Hindi Makapagpapawalang-sala sa Judio ang Kaalaman sa Kautusan

Ipinakikita ni Pablo na hindi makapagpapawalang-sala sa Judio ang kaalaman lamang sa relihiyon. Pinatutunayan ng hayagang paglabag dito sa asal ng mga Judiong eskriba at pinuno, na itinalagang mga guro ng bayan, na walang kapangyarihang magligtas ang Kautusan ni Moises. Pinatutunayan niya ang paratang mula sa sarili nilang mga kasulatan.

A.D. 58

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Mga Taga-Roma 2:17–24

17 Ipagpalagay na tinatawag mong Judio ang iyong sarili, nananalig sa kautusan, nagagalak nang may pagmamalaki sa Diyos, 18 nalalaman ang kaniyang kalooban at sinusubok ang mga bagay na hindi sang-ayon dito sapagkat tinuruan ka ng kautusan. 19 At ipagpalagay na ikaw ay nakatitiyak na ikaw mismo ay taga-akay ng mga bulag, isang ilaw sa mga nasa kadiliman, 20 tagapagturo ng mga mangmang, guro ng mga sanggol, at sa kautusan ay mayroon kang anyo ng kaalaman at ng katotohanan. 21 Ikaw, kung gayon, na nagtuturo sa iba, hindi mo ba tinuturuan ang iyong sarili? Ikaw na nangangaral na huwag magnakaw, nagnanakaw ka ba? 22 Ikaw na nagsasabing huwag mangangalunya, nangangalunya ka ba? Ikaw na namumuhi sa mga diyus-diyosan, ninanakawan mo ba ang mga templo? 23 Ikaw na nagagalak na may pagmamataas sa kautusan, nilalapastangan mo ba ang Diyos sa pamamagitan ng iyong paglabag sa kautusan? 24 Sapagkat “ang pangalan ng Diyos ay nilalapastangan sa mga Gentil dahil sa iyo,” tulad ng nasusulat.

Walang Kabuluhan ang Pagtutuli Kung Walang Pagsunod

Ipinakikita pa ni Pablo na walang mapapakinabang ang mga Judio sa pagtutuli, na ipinagmamalaki nila bilang tanda ng kanilang pagiging inapo ni Abraham at ng kanilang mga natatanging pribilehiyo bilang piniling bayan ng Diyos, malibang tuparin nila ang Kautusan. Sa paglabag sa Kautusan, nawala ang mga pribilehiyo ng Judio at hindi na siya nakahihigit sa Gentil na hindi tuli. Ang mga Gentil na tumutupad sa mga tungkulin ng Kautusan ay tatanggapin ng Diyos at ibibilang sa kaniyang piniling bayan. Hindi anak ni Abraham ang panlabas lamang ang pagpapahayag ng paniniwala sa relihiyon; tanging ang dalisay sa espiritu ang tunay na anak.

Mga Taga-Roma 2:25–29

25 Sapagkat tunay na pinakikinabangan mo ang pagtutuli kung sinusunod mo ang kautusan, ngunit kung ikaw ay tagalabag ng kautusan, ang iyong pagtutuli ay nagiging di pagtutuli. 26 Kung sinusunod ng taong hindi tuli ang mga hinihingi ng kautusan, hindi ba maituturing na pagtutuli ang kaniyang hindi pagtutuli? 27 At hindi ka ba hahatulan ng taong likas na hindi tuli kung tutuparin niya ang kautusan? Sapagkat nasa iyo ang mga kasulatang nasusulat at ang pagtutuli subalit tagalabag kayo ng kautusan!

28 Sapagkat hindi siya isang Judio, siya na sa panlabas lamang; hindi rin sa pagtutuli na panlabas lamang sa laman. 29 Ngunit siya ay Judio, siya na isang Judio sa panloob, at ang pagtutuli ay sa puso, sa espiritu at hindi sa titik. Ang kapurihan ng ganoong tao ay nagmumula hindi sa mga tao kundi sa Diyos.

Ang Kalamangan ng Judio at ang Katapatan ng Diyos

Ngayong nakumbinsi na ni Pablo ang mga Judio at mga Gentil na kapuwa sila makasalanan, pinabubulaanan naman niya ang mga pagkiling ng mga Judio. Ipinapasok niya sa talakayan ang isang nagtatanong kung sa anong paraan, kung gayon, higit na pinagpala ang mga anak ni Abraham kaysa sa mga Gentil. Sumasagot si Pablo, “Ipinagkatiwala sa kanila ang mismong mga salita ng Diyos.” Pagkatapos ay itinatanong ng Judio kung mapapawalang-bisa ng kanilang kawalan ng pananampalataya ang mga pangako ng Diyos, yamang hindi naniwala sa mga salitang ito ang ilan sa kanilang bansa. Bilang sagot, pinaninindigan ni Pablo na pinagtibay ng kanilang kawalan ng pananampalataya ang katotohanan at mga pangako ng Diyos, yamang nilabag ng kahinaan ng tao ang mga kondisyong pinagbabatayan ng mga pangako. Pagkatapos ay nagtatanong ang Judio, “Kung lalong ipinakikita ng kanilang kawalan ng pananampalataya ang katuwiran ng Diyos, hindi ba magiging di-makatarungan ang Diyos kung parurusahan niya sila?” Ipinakikita ni Pablo na hindi maaaring maging di-makatarungan ang Diyos, sapagkat kung gayon, paano niya mahahatulan ang sanlibutan? Inuulit ng Judio ang pangangatwiran. Tinatanggihan ito ni Pablo, at sinasabing ang gayong asal ay pagtuturo sa mga tao na gumawa ng masama upang magbunga ng mabuti. Makatarungan ang paghatol sa mga may gayong pananaw.

Mga Taga-Roma 3:1–8

1 Kung gayon, ano ang kalamangan ng Judio? At ano ang mapapakinabangan sa pagtutuli? 2 Napakarami sa anumang paraan. Una sa lahat, ipinagkatiwala sa mga Judio ang mga pahayag mula sa Diyos.

3 Ngunit paano kung walang pananampalataya ang iba sa mga Judio? Ang kawalan ng pananampalataya nila ay nagpapawalang bisa ba sa katapatan ng Diyos? 4 Hindi kailanman mangyayari. Sa halip, tapat ang Diyos kahit na ang bawat tao ay sinungaling. Gaya ng nasusulat, “Upang ikaw ay makitang matuwid sa iyong mga salita at mananaig kapag ikaw ay mahatulan.”

5 Ngunit kung ang ating pagiging hindi matuwid ang nagpapakita ng katuwiran ng Diyos, ano ang sasabihin natin? Matuwid ba ang Diyos kapag pinahihirapan tayo dahil sa poot, matuwid ba siya? Nagsasalita ako ayon sa pangangatwiran ng tao. 6 Huwag nawa ito mangyari! Sapagkat kung ganoon, paano hahatulan ng Diyos ang sanlibutan? 7 Ngunit kung ang katotohanan ng Diyos sa pamamagitan ng kasinungalingan ko ay nagbibigay ng saganang kapurihan sa kaniya, bakit pa ako hinahatulan bilang isang makasalanan? 8 Bakit hindi nalang sabihin, gaya ng walang katotohanang ulat ng iba na sinasabi daw namin, at gaya ng pinatotohanan ng iba na sinasabi namin, “Gumawa tayo ng masama, upang dumating ang kabutihan?” Ang hatol sa kanila ay makatarungan.

Kapuwa Nasa Ilalim ng Kasalanan ang mga Judio at mga Gentil

Itinatanong ngayon ng Judio kung hindi ba mas may karapatan ang mga Judio kaysa sa mga Gentil. Muling pinagtitibay ni Pablo ang nasabi na niya, na kapuwa nasa ilalim ng kasalanan ang mga Judio at mga Gentil. Pinatutunayan ang kasalanan ng mga Judio mula sa sarili nilang mga kasulatan, na tinatanggap nilang kinasihan ng Diyos. Walang sinumang maituturing na matuwid sa pamamagitan ng kautusan, maging kay Moises o sa kalikasan, na makapagbibigay lamang ng kaalaman tungkol sa kasalanan at sa hatol laban dito.

Mga Taga-Roma 3:9–20

9 Ano ngayon? Sasabihin ba nating mas mabuti tayo? Hindi sa anumang paraan. Sapagkat pinaratangan na natin ang mga Judio at Griyego, silang lahat, sa pagiging nasa ilalim ng kasalanan. 10 Ito ay gaya ng nasusulat: “Walang matuwid, wala ni isa. 11 Walang nakauunawa. Walang humahanap sa Diyos. 12 Silang lahat ay nagsilihis. Silang lahat ay naging walang silbi. Walang gumagawa ng mabuti, wala, wala kahit isa. 13 Ang kanilang lalamunan ay tulad ng isang bukas na libingan. Ang kanilang mga dila ay mayroong panlilinlang. Ang kamandag ng ahas ay nasa kanilang mga labi. 14 Ang kanilang mga bibig ay puno ng pagmumura at kapaitan. 15 Ang mga paa nila ay matutulin upang magdanak ng dugo. 16 Pagkawasak at pagdurusa ang nasa kanilang mga landas. 17 Ang mga taong ito ay walang alam sa daan ng kapayapaan. 18 Walang pagkatakot sa Diyos sa kanilang mga mata.”

19 Ngayon ay nalalaman natin na anuman ang sinasabi ng batas, ito ay sinasabi sa mga taong nasa ilalim ng batas. Ito ay upang matikom ang bawat bibig at upang ang lahat ng nasa sanlibutan ay may pananagutan sa Diyos. 20 Ito ay dahil walang laman ang mapawawalang-sala sa pamamagitan ng batas sa paningin niya. Sapagkat sa pamamagitan ng kautusan ay dumating ang kaalaman sa kasalanan.

Walang Bayad na Pinawalang-sala sa Pamamagitan ng Pananampalataya kay Jesu-Cristo

Yamang lubusang nabigo ang Kautusan na magpawalang-sala, ipinahahayag ni Pablo na ang tanging paraan ng pagpapawalang-sala ay sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo. Itinuturo ito sa Kautusan at sa mga Propeta, at pantay na iniaalok sa Judio at sa Gentil, na kapuwa nakumbinsing makasalanan sila, sapagkat walang kinikilingan ang Diyos. Ang pagpapawalang-sala ay libreng kaloob ng Diyos sa lahat, sa pamamagitan ng pananampalataya, dahil sa haing pantubos sa kasalanan at pagtubos ni Jesu-Cristo, kaya walang puwang ang anumang pagmamapuri.

Mga Taga-Roma 3:21–27

21 Ngunit ngayon, naipaalam na ang katuwiran ng Diyos ay hindi sa pamamagitan ng kautusan. Ito ay nasaksihan ng kautusan at ng mga propeta, 22 ito ay, ang katuwiran ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo para sa lahat ng mga naniniwala. Sapagkat walang pagtatangi. 23 Sapagkat ang lahat ay nagkasala at hindi nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos. 24 Sila ay napawalang-sala nang walang bayad ng dahil sa kaniyang biyaya sa pamamagitan ng katubusan na nakay Cristo Jesus.

25 Sapagkat ipinagkaloob ng Diyos si Cristo bilang pampasuyo sa pamamagitan ng pananampalataya sa kaniyang dugo. Inialay niya si Cristo, bilang patotoo sa kaniyang katarungan, dahil sa kaniyang hindi pagpansin sa mga nakaraang kasalanan 26 sa kaniyang pagtityatiyaga. Nangyari ang lahat ng ito para sa pagpapakita ng kaniyang katuwiran sa panahong ito. Ito ay upang kaniyang mapatunayan na siya ay makatarungan at upang ipakitang pinapawalang-sala niya ang sinuman dahil sa pananampalataya kay Jesus.

27 Kung gayon, nasaan ang pagmamalaki? Ito ay inihiwalay na! Sa anong batayan? Sa mga gawa? Hindi, kundi batay sa pananampalataya.

Pananampalataya Lamang ang Nagpapawalang-sala at Nagpapatibay sa Kautusan

Tinatapos ni Pablo ang pangangatwiran sa pagpapahayag na sa ilalim ng ebanghelyo, hindi maituturing na matuwid ang Judio o Gentil maliban sa pamamagitan ng pananampalataya lamang, nang walang anumang tulong mula sa mga gawa ng Kautusan. Yamang pantay ang pagtingin ng Diyos sa mga Gentil at sa mga Judio, iisang paraan ng pagpapawalang-sala ang itinakda para sa dalawa. Ang Kautusan ay pinagtitibay, o ginagawang ganap, sa pamamagitan ng pananampalataya.

Mga Taga-Roma 3:28–31

28 Kaya masasabi natin na ang isang tao ay napawalang-sala sa pamamagitan ng pananampalataya na wala ang mga gawa ng kautusan.

29 O ang Diyos ba ay Diyos ng mga Judio lamang? Hindi ba't siya rin ay Diyos ng mga Gentil? Oo, pati ng mga Gentil. 30 Kung magkagayon nga, na ang Diyos ay iisa, ipawawalang-sala niya ang pagtutuli sa pamamagitan ng pananampalataya at hindi pagtutuli sa pamamagitan ng pananampalataya.

31 Pinapawalang-bisa ba natin ang kautusan sa pamamagitan ng pananampalataya? Huwag nawang mangyari! Sa halip, pinapagtibay pa nga natin ang kautusan.