Ang mga Pangitain at Pahayag kay Pablo
Ipinahahayag ni Pablo na kung mapipilitan siyang magmalaki alang-alang sa kanila, ipagmamalaki niya ang mga pahayag at pangitaing tinanggap niya. Para sa kaniyang sarili, determinado siyang ang kaniyang kahinaan at mga pagdurusa lamang ang ipagmalaki. Bagaman lubos na totoo ang maaari niyang ipagmalaki, pinipigil niya ang sarili upang walang sinumang magkaroon ng napakataas na pagtingin sa kaniya.
A.D. 58
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
1 Dapat akong magyabang, ngunit walang mapapala dito. Ngunit ako ay magpapatuloy sa mga pangitain at mga pahayag na mula sa Panginoon. 2 Ako ay may kilalang tao kay Cristo, labing apat na taon na ang nakararaan—kung sa katawan o hindi sa katawan, hindi ko alam, alam ng Diyos— na dinala sa ikatlong langit. 3 At alam ko na ang taong ito—kung sa katawan o hindi sa katawan, hindi ko alam, alam ng Diyos— 4 na dinala sa paraiso at narinig ang mga bagay na labis na sagrado na sabihin ng kahit na sino.
5 Para sa tulad ng tao na iyon ako ay magyayabang. Ngunit para sa akin hindi ako magyayabang, maliban sa aking mga kahinaan. 6 Kung gusto kong magyabang, hindi ako magiging mangmang sapagkat sasabihin ko ang katotohanan. Ngunit pipigilan kong magmayabang upang walang mag-isip na ako ay higit sa kung anong nakikita sa akin o naririnig mula sa akin.
Ang Kapangyarihan ng Diyos ay Nagiging Ganap sa Kahinaan
Iginigiit ni Pablo na ang kaniyang karamdaman sa katawan, na dahil dito ay nilait siya ng pangkat na kumakalaban sa kaniya, ay ipinadala ng Diyos upang hindi siya labis na magmataas dahil sa maluwalhating mga pahayag na ipinagkaloob sa kaniya. Hindi ito aalisin, sapagkat nagiging ganap ang kapangyarihan ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang kahinaan. Dahil dito, nagagalak siya sa mga pag-uusig, kahinaan, at mga katulad nito, sapagkat habang lalo siyang nanghihina, lalo siyang pinalalakas ng biyaya ng Diyos na nananahan sa kaniya. Ang asal ng mga taga-Corinto ang pumilit sa kaniyang magmalaki, labag sa kaniyang kalooban. Dapat sana nilang ipinagtanggol ang kaniyang pagkaapostol, yamang alam nilang hindi siya nakabababa sa alinmang paraan sa mga pinakadakilang apostol.
7 Pipigilan ko rin na magmayabang dahil sa hindi pangkaraniwang uri na mga pahayag na iyon. Kung kaya, upang ako ay hindi mapuno ng pagmamalaki, isang tinik sa laman ang ibinigay sa akin, isang mensahero mula kay Satanas upang ako ay guluhin at ng ako ay hindi labis na maging mapagmataas. 8 Tatlong beses akong nagmakaawa sa Panginoon tungkol dito, para tanggalin ito sa akin. 9 At sinabi niya sa akin, “Ang aking biyaya ay sapat sa iyo, sapagkat ang kapangyarihan ay nagiging ganap sa kahinaan.” Kung kaya mas mabuti pang ipagmayabang ko ang tungkol sa aking kahinaan, upang ang kapangyarihan ni Cristo ay manahan sa akin. 10 Kung kaya ako ay nasisiyahan alang-alang kay Cristo, sa kahinaan man, sa panglalait man, sa kaguluhan man, sa pagmamalupit man, sa mga pangyayari man na nakapagbibigay ng kapighatian. Sa tuwing ako ay mahina, saka ako malakas.
11 Ako ay naging isang mangmang! Pinilit ninyo ako na gawin ito, kahit kayo sana ang dapat pumuri sa akin. Sapagkat hindi ako mababa kaysa sa mga tinatawag na matatalinong apostol na iyan, kahit na ako ay walang silbi.
Ang Nalalapit na Pagdalaw ni Pablo at ang Kaniyang mga Pangamba
Patuloy na ipinagtatanggol ni Pablo ang kaniyang pagkaapostol sa pamamagitan ng kaniyang mga himala at ng mga espirituwal na kaloob na ibinigay niya sa kanila. Itinatanong niya sa kanila kung sa anong paraan niya sila ginawang mababa kaysa sa ibang mga iglesya, maliban sa hindi siya naging pasanin sa kanila. Ipinahahayag niya ang kaniyang balak na dalawin sila at hindi pa rin maging pasanin, sapagkat bilang kanilang espirituwal na ama, hindi ang mga ari-arian ng kaniyang espirituwal na mga anak ang hinahangad niya kundi ang kanilang kaligtasan. Pinabubulaanan niya ang mga pahiwatig ng kaniyang mga kalaban na may katusuhan ang kaniyang pagtangging tumanggap ng salapi mula sa kanila, sa pamamagitan ng pagtukoy sa di-makasariling asal ni Tito at ng katulong nito. Ipinagtitibay niyang isinugo niya si Tito sa kanila hindi bilang dahilan upang hindi siya mismo pumunta (2 Corinto 1:23), kundi upang bigyan ng panahon ang mga masuwayin na baguhin ang kanilang pamumuhay. Nangangamba siyang kapag dinalaw niya sila, kailangan niyang magdalamhati dahil sa mga hindi nagsisi sa mga kasalanan at karumihang ginawa nila, at parusahan sila.
12 Ang tunay na palatandaan ng isang apostol ay ginawa sa inyo ng buong pagtitiyaga, ang mga palatandaan at mga kamangha-manghang bagay at mga dakilang gawa. 13 Kaya paanong kayo ay mas hindi pinapahalagahan kaysa sa ibang mga iglesiya, maliban na lang na ako ay hindi naging pabigat sa inyo? Patawarin ninyo ako sa ganitong kamalian!
14 Tingnan niyo! Ako ay handang pumunta sa inyo sa ikatlong pagkakataon. Ako ay hindi magiging pabigat sa inyo sapagkat hindi ko gusto ang anumang nasa inyo. Kayo ang gusto ko. Sapagkat ang mga anak ay hindi dapat mag-ipon para sa mga magulang. Sa halip, ang mga magulang ang dapat mag-ipon para sa mga anak. 15 Ako ay labis na matutuwa na gumugol at mapagod para sa inyong mga kaluluwa. Kung mahal ko kayo ng labis, dapat ba akong mahalin ng kakaunti?
16 Ngunit ganoon nga, hindi ako naging pabigat sa inyo. Ngunit dahil ako ay tuso, kayo ay aking nahuli sa pamamagitan ng panlinlang. 17 Kayo ba ay nilamangan ko sa pamamagitan ng aking mga isinugo sa inyo? 18 Pinakiusapan ko si Tito na pumunta sa inyo, at pinasama ko sa kaniya ang isang kapatid. Nilamangan ba kayo ni Tito? Hindi ba tayo lumakad sa parehong paraan?
19 Sa tingin niyo ba sa buong panahon ay ipinagtatanggol namin ang aming mga sarili sa inyo? Sa paningin ng Diyos, ayon sa kalooban ni Cristo ipinagsasabi namin ang lahat para sa inyong kalakasan. 20 Sapagkat ako ay nangangamba na baka hindi ko makita sa inyo ang aking inaasahan. Ako ay nangangamba na baka hindi niyo makita sa akin ang inyong inaasahan. Ako ay nangangamba na baka mayroong pagtatalo, pagkainggit, pagsilakbo ng galit, makasariling hangarin, usap-usapan, pagmamataas at kaguluhan. 21 Ako ay nangangamba na sa aking pagbalik, ibaba ako ng aking Diyos sa inyong harapan. Ako ay nangangamba na baka ako ay magdalamhati dahil sa maraming nagkasala noon, at sa mga hindi nagsisi mula sa karumihan at pangangalunya at kahalayan na kanilang nakaugalian.
Hindi Palalampasin ni Pablo ang mga Nagkakasala
Patuloy na tinitiyak ni Pablo sa mga taga-Corinto na sa susunod niyang pagdalaw sa kanila, hahatulan sila ayon sa patotoo ng dalawa o tatlong saksi, gaya ng itinatakda ng Kautusan at ng ebanghelyo. Ipinapaalala niya sa kanila ang dati niyang babala at ang pagpaparusa sa lalaking nagkasala ng insesto. Tinitiyak niya sa lahat ng nagkasala na at sa lahat ng nagpapatuloy sa pagkakasala na hindi rin niya sila palalampasin, lalo na dahil humihingi sila ng patunay na nagsasalita si Cristo sa pamamagitan niya; naipakita na ni Cristo ang sarili sa pamamagitan ni Pablo, hindi sa kahinaan kundi sa kalakasan, sa pamamagitan ng mga makapangyarihang gawang binigyan niya itong kakayahang gawin. Si Cristo, bagaman ipinako sa krus sa kahinaan ng kaniyang kalikasang tao, ay nabubuhay pa rin sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos. Tayo rin ay mahina sa katawan kasama niya, ngunit ipakikita ni Pablo na nabubuhay silang kasama niya sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos, na mahahayag sa pagpaparusa sa kanila.
1 Ito na ang pangatlong pagkakataon na ako ay pupunta sa inyo. “Ang bawat paratang ay dapat pagtibayin ng patotoo ng dalawa o tatlong saksi.”
2 Sinabi ko na sa mga nagkasala noon at sa lahat, noong ikalawang pagpunta ko riyan, at sasabihin kong muli: Sa aking pagbabalik, hindi ko na sila patatawarin. 3 Sinasabi ko ito sa inyo dahil kayo ay naghahanap ng katibayan na si Cristo ay nagsasalita sa pamamagitan ko. Hindi siya mahina patungkol sa inyo. Sa halip, siya ay makapangyarihan sa inyo. 4 Sapagkat siya ay naipako sa kahinaan ngunit siya ay buhay sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos. Sapagka't kami rin ay mahina ngunit kami ay mabubuhay kasama niya sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos na nasa inyo.
Inutusan ang mga taga-Corinto na Suriin ang Kanilang Sarili
Yamang nais ng pangkat na kumakalaban kay Pablo ng patunay na kasama niya si Cristo, hinihikayat niya ngayon silang suriin ang kanilang sarili at tingnan kung taglay nila ang mga espirituwal na kaloob na nagpapatunay sa presensya ni Cristo. Umaasa siyang kahit kulangin sila sa patunay na ito, hindi siya matatagpuang kulang sa mga kapangyarihang higit sa likas, kung kailangan niyang gamitin ang mga ito upang parusahan sila sa kaniyang pagdating. Nananalangin siya sa Diyos na mamuhay sila nang matuwid, sapagkat higit niyang hinahangad ang kanilang pagsisisi kaysa sa pagkakataong gamitin ang kaniyang mga patunay at ipakita ang kaniyang lakas. Ipinagtitibay niyang ang mga kapangyarihang higit sa likas ay magagamit lamang upang itaguyod ang katotohanan. Isinusulat ni Pablo ang mga bagay na ito para sa kanilang pagiging ganap, upang kapag kasama na nila siya ay hindi na kailangang gamitin nang mahigpit ang mga kapangyarihang gumawa ng himala na ibinigay sa kaniya para sa pagpapatibay ng iglesya.
5 Suriin ninyo ang inyong sarili upang makita ninyo kung kayo ay namumuhay sa pananampalataya. Subukin ninyo ang inyong mga sarili. Hindi ba ninyo napagtanto na si Jesu-Cristo ay nasa inyo? Siya ay nasa inyo maliban kung kayo ay hindi pinagtibay. 6 At ako ay nakatitiyak na kami ay makikita ninyong pinagtibay.
7 Ngayon kami ay nananalangin sa Diyos na sana kayo ay hindi gumawa ng kahit anong mali. Hindi ko pinapanalangin na kami ay lumabas na parang nakapasa sa pagsubok, sa halip, dalangin ko na sana gawin ninyo kung ano ang tama, kahit na parang hindi kami pumasa sa pagsubok. 8 Sapagka't hindi namin maaring gawin ang kahit anong laban sa katotohanan, ngunit para lamang sa katotohanan. 9 Sapagkat kami ay nagagalak kung kami ay mahina at kayo ay malakas. Dalangin din namin na kayo ay maging ganap.
10 Sinulat ko ang mga bagay na ito habang ako ay malayo sa inyo upang kung ako ay kasama na ninyo hindi ko na kailangang maging malupit sa inyo. Ayaw kong gamitin ang kapangyarihan na ibinigay sa akin ng Panginoon upang pagtibayin kayo at hindi upang kayo ay sirain.
Ang Pamamaalam at Pagpapala ni Pablo
Matapos ang kaniyang mga pagsaway sa pangkat na kumakalaban sa kaniya, kinakausap ni Pablo ang buong iglesya at binibigyan sila ng iba't ibang tagubilin. Nagtatapos siya sa mga pagbati at sa kaniyang pagpapala bilang apostol.
11 Sa wakas, mga kapatid, kayo ay magalak! Gumawa para sa panunumbalik, maging masigla, magkaisa kayo, mamuhay ng may kapayapaan. At ang Diyos ng pag-ibig at kapayapaan ay mapapasainyo.
12 Batiin ninyo ang isa't isa ng banal na halik.
13 Lahat ng mananampalataya ay binabati kayo.
14 Nawa ang biyaya ng Panginoong Jesu-Cristo, ang pag-ibig ng Diyos at ang pakikisama ng Banal na Espiritu ay sumainyo.
Bumalik si Pablo mula sa Corinto patungong Macedonia
Bumalik si Pablo mula sa Acaya at Corinto patungong Macedonia, at pinauna ang kaniyang mga kasama sa Troas.
4 Sinamahan siya hanggang sa Asia nina Sopater na anak ni Pirro mula sa Berea; Aristarco at Segundo, na mga mananampalataya na nagmula sa Tesalonica; ni Gayo na nagmula sa Derbe; Timoteo; Tiquico at Trofimo mula sa Asia. 5 Ngunit nauna ang mga kalalakihang ito at hinintay kami sa Troas