Sila ba ay mula sa kaapu-apuhan ni Abraham? Ako rin. 23 Sila ba ay mga alagad ni Cristo? (Ako ay nagsasalita na para bang ako ay wala sa aking tamang pag-iisip.) Lalong lalo na ako. Ako ay higit na nakaranas ng mabigat na trabaho, sa mas maraming bilangguan, nakaranas ng hindi mabilang na pamamalo, humarap sa panganib ng kamatayan. 24 Mula sa mga Judio nakatanggap ako ng limang “apatnapung latigo binawasan ng isa”. 25 Tatlong beses akong pinalo ng tungkod. Minsang binato. Tatlong beses na nawasak ang barko na aking sinasakyan. nakaranas akong magdamag at buong araw na nasa karagatan.
26 Ako ay madalas na nasa paglalakbay, nanganib mula sa mga ilog, nanganib mula sa mga magnanakaw, nanganib mula sa aking mga kababayan, nanganib mula sa mga Gentil, nanganib sa lungsod, nanganib sa ilang, nanganib sa karagatan, nanganib mula sa mapagpanggap na mga kapatid. 27 Ako ay nakaranas ng matinding trabaho at paghihirap, mga gabi na walang tulog, madalas na nagugutom at nauuhaw, madalas na nag-aayuno, giniginaw at walang maisuot.
28 Bukod pa sa lahat ng ito, araw-araw ang panggigipit sa akin ng aking pag-aalala sa lahat ng mga iglesiya. Kung sinuman ang nanghihina, ako rin ay nanghihina? 29 Sino ang naging dahilan ng pagkahulog ng isa sa kasalan, na hindi ako nagalit?
30 Kung ako ay magyayabang. Ako ay magyayabang tungkol sa mga nagpapakita ng aking kahinaan. 31 Ang Diyos at ang Ama ng Panginoong Jesus, siya na pinupuri magpakailanman, alam niya na hindi ako nagsisinungaling! 32 Sa Damascus, ang gobernador sa ilalim ni haring Aretas ay binabantayan ang lungsod ng Damasco upang ako ay huliin. 33 Ngunit ako ay ibinaba sa bintana sa pader gamit ang basket at ako ay nakatakas mula sa kaniyang mga kamay.