Sumulat si Pablo sa mga Romano

Sa kaniyang paglalakbay mula sa Acaya patungong Macedonia, isinulat ni Pablo mula sa Corinto ang kaniyang liham sa mga Judio at mga Gentil sa Roma. Pinatunayan niya sa mga Gentil na hindi sila maituturing na matuwid sa harap ng Diyos sa pamamagitan ng kanilang labis na pinupuring pilosopiya, ng kanilang mabuting asal, o ng liwanag ng pangangatwiran ng tao. Pinatunayan niya sa mga Judio na hindi sila maituturing na matuwid sa pamamagitan ng kanilang kaalaman sa Kautusan ni Moises o ng kanilang pagsunod dito. Ang pananampalataya kay Cristo lamang ang tanging daan ng kaligtasan para sa buong sangkatauhan, ngayon at noon pa man.

A.D. 58

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Binati ni Pablo ang mga Romano

Ipinagtitibay ni Pablo ang kaniyang kapangyarihan bilang apostol. Ipinakikita niya ang kalikasang tao ni Cristo sa pamamagitan ng pagiging inapo nito ni David, at ang kalikasan nito bilang Diyos sa pamamagitan ng muling pagkabuhay. Ipinahahayag niyang tinanggap niya mula kay Cristo ang kaniyang misyon na ipangaral ang ebanghelyo sa mga Gentil, na bumubuo sa nakararami sa iglesya sa Roma, kaya may awtoridad siyang magsalita sa kanila.

Mga Taga-Roma 1:1–7

1 Ako si Pablo, na isang lingkod ni Jesu-Cristo, tinawag upang maging apostol, at inilaan para sa ebanghelyo ng Diyos. 2 Ito ang ebanghelyo na noon pa man ay ipinangako na niya sa pamamagitan ng mga propeta sa banal na kasulatan. 3 Ito ay tungkol sa kaniyang Anak, na ipinanganak mula sa kaapu-apuhan ni David ayon sa laman. 4 Ipinahayag siya bilang Anak ng Diyos ayon sa kapangyarihan ng Espiritu ng kabanalan, sa pamamagitan ng muling pagkabuhay mula sa kamatayan, si Jesu-Cristo na ating Panginoon.

5 Sa pamamagitan niya ay natanggap namin ang biyaya at ang pagiging apostol upang magdulot ng pagsunod ng pananampalataya sa lahat ng mga bansa, alang-alang sa pangalan niya. 6 Kasama ng mga bansang ito, kayo rin ay tinawag upang maging kay Jesu-Cristo.

7 Ang liham na ito ay para sa lahat ng nasa Roma, ang mga minamahal ng Diyos, na tinawag upang maging mga taong banal. Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaan na nagmumula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.

Nananabik si Pablo na Dalawin ang mga Romano

Nagagalak si Pablo sa kanilang pananampalataya. Sinasabi niya ang matindi niyang pagnanais na dalawin sila upang mapalakas niya sila sa pamamagitan ng pagbabahagi ng isang espirituwal na kaloob, isang patunay na sa pamamagitan nito ay mapalalakas at maaaliw ni Pablo at ng mga tatanggap ng liham ang isa't isa sa pananampalataya kay Cristo. Itinalaga siyang mangaral ng ebanghelyo sa lahat ng bansa, at nais pa rin niyang ipangaral ito sa mga Romano sa tatlong dahilan. Una, pinagtitibay niya na ito ang kapangyarihan ng Diyos para sa kaligtasan ng Judio at gayundin ng Gentil. Ikalawa, sa ebanghelyo lamang nahahayag ang katuwiran ng Diyos, at ang tanging kondisyon upang maituring na matuwid at tanggapin niya ay pananampalataya, hindi mga gawa. Ikatlo, nakahihigit ang ebanghelyo sa Kautusan ni Moises, o sa liwanag o batas ng budhi, na kapuwa humahatol ng kamatayan, nang walang anumang kondisyon, sa lahat ng nagkasala.

Mga Taga-Roma 1:8–18

8 Una sa lahat, nagpapasalamat ako sa aking Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo dahil sa inyong lahat, dahil naipahayag ang inyong pananampalataya sa buong mundo. 9 Sapagkat ang Diyos ang aking saksi, na pinaglilingkuran ko sa aking espiritu sa ebanghelyo ng kaniyang Anak, kung paano ko kayo laging binabanggit sa kaniya. 10 Palagi kong hinihiling sa aking mga panalangin na sa kahit anong kaparaanan, nawa sa huli ay magtagumpay ako na makarating sa inyo ayon sa kalooban ng Diyos. 11 Sapagkat nais ko kayong makita, nang mabigyan ko kayo ng ilang espirituwal na kaloob upang kayo ay mapalakas. 12 Iyon ay, nananabik akong tayo ay magpalakasan ng loob, sa pamamagitan ng pananampalataya ng bawat isa, ang sa inyo at sa akin.

13 Ngayon hindi ko nais na hindi ninyo malaman, mga kapatid, na ilang ulit kong binalak na magpunta sa inyo, ngunit ako ay hinahadlangan hanggang ngayon. Ninais ko ito upang sa ganoon ay magkaroon ng ilang bunga sa inyo tulad din ng ibang mga Gentil. 14 May utang ako sa mga Griyego at sa mga dayuhan, sa mga marurunong at sa mga mangmang. 15 Kaya, para sa akin, handa akong ipahayag ang ebanghelyo sa inyong nasa Roma.

16 Sapagkat hindi ko ikinahihiya ang ebanghelyo, sapagkat ito ang kapangyarihan ng Diyos upang iligtas ang sinumang sumasampalataya, una ay sa Judio at gayon din sa Griyego. 17 Sapagkat dito ang katuwiran ng Diyos ay naihahayag mula sa pananampalataya hanggang sa pananampalataya, gaya ng nasusulat, “Ang matuwid ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya.”

18 Sapagkat naihayag ang poot ng Diyos mula sa langit laban sa lahat ng kasamaan at kawalan ng katuwiran ng mga tao na sa pamamagitan ng kawalan ng katuwiran ay hinahadlangan ang katotohanan.

Nakilala ng mga Gentil ang Diyos ngunit Tinalikuran Siya

Ipinakikita ni Pablo na may sapat na katibayan ang mga Gentil tungkol sa Diyos at sa kaniyang maluwalhating mga kasakdalan sa mga gawa ng paglikha. Upang ipakitang walang makakamit ng kaligtasan sa pamamagitan ng batas ng kalikasan, inililista niya ang mga bisyo ng mga Griyego, na nakaabot sa pinakamataas na antas ng kaalaman at karunungan ng tao. Iginigiit niya na nakilala nila ang Diyos ngunit itinago ang kanilang kaalaman tungkol sa kaniya, hanggang sa hindi na makita ng sarili nilang mga puso ang katotohanan at itinatag nila ang pagsamba sa nilalang sa halip na sa Lumikha. Dahil sa kanilang kaalaman tungkol sa Diyos, kumbinsido sila sa kaparusahang naghihintay sa kanilang mga krimen, ngunit nagpatuloy pa rin sila sa mga ito at hinikayat ang iba na gayundin ang gawin.

Mga Taga-Roma 1:19–32

19 Ito ay dahil ang maaaring malaman tungkol sa Diyos ay nakikita nila. Sapagkat niliwanagan sila ng Diyos. 20 Sapagkat ang kaniyang likas na hindi nakikita ay malinaw na nakikita simula pa noong likhain ang mundo. Nauunawaan ang mga ito sa pamamagitan ng mga nilikhang bagay. Ang mga likas na ito ay ang kaniyang walang hanggang kapangyarihan at ang kaniyang pagka-Diyos. Kung kaya, ang mga taong ito ay walang maidadahilan.

21 Sapagkat kahit kilala nila ang Diyos, siya ay hindi nila niluwalhati bilang Diyos, ni hindi nila siya pinasalamatan. Sa halip, naging hangal sila sa kanilang pag-iisip at nagdilim ang manhid nilang mga puso. 22 Sila ay nagmamarunong ngunit sila ay naging mga hangal. 23 Ipinagpalit nila ang kaluwalhatian ng Diyos na walang kamatayan para sa katulad ng imahe ng taong namamatay, ng mga ibon, ng mga hayop na may apat na paa, at ng mga nagsisigapang.

24 Kaya ibinigay sila ng Diyos sa pagnanasa ng kanilang puso sa karumihan, upang malapastangan ang kanilang mga katawan sa kani-kanilang sarili. 25 Sila iyong mga ipinagpalit ang katotohanan ng Diyos sa kasinungalingan, at mga sumamba at naglingkod sa nilikha sa halip na ang Lumikha, na pinupuri magpakailanman. Amen.

26 Dahil dito, ibinigay sila ng Diyos sa mga mahahalay na pagnanasa, sapagkat ipinagpalit ng kanilang mga kababaihan ang kanilang likas na kaugnayan sa kung ano ang laban sa likas, 27 Gayon din, iniwan ng mga kalalakihan ang kanilang likas na kaugnayan sa mga babae at nag-aalab sila sa kanilang pagnanasa sa kapwa lalaki. Sila ang mga lalaking gumawa ng kahalayan sa mga kapwa lalaki, at tumanggap sa kanilang sarili ng parusa na nararapat sa kanilang kabuktutan.

28 Dahil ayaw nilang magkaroon ng Diyos sa kanilang kamalayan, hinayaan niya sila sa mahahalay na pag-iisip, upang gawin nila ang mga bagay na hindi nararapat. 29 Napuno sila ng pawang kawalan ng katuwiran, kasamaan, kasakiman at kahalayan. Puno sila ng inggit, pagpatay, pag-aawayan, pandaraya at mga masasamang hangarin. 30 Sila ay mga tsismoso, mga mapanirang puri at nasusuklam sa Diyos. Sila ay mararahas, mayayabang, at mapagmataas. Mga manlilikha sila ng kasamaan at suwail sa mga magulang. 31 Wala silang pang-unawa, hindi mapagkakatiwalaan, walang pagmamahal at walang awa.

32 Nauunawaan nila ang mga tuntunin ng Diyos, na ang mga gumagawa ng ganoong mga bagay ay karapat-dapat sa kamatayan. Ngunit hindi lamang nila ginagawa ang mga ganitong bagay, sumasang-ayon din sila sa iba na gumagawa nito.

Nagkasala Rin ang mga Judio ng Gayunding mga Kasalanan

Alam na alam ni Pablo kung gaano kahanda ang mga Judio na makiisa sa paghatol sa mga Gentil dahil sa kanilang mga kasalanan. Sinisikap niya ngayong kumbinsihin ang mga Judio na makasalanan sila, at ipinahahayag na nagkasala rin sila ng gayunding mga krimen. Kinikilalang totoo ang hatol ng Diyos laban sa gayong mga krimen, na nakasaad sa sarili nilang Kautusan, at lahat ng gumagawa ng mga ito, Judio man o Gentil, ay hindi makatatakas sa panghuling paghatol ng Diyos.

Mga Taga-Roma 2:1–3

1 Kaya wala kang maidadahilan, ikaw tao, ikaw na humahatol, sapagkat kung ano ang hatol mo sa iba, iyon ang hatol mo sa iyong sarili. Sapagkat ikaw na humahatol ay gumagawa din ng ganoong mga bagay. 2 Ngunit alam natin na ang hatol ng Diyos ay ayon sa katotohanan kapag ito ay bumaba sa mga gumagawa ng ganoong mga bagay. 3 Ngunit isipin mo ito, ikaw tao, ikaw na humahatol sa mga gumagawa ng mga bagay na ganoon, kahit na ginagawa mo rin ang ganoong mga bagay. Makatatakas ka ba sa hatol ng Diyos?

Pantay na Hinahatulan ng Diyos ang Judio at Griyego

Binabalaan ni Pablo ang mga Judio na magdaragdag sa kanilang kaparusahan ang kanilang mga pribilehiyo kung hindi sila magsisisi. Itinatanggi niyang may pagtatangi sa pagitan ng mga Judio at mga Gentil sa paghatol ng Diyos, at pinagtitibay niyang ang gayunding mga kaparusahan at mga gantimpala ay pantay na ibibigay sa Judio at sa Griyego, sapagkat walang kinikilingan ang Diyos.

Mga Taga-Roma 2:4–11

4 O hinahamak mo ang yaman ng kaniyang kabutihan, ang mga naantala niyang parusa, at ang kaniyang pagtitiyaga? Hindi mo ba alam na ang kaniyang kabutihan ay siyang aakay sa iyo sa pagsisisi?

5 Ngunit ayon sa lawak ng iyong katigasan at iyong pusong walang pagsisisi ay nag-iimbak ka para sa iyong sarili ng poot sa araw ng poot, iyon ay, ang araw ng paghahayag ng matuwid na paghatol ng Diyos. 6 Magbibigay siya sa bawat tao ayon sa kaniyang ginawa: 7 sa mga patuloy na gumagawa ng mga mabubuting bagay na naghangad ng papuri, karangalan at ng hindi pagkasira, bibigyan niya ng buhay na walang hanggan. 8 Ngunit para sa mga makasarili, mga taong hindi sumusunod sa katotohanan ngunit sumusunod sa kalikuan, darating ang matinding galit at poot.

9 Magdadala ang Diyos ng pagdurusa at paghihirap sa bawat kaluluwa ng taong gumagawa ng masama, una sa mga Judio at gayon din sa mga Griyego. 10 Subalit kapurihan, karangalan at kapayapaan ang darating sa mga taong gumagawa ng mabuti, una sa mga Judio at gayon din sa mga Griyego. 11 Sapagkat walang pinapanigan ang Diyos.

Hinahatulan Ayon sa Liwanag na Tinanggap ng Bawat Isa

Ipinahahayag pa ni Pablo na hahatulan ang lahat ng tao ayon sa antas ng liwanag at kaalamang tinanggap nila. Hindi ang mga Judio na nagpapahayag ng paniniwala sa Kautusan ngunit hindi tumutupad dito, kundi ang mga Gentil at ang lahat ng namumuhay ayon dito nang hindi nakatanggap ng kaalamang nahayag tungkol dito sa kalaunan, ang kalulugdan ng Diyos sa dakilang araw, kung kailan hahatulan ang lahat ng tao sa pamamagitan ng batas ng budhi at ng pananampalataya, ayon sa ebanghelyo ng Diyos.

Mga Taga-Roma 2:12–16

12 Sapagkat ang lahat ng nagkasala na wala ang kautusan ay mamamatay rin ng wala ang kautusan, at ang lahat ng nagkasala sa ilalim ng kautusan ay hahatulan ayon sa kautusan. 13 Sapagkat hindi ang mga tagapakinig ng kautusan ang matuwid sa harapan ng Diyos, kundi ang mga gumagawa ng kautusan ang mapapawalang-sala.

14 Sapagkat kapag ang mga Gentil na walang kautusan ay likas na ginagawa ang mga bagay ng kautusan, sila, ay kautusan sa kanilang mga sarili, kahit na wala sa kanila ang kautusan. 15 Sa pamamagitan nito, ipinapakita nila na ang mga gawang hinihingi ng kautusan ay nakasulat sa kanilang mga puso. Pinatotohanan din ito ng kanilang mga budhi, at pinararatangan o ipinagtatanggol sila ng kanilang isipan sa kanilang sarili 16 at pati na rin sa Diyos. Mangyayari iyan sa araw na hahatulan ng Diyos ang mga lihim ng lahat ng tao, ayon sa aking ebanghelyo, sa pamamagitan ni Jesu-Cristo.